Lupa
Kahulugan: Ang taguring “lupa” ay may maraming kahulugan ayon sa pagkakagamit sa Kasulatan. Karaniwan nang tumutukoy ito sa mismong planeta, na saganang pinagpala ni Jehova upang makatustos sa buhay ng tao sa isang kasiyasiyang paraan. Gayumpaman, dapat maunawaan na ang “lupa” ay maaari ding gamitin sa makasagisag na diwa, at tumutukoy, bilang halimbawa, sa mga taong namumuhay sa planetang ito o sa isang lipunan ng tao na may ilang tiyak na mga katangian.
Mawawasak ba ang planetang Lupa sa isang nukleyar na digmaan?
Ano ang ipinakikita ng Bibliya na layunin ng Diyos tungkol sa lupa?
Mat. 6:10: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung papaano sa langit, ay gayon din naman sa lupa.”
Awit 37:29: “Ang mga matuwid ay magmamana ng lupa, at sila’y tatahan dito magpakailanman.”
Tingnan din ang Eclesiastes 1:4; Awit 104:5.
Posible kaya, yamang walang gaanong pagpapahalaga ang mga bansa sa layunin ng Diyos, na baka sila na rin ang lubusang magwasak sa lupa upang hindi na ito matirahan?
Isa. 55:8-11: “[Ang kapahayagan ni Jehova ay:] Sapagka’t kung paanong ang mga langit ay lalong mataas kaysa lupa, kaya ang aking mga pamamaraan ay lalong mataas kaysa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip. . . . Ang aking salita . . . ay hindi babalik sa akin na walang bunga, kundi gaganap ng kinalulugdan ko, at tiyak na magtatagumpay sa layuning aking pinagsuguan.”
Isa. 40:15, 26: “Tingnan ninyo! [Mula sa pangmalas ng Diyos na Jehova] Ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba; inaari na parang munting alabok sa timbangan. . . . ‘Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas, at masdan ninyo [ang araw, buwan at bilyun-bilyong bituin]. Sino ang lumikha sa mga ito? Siya na tumutuos sa kanilang hukbo ayon sa bilang, na lahat ay kaniyang tinatawag sa pangalan. Sa pamamagitan ng kadakilaan ng kaniyang dinamikong lakas, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan, ay wala ni isa mang nagkukulang.’ ” (Ang nukleyar na puwersa na naimbak ng mga bansa ay nakapanggigilalas sa tao. Subali’t bilyun-bilyong bituin ang gumagamit ng puwersang nukleyar sa isang antas na hindi natin kayang gunigunihin. Sino ang lumikha at sumusupil sa lahat ng makalangit na mga lalang na ito? Hindi kaya Niya mahahadlangan ang mga bansa sa paggamit ng kanilang mga sandatang nukleyar sa paraan na sumasalungat sa kaniyang layunin? Na ganito ngaang gagawin ng Diyos ay inilalarawan sa pagpuksa niya sa kapangyarihang militar ng Ehipto nang sikapin ni Paraon na hadlangan ang paglaya ng Israel.—Exo. 14:5-31.)
Apoc. 11:17, 18: “Pinasasalamatan ka namin, O Jehovang Diyos, na Makapangyarihan-sa-Lahat, na Ikaw ngayon at maging noong nakaraan, sapagka’t hinawakan mo ang iyong dakilang kapangyarihan at ikaw ay naging hari. Subali’t nangagalit ang mga bansa, at dumating ang iyong sariling poot, at ang itinakdang panahon . . . upang ipahamak mo yaong mga nagpapahamak sa lupa.”
Wawasakin ba ng Diyos ang lupa sa pamamagitan ng apoy?
Inaalalayan ba ng 2 Pedro 3:7, 10 (KJ) ang paniwalang ito? “Ang sangkalangitan at ang lupa, na umiiral ngayon, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iniingatan, at itinataan sa apoy sa araw ng paghuhukom at ng paglipol [“pagpuksa,” RS] ng mga taong masasama. . . . Darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw sa gabi; anupa’t ang sangkalangitan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang narito ay pawang masusunog [“masusupok,” RS, JB; “maglalaho,” TEV; “mahahayag,” NAB; “mahuhubaran,” NE; “mabubunyag,” NW].” (Pansinin: Ang Codex Sinaiticus at Vatican MS 1209, kapuwa mula sa ika-4 na siglo, C.E., ay kababasahan ng “mabubunyag.” Ang mas huling mga manuskrito, ang ika-5 siglong Codex Alexandrinus at ang ika-16 siglong rebisyon ni Clementine sa Vulgate, ay kababasahan ng “masusunog.”)
Ipinahihiwatig ba ng Apocalipsis 21:1 (KJ) na ang ating planeta ay mawawasak? “At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa; sapagka’t ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na.”
Upang maging wasto, ang paliwanag sa mga tekstong ito ay dapat na makasuwato ng konteksto at ng iba pang bahagi ng Bibliya
Kung ang mga tekstong ito (2 Pedro 3:7, 10 at Apocalipsis 21:1) ay nangangahulugan na masusunog sa apoy ang literal na planetang Lupa, kung gayon ang literal na mga langit (ang mga bituin at iba pang makalangit na lalang) ay masusunog din sa apoy. Gayumpaman, ang ganitong literal na pag-unawa ay sumasalungat sa katiyakan na nilalaman ng mga tekstong gaya ng Mateo 6:10, Awit 37:29 at 104:5, gayon din ang Kawikaan 2:21, 22. Karagdagan pa, ano ang magiging epekto ng apoy sa dati nang napakainit na araw at mga bituin? Kaya ang taguring “lupa” sa mga tekstong sinipi sa itaas ay dapat unawain sa ibang diwa.
Sa Genesis 11:1, Unang Hari 2:1, 2, Unang Cronica 16:31, Awit 96:1, atb., ang taguring “lupa” ay ginagamit sa isang makasagisag na paraan, at tumutukoy sa sangkatauhan, sa lipunan ng tao. Hindi rin kaya ito totoo may kinalaman sa 2 Pedro 3:7, 10 at Apocalipsis 21:1?
Pansinin na, sa konteksto, sa 2 Pedro 3:5, 6 (at 2Ped 2:5, 9), isang paghahambing ang ginagawa sa Baha noong kaarawan ni Noe, na kung saan nalipol ang balakyot na lipunan ng tao, subali’t si Noe at ang kaniyang sambahayan, pati na ang mismong globong ito, ay naingatan. Kasuwato nito, sa 2 Pedro 3:7 sinasabi nito na ang mga lilipulin ay yaong “mga taong masasama.” Ang paniwala na “ang lupa” ay tumutukoy dito sa balakyot na lipunan ng mga tao ay lubusang kasuwato ng ibang bahagi ng Bibliya, gaya ng ipinakikita ng mga tekstong binabanggit sa itaas. Ang makasagisag na “lupa,” o balakyot na lipunan ng tao, ang siyang “mabubunyag,” alalaong baga’y, lahat ng pagbabalatkayo nito ay papawiin ni Jehova na gaya nang sa apoy, na inilalantad ang kabalakyutan ng masamang lipunan ng tao upang ihayag na ito ay karapatdapat sa lubusang pagkalipol. Ang balakyot na lipunang ito ng mga tao ang siya ring “unang lupa,” na tinutukoy sa Apocalipsis 21:1 (KJ).
Kasuwato nito, ang mga pangungusap ni Jesus sa Lucas 21:33 (“lilipas ang langit at lupa, subali’t . . . ”) ay dapat unawain sa liwanag ng kahambing na pangungusap sa Lucas 16:17 (“madali pa ang mangawala ang langit at ang lupa, kaysa . . . ”), na kapuwa nagdidiin lamang ng pagiging-imposible ng mga kalagayang inihaharap.—Tingnan din ang Mateo 5:18.
Ang mga matuwid ba’y dadalhin sa langit at pagkatapos ay ibabalik sa lupa kapag nalipol na ang mga balakyot?
Inaalalayan ba ng Apocalipsis 21:2, 3 ang paniwalang ito? Sinasabi nito: “Nakita ko ang bayang banal, ang Bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Diyos at nahahandang gaya ng kasintahang babae na nagagayakan ukol sa kaniyang asawa. Kasabay nito’y narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa luklukan na nagsabi: ‘Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao, at siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging bayan niya. Ang Diyos din ay sasa kanila.’ ” (Ang bagay ba na ang Diyos ay “mananahan” sa sangkatauhan at “sasa kanila” ay nangangahulugan na siya’y magiging isang Diyos na may katawang-laman? Hindi mangyayari ito, sapagka’t sinabi ni Jehova kay Moises: “Hindi ako maaaring makita ng tao at mabuhay.” [Exo. 33:20] Kasuwato nito, ang mga kabilang sa Bagong Jerusalem ay hindi babalik sa lupa bilang pisikal na mga nilikha. Kung gayon, sa anong diwa masasabi na ang Diyos ay “sasa” mga tao at papaanong ‘mananaog mula sa langit’ ang Bagong Jerusalem? Walang alinlangan na makakasumpong tayo ng pahiwatig sa Genesis 21:1, na nagsasabing “dinalaw” ng Diyos si Sara, at pinagpala siya ng isang anak sa kaniyang katandaan. Sinasabi sa atin ng Exodo 4:31 na “dinalaw” ng Diyos ang Israel sa pamamagitan ng pagsusugo kay Moises bilang tagapagligtas. Sinasabi ng Lucas 7:16 na sa pamamagitan ng ministeryo ni Jesus “dinalaw” ng Diyos ang kaniyang bayan. [Pawang mula sa KJ at RS] Ang ibang salin ay nagsasabi na ang Diyos ay “nag-ukol ng pansin” sa kaniyang bayan [NW] o ‘nagpamalas ng pagmamalasakit’ sa kanila [NE]. Kaya ang Apocalipsis 21:2, 3 ay dapat mangahulugan na ‘dadalawin’ ng Diyos, o makakasama niya, ang sangkatauhan sa pamamagitan ng makalangit na Bagong Jerusalem, na magdudulot ng mga pagpapala sa masunuring sangkatauhan.)
Kaw. 2:21, 22, KJ: “Ang matuwid ay tatahan sa lupain [“sa lupa,” NE], at ang sakdal [“mga walang-kapintasan,” NE] ay mamamalagi roon. Nguni’t ang masasama ay mahihiwalay sa lupain, at ang mga manlalabag-batas ay mangabubunot.” (Pansinin na hindi nito sinasabi na ang mga walang-kapintasan ay babalik sa lupa kundi sila’y “mamamalagi roon.”)
Nagbago ba ang orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa?
Gen. 1:27, 28: “At nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae. At sila’y binasbasan ng Diyos at sa kanila’y sinabi ng Diyos: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa bawa’t hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.’ ” (Sa ganito’y ipinahayag ng Diyos ang kaniyang layunin na punuin ang lupa ng mga supling nina Adan at Eba bilang mga tagapag-alaga ng isang pandaigdig na paraiso. Pagkatapos na buong-karingalang disenyuhin ng Diyos ang lupang ito upang tahanan ng tao, na ginagawa itong katangi-tangi sa lahat ng mga planeta na nasuri na ng tao sa pamamagitan ng kaniyang mga teleskopyo at sasakyang pangkalawakan, basta na lamang ba pinabayaan ng Maylikha ang kaniyang layunin, at iiwan ito na hindi matutupad magpakailanman dahil lamang sa pagkakasala ni Adan?)
Isa. 45:18: “Ganito ang sinabi ni Jehova, ang Maylikha ng langit, Siya ang tunay na Diyos, na Tagapag-anyo ng lupa at ang Maygawa nito, Siya na nagtatag nito, na hindi lumikha nito sa walang-kabuluhan, kundi inanyuan ito upang tahanan: ‘Ako si Jehova, at wala nang iba.’ ” (Tingnan din ang Isaias 55:10, 11.)
Kung walang sinomang mamamatay sa Bagong Sistema ng Diyos, papaano magkakasiya ang lahat ng tao sa lupa?
Tandaan na nang ipahayag ng Diyos ang kaniyang layunin ukol sa lupa sinabi niya: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.” (Gen. 1:28) Ipinagkaloob ng Diyos sa tao ang kakayahang makapagluwal ng supling, at kapag ang Kaniyang layunin nito ay natupad na, kayang-kaya niyang pahintuin ang pagpaparami ng tao sa lupa.
Anong uri ng mga tao ang pagkakalooban ng Diyos ng walang-hanggang buhay sa lupa?
Zef. 2:3: “Hanapin ninyo si Jehova, kayong lahat na maaamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa Kaniyang sariling kahatulan. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaypala ay malilingid kayo sa araw ng galit ni Jehova.”
Awit 37:9, 11: “Yaong umaasa kay Jehova ang siyang mangagmamana sa lupa. . . . Ang maaamo ang siya mismong magmamay-ari sa lupa, at tiyak na makakasumpong sila ng katangi-tanging kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”