Pag-ibig (Agape)—Ang Hindi Kahulugan at ang Kahulugan Nito
“Ilakip sa inyong . . . pagmamahal sa kapatid ang pag-ibig.”—2 PEDRO 1:5, 7.
1. (a) Anong katangian ang inilalagay ng Bibliya sa pinakamataas na dako? (b) Anong apat na salitang Griego ang kalimitang isinasalin na “pag-ibig,” at alin ang tinutukoy sa 1 Juan 4:8?
KUNG may isang katangian o kagalingan na inilalagay ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, sa pinakamataas na dako, iyon ay ang pag-ibig. Sa Griego, na orihinal na wika ng Kasulatang Kristiyano, may apat na salita na kalimitang isinaling “pag-ibig.” Ang pag-ibig na pinag-uusapan natin ngayon ay hindi yaong eʹros (isang salita na wala sa Kasulatang Griego Kristiyano), na nakasalig sa seksuwal na pagkaakit; ni yaong stor·geʹ, isang damdamin na nakasalig sa pagkakamag-anak; ni yaon man ay ang phi·liʹa, ang pag-ibig na buhat sa mainit na pagkakaibigang nakasalig sa pagpapahalaga sa isa’t isa, na tinalakay sa nauunang artikulo. Bagkus, yaon ay a·gaʹpe—ang pag-ibig na salig sa prinsipyo, na masasabing kasing-kahulugan ng kawalang-imbot, ang pag-ibig na tinukoy ni apostol Juan nang kaniyang sabihin: “Ang Diyos ay pag-ibig.”—1 Juan 4:8.
2. Ano ang mainam na pagkasabi tungkol sa pag-ibig (a·gaʹpe)?
2 Tungkol sa ganitong pag-ibig (a·gaʹpe), si Propesor William Barclay sa kaniyang New Testament Words ay nagsasabi: “Ang agapē ay may kinalaman sa isip: ito’y hindi lamang isang damdamin na bumabalong sa ating mga puso bagaman walang nag-uutos [gaya sa kaso ng phi·liʹa]; iyon ay isang prinsipyo na kusang sinusunod natin sa buhay. Ang agapē ay sa pinakamataas na kahulugan may kinalaman sa kalooban. Iyon ay isang pagwawagi, isang pagtatagumpay, at dakilang gawa. Walang sinuman ang likas na umiibig sa kaniyang mga kaaway. Ang pag-ibig sa mga kaaway ay isang pagwawagi sa lahat ng ating likas na mga hilig at damdamin. Ang agapē na ito . . . ay sa totoo ang kapangyarihan na ibigin ang di-kaibig-ibig, ibigin ang mga tao na hindi natin gusto.”
3. Anong pagdiriin ang ginawa nina Jesu-Kristo at Pablo tungkol sa pag-ibig?
3 Oo, kabilang sa mga bagay na nagpapakita ng pagkakaiba ng dalisay na pagsamba sa Diyos na Jehova kung ihahambing sa lahat ng iba pang anyo ng pagsamba ay ang pagdiriin nito sa ganitong uri ng pag-ibig. Tama ang pagkasabi ni Jesu-Kristo tungkol sa dalawang pinakadakilang utos: “Ang una ay, . . . ‘Iibigin mo si Jehova mong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong isip mo at nang buong lakas mo.’ Ang pangalawa ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na lalong dakila kaysa mga ito.” (Marcos 12:29-31) Ganiyan ding pagdiriin ang ginawa ni apostol Pablo sa pag-ibig sa kabanata 13 ng 1 Corinto. Pagkatapos idiin na ang pag-ibig ang pangunahing katangian na laging kailangan, siya’y nagtapos sa pagsasabi: “Datapuwat, ngayon, nananatili ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, ang tatlong ito; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.” (1 Corinto 13:13) Tama ang pagkasabi ni Jesus na ang pag-ibig ang pagkakakilanlang tanda ng kaniyang mga tagasunod.—Juan 13:35.
Ang Hindi Kahulugan ng Pag-ibig
4. Ilang negatibo at ilang positibong katangian ng pag-ibig ang binabanggit ni Pablo sa 1 Corinto 13:4-8?
4 Binanggit na mas madaling sabihin kung ano ang hindi kahulugan ng pag-ibig kaysa sabihin kung ano ang kahulugan nito. May bahagyang katotohanan iyan, sapagkat si apostol Pablo sa kaniyang kabanata tungkol sa pag-ibig, sa 1 Corinto 13, sa mga 1Cor 13 talatang 4 hanggang 8, ay bumabanggit ng siyam na bagay na hindi kahulugan ng pag-ibig at pitong bagay na kahulugan nito.
5. Ano ba ang kahulugan ng “paninibugho,” at papaano ito ginamit sa isang positibong diwa sa Kasulatan?
5 Ang unang bagay na sinasabi ni Pablo na hindi kahulugan ng pag-ibig ay na ito “ay hindi naninibugho.” Iyan ay nangangailangan ng kaunting paliwanag sapagkat may positibo at negatibong katangian ang paninibugho. Sa isang diksiyunaryo, ang kahulugan ng “naninibugho” ay “ayaw na may karibal” at “humihingi ng bukod-tanging debosyon.” Kaya, sinabi ni Moises sa Exodo 34:14: “Huwag kang magpapatirapa sa ibang diyos, dahil si Jehova, na Mapanibughuin ang pangalan, ay isang mapanibughuing Diyos.” Sa Exodo 20:5, sinasabi ni Jehova: “Akong si Jehova na iyong Diyos ay isang Diyos na humihingi ng bukod-tanging debosyon.” Nahahawig dito ang isinulat ni apostol Pablo: “Ako’y naninibugho tungkol sa inyo ng paninibughong ukol sa Diyos.”—2 Corinto 11:2.
6. Anong mga halimbawa sa Kasulatan ang nagpapakita kung bakit ang pag-ibig ay hindi naninibugho?
6 Gayunman, karaniwan nang ang “paninibugho” ay may masamang kahulugan, kaya ito binanggit sa Galacia 5:20 na kasama ng mga gawa ng laman. Oo, ang gayong paninibugho ay mapag-imbot at pinagmumulan ng pagkapoot, at ang pagkapoot ang kabaligtaran ng pag-ibig. Dahilan sa paninibugho si Cain ay napoot kay Abel hanggang sa sukdulang siya’y patayin, at ito rin ang nag-udyok sa sampung kapatid ni Jose sa ama na mapoot sa kaniya hanggang sa sukdulang pagnanais na patayin siya. Ang pag-ibig ay hindi naninibugho hanggang sa pagkainggit sa iba sa kanilang mga ari-arian o mga bentaha, gaya ng may paninibughong pagkainggit ni Haring Ahab kay Naboth dahilan sa kaniyang ubasan.—1 Hari 21:1-19.
7. (a) Anong pangyayari ang nagpapakita na si Jehova ay hindi nalulugod sa pagyayabang? (b) Bakit ang pag-ibig ay hindi nagyayabang nang hindi na iniisip?
7 Sumunod ay sinasabi sa atin ni Pablo na ang pag-ibig ay “hindi nagyayabang.” Ang pagyayabang ay nagpapakita ng kawalan ng pag-ibig, sapagkat pinangyayari nito na itaas ng isa ang kaniyang sarili nang higit sa iba. Si Jehova ay hindi nalulugod sa mga mayayabang, gaya ng pinatutunayan nang kaniyang ibaba si Haring Nabucodonosor nang ito’y magyabang. (Daniel 4:30-35) Ang pagyayabang ay kadalasang ginagawa nang hindi na iniisip dahilan sa labis na paghanga ng isa sa kaniyang mga tagumpay o ari-arian. Ang ilan ay baka may hilig na ipagyabang ang kanilang tagumpay sa ministeryong Kristiyano. Ang iba naman ay nakakatulad ng isang matanda (elder) na naakit ang kalooban na tumilepono sa kaniyang mga kaibigan upang balitaan sila na siya’y nakabili ng isang bagong kotse na nagkakahalaga ng halos $50,000. Lahat ng iyan ay nagpapakita ng kawalan ng pag-ibig sapagkat ipinakikita na ang nagyayabang ay mas magaling sa kaniyang mga tagapakinig.
8. (a) Ano ang saloobin ni Jehova tungkol sa mga mapagpalalo? (b) Bakit ang pag-ibig ay hindi nag-uugaling ganiyan?
8 Pagkatapos ay sinasabi sa atin na ang pag-ibig ay “hindi nagpapalalo.” Ang isang palalo, o mapagmataas, ay nagpapakita ng kawalang-pag-ibig sa pagtataas ng kaniyang sarili nang higit sa iba. Ang ganiyang kaisipan ay sukdulang kamangmangan sapagkat “ang Diyos ay sumasalansang sa mga mapagmataas, ngunit siya’y nagbibigay ng di-sana-nararapat na awa sa mga mapagpakumbaba.” (Santiago 4:6) Ang pag-ibig ay mismong kabaligtaran; itinuturing nito na ang iba ay lalong mabuti. Isinulat ni Pablo sa Filipos 2:2, 3: “Lubusin ninyo ang aking kagalakan sa bagay na kayo’y nagkakaisang-isip at may iisang pag-ibig, yamang nagkakaisa ng kaluluwa, na may iisang kaisipan, na hindi ginagawa ang anuman nang may pagkakampi-kampi o dahil sa pag-ibig sa sarili, kundi nang may kababaang-loob na itinuturing na ang iba’y nakahihigit sa inyo.” Dahil sa gayong kaisipan ang iba ay nagiginhawahan, samantalang ang taong mapagmataas na palakontra ay nagiging dahilan upang ang iba ay mabalisa.
9. Bakit ang pag-ibig ay hindi nag-uugaling mahalay?
9 Sinasabi pa ni Pablo na ang pag-ibig ay “hindi nag-uugaling mahalay.” Sa diksiyunaryo ang kahulugan ng “mahalay” ay “totoong masagwa o di-nararapat ugaliin o labag sa moral.” Ang isang nag-uugaling mahalay (salat sa pag-ibig) ay hindi nagpapakundangan sa damdamin ng iba. Maraming bersiyon ng Bibliya na ang pagkasalin dito mula sa Griego ay “magaspang.” Ang gayong tao ay lumalabag sa itinuturing na nararapat at tinatanggap. Oo, ang maibiging konsiderasyon sa iba ay nangangahulugan ng pag-iwas sa lahat ng bagay na magaspang o mahalay, na kinayayamutan at maaari pa ngang makagitla.
Ang Iba Pang Bagay na Hindi Kahulugan ng Pag-ibig
10. Papaanong ang pag-ibig ay hindi humahanap ng kaniyang sariling kapakanan?
10 Pagkatapos ay sinasabi sa atin na ang pag-ibig ay “hindi hinahanap ang kaniyang sariling kapakanan,” samakatuwid nga, pagka may suliranin sa pagitan ng ating personal na mga kapakanan at ng sa iba. Sinabi ng apostol: “Wala pang lalaking napoot sa sarili niyang laman; kundi pinakakain niya at inaalagaan ito.” (Efeso 5:29) Gayunman, pagka ang ating mga kapakanan ay salungat sa mga kapakanan ng iba at wala namang nasasangkot na ibang mga prinsipyo sa Bibliya, nararapat na gawin natin ang ginawa ni Abraham sa pakikitungo kay Lot, maibiging hayaan na masunod kung ano ang gusto ng kabilang panig.—Genesis 13:8-11.
11. Ano ang kahulugan ng ang pag-ibig ay hindi nayayamot?
11 Ang pag-ibig ay hindi rin naman madaling magdamdam. Kaya sinasabi sa atin ni Pablo na ang pag-ibig ay “hindi nayayamot.” Ito ay hindi balat-sibuyas. Ito’y gumagamit ng pagpipigil-sa-sarili. Ang mga mag-asawa ang lalo nang dapat makinig sa payong ito sa pamamagitan ng pag-iingat laban sa pagtataas ng kanilang tinig o pagsisigawan. May mga pagkakataon na ang isa’y madaling mayamot, kaya nadama ni Pablo ang pangangailangang payuhan si Timoteo: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging malumanay sa lahat, may kakayahang magturo, nagtitimpi laban sa kasamaan”—oo, hindi nayayamot—“mahinahong nagtuturo sa mga sumasalansang.”—2 Timoteo 2:24, 25.
12. (a) Sa anong paraan hindi inaalumana ng pag-ibig ang masama? (b) Bakit hindi isang karunungan na patuloy na pag-isipan ang isang kasamaan?
12 Sa pagpapatuloy sa mga bagay na hindi kahulugan ng pag-ibig, si Pablo ay nagpapayo: “Ang pag-ibig ay . . . hindi inaalumana ang masama.” Hindi ibig sabihin niyan na dahil sa pag-ibig ay ipagwawalang-bahala na lamang ang isang kasamaan. Ipinakita ni Jesus kung papaano natin aayusin ang mga bagay pagka tayo’y ginawan ng malubhang pagkakasala. (Mateo 18:15-17) Subalit ang pag-ibig ay hindi nagpapahintulot na tayo’y magpatuloy na nagagalit, nagtatanim ng pagkapoot. Ang hindi pag-alumana sa masama ay nangangahulugan ng pagpapatawad at ng paglimot sa nangyari pagka ang gayong bagay ay nalutas na sa isang paraang maka-Kasulatan. Oo, huwag parusahan ang iyong sarili o magpakaaba sa patuloy na pagbubuhos ng isip sa isang kamalian, anupat inaalumana ang isang kasamaan!
13. Ano ang kahulugan ng hindi nagagalak sa kalikuan, at bakit ang pag-ibig ay hindi gumagawa niyan?
13 Isa pa, sinasabihan tayo na ang pag-ibig ay “hindi nagagalak sa kalikuan.” Ang sanlibutan ay nagagalak sa kalikuan, gaya ng makikita sa pagiging popular ng mararahas at pornograpikong babasahin, pelikula, at mga programa sa TV. Ang gayong kagalakan ay mapag-imbot, walang pakundangan sa matuwid na mga prinsipyo ng Diyos o sa kapakanan ng iba. Lahat ng gayong mapag-imbot na kagalakan ay paghahasik ng ukol sa laman at sa takdang panahon ay aani ng kabulukan buhat sa laman.—Galacia 6:8.
14. Bakit may pagtitiwalang masasabi na ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman?
14 Ngayon ang huling bagay na hindi ginagawa ng pag-ibig ay: “Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman.” Unang-una, ang pag-ibig ay hindi nagkukulang o natatapos kailanman dahil sa ang Diyos ay pag-ibig, at siya “ang Haring walang-hanggan.” (1 Timoteo 1:17) Sa Roma 8:38, 39, tinitiyak sa atin na ang pag-ibig sa atin ni Jehova ay hindi magkukulang kailanman: “Ako’y naniniwalang lubos na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamahalaan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan, kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alinmang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na Panginoon natin.” At, ang pag-ibig ay hindi nabibigo kailanman dahil sa ito’y hindi nagkukulang ng anuman. Ang pag-ibig ay makatutugon sa kahilingan ng anumang okasyon, ng anumang hamon.
Ang Kahulugan ng Pag-ibig
15. Bakit itinatala ni Pablo ang matiyagang pagbabatá bilang una sa positibong mga katangian ng pag-ibig?
15 Ngayon, kung tungkol naman sa kahulugan ng pag-ibig, ganito pinasisimulan ni Pablo: “Ang pag-ibig ay matiyagang nagbabatá.” Sinasabi na hindi maaaring magkaroon ng pagsasamahang Kristiyano kung walang matiyagang pagbabatá, alalaong baga, kung walang matiyagang pagpapasensiya sa isa’t isa. Ito’y dahilan sa tayong lahat ay di-sakdal, at ang ating di-kasakdalan at kahinaan ay nagiging pagsubok sa iba. Hindi pagtatakhan kung bakit itinala ni Pablo na una ang katangiang ito bilang kahulugan ng pag-ibig!
16. Sa anong mga paraan makapagpapakita ng kabaitan sa isa’t isa ang mga miyembro ng isang pamilya?
16 Sinasabi ni Pablo na ang pag-ibig ay “mabait” din. Alalaong baga, ang pag-ibig ay matulungin, maalalahanin, makonsiderasyon sa iba. Ang kabaitan ay makikita sa mga bagay na malalaki at maliliit. Ang magiliw na Samaritano ay tunay na nagpakita ng kabaitan sa taong hinarang ng mga tulisan. (Lucas 10:30-37) Ang pag-ibig ay natutuwa na magsabing “pakisuyo.” Ang pagsasabing, “Ipasa ang tinapay” ay isang utos. Iyan ay nagiging isang pakiusap kung lalakipan ng “pakisuyo.” Ang mga lalaki ay mababait sa kani-kanilang asawa pagka kanilang sinunod ang payo sa 1 Pedro 3:7: “Kayong mga lalaki, patuloy na makipamahay kayong kasama nila ayon sa pagkakilala, na pakundanganan sila na gaya ng marupok na sisidlan, ang babae, yamang kayo rin naman ay mga tagapagmanang kasama nila ng di-sana-nararapat na biyaya ng buhay, upang ang inyong mga panalangin ay huwag mapigilan.” Ang mga asawang babae ay mabait sa kani-kanilang asawa pagka ang mga ito ay pinagpapakitaan nila ng “matinding paggalang.” (Efeso 5:33) Ang mga ama ay mababait sa kanilang mga anak pagka kanilang sinusunod ang payo sa Efeso 6:4: “Kayong mga ama, huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova.”
17. Ano ang dalawang paraan na ang pag-ibig ay nakikigalak sa katotohanan?
17 Ang pag-ibig ay hindi nagagalak sa kalikuan kundi “nakikigalak sa katotohanan.” Ang pag-ibig at katotohanan ay magkasama—ang Diyos ay pag-ibig, at gayundin, siya “ang Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Ang pag-ibig ay nagagalak sa pagkakita na ang katotohanan ay nagtatagumpay at nagbubunyag sa kasinungalingan; ito ang isang dahilan ng malaking pagsulong ng bilang ng mga sumasamba kay Jehova sa ngayon. Gayunman, yamang ipinakikita ang pagkakaiba ng katotohanan sa kalikuan, baka may kaisipan din ito na ang pag-ibig ay nagagalak sa katuwiran. Ang pag-ibig ay nagagalak sa pagtatagumpay ng katuwiran, gaya ng iniuutos na gawin ng mga sumasamba kay Jehova sa pagbagsak ng Babilonyang Dakila.—Apocalipsis 18:20.
18. Sa anong diwa binabatá ng pag-ibig ang lahat?
18 Sinasabi rin sa atin ni Pablo na “ang lahat ay binabatá” ng pag-ibig. Gaya ng ipinakikita ng Kingdom Interlinear, ang diwa ay na pinagtatakpan ng pag-ibig ang lahat ng bagay. Ito’y hindi “nagbubunyag ng kamalian” ng isang kapatid, gaya nang maaaring gawin ng mga balakyot. (Awit 50:20; Kawikaan 10:12; 17:9) Oo, ang diwa rito ay kagaya rin ng nasa 1 Pedro 4:8: “Ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” Mangyari pa, ang pagkamatapat ang dapat pumigil sa isa sa pagtatakip sa malalaking kasalanan laban kay Jehova at laban sa kongregasyong Kristiyano.
19. Sa anong paraan pinaniniwalaan ng pag-ibig ang lahat?
19 Ang “lahat ay pinaniniwalaan” ng pag-ibig. Ang pag-ibig ay positibo, hindi negatibo. Hindi ibig sabihin na ang pag-ibig ay mapaniwalain. Ito’y hindi agad naniniwala sa nakapupukaw na mga pangungusap. Subalit upang ang isa’y magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, siya’y kailangang may tibay ng loob na maniwala. Samakatuwid ang pag-ibig ay hindi mapag-alinlangan, hindi labis na palapintasin. Ito’y hindi tumatangging maniwala na gaya ng ateyista, na mapagmataas na nagsasabing walang Diyos, ni ito man ay katulad ng agnostiko, na may pagmamataas na iginigiit na talagang imposibleng malaman kung saan tayo nagmula, bakit tayo naririto, at ano ang magiging kinabukasan. Ang Salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng katiyakan sa lahat ng bagay na ito. Ang pag-ibig ay handa ring maniwala sapagkat ito ay nagtitiwala, hindi labis na mapaghinala.
20. Papaanong ang pag-ibig ay may kaugnayan sa pag-asa?
20 Tinitiyak pa rin sa atin ni apostol Pablo na “lahat ay inaasahan” ng pag-ibig. Yamang ang pag-ibig ay positibo, hindi negatibo, ito’y may matibay na pag-asa sa lahat ng ipinangako sa Salita ng Diyos. Tayo ay sinabihan: “Ang taong nagsasaka ay dapat magsaka na taglay ang pag-asa at ang taong gumigiik ay dapat gumiik na taglay ang pag-asa na makakabahagi.” (1 Corinto 9:10) Kung papaano ang pag-ibig ay mapagkakatiwalaan, ito rin ay may pag-asa, laging umaasa sa pinakamagaling na kalalabasan.
21. Anong katiyakan ang ibinibigay ng Kasulatan na ang pag-ibig ay nagtitiis?
21 Sa wakas, tinitiyak sa atin na “lahat ay tinitiis” ng pag-ibig. Nagagawa nito ang gayon dahilan sa sinabi sa atin ni apostol Pablo sa 1 Corinto 10:13: “Hindi dumarating sa inyo ang ano mang tukso kundi yaong karaniwan sa mga tao. Ngunit tapat ang Diyos, at hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya, kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman niya ang paraan upang ito’y inyong matiis.” Tayo’y uudyukan ng pag-ibig na malasin ang maraming halimbawa sa Kasulatan ng mga lingkod ng Diyos na nangagtiis, na pangunahin na ay si Jesu-Kristo, gaya ng ipinaaalaala sa atin sa Hebreo 12:2, 3.
22. Bilang mga anak ng Diyos, kailangang tayo’y laging abala sa pagpapakita ng anong pinakadakilang katangian?
22 Tunay, ang pag-ibig (a·gaʹpe) ang pinakadakilang katangian na dapat nating paunlarin bilang mga Kristiyano, mga Saksi ni Jehova, kapuwa kung ano ang hindi kahulugan nito at kung ano ang kahulugan nito. Bilang mga anak ng Diyos, harinawang tayo’y laging abala sa pagpapakita ng bungang ito ng espiritu ng Diyos. Ang paggawa nang gayon ay pagtulad sa Diyos, sapagkat, tandaan, “ang Diyos ay pag-ibig.”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Papaano ipinakikita nina Jesu-Kristo at Pablo ang kadakilaan ng pag-ibig?
◻ Sa anong diwa hindi naninibugho ang pag-ibig?
◻ Papaanong “ang lahat ay binabatá” ng pag-ibig?
◻ Bakit masasabi na ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman?
◻ Sa anong dalawang paraan nakikigalak sa katotohanan ang pag-ibig?
[Kahon sa pahina 21]
PAG-IBIG (AGAPE) Ang Hindi Kahulugan Nito Ang Kahulugan Nito
1. Naninibugho 1.Matiyagang nagbabatá
2. Nagyayabang 2.Mabait
3. Nagpapalalo 3.Nakikigalak sa katotohanan
4. Nag-uugaling mahalay 4.Lahat ay binabatá
5. Hinahanap ang kaniyang sariling kapakanan 5.Lahat ay pinaniniwalaan
6. Nayayamot 6.Lahat ay inaasahan
7. Inaalumana ang masama 7.Lahat ay tinitiis
8. Nagagalak sa kalikuan
9. Nagkukulang
[Mga larawan sa pahina 18]
Pinagpakumbaba ni Jehova si Nabucodonosor dahilan sa pagyayabang