“Ang Diyos ay Pag-ibig”
“Siya na hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.”—1 JUAN 4:8.
1-3. (a) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa katangian ni Jehova na pag-ibig, at sa anong paraan naiiba ito? (b) Bakit sinasabi sa Bibliya na “ang Diyos ay pag-ibig”?
ANG lahat ng katangian ni Jehova ay walang kapantay, sakdal, at nakalulugod. Subalit ang pinakakaakit-akit sa lahat ng mga katangian ni Jehova ay ang pag-ibig. Walang ibang makapaglálapít sa atin kay Jehova nang gayon kasidhi maliban sa kaniyang pag-ibig. Nakatutuwa, pag-ibig ang siya ring nangingibabaw na katangian niya. Paano natin ito nalalaman?
2 Ang Bibliya ay may binabanggit tungkol sa pag-ibig na hindi nito kailanman binanggit tungkol sa iba pang pangunahing mga katangian ni Jehova. Hindi sinasabi sa Kasulatan na ang Diyos ay kapangyarihan o na ang Diyos ay katarungan o na ang Diyos ay karunungan pa nga. Siya ay nagtataglay ng mga katangiang ito at ang tanging bukal ng lahat ng tatlong ito. Gayunman, tungkol sa pag-ibig, isang bagay na mas malalim ang sinasabi sa 1 Juan 4:8: “Ang Diyos ay pag-ibig.” Oo, ang pag-ibig ay nasa kaibuturan mismo ng damdamin ni Jehova. Ito ang pinakabuod ng kaniyang personalidad, o likas na katangian. Sa pangkalahatan, maaari nating isipin ang ganito: Ang kapangyarihan ni Jehova ang nagpapangyari sa kaniya na kumilos. Ang kaniyang katarungan at karunungan ang umuugit sa kaniyang pagkilos. Subalit ang pag-ibig ni Jehova ang nag-uudyok sa kaniya na kumilos. At palaging nakikita ang kaniyang pag-ibig sa paggamit niya ng iba pa niyang mga katangian.
3 Madalas sabihing si Jehova ang mismong personipikasyon ng pag-ibig. Kaya naman, kung nais nating matuto tungkol sa pag-ibig, dapat tayong matuto tungkol kay Jehova. Kung gayon, suriin natin ang mga pitak ng walang-kapantay na pag-ibig ni Jehova.
Ang Pinakadakilang Gawa ng Pag-ibig
4, 5. (a) Ano ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig sa buong kasaysayan? (b) Bakit natin masasabing si Jehova at ang kaniyang Anak ay pinagbuklod ng pinakamatibay na bigkis ng pag-ibig na nabuo kailanman?
4 Naipakita na ni Jehova ang pag-ibig sa maraming paraan, subalit may isang nakahihigit sa lahat. Ano ito? Ang pagsusugo sa kaniyang Anak upang magdusa at mamatay para sa atin. Tama ngang masasabi natin na ito na ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig sa buong kasaysayan. Bakit nga ba natin masasabi iyan?
5 Si Jesus ay tinatawag sa Bibliya na “ang panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Isip-isipin na lamang—ang Anak ni Jehova ay umiiral na bago pa man lumitaw ang pisikal na uniberso. Kung gayon, gaano na katagal magkasama ang Ama at ang Anak? Tinatantiya ng ilang siyentipiko na 13 bilyong taon na ang edad ng uniberso. Subalit tama man ang pagtantiyang ito, hindi pa rin ito sasapat upang kumatawan sa haba ng buhay ng panganay na Anak ni Jehova! Ano naman kaya ang kaniyang pinagkaabalahan sa loob ng pagkahaba-habang panahong iyon? Ang Anak ay maligayang naglingkod bilang isang “dalubhasang manggagawa” ng kaniyang Ama. (Kawikaan 8:30; Juan 1:3) Si Jehova at ang kaniyang Anak ay magkasamang gumawa upang pairalin ang lahat ng iba pang mga bagay. Tunay ngang kapana-panabik at maliligayang panahon ang tinamasa nila! Kung gayon, sino kaya sa atin ang makaaarok sa tibay ng bigkis na umiral sa gayong pagkahaba-habang panahon? Maliwanag, ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak ay pinagbuklod ng pinakamatibay na bigkis ng pag-ibig na nabuo kailanman.
6. Nang bautismuhan si Jesus, paano ipinahayag ni Jehova ang kaniyang damdamin tungkol sa Kaniyang Anak?
6 Sa kabila nito, isinugo ng Ama ang kaniyang Anak sa lupa upang isilang bilang isang sanggol. Ang paggawa nito ay nangangahulugan na sa loob ng ilang dekada, kailangang talikdan muna ni Jehova ang matalik na pakikipagsamahan sa kaniyang minamahal na Anak sa langit. Taglay ang matinding interes, pinagmasdan Niya mula sa langit ang paglaki ni Jesus hanggang sa maging isang sakdal na tao. Si Jesus ay nabautismuhan nang siya ay mga 30 taóng gulang na. Nang pagkakataong iyon, nagsalita mismo ang Ama mula sa langit: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:17) Nang makita na buong-katapatang tinupad ni Jesus ang lahat ng inihula at ang lahat ng kahilingan sa kaniya, tiyak na tuwang-tuwa ang kaniyang Ama!—Juan 5:36; 17:4.
7, 8. (a) Ano ang dinanas ni Jesus noong Nisan 14, 33 C.E., at paano naapektuhan ang kaniyang makalangit na Ama? (b) Bakit pinahintulutan ni Jehova na magdusa at mamatay ang kaniyang Anak?
7 Subalit, ano kaya ang nadama ni Jehova noong Nisan 14, 33 C.E., nang ipagkanulo si Jesus at pagkatapos ay arestuhin ng isang pangkat ng mang-uumog? Nang si Jesus ay tuyain, duraan, at suntukin? Nang siya’y hagupitin, anupat halos magutay ang kaniyang likod? Nang ipako ang kaniyang mga kamay at paa sa isang posteng kahoy at iwan siyang nakabitin doon habang nilalait ng mga tao? Ano kaya ang nadama ng Ama nang ang kaniyang minamahal na Anak ay dumaing sa kaniya habang nag-aagaw-buhay? Ano kaya ang nadama ni Jehova nang hugutin ni Jesus ang kaniyang huling hininga, at sa kauna-unahang pagkakataon mula sa pasimula ng lahat ng nilalang, ang Kaniyang pinakamamahal na Anak ay hindi na umiral?—Mateo 26:14-16, 46, 47, 56, 59, 67; 27:26, 38-44, 46; Juan 19:1.
8 Yamang si Jehova ay may damdamin, ang kirot na dinanas niya sa pagkamatay ng kaniyang Anak ay hindi mailalarawan ng mga salita. Ang maaaring ipaliwanag ay ang motibo ni Jehova sa pagpapahintulot na ito’y maganap. Bakit kaya pumayag ang Ama na sumailalim siya sa gayong paghihirap? Isinisiwalat ni Jehova sa atin ang isang kahanga-hangang bagay sa Juan 3:16—isang talata sa Bibliya na napakahalaga anupat tinawag itong munting Ebanghelyo. Ito’y nagsasabi: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Kaya ang motibo ni Jehova sa kabuuan ay ito: pag-ibig. Wala nang hihigit pa sa pag-ibig na ito.
Kung Paano Tinitiyak sa Atin ni Jehova ang Kaniyang Pag-ibig
9. Ano ang gusto ni Satanas na paniwalaan natin tungkol sa pangmalas ni Jehova sa atin, subalit ano ang tinitiyak sa atin ni Jehova?
9 Gayunman, isang mahalagang tanong ang bumabangon: Personal ba tayong iniibig ng Diyos? Ang ilan ay sasang-ayon na iniibig ng Diyos ang sangkatauhan sa pangkalahatan, gaya ng sinasabi sa Juan 3:16. Subalit sa wari’y nadarama nilang ‘Hindi ako kailanman maaaring ibigin ng Diyos bilang indibiduwal.’ Ang totoo, gustung-gusto ni Satanas na mapaniwala tayong hindi tayo iniibig ni pinahahalagahan ni Jehova. Sa kabilang dako, iniisip man nating tayo’y talagang di-kaibig-ibig o walang-kahala-halaga, tinitiyak sa atin ni Jehova na ang bawat isa sa kaniyang tapat na mga lingkod ay mahalaga sa kaniya.
10, 11. Paano ipinakikita ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa maya na mahalaga tayo sa paningin ni Jehova?
10 Halimbawa, isaalang-alang ang mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 10:29-31. Bilang paglalarawan sa halaga ng kaniyang mga alagad, sinabi ni Jesus: “Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang mahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama. Ngunit ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat. Kaya nga huwag kayong matakot: nagkakahalaga kayo nang higit kaysa sa maraming maya.” Isaalang-alang ang kahulugan ng mga salitang iyan sa mga tagapakinig ni Jesus noong unang siglo.
11 Noong kapanahunan ni Jesus, ang maya ang pinakamura sa mga ibong ipinagbibili bilang pagkain. Sa isang barya na maliit ang halaga, ang mamimili ay makakakuha ng dalawang maya. Subalit sa ibang pagkakataon ay sinabi ni Jesus, ayon sa Lucas 12:6, 7, na kung gumugol ang isang tao ng dalawang barya, makabibili siya, hindi ng apat na maya, kundi lima. Ang isa pang ibon ay idinagdag na para bang wala itong kahala-halaga. Marahil ay wala ngang halaga ang gayong mga kinapal sa paningin ng mga tao, subalit ano naman kaya ang pangmalas ng Maylalang sa kanila? Sinabi ni Jesus: “Walang isa man sa kanila [kahit na ang isa na idinagdag] ang nalilimutan sa harap ng Diyos.” Maaari na nating maunawaan ngayon ang punto ni Jesus. Yamang pinahahalagahan ni Jehova ang isang maya, lalo ngang mahalaga ang isang tao! Gaya ng sinabi ni Jesus, alam ni Jehova ang bawat detalye tungkol sa atin. Aba, ang mismong mga buhok ng ating ulo ay biláng!
12. Bakit tayo nakatitiyak na kapani-paniwala ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagiging biláng ng buhok ng ating ulo?
12 Maaaring isipin ng ilan na nagpapalabis si Jesus sa bagay na ito. Subalit, isip-isipin na lamang ang pagkabuhay-muli. Talagang dapat na kilalang-kilala tayo ni Jehova upang magawa niyang lalangin tayong muli! Gayon na lamang ang pagpapahalaga niya sa atin anupat natatandaan niya ang bawat detalye, lakip na ang ating masalimuot na genetic code at lahat ng ating mga taon ng alaala at mga karanasan. Ang pagbilang ng ating buhok—na sa karaniwang ulo ay umaabot sa mga 100,000—ay napakadali lamang kung ihahambing dito. Kayganda ng mga salita ni Jesus na tumitiyak sa atin na si Jehova ay nagmamalasakit sa atin bilang mga indibiduwal!
13. Paano ipinakikita ng nangyari kay Haring Jehosapat na ang hinahanap ni Jehova ay ang mabubuting bagay sa atin kahit na tayo’y hindi sakdal?
13 Ang Bibliya ay nagsisiwalat ng isa pang bagay na tumitiyak sa atin ng pag-ibig ni Jehova. Hinahanap niya at pinahahalagahan ang mabubuting bagay sa atin. Kuning halimbawa ang mabuting haring si Jehosapat. Nang makagawa ang hari ng isang kahangalan, sinabi sa kaniya ng propeta ni Jehova: “Dahil dito ay may galit laban sa iyo mula kay Jehova mismo.” Dapat nga itong pag-isipang mabuti! Subalit ang mensahe ni Jehova ay hindi natapos doon. Nagpatuloy ito: “Gayunpaman, may mabubuting bagay na nasumpungan sa iyo.” (2 Cronica 19:1-3) Kaya nga ang matuwid na galit ni Jehova ay hindi bumulag sa kaniya upang hindi mapansin ang “mabubuting katangian” ni Jehosapat. Hindi ba’t nakapagpapalakas-loob na malamang ang hinahanap pala ng Diyos ay ang mabubuting bagay sa atin kahit na tayo’y hindi sakdal?
Isang Diyos na “Handang Magpatawad”
14. Kapag tayo’y nagkakasala, anong nagpapahirap na damdamin ang maaari nating maranasan, subalit paano tayo maaaring makinabang sa pagpapatawad ni Jehova?
14 Kapag tayo’y nagkakasala, ang kabiguan, kahihiyan, at panunumbat ng budhi na ating nadarama ay maaaring maging dahilan upang isipin nating hindi na tayo kailanman karapat-dapat maglingkod kay Jehova. Subalit, tandaan na si Jehova ay “handang magpatawad.” (Awit 86:5) Oo, kung pagsisisihan natin ang ating mga kasalanan at pagsisikapang huwag nang maulit ang mga iyon, maaari tayong makinabang sa pagpapatawad ni Jehova. Isaalang-alang kung paano inilarawan ng Bibliya ang kamangha-manghang pitak na ito ng pag-ibig ni Jehova.
15. Hanggang saan inilalayo ni Jehova mula sa atin ang ating mga kasalanan?
15 Ang salmistang si David ay gumamit ng isa pang matingkad na halimbawa upang ilarawan ang pagpapatawad ni Jehova: “Kung gaano kalayo ang silangan mula sa kanluran, gayon kalayo Niya inaalis mula sa atin ang ating mga pagsalansang.” (Amin ang italiko; Awit 103:12, The Amplified Bible) Gaano ba kalayo ang silangan mula sa kanluran? Sa diwa, ang silangan ay palaging nasa pinakamalayong maiisip na distansiya mula sa kanluran; ang dalawang dulong ito ay hindi kailanman magkakatagpo. Sinasabi ng isang iskolar na ang pananalitang ito ay nangangahulugang “sa pinakamalayo hangga’t maaari; sa pinakamalayong maiisip natin.” Sinasabi sa atin ng kinasihang mga salita ni David na kapag si Jehova ay nagpapatawad, inilalayo niya sa atin ang ating mga kasalanan sa pinakamalayong maiisip natin.
16. Kapag pinatawad na ni Jehova ang ating mga kasalanan, bakit tayo makatitiyak na malinis na ang pangmalas niya sa atin mula noon?
16 Nasubukan mo na bang mag-alis ng mantsa sa isang putiang damit? Marahil sa kabila ng lahat ng iyong pagsisikap, halata pa rin ang mantsa nito. Pansinin kung paano inilalarawan ni Jehova ang lawak ng kaniyang pagpapatawad: “Bagaman ang mga kasalanan ninyo ay maging gaya ng iskarlata, ang mga ito ay mapapuputing gaya ng niyebe; bagaman ang mga ito ay maging pula na gaya ng telang krimson, ang mga ito ay magiging gaya pa man din ng lana.” (Isaias 1:18) Ang salitang “iskarlata” ay nagpapahiwatig ng isang matingkad na kulay pula.a Ang “krimson” ay isa sa pinakamatitingkad na kulay ng tininaang tela. Hindi natin kailanman maaalis ang mantsa ng kasalanan sa pamamagitan ng ating sariling pagsisikap. Subalit kayang alisin ni Jehova ang mga kasalanan na gaya ng iskarlata at krimson at paputiin ang mga ito na gaya ng niyebe o di-tininaang lana. Kaya kapag pinatawad na ni Jehova ang ating mga kasalanan, hindi natin kailangang isipin na ang mantsa ng gayong mga kasalanan ay nananatiling taglay natin habambuhay.
17. Sa anong diwa itinatapon ni Jehova sa kaniyang likuran ang ating mga kasalanan?
17 Sa nakaaantig na awit ng pasasalamat na kinatha ni Hezekias matapos siyang iligtas sa isang nakamamatay na karamdaman, sinabi niya kay Jehova: “Itinapon mo sa iyong likuran ang lahat ng aking mga kasalanan.” (Isaias 38:17) Inilalarawan dito si Jehova na kumukuha ng mga kasalanan ng isang nagsisising nagkasala at nagtatapon nito sa Kaniyang likuran kung saan ang mga ito ay hindi na Niya makikita ni mapapansin man. Ayon sa isang reperensiya, ang ideyang ipinahihiwatig ay maipahahayag nang ganito: “Napangyari mo [ang aking mga kasalanan] na para bang hindi ko ginawa ang mga ito.” Hindi ba’t nakapagpapalakas iyan ng loob?
18. Paano ipinahihiwatig ng propetang si Mikas na kapag nagpapatawad si Jehova, permanente Niyang inaalis ang ating mga kasalanan?
18 Bilang pangako ng pagsasauli, ipinahayag ng propetang si Mikas ang kaniyang pananalig na patatawarin ni Jehova ang kaniyang nagsisising bayan: “Sino ang Diyos na tulad mo, . . . na nagpapalampas ng pagsalansang ng nalabi sa kaniyang mana? . . . At ihahagis mo sa mga kalaliman ng dagat ang lahat ng kanilang mga kasalanan.” (Mikas 7:18, 19) Isip-isipin na lamang ang kahulugan ng mga salitang iyon sa mga taong nabubuhay noong panahon ng Bibliya. May pag-asa pa bang makuhang muli ang isang bagay na naihagis na “sa mga kalaliman ng dagat”? Kung gayon, ipinakikita ng mga salita ni Mikas na kapag si Jehova ay nagpapatawad, permanente niyang inaalis ang ating mga kasalanan.
“Magiliw na Pagkamahabagin ng Ating Diyos”
19, 20. (a) Ano ang kahulugan ng Hebreong pandiwa na isinaling “maawa” o “mahabag”? (b) Paano ginagamit sa Bibliya ang damdaming taglay ng isang ina sa kaniyang bunso upang ituro sa atin ang pagkamahabagin ni Jehova?
19 Ang pagkamahabagin ay isa pang pitak ng pag-ibig ni Jehova. Ano ba ang pagkamahabagin? Sa Bibliya, may malapit na kaugnayan ang pagkamahabagin at pagkamaawain. Ipinahihiwatig ng ilang salita sa Hebreo at Griego ang diwa ng pagkamahabagin. Halimbawa, ang pandiwang Hebreo na ra·chamʹ ay madalas na isinasaling “maawa” o “mahabag.” Ang Hebreong terminong ito na ikinakapit ni Jehova sa kaniyang sarili ay nauugnay sa salitang “sinapupunan” at mailalarawan bilang “makaináng pagkamahabagin.”
20 Ginagamit sa Bibliya ang damdaming taglay ng isang ina sa kaniyang bunso upang ituro sa atin ang pagkamahabagin ni Jehova. Ang Isaias 49:15 ay nagsasabi: “Malilimutan ba ng asawang babae ang kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kahahabagan [ra·chamʹ] ang anak ng kaniyang tiyan? Maging ang mga babaing ito ay makalilimot, ngunit ako ay hindi makalilimot sa iyo.” Mahirap isipin na malilimutang pasusuhin at alagaan ng isang ina ang kaniyang anak. Kasi, ang isang sanggol ay walang magagawa sa kaniyang sarili; gabi’t araw, ang isang sanggol ay nangangailangan ng atensiyon at pagmamahal ng kaniyang ina. Gayunman, nakalulungkot sabihin na may nababalitaan tayong pagpapabaya ng mga ina, lalo na sa ganitong “mga panahong mapanganib.” (2 Timoteo 3:1, 3) “Ngunit,” ipinahayag ni Jehova, “ako ay hindi makalilimot sa iyo.” Ang magiliw na pagkamahabagin na taglay ni Jehova para sa kaniyang mga lingkod ay mas masidhi pa kaysa sa pinakamagiliw na likas na damdaming maiisip natin—ang pagkahabag na karaniwang nadarama ng isang ina sa kaniyang bunso.
21, 22. Ano ang dinanas ng mga Israelita sa sinaunang Ehipto, at paano tumugon si Jehova sa kanilang mga pagdaing?
21 Paanong si Jehova, gaya ng isang maibiging magulang, ay nagpapakita ng pagkamahabagin? Kitang-kita ang katangiang ito sa paraan ng pakikitungo niya sa sinaunang Israel. Sa pagtatapos ng ika-16 na siglo B.C.E., milyun-milyong Israelita ang inalipin sa sinaunang Ehipto na doo’y buong-kalupitan silang siniil. (Exodo 1:11, 14) Palibhasa’y nababagabag, ang mga Israelita ay nagmakaawa kay Jehova. Paano tumugon ang mahabaging Diyos?
22 Parang kinurot ang puso ni Jehova. Sabi niya: “Nakita ko ang kapighatian ng aking bayan na nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing . . . Nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis.” (Exodo 3:7) Imposibleng hindi maawa si Jehova kapag nakikita niya ang pagdurusa ng kaniyang bayan o naririnig ang kanilang mga pagdaing. Si Jehova ay Diyos ng empatiya. At ang empatiya—ang kakayahang madama ang kirot na nadarama ng iba—ay may malapit na kaugnayan sa pagkamahabagin. Subalit hindi lamang nadama ni Jehova ang nadarama ng kaniyang bayan; siya’y naudyukang kumilos alang-alang sa kanila. Ang Isaias 63:9 ay nagsasabi: “Dahil sa kaniyang pag-ibig at sa kaniyang habag ay tinubos niya sila.” Sa pamamagitan ng “isang malakas na kamay,” iniligtas niya ang mga Israelita mula sa Ehipto. (Deuteronomio 4:34) Pagkatapos, pinaglaanan niya sila ng makahimalang pagkain at inihatid sila sa kanilang sariling mabungang lupain.
23. (a) Paano tinitiyak sa atin ng mga salita ng salmista na si Jehova ay lubos na nagmamalasakit sa atin bilang mga indibiduwal? (b) Sa anu-anong paraan tayo tinutulungan ni Jehova?
23 Si Jehova ay hindi nagpapakita ng pagkamahabagin sa kaniyang bayan bilang isang grupo lamang. Ang ating maibiging Diyos ay lubos na nagmamalasakit sa atin bilang mga indibiduwal. Alam na alam niya ang anumang pagdurusang maaaring dinaranas natin. Ganito ang sabi ng salmista: “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang paghingi ng tulong. Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.” (Awit 34:15, 18) Paano tayo tinutulungan ni Jehova bilang mga indibiduwal? Hindi niya laging kailangang alisin ang sanhi ng ating pagdurusa. Subalit siya ay saganang naglalaan sa mga humihingi ng tulong sa kaniya. Ang kaniyang Salita ay nagbibigay ng praktikal na payo na may malaking maitutulong. Sa kongregasyon, siya ay naglalaan ng mga tagapangasiwang kuwalipikado sa espirituwal, na nagsisikap magpamalas ng kaniyang pagkamahabagin sa pagtulong sa iba. (Santiago 5:14, 15) Bilang ang “Dumirinig ng panalangin,” si Jehova ay nagbibigay ng “banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Awit 65:2; Lucas 11:13) Ang lahat ng mga paglalaang ito ay kapahayagan ng “magiliw na pagkamahabagin ng ating Diyos.”—Lucas 1:78.
24. Paano ka tutugon sa pag-ibig ni Jehova?
24 Hindi ba’t nakasasabik na bulay-bulayin ang pag-ibig ng ating makalangit na Ama? Sa naunang artikulo, ipinaalaala sa atin na ginamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan, katarungan, at karunungan sa maibiging paraan para sa ating kabutihan. At sa artikulong ito naman, ay nakita natin na tuwirang ipinamalas ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa sangkatauhan—at sa atin bilang indibiduwal—sa kahanga-hangang mga paraan. Ngayon, makabubuting itanong ng bawat isa sa atin ang ganito, ‘Paano kaya ako tutugon sa pag-ibig ni Jehova?’ Ang maging tugon mo sana ay na iibigin mo siya nang iyong buong puso, pag-iisip at lakas. (Marcos 12:29, 30) Makita sana sa iyong araw-araw na pamumuhay ang taos-puso mong hangarin na higit pang mápalapít kay Jehova. At si Jehova, na Diyos ng pag-ibig, ay higit pa sanang lumapit sa iyo—magpakailanman!—Santiago 4:8.
[Talababa]
a Sinasabi ng isang iskolar na ang iskarlata “ay isang hindi kumukupas, o permanenteng kulay. Hindi ito kayang alisin ng hamog, ng ulan, ng paglalaba, ni ng matagal na paggamit.”
Natatandaan Mo Ba?
• Paano natin nalalaman na pag-ibig ang nangingibabaw na katangian ni Jehova?
• Bakit masasabing ang pagsusugo ni Jehova sa kaniyang Anak upang magdusa at mamatay para sa atin ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig na ipinakita kailanman?
• Paano tinitiyak sa atin ni Jehova na iniibig niya tayo bilang mga indibiduwal?
• Sa anu-anong matitingkad na paraan inilalarawan ng Bibliya ang pagpapatawad ni Jehova?
[Larawan sa pahina 15]
‘Ibinigay ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak’
[Larawan sa pahina 16, 17]
“Nagkakahalaga kayo nang higit kaysa sa maraming maya”
[Credit Line]
© J. Heidecker/VIREO
[Larawan sa pahina 18]
Ang damdamin ng isang ina para sa kaniyang bunso ay magtuturo sa atin ng pagkamahabagin ni Jehova