Ingatang Malapit sa Isipan ang Araw ni Jehova
“Sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya.”—2 PEDRO 3:3.
1. Anong diwa ng pagkaapurahan ang nadama ng isang modernong-panahong Kristiyano?
GANITO ang isinulat ng isang buong-panahong ministro sa loob ng mahigit sa 66 na taon: “Lagi kong nadarama ang matinding pagkaapurahan. Palagi kong iniisip na ang Armagedon ay sa makalawa na lamang.” (Apocalipsis 16:14, 16) Tulad ng aking ama, at ng kaniyang ama, ginugol ko ang aking buhay ayon sa ipinayo ng apostol [na si Pedro], anupat ‘iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.’ Lagi kong minamalas ang ipinangakong bagong sanlibutan bilang isang ‘katunayan bagaman hindi nakikita.’ ”—2 Pedro 3:11, 12; Hebreo 11:1; Isaias 11:6-9; Apocalipsis 21:3, 4.
2. Ano ang ibig sabihin ng ingatang malapit sa isipan ang araw ni Jehova?
2 Ang pananalita ni Pedro na “iniingatang malapit sa isipan” may kinalaman sa araw ni Jehova ay nangangahulugan na hindi natin iyon iwinawaksi sa ating isipan. Hindi natin dapat kalimutan na pagkalapit-lapit na ang araw na pupuksain ni Jehova ang sistemang ito ng mga bagay bilang pasimula ng pagtatatag sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan. Dapat na maging totoong-totoo ito sa atin anupat nakikita natin iyon nang malinaw, na parang nasa unahan lamang natin. Gayon ito katotoo sa mga propeta noon ng Diyos, at malimit nilang banggitin na ito ay napakalapit na.—Isaias 13:6; Joel 1:15; 2:1; Obadias 15; Zefanias 1:7, 14.
3. Ano ang maliwanag na nag-udyok sa pagpapayo ni Pedro hinggil sa araw ni Jehova?
3 Bakit tayo hinimok ni Pedro na malasin ang araw ni Jehova na para bang ito ay maaaring dumating, wika nga, “sa makalawa”? Sapagkat ang ilan ay maliwanag na nagsimulang tumuya sa ideya ng ipinangakong pagkanaririto ni Kristo na sa panahong iyon ay parurusahan ang mga manggagawa ng masama. (2 Pedro 3:3, 4) Kaya sa kabanata 3 ng kaniyang ikalawang liham, na isasaalang-alang natin ngayon, sinagot ni Pedro ang mga paratang ng mga manunuyang ito.
Magiliw na Panawagang Dapat Alalahanin
4. Ano ang ibig ni Pedro na alalahanin natin?
4 Ang pagmamahal ni Pedro sa kaniyang mga kapatid ay ipinakita sa pamamagitan ng kaniyang paulit-ulit na pagtukoy sa kanila sa kabanatang ito bilang “mga iniibig.” Sa magiliw na panawagan sa kanila na huwag kalimutan ang mga bagay na itinuro sa kanila, nagsimula si Pedro: “Mga iniibig, . . . ginigising ko ang inyong malinaw na kakayahan sa pag-iisip sa pamamagitan ng isang paalaala, upang maalaala ninyo ang mga pananalitang sinalita noong una ng mga banal na propeta at ang kautusan ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng inyong mga apostol.”—2 Pedro 3:1, 2, 8, 14, 17; Judas 17.
5. Ano ang sinabi ng ilang propeta tungkol sa araw ni Jehova?
5 Anong “mga pananalitang sinalita noong una ng mga banal na propeta” ang ipinapayo ni Pedro na alalahanin ng kaniyang mga mambabasa? Aba, yaong tungkol sa pagkanaririto ni Kristo taglay ang kapangyarihan ng Kaharian at tungkol sa paghuhukom sa mga di-makadiyos. Bago nito ay inakay na ni Pedro ang pansin sa mga pananalitang ito. (2 Pedro 1:16-19; 2:3-10) Tinukoy ni Judas si Enoc, na siyang unang nakaulat na propetang nagbabala tungkol sa kapaha-pahamak na hatol ng Diyos sa mga manggagawa ng masama. (Judas 14, 15) May iba pang mga propeta na sumunod kay Enoc, at hindi nais ni Pedro na kalimutan natin ang kanilang isinulat.—Isaias 66:15, 16; Zefanias 1:15-18; Zacarias 14:6-9.
6. Anong mga pananalita ni Kristo at ng kaniyang mga apostol ang nagbibigay-liwanag sa atin tungkol sa araw ni Jehova?
6 Karagdagan pa, sinabi ni Pedro sa kaniyang mga mambabasa na alalahanin “ang kautusan ng Panginoon at Tagapagligtas.” Kasali sa kautusan ni Jesus ang masidhing payo: “Bigyang-pansin ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi kailanman mapabigatan . . . at bigla na lang ang araw na iyon ay kagyat na mapasa-inyo gaya ng silo.” “Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang itinakdang panahon.” (Lucas 21:34-36; Marcos 13:33) Hinihimok din tayo ni Pedro na magbigay-pansin sa mga pananalita ng mga apostol. Halimbawa, sumulat si apostol Pablo: “Ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Kaya nga, huwag na tayong matulog pa gaya ng ginagawa ng iba, kundi manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan.”—1 Tesalonica 5:2, 6.
Ang Nasa ng mga Manunuya
7, 8. (a) Anong uri ng mga tao yaong tumutuya sa mga babalang mensahe ng Diyos? (b) Ano ang inaangkin ng mga manunuya?
7 Gaya ng nabanggit na, ang dahilan sa paalaala ni Pedro ay na ang ilan ay nagsimulang kumutya sa gayong mga babala, kung paanong nilibak ng mga Israelita ng naunang panahon ang mga propeta ni Jehova. (2 Cronica 36:16) Nagpaliwanag si Pedro: “Sapagkat alamin muna ninyo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad alinsunod sa kanilang sariling mga nasa.” (2 Pedro 3:3) Sinabi ni Judas na nagnanasa ang mga manunuyang ito “sa di-maka-Diyos na mga bagay.” Tinawag niya sila na “mga taong makahayop, na walang espirituwalidad.”—Judas 17-19.
8 Ang mga bulaang guro na sinabi ni Pedro na “sumusunod sa laman taglay ang pagnanasang dungisan ito” ay malamang na kabilang sa mga manunuyang ito na walang espirituwalidad. (2 Pedro 2:1, 10, 14) Buong-panlilibak na tinatanong nila ang tapat na mga Kristiyano: “Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ay nagpapatuloy nang gayung-gayon ang lahat ng mga bagay mula noong pasimula ng paglalang.”—2 Pedro 3:4.
9. (a) Bakit sinisikap ng mga manunuya na pahinain ang diwa ng pagkaapurahan na damang-dama sa Salita ng Diyos? (b) Paanong isang pananggalang sa atin ang pag-iingat na malapit sa isipan ang araw ni Jehova?
9 Bakit may ganitong pagtuya? Bakit ipinahihiwatig na maaaring hindi maganap ang pagkanaririto ni Kristo, na hindi kailanman nakialam ang Diyos sa mga gawain ng tao at hindi kailanman makikialam? Buweno, sa pamamagitan ng pagpapahina sa diwa ng pagkaapurahan na damang-dama sa Salita ng Diyos, ang makahayop na mga manunuyang ito ay nagsisikap na akayin ang iba na magwalang-bahala sa espirituwal at sa gayo’y gawin silang madaling masila ng mapag-imbot na mga pang-akit. Tunay na isang matinding pampatibay-loob sa atin ngayon na manatiling gising sa espirituwal! Ingatan sana nating malapit sa isipan ang araw ni Jehova at laging alalahanin na ang kaniyang mga mata ay nakatingin sa atin! Sa gayo’y mapakikilos tayo na maglingkod nang buong sigasig kay Jehova at panatilihin ang ating kalinisan sa moral.—Awit 11:4; Isaias 29:15; Ezekiel 8:12; 12:27; Zefanias 1:12.
Sinasadya at Kasuklam-suklam
10. Paano pinatunayan ni Pedro na nagkakamali ang mga manunuya?
10 Ipinagwawalang-bahala ng gayong mga manunuya ang isang mahalagang katotohanan. Kusa nilang di-pinapansin iyon at sinisikap na udyukan ang iba na kalimutan iyon. Bakit? Upang mas madaling maakit ang mga tao. “Sapagkat, ayon sa kanilang naisin,” sumulat si Pedro, “ang katotohanang ito ay nakalalampas sa kanilang pansin.” Anong katotohanan? “Na may mga langit mula nang sinauna at isang lupa na nakatayong matatag mula sa tubig at sa gitna ng tubig sa pamamagitan ng salita ng Diyos; at sa pamamagitan ng mga pamamaraang yaon ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang ito ay maapawan ng tubig.” (2 Pedro 3:5, 6) Oo, inalis ni Jehova ang kabalakyutan sa lupa sa pamamagitan ng Baha noong panahon ni Noe, isang katotohanan na idiniin din ni Jesus. (Mateo 24:37-39; Lucas 17:26, 27; 2 Pedro 2:5) Kaya, salungat sa sinasabi ng mga manunuya, lahat ng bagay ay hindi nagpatuloy ‘nang gayung-gayon mula noong pasimula ng paglalang.’
11. Anong wala-pa-sa-panahong pag-asam ng mga unang Kristiyano ang umakay sa ilan na tuyain sila?
11 Maaaring nilibak ng mga manunuya ang tapat na mga Kristiyano sapagkat ang mga ito ay may di pa natupad na mga inaasam. Di-nagtagal bago mamatay si Jesus, ang kaniyang mga alagad ay ‘nag-aakalang kaagad na magpapakita ang Kaharian ng Diyos.’ Sumunod, pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli ay nagtanong sila kung kaagad na itatatag ang Kaharian. Gayundin, mga sampung taon bago isulat ni Pedro ang kaniyang ikalawang liham, ang ilan ay ‘nabagabag’ sa pamamagitan ng “bibigang mensahe” o ng isang “liham,” na ipinagpapalagay na galing kay apostol Pablo o sa kaniyang mga kasamahan, “na wari bang ang araw ni Jehova ay narito na.” (Lucas 19:11; 2 Tesalonica 2:2; Gawa 1:6) Subalit ang gayong mga inaasam ng mga alagad ni Jesus ay hindi mali, wala pa lamang sa panahon. Darating ang araw ni Jehova!
Maaasahan ang Salita ng Diyos
12. Paano napatunayang maaasahan ang Salita ng Diyos sa mga hula nito tungkol sa “araw ni Jehova”?
12 Gaya ng nabanggit na, ang mga propeta bago ang panahong Kristiyano ay malimit magbabala na malapit na ang araw ng paghihiganti ni Jehova. Isang munting larawan ng “araw ni Jehova” ang sumapit noong 607 B.C.E. nang igawad ni Jehova ang paghihiganti sa kaniyang suwail na bayan. (Zefanias 1:14-18) Nang maglaon, dumanas ng gayong “araw ni Jehova” ang iba pang bansa, kasali na ang Babilonya at Ehipto. (Isaias 13:6-9; Jeremias 46:1-10; Obadias 15) Inihula rin ang katapusan ng unang-siglong Judiong sistema ng mga bagay, at nangyari ito nang wasakin ng mga hukbong Romano ang Judea noong 70 C.E. (Lucas 19:41-44; 1 Pedro 4:7) Ngunit tinukoy ni Pedro ang isang panghinaharap na “araw ni Jehova,” isa na makapupong higit ang lawak maging sa pangglobong Baha!
13. Anong makasaysayang halimbawa ang nagpapakita ng katiyakan ng wakas ng sistemang ito ng mga bagay?
13 Sinimulan ni Pedro ang kaniyang paglalarawan sa dumarating na pagpuksang iyon, sa pagsasabing: “Subalit sa pamamagitan ng gayunding salita.” Kasasabi lamang niya na “sa pamamagitan ng salita ng Diyos,” ang lupa bago ang Baha ay nakatayong “mula sa tubig at sa gitna ng tubig.” Ang situwasyong ito, na inilalarawan sa ulat ng Bibliya sa paglalang, ay nagpangyari sa Delubyo nang bumuhos ang tubig sa utos, o salita, ng Diyos. Nagpatuloy si Pedro: “Sa pamamagitan ng gayunding salita [ng Diyos] ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-maka-Diyos.” (2 Pedro 3:5-7; Genesis 1:6-8) Taglay natin ang maaasahang salita ni Jehova para rito! Wawakasan niya “ang mga langit at ang lupa”—ang sistemang ito ng mga bagay—sa maapoy na poot ng kaniyang dakilang araw! (Zefanias 3:8) Ngunit kailan?
Sabik sa Pagdating ng Wakas
14. Bakit tayo makapagtitiwala na nabubuhay tayo ngayon sa “mga huling araw”?
14 Ibig malaman ng mga alagad ni Jesus kung kailan darating ang wakas, kaya nagtanong sila sa kaniya: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Maliwanag na itinatanong nila kung kailan magwawakas ang Judiong sistema, ngunit ang sagot ni Jesus ay nakasentro pangunahin na kung kailan mapupuksa ang kasalukuyang ‘mga langit at lupa.’ Inihula ni Jesus ang mga bagay gaya ng malalaking digmaan, kakapusan sa pagkain, lindol, sakit, at krimen. (Mateo 24:3-14; Lucas 21:5-36) Sapol noong taong 1914, nakita nating natutupad ang hula na ibinigay ni Jesus para sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” gayundin ang mga bagay na binanggit ni apostol Pablo na magpapakilala sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Tunay, napakaraming ebidensiya na nabubuhay tayo sa panahon ng kawakasan ng sistemang ito ng mga bagay!
15. Ano ang hilig na gawin ng mga Kristiyano sa kabila ng babala ni Jesus?
15 Sabik na malaman ng mga Saksi ni Jehova kung kailan magaganap ang araw ni Jehova. Dahil sa kasabikan nila kaya kung minsan ay sinusubukan nilang tantiyahin kung kailan ito darating. Ngunit sa paggawa nito ay nabigo sila, gaya ng mga naunang alagad ni Jesus, na bigyang-pansin ang babala ng kanilang Panginoon na “hindi [natin] alam kung kailan ang itinakdang panahon.” (Marcos 13:32, 33) Nilibak ng mga manunuya ang tapat na mga Kristiyano dahil sa kanilang wala-pa-sa-panahon na pag-asam. (2 Pedro 3:3, 4) Gayunpaman, ang araw ni Jehova ay darating, tiniyak ni Pedro, ayon sa Kaniyang talaorasan.
Kailangang Taglayin ang Pangmalas ni Jehova
16. Anong paalaala ang may katalinuhang bigyang-pansin natin?
16 Kailangang taglayin natin ang pangmalas ni Jehova sa panahon, gaya ng ipinaaalaala sa atin ngayon ni Pedro: “Gayunman, huwag palampasin sa inyong pansin ang isang katotohanang ito, mga iniibig, na ang isang araw kay Jehova ay gaya ng isang libong taon at ang isang libong taon ay gaya ng isang araw.” Tunay ngang maigsi kung ihahambing ang haba ng ating buhay na 70 o 80 taon! (2 Pedro 3:8; Awit 90:4, 10) Kaya kung waring naaantala ang katuparan ng mga pangako ng Diyos, kailangan nating tanggapin ang paalaala ng propeta ng Diyos: “Bagaman magluluwat [ang itinakdang panahon], patuloy na asamin iyon; sapagkat walang pagsalang magkakatotoo. Hindi na magtatagal.”—Habacuc 2:3.
17. Bagaman ang mga huling araw ay nagpapatuloy na mas matagal kaysa sa inaasahan ng marami, sa ano tayo makapagtitiwala?
17 Bakit ang mga huling araw ng sistemang ito ay nagpapatuloy nang mas matagal kaysa sa inaasahan ng marami? May mainam na dahilan, gaya ng sumunod na ipinaliwanag ni Pedro: “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, na gaya ng itinuturing ng ilang mga tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Isinasaalang-alang ni Jehova kung ano ang pinakamabuti sa kapakanan ng buong sangkatauhan. Ang pinagtutuunan niya ng pansin ay ang buhay ng mga tao, gaya ng sabi niya: “Ako’y nalulugod, hindi sa kamatayan ng isang balakyot, kundi na ang isang taong balakyot ay humiwalay sa kaniyang lakad at aktuwal na patuloy na mabuhay.” (Ezekiel 33:11) Kaya makapagtitiwala tayo na darating ang wakas sa tamang-tamang panahon upang tuparin ang layunin ng ating marunong-sa-lahat at maibiging Maylalang!
Ano ang Lilipas?
18, 19. (a) Bakit determinado si Jehova na wakasan ang sistemang ito ng mga bagay? (b) Paano inilalarawan ni Pedro ang wakas ng sistemang ito, at ano ang talagang mapupuksa?
18 Dahil tunay na minamahal ni Jehova yaong mga naglilingkod sa kaniya, lilipulin niya ang lahat ng lumiligalig sa kanila. (Awit 37:9-11, 29) Sa pagbanggit, gaya ng naunang ginawa ni Pablo, na ang pagpuksang ito ay darating sa di-inaasahang panahon, sumulat si Pedro: “Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw, na dito ang mga langit ay lilipas na may sumasagitsit na ingay, ngunit ang mga elemento dahil sa matinding init ay mapupugnaw, at ang lupa at ang mga gawang naroroon ay mahahantad.” (2 Pedro 3:10; 1 Tesalonica 5:2) Ang literal na mga langit at lupa ay hindi naglaho sa Delubyo, ni maglalaho man ang mga ito sa araw ni Jehova. Ano, kung gayon, ang “lilipas,” o mapupuksa?
19 Ang mga pamahalaan ng tao na nagpupuno sa sangkatauhan tulad ng “mga langit” ay magwawakas at gayundin ang “lupa,” o lipunan ng di-makadiyos na mga tao. Ang “sumasagitsit na ingay” ay marahil nagpapahiwatig ng mabilis na pagpanaw ng mga langit. “Ang mga elemento” na bumubuo ng kasalukuyang bulok na lipunan ng tao ay “mapupugnaw,” o mapupuksa. At ang “lupa,” kasali na “ang mga gawang naroroon,” ay “mahahantad.” Lubusang ilalantad ni Jehova ang balakyot na gawa ng mga tao habang pinasasapit niya sa isang buong sistema ng sanlibutan ang nararapat na wakas nito.
Panatilihing Nakatuon ang Pansin sa Inyong Pag-asa
20. Paano dapat maapektuhan ang ating buhay ng ating kaalaman tungkol sa mga pangyayaring nasa unahan?
20 Yamang malapit na ang madulang mga pangyayaring ito, sinabi ni Pedro na dapat tayong masangkot sa “banal na mga paggawi at mga gawa ng maka-Diyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” Walang duda tungkol dito! “Ang mga langit na nasusunog ay mapupugnaw at ang mga elemento na dahil sa matinding init ay matutunaw!” (2 Pedro 3:11, 12) Ang bagay na ang madulang mga pangyayaring ito ay maaaring maganap bukas ay dapat makaapekto sa lahat ng ginagawa natin o binabalak na gawin.
21. Ano ang hahalili sa kasalukuyang mga langit at lupa?
21 Sinasabi ngayon ni Pedro kung ano ang hahalili sa lumang sistema, sa pagsasabing: “Subalit may mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13; Isaias 65:17) O, anong laking ginhawa! Si Kristo at ang 144,000 na kasama niyang mga tagapamahala ang bubuo ng isang “bagong” pamahalaan na “mga langit,” at ang mga tao na makaliligtas sa katapusan ng sanlibutang ito ang siyang bubuo ng “bagong lupa.”—1 Juan 2:17; Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 3.
Panatilihin ang Pagkaapurahan at Kalinisan sa Moral
22. (a) Ano ang tutulong sa atin na maiwasan ang anumang espirituwal na batik o dungis? (b) Tungkol sa anong panganib nagbabala si Pedro?
22 “Kaya nga, mga iniibig,” patuloy ni Pedro, “yamang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, gawin ninyo ang inyong sukdulang makakaya upang sa wakas ay masumpungan niya na walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan. Karagdagan pa, ituring ninyo ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan.” Ang paghihintay nang buong kasabikan at ang pangmalas na anumang waring pagkaantala ng araw ni Jehova ay isang kapahayagan ng pagtitiis ng Diyos ay tutulong sa atin na maiwasan ang anumang espirituwal na batik o dungis. Gayunman, may panganib! Nagbabala si Pedro na sa mga isinulat ng “iniibig nating kapatid na si Pablo . . . ay may ilang bagay na mahirap unawain, na pinipilipit ng mga di-naturuan at di-matatag, gaya rin ng kanilang ginagawa sa iba pang bahagi ng Kasulatan, sa kanilang sariling ikapupuksa.”—2 Pedro 3:14-16.
23. Ano ang pangkatapusang paalaala ni Pedro?
23 Maliwanag na pinilipit ng mga bulaang guro ang mga isinulat ni Pablo tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, anupat ginagamit ang mga ito bilang dahilan sa mahalay na paggawi. Marahil ito ang nasa isip ni Pedro nang isulat niya ang kaniyang pangkatapusang paalaala: “Kaya nga, kayo, mga iniibig, yamang taglay ang patiunang kaalamang ito, maging mapagbantay kayo upang hindi kayo mailayong kasama nila sa pamamagitan ng pagkakamali ng mga taong sumasalansang-sa-batas at mahulog mula sa inyong sariling katatagan.” Sumunod ay tinapos niya ang kaniyang liham, anupat nagpayo: “Patuloy kayong lumago sa di-sana-nararapat na kabaitan at kaalaman sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.”—2 Pedro 3:17, 18.
24. Anong saloobin ang dapat taglayin ng lahat ng lingkod ni Jehova?
24 Maliwanag, ibig ni Pedro na palakasin ang kaniyang mga kapatid. Nais niyang ang lahat ay magkaroon ng saloobing ipinamalas ng tapat na 82-taong-gulang na Saksi na sinipi sa pasimula: “Ginugol ko ang aking buhay ayon sa ipinayo ng apostol, anupat ‘iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.’ Lagi kong minamalas ang ipinangakong bagong sanlibutan bilang isang ‘katunayan bagaman hindi nakikita.’ ” Gugulin nawa nating lahat ang ating buhay sa katulad na paraan.
Paano Ka Tutugon?
◻ Ano ang kahulugan ng pananalitang “iniingatang malapit sa isipan” ang araw ni Jehova?
◻ Ano ang sadyang ipinagwawalang-bahala ng mga manunuya, at bakit?
◻ Ano ang dahilan ng panlilibak ng mga manunuya sa tapat na mga Kristiyano?
◻ Anong pangmalas ang dapat nating panatilihin?
[Larawan sa pahina 23]
Ingatang malapit sa isipan ang araw ni Jehova . . .
[Larawan sa pahina 24]
. . . at ang kasunod na bagong sanlibutan