Tularan ang Pagkamatiisin ni Jehova
“Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, . . . kundi siya ay matiisin.”—2 PEDRO 3:9.
1. Anong walang-katulad na kaloob ang iniaalok ni Jehova sa mga tao?
SI Jehova ay nag-aalok sa atin ng isang bagay na hindi maibibigay ng sinuman. Isa itong bagay na lubhang kanais-nais at napakahalaga, subalit hindi ito mabibili o matatamo sa ganang sarili. Ang iniaalok niya ay ang kaloob na buhay na walang hanggan—para sa karamihan sa atin, walang katapusang buhay sa isang paraisong lupa. (Juan 3:16) Tiyak ngang magiging kalugud-lugod iyon! Mawawala na ang mga bagay na nagdudulot ng labis na pighati—alitan, karahasan, karalitaan, krimen, sakit, at maging kamatayan. Ang mga tao ay mamumuhay sa ganap na kapayapaan at pagkakaisa sa ilalim ng maibiging pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Gayon na lamang ang pananabik natin sa Paraisong iyon!—Isaias 9:6, 7; Apocalipsis 21:4, 5.
2. Bakit hindi pa inaalis ni Jehova ang sistema ng mga bagay ni Satanas?
2 Buong-pananabik ding hinihintay ni Jehova ang panahon kung kailan niya gagawing Paraiso ang lupa. Totoo iyan, sapagkat siya ay maibigin sa katuwiran at katarungan. (Awit 33:5) Hindi siya nalulugod pagmasdan ang isang daigdig na nagwawalang-bahala o napopoot sa kaniyang matutuwid na simulain, isang daigdig na humahamak sa kaniyang awtoridad at umuusig sa kaniyang bayan. Gayunman, may makatuwirang mga dahilan kung bakit hindi pa niya inaalis ang balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas. Ang mga dahilang iyon ay may kinalaman sa mga usaping moral na nauugnay sa kaniyang soberanya. Sa paglutas sa mga usaping ito, si Jehova ay nagpapakita ng lubhang kaakit-akit na katangian, isang katangian na hindi taglay ng marami sa ngayon—ang pagkamatiisin.
3. (a) Ano ang kahulugan ng mga salitang Griego at Hebreo na isinalin sa Bibliya bilang “pagtitiis”? (b) Anu-anong tanong ang isasaalang-alang natin ngayon?
3 May isang salitang Griego na tatlong ulit na isinalin sa Bagong Sanlibutang Salin bilang “pagtitiis.” Ang literal na kahulugan nito ay “kahabaan ng espiritu” at sa gayo’y madalas na isinasaling “mahabang pagtitiis” at isinalin minsan na “pagkamatiisin.” Kalakip sa kahulugan ng mga salitang Griego at Hebreo para sa “pagtitiis” ang ideya ng pagtitimpi at pagiging mabagal magalit. Paano tayo nakikinabang sa pagkamatiisin ni Jehova? Anu-anong aral ang matututuhan natin mula sa pagkamatiisin at pagbabata ni Jehova at ng kaniyang tapat na mga lingkod? Paano natin nalaman na may hangganan ang pagkamatiisin ni Jehova? Isaalang-alang natin.
Isaalang-alang ang Pagkamatiisin ni Jehova
4. May kinalaman sa pagkamatiisin ni Jehova, ano ang isinulat ni apostol Pedro?
4 May kinalaman sa pagkamatiisin ni Jehova, sumulat si apostol Pedro: “Huwag nawang makalampas sa inyong pansin ang isang bagay na ito, mga minamahal, na ang isang araw kay Jehova ay gaya ng isang libong taon at ang isang libong taon ay gaya ng isang araw. Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, gaya ng itinuturing ng ilang tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:8, 9) Pakisuyong pansinin ang dalawang puntong binanggit dito na makatutulong sa atin upang maunawaan ang pagkamatiisin ni Jehova.
5. Paano nakaaapekto sa pagkilos ni Jehova ang kaniyang pangmalas sa panahon?
5 Ang unang punto ay na iba ang pangmalas ni Jehova sa panahon kaysa sa pangmalas natin dito. Sa Isa na nabubuhay magpakailanman, ang isang libong taon ay katumbas lamang ng isang araw. Hindi siya nalilimitahan o nagigipit sa panahon, subalit hindi naman siya mabagal sa pagkilos. Palibhasa’y nagtataglay ng walang hanggang karunungan, alam na alam ni Jehova ang pinakamainam na panahon upang kumilos para sa kapakinabangan ng lahat ng nasasangkot, at siya ay matiising naghihintay sa pagdating ng panahong iyon. Gayunman, hindi tayo dapat mag-isip na ipinagwawalang-bahala ni Jehova ang anumang pagdurusang maaaring nararanasan ng kaniyang mga lingkod sa kasalukuyan. Siya ay isang Diyos ng “magiliw na pagkamahabagin,” ang personipikasyon ng pag-ibig. (Lucas 1:78; 1 Juan 4:8) Kaya niyang alisin, nang lubusan at magpakailanman, ang anumang pinsala na maaaring naidulot ng pansamantalang pagpapahintulot na ito sa pagdurusa.—Awit 37:10.
6. Ano ang hindi natin dapat isipin tungkol sa Diyos, at bakit?
6 Sabihin pa, hindi madali ang maghintay sa isang bagay na inaasam-asam. (Kawikaan 13:12) Kaya, kapag hindi agad tinutupad ng mga tao ang kanilang mga pangako, maaaring isipin ng iba na wala talaga silang balak na tuparin ito. Hindi nga katalinuhang pag-isipan ng ganiyan ang Diyos! Kung ipinagkakamali natin ang pagtitiis ng Diyos bilang kabagalan, ang paglipas ng panahon ay madaling maging dahilan upang mag-alinlangan tayo at masiraan ng loob, anupat nanganganib tayong antukin sa espirituwal. Masahol pa riyan, baka mailigaw tayo ng mga nabanggit ni Pedro sa kaniyang babala—mga manunuya, yaong mga walang pananampalataya. May-panlilibak na sinasabi ng mga iyon: “Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.”—2 Pedro 3:4.
7. Paano nauugnay ang pagkamatiisin ni Jehova sa kaniyang pagnanais na magsisi ang mga tao?
7 Ang ikalawang punto na makukuha natin mula sa mga salita ni Pedro ay na matiisin si Jehova sapagkat nais niyang ang lahat ay makaabot sa pagsisisi. Matitikman ng mga may-katigasang tumatangging tumalikod sa kanilang masasamang lakad ang pagkapuksa sa kamay ni Jehova. Gayunman, hindi nalulugod ang Diyos sa kamatayan ng balakyot. Sa halip, nalulugod siyang makitang nagsisisi ang mga tao, tumatalikod sa kanilang masasamang lakad, at patuloy na mabuhay. (Ezekiel 33:11) Iyan ang dahilan kung kaya siya patuloy na nagtitiis at isinusugo ang kaniyang mga lingkod na ihayag ang mabuting balita sa buong lupa upang ang mga tao ay magkaroon ng pagkakataong mabuhay.
8. Paano makikita ang pagkamatiisin ng Diyos sa kaniyang pakikitungo sa bansang Israel?
8 Nakikita rin ang pagkamatiisin ng Diyos sa kaniyang pakikitungo sa sinaunang bansang Israel. Sa loob ng maraming siglo, pinagtiisan niya ang kanilang pagiging masuwayin. Sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, paulit-ulit niya silang hinimok: “Tumalikod kayo mula sa inyong masasamang lakad at tuparin ninyo ang aking mga utos, ang aking mga batas, ayon sa lahat ng kautusan na iniutos ko sa inyong mga ninuno at siyang ipinadala ko sa inyo sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta.” Ano ang resulta? Nakalulungkot, ‘hindi nakinig’ ang bayan.—2 Hari 17:13, 14.
9. Paano masasalamin kay Jesus ang pagkamatiisin ng kaniyang Ama?
9 Sa wakas, isinugo ni Jehova ang kaniyang Anak, na patuloy na nagsumamo sa mga Judio na makipagkasundo sila sa Diyos. Lubusang masasalamin kay Jesus ang pagkamatiisin ng kaniyang Ama. Dahil alam na alam niyang malapit na siyang patayin, nanaghoy si Jesus: “Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya,—kay dalas na ninais kong tipunin ang iyong mga anak, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit hindi ninyo ibig.” (Mateo 23:37) Ang makabagbag-damdaming pananalitang ito ay hindi mula sa isang walang-awang hukom na sabik magparusa kundi mula sa isang maibiging kaibigan na matiisin sa mga tao. Tulad ng kaniyang Ama sa langit, gusto ni Jesus na magsisi at makaligtas ang mga tao mula sa di-kaayaayang hatol. May ilang sumunod sa mga babala ni Jesus at nakaligtas sa kahila-hilakbot na kahatulang sumapit sa Jerusalem noong 70 C.E.—Lucas 21:20-22.
10. Paano tayo nakikinabang sa pagkamatiisin ng Diyos?
10 Hindi ba’t kamangha-mangha ang pagkamatiisin ng Diyos? Sa kabila ng lantarang pagsuway ng tao, binigyan pa rin ni Jehova ang bawat isa sa atin, pati na ang milyun-milyong iba pa, ng pagkakataon na makilala siya at tanggapin ang pag-asa ng kaligtasan. “Ituring ninyo ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan,” ang isinulat ni Pedro sa mga kapuwa Kristiyano. (2 Pedro 3:15) Hindi ba tayo nagpapasalamat na nabuksan sa atin ang daan tungo sa kaligtasan dahil sa pagkamatiisin ni Jehova? Hindi ba’t ipinananalangin natin na patuloy nawang maging matiisin si Jehova sa atin habang naglilingkod tayo sa kaniya sa araw-araw?—Mateo 6:12.
11. Pakikilusin tayo ng pagkaunawa sa pagkamatiisin ni Jehova na gawin ang ano?
11 Kapag nauunawaan natin kung bakit matiisin si Jehova, natutulungan tayong maghintay nang may pagtitiis sa gagawin niyang pagliligtas, anupat hindi kailanman iniisip na mabagal siya sa pagtupad sa kaniyang mga pangako. (Panaghoy 3:26) Habang patuloy tayong nananalangin na dumating na sana ang Kaharian ng Diyos, nagtitiwala tayo na alam ng Diyos ang pinakamabuting panahon para sagutin ang panalanging iyan. Bukod diyan, napakikilos tayong tularan si Jehova sa pamamagitan ng pagpapakita ng makadiyos na pagkamatiisin sa pakikitungo natin sa ating mga kapatid at sa mga pinangangaralan natin. Ayaw rin nating mapuksa ang sinuman kundi nais natin silang magsisi at magkaroon ng pag-asang buhay na walang hanggan tulad natin.—1 Timoteo 2:3, 4.
Isaalang-alang ang Pagkamatiisin ng mga Propeta
12, 13. Kasuwato ng Santiago 5:10, paano matagumpay na nakapagtiis si propeta Isaias?
12 Sa pagsasaalang-alang sa pagkamatiisin ni Jehova, natutulungan tayong pahalagahan at linangin ang katangiang iyan. Hindi madali para sa di-sakdal na mga tao na linangin ang pagkamatiisin, pero magagawa ito. Matututo tayo mula sa sinaunang mga lingkod ng Diyos. Sumulat ang alagad na si Santiago: “Mga kapatid, kunin ninyo bilang parisan ng pagbabata ng kasamaan at ng pagkamatiisin ang mga propeta, na nagsalita sa pangalan ni Jehova.” (Santiago 5:10) Nakaaaliw at nakapagpapatibay-loob malaman na matagumpay na naharap ng iba ang mga problemang napapaharap din sa atin.
13 Halimbawa, tiyak na kinailangan ni propeta Isaias ng pagtitiis sa kaniyang atas. Ipinahiwatig ito ni Jehova sa pagsasabi sa kaniya: “Yumaon ka, at sabihin mo sa bayang ito, ‘Dinggin ninyo nang paulit-ulit, gayunma’y hindi ninyo mauunawaan; at tingnan ninyo nang paulit-ulit, gayunma’y hindi ninyo malalaman.’ Gawin mong manhid ang puso ng bayang ito, at gawin mong bingi ang kanila mismong mga tainga, at pagdikitin mo ang kanila mismong mga mata, upang hindi nila makita ng kanilang mga mata at sa pamamagitan ng kanilang mga tainga ay hindi nila marinig, at upang ang kanilang puso ay hindi makaunawa at upang hindi nga sila manumbalik at magtamo ng kagalingan para sa kanilang sarili.” (Isaias 6:9, 10) Sa kabila ng hindi pagtugon ng bayan, may-pagtitiis na ipinahayag ni Isaias ang mga babalang mensahe ni Jehova sa loob ng di-kukulangin sa 46 na taon! Sa katulad na paraan, tutulungan tayo ng pagkamatiisin na magbata sa ating pangangaral ng mabuting balita, kahit na marami ang hindi tumatanggap dito.
14, 15. Ano ang nakatulong kay Jeremias upang maharap ang mga kapighatian at pagkasira ng loob?
14 Sabihin pa, habang isinasagawa ng mga propeta ang kanilang ministeryo, hindi lamang ang kawalan ng pagtugon ng mga tao ang kailangan nilang harapin kundi pati na rin ang pag-uusig. Si Jeremias ay inilagay sa mga pangawan, ibinilanggo sa “bahay-pangawan,” at inihagis sa imbakang-tubig. (Jeremias 20:2; 37:15; 38:6) Dinanas niya ang pag-uusig na ito sa mga kamay ng mismong bayan na nais niyang tulungan. Gayunman, hindi naghinanakit si Jeremias, ni gumanti man siya. Nagbata siya nang may pagtitiis sa loob ng maraming dekada.
15 Hindi napatahimik si Jeremias ng pag-uusig at panunuya, at hindi rin tayo kayang patahimikin nito sa ngayon. Sabihin pa, baka nasisiraan tayo ng loob kung minsan. Si Jeremias ay nasiraan ng loob. “Sa akin ang salita ni Jehova ay naging sanhi ng kadustaan at ng kakutyaan sa buong araw,” ang isinulat niya. “At sinabi ko: ‘Hindi ko siya babanggitin, at hindi na ako magsasalita sa kaniyang pangalan.’ ” Ano ang nangyari? Huminto ba si Jeremias sa pangangaral? Ganito ang karagdagang sinabi niya: ‘Sa aking puso ang salita ng Diyos ay naging gaya ng nagniningas na apoy na nakukulong sa aking mga buto; at pagod na ako sa kapipigil, at hindi ko na iyon matiis.’ (Jeremias 20:8, 9) Pansinin na nang pagtuunan niya ng pansin ang panunuya ng bayan, nawala ang kaniyang kagalakan. Nang ibaling niya ang kaniyang pansin sa kagandahan at kahalagahan ng mismong mensaheng ito, muli siyang nakadama ng kagalakan. Bukod diyan, si Jehova ay sumasa kay Jeremias na “gaya ng isang kahila-hilakbot na makapangyarihan,” anupat pinalalakas siya upang maihayag niya ang salita ng Diyos nang may sigasig at katapangan.—Jeremias 20:11.
16. Paano natin mapananatili ang kagalakan sa ating pangangaral ng mabuting balita?
16 Nakasumpong ba ng kagalakan sa kaniyang gawain si propeta Jeremias? Oo! Sinabi niya kay Jehova: “Ang iyong mga salita ay nasumpungan, at kinain ko ang mga iyon; at sa akin ang iyong salita ay naging pagbubunyi at pagsasaya ng aking puso; sapagkat ang iyong pangalan ay itinatawag sa akin, O Jehova.” (Jeremias 15:16) Nagsaya si Jeremias sa kaniyang pribilehiyo na katawanin ang tunay na Diyos at ipangaral ang Kaniyang salita. Maaari rin natin itong madama. Karagdagan pa, gaya ng mga anghel sa langit, nagsasaya tayo dahil sa buong daigdig ay napakarami ang tumatanggap sa mensahe ng Kaharian, nagsisisi, at tumatahak sa daan patungo sa buhay na walang hanggan.—Lucas 15:10.
“Ang Pagbabata ni Job”
17, 18. Sa anong paraan nagbata si Job, at ano ang naging resulta?
17 Pagkatapos magkomento tungkol sa sinaunang mga propeta, sumulat ang alagad na si Santiago: “Narinig ninyo ang tungkol sa pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova, na si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.” (Santiago 5:11) Ang salitang Griego na isinalin ditong “pagbabata” ay may kahulugan na katulad ng salitang ginamit ni Santiago sa naunang talata para sa “pagkamatiisin.” Sa pagbanggit sa pagkakaiba ng dalawang salita, ganito ang isinulat ng isang iskolar: “Ang naunang nabanggit ay tumutukoy sa pagtitiis kapag inaabuso tayo ng mga tao, ang huling nabanggit naman ay tumutukoy sa lakas-loob na pagtitiis kapag tayo ay dumaranas ng mahihirap na kalagayan.”
18 Si Job ay dumanas ng matinding kabagabagan. Nalugi siya sa pinansiyal, namatayan ng mga anak, at dumanas ng isang makirot na karamdaman. Napaharap din siya sa huwad na mga paratang na pinarurusahan siya ni Jehova. Hindi nanahimik si Job sa dinaranas niyang paghihirap; nanaghoy siya sa kaniyang kalagayan at ipinahiwatig pa nga na mas matuwid siya kaysa sa Diyos. (Job 35:2) Ngunit hindi siya kailanman nawalan ng pananampalataya, ni nawala man ang kaniyang katapatan. Hindi niya sinumpa ang Diyos taliwas sa sinabi ni Satanas na gagawin daw niya. (Job 1:11, 21) Ano ang resulta? ‘Pinagpala ni Jehova ang huling wakas ni Job nang higit pa kaysa sa kaniyang pasimula.’ (Job 42:12) Isinauli ni Jehova ang kalusugan ni Job, dinoble ang kaniyang kayamanan, at ginantimpalaan siya ng isang kasiya-siya at maligayang buhay sa piling ng kaniyang mga mahal sa buhay. Dahil din sa matapat na pagbabata, mas lubusang naunawaan ni Job ang katangian ni Jehova.
19. Ano ang matututuhan natin mula sa matiising pagbabata ni Job?
19 Ano ang matututuhan natin mula sa matiising pagbabata ni Job? Tulad ni Job, baka dumanas tayo ng sakit o ng iba pang kahirapan. Maaaring hindi natin lubusang maunawaan kung bakit pinahihintulutan ni Jehova na dumanas tayo ng isang partikular na pagsubok. Gayunman, makatitiyak tayo sa bagay na ito: Kung mananatili tayong tapat, pagpapalain tayo. Pinagpapala talaga ni Jehova ang mga may-pananabik na humahanap sa kaniya. (Hebreo 11:6) Sinabi ni Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”—Mateo 10:22; 24:13.
“Ang Araw ni Jehova ay Darating”
20. Bakit tayo makatitiyak na darating ang araw ni Jehova?
20 Bagaman matiisin si Jehova, siya rin ay matuwid at hindi niya pahihintulutang manatili ang kabalakyutan magpakailanman. May hangganan ang kaniyang pagkamatiisin. Sumulat si Pedro: ‘Hindi nagpigil ang Diyos sa pagpaparusa sa sinaunang sanlibutan.’ Bagaman naingatang buháy si Noe at ang kaniyang pamilya, ang di-makadiyos na sanlibutang iyon ay inapawan ng tubig. Hinatulan din ni Jehova ng pagkapuksa ang Sodoma at Gomorra, anupat lubusan silang nalipol. Ang mga paghatol na ito ay nagbibigay ng “isang parisan para sa mga taong di-makadiyos tungkol sa mga bagay na darating.” May kaugnayan dito, ito ang matitiyak natin: “Ang araw ni Jehova ay darating.”—2 Pedro 2:5, 6; 3:10.
21. Paano natin maipakikita ang ating pagtitiis at pagbabata, at anong paksa ang isasaalang-alang natin sa susunod na artikulo?
21 Kung gayon, tularan natin ang pagkamatiisin ni Jehova sa pamamagitan ng pagtulong sa iba na makaabot sa pagsisisi upang sila ay maligtas. Tularan din natin ang mga propeta sa pamamagitan ng paghahayag ng mabuting balita nang may pagtitiis sa kabila ng hindi pagtugon ng mga pinangangaralan natin. Higit pa riyan, makatitiyak tayo na sagana tayong pagpapalain ni Jehova kung, gaya ni Job, pagtitiisan natin ang mga pagsubok at mananatili tayong tapat. Marami tayong dahilan upang magsaya sa ating ministeryo kapag nakikita natin kung paano saganang pinagpapala ni Jehova ang mga pagsisikap ng kaniyang bayan para maipangaral ang mabuting balita sa buong lupa. Isasaalang-alang natin ito sa susunod na artikulo.
Natatandaan Mo Ba?
• Bakit nagtitiis si Jehova?
• Ano ang matututuhan natin mula sa pagkamatiisin ng mga propeta?
• Paano nagbata si Job, at ano ang naging resulta?
• Paano natin nalaman na may hangganan ang pagkamatiisin ni Jehova?
[Larawan sa pahina 18]
Lubusang masasalamin kay Jesus ang pagkamatiisin ng kaniyang Ama
[Mga larawan sa pahina 20]
Paano ginantimpalaan ni Jehova ang pagtitiis ni Jeremias?
[Mga larawan sa pahina 21]
Paano ginantimpalaan ni Jehova ang pagbabata ni Job?