Mga Anghel—“Mga Espiritung Ukol sa Pangmadlang Paglilingkod”
“Hindi ba silang lahat ay mga espiritung ukol sa pangmadlang paglilingkod, na isinugo upang maglingkod doon sa mga magmamana ng kaligtasan?”—HEB. 1:14.
1. Bakit nakapagpapatibay ang sinasabi sa Mateo 18:10 at Hebreo 1:14?
BINABALAAN ni Jesu-Kristo ang sinumang makatitisod sa kaniyang mga tagasunod: “Tiyakin na hindi ninyo hinahamak ang isa sa maliliit na ito; sapagkat sinasabi ko sa inyo na laging nakikita ng kanilang mga anghel sa langit ang mukha ng aking Ama na nasa langit.” (Mat. 18:10) Sumulat si apostol Pablo hinggil sa tapat na mga anghel: “Hindi ba silang lahat ay mga espiritung ukol sa pangmadlang paglilingkod, na isinugo upang maglingkod doon sa mga magmamana ng kaligtasan?” (Heb. 1:14) Nakapagpapatibay malaman na ginagamit ng Diyos ang mga espiritung nilalang na ito upang tulungan ang mga tao. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga anghel? Paano nila tayo tinutulungan? Ano ang matututuhan natin sa kanila?
2, 3. Ano ang ilan sa mga tungkulin ng mga espiritung nilalang?
2 Milyun-milyon ang anghel sa langit. Lahat sila’y tapat at ‘makapangyarihan sa kalakasan, na tumutupad ng salita ng Diyos.’ (Awit 103:20; basahin ang Apocalipsis 5:11.) Ang mga espiritung anak ng Diyos na ito ay may personalidad, katangiang tulad ng sa Diyos, at kalayaang magpasiya. Napakaorganisado nila at may kani-kaniya silang ranggo sa kaayusan ng Diyos. Si Miguel (pangalan ni Jesus sa langit) ang arkanghel. (Dan. 10:13; Jud. 9) Ang “panganay [na ito] sa lahat ng nilalang” ay ang “Salita,” o Tagapagsalita, ng Diyos at ginamit ni Jehova sa paglikha ng lahat ng iba pang bagay.—Col. 1:15-17; Juan 1:1-3.
3 Sumunod sa arkanghel ay mga serapin, na naghahayag sa kabanalan ni Jehova at tumutulong upang manatiling malinis sa espirituwal ang kaniyang bayan. Nariyan din ang mga kerubin, na nagtataguyod ng kaniyang soberanya. (Gen. 3:24; Isa. 6:1-3, 6, 7) Ang ibang mga anghel, o mensahero, ay may iba’t ibang atas sa pagtupad sa kalooban ng Diyos.—Heb. 12:22, 23.
4. Ano ang naging reaksiyon ng mga anghel nang itatag ang lupa? Kung wastong ginamit nina Adan at Eva ang kalayaang magpasiya, ano sana ang kalagayan ng sangkatauhan?
4 Ang lahat ng anghel ay nagsaya nang ‘itatag ang lupa.’ Malugod nilang ginawa ang kanilang atas habang unti-unting pinagaganda ang tahanang ito ng tao. (Job 38:4, 7) Nilalang ni Jehova ang mga tao na “mas mababa nang kaunti kaysa sa mga anghel.” Pero nilalang niya sila ayon sa kaniyang “larawan” kaya matutularan ng mga tao ang mga katangian ng Diyos. (Heb. 2:7; Gen. 1:26) Kung wastong ginamit nina Adan at Eva ang kanilang kalayaang magpasiya, naninirahan pa sana sila sa paraisong lupa kasama ng kanilang mga inapo bilang bahagi ng pansansinukob na pamilya ni Jehova.
5, 6. Anong paghihimagsik ang naganap sa langit? Ano ang ginawa ng Diyos?
5 Tiyak na hindi makapaniwala ang mga banal na anghel nang masaksihan nila ang paghihimagsik sa loob ng pamilya ng Diyos sa langit. Isa sa kanila ang ayaw nang pumuri kay Jehova. Nais nito na siya ang sambahin. Ginawa niya ang kaniyang sarili na Satanas (nangangahulugang “Mananalansang”) nang hamunin niya ang pagkasoberano ni Jehova at tangkaing maging karibal ng Diyos sa pamamahala. Nagsinungaling si Satanas upang mahikayat ang unang mag-asawa na sumama sa kaniya sa paghihimagsik sa kanilang maibiging Maylalang.—Gen. 3:4, 5; Juan 8:44.
6 Agad na hinatulan ni Jehova si Satanas. Ganito ang sinasabi sa unang hula sa Bibliya: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Gen. 3:15) Magkakaroon ng alitan sa pagitan ni Satanas at ng “babae” ng Diyos. Oo, itinuturing ni Jehova ang makalangit na organisasyon ng tapat na mga anghel bilang kaniyang minamahal na asawa. Ang hulang ito ay nagbigay ng tiyak na pag-asa, bagaman ang mga detalye hinggil dito ay isang “sagradong lihim” na unti-unting isiniwalat. Nilayon ng Diyos na isa sa tapat na mga anghel ang lilipol sa mga rebelde, at magtitipon ‘ng mga bagay na nasa langit at ng mga bagay na nasa lupa.’—Efe. 1:8-10.
7. Ano ang ginawa ng ilang anghel noong panahon ni Noe? Ano ang naging resulta?
7 Noong panahon ni Noe, iniwan ng ilang anghel ang kanilang “wastong tahanang dako” at nagkatawang-tao upang palugdan ang kanilang makasariling pagnanasa. (Jud. 6; Gen. 6:1-4) Inihagis ni Jehova ang mga rebeldeng ito sa pusikit na kadiliman. Sa gayon, sila ay naging “balakyot na mga puwersang espiritu” na kakampi ni Satanas. Sila rin ay naging mababagsik na kaaway ng mga lingkod ng Diyos.—Efe. 6:11-13; 2 Ped. 2:4.
Paano Tayo Tinutulungan ng mga Anghel?
8, 9. Paano ginamit ni Jehova ang mga anghel upang tulungan ang mga tao?
8 Kabilang sa mga tinulungan ng mga anghel sina Abraham, Jacob, Moises, Josue, Isaias, Daniel, Jesus, Pedro, Juan, at Pablo. Inilapat ng tapat na mga anghel ang mga hatol ng Diyos at ipinahayag ang mga hula at tagubilin ni Jehova, kasali na rito ang Kautusang Mosaiko. (2 Hari 19:35; Dan. 10:5, 11, 14; Gawa 7:53; Apoc. 1:1) Yamang kumpleto na ang Salita ng Diyos, maaaring hindi na kailangang tuwirang ihayag ng mga anghel ang mensahe ng Diyos. (2 Tim. 3:16, 17) Gayunman, abalang-abala ang mga anghel sa pagtupad sa kalooban ng Diyos at pagtulong sa kaniyang mga lingkod, bagaman hindi nila sila nakikita.
9 Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa buong palibot niyaong mga may takot sa kaniya, at inililigtas niya sila.” (Awit 34:7; 91:11) Dahil sa usapin hinggil sa katapatan, pinahihintulutan ni Jehova si Satanas na subukin tayo sa iba’t ibang paraan. (Luc. 21:16-19) Pero alam ng Diyos kung hanggang saan lamang niya pahihintulutang masubok tayo upang mapatunayan ang ating katapatan. (Basahin ang 1 Corinto 10:13.) Laging handa ang mga anghel na iligtas ang mga lingkod ng Diyos ayon sa Kaniyang kalooban. Iniligtas nila sina Sadrac, Mesac, Abednego, Daniel, at Pedro. Gayunman, hindi nila pinigilan ang pagpatay kina Esteban at Santiago. (Dan. 3:17, 18, 28; 6:22; Gawa 7:59, 60; 12:1-3, 7, 11) Magkakaiba ang kalagayan at isyung nasasangkot. Sa katulad na paraan, pinatay ng mga Nazi ang ilan sa kapatid natin sa mga kampong piitan, samantalang tinulungan naman ni Jehova ang karamihan sa kanila na makaligtas.
10. Bukod sa mga anghel, paano tayo maaaring tulungan ni Jehova?
10 Hindi itinuturo ng Kasulatan na may anghel de la guwardiya ang bawat tao. Nagtitiwala tayo na “anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan [ng Diyos].” (1 Juan 5:14) Sabihin pa, maaaring magpadala si Jehova ng anghel upang tulungan tayo, pero puwede rin niya tayong tulungan sa ibang paraan. Baka pakilusin niya ang mga kapuwa Kristiyano na tulungan at patibayin tayo. Maaari niya tayong bigyan ng karunungan at lakas upang makayanan ang “isang tinik sa laman” na para bang sampal ng “isang anghel ni Satanas.”—2 Cor. 12:7-10; 1 Tes. 5:14.
Tularan si Jesus
11. Paano ginamit ang mga anghel noong si Jesus ay nasa lupa? Ano ang pinatunayan ni Jesus sa pananatiling tapat sa Diyos?
11 Isaalang-alang kung paano ginamit ni Jehova ang mga anghel noong si Jesus ay nasa lupa. Ipinatalastas nila ang kaniyang pagsilang at pagkabuhay-muli at pinaglingkuran nila siya. Maaari sanang pigilan ng mga anghel ang pag-aresto at pagpatay kay Jesus. Pero sa halip, isang anghel ang ipinadala upang palakasin siya. (Mat. 28:5, 6; Luc. 2:8-11; 22:43) Alinsunod sa layunin ni Jehova, namatay si Jesus upang ihandog ang kaniyang buhay. Dahil dito, pinatunayan niyang makapananatiling tapat sa Diyos ang isang sakdal na tao sa kabila ng matinding pagsubok. Kaya binuhay-muli ni Jehova si Jesus at binigyan ng imortal na buhay sa langit. Ipinagkaloob sa kaniya ang “lahat ng awtoridad” at ipinasakop sa kaniya ang mga anghel. (Mat. 28:18; Gawa 2:32; 1 Ped. 3:22) Sa gayon, si Jesus ang naging pangunahing bahagi ng “binhi” ng “babae” ng Diyos.—Gen. 3:15; Gal. 3:16.
12. Paano natin matutularan si Jesus?
12 Alam ni Jesus na maling subukin si Jehova at umasang ililigtas siya ng mga anghel kung sadya niyang isasapanganib ang kaniyang buhay. (Basahin ang Mateo 4:5-7.) Kaya tularan natin si Jesus sa pamamagitan ng pamumuhay nang may “katinuan ng pag-iisip.” Bagaman handa nating harapin ang pag-uusig, hindi natin sadyang isinasapanganib ang ating buhay.—Tito 2:12.
Kung Ano ang Matututuhan Natin sa Tapat na mga Anghel
13. Ano ang matututuhan natin sa tapat na mga anghel na binanggit sa 2 Pedro 2:9-11?
13 Nang sawayin ni apostol Pedro ang mga “nagsasalita nang may pang-aabuso” sa mga pinahirang lingkod ni Jehova, binanggit niya ang magandang halimbawa ng tapat na mga anghel. Bagaman makapangyarihan, mapagpakumbaba sila. ‘Dahil iginagalang nila si Jehova,’ hindi sila mapanghatol. (Basahin ang 2 Pedro 2:9-11.) Huwag din tayong maging mapanghatol. Sa halip, igalang natin ang mga inatasang mangasiwa sa kongregasyon, at ipaubaya ang mga bagay-bagay kay Jehova, ang Kataas-taasang Hukom.—Roma 12:18, 19; Heb. 13:17.
14. Ano ang matututuhan natin sa kapakumbabaan ng mga anghel?
14 Marami tayong matututuhan sa kapakumbabaan ng mga anghel ni Jehova. Tumanggi ang ilang anghel na sabihin ang kanilang pangalan sa mga tao. (Gen. 32:29; Huk. 13:17, 18) Bagaman milyun-milyon ang anghel, ang pangalang Miguel at Gabriel lamang ang binanggit sa Bibliya. Sa gayon, maiiwasan nating parangalan sila nang labis. (Luc. 1:26; Apoc. 12:7) Nang sumubsob si apostol Juan upang sambahin ang isang anghel, sinaway siya nito: “Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapuwa mo alipin lamang at ng iyong mga kapatid.” (Apoc. 22:8, 9) Ang Diyos lamang ang dapat nating sambahin at sa kaniya lamang tayo dapat manalangin.—Basahin ang Mateo 4:8-10.
15. Paano nagpakita ng halimbawa ang mga anghel sa pagiging matiisin?
15 Matiisin din ang mga anghel. Bagaman gustung-gusto nilang malaman ang mga sagradong lihim ng Diyos, hindi ipinaalam sa kanila ang lahat ng tungkol dito. “Sa mismong mga bagay na ito ay nagnanasang magmasid ang mga anghel,” ang sabi ng Bibliya. (1 Ped. 1:12) Kaya ano ang ginagawa nila? Matiyaga nilang hinihintay ang takdang panahon ng Diyos na ‘maipaalam sa pamamagitan ng kongregasyon’ ang “pagkakasari-sari ng [kaniyang] karunungan.”—Efe. 3:10, 11.
16. Paano nakaaapekto sa mga anghel ang ating paggawi?
16 Ang mga Kristiyanong dumaranas ng pagsubok ay ‘pandulaang panoorin sa mga anghel.’ (1 Cor. 4:9) Tuwang-tuwa sila kapag nakikita nilang nananatili tayong tapat at kapag nagsisisi ang isang nagkasala. (Luc. 15:10) Napapansin din ng mga anghel ang makadiyos na paggawi ng mga babaing Kristiyano. Ipinakikita ng Bibliya na “ang babae ay dapat magkaroon ng tanda ng awtoridad sa kaniyang ulo dahil sa mga anghel.” (1 Cor. 11:3, 10) Oo, nalulugod ang mga anghel na makita ang mga babaing Kristiyano at ang lahat ng iba pang lingkod ng Diyos sa lupa na sumusunod sa teokratikong kaayusan at pagkaulo. Ang gayong pagsunod ay isang mainam na paalaala sa mga anak na ito ng Diyos sa langit.
Sinusuportahan ng mga Anghel ang Pangangaral
17, 18. Bakit natin masasabing sinusuportahan ng mga anghel ang ating pangangaral?
17 May papel ang mga anghel sa ilang mahahalagang pangyayari sa “araw ng Panginoon.” Kasama rito ang pagtatatag sa Kaharian noong 1914 at ang paghahagis ni “Miguel at [ng] kaniyang mga anghel” kay Satanas at sa mga demonyo sa lupa. (Apoc. 1:10; 11:15; 12:5-9) Nakita ni apostol Juan ang isang “anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at mayroon siyang walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa.” Ipinahayag ng anghel: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang oras ng paghatol niya, kaya sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.” (Apoc. 14:6, 7) Kaya makaaasa ang mga lingkod ni Jehova sa suporta ng mga anghel sa kanilang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa kabila ng matinding pagsalansang ng Diyablo.—Apoc. 12:13, 17.
18 Sa ngayon, hindi tayo tuwirang inaakay ng mga anghel sa mga tapat-pusong indibiduwal gaya ng nangyari kay Felipe at sa bating na Etiope. (Gawa 8:26-29) Gayunman, maraming karanasan sa ating panahon na nagpapatotoo sa suporta ng mga anghel sa ating pangangaral anupat inaakay tayo sa “mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.”a (Gawa 13:48) Napakahalaga ngang regular na makibahagi sa ministeryo upang mahanap ang mga nagnanais ‘sumamba sa Ama sa espiritu at katotohanan’!—Juan 4:23, 24.
19, 20. Ano ang papel ng mga anghel sa mga pangyayaring magaganap “sa katapusan ng sistema ng mga bagay”?
19 Sinabi ni Jesus na “sa katapusan ng sistema ng mga bagay,” na tumutukoy sa ating panahon, “ibubukod [ng mga anghel] ang mga balakyot mula sa mga matuwid.” (Mat. 13:37-43, 49) May mahalagang papel ang mga anghel sa pangwakas na pagtitipon at pagtatatak sa mga pinahiran. (Basahin ang Mateo 24:31; Apoc. 7:1-3) Bukod diyan, kasama ni Jesus ang mga anghel kapag ‘ibinukod niya ang mga tupa mula sa mga kambing.’—Mat. 25:31-33, 46.
20 “Sa pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel,” lilipulin ang lahat ng ‘hindi nakakakilala sa Diyos at ang hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.’ (2 Tes. 1:6-10) Nakita ni Juan ang pangyayari ding iyon sa isang pangitain. Inilarawan niya si Jesus at ang makalangit na hukbo ng mga anghel na humahayong nakasakay sa puting mga kabayo upang makipagdigma ayon sa katuwiran.—Apoc. 19:11-14.
21. Ano ang gagawin ng anghel na may ‘susi ng kalaliman at malaking tanikala’ kay Satanas at sa mga demonyo?
21 Nakita rin ni Juan ang “isang anghel na bumababa mula sa langit na taglay ang susi ng kalaliman at ang isang malaking tanikala sa kaniyang kamay.” Ang anghel na ito ay walang iba kundi si Miguel na arkanghel, na gagapos at maghahagis sa Diyablo at sa mga demonyo sa kalaliman. Sa katapusan ng Milenyong Paghahari ni Kristo, sandali silang pakakawalan upang subukin ang sakdal na sangkatauhan sa huling pagkakataon. Pagkatapos, lilipulin si Satanas at ang lahat ng iba pang rebelde. (Apoc. 20:1-3, 7-10; 1 Juan 3:8) Mawawala na ang lahat ng naghihimagsik sa Diyos.
22. Ano ang gagawin ng mga anghel sa hinaharap? Ano ang dapat nating madama sa ginagampanang papel ng mga anghel?
22 Malapit na ang kaligtasan mula sa masamang sistema ni Satanas. Tiyak na may papel na gagampanan ang mga anghel sa mahahalagang pangyayaring magbabangong-puri sa soberanya ni Jehova at lubusang tutupad sa kaniyang layunin para sa lupa at sa sangkatauhan. Oo, ang tapat na mga anghel ay “mga espiritung ukol sa pangmadlang paglilingkod, na isinugo upang maglingkod doon sa mga magmamana ng kaligtasan.” Kaya magpasalamat tayo sa Diyos na Jehova dahil ginagamit niya ang mga anghel upang tulungan tayong gawin ang kaniyang kalooban at makamit ang buhay na walang hanggan.
[Talababa]
Paano Mo Sasagutin?
• Anu-ano ang ranggo ng mga espiritung nilalang sa langit?
• Ano ang ginawa ng ilang anghel noong panahon ni Noe?
• Paano ginagamit ng Diyos ang mga anghel upang tulungan tayo?
• Anong papel ang ginagampanan ng tapat na mga anghel sa ating panahon?
[Larawan sa pahina 21]
Nalulugod ang mga anghel na gawin ang kalooban ng Diyos
[Larawan sa pahina 23]
Gaya ng nangyari kay Daniel, laging handang tumulong ang mga anghel ayon sa kalooban ng Diyos
[Mga larawan sa pahina 24]
Magpakalakas-loob, dahil sinusuportahan ng mga anghel ang pangangaral!
[Credit Line]
Globo: NASA photo