Nagkasala Ka ba Laban sa Banal na Espiritu?
“May kasalanan na ikamamatay.”—1 JUAN 5:16.
1, 2. Paano natin nalalaman na posibleng magkasala ang isa laban sa banal na espiritu ng Diyos?
“LAGING laman ng aking isip na ako’y nagkasala laban sa banal na espiritu.” Ganiyan ang isinulat ng isang babae sa Alemanya, bagaman naglilingkod siya sa Diyos. Maaari nga bang magkasala ang isang Kristiyano laban sa banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos?
2 Oo, posibleng magkasala ang isa laban sa banal na espiritu ni Jehova. “Bawat uri ng kasalanan at pamumusong ay ipatatawad sa mga tao,” ang sabi ni Jesu-Kristo, “ngunit ang pamumusong laban sa espiritu ay hindi ipatatawad.” (Mateo 12:31) Binababalaan tayo: “Kung sinasadya nating mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan, kundi may nakatatakot na paghihintay sa paghuhukom.” (Hebreo 10:26, 27) At sumulat si apostol Juan: “May kasalanan na ikamamatay.” (1 Juan 5:16) Subalit ang isa ba na nagkasala nang malubha ang magpapasiya kung nakagawa siya ng “kasalanan na ikamamatay”?
Pinatatawad ang mga Nagsisisi
3. Kung lubha tayong napipighati sa nagawa nating kasalanan, ano ang malamang na ipinahihiwatig nito?
3 Si Jehova ang pangwakas na Hukom ng mga manggagawa ng kamalian. Sa katunayan, lahat tayo ay magsusulit sa kaniya, at lagi niyang ginagawa kung ano ang tama. (Genesis 18:25; Roma 14:12) Si Jehova ang magpapasiya kung nakagawa nga tayo ng di-mapatatawad na kasalanan, at maaari niyang alisin sa atin ang kaniyang espiritu. (Awit 51:11) Gayunman, kung lubha tayong napipighati sa nagawa nating kasalanan, malamang na tunay ang ating pagsisisi. Pero ano ba ang tunay na pagsisisi?
4. (a) Ano ang ibig sabihin ng pagsisisi? (b) Bakit nakaaaliw ang binabanggit sa Awit 103:10-14?
4 Ang pagsisisi ay nangangahulugang binabago natin ang ating saloobin hinggil sa maling mga bagay na nagawa natin o iniisip nating gawin. Nangangahulugan ito na nakadarama tayo ng kalungkutan at iniiwasan na natin ang makasalanang landasin. Kung nagkasala tayo nang malubha subalit ginawa na natin ang lahat ng kinakailangan para ipakitang talagang nagsisisi tayo, maaaliw tayo ng mga salita ng salmista: “Hindi pa niya [ni Jehova] ginawa sa atin ang ayon nga sa ating mga kasalanan; ni pinasapitan man niya tayo ng nararapat sa atin ayon sa ating mga kamalian. Sapagkat kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, ang kaniyang maibiging-kabaitan ay nakahihigit para sa mga may takot sa kaniya. Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon kalayo niya inilalagay mula sa atin ang ating mga pagsalansang. Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.”—Awit 103:10-14.
5, 6. Sabihin ang diwa ng 1 Juan 3:19-22, at ipaliwanag ang kahulugan ng mga sinabi ng apostol.
5 Nakaaaliw rin ang mga pananalita ni apostol Juan: “Sa ganito natin malalaman na tayo ay nagmumula sa katotohanan, at mabibigyang-katiyakan natin ang ating mga puso sa harap niya saanman tayo hinahatulan ng ating mga puso, sapagkat ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay. Mga minamahal, kung hindi tayo hinahatulan ng ating mga puso, tayo ay may kalayaan sa pagsasalita sa Diyos; at anuman ang ating hingin ay ating tatanggapin mula sa kaniya, sapagkat tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniyang paningin.”—1 Juan 3:19-22.
6 ‘Alam natin na nagmula tayo sa katotohanan’ sapagkat nagpapakita tayo ng pag-ibig na pangkapatid at hindi tayo namimihasa sa pagkakasala. (Awit 119:11) Kung hinahatulan tayo ng ating puso sa ilang kadahilanan, makabubuting tandaan natin na “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.” Nagpapakita sa atin ng awa si Jehova sapagkat alam niya ang ating “walang-pagpapaimbabaw na pagmamahal na pangkapatid,” ang ating pakikipaglaban sa kasalanan, at ang ating mga pagsisikap na gawin ang kaniyang kalooban. (1 Pedro 1:22) ‘Hindi tayo hahatulan’ ng ating puso kung nagtitiwala tayo kay Jehova, kung nagpapakita tayo ng pag-ibig na pangkapatid, at kung hindi natin sinasadyang magkasala. Magkakaroon tayo ng “kalayaan sa pagsasalita sa Diyos” kapag nananalangin, at sasagutin niya tayo sapagkat sinusunod natin ang kaniyang mga utos.
Nagkasala Sila Laban sa Espiritu
7. Ano ang saligan kung ang isang kasalanan ay mapatatawad o hindi?
7 Anu-anong kasalanan ang walang kapatawaran? Upang masagot ang tanong na ito, isaalang-alang natin ang ilang halimbawa sa Bibliya. Tiyak na makaaaliw ito sa atin kung lubha pa rin tayong nababagabag sa nagawa nating malubhang kasalanan sa kabila ng ating pagsisisi. Makikita natin na ang saligan kung mapatatawad o hindi ang isang kasalanan ay hindi lamang kung ano ang nagawang kasalanan kundi ang motibo, kalagayan ng puso, at kung sinasadya ba o hindi ang pagkakasala.
8. Paano nagkasala laban sa banal na espiritu ang ilang Judiong lider ng relihiyon noong unang siglo?
8 Ang mga Judiong lider ng relihiyon noong unang siglo na matinding sumalansang kay Jesu-Kristo ay nagkasala laban sa banal na espiritu. Nakita nila kung paano tinulungan si Jesus ng espiritu ng Diyos na gumawa ng mga himalang nagpaparangal kay Jehova. Subalit sinabi ng mga kaaway na ito ni Kristo na galing kay Satanas na Diyablo ang kapangyarihang ito. Ayon kay Jesus, ang mga namusong nang gayon laban sa banal na espiritu ng Diyos ay nakagawa ng kasalanan na hindi mapatatawad sa kasalukuyang ‘sistema ng mga bagay ni doon sa darating.’—Mateo 12:22-32.
9. Ano ang pamumusong, at ano ang sinabi ni Jesus hinggil dito?
9 Ang pamumusong ay mapanirang-puri, mapaminsala, o mapang-abusong pananalita. Yamang ang Diyos ang Pinagmumulan ng banal na espiritu, ang pagsasalita laban sa kaniyang espiritu ay katulad na rin ng pagsasalita laban kay Jehova. Ang pagsasalita laban sa banal na espiritu nang hindi nagsisisi ay walang kapatawaran. Ang insidenteng nag-udyok kay Jesus na banggitin ang tungkol sa gayong kasalanan ay nagpapakitang tinutukoy ni Jesus yaong mga mapagmatigas na sumasalansang sa pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos. Dahil nakita naman ng mga Pariseo na ang espiritu ni Jehova ang nasa likod ng himalang ginawa ni Jesus, subalit sinabi pa rin nilang ang kapangyarihang ito ay galing sa Diyablo, nagkasala sila ng pamumusong laban sa espiritu. Kaya sinabi ni Jesus: “Ang sinumang namumusong laban sa banal na espiritu ay walang kapatawaran magpakailanman, kundi nagkasala ng walang-hanggang kasalanan.”—Marcos 3:20-29.
10. Bakit tinawag ni Jesus si Judas na “anak ng pagkapuksa”?
10 Isaalang-alang din ang nangyari kay Judas Iscariote. Hindi siya naging tapat, anupat nagnanakaw sa kahon ng salapi na ipinagkatiwala sa kaniya. (Juan 12:5, 6) Nang maglaon, nagpunta si Judas sa mga Judiong tagapamahala at nagpakanang ipagkanulo si Jesus kapalit ng 30 pirasong pilak. Oo, nalungkot si Judas matapos niyang ipagkanulo si Jesus, subalit hindi niya pinagsisihan ang kaniyang sinadyang pagkakasala. Dahil dito, si Judas ay hindi karapat-dapat buhaying muli. Kaya tinawag siya ni Jesus na “anak ng pagkapuksa.”—Juan 17:12; Mateo 26:14-16.
Hindi Sila Nagkasala Laban sa Espiritu
11-13. Paano nagkasala si David may kaugnayan kay Bat-sheba, at bakit nakaaaliw sa atin ang naging pakikitungo ng Diyos sa kanila?
11 Kung minsan, may mga Kristiyanong nagtapat na ng kanilang malubhang pagkakasala at tumanggap na ng espirituwal na tulong mula sa mga elder ng kongregasyon subalit binabagabag pa rin ng kanilang budhi dahil sa nagawa nilang paglabag sa kautusan ng Diyos. (Santiago 5:14) Kung ganito mismo ang nararanasan natin, malamang na makinabang tayo kung isasaalang-alang natin ang sinasabi ng Kasulatan hinggil sa mga pinatawad sa kanilang kasalanan.
12 Malubha ang naging kasalanan ni Haring David may kaugnayan kay Bat-sheba, ang asawa ni Uria. Mula sa kaniyang bubong, nakita ni David sa ibaba ang magandang babaing ito na naliligo. Ipinatawag siya ni David sa kaniyang palasyo at sinipingan siya. Di-nagtagal, nang mabatid niyang nagdadalang-tao ito, gumawa siya ng paraan para masipingan si Bat-sheba ng asawa nitong si Uria, at sa gayo’y mapagtakpan ang ginawa nilang pangangalunya. Nang mabigo ang pakanang iyon, pinlano ng hari na mapatay si Uria sa digmaan. Pagkatapos nito, naging asawa ni David si Bat-sheba at nagkaroon sila ng anak pero namatay ito.—2 Samuel 11:1-27.
13 Si Jehova ang humawak sa kaso nina David at Bat-sheba. Pinatawad ng Diyos si David, anupat maliwanag na isinaalang-alang ang mga bagay na gaya ng kaniyang pagsisisi at ang pakikipagtipan sa kaniya ukol sa Kaharian. (2 Samuel 7:11-16; 12:7-14) Lumilitaw na nagsisi si Bat-sheba, sapagkat binigyan siya ng pribilehiyo na maging ina ni Haring Solomon at maging ninuno ni Jesu-Kristo. (Mateo 1:1, 6, 16) Kung nagkasala tayo, mahalagang tandaan na nakikita ni Jehova ang ating pagsisisi.
14. Paano inilalarawan ng nangyari kay Haring Manases ang laki ng pagpapatawad ng Diyos?
14 Ang laki ng pagpapatawad ni Jehova ay makikita rin sa nangyari kay Haring Manases ng Juda. Ginawa niya ang masama sa paningin ni Jehova. Nagtayo si Manases ng mga altar para kay Baal, sumamba sa “buong hukbo ng langit,” at nagtayo pa nga ng mga altar para sa huwad na mga diyos sa dalawang looban ng templo. Pinaraan niya sa apoy ang kaniyang mga anak na lalaki, itinaguyod ang espiritistikong mga gawain, at inudyukan ang mga naninirahan sa Juda at Jerusalem na “gumawa ng mas masama kaysa sa mga bansa na nilipol ni Jehova mula sa harap ng mga anak ni Israel.” Hindi niya pinakinggan ang mga babalang inihatid ng mga propeta ng Diyos. Nang maglaon, binihag ng hari ng Asirya si Manases. Samantalang bihag, si Manases ay nagsisi at nagpakumbaba at patuloy na nanalangin sa Diyos, na nagpatawad sa kaniya at muling nagluklok sa kaniya bilang hari sa Jerusalem, kung saan itinaguyod niya ang tunay na pagsamba.—2 Cronica 33:2-17.
15. Anong pangyayari sa buhay ni apostol Pedro ang nagpapakitang nagpapatawad si Jehova “nang sagana”?
15 Pagkalipas ng maraming siglo, nagkasala nang malubha si apostol Pedro nang itatwa niya si Jesus. (Marcos 14:30, 66-72) Gayunman, si Pedro ay pinatawad ni Jehova “nang sagana.” (Isaias 55:7) Bakit? Sapagkat tunay ang pagsisisi ni Pedro. (Lucas 22:62) Maliwanag na pinatawad ng Diyos si Pedro sapagkat makalipas ang 50 araw noong kapistahan ng Pentecostes, binigyan siya ng pribilehiyo na magpatotoo hinggil kay Jesus nang may lakas ng loob. (Gawa 2:14-36) Hindi ba’t makatuwirang isipin na magpapatawad din ang Diyos sa mga Kristiyano sa ngayon na taimtim na nagsisisi? “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?” ang awit ng salmista, “sapagkat ang tunay na kapatawaran ay nasa iyo.”—Awit 130:3, 4.
Kung Paano Maiibsan ang Pangamba na Nagkasala Tayo Laban sa Espiritu
16. Ano ang dapat nating gawin upang patawarin tayo ng Diyos?
16 Ang nabanggit na mga halimbawa ay tiyak na makatutulong sa atin na ibsan ang kabalisahan na nagkasala tayo laban sa banal na espiritu. Ipinakikita ng mga ito na pinatatawad ni Jehova ang mga nagkasala na nagsisisi. Napakahalagang marubdob na manalangin sa Diyos. Kung nagkasala tayo, maaari tayong magsumamo na patawarin tayo salig sa haing pantubos ni Jesus, sa awa ni Jehova, sa ating minanang di-kasakdalan, at sa ating rekord ng tapat na paglilingkod. Palibhasa’y alam natin ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, maaari nating hilingin ang kaniyang kapatawaran, na nagtitiwalang ipagkakaloob ito sa atin.—Efeso 1:7.
17. Ano ang dapat nating gawin kung tayo ay nagkasala at nangangailangan ng espirituwal na tulong?
17 Paano kung nagkasala tayo subalit hindi tayo makapanalangin sapagkat nasira na ang ating kaugnayan sa Diyos dahil sa nagawa nating kasalanan? Hinggil dito, sumulat ang alagad na si Santiago: “Tawagin [ng gayong tao] ang matatandang lalaki ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya, na pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova. At ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam, at ibabangon siya ni Jehova. Gayundin, kung nakagawa siya ng mga kasalanan, ito ay ipatatawad sa kaniya.”—Santiago 5:14, 15.
18. Bakit ang kasalanan ng isang tao ay hindi kaagad masasabing walang kapatawaran kahit na itiniwalag siya sa kongregasyon?
18 Kahit na ang isang nagkasala ay hindi nagsisisi sa umpisa at itiniwalag siya sa kongregasyon, hindi naman kaagad masasabi na wala nang kapatawaran ang kaniyang kasalanan. Hinggil sa isang pinahiran sa Corinto na nagkasala at itiniwalag, sumulat si Pablo: “Ang saway na ito na ibinigay ng karamihan ay sapat na para sa gayong tao, upang sa kabaligtaran naman ngayon ay may-kabaitan ninyo siyang patawarin at aliwin, upang sa paanuman ang gayong tao ay huwag madaig ng kaniyang labis-labis na kalungkutan.” (2 Corinto 2:6-8; 1 Corinto 5:1-5) Gayunman, upang maibalik ng isang nagkasala ang malapit na kaugnayan kay Jehova, kailangan nilang tanggapin ang maka-Kasulatang tulong ng mga Kristiyanong elder at patunayan na talagang nagsisisi sila. Dapat silang “magluwal . . . ng mga bungang angkop sa pagsisisi.”—Lucas 3:8.
19. Ano ang makatutulong sa atin na manatiling “malusog sa pananampalataya”?
19 Bakit maaaring naiisip natin na nagkasala tayo laban sa banal na espiritu? Maaaring dahil ito sa pagiging perpeksiyonista o sa mahinang pisikal o mental na kalusugan. Sa gayong kalagayan, makatutulong ang panalangin at dagdag na pahinga. Lalo nang hindi natin dapat hayaang pahinain tayo ni Satanas, anupat mapahinto tayo sa paglilingkod sa Diyos. Yamang walang kaluguran si Jehova sa kamatayan ng masasama, tiyak na hindi rin siya nalulugod na mawala ang sinuman sa kaniyang mga lingkod. Kaya kung nangangamba tayo sapagkat iniisip nating nagkasala tayo laban sa espiritu, dapat na patuloy nating pag-aralan ang Salita ng Diyos, pati na ang nakaaaliw na mga talata sa Mga Awit. Kailangang patuloy tayong dumalo sa mga pulong ng kongregasyon at makibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Ang paggawa nito ay tutulong sa atin na maging “malusog sa pananampalataya” at hindi mabalisa na baka nakagawa tayo ng di-mapatatawad na kasalanan.—Tito 2:2.
20. Anong pangangatuwiran ang makatutulong sa isang tao na makitang hindi naman siya nagkasala laban sa banal na espiritu?
20 Kung nangangamba ang sinuman na nagkasala sila laban sa banal na espiritu, maaari nilang tanungin ang kanilang sarili: ‘Namumusong ba ako laban sa banal na espiritu? Yamang nagsisi na ako sa aking kasalanan, nagbago na ba ang saloobin ko hinggil sa pagsisisi? Naniniwala ba ako na nagpapatawad ang Diyos? Isa ba akong apostata na tumatanggi sa espirituwal na liwanag?’ Malamang, mapag-iisip-isip ng gayong mga indibiduwal na hindi sila namusong laban sa banal na espiritu ng Diyos, ni naging mga apostata man sila. Nagsisisi sila at may matibay na pananampalataya na nagpapatawad si Jehova. Kung gayon, hindi sila nagkasala laban sa banal na espiritu ni Jehova.
21. Anu-anong tanong ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
21 Kaylaking ginhawa na malamang hindi naman tayo nagkasala laban sa banal na espiritu! Gayunman, may mga tanong hinggil dito na tatalakayin natin sa susunod na artikulo. Halimbawa, maaari nating tanungin ang ating sarili: ‘Talaga bang nagpapaakay ako sa banal na espiritu ng Diyos? Nakikita ba sa aking buhay ang mga bunga nito?’
Ano ang Iyong Tugon?
• Bakit natin masasabi na posibleng magkasala ang isa laban sa banal na espiritu?
• Ano ang ibig sabihin ng magsisi?
• Sinu-sino ang nagkasala laban sa banal na espiritu noong narito sa lupa si Jesus?
• Paano natin madaraig ang kabalisahan kung naiisip nating nakagawa tayo ng di-mapatatawad na kasalanan?
[Larawan sa pahina 17]
Ang mga nagsabing gumawa ng himala si Jesus sa tulong ng kapangyarihan ni Satanas ay nagkasala laban sa banal na espiritu ng Diyos
[Larawan sa pahina 18]
Bagaman itinatwa niya si Jesus, hindi naman nakagawa ng di-mapatatawad na kasalanan si Pedro