TAMPOK NA PAKSA | MALAPIT NA BA ANG WAKAS?
“Ang Wakas”—Ano ang Kahulugan Nito?
Kapag narinig mo ang mga salitang “Malapit na ang wakas!” ano ang naiisip mo? Naiisip mo ba ang isang asteroid na tatama sa lupa at lilipol sa lahat ng tao? O ang pagkawasak ng ekolohiya o ang ikatlong digmaang pandaigdig? Ang mga ito ay maaaring makabahala sa ilang tao; ang iba naman ay baka mag-alinlangan o matawa pa nga.
Sinasabi ng Bibliya: “Darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Tinatawag din ang wakas na “dakilang araw ng Diyos” at “Har–Magedon,” o Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Totoo, maraming kalituhan tungkol sa paksang ito, kaya nagkalat ang kakaiba at negatibong mga ideya. Gayunman, malinaw na sinasabi ng Bibliya ang tungkol sa wakas—kung ano ang kahulugan nito at ang hindi kahulugan nito. Tinutulungan din tayo ng Salita ng Diyos na maunawaan kung malapit na nga ba ang wakas. Higit sa lahat, itinuturo nito sa atin kung paano tayo maliligtas! Pero linawin muna natin ang ilang maling akala tungkol sa wakas at alamin ang tunay na kahulugan nito. Ano nga ba ang kahulugan ng “wakas” ayon sa Bibliya?
ANG HINDI KAHULUGAN NG WAKAS
HINDI ITO PAGKAWASAK NG LUPA SA PAMAMAGITAN NG APOY.
Sinasabi ng Bibliya: “Itinatag [ng Diyos] ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) Tinitiyak sa atin ng tekstong iyan na hindi kailanman wawasakin ng Diyos ang lupa ni hahayaan man niya itong mawasak!—Eclesiastes 1:4; Isaias 45:18.
HINDI ITO ISANG PANGYAYARI NA NAGKATAON LANG.
Isinisiwalat ng Bibliya na ang Diyos ay nagtakda ng espesipikong panahon para sa wakas. Mababasa natin: “May kinalaman sa araw na iyon o sa oras ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit kahit ang Anak, kundi ang Ama. Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon.” (Marcos 13:32, 33) Maliwanag, may “takdang panahon” ang Diyos (“ang Ama”) kung kailan niya pasasapitin ang wakas.
HINDI ITO KAGAGAWAN NG TAO O RESULTA NG PAGBAGSAK NG MGA ELEMENTO MULA SA KALAWAKAN.
Paano darating ang wakas? Sinasabi ng Apocalipsis 19:11: “Nakita kong bukás ang langit, at, narito! isang kabayong puti. At ang nakaupo roon ay tinatawag na Tapat at Totoo.” Sabi naman sa talata 19: “At nakita ko ang mabangis na hayop at ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo na nagtipun-tipon upang makipagdigma sa isa na nakaupo sa kabayo at sa kaniyang hukbo.” (Apocalipsis 19:11-21) Bagaman makasagisag ang karamihan sa pananalita rito, mauunawaan natin na: Ang Diyos ay magsusugo ng isang hukbo ng mga anghel upang lipulin ang mga kaaway niya.
ANG KAHULUGAN NG WAKAS
WAKAS NG BIGONG PAMAMAHALA NG TAO.
Ipinaliliwanag ng Bibliya: “Magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian [gobyerno] na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Daniel 2:44) Gaya ng nabanggit kanina, sa ikatlong punto, lilipulin “ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo,” na ‘magtitipon-tipon upang makipagdigma sa isa na nakaupo sa kabayo at sa kaniyang hukbo.’—Apocalipsis 19:19.
WAKAS NG DIGMAAN, KARAHASAN, AT KAWALANG-KATARUNGAN.
“Pinatitigil [ng Diyos] ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.” (Awit 46:9) “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.” (Kawikaan 2:21, 22) “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.”—Apocalipsis 21:4, 5.
WAKAS NG MGA RELIHIYON NA HINDI SUMUNOD SA DIYOS AT NANLIGÁW SA MGA TAO.
“Ang mga propeta ay nanghuhula nang may kabulaanan; at kung tungkol sa mga saserdote, sila ay nanunupil ayon sa kanilang mga kapangyarihan. . . . At ano ang gagawin ninyo sa wakas nito?” (Jeremias 5:31) “Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nanghula sa pangalan mo, at nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?’ At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”—Mateo 7:21-23.
WAKAS NG MGA TAONG SUMUSUPORTA SA KASALUKUYANG KALAGAYAN NG DAIGDIG.
Sinabi ni Jesu-Kristo: “At ito ang saligan sa paghatol, na ang liwanag ay dumating sa sanlibutan ngunit inibig ng mga tao ang kadiliman sa halip na ang liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawa ay balakyot.” (Juan 3:19) Inilalarawan ng Bibliya ang mas naunang pagpuksa sa sanlibutan noong panahon ng tapat na si Noe. “Ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig. Ngunit sa pamamagitan ng gayunding salita ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.”—2 Pedro 3:5-7.
Pansinin na ang dumarating na “araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa” ay inihahambing sa pagkapuksa ng “sanlibutan” noong panahon ni Noe. Anong sanlibutan ang napuksa? Nakaligtas ang ating planeta; ang “mga taong di-makadiyos”—mga kaaway ng Diyos—ang “dumanas ng pagkapuksa.” Sa dumarating na “araw ng paghuhukom” ng Diyos, ang mga kaaway niya ay pupuksain din. Pero ang mga kaibigan ng Diyos ay maliligtas, gaya ng nangyari kay Noe at sa kaniyang pamilya.—Mateo 24:37-42.
Isip-isipin kung gaano kaganda ang lupang ito kapag inalis na ng Diyos ang lahat ng masamang impluwensiya! Maliwanag, ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa wakas ay mabuting balita sa halip na masamang balita. Pero baka maitanong mo: ‘Sinasabi ba ng Bibliya kung kailan darating ang wakas? Malapit na kaya ito? Paano ako makaliligtas?’