Sundin ang Maka-Diyos na Debosyon Bilang Bautismadong mga Kristiyano
“Datapuwat, ikaw, Oh tao ng Diyos, . . . sundin mo ang katuwiran, ang maka-Diyos na debosyon.”—1 TIMOTEO 6:11.
1. Papaano mo sasagutin ang tanong na, Ano ang pinakamahalagang araw sa iyong buhay? Bakit ganiyan ang sagot mo?
ANO ba ang pinakamahalagang araw sa iyong buhay? Kung ikaw ay isang bautismadong Saksi ni Jehova, walang pagsalang ang isasagot mo ay, ‘Aba, ang araw na ako’y bautismuhan!’ Tiyak, ang bautismo ay siyang pinakamahalagang hakbang sa iyong buhay. Ito ay isang panlabas na sagisag na ikaw ay gumawa ng isang lubos at walang-pasubaling pag-aalay kay Jehova na gawin ang kaniyang kalooban. Ang iyong bautismo ang petsa ng iyong ordinasyon bilang isang ministro ng Kataas-taasang Diyos, si Jehova.
2. (a) Papaano maipaghahalimbawa ang bautismo bilang hindi siyang huling hakbang na ginagawa mo sa iyong hakbanging Kristiyano? (b) Anong mahahalagang pangunang hakbang ang ginawa mo bago ka napabautismo?
2 Subalit, ang bautismo ba ang huling hakbang na ginagawa mo sa iyong hakbanging Kristiyano? Hindi naman! Bilang paghahalimbawa: Sa maraming bansa ang isang seremonya sa kasal ang katapusan ng isang yugto ng panahon ng pagpaplano at paghahanda (at kadalasan ng pagliligawan). Kasabay nito, ito ang pasimula ng pamumuhay na magkasama bilang mag-asawa. Sa katulad na paraan, ang iyong bautismo ang pinaka-tugatog ng isang yugto ng panahon ng paghahanda na doo’y gumawa ka ng ilang mahahalagang pangunang hakbang. Ikaw ay nagtamo ng kaalaman sa Diyos at kay Kristo. (Juan 17:3) Ikaw ay nagsimulang magsagawa ng pananampalataya kay Jehova bilang isang tunay na Diyos, kay Kristo bilang iyong Manunubos, at sa Bibliya bilang Salita ng Diyos. (Gawa 4:12; 1 Tesalonica 2:13; Hebreo 11:6) Iyong ipinakilala ang pananampalatayang iyan sa pamamagitan ng pagsisisi sa iyong dating hakbangin ng pagkilos at pagkakumberte sa isang matuwid na landasin. (Gawa 3:19) Pagkatapos ay gumawa ka ng isang pasiya na mag-alay ng iyong sarili kay Jehova na gawin ang kaniyang kalooban. (Mateo 16:24) Sa wakas, ikaw ay nabautismuhan.—Mateo 28:19, 20.
3. (a) Papaano natin maipakikilala na ang ating bautismo ang pasimula ng isang buhay na inialay sa paglilingkod sa Diyos? (b) Anong mga tanong ang bumabangon, at bakit tayo dapat maging lubhang interesado sa mga sagot?
3 Subalit, ang iyong bautismo ay hindi siyang katapusan kundi siyang pasimula ng isang buhay na inialay sa banal na paglilingkod sa Diyos. Gaya ng sabi ng isang iskolar sa Bibliya, ang buhay ng isang Kristiyano ay hindi kailangang maging ‘isang biglang kasiglahan sa simula na sinusundan ng tuluy-tuloy na panlalamig.’ Kung gayon, papaano mo maipakikilala na sa ganang iyo, ang bautismo ay hindi lamang basta ‘isang biglang kasiglahan’? Gayon nga kung ang susundin ay isang panghabambuhay na hakbangin ng maka-Diyos na debosyon. Ano nga ba itong maka-Diyos na debosyong ito? Bakit kailangan na sundin ito? Papaano mo ito mapauunlad nang lalong higit sa iyong buhay? Sa mga sagot ay dapat tayong maging lubhang interesado, sapagkat tayo’y kailangang maging mga taong nakikilala sa pamamagitan ng “mga gawang bunga ng maka-Diyos na debosyon” kung ibig nating makaligtas sa napipintong araw ng paghuhukom ni Jehova.—2 Pedro 3:11, 12.
Ang Kahulugan ng maka-Diyos na Debosyon
4. Ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ni Timoteo, at ano ang masasabi tungkol kay Timoteo nang panahong ito?
4 Noong pagitan ng 61 at 64 C.E., isinulat ni apostol Pablo ang kaniyang unang kinasihang liham sa Kristiyanong alagad na si Timoteo. Pagkatapos ilahad ang mga panganib na maaaring kahantungan ng pag-ibig sa salapi, si Pablo ay sumulat: “Datapuwat, ikaw, Oh tao ng Diyos, lumayo ka sa mga bagay na ito. Subalit sundin mo ang . . . maka-Diyos na debosyon.” (1 Timoteo 6:9-11) Kapansin-pansin, nang panahong ito si Timoteo ay marahil nasa kaniyang maagang mga taon ng 30 anyos. Siya’y nakapaglakbay na nang malawakan kasama ni apostol Pablo at binigyan na ng autoridad na humirang ng mga tagapangasiwa at ministeryal na mga lingkod sa kongregasyon. (Gawa 16:3; 1 Timoteo 5:22) Gayunman, pinayuhan ni Pablo ang bautismado, maygulang na Kristiyanong ito na sundin ang maka-Diyos na debosyon.
5. Ano ba ang ibig sabihin ng pananalitang “maka-Diyos na debosyon”?
5 Ano ba ang ibig sabihin ni Pablo ng pananalitang “maka-Diyos na debosyon”? Ang orihinal na salitang Griego (eu·seʹbei·a) ay maaaring literal na isalin na “lubhang-pagpapakundangan.” Tungkol sa kahulugan nito, ating mababasa: “Ang eusebeia ay makikita manakanaka sa diwa na nagpapahiwatig ng personal na relihiyosong debosyon sa kasalukuyang-panahong mga inskripsiyon . . . ngunit ang lalong pangkalahatang kahulugan sa popular na Griego ng panahong Romano ay ‘katapatan.’ . . . Para sa mga Kristiyano ang eusebeia ang pinakamataas na uri ng debosyon sa Diyos.” (Christian Words, ni Nigel Turner) Kaya gaya ng pagkagamit sa Kasulatan, ang pananalitang “maka-Diyos na debosyon” ay tumutukoy sa pagpapakundangan o debosyon na may kasamang katapatan sa Diyos na Jehova sa personal na paraan.
6. Papaano pinatutunayan ng isang Kristiyano ang kaniyang maka-Diyos na debosyon?
6 Gayunman, ang maka-Diyos na debosyong ito ay hindi lamang isang damdamin ng pagsamba. Kung papaanong ang “pananampalatayang walang mga gawa ay patay,” gayundin naman na ang maka-Diyos na debosyon ay kailangang makita sa buhay ng isang tao. (Santiago 2:26) Sa New Testament Words, sumulat si William Barclay: “Hindi lamang [ang eu·seʹbei·a at kaugnay na mga salita] ay nagpapahayag ng damdaming pagkasindak at pagpapakundangan, kundi ang mga ito ay nagpapahiwatig din ng pagsamba na nararapat sa pagkasindak na iyon, at ng isang buhay na may aktibong pagsunod na karapat-dapat sa pagpapakundangang iyon.” Ang eu·seʹbei·a ay may katuturan din na “isang lubhang praktikal na pagkapalaisip sa Diyos sa bawat pitak ng buhay.” (The Second Epistle General of Peter and the General Epistle of Jude, ni Michael Green) Kung gayon, kailangang patunayan ng Kristiyano ang kaniyang personal na kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng paraan ng kaniyang pamumuhay.—1 Timoteo 2:2; 2 Pedro 3:11.
Kailangan ang Puspusang Pagsisikap
7. Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang kaniyang ipayo kay Timoteo, bagaman ito’y bautismado na, na “sundin” ang maka-Diyos na debosyon?
7 Ngayon, ano ba ang nasasangkot sa pagpapaunlad at pagpapakita ng maka-Diyos na debosyon? Iyon ba ay ang pagpapabautismo lamang? Maaalaala na si Timoteo, bagaman bautismado na, ay pinayuhan na “sundin [sa literal, ‘sundin mo’]” iyon.a (1 Timoteo 6:11, Kingdom Interlinear) Maliwanag, hindi ipinahihiwatig ni Pablo na ang alagad na si Timoteo ay kulang ng maka-Diyos na debosyon. Sa halip, ikinikintal niya sa kaniya ang pangangailangan na magpatuloy ng pagsunod doon nang may kataimtiman at sigasig. (Ihambing ang Filipos 3:14.) Maliwanag, ito ay isang panghabambuhay na gawain. Si Timoteo, tulad ng lahat ng bautismadong mga Kristiyano, ay makapagpapatuloy ng pagsulong sa pagpapakita ng maka-Diyos na debosyon.
8. Papaano ipinakita ni Pedro na ang puspusang pagsisikap ay kailangan para ang isang nag-alay, bautismadong Kristiyano ay makasunod sa maka-Diyos na debosyon?
8 Ang puspusang pagsisikap ay kailangan upang ang isang nag-alay, bautismadong Kristiyano ay makasunod sa maka-Diyos na debosyon. Sa isinulat sa bautismadong mga Kristiyano na may pag-asang ‘makabahagi sa kalikasan ng Diyos,’ sinabi ni apostol Pedro: “Oo, kaya nga sa dahilang ito, sa pamamagitan ng inyong pagbibigay naman ng lahat ng masigasig na pagsisikap, ilakip sa inyong pananampalataya ang kagalingan, sa inyong kagalingan ang kaalaman, sa inyong kaalaman ang pagpipigil sa sarili, sa inyong pagpipigil sa sarili ang pagtitiis, sa inyong pagtitiis ang maka-Diyos na debosyon.” (2 Pedro 1:4-6) Maliwanag, sapat na pananampalataya ang kailangan upang maiharap ang ating sarili para sa bautismo. Gayunman, pagkatapos ng bautismo tayo’y hindi maaaring magpaanod na lamang, na nakukontento sa bahagyang pagka-Kristiyano. Bagkus, habang tayo’y nagkakaroon ng pagsulong sa pamumuhay-Kristiyano, kailangang magpatuloy tayo ng pagpapaunlad ng iba pang mabubuting katangian, kasali na ang maka-Diyos na debosyon, na maaaring mailakip sa ating pananampalataya. Ito, ang sabi ni Pedro, ay nangangailangan ng ating taimtim na pagsisikap.
9. (a) Papaanong sa salitang Griego para sa “ilakip” ay ipinaghahalimbawa ang antas ng pagsisikap na kailangan upang mapaunlad ang maka-Diyos na debosyon? (b) Ano ang ipinapayo ni Pedro na gawin natin?
9 Ang salitang Griego na ginagamit ni Pedro para sa “ilakip” (e·pi·kho·re·geʹo) ay may interesanteng kasaysayan at ipinaghahalimbawa nito ang antas ng pagsisikap na kailangan. Ito’y nanggaling sa pangngalang (kho·re·gosʹ) na literal na nangangahulugang “ang nangunguna sa isang koro.” Ito’y tumutukoy sa isa na nagbayad sa lahat ng gastos sa pagsasanay at pagmamantine sa isang koro sa pagpapalabas ng isang dula. Ang gayong mga lalaki ang kusang bumabalikat ng pananagutang ito dahil sa pag-ibig sa kanilang siyudad at sa kanilang sariling bulsa kinukuha ang ginagastos. Ipinagmamalaki ng gayong mga lalaki na sila’y gumugol ng labis upang matustusan ang lahat ng mga kinakailangan para sa isang dakilang panoorin. Ang salita ay umunlad hanggang sa nagkaroon ng kahulugan na “ilaan, ipamahaging sagana.” (Ihambing ang 2 Pedro 1:11.) Kaya sa ati’y ipinapayo ni Pedro na paglaanan ang ating sarili, hindi lamang ng isang sapat na maka-Diyos na debosyon, kundi ng posibleng lubus-lubusang kapahayagan ng mahalagang katangiang ito.
10, 11. (a) Bakit kailangan ang pagsisikap upang mapaunlad at maipakita ang maka-Diyos na debosyon? (b) Papaano tayo magtatagumpay sa labanan?
10 Subalit, bakit nga ang gayong pagsisikap ay kailangan upang mapaunlad at maipakita ang maka-Diyos na debosyon? Unang-una, kailangang labanan ang makasalanang laman. Yamang “ang hilig ng puso ng tao ay masama na mula pa sa kaniyang kabataan,” hindi madali ang sundin ang isang buhay na may puspusang pagsunod sa Diyos. (Genesis 8:21; Roma 7:21-23) “Lahat ng ibig mamuhay nang may maka-Diyos na debosyon kaisa ni Kristo Jesus ay pag-uusigin din,” ang sabi ni apostol Pablo. (2 Timoteo 3:12) Oo, ang Kristiyanong nagsisikap na mamuhay sa paraang nakalulugod sa Diyos ay kailangang mapaiba sa sanlibutan. Siya’y may naiibang sinusunod na mga pamantayan at naiibang mga layunin. Gaya ng ibinabala ni Jesus, ito’y pumupukaw ng pagkapoot ng balakyot na sanlibutan.—Juan 15:19; 1 Pedro 4:4.
11 Gayunman, tayo’y makapagtatagumpay sa labanan, sapagkat “si Jehova ay marunong magligtas buhat sa kagipitan ng mga taong may maka-Diyos na debosyon.” (2 Pedro 2:9) Gawin naman natin ang ating bahagi sa pamamagitan ng patuloy na pagsunod sa maka-Diyos na debosyon.
Pagpapaunlad ng maka-Diyos na Debosyon
12. Papaano ipinakikita ni Pedro kung ano ang kailangan upang lalong higit na mapaunlad ang maka-Diyos na debosyon?
12 Kung gayon, papaano mo lalong higit na mapauunlad ang maka-Diyos na debosyong ito? Si apostol Pedro ay nagbibigay ng pahiwatig. Sa 2 Pedro 1:5, 6, nang banggitin ang mga katangiang kailangang ilakip sa ating pananampalataya, ang kaalaman ay binanggit niya na una sa maka-Diyos na debosyon. Sa kabanata ring iyan, sa may bandang una, kaniyang isinulat: “Saganang ipinagkaloob sa akin ng kaniyang banal na kapangyarihan ang lahat ng bagay na nauukol sa buhay at sa banal na debosyon, sa pamamagitan ng tumpak na pagkakilala sa isang tumawag sa atin.” (2 Pedro 1:3) Sa gayon, ang maka-Diyos na debosyon ay iniuugnay ni Pedro sa tumpak na kaalaman o pagkakilala kay Jehova.
13. Bakit ang tumpak na kaalaman ay kailangan sa pagpapaunlad ng maka-Diyos na debosyon?
13 Sa katunayan, kung walang tumpak na kaalaman ay imposible na mapaunlad ang maka-Diyos na debosyon. Bakit? Bueno, alalahanin na ang maka-Diyos na debosyon ay may kinalaman kay Jehova sa personal na paraan at pinatutunayan ng paraan ng ating pamumuhay. Ang tumpak na kaalaman kay Jehova ay kailangan kung gayon, yamang kasangkot dito ang pagkakilala sa kaniya nang personal, nang taimtim, anupa’t lubusang nakikilala ang kaniyang mga katangian at ang kaniyang mga daan. Higit sa riyan, kasali rin ang pagsisikap na tularan siya. (Efeso 5:1) Mientras tayo’y sumusulong sa pagkatuto tungkol kay Jehova at sa pagpapakita sa ating pamumuhay ng kaniyang mga daan at mga katangian, lalo namang nakikilala natin siya. (2 Corinto 3:18; ihambing ang 1 Juan 2:3-6.) Ito, sa kabilang panig, ang nagbubunga ng lalong matinding pagpapahalaga sa mahal na mga katangian ni Jehova, ng lalong higit na saganang maka-Diyos na debosyon.
14. Upang magkamit ng tumpak na kaalaman, ano ba ang dapat kasali sa ating kaayusan ng personal na pag-aaral, at bakit?
14 Papaano mo ba nakakamit ang gayong tumpak na kaalaman? Walang mga paraan upang matamo iyon sa madaling kaparaanan. Upang makamit ang tumpak na kaalaman, tayo’y kailangang maging masigasig sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at ng mga lathalaing salig-sa-Bibliya. Ang gayong personal na pag-aaral ay dapat na may kasaling isang regular na kaayusan ng pagbabasa sa Bibliya, tulad ng iniiskedyul sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. (Awit 1:2) Yamang ang Bibliya’y isang kaloob na galing kay Jehova, ang ating ginagawang personal na pag-aaral ng Bibliya ay nagpapaaninaw ng kung gaano natin pinahahalagahan ang kaloob na iyan. Ano ba ang isinisiwalat ng iyong mga kaugalian sa personal na pag-aaral tungkol sa lalim ng iyong pagpapahalaga sa espirituwal na mga paglalaan ni Jehova?—Awit 119:97.
15, 16. (a) Ano ang makatutulong sa atin upang mapaunlad ang espirituwal na gana para sa personal na pag-aaral ng Bibliya? (b) Upang ang personal na pag-aaral ng Bibliya ay humantong sa ating pagpapaunlad ng maka-Diyos na debosyon, ano ang dapat gawin pagka bumabasa ng isang bahagi ng Salita ng Diyos?
15 Aminin natin, ang pagbabasa at pag-aaral ay hindi madali para sa ilan. Subalit kung iyong bibigyan ng panahon at pagsisikapan mo, iyong mapauunlad ang isang espirituwal na gana para sa personal na pag-aaral ng Bibliya. (1 Pedro 2:2) Kung iyong bubulay-bulayin nang may pagpapahalaga ang lahat ng nagawa na ng Diyos na Jehova, ng kaniyang ginagawa ngayon, at ng gagawin pa niya alang-alang sa iyo, ang iyong puso ay pupukaw sa iyo na alamin ang lahat ng maaari mong malaman tungkol sa kaniya.—Awit 25:4.
16 Subalit upang ang gayong personal na pag-aaral ng Bibliya ay humantong sa iyong pagpapaunlad ng maka-Diyos na debosyon, ang iyong layunin ay hindi maaaring ang pagsaklaw lamang ng mga pahina ng materyal o ang punuin lamang ng impormasyon ang iyong isip. Sa halip, pagka ikaw ay bumasa ng isang bahagi ng Salita ng Diyos, kailangang magbigay ka ng panahon sa pagbubulay-bulay sa materyal, tanungin ang iyong sarili ng mga tanong na gaya ng: ‘Ano ba ang itinuturo sa akin nito tungkol sa malumanay na mga katangian at mga lakad ni Jehova? Papaano ako magiging lalong katulad ni Jehova sa mga bagay na ito?’
17. (a) Ano ba ang ating natututuhan tungkol sa kaawaan ni Jehova buhat sa aklat ni Oseas? (b) Papaano tayo dapat maapektuhan ng pagbubulay-bulay sa kaawaan ni Jehova?
17 Isaalang-alang ang isang halimbawa. Minsan ang iniatas sa atin na babasahin sa Bibliya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nasa aklat ng Oseas. Pagkatapos na basahin iyon sa aklat na ito ng Bibliya, maaari mong tanungin ang iyong sarili: ‘Ano ba ang natutuhan ko tungkol kay Jehova bilang isang Persona—ang kaniyang mga katangian at ang kaniyang mga lakad—buhat sa aklat na ito?’ Ang paraan ng paggamit nito ng mga huling manunulat ng Bibliya ay nagpapakita na malaki ang natututuhan natin tungkol sa malumanay na kaawaan ni Jehova buhat sa aklat ni Oseas. (Paghambingin ang Mateo 9:13 at Oseas 6:6; ang Roma 9:22-26 at ang Oseas 1:10 at 2:21-23.) Ang pagkamaawain ni Jehova sa Israel ay ipinaghalimbawa sa mga pakikitungo ni Oseas sa kaniyang asawa, si Gomer. (Oseas 1:2; 3:1-5) Bagaman ang pagbububo ng dugo, pagnanakaw, pakikiapid, at idolatriya ay laganap sa Israel, si Jehova ay ‘nagsalita sa puso ni Israel.’ (Oseas 2:13, 14; 4:2) Si Jehova ay hindi obligado na magpakita ng gayong awa ngunit ginagawa niya iyon udyok ng kaniyang “sariling malayang kalooban,” kung ang mga Israelita ay magpapakita ng taus-pusong pagsisisi at hihiwalay sa kanilang makasalanang lakad. (Oseas 14:4; ihambing ang Oseas 3:3.) Habang iyong binubulay-bulay sa ganitong paraan ang pambihirang awa ni Jehova, ito ang pupukaw sa iyong puso, patitibayin ang iyong personal na kaugnayan sa kaniya.
18. Pagkatapos bulay-bulayin ang kaawaan ni Jehova gaya ng idiniriin sa Oseas, ano ang maaari mong itanong sa iyong sarili?
18 Ngunit, higit pa ang kinakailangan. “Maligaya ang mga mahabagin, sapagkat sila’y kahahabagan,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 5:7) Samakatuwid, pagkatapos bulay-bulayin ang kaawaan ni Jehova gaya ng idiniriin sa aklat ng Oseas, tanungin ang iyong sarili: ‘Papaano ko lalong matutularan ang awa ni Jehova sa aking pakikitungo sa iba? Kung isang kapatid na lalaki o babae na nagkasala o nakasakit sa akin ay humingi ng kapatawaran, ako ba ay nagpapatawad “nang masaya”?’ (Roma 12:8; Efeso 4:32) Kung ikaw ay naglilingkod na isang hinirang na matanda sa kongregasyon, maaari mong itanong sa iyong sarili: ‘Sa pakikitungo sa mga kasong kailangang pagpasiyahan, papaano lalo kong matutularan si Jehova, na “handang magpatawad,” lalo na pagka ang isang nagkasala ay nakikitaan ng tunay na ebidensiya ng taus-pusong pagsisisi?’ (Awit 86:5; Kawikaan 28:13) ‘Ano ba ang dapat kong hanapin bilang batayan ng pagpapakita ng awa?’—Ihambing ang Oseas 5:4 at 7:14.
19, 20. (a) Ano ang resulta pagka ang pag-aaral sa Bibliya ay isinasagawa sa isang lubus-lubusang paraan? (b) Ano ang isa pang tulong sa pagpapaunlad ng maka-Diyos na debosyon?
19 Anong laking kagantihan ang dulot ng iyong personal na pag-aaral ng Bibliya pagka isinagawa iyon sa isang lubus-lubusang paraan! Ang iyong puso ay aapaw sa pagpapahalaga sa mahal na mga katangian ni Jehova. At sa pamamagitan ng patuluyang pagsusumikap na tularan ang mga katangiang ito sa iyong buhay, patitibayin mo ang iyong personal na kaugnayan sa kaniya. Sa ganito’y susundin mo ang maka-Diyos na debosyon bilang isang nag-alay, bautismadong lingkod ni Jehova.—1 Tmoteo 6:11.
20 Ang isa pang tulong sa pagpapaunlad ng mahalagang katangiang ito ay masusumpungan kay Jesu-Kristo—ang sakdal na halimbawa ng maka-Diyos na debosyon. Papaanong ang pagsunod sa halimbawa ni Jesus ay tutulong sa iyo kapuwa sa pagpapaunlad at sa pagpapakita ng maka-Diyos na debosyon? Ang artikulo sa pahina 18 ang tatalakay sa tanong na ito at sa iba pang kaugnayan nito.
[Talababa]
a Tungkol sa salitang Griego na di·oʹko (“sundin”), ang The New International Dictionary of New Testament Theology ay nagpapaliwanag na sa klasikong mga kasulatan ang salita ay “nangangahulugan sa lit[eral] na habulin, sundin, tugisin, . . . at sa sim[boliko] na sundin ang isang bagay nang may sigasig, sikaping magtagumpay sa isang bagay, sikaping makamit.”
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit ang bautismo ay hindi siyang huling hakbang na ginagawa mo sa iyong hakbanging Kristiyano?
◻ Ano ba ang kahulugan ng “maka-Diyos na debosyon,” at papaano mo pinatutunayan na taglay mo iyan?
◻ Bakit puspusang pagsisikap ang kailangan upang mapaunlad ang maka-Diyos na debosyon?
◻ Papaano mo mapauunlad nang lalong higit ang maka-Diyos na debosyon?