Mag-ingat sa mga Bulaang Guro!
“Magkakaroon din ng mga bulaang guro sa gitna ninyo.”—2 PEDRO 2:1.
1. Tungkol sa ano ang nilayong isulat ni Judas, at bakit binago niya ang kaniyang paksa?
TOTOONG nakagigimbal! Mga bulaang guro sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano! (Mateo 7:15; Gawa 20:29, 30) Batid ni Judas, ang kapatid sa ina ni Jesus, ang pangyayaring ito. Sinabi niya na nilayon niyang sulatan ang mga kapananampalataya “tungkol sa kaligtasan na pinanghahawakan nating lahat,” ngunit nagpaliwanag siya: “Nasumpungan kong kinakailangang sulatan kayo upang masidhing magpayo sa inyo na makipaglaban nang puspusan ukol sa pananampalataya.” Bakit binago ni Judas ang kaniyang paksa? Sapagkat, sabi niya, “mayroong mga taong nakapuslit sa loob [ng mga kongregasyon] . . . na ginagawang dahilan ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos para sa mahalay na paggawi.”—Judas 3, 4.
2. Bakit gayon na lamang ang pagkakatulad ng 2 Pedro kabanata 2 at ng Judas?
2 Lumilitaw na sumulat si Judas di-nagtagal pagkatapos isulat ni Pedro ang kaniyang ikalawang liham. Walang-alinlangang pamilyar si Judas sa liham na ito. Tiyak, nagpahayag siya ng maraming katulad na kaisipan sa kaniyang sariling mabisang liham na masidhing nagpapayo. Kaya naman, habang sinusuri natin ang 2 Pedro kabanata 2, mapapansin natin kung gaano ito kahawig ng liham ni Judas.
Masasamang Bunga ng mga Huwad na Turo
3. Anong nangyari noon ang sinabi ni Pedro na mangyayaring muli?
3 Pagkatapos himukin ni Pedro ang kaniyang mga kapatid na magbigay-pansin sa hula, sinabi niya: “Gayunman, nagkaroon din ng mga bulaang propeta [sa sinaunang Israel], kung paanong magkakaroon din ng mga bulaang guro sa gitna ninyo.” (2 Pedro 1:14–2:1) Ang bayan ng Diyos noong unang panahon ay tumanggap ng tunay na hula, ngunit kinailangan din naman nilang makipagbaka sa masasamang turo ng mga bulaang propeta. (Jeremias 6:13, 14; 28:1-3, 15) “Sa mga propeta ng Jerusalem,” isinulat ni Jeremias, “nakita ko ang kakilakilabot na mga bagay, sila’y nangangalunya at nagsisilakad sa kasinungalingan.”—Jeremias 23:14.
4. Bakit karapat-dapat puksain ang mga bulaang guro?
4 Sa paglalarawan kung ano ang gagawin ng mga bulaang propeta sa Kristiyanong kongregasyon, sinabi ni Pedro: “Ang mga ito mismo ay tahimik na magpapasok ng mapanirang mga sekta at magtatatwa maging sa may-ari [si Jesu-Kristo] na bumili sa kanila, na nagdadala ng mabilis na pagkapuksa sa kanilang mga sarili.” (2 Pedro 2:1; Judas 4) Ang pangwakas na resulta ng gayong unang-siglong sektaryanismo ay ang Sangkakristiyanuhan na gaya ng pagkakilala natin dito ngayon. Ipinakita ni Pedro kung bakit talaga namang karapat-dapat puksain ang mga bulaang guro: “Marami ang susunod sa kanilang mga gawa ng mahalay na paggawi, at dahil sa mga ito ang daan ng katotohanan ay pagsasalitaan nang may pang-aabuso.”—2 Pedro 2:2.
5. Sa ano mananagot ang mga bulaang guro?
5 Isipin ito! Dahil sa impluwensiya ng mga bulaang guro, marami na nasa mga kongregasyon ang masasangkot sa mahalay na paggawi. Ang salitang Griego na isinaling “mahalay na paggawi” ay nagpapahiwatig ng kalisyaan, kawalan ng pagpipigil, pagiging hindi disente, kalaswaan, walang-kahihiyang paggawi. Bago nito ay sinabi ni Pedro na ang mga Kristiyano ay “nakatakas na mula sa kasiraan na nasa sanlibutan sa pamamagitan ng kalibugan.” (2 Pedro 1:4) Subalit ang ilan ay babalik sa kasiraang iyon, at pangunahin nang may pananagutan ang mga bulaang guro sa mga kongregasyon! Kaya masisira ang mabuting reputasyon ng daan ng katotohanan. Anong lungkot! Tiyak, ito ay isang bagay na dapat pagtuunan ng matamang pansin ng lahat ng Saksi ni Jehova sa ngayon. Hindi natin dapat kalimutan kailanman na, depende sa ating paggawi, maaari tayong magdulot alinman ng kapurihan o kaya’y ng upasala sa Diyos na Jehova at sa kaniyang bayan.—Kawikaan 27:11; Roma 2:24.
Inihaharap ang mga Maling Turo
6. Ano ang nag-uudyok sa mga bulaang guro, at paano nila sinisikap na makuha ang kanilang gusto?
6 Isang katalinuhan na bigyang-pansin kung paano inihaharap ng mga bulaang guro ang kanilang masamang kaisipan. Sinabi muna ni Pedro na ginagawa nila iyon nang tahimik, o sa isang di-kapansin-pansin at tusong paraan. Sinabi pa niya: “May kaimbutan na pagsasamantalahan nila kayo sa pamamagitan ng mga salitang palsipikado.” Ang mga bulaang guro ay nauudyukan ng mapag-imbot na mga hangarin, gaya ng idiniin sa pagkasalin ng The Jerusalem Bible: “Sila’y buong-kasabikang magsisikap na bilhin kayo para sa kanilang sarili sa pamamagitan ng mapanirang mga talumpati.” Katulad nito, ang salin dito ni James Moffatt ay nagsasabi: “Sa kanilang kahalayan ay pagsasamantalahan nila kayo sa pamamagitan ng mga tusong argumento.” (2 Pedro 2:1, 3) Ang mga sinasabi ng mga bulaang guro ay waring kapani-paniwala sa isa na hindi alisto sa espirituwal na paraan, ngunit ang kanilang mga salita ay maingat na dinisenyo upang “bilhin” ang mga tao, anupat inaakit sila na tumupad sa mapag-imbot na layunin ng mga manlilinlang.
7. Anong pilosopiya ang naging popular noong unang siglo?
7 Walang alinlangan, ang unang-siglong mga bulaang guro ay naimpluwensiyahan ng umiiral noon na makasanlibutang kaisipan. Humigit-kumulang noong sumulat si Pedro, nagiging popular ang isang pilosopiyang tinatawag na Gnostisismo. Naniniwala ang mga Gnostiko na ang lahat ng bagay ay masama at tanging yaon lamang may kinalaman sa espiritu ang siyang mabuti. Kaya naman, sinasabi ng ilan sa kanila na hindi mahalaga kung ano man ang ginagawa ng tao sa kaniyang pisikal na katawan. Sa dakong huli, nangatuwiran sila, hindi na tataglayin ng tao ang katawang ito. Samakatuwid, ang sabi nila, ang mga kasalanan ng katawan—kasali na ang seksuwal—ay hindi mahalaga. Lumilitaw na ang gayong mga pangmalas ay nagsimulang makaimpluwensiya sa ilan na nag-aangking Kristiyano.
8, 9. (a) Anong pilipit na pangangatuwiran ang nakaapekto sa ilang unang Kristiyano? (b) Ayon kay Judas, ano ang ginagawa ng ilan sa kongregasyon?
8 Sinabi ng isang iskolar sa Bibliya na “mayroong mga kabilang sa Simbahan na nagpasama sa doktrina ng biyaya,” o “di-sana-nararapat na kabaitan.” (Efeso 1:5-7) Ayon sa kaniya, ang pangangatuwiran ng ilan ay katulad nito: “Sinasabi ba ninyo na ang [di-sana-nararapat na kabaitan] ng Diyos ay labis-labis upang mapagtakpan ang lahat ng kasalanan? . . . Kung gayo’y patuloy tayong magkasala, sapagkat maaaring pawiin ng [di-sana-nararapat na kabaitan] ng Diyos ang lahat ng kasalanan. Sa katunayan habang lalo tayong nagkakasala ay lalong marami ang pagkakataon na gumana ang [di-sana-nararapat na kabaitan] ng Diyos.” Nakarinig na ba kayo ng mas pilipit na pangangatuwiran kaysa rito?
9 Sinalungat ni apostol Pablo ang maling kaisipan tungkol sa awa ng Diyos nang magtanong siya: “Magpapatuloy ba tayo sa kasalanan, upang ang di-sana-nararapat na kabaitan ay managana?” Nagtanong din siya: “Gagawa ba tayo ng kasalanan sapagkat wala tayo sa ilalim ng batas kundi nasa ilalim ng di-sana-nararapat na kabaitan?” Sa bawat tanong ay mariing sumagot si Pablo: “Huwag nawang mangyari iyan kailanman!” (Roma 6:1, 2, 15) Maliwanag, gaya ng sinabi ni Judas, “ginagawang dahilan [ng ilan] ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos para sa mahalay na paggawi.” Gayunman, sinabi ni Pedro na para sa gayong mga tao, ‘ang pagkapuksa ay hindi natutulog.’—Judas 4; 2 Pedro 2:3.
Mga Babalang Halimbawa
10, 11. Anong tatlong babalang halimbawa ang inilaan ni Pedro?
10 Upang idiin na kikilos ang Diyos laban sa mga sadyang nagkakasala, naglaan si Pedro ng tatlong babalang halimbawa mula sa Kasulatan. Una, sumulat siya: “Ang Diyos nga ay hindi nagpigil sa pagpaparusa sa mga anghel na nagkasala.” Ang mga ito, sabi ni Judas, ay “hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako” sa langit. Naparito sila sa lupa bago ang Baha at nagkatawang-tao upang sumiping sa mga anak na babae ng mga tao. Bilang parusa sa kanilang di-wasto at di-likas na paggawi, sila’y inihagis sa “Tartaro,” o gaya ng sabi sa ulat ni Judas, sila’y “itinaan sa mga gapos na walang-hanggan sa ilalim ng pusikit na kadiliman ukol sa paghuhukom sa dakilang araw.”—2 Pedro 2:4; Judas 6; Genesis 6:1-3.
11 Sumunod, tinukoy ni Pedro ang mga tao noong panahon ni Noe. (Genesis 7:17-24) Sinabi niya na noong panahon ni Noe ay “hindi nagpigil [ang Diyos] sa pagpaparusa sa sinaunang sanlibutan . . . nang magpasapit siya ng delubyo sa isang sanlibutan ng mga taong di-maka-Diyos.” Sa wakas, sumulat si Pedro na ang Diyos ay nagtakda ng “isang parisan para sa mga taong di-maka-Diyos tungkol sa mga bagay na darating” sa pamamagitan ng “pagpapaging abo sa mga lunsod ng Sodoma at Gomorra.” Nagbigay si Judas ng karagdagang impormasyon na yaong mga indibiduwal ay ‘nakiapid nang labis-labis at sumunod sa laman sa di-likas na paggamit.’ (2 Pedro 2:5, 6; Judas 7) Ang mga lalaki ay hindi lamang nagsagawa ng bawal na pagsisiping sa mga babae kundi nagkaroon pa ng pagnanasa sa ibang lalaki, malamang na maging sa hamak na mga hayop.—Genesis 19:4, 5; Levitico 18:22-25.
12. Ayon kay Pedro, paano ginagantimpalaan ang matuwid na paggawi?
12 Subalit kasabay nito, sinabi ni Pedro na si Jehova ay tagapagbigay-gantimpala sa mga buong-katapatang naglilingkod sa kaniya. Halimbawa, inilahad niya kung paano “iningatang ligtas [ng Diyos] si Noe, isang mangangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa” nang pasapitin Niya ang Delubyo. Binanggit din niya ang tungkol sa pagliligtas ni Jehova sa “matuwid na si Lot” noong panahon ng Sodoma, anupat sinabi: “Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may maka-Diyos na debosyon mula sa pagsubok, ngunit magtaan ng mga taong di-matuwid para sa araw ng paghuhukom upang putulin.”—2 Pedro 2:5, 7-9.
Mga Gawang Nararapat sa Pagpaparusa
13. Sino ang lalo nang nakataan sa paghuhukom, at waring sa ano sila mahilig managinip?
13 Tinukoy ni Pedro yaong mga lalo nang inilaan sa paghuhukom ng Diyos, samakatuwid nga, “yaong mga sumusunod sa laman taglay ang pagnanasang dungisan ito at humahamak sa pagkapanginoon.” Halos madarama natin ang galit ni Pedro habang sinasabi niya: “Mapusok, mapaggiit-sa-sarili, hindi sila nanginginig sa mga maluwalhati kundi nagsasalita nang may pang-aabuso.” Sumulat si Judas na “ang mga taong ito, . . . na mahilig managinip, ay nagpaparungis sa laman . . . at nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa mga maluwalhati.” (2 Pedro 2:10; Judas 8) Maaaring kasali sa kanilang mga panaginip ang maruruming kaisipan tungkol sa sekso na nagpapasigla sa kanilang pagtataguyod sa imoral na pagpapalugod sa laman. Subalit sa anong diwa sila’y “humahamak sa pagkapanginoon” at nagsasalita “nang may pang-aabuso sa mga maluwalhati”?
14. Sa anong diwa ang mga bulaang guro ay “humahamak sa pagkapanginoon” at nagsasalita “nang may pang-aabuso sa mga maluwalhati”?
14 Ginagawa nila ito sa bagay na hinahamak nila ang awtoridad na hinirang ng Diyos. Ang Kristiyanong matatanda ay kumakatawan sa maluwalhating Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak at, bunga nito, pinagkalooban sila ng isang antas ng kaluwalhatian. Totoo, nagkakamali sila, gaya ni Pedro mismo, ngunit hinihimok ng Kasulatan ang mga miyembro ng kongregasyon na magpasakop sa gayong mga maluwalhati. (Hebreo 13:17) Hindi dahilan ang kanilang mga pagkukulang upang magsalita nang may pang-aabuso sa kanila. Sinabi ni Pedro na ang mga anghel ay hindi “nagdadala ng akusasyon laban sa [mga bulaang guro] sa mapang-abusong mga salita,” bagaman talaga namang karapat-dapat ito. “Subalit ang mga taong ito,” patuloy ni Pedro, “tulad ng walang-katuwirang mga hayop na likas na ipinanganak upang hulihin at puksain, dahil sa mga bagay na tungkol dito sila ay walang-alam at nagsasalita nang may pang-aabuso, ay daranas pa man din ng pagkapuksa.”—2 Pedro 2:10-13.
“Habang Nakikipagpiging sa Inyo”
15. Ano ang pamamaraan ng mga bulaang guro, at saan nila isinasagawa ang kanilang mga pang-aakit?
15 Bagaman ang masasamang taong ito ay ‘nagtuturing na isang kaluguran ang maluhong pamumuhay kung araw,’ at “mga batik at mga dungis,” sila rin naman ay mapanlinlang. Sila’y kumikilos nang “tahimik,” anupat gumagamit ng “mga salitang palsipikado,” gaya ng naunang binanggit ni Pedro. (2 Pedro 2:1, 3, 13) Kaya maaaring hindi nila hayagang hinahamon ang mga pagtatangka ng matatanda na itaguyod ang moral na mga pamantayan ng Diyos o lantarang binibigyang-daan ang kanilang seksuwal na kaluguran. Sa halip, sinabi ni Pedro na sila’y nagpapakasawa sa “walang-patumanggang kaluguran sa kanilang mga turong mapanlinlang habang nakikipagpiging sa inyo.” At sumulat si Judas: “Ito ang mga batong natatago sa ilalim ng tubig sa inyong mga piging ng pag-ibig.” (Judas 12) Oo, kung paanong ang matutulis na batong nasa ilalim ng tubig ay maaaring sumira sa pinakailalim ng isang bangka, anupat maging sanhi ng pagkalunod ng di-maingat na mga magdaragat, pinasasama ng mga bulaang guro ang mga di-maingat na kanilang mapagpaimbabaw at pakunwaring iniibig sa panahon ng “mga piging ng pag-ibig.”
16. (a) Ano ang “mga piging ng pag-ibig,” at sa anong katulad na mga tagpo maaaring kumikilos ang mga taong imoral sa ngayon? (b) Kanino nagtututok ng pansin ang mga bulaang guro, kaya ano ang dapat gawin ng gayong mga tao?
16 Ang ganitong “mga piging ng pag-ibig” ay tila mga sosyal na okasyon kapag nagtitipon ang unang-siglong mga Kristiyano upang magtamasa ng pagkain at pagsasamahan. Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nagsasalu-salo rin naman, marahil sa mga handaan sa kasal, sa mga piknik, o sa isang pagsasama-sama sa gabi. Paano maaaring gamitin ng masasamang indibiduwal ang gayong mga okasyon para mang-akit ng mga biktima? Sumulat si Pedro: “Sila ay may mga matang punô ng pangangalunya . . . , at inaakit nila ang mga kaluluwang di-matatag.” Itinututok nila ang kanilang “pusong sinanay sa kaimbutan” sa mga di-matatag sa espirituwal na hindi lubusang yumayakap sa katotohanan. Kaya maging babala ang nangyari noong panahon ni Pedro, at mag-ingat! Paglabanan ang anumang maruming mungkahi, at huwag magpalinlang sa alindog o pisikal na kagandahan ng isa na humihimok ng kahalayan!—2 Pedro 2:14.
“Ang Landas ni Balaam”
17. Ano ang naging “landas ni Balaam,” at paano ito nakaapekto sa 24,000 Israelita?
17 Ang mga “isinumpang” ito ay matagal nang nakaalam ng katotohanan. Maaaring tila aktibo pa rin sila sa kongregasyon. Ngunit sabi ni Pedro: “Sa pag-iwan sa tuwid na landas, sila ay nailigaw. Sinundan nila ang landas ni Balaam, ang anak ni Beor, na umibig sa gantimpala ng paggawa ng kamalian.” (2 Pedro 2:14, 15) Ang naging landas ni propeta Balaam ay ang magpayo ng imoral na pang-aakit para sa kaniyang sariling kapakinabangan. Sinabi niya sa Moabitang si Haring Balak na susumpain ng Diyos ang Israel kung ang bayan ay mahihikayat na gumawa ng pakikiapid. Bunga nito, marami sa bayan ng Diyos ang naakit ng mga babaing Moabita, at 24,000 ang pinaslang dahil sa kanilang kahalayan.—Bilang 25:1-9; 31:15, 16; Apocalipsis 2:14.
18. Gaano kasugid si Balaam, at ang resulta ay nagpapahiwatig ng ano para sa mga bulaang guro?
18 Binanggit ni Pedro na si Balaam ay nahadlangan nang magsalita sa kaniya ang kaniyang asno, subalit si Balaam ay labis na “umibig sa gantimpala ng paggawa ng kamalian” anupat kahit nangyari iyon, hindi siya huminto sa kaniyang “baliw na landasin.” (2 Pedro 2:15, 16) Talagang ubod-sama! Kaabahan sa sinumang tulad ni Balaam na nagtatangkang pasamain ang bayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtukso sa kanila na gumawa ng imoralidad! Namatay si Balaam dahil sa kaniyang kasamaan, anupat isang pangitain kung ano ang mangyayari sa lahat ng sumusunod sa kaniyang landas.—Bilang 31:8.
Ang Kanilang Balakyot na Pang-aakit
19, 20. (a) Sa ano itinulad ang mga taong tulad-Balaam, at bakit? (b) Sino ang inaakit nila, at paano? (c) Bakit natin masasabi na totoong balakyot ang kanilang mga pang-aakit, at paano natin maipagsasanggalang ang ating sarili at ang iba laban sa kanila?
19 Sa paglalarawan sa mga taong tulad-Balaam, sumulat si Pedro: “Ang mga ito ay mga bukal [o, mga balon] na walang tubig, at mga singaw [o, ulap] na ipinapadpad ng malakas na bagyo.” Para sa isang nauuhaw na naglalakbay sa disyerto, maaaring mangahulugan ng kamatayan ang isang tuyong balon. Hindi nakapagtataka na ‘nakataan na ang kaitiman ng kadiliman’ para sa mga katulad ng gayong bagay! “Sapagkat nagsasalita sila ng lumalabis na mga kapahayagan na walang pakinabang,” ang sabi pa ni Pedro, “at sa pamamagitan ng mga nasa ng laman at ng mahahalay na kinaugalian ay inaakit nila yaong mga tumatakas pa lamang mula sa mga tao na gumagawi sa pagkakamali.” Inaakit nila ang mga walang-karanasan sa pamamagitan ng ‘pangangako ng kalayaan sa kanila,’ sabi ni Pedro, samantalang “sila mismo ay umiiral bilang mga alipin ng kasiraan.”—2 Pedro 2:17-19; Galacia 5:13.
20 Ang mga pang-aakit ng gayong masasamang guro ay totoong balakyot. Halimbawa, baka sabihin nila: ‘Alam ng Diyos na tayo ay mahihina at natatangay ng silakbo ng damdamin. Kaya kung pagbibigyan natin ang ating sarili at paluluguran ang ating seksuwal na pagnanasa, magiging maawain ang Diyos. Kung ipahahayag natin ang ating kasalanan, patatawarin niya tayo gaya nang ginawa niya nang una tayong makaalam ng katotohanan.’ Tandaan na gumamit ang Diyablo ng halos katulad na paraan kay Eva, anupat nangako sa kaniya na maaari siyang magkasala nang hindi mapaparusahan. Sa kaso ni Eva, sinabi nito na ang pagkakasala sa Diyos ay magdudulot sa kaniya ng kaliwanagan at kalayaan. (Genesis 3:4, 5) Kung mapaharap tayo sa gayong masamang tao na nakikisama sa kongregasyon, obligasyon natin na ipagsanggalang ang ating sarili gayundin ang iba sa pamamagitan ng pagbibigay-alam ng tungkol sa gayong indibiduwal sa mga taong responsable sa Kristiyanong kongregasyon.—Levitico 5:1.
Ipinagsanggalang ng Tumpak na Kaalaman
21-23. (a) Ano ang ibubunga ng hindi pagkakapit ng tumpak na kaalaman? (b) Ano pang suliranin na tinalakay ni Pedro ang susunod na isasaalang-alang?
21 Tinapos ni Pedro ang bahaging ito ng kaniyang liham sa pamamagitan ng paglalarawan sa ibubunga ng hindi pagkakapit ng kaalaman na sa una pa’y sinabi niyang mahalaga sa “buhay at maka-Diyos na debosyon.” (2 Pedro 1:2, 3, 8) Sumulat siya: “Tunay nga kung, pagkatapos na tumakas mula sa mga karungisan ng sanlibutan sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo, sila ay muling masangkot sa mismong mga bagay na ito at madaig, ang mga huling kalagayan para sa kanila ay nagiging lalong malala kaysa sa una.” (2 Pedro 2:20) Talaga namang nakalulungkot! Iwinala ng gayong mga tao noong panahon ni Pedro ang mahalagang pag-asa ng imortal na buhay sa langit kapalit ng maiikling sandali ng seksuwal na kaluguran.
22 Kaya sinabi ni Pedro: “Lalong mabuti pa sana na hindi nila nalaman nang may-katumpakan ang landas ng katuwiran kaysa pagkatapos na malaman ito nang may-katumpakan ay tumalikod sa banal na kautusan na ibinigay sa kanila. Ang sinasabi ng totoong kawikaan ay nangyari sa kanila: ‘Ang aso ay nagbalik sa kaniyang sariling suka, at ang babaing baboy na pinaliguan sa paglulubalob sa lusak.’ ”—2 Pedro 2:21, 22; Kawikaan 26:11.
23 Ang isa pang suliranin na maliwanag na nagsimulang makaapekto sa mga unang Kristiyano ay katulad niyaong nakaaapekto sa ilan ngayon. Noon, ang ilan ay maliwanag na nagrereklamo tungkol sa waring di-pagdating ng ipinangakong pagkanaririto ni Kristo. Suriin natin kung paano tinalakay ni Pedro ang bagay na ito.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong tatlong babalang halimbawa ang binanggit ni Pedro?
◻ Paanong ang mga bulaang guro ay “humahamak sa pagkapanginoon”?
◻ Ano ang landas ni Balaam, at paano sisikapin niyaong sumusunod dito na akitin ang iba?
◻ Ano ang ibubunga ng hindi pagkakapit ng tumpak na kaalaman?
[Larawan sa pahina 16, 17]
Si Balaam ay nagsilbing isang babalang halimbawa