KABANATA 1
Ang Pag-ibig ng Diyos ay Walang Hanggan
“Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos: Sundin natin ang mga utos niya; at ang mga utos niya ay hindi pabigat.”—1 JUAN 5:3.
1, 2. Bakit mahal mo ang Diyos na Jehova?
MAHAL mo ba ang Diyos? Malamang na mahal na mahal mo siya kasi inialay mo ang sarili mo sa kaniya. Baka para sa iyo, siya ang pinakamalapít mong Kaibigan. Pero bago mo pa mahalin si Jehova, mahal ka na niya. Mababasa natin sa Bibliya: “Umiibig tayo, dahil siya ang unang umibig sa atin.”—1 Juan 4:19.
2 Isipin ang lahat ng ginawa ni Jehova dahil sa pagmamahal niya sa atin. Ibinigay niya ang lupa para maging magandang tirahan natin at ang lahat ng iba pang bagay para masiyahan tayo sa buhay. (Mateo 5:43-48; Apocalipsis 4:11) Gusto niyang magkaroon tayo ng magandang kaugnayan sa kaniya, at gumawa siya ng paraan para makilala natin siya. Kapag binabasa natin ang Bibliya, nakikinig tayo kay Jehova. Kapag nananalangin tayo, siya naman ang nakikinig sa atin. (Awit 65:2) Pinapatnubayan at pinapalakas niya tayo gamit ang banal na espiritu niya. (Lucas 11:13) Isinugo pa nga niya sa lupa ang pinakamamahal niyang Anak para palayain tayo mula sa kasalanan at kamatayan.—Basahin ang Juan 3:16; Roma 5:8.
3. Ano ang gagawin natin para mapanatili ang pakikipagkaibigan natin kay Jehova?
3 Isipin sandali ang isa sa malalapít mong kaibigan, isa na kasama mo sa lungkot at saya. Nagsikap kayo para mapanatiling matibay ang pagkakaibigan ninyo. Ganiyan din sa pakikipagkaibigan natin kay Jehova, ang pinakamalapít nating Kaibigan. Puwedeng tumagal magpakailanman ang pakikipagkaibigan natin sa kaniya. Kaya sinasabi sa atin ng Bibliya: “[Panatilihin] ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos.” (Judas 21) Paano? Ganito ang sagot ng Bibliya: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos: Sundin natin ang mga utos niya; at ang mga utos niya ay hindi pabigat.”—1 Juan 5:3.
“ITO ANG KAHULUGAN NG PAG-IBIG SA DIYOS”
4, 5. (a) Ano ang ibig sabihin ng “pag-ibig sa Diyos”? (b) Bakit mo minahal si Jehova?
4 Ano ang ibig sabihin ng Bibliya sa pananalitang “pag-ibig sa Diyos”? Tumutukoy ito sa pag-ibig natin sa Diyos. Natatandaan mo pa ba kung kailan mo unang minahal si Jehova?
5 Isipin ang naramdaman mo nang malaman mong gusto ni Jehova na mabuhay ka magpakailanman sa bagong sanlibutan niya. Natutuhan mo ang lahat ng ginawa niya para maging posible iyan, at naisip mo na isang napakahalagang regalo ang ibinigay ni Jehova nang isugo niya sa lupa ang Anak niya. (Mateo 20:28; Juan 8:29; Roma 5:12, 18) Nang malaman mo kung gaano ka kamahal ni Jehova, naantig ang puso mo, kaya minahal mo rin siya.—Basahin ang 1 Juan 4:9, 10.
6. Paano natin ipinapakitang mahal natin ang isang tao? Dahil mahal mo ang Diyos, ano ang gagawin mo?
6 Pero ang pagmamahal na naramdaman mo para sa Diyos ay pasimula pa lang. Halimbawa, kapag mahal natin ang isang tao, hindi lang tayo basta nagsasabi ng “Mahal kita.” Gusto rin natin siyang pasayahin. Dahil mahal mo si Jehova, gusto mong mamuhay sa paraang magpapasaya sa kaniya. Habang lumalalim ang pag-ibig na iyon, malamang na ialay mo ang sarili mo sa kaniya at magpabautismo. Isa itong pangako na paglilingkuran mo si Jehova magpakailanman. (Basahin ang Roma 14:7, 8.) Ano ang gagawin mo para hindi masira ang pangakong iyan?
‘SINUSUNOD NATIN ANG MGA UTOS NIYA’
7. Kung mahal natin si Jehova, ano ang gagawin natin? Ano ang ilan sa mga utos niya?
7 Dahil mahal natin si Jehova, ‘sinusunod natin ang mga utos niya.’ Paano natin ginagawa iyan? Sa Bibliya, natutuhan natin kung anong paraan ng pamumuhay ang gusto ni Jehova. Halimbawa, sinasabi niya sa atin na mali ang maglasing, magnakaw o magsinungaling, makipag-sex sa hindi natin asawa, o sumamba sa iba bukod sa kaniya.—1 Corinto 5:11; 6:18; 10:14; Efeso 4:28; Colosas 3:9.
8, 9. Sa mga sitwasyong walang espesipikong utos ang Bibliya, ano ang tutulong sa atin na malaman kung ano ang gusto ni Jehova na gawin natin? Magbigay ng halimbawa.
8 Pero para mapasaya si Jehova, hindi sapat ang basta pagsunod sa mga utos niya. Hindi niya tayo binigyan ng mahabang listahan ng mga batas na puwede nating sundin sa bawat sitwasyon. Kung minsan, walang espesipikong utos ang Bibliya na nagsasabi ng dapat nating gawin. Paano tayo makakagawa ng tamang desisyon? (Efeso 5:17) Sa pagbabasa natin ng Bibliya, nakakakita tayo ng mga prinsipyo, o mga pangunahing katotohanan na nagtuturo ng pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay. Nakikilala rin natin kung anong uri ng Persona si Jehova. Natututuhan natin kung paano siya mag-isip, pati na ang mga gusto at ayaw niya.—Basahin ang Awit 97:10; Kawikaan 6:16-19; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 1.
9 Halimbawa, paano tayo pumipili ng panonoorin sa TV o titingnan sa Internet? Hindi sinasabi ni Jehova kung ano ang dapat nating gawin. Pero ang mga prinsipyong ibinigay niya ay tutulong sa atin na makagawa ng tamang desisyon. Karamihan ng libangan sa ngayon ay punô ng karahasan at sex. Sa Bibliya, sinasabi sa atin ni Jehova na “napopoot siya sa sinumang mahilig sa karahasan” at na “hahatulan [niya] ang mga nagkakasala ng seksuwal na imoralidad.” (Awit 11:5; Hebreo 13:4) Paano makakatulong ang mga prinsipyong ito para makagawa tayo ng tamang desisyon? Kapag alam nating napopoot si Jehova sa isang bagay o masama ang tingin niya rito, dapat natin itong iwasan.
10, 11. Bakit tayo sumusunod kay Jehova?
10 Bakit tayo sumusunod kay Jehova? Hindi lang ito para makaiwas sa parusa o sa mga problema dahil sa maling desisyon. (Galacia 6:7) Sumusunod tayo kay Jehova dahil mahal natin siya. Gaya ng mga anak na gustong pasayahin ang tatay nila, gusto rin nating pasayahin ang ating Ama sa langit. Wala nang hihigit pa kaysa malaman na nalulugod si Jehova sa atin!—Awit 5:12; Kawikaan 12:2; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 2.
11 Sumusunod tayo kay Jehova hindi lang kapag madali itong gawin o dahil wala na tayong mapagpipilian. At hindi rin tayo namimili ng susunding utos at pamantayan. (Deuteronomio 12:32) Sinusunod natin ang lahat ng utos niya, gaya ng salmista na nagsabi: “Kalugod-lugod sa akin ang mga utos mo, oo, mahal ko ang mga ito.” (Awit 119:47; Roma 6:17) Gusto nating tularan si Noe, na sinunod ang lahat ng iniutos ni Jehova dahil mahal niya Siya. Sinasabi ng Bibliya na “gayong-gayon ang ginawa” ni Noe. (Genesis 6:22) Ganiyan din ba ang gusto mong sabihin ni Jehova tungkol sa iyo?
12. Paano natin mapapasaya si Jehova?
12 Ano ang nararamdaman ni Jehova kapag sumusunod tayo sa kaniya? ‘Napapasaya natin ang puso’ niya. (Kawikaan 11:20; 27:11) Isipin mo! Kapag sumusunod tayo, napapasaya natin ang Maylalang ng uniberso! Pero hindi niya tayo pinipilit na gawin iyan. Binigyan niya tayo ng kalayaang magdesisyon. Ibig sabihin, malaya tayong gawin ang tama o ang mali. Gusto ni Jehova na pakilusin tayo ng pag-ibig natin sa kaniya na gumawa ng tamang desisyon para magkaroon tayo ng pinakamagandang buhay.—Deuteronomio 30:15, 16, 19, 20; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 3.
“ANG MGA UTOS NIYA AY HINDI PABIGAT”
13, 14. Bakit hindi mahirap sundin ang mga utos ng Diyos? Magbigay ng halimbawa.
13 Paano kung iniisip natin na napakahirap namang sundin o napakahigpit ng mga utos ni Jehova? Malinaw ang sinasabi ng Bibliya: “Ang mga utos niya ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Ang salitang Griego para sa “pabigat” ay ginamit din sa ibang mga teksto para ilarawan ang di-makatuwirang mga tuntunin o mga tao na nagmamanipula at nananakit sa iba. (Mateo 23:4; Gawa 20:29, 30) Ganito ang salin ng Biblia ng Sambayanang Pilipino: “Hindi naman mabigat ang mga utos niya.” Oo, ang mga utos ni Jehova ay hindi “mabigat,” o mahirap sundin. Lagi siyang makatuwiran sa mga hinihiling niya sa atin.
14 Halimbawa, isang kaibigan ang tinutulungan mong lumipat sa bago niyang bahay. Naikahon na niya ang lahat ng gamit niya. May magagaan lang at madaling buhatin, pero ang iba ay sobrang bigat at kailangang buhatin ng dalawang tao. Ipapabuhat kaya sa iyo ng kaibigan mo ang isang napakabigat na kahon? Siyempre, hindi! Bakit? Kasi ayaw ka niyang mahirapan. Tulad ng kaibigan mo, hindi rin ipapagawa sa atin ni Jehova ang isang bagay na napakahirap gawin. (Deuteronomio 30:11-14) Naiintindihan tayo ni Jehova. “Alam niya ang pagkakagawa sa atin; inaalaala niyang tayo ay alabok.”—Awit 103:14.
15. Bakit tayo makakatiyak na ang mga utos ni Jehova ay para sa ikabubuti natin?
15 Sinabi ni Moises sa bansang Israel na nagbigay si Jehova ng mga utos para lagi silang “mapabuti,” at kung susundin nila ang mga iyon, sila ay ‘mananatiling buháy.’ (Deuteronomio 5:28-33; 6:24) Ganiyan din sa ngayon. Lahat ng ipinapagawa sa atin ni Jehova ay para sa ikabubuti natin. (Basahin ang Isaias 48:17.) Alam na alam ng ating Ama, si Jehova, ang pinakamabuti para sa atin. (Roma 11:33) Sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Ibig sabihin, lahat ng sinasabi at ginagawa ni Jehova ay dahil sa pag-ibig.
16. Bakit puwede tayong maging masunurin kahit hindi tayo perpekto at nabubuhay sa isang masamang mundo?
16 Pero hindi laging madaling sumunod sa Diyos. Nabubuhay kasi tayo sa masamang mundo na pinamamahalaan ng Diyablo. Iniimpluwensiyahan niya ang mga tao na gumawa ng masama. (1 Juan 5:19) Kailangan din nating paglabanan ang isip at damdamin natin dahil puwede tayong akayin ng mga ito na sumuway sa Diyos. (Roma 7:21-25) Pero tutulungan tayo ng pag-ibig natin kay Jehova na gawin ang tama. Nakikita niya ang mga pagsisikap nating sundin siya, at ibinibigay niya ang banal na espiritu niya para tulungan tayo. (1 Samuel 15:22, 23; Gawa 5:32) Sa tulong nito, nagkakaroon tayo ng mga katangiang tutulong sa atin na maging madali ang pagsunod.—Galacia 5:22, 23.
17, 18. (a) Ano ang matututuhan natin sa aklat na ito? (b) Ano ang pag-aaralan natin sa susunod na kabanata?
17 Sa aklat na ito, matututuhan natin kung paano mamumuhay sa paraang magpapasaya kay Jehova. Malalaman natin kung paano natin masusunod ang kaniyang mga prinsipyo at mga pamantayang moral. Tandaan na hindi tayo pinipilit ni Jehova na sumunod. Pero kapag sumunod tayo, magkakaroon tayo ng makabuluhang buhay at magandang kinabukasan. At ang pinakamahalaga, maipapakita natin kung gaano natin kamahal ang Diyos.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 4.
18 Para tulungan tayong malaman kung ano ang tama at mali, binigyan ni Jehova ng konsensiya ang bawat isa sa atin. Kung sasanayin natin ang ating konsensiya, matutulungan tayo nitong ‘sundin ang mga utos niya.’ Pero ano ba ang konsensiya, at paano natin ito sasanayin? Alamin natin.