Pagpapakita ng Pag-ibig sa mga Nangangailangan
ANG mga Kristiyano ay kapuwa may pananagutan at pribilehiyo na magpakita ng pag-ibig sa kanilang mga kapatid na nangangailangan. (1 Juan 3:17, 18) Sumulat si apostol Pablo: “Gumawa tayo ng mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Isang kapatid na lalaki na nakapaglingkod na kay Jehova nang halos apat na dekada ang kamakailan ay nakaranas sa pag-ibig ng Kristiyanong kapatiran nang magkasakit at pagkatapos ay mamatay ang kaniyang asawa. Sumulat siya:
“Yamang inalagaan ko sa bahay ang aking asawa nang siya ay may-sakit, hindi ako nakapagtrabaho nang sekular nang halos dalawang buwan. Laking ginhawa ko nang kusang tumulong sa amin ang mga kaibigan sa kongregasyon! Maraming kaloob na salapi—‘para makatulong sa dagdag na gastusin,’ gaya ng isinasaad ng kalakip na mga kard—ang ipinambayad sa isinanla, bayarin sa tubig at ilaw, at iba pang gastusin.
“Dalawang linggo bago mamatay ang aking asawa, ang aming tagapangasiwa ng sirkito ay gumawa ng nakapagpapatibay na pagdalaw sa amin. Ipinalabas pa nga niya ang mga slide na panonoorin ng kongregasyon sa dulo ng sanlinggo. Nakapakinig kami sa mga pulong sa pamamagitan ng telepono—kasali na ang mga pulong bago maglingkod sa larangan na pinangasiwaan ng tagapangasiwa ng sirkito. Sa isa sa mga pulong na ito, hiniling niya sa lahat ng maglilingkod sa larangan na naroroon na magsabi ng ‘hello,’ nang sabay-sabay, sa aking asawa. Kaya naman, bagaman siya’y nakabukod sa pisikal, hindi niya nadamang nag-iisa siya.
“Sa loob ng isang oras pagkamatay niya, halos lahat ng matatanda ay nasa aking bahay. Mahigit sa sandaang kapatid ang dumalaw sa araw lamang na iyon. ‘Makahimalang’ naglitawan ang pagkain sa mesa para sa lahat ng naroroon. Hindi ko kayang tukuyin nang isa-isa ang lahat ng kaloob, kapahayagan ng pagdamay, nakaaaliw na mga salita, at mga panalangin na ibinigay alang-alang sa akin. Talagang nakapagpapalakas ang mga ito! Dumating pa nga sa punto na kinailangang sabihan ko ang mga kapatid na huminto na sa pagbibigay ng pagkain at pagtulong sa paglilinis ng bahay!
“Saan pa liban lamang sa organisasyon ni Jehova makikita ang ganitong walang-pag-iimbot na mga kapahayagan ng pagdamay, pagmamalasakit, at pag-ibig? Mabibilang ng maraming tao sa ngayon sa kanilang isang kamay ang mga tunay na kaibigan nila. Pinagpala tayo ni Jehova na magkaroon ng malaking pamilya ng espirituwal na magkakapatid!”—Marcos 10:29, 30.