Ang Paggamit ni Jehova ng “Kamangmangan” Upang Iligtas ang Nagsisisampalataya
“Yamang, sa karunungan ng Diyos, ay hindi nakilala ng sanlibutan ang Diyos sa pamamagitan ng karunungan niyaon, minabuti ng Diyos na sa pamamagitan ng kamangmangan ng ipinangangaral ay iligtas ang nagsisisampalataya.”—1 CORINTO 1:21.
1. Sa anong diwa gagamitin ni Jehova ang “kamangmangan,” at papaano natin nalalaman na ang Diyos ay hindi nakilala ng sanlibutan sa pamamagitan ng karunungan nito?
ANO? Gagamit ba si Jehova ng kamangmangan? Hindi naman talaga! Subalit siya’y maaaring gumamit at gumagamit nga ng tila kamangmangan sa sanlibutan. Ginagawa niya iyan upang iligtas ang mga tao na kumikilala at umiibig sa kaniya. Sa pamamagitan ng karunungan nito, ang Diyos ay hindi nakilala ng sanlibutan. Ito’y nilinaw ni Jesu-Kristo nang kaniyang sabihin sa panalangin: “Amang banal, tunay na hindi ka nakikilala ng sanlibutan.”—Juan 17:25.
2. Papaano ang mga paraan ni Jehova at ang mga paraan ng sanlibutan ay tuwirang magkatulad, ngunit ano ang pinatutunayan ng mga pangyayari?
2 Ang mga salita ni Jesus ay nagpapakita na ang mga paraan ni Jehova ay naiiba sa mga paraan ng sanlibutan. Sa panlabas ay tila magkatulad ang layunin ng Diyos at ang layunin ng sanlibutang ito. Baka ang mga layon ng sanlibutang ito ay waring pinagpapala ng Diyos. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay magtatatag ng isang matuwid na pamahalaan na magdadala ng buhay na may kapayapaan, kaligayahan, at kasaganaan sa sangkatauhan sa lupa. (Isaias 9:6, 7; Mateo 6:10) Gayundin, ang sanlibutan ay humihihip ng pakakak sa kaniyang layunin na bigyan ang mga mamamayan ng kapayapaan, kasaganaan, at mabuting pamahalaan sa pamamagitan ng isang umano’y bagong sanlibutang kaayusan. Subalit ang mga layunin ng Diyos at ng sanlibutan ay hindi pareho. Ang layunin ni Jehova ay ipagbangong-puri ang kaniyang sarili bilang ang Kataas-taasang Soberano ng sansinukob. Ito’y gagawin niya sa pamamagitan ng isang makalangit na pamahalaan na lilipol sa lahat ng makalupang pamahalaan. (Daniel 2:44; Apocalipsis 4:11; 12:10) Samakatuwid, ang Diyos ay walang anumang pagkakatulad sa sanlibutang ito. (Juan 18:36; 1 Juan 2:15-17) Kaya naman ang tinutukoy ng Bibliya ay dalawang uri ng karunungan—“ang karunungan ng Diyos” at “ang karunungan ng sanlibutan.”—1 Corinto 1:20, 21.
Ang Pangunahing Kahinaan ng Makasanlibutang Karunungan
3. Bagaman ang karunungan ng sanlibutan ay waring kahanga-hanga, bakit ang ipinangako ng tao na bagong sanlibutang kaayusan ay hindi kailanman magiging kasiya-siya?
3 Sa mga taong hindi inaakay ng karunungan ng Diyos, ang karunungan ng sanlibutan ay waring kahanga-hanga. May matatayog-pakinggang pilosopyang makasanlibutan na bumibihag sa isip. Libu-libong institusyon ng matataas na edukasyon ang nagtuturo ng impormasyon buhat sa itinuturing ng marami na pinakadakilang mga kaisipan ng sangkatauhan. Malalawak na aklatan ang punung-puno ng natipong kaalaman sa loob ng daan-daang taon ng karanasan ng tao. Gayunman, sa kabila nito, ang bagong sanlibutang kaayusan na panukala ng makasanlibutang mga pinunò ay isa lamang pamamahala ng di-sakdal, tigmak-dugong, namamatay na mga tao. Kaya naman, ang kaayusang iyon ay di-sakdal, inuulit ang maraming nakaraang malalaking pagkakamali at hindi kailanman makapagtatakip ng lahat ng pangangailangan ng sangkatauhan.—Roma 3:10-12; 5:12.
4. Ang panukalang bagong sanlibutang kaayusan ay apektado ng ano, at ano ang resulta?
4 Ang panukalang bagong sanlibutang kaayusan ng tao ay apektado hindi lamang ng kahinaan ng tao kundi pati ng impluwensiya ng balakyot na mga espiritung nilalang—oo, ni Satanas na Diyablo at ng kaniyang mga demonyo. Binulag ni Satanas ang isip ng mga tao kung kaya hindi nila pinaniniwalaan “ang maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo.” (2 Corinto 4:3, 4; Efeso 6:12) Kaya naman, ang sanlibutan ay dumaranas ng sunud-sunod na karamdaman. Dahil sa pakikibaka ang sanlibutan ay nanggigipuspos at napipinsala sa kapaha-pahamak na pagtatangkang pamahalaan ang sarili na wala ang tulong ng Diyos at walang pagsasaalang-alang sa banal na kalooban. (Jeremias 10:23; Santiago 3:15, 16) Samakatuwid, gaya ng sinabi ni apostol Pablo, “hindi nakilala ng sanlibutan ang Diyos sa pamamagitan ng karunungan niyaon.”—1 Corinto 1:21.
5. Ano ang pangunahing kahinaan ng karunungan ng sanlibutang ito?
5 Ano, kung gayon, ang pangunahing kahinaan ng karunungan ng sanlibutang ito, kasali na ang mga plano nito para sa isang bagong sanlibutang kaayusan? Iyon ay ang pagwawalang-bahala ng sanlibutan sa hindi kailanman dapat ipagwalang-bahala—ang kataas-taasang soberanya ng Diyos na Jehova. Ito’y may pagmamataas na tumatangging kilalanin ang pagkasoberano ng Diyos. Sadyang kinaliligtaan ng sanlibutan si Jehova sa lahat ng mga panukala at umaasa sa sariling kakayahan at pakana. (Ihambing ang Daniel 4:31-34; Juan 18:37.) Nililiwanag ng Bibliya na “ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.” (Kawikaan 9:10; Awit 111:10) Subalit, hindi pa rin natututuhan ng sanlibutan ang pangunahing kahilingang ito ng karunungan. Samakatuwid, kung hindi sinasang-ayunan ng Diyos, papaano iyon magtatagumpay?—Awit 127:1.
Pangangaral ng Kaharian—Kamangmangan o Praktikal?
6, 7. (a) Yaong mga inaakay ng karunungan ng Diyos ay nangangaral ng ano, ngunit ano ang pagkakilala sa kanila ng sanlibutan? (b) Ayon sa kaninong karunungan nangangaral ang klero ng Sangkakristiyanuhan, at ano ang resulta?
6 Sa kabilang panig, yaong mga nakakikilala sa Diyos ay nagpapakita ng karunungan ng Diyos at napaaakay rito. Gaya ng inihula ni Jesus, sila’y nangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian . . . sa buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ang gayon bang pangangaral ay praktikal ngayon, na ang ating lupang ito ay punô ng alitan, polusyon, karalitaan, at pagdurusa ng tao? Sa makasanlibutang-marurunong ang gayong pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos ay waring kamangmangan lamang, hindi praktikal. Ang kanilang pagkakilala sa mga nangangaral ng Kaharian ng Diyos ay mistulang mga taliptip na nakaaabala sa pamahalaan at pinababagal ang pagsulong nito tungo sa pagiging isang minimithing pamahalaang pulitikal. Dito sila ay itinataguyod ng klero ng Sangkakristiyanuhan, na nangangaral ayon sa karunungan ng sanlibutang ito at hindi sinasabi sa mga tao ang kanilang kailangang malaman tungkol sa bagong sanlibutan ng Diyos at sa pang-Kahariang pamahalaan nito, bagaman ito ang pangunahing turo ni Kristo.—Mateo 4:17; Marcos 1:14, 15.
7 Ang ganitong pagkabigo ng klero ng Sangkakristiyanuhan ay itinawag-pansin ng historyador na si H. G. Wells. Siya’y sumulat: “Kapuna-puna ang lubhang pagdiriin ni Jesus sa turo na kaniyang tinatawag na Kaharian ng Langit, at ang maihahambing na di-kahalagahan nito sa paraan at turo ng karamihan ng mga relihiyong Kristiyano.” Subalit, kung ang mga tao ng salinlahing ito ay magtatamo ng buhay, sila ay kailangan munang makarinig ng tungkol sa tatag na Kaharian ng Diyos, at upang mangyari iyan may dapat mangaral ng mabuting balita tungkol doon.—Roma 10:14, 15.
8. Bakit ang pangangaral ng mabuting balita ng Diyos ang pinakapraktikal na gawain ngayon, ngunit anong hakbangin ang hindi magdudulot ng walang-hanggang kapakinabangan?
8 Ang pangangaral ng mabuting balita ng Diyos, kung gayon, ang pinakapraktikal na gawain sa ngayon. Ito ay dahilan sa nagbibigay ang balita ng Kaharian ng tunay na pag-asa na nagpapagalak sa puso ng mga tao sa mga huling araw na ito na ‘naririto na ang mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan.’ (2 Timoteo 3:1-5; Roma 12:12; Tito 2:13) Samantalang ang buhay sa sanlibutang ito ay walang katiyakan at maikli, ang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos ay walang-hanggan, sa gitna ng kagalakan, kasaganaan, at kapayapaan dito mismo sa lupa. (Awit 37:3, 4, 11) Gaya ng sinabi ni Jesu-Kristo, “ano ang pakikinabangin ng isang tao kung makamit niya ang buong sanlibutan ngunit maiwala naman ang kaniyang kaluluwa? o ano ang ibibigay ng isang tao kapalit ng kaniyang kaluluwa?” Kung maiwala ng isang tao ang karapatan sa buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos, ano ang pakikinabangin sa sanlibutang ito na lumilipas? Ang gayong kasalukuyang pagtatamasa ng isang tao ng materyal na mga bagay ay bigo, walang kabuluhan, at pumapanaw.—Mateo 16:26; Eclesiastes 1:14; Marcos 10:29, 30.
9. (a) Nang ang isang lalaking inanyayahan na maging tagasunod ni Jesus ay humiling na ipagpaliban iyon, ano ang ipinayo sa kaniya ni Jesus? (b) Papaano tayo dapat maapektuhan ng sagot ni Jesus?
9 Isang tao na inanyayahan ni Jesus na maging tagasunod niya ang nagsabi: “Payagan mo muna akong umalis at ilibing ang aking ama.” Ano ba ang ipinayo sa kaniya ni Jesus na gawin? Sa pagkaalam na ipagpapaliban ng taong iyon ang isang napakahalagang gawain upang hintayin muna na mamatay ang kaniyang mga magulang, tumugon si Jesus: “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay, ngunit yumaon ka at ibalita mo ang kaharian ng Diyos.” (Lucas 9:59, 60) Yaong mga nagpapakita ng karunungan sa pagsunod kay Kristo ay hindi makatatalikod sa pagtupad ng utos sa kanila na ipangaral ang balita ng Kaharian. Ang banal na karunungan ay nagpapadama sa kanila na ang sanlibutang ito at ang mga pinunò nito ay nakatakdang lipulin. (1 Corinto 2:6; 1 Juan 2:17) Ang mga nagtataguyod ng soberanya ng Diyos ay nakababatid na ang tanging tunay na pag-asa para sa sangkatauhan ay nakasalalay sa pakikialam at pamamahala ng Diyos. (Zacarias 9:10) Kaya bagaman yaong mga may karunungan sa sanlibutang ito ay hindi naniniwala sa Kaharian ng Diyos at ayaw nila sa makalangit na pamahalaang iyan, ang mga taong inaakay ng karunungan ng Diyos ay gumagawa ng gawaing tunay na kapaki-pakinabang sa kanilang mga kapuwa tao, inihahanda sila sa buhay na walang-hanggan sa ipinangakong bagong sanlibutan ni Jehova.—Juan 3:16; 2 Pedro 3:13.
“Kamangmangan sa mga Napapahamak”
10. (a) Nang si Saulo ng Tarso ay makumberte, anong gawain ang ginawa niya, at papaano niya kinilala ito? (b) Ano ang ikinatanyag ng sinaunang mga Griego, ngunit ano naman ang pagkakilala ng Diyos sa kanilang karunungan?
10 Si Saulo ng Tarso, na naging si Pablo na apostol ni Jesu-Kristo, ay gumawa ng nagliligtas-buhay na gawaing ito. Makatuwiran bang isipin na nang kumbertihin ni Jesu-Kristo si Saulo, Kaniyang inatasan siya na gumawa ng isang gawaing kamangmangan? Hindi ganoon ang nasa isip ni Pablo. (Filipos 2:16) Noon ang mga Griego ay itinuturing na pinakamatatalinong tao sa daigdig. Kanilang ipinagmamalaki ang kanilang dakilang mga pilosopo at mga taong pantas. Bagaman si Pablo ay nagsasalita ng Griego, hindi siya sumunod sa pilosopya at karunungan ng Gresya. Bakit? Sapagkat ang gayong karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos.a Si Pablo ay humanap ng banal na karunungan, na nagpakilos sa kaniya na mangaral ng mabuting balita sa bahay-bahay. Ang pinakadakilang Mángangarál kailanman, si Jesu-Kristo, ang nagpakita ng halimbawa at naghabilin sa kaniya na gumawa rin ng ganoon.—Lucas 4:43; Gawa 20:20, 21; 26:15-20; 1 Corinto 9:16.
11. Sa diwa, ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa atas sa kaniya na mangaral at sa karunungan ng sanlibutan?
11 Ganito ang sabi ni Pablo tungkol sa atas sa kaniya na mangaral: “Ako’y isinugo ni Kristo . . . upang humayo at mangaral ng mabuting balita, hindi sa karunungan ng mga salita, upang huwag mawalang-kabuluhan ang pahirapang tulos ng Kristo. Sapagkat ang salita tungkol sa pahirapang tulos [ang haing pantubos ni Jesus] ay kamangmangan sa mga napapahamak, ngunit sa atin na mga naliligtas ay kapangyarihan ito ng Diyos. Sapagkat nasusulat: ‘Sisirain ko ang karunungan ng marurunong, at pawawalang-kabuluhan ang talino ng matatalino.’ Nasaan ang taong marunong [gaya ng pilosopo]? Nasaan ang eskriba? Nasaan ang debatista ng sistemang ito ng mga bagay? Hindi ba ginawa ng Diyos na kamangmangan ang karunungan ng sanlibutan? Sapagkat yamang, sa karunungan ng Diyos ay hindi nakilala ng sanlibutan ang Diyos sa pamamagitan ng karunungan niyaon, minabuti ng Diyos na sa pamamagitan ng kamangmangan ng ipinangangaral ay iligtas ang nagsisisampalataya.”—1 Corinto 1:17-21.
12. Ano ang isinasagawa ni Jehova sa pamamagitan ng “kamangmangan ng ipinangangaral,” at papaano kikilos yaong mga nagnanais ng “karunungan buhat sa itaas”?
12 Bagaman parang di-kapani-paniwala, ang mga taong tinatawag ng sanlibutan na mga mangmang ang ginagamit ni Jehova bilang kaniyang mga tagapangaral. Oo, sa pamamagitan ng kamangmangan ng ministeryo ng mga mángangarál na ito, inililigtas ng Diyos yaong mga nagsisisampalataya. Isinasaayos ni Jehova ang mga bagay-bagay upang ang mga mángangarál ng “kamangmangan” na ito ay huwag luwalhatiin ang kanilang sarili, at huwag namang luwalhatiin ng ibang mga tao yaong mga kinaringgan nila ng mabuting balita. Ito ay upang “walang laman na magmapuri sa paningin ng Diyos.” (1 Corinto 1:28-31; 3:6, 7) Totoo, ang mángangarál ay gumaganap ng mahalagang bahagi, ngunit ang balita na iniatas sa kaniya na ipangaral ang gumagawa ng ikaliligtas ng isang tao kung siya ay maniniwala rito. Para sa mga nagnanais ng “karunungan buhat sa itaas” ay hindi nila hahamakin ang mensahe ng mángangarál dahilan sa waring siya’y mangmang at mababa, pinag-uusig, at nagbabahay-bahay. Sa halip, igagalang ng maaamo ang isang tagapagbalita ng Kaharian bilang isang mángangarál na inatasan ni Jehova at naparirito sa pangalan ng Diyos. Kanilang ituturing na napakahalaga ang mensahe na dala ng mángangarál nang bibigan at sa pamamagitan ng nilimbag na literatura.—Santiago 3:17; 1 Tesalonica 2:13.
13. (a) Papaano kinilala ng mga Judio at mga Griego ang pangangaral tungkol sa Kristong ibinayubay? (b) Buhat sa anong mga grupo ng mga tao hindi marami ang tinawag upang maging mga tagasunod ni Jesus, at bakit?
13 Sa pagpapatuloy ng kaniyang pagtalakay sa mga paraan ng Diyos, sinabi ni Pablo: “Kapuwa ang mga Judio ay humihingi ng mga tanda at ang mga Griego ay humahanap ng karunungan; ngunit ipinangangaral namin si Kristong ibinayubay sa tulos, sa mga Judio ay katitisuran ngunit sa mga bansa ay kamangmangan; subalit, sa mga tinawag, maging mga Judio at mga Griego, si Kristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos. Sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay lalong marunong kaysa mga tao, at ang kahinaan ng Diyos ay malakas kaysa mga tao. Sapagkat masdan ninyo ang pagkatawag niya sa inyo, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming makapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao; kundi pinili ng Diyos ang mga bagay na kamangmangan ng sanlibutan, upang hiyain niya ang marurunong na tao; at pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina ng sanlibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas.”—1 Corinto 1:22-27; ihambing ang Isaias 55:8, 9.
14. (a) Pagka tinanong tungkol sa kanilang kredensiyal, ano ang binabanggit ng mga Saksi ni Jehova? (b) Bakit tumanggi si Pablo na palugdan ang mga Griego ng anumang mga pagpaparangalan ng karunungan ng sanlibutan?
14 Nang narito sa lupa si Jesus, ang mga Judio ay humingi ng isang tanda buhat sa langit. (Mateo 12:38, 39; 16:1) Subalit tumanggi si Jesus na magbigay ng anumang tanda. Gayundin ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagpaparangalan ng anumang tulad-tanda na mga kredensiyal. Bagkus, ang kanilang binabanggit ay ang atas sa kanila na mangaral ng mabuting balita, gaya ng nakasulat sa mga talata ng Bibliya sa Isaias 61:1, 2; Marcos 13:10; at Apocalipsis 22:17. Ang sinaunang mga Griego ay humanap ng karunungan, mataas na edukasyon sa mga bagay ng sanlibutang ito. Bagaman si Pablo ay nag-aral ng karunungan ng sanlibutang ito, siya’y tumangging palugdan ang mga Griego sa pamamagitan ng pagpaparangalan niyaon. (Gawa 22:3) Ang kaniyang ginamit sa pakikipag-usap at sa pagsulat ay ang Griegong ginamit ng karaniwang mga tao, sa halip na klasikal na Griego. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto: “[Ako], mga kapatid, nang pumariyan sa inyo, ay hindi napariyan na may kagalingan sa pananalita o sa karunungan sa pagbabalita sa inyo ng banal na lihim ng Diyos. . . . Ang aking pananalita at ang aking ipinangangaral ay hindi sa nakahihikayat na mga salita ng karunungan kundi sa patotoo ng espiritu at kapangyarihan, upang ang inyong pananampalataya ay huwag doon masalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.”—1 Corinto 2:1-5.
15. Ano ang ipinaaalaala ni Pedro sa mga manlilibak ng mabuting balita, at papaano ang kasalukuyang kalagayan ay nakakatulad noong mga kaarawan ni Noe?
15 Sa mga huling araw na ito, ang mga manlilibak sa mabuting balita ng dumarating na bagong sanlibutan ng Diyos at ang napipintong wakas ng sanlibutang ito ay pinaaalalahanan ni apostol Pedro na ang sanlibutan noong kaarawan ni Noe ay “napahamak nang apawan ng tubig.” (2 Pedro 3:3-7) Sa pagharap sa kapahamakang iyon, ano ang ginawa ni Noe? Maraming tao ang nakakikilala sa kaniya bilang isa lamang manggagawa ng daong. Subalit sinasabi ni Pedro na nang pasapitin ng Diyos ang Baha sa sinaunang sanlibutan, Kaniyang “iningatan si Noe, isang mángangarál ng katuwiran, ligtas na kasama ng pito pa.” (2 Pedro 2:5) Sa kanilang makasanlibutang karunungan, ang likong mga taong yaon bago bumaha ay tiyak na nanlibak sa ipinangangaral ni Noe at tinagurian siya na mangmang, hindi makatotohanan, at di-praktikal. Sa ngayon, ang tunay na mga Kristiyano ay nakaharap sa nakakatulad na kalagayan, yamang ang ating salinlahi ay inihambing ni Jesus sa mga tao noong kaarawan ni Noe. Subalit, bagaman may mga manlilibak, ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ay hindi basta masabi lamang. Katulad ng pangangaral na ginawa ni Noe, ito’y nangangahulugan ng kaligtasan para sa mángangaral at sa mga taong nakikinig sa kaniya!—Mateo 24:37-39; 1 Timoteo 4:16.
‘Pagpapakamangmang Upang Maging Marunong’
16. Ano ang mangyayari sa karunungan ng sanlibutang ito sa Armagedon, at sino ang makaliligtas tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos?
16 Di na magtatagal, sa Armagedon, pangyayarihin ng Diyos na Jehova na lahat ng “karunungan ng marurunong” ay pumanaw. Kaniyang iwawaksi ang lahat ng “karunungan ng marurunong” na nagsipanghula kung papaanong ang kanilang bagong sanlibutang kaayusan ay magdadala ng lalong mabubuting kalagayan para sa sangkatauhan. Susunugin ng “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” ang lahat ng mapandayang mga pangangatuwiran, pilosopya, at karunungan ng sanlibutang ito. (1 Corinto 1:19; Apocalipsis 16:14-16) Ang tanging makaliligtas sa digmaang iyan at magtatamo ng buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos ay yaong mga sumusunod sa tinatawag ng sanlibutang ito na kamangmangan—oo, ang maluwalhating mabuting balita ng Kaharian ni Jehova.
17. Papaano ang mga Saksi ni Jehova ay naging ‘mga mangmang,’ at ano ang desididong gawin ng mga mángangarál ng Diyos ng mabuting balita?
17 Ang mga Saksi ni Jehova, na inaakay ng kaniyang espiritu, ay hindi nahihiya na mangaral ng tinatawag ng sanlibutan na kamangmangan. Sa halip na magsikap maging makasanlibutang-marurunong, sila’y naging ‘mga mangmang.’ Papaano? Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng gawaing pangangaral ng Kaharian upang sila’y maging marurunong, gaya ng isinulat ni Pablo: “Kung sinuman sa inyo ay nag-iisip na siya’y marunong sa sistemang ito ng mga bagay, siya’y magpakamangmang, upang siya’y maging marunong.” (1 Corinto 3:18-20) Alam ng mga mángangarál ni Jehova ng mabuting balita ang nagliligtas-buhay na kahalagahan ng kanilang pabalita at sila’y patuloy na mangangaral nito nang walang lubay hanggang sa katapusan ng sanlibutang ito at ng karunungan nito sa digmaan ng Armagedon. Di na magtatagal, ipagbabangong-puri ng Diyos na Jehova ang kaniyang pansansinukob na soberanya at magdadala ng buhay na walang-hanggan sa lahat na ngayon ay sumasampalataya at kumikilos sa “kamangmangan ng ipinangangaral.”
[Talababa]
a Sa kabila ng lahat ng pilosopikong mga debate at mga pagsusuri ng mga taong pantas ng sinaunang Gresya, ang kanilang mga isinulat ay nagpakita na sila’y walang nasumpungang tunay na batayan ng pag-asa. Sina Propesor J. R. S. Sterrett at Samuel Angus ay nagpaliwanag: “Walang literatura na may higit pang malulungkot na panaghoy sa mga kalungkutan ng buhay, sa pagkawala ng pag-ibig, sa pagkamapanlinlang ng pag-asa, at sa kalupitan ng kamatayan.”—Funk and Wagnalls New “Standard” Bible Dictionary, 1936, pahina 313.
Ano ba ang mga Sagot Mo?
◻ Ano ang dalawang uri ng karunungan?
◻ Ano ang pangunahing kahinaan ng karunungan ng sanlibutan?
◻ Bakit ang pangangaral ng mabuting balita ang pinakapraktikal na gawain?
◻ Ano ang hindi na magtatagal at mangyayari sa lahat ng karunungan ng sanlibutan?
◻ Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nahihiya na mangaral ng tinatawag ng sanlibutan na kamangmangan?
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga Griego ay humanap ng makasanlibutang karunungan at malimit na itinuturing nila na kamangmangan ang pangangaral ni Pablo