Ang “Santisima Trinidad”—Ito ba’y Nasa Bibliya?
SIYA’Y sinunog at namatay sa Inglatera noong 1550. Ang kaniyang pangalan? Joan Bocher. Ang kaniyang pagkakasala? Ang Encyclopædia Britannica (1964) ay nagsasabi: “Siya’y hinatulan dahil sa lantarang pamumusong sa pagtatatwa sa Trinidad, ang kaisa-isang kasalanan na itinuturing ng lahat ng relihiyon na di-mapatatawad sapol na nang makipagpunyagi sa Arianismo.”
Ang Trinidad ay isang pangunahing aral ng lubhang karamihan ng mga relihiyon. Subalit ano nga ba ang Trinidad? Sang-ayon sa depinisyon ng The Waverley Encyclopedia ito “ang misteryo ng isang Diyos sa tatlong persona—ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo, pawang magkakapantay at pawang walang hanggan sa lahat ng bagay.” Subalit ang The New Encyclopædia Britannica (1981) ay nagsasabi: “Ang salitang Trinidad, ni ang maliwanag na pagkapahayag na aral na iyan, ay wala sa Bagong Tipan.” Ito’y karaka-rakang nagbabangon ng mga tanong tungkol sa doktrinang iyan.
Ang lalong nagpapalabo sa bagay na iyan ay ang tahasang pag-amin na inihaharap ng New Catholic Encyclopedia bilang isang katanungan na malimit na itinatanong ng mga nag-aaral sa seminaryo, “Subalit paano nangangaral ang isa ng Trinidad?” Nagpapatuloy ang aklat Katolikong ito: “Kung ang tanong ay sintomas ng kalituhan sa panig ng mga mag-aaral, marahil ay sintomas din ito ng nahahawig na pagkalito sa panig ng kanilang mga propesor. Kung ‘ang Trinidad’ dito ay nangangahulugan ng teolohiyang Trinitaryo, ang pinakamagaling na sagot ay na ito’y hindi ipinangangaral sa anumang paraan ninuman . . . sapagkat ang sermon, at lalung-lalo na ang ebanghelyo ng Bibliya, ang dako para sa salita ng Diyos, hindi ang teolohikong magusot na paliwanag.”
Kailan nagsimula itong “teolohikong magusot na paliwanag”? Ito ang sagot ng The New Encyclopædia Britannica (1981): “Ang doktrina ay nabuong unti-unti sa loob ng maraming siglo at sa gitna ng maraming pag-aalitan.” Sa pakiwari mo ba’y isa iyang tuwiran at maliwanag na pagsisiwalat buhat sa Diyos? Kaya’t paano nga iyan magiging isang pagsisiwalat ng Banal na Kasulatan, gaya nang inaangkin?
Isang pangungusap ng Bibliya na malimit na ginagamit ng mga guro ng simbahan upang suhayan ang Trinidad ay yaong utos ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay gumawa ng mga alagad, “bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Mateo 28:19) Oo nga’t tatlo ang binabanggit sa talatang ito, subalit hindi sinasabi rito na sila’y tatlong persona o na silang lahat ay iisa. Isa pa, alam natin ang pangalan ng Ama (Jehova) at ng Anak (Jesus), ngunit ano ang pangalan ng banal na espiritu? Ito’y umaakay sa atin sa tanong na . . .
Ang Banal na Espiritu ba ay Isang Persona?
Sa bagay lamang na hindi nagbibigay ang Bibliya ng pahiwatig na may personal na pangalan ang banal na espiritu ay mahihiwatigan na ito’y hindi isang persona. Marahil ay maitatanong mo rin, ‘Ang banal na espiritu ba ay nakita?’ Buweno, sa bautismo ni Jesus ay nakita iyon bilang isang kalapati at noong Pentecostes bilang mga dilang apoy. (Mateo 3:16; Gawa 2:3, 4) Kung iyon ay isang persona, bakit hindi nakita iyon bilang isang persona? At kung ang banal na espiritu ay hindi isang persona, ano iyon? Walang alinlangan, iyon ang aktibong puwersa na galing sa Diyos at noong Pentecostes ay ‘ibinuhos’ sa mga alagad. (Gawa 2:17, 18) Sa pamamagitan ng aktibong puwersang ito, ginawa ni Jehova ang kaniyang mga paglalang—“ang aktibong puwersa ng Diyos ay gumagalaw nang paroo’t parito sa ibabaw ng tubig.” (Genesis 1:2) Ang ganiyan ding aktibong puwersa ang kumasi sa mga manunulat ng Bibliya.—2 Timoteo 3:16.
Isa sa mga kinasihang mga manunulat na iyon ay ang propetang si Daniel. Sa Daniel kabanata 7 kaniyang isinasaysay ang isang kagila-gilalas na pangitain na ibinigay sa kaniya ni Jehova: “ang Matanda sa mga Araw” ay nakaluklok sa kaniyang makalangit na trono, kasama ng laksa-laksang mga anghel na naglilingkod sa kaniya. Nakita rin ni Daniel ang “isang gaya ng Anak ng tao [si Jesus],” na binigyan ng “pamamahala at karangalan at kaharian, upang ang mga bayan, grupo ng mga bansa at mga wika ay pawang maglingkod sa kaniya.” (Daniel 7:9, 10, 13, 14) Kumusta naman ang tungkol sa banal na espiritu? Ito’y hindi binabanggit bilang isang persona sa tanawing ito sa kalangitan.
Ang katapusang aklat ng Bibliya—ang Apocalipsis—ay naglalahad ng iba pang kamangha-manghang mga pangitain sa langit. Ang Kataas-taasang Maykapal, si Jehova, ay inilalarawan doon na nasa kaniyang trono, at ang Kordero, si Jesu-Kristo, ay kapiling niya. Subalit, muli na naman, ang banal na espiritu ay hindi binabanggit na isang bukod na persona. (Apocalipsis, kabanata 4-6) Samakatuwid kahit na ang katapusang aklat ng Bibliya ay hindi nagsisiwalat na mayroong tatlong persona sa iisang diyos. Ito’y nagbabangon ng . . .
Isa Pang Mahalagang Tanong
Ang aral ng Trinidad ay tinutukoy na “ang sentrong doktrina ng relihiyong Kristiyano.” Kung ito’y totoo, bakit hindi isiniwalat iyon ni Jesus nang siya’y narito sa lupa? Ang kaniyang mga alagad, palibhasa’y mga Israelita, ay naniniwala na si Jehova’y walang katulad. Magpahanggang sa araw na ito, ang mga Judio ay patuloy na bumibigkas ng Deuteronomio 6:4: “Makinig ka, O Israel: Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova.” Walang anumang pahiwatig buhat sa Kasulatang Hebreo na ang Kataas-taasang Maykapal ay may tatlong persona. Marahil ay magtatanong ka, ‘Kung ito’y totoo, bakit ang “sentrong doktrina” na ito ay hindi itinuro kundi noon lamang sumapit ang ikaapat na siglo—sa gitna ng mapait na mga alitan na naging sanhi ng malaganap na kalituhan?’
Baka ikatuwiran ng iba: ‘Subalit sinabi ni Jesus, “Ako at ang Ama ay iisa.” ’ (Juan 10:30) Totoo iyan. Datapuwat, sa anong diwa sila iisa? Si Jesus mismo ang nagbigay-linaw rito nang maglaon nang sabihin niya sa pananalangin: “Amang Banal, ingatan mo sila [ang kaniyang mga alagad] . . . upang maging isa sila gaya natin na iisa.” (Juan 17:11, 22) Samakatuwid, ang pagiging isa ng Ama at ng Anak ay kagaya rin ng pagkakaisa na umiiral sa gitna ng mga tunay na tagasunod ni Kristo—isang pagkakaisa ng layunin at pagtutulungan.
Isa pa, baka sabihin ng iba na bagama’t hindi binanggit ni Jesus ang doktrina ng Trinidad, si apostol Juan ang bumanggit niyaon sa 1 Juan 5:7 na, sang-ayon sa King James Version, ito’y nagsasabi: “Sapagkat mayroong tatlo na nagpapatotoo sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo: at ang tatlong ito ay iisa.” Subalit, ang lalong modernong mga salin ay wala nitong talatang ito. Bakit? Ang Katolikong Jerusalem Bible ay nagpapaliwanag sa isang talababa na ang tekstong ito ay wala sa alinman sa maaagang Griego o sa pinakamagagaling na manuskritong Latin ng Bibliya. Ito ay huwad. Tiyak, ito’y idinagdag upang umalalay sa Trinidad.
Maaari mong tingnan sa iyong sariling Bibliya, na si apostol Pablo sa pambungad ng kaniyang mga liham ay malimit na gumagamit ng mga pananalitang katulad nito: “Harinawang sumainyo ang di-sana-nararapat na kagandahang-loob at kapayapaan buhat sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Kristo.” (Roma 1:7) Bakit hindi niya binanggit ang banal na espiritu bilang isang persona? Sapagkat walang alam si Pablo na “Santisima Trinidad.” Sina Santiago, Pedro, at Juan ay gumamit ng nakakatulad na mga pananalita sa kanilang mga liham na kung saan sila man ay wala ring binabanggit na banal na espiritu. Bakit? Sapagkat sila’y hindi rin mga Trinitaryo. Ang banal na espiritu ay hindi isang persona di-gaya ng Diyos at ng kaniyang Anak. Subalit yamang ang Anak ay isang persona, ang tanong na bumabangon ay . . .
Si Jesus ba ang Kataas-taasang Maykapal?
Ang mga naniniwala sa Trinidad ay nagsasabing oo. Subalit ikaw ay dapat na maging lalong interesado sa sinabi ni Jesus: “Ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.” (Juan 14:28) “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa ganang kaniyang sarili, kundi yaon lamang kaniyang nakikita na ginagawa ng Ama.” (Juan 5:19) Isinusog ni Pablo: “Ang ulo ng Kristo ay ang Diyos.”—1 Corinto 11:3.
Maingat na pag-isipan din ang mga tanong na ito: Mayroon bang Diyos si Jehova? Maliwanag na wala, siya ang kataas-taasan, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Si Jesus ba ay may Diyos? Pagkatapos na siya’y buhayin ay sinabi ni Jesus kay Maria Magdalena: “Ako’y aakyat sa aking Ama at sa inyong Ama at sa aking Diyos at sa inyong Diyos.” Si apostol Pedro ay sumulat: “Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”—Juan 20:17; 1 Pedro 1:3.
Ang Diyos ba ay namatay kailanman? ‘Siyempre hindi,’ marahil ang siyang tamang sagot mo. Ang Diyos ay walang kamatayan. Si propeta Habacuc ay nagsabi tungkol kay Jehova: “Ikaw na aking Banal, hindi ka namamatay.” (Habacuc 1:12) Sa kabilang dako, si Jesus ay namatay. Kung gayon ay sino ang bumuhay sa kaniya buhat sa mga patay? Sinabi ni Pedro: “Binuhay [si Kristo] ng Diyos buhat sa mga patay.” Kung gayon, maliwanag na hindi si Jesus ang Kataas-taasang Maykapal.—Gawa 3:15; Roma 5:8.
Maaari kang magpatuloy pa. Nakita ba kailanman ang Diyos? “Walang sinumang tao na nakakita sa Diyos kailanman.” (Juan 1:18) Subalit libu-libo ang nakakita kay Jesus sa lupa. Ang Diyos ba ay nanalangin kailanman sa kaninuman? Kanino siya maaaring manalangin? Siya ang dakilang “Tagapakinig ng panalangin.” (Awit 65:2) At si Jesus? Siya’y nanalangin nang malimit sa kaniyang Ama, anupa’t gumugol siya ng buong magdamag sa pananalangin. Ang Diyos ba ay isang saserdote? Maliwanag na hindi. Eh si Jesus naman? Mababasa natin: “Pag-isipan ninyo ang apostol at ang mataas na saserdote na ating kinikilala—si Jesus.”—Hebreo 3:1.
Hindi ba pagkaliwa-liwanag na si Jesus ay hindi siyang Kataas-taasang Maykapal?
Nakapipinsala ba ang Doktrina ng Trinidad?
Oo. Pinipilipit ng malaganap na turong ito ang simpleng mga katotohanan ng Bibliya na si Jehova lamang ang Kataas-taasang Maykapal, na si Jesus ang kaniyang Anak, at na ang banal na espiritu ay ang aktibong puwersa ng Diyos. Ang doktrinang iyan ay lumilikha ng kalituhan dahil sa itinuturo na ang Diyos ay isang nasa masalimuot na hiwaga, na umaakay tungo sa espirituwal na kadiliman.
Subalit, hindi kailangan na ikaw ay mapasa kadilimang iyan. Huwag hayaang makatkat sa iyong isip ang mga ilang katotohanan:
Ang doktrina ng Trinidad ay hindi binabanggit sa Bibliya. Ito ay isang “teolohikong magusot na paliwanag” na nabuo daan-daang taon ang lumipas pagkatapos ng kaarawan ni Jesus, at dito sapilitang hinila ang mga tao na maniwala sa ilalim ng pagbabanta ng kamatayan sa tulos. Ito’y lumapastangan sa pagsamba sa Kataas-taasang Maykapal, na nagtuturo ng paniniwala sa isang misteryo.
Kung dati’y naniniwala ka sa Trinidad, ano ngayon ang dapat mong gawin? Aming hinihimok ka na mag-aral ng Salita ng Diyos at ng mga lathalain na tutulong sa iyo na makaunawa ng Bibliya. Ang paggawa ng ganiyan ay mahalaga. Sinabi ni Jesus na ang buhay na walang hanggan ay depende sa pagkuha ng kaalaman tungkol sa kaniya at kay Jehova—“ang tanging tunay na Diyos.”—Juan 17:3.
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
Ang Daliri ng Diyos
“Iyon ay daliri ng Diyos!” inamin ng mga saserdoteng mahiko ng Ehipto nang hindi nila magawang mga kuto ang alikabok, gaya ng ginawa ni Moises. (Exodo 8:18, 19) Sa Bundok ng Sinai, binigyan ni Jehova si Moises ng “mga tapyas ng bato na sinulatan ng daliri ng Diyos.” (Exodo 31:18) Ito ba’y isang literal na daliri? Hindi. Maliwanag si Jehova ay walang literal na mga daliri. Ano, kung gayon? Ang mga manunulat ng Bibliya na si Lucas at si Mateo ang nagbibigay sa atin ng pinaka-susi. Isinulat ng isa na “sa pamamagitan ng daliri ng Diyos,” si Jesus ay nagpalabas ng mga demonyo. Yaon namang isa ay nagpaliwanag na ginawa ito ni Jesus “sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos.” (Lucas 11:20; Mateo 12:28) Samakatuwid ang banal na espiritu ay “daliri ng Diyos,” ang kaniyang ginagamit para matupad ang kaniyang kalooban. Ito’y hindi isang persona, kundi ang dinamikong aktibong puwersa ng Diyos.
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang banal na espiritu ay napakita na isang kalapati at mga dilang apoy—hindi kailanman isang persona
[Picture Credit Line sa pahina 4]
Kumakatawan sa Trinidad sa Simbahang Katoliko sa Tagnon, Pransiya noong ika-14 na siglo