“Ang Ilaw ay Naparito sa Sanlibutan”
“Ito ang batayan ng paghatol, na ang ilaw [liwanag] ay naparito sa sanlibutan ngunit inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa liwanag.”—JUAN 3:19.
1. Bakit bawat isa ay dapat mabahala tungkol sa paghatol ng Diyos?
KARAMIHAN ng tao sa ngayon ay hindi gaanong nababahala tungkol sa paghatol ng Diyos. Ang iba’y naniniwalang sila’y hahatulan nang mabuti ng Diyos kung sila’y regular na nagsisimba at hindi pumipinsala sa kanilang kapuwa. Para sa marami, ang mga turo ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa apoy ng impiyerno at sa purgatoryo ay sumira sa buong ideya ng banal na paghatol. Subalit ang laganap na kawalang-interes at kasinungalingan sa Sangkakristiyanuhan ay hindi nagpapabago sa katotohanan na bawat tao ay hahatulan ng Diyos. (Roma 14:12; 2 Timoteo 4:1; Apocalipsis 20:13) At malaki ang nakasalalay sa paghatol na ito. Yaong mga hahatulan nang mabuti ay tatanggap ng kaloob ng Diyos na buhay na walang-hanggan, samantalang yaong hahatulan nang masama ay tatanggap ng buong kabayaran sa kasalanan: kamatayan.—Roma 6:23.
2. Ano ang batayan ng paghatol ng Diyos?
2 Kaya naman, ang tunay na mga Kristiyano ay may pagkabahala tungkol sa paghatol ng Diyos, at sila’y masikap na naghahangad na makalugod sa kaniya. Papaano nila magagawa ito? Sa Juan 3:19, ibinigay sa atin ni Jesus ang pinakasusi. Kaniyang sinasabi: “Ito ang batayan ng paghatol, ang ilaw [liwanag] ay naparito sa sanlibutan ngunit inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa.” Oo, ang paghatol ng Diyos ay ibabatay sa kung ating iniibig ang liwanag kaysa kadiliman.
“Ang Diyos ay Liwanag”
3. Ano ang kadiliman, at ano ang liwanag?
3 Sa espirituwal na diwa, ang kadiliman ay may kinalaman sa kawalang-alam at pagkawalang-pag-asa na umiiral sa nasasakop ni Satanas—bagaman malimit na si Satanas ay nagkukunwaring “isang anghel ng liwanag.” (2 Corinto 4:4; 11:14; Efeso 6:12) Sa kabilang panig, ang liwanag ay may kinalaman sa kaunawaan at kaliwanagan na nanggagaling sa Diyos na Jehova. Si Pablo ay bumanggit ng liwanag nang siya’y sumulat: “Sapagkat ang Diyos ang nagsabi: ‘Magningning ang ilaw sa kadiliman,’ at siya’y sumikat sa ating mga puso upang magbigay ng liwanag ng maluwalhating pagkakilala sa Diyos sa pamamagitan ng mukha ni Kristo.” (2 Corinto 4:6) Ang espirituwal na liwanag ay may malaking kaugnayan sa Diyos na Jehova kung kaya’t sumulat si apostol Juan: “Ang Diyos ay liwanag.”—1 Juan 1:5; Apocalipsis 22:5.
4. (a) Papaano nagbibigay ng liwanag si Jehova? (b) Papaano natin maipakikita na iniibig natin ang liwanag?
4 Si Jehova ang nagbibigay ng liwanag sa pamamagitan ng kaniyang salita, na sa ngayon ay nakasulat at libreng makukuha sa Banal na Bibliya. (Awit 119:105; 2 Pedro 1:19) Samakatuwid, ang salmista ay talagang nagpapahayag ng kaniyang pag-ibig sa liwanag nang siya’y sumulat: “Anong laki ng pag-ibig ko sa iyong kautusan! Siya kong pinagkakaabalahan buong araw. Sinunod ng aking kaluluwa ang iyong mga paalaala, at aking labis-labis na iniibig.” (Awit 119:97, 167) Iniibig mo ba ang liwanag na gaya ng maliwanag na pag-ibig dito ng salmista? Regular mo bang binabasa ang Salita ng Diyos, binubulay-bulay iyon, at pinagsusumikapan mo na ikapit ang sinasabi niyaon? (Awit 1:1-3) Kung gayon, ikaw ay naghahangad na tumanggap ng isang mabuting hatol buhat kay Jehova.
“Ako ang Ilaw ng Sanlibutan”
5. Kanino nakatutok ang makalangit na liwanag?
5 Ang nagbibigay-buhay na liwanag buhat kay Jehova ay nakatutok sa persona na si Jesu-Kristo. Sa pambungad ng Ebanghelyo ni Juan, ating mababasa: “Ang umiral sa pamamagitan [ni Jesus] ay buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao. At ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman, ngunit hindi ito nagapi ng kadiliman.” (Juan 1:4, 5) Oo, si Jesus ay may totoong matalik na pakikisalamuha sa liwanag kung kaya’t siya’y tinatawag na “ang tunay na ilaw na nagbibigay ng liwanag sa bawat uri ng tao.” (Juan 1:9) Si Jesus mismo ang nagsabi: “Samantalang ako’y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.”—Juan 9:5.
6. Ano ang kailangang gawin ng isang tao upang magkamit ng isang mabuting hatol na ang resulta’y buhay na walang-hanggan?
6 Kung gayon, yaong mga umiibig sa liwanag ay umiibig kay Jesus at may pananampalataya sa kaniya. Imposible na magkamit ng isang mabuting hatol kung hindi babanggitin si Jesus. Oo, tanging sa pagtingin sa kaniya bilang hinirang ng Diyos na paraan ng kaligtasan maaari tayong magkamit ng isang mabuting hatol. Sinabi ni Jesus: “Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang-hanggan; ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay sumasakaniya.” (Juan 3:36) Ngunit, ano nga ba ang ibig sabihin ng pagsampalataya kay Jesus?
7. Ang pagsampalataya kay Jesus ay nagpapahiwatig ng pananampalataya kanino pa?
7 Una, si Jesus mismo ang nagsabi: “Ang sumasampalataya sa akin ay, hindi sa akin lamang sumasampalataya, kundi sumasampalataya rin sa nagsugo sa akin; at ang nakakita sa akin ay nakakita rin sa nagsugo sa akin. Ako’y naparito bilang isang ilaw sa sanlibutan, upang ang bawat sumasampalataya sa akin ay huwag manatili sa kadiliman.” (Juan 12:44-46) Yaong mga umiibig kay Jesus at sumasampalataya sa kaniya ay kailangan ding magkaroon ng matinding pag-ibig at pananampalataya sa Diyos at Ama ni Jesus, si Jehova. (Mateo 22:37; Juan 20:17) Sinuman na gumagamit sa pangalan ni Jesus sa kanilang pagsamba ngunit hindi nagbibigay ng lalong dakilang parangal kay Jehova ay hindi nagpapakita ng tunay na pag-ibig sa liwanag.—Awit 22:27; Roma 14:7, 8; Filipos 2:10, 11.
Ang “Punong Ahente” ng Diyos
8. Papaano nakatutok kay Jesus ang makalangit na liwanag kahit na bago siya isinilang bilang tao?
8 Ang pagsampalataya kay Jesus ay nangangahulugan din ng lubusang pagtanggap sa kaniyang papel na ginagampanan sa mga layunin ni Jehova. Ang kahalagahan ng papel na ito ay itinampok nang sabihin ng anghel kay Juan: “Ang pagpapatotoo kay Jesus ay siyang kumakasi sa panghuhula.” (Apocalipsis 19:10; Gawa 10:43; 2 Corinto 1:20) Buhat sa unang-unang hula sa Eden, lahat ng kinasihan ng Diyos na mga hula ay sa katapus-tapusan may kinalaman kay Jesus at sa kaniyang dako sa katuparan ng mga layunin ng Diyos. Gayundin, sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Galacia na ang tipang Kautusan ay “guro natin patungo kay Kristo.” (Galacia 3:24) Ang sinaunang tipang Kautusang iyan ay ipinanukala upang ihanda ang bansa sa pagparito ni Jesus bilang Mesiyas. Kaya kahit na bago siya isilang bilang tao, ang liwanag buhat kay Jehova ay nakatutok kay Jesus.
9. Ano ang kinikilala ng mga umiibig sa liwanag sapol noong 33 C.E.?
9 Noong 29 C.E., ang kaniyang sarili ay ipinirisinta ni Jesus para sa bautismo at siya’y pinahiran ng banal na espiritu, sa gayo’y naging ang ipinangakong Mesiyas. Noong 33 C.E. ay namatay siyang isang taong sakdal, binuhay-muli, umakyat sa langit, at doo’y inihandog ang halaga ng kaniyang buhay alang-alang sa ating mga kasalanan. (Hebreo 9:11-14, 24) Ang sunud-sunod na mga pangyayaring ito ay tanda ng isang malaking pagbabago sa mga pakikitungo ng Diyos sa mga tao. Si Jesus ngayon “ang Punong Ahente ng buhay,” ‘ang Punong Ahente ng kaligtasan,’ “ang Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya.” (Gawa 3:15; Hebreo 2:10; 12:2; Roma 3:23, 24) Magmula noong 33 C.E. patuloy, ang mga umiibig sa liwanag ay kumilala, at tumanggap, sa bagay na maliban kay Jesus ay “walang kaligtasan sa sinumang iba, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na sukat nating ikaligtas.”—Gawa 4:12.
10. Bakit totoong mahalaga na makinig sa mga salita ni Jesus at sundin iyon?
10 Ang pagsampalataya kay Jesus ay nangangahulugan din ng pagtanggap sa kaniya bilang “ang Salita” at ang “Kamangha-manghang Tagapayo.” (Juan 1:1; Isaias 9:6) Ang sinasabi ni Jesus ay laging kababanaagan ng makalangit na katotohanan. (Juan 8:28; Apocalipsis 1:1, 2) Ang pakikinig sa kaniya ay nangangahulugan ng buhay at kamatayan. Sinabi ni Jesus sa mga Judio noong kaniyang kaarawan: “Siyang dumirinig ng aking salita at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang-hanggan, at hindi papasok sa paghatol kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan.” (Juan 5:24) Noong unang siglo C.E., yaong mga kumilos pagkatapos makapakinig sa mga salita ni Jesus ay sinagip buhat sa kadiliman ng sanlibutan ni Satanas at nangabuhay, wika nga. Sila’y inaring matuwid upang maging mga tagapagmanang kasama niya sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Efeso 1:1; 2:1, 4-7) Sa ngayon, ang pagsunod sa mga salita ni Jesus ay nagbubukas ng daan upang ang marami ay ariing matuwid upang makatawid nang buháy sa Armagedon at magkamit ng sakdal na buhay ng tao sa bagong sanlibutan.—Apocalipsis 21:1-4; ihambing ang Santiago 2:21, 25.
“Ulo sa Lahat ng Bagay”
11. Anong mataas na kapamahalaan ang ibinigay kay Jesus noong 33 C.E.?
11 Pagkatapos na siya’y buhaying-muli, isiniwalat ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang isa pang pitak ng liwanag. Sinabi niya: “Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18) Sa gayon si Jesus ay itinaas sa isang pangunahing posisyon sa pansansinukob na organisasyon ni Jehova. Si Pablo ay nagbibigay pa ng ibang detalye nang kaniyang sabihin: “Ibinangon [ng Diyos] si [Jesus] mula sa mga patay at iniluklok siya sa kaniyang kanan sa kalangitan, na mataas sa bawat pamahalaan at autoridad at kapangyarihan at pamunuan at sa bawat pangalan, hindi lamang sa sistemang ito ng mga bagay, kundi pati na sa darating. Ipinasakop din naman Niya ang lahat ng bagay sa ilalim ng kaniyang mga paa, at ginawa siyang ulo sa lahat ng bagay sa kongregasyon na siya niyang katawan.” (Efeso 1:20-23; Filipos 2:9-11) Sapol noong 33 C.E., kasangkot sa pag-ibig sa liwanag ang pagkilala sa mataas na posisyong ito ni Jesus.
12. Ano ang malugod na kinikilala ng pinahirang mga Kristiyano sa mismong pasimula, at papaano nila ipinakita ito sa isang praktikal na paraan?
12 Sa wakas, lahat ng tao ay kikilala sa kapamahalaan ni Jesus. (Mateo 24:30; Apocalipsis 1:7) Gayunman, ang mga umiibig sa liwanag ay malugod na kumilala rito sa mismong pasimula. Ang pinahirang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay kumikilala kay Jesus bilang “ang ulo ng katawan, ang kongregasyon.” (Colosas 1:18; Efeso 5:23) Pagka sila’y naging bahagi ng katawang iyan, sila ay ‘inililigtas sa kapangyarihan ng kadiliman at inililipat sa kaharian ng pag-ibig ng Anak ng Diyos.’ (Colosas 1:13) Mula sa panahong ito, sila’y puspusang sumusunod sa pangunguna ni Jesus sa lahat ng pitak ng kanilang buhay, at sa panahon natin ay kanilang tinuruan ang “mga ibang tupa” na gayundin ang gawin. (Juan 10:16) Ang pagkilala sa pagkaulo ni Jesus ay isang pangunahing kahilingan para sa pagtanggap ng isang mabuting hatol.
13. Kailan sinimulan ni Jesus na gumamit ng kapamahalaan sa Kaharian, at ano ang kasunod na naganap dito sa lupa?
13 Sa kaniyang pag-akyat sa langit noong 33 C.E., hindi karakaraka lubusang ginamit ni Jesus ang kaniyang kapamahalaan. Bagaman Ulo ng kongregasyong Kristiyano, kaniyang hinintay ang tumpak na panahon upang lubusang gamitin ang kapamahalaan sa sangkatauhan sa pangkalahatan. (Awit 110:1; Gawa 2:33-35) Ang panahong iyan ay dumating noong 1914, nang si Jesus ay iluklok bilang Hari ng Kaharian ng Diyos at “ang mga huling araw” ng sanlibutang ito ay nagsimula. (2 Timoteo 3:1) Sapol noong 1919, ang pagtitipon sa natitirang mga pinahiran ay nagpatuloy patungo sa katapusan nito. Mula noong 1935 lalung-lalo na, pinagbubukud-bukod ni Jesus ang mga tao sa “mga tupa,” na magmamana ng “kaharian na inihanda para [sa kanila],” at “mga kambing,” na “tutungo sa walang-hanggang pagkalipol.”—Mateo 25:31-34, 41, 46.
14. Papaanong isang malaking pulutong ang nagpakita ng pag-ibig sa liwanag, at ano ang magiging resulta sa kanila?
14 Nakatutuwa naman, ang mga tupa ay napakarami sa mga huling araw na ito. Isang malaking pulutong sa kanila na may bilang na milyun-milyon ang lumitaw sa tanawin ng sanlibutan “buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.” Katulad ng kanilang mga kasamahan, ang pinahiran, itong tulad-tupang mga tao ay umiibig sa liwanag. Kanilang “nilabhan ang kanilang kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero,” at sila’y sumisigaw sa malakas na tinig: “Ang kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono at sa Kordero.” Dahilan dito, ang malaking pulutong bilang isang grupo ay tatanggap ng isang mabuting hatol. Ang mga kabilang dito ay “lumalabas sa malaking kapighatian,” makaliligtas sa pagkapuksa sa Armagedon ng mga umiibig sa kadiliman.—Apocalipsis 7:9, 10, 14.
“Mga Anak ng Liwanag”
15. Sa papaano ipinakikita ng ating mga kilos ang pagpapasakop natin sa Hari, si Jesu-Kristo?
15 Subalit, papaano sa isang praktikal na paraan nagagawa ng mga umiibig sa liwanag, maging pinahiran o mga ibang tupa, na pasakop kay Jesus na iniluklok ng Diyos bilang Hari at gumaganap na Hukom? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagsisikap na maging ang uri ng mga tao na may pagsang-ayon ni Jesus. Samantalang nasa lupa si Jesus ay nagpakita ng pagpapahalaga sa mga katangian na gaya ng kataimtiman, pagkabuong-puso, at kasiglahan sa katotohanan, at siya mismo ay kinakitaan ng mga katangiang ito. (Marcos 12:28-34, 41-44; Lucas 10:17, 21) Kung nais natin na magkamit ng isang mabuting hatol, kailangang paunlarin natin ang ganiyang mga katangian.
16. Bakit kailangang iwaksi ang mga gawa ng kadiliman?
16 Ito’y lalung-lalo nang totoo yamang ang kadiliman ng sanlibutan ni Satanas ay patuloy na lumalala habang papalapit ang wakas. (Apocalipsis 16:10) Ang mga salitang isinulat ni Pablo sa mga taga-Roma ay angkop na angkop kung gayon: “Ang gabi ay totoong malalim; ang araw ay malapit na. Iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman at ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan. Magsilakad tayo nang disente gaya kung araw, huwag sa katakawan at paglalasing, huwag sa bawal na pagsisiping at sa kahalayan, huwag sa alitan at sa inggitan.” (Roma 13:12, 13) Samantalang ang buhay na walang-hanggan ay isang kaloob buhat sa Diyos, ang pagiging tunay ng ating pananampalataya at ng ating pag-ibig sa liwanag ay pinatutunayan ng ating mga kilos. (Santiago 2:26) Sa gayon, ang hatol na tatanggapin natin ay depende ang kalakhang bahagi sa kung hanggang saan gumawa tayo ng mabubuting gawa at umiwas sa mga gawang masasama.
17. Ano ang ibig sabihin ng “isakbat ang Panginoong Jesu-Kristo”?
17 Pagkatapos ibigay ang kaniyang payo sa Roma 13:12, 13, si apostol Pablo ay nagtatapos sa pagsasabi: “Isakbat ninyo ang Panginoong Jesu-Kristo, at huwag ninyong paglaanan ang mga pita ng laman.” (Roma 13:14) Ano ba ang ibig sabihin ng “isakbat ninyo ang Panginoong Jesu-Kristo”? Ang ibig sabihin ay na dapat sumunod nang maingat kay Jesus ang mga Kristiyano, na binibihisan ang kanilang sarili, wika nga, ng kaniyang halimbawa at ng kaniyang kalooban, na nagsisikap maging tulad-Kristo. “Sa ganitong pamumuhay kayo tinawag,” ang sabi ni Pedro, “dahil sa si Kristo man ay nagbata alang-alang sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa upang kayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang.”—1 Pedro 2:21.
18. Anong malalaking pagbabago ang kakailanganin kung ibig natin na tumanggap ng isang mabuting hatol?
18 Ito’y malimit na may kasamang malalaking pagbabago sa buhay ng isang Kristiyano. “Sapagkat noong una’y kadiliman kayo,” ang sabi ni Pablo, “ngunit ngayon ay liwanag na kayo kung sa Panginoon. Patuloy na magsilakad kayong gaya ng mga anak ng liwanag, sapagkat ang bunga ng liwanag ay binubuo ng bawat uri ng kabutihan at ng katuwiran at ng katotohanan.” (Efeso 5:8, 9) Sinuman na namihasa sa mga gawa ng kadiliman ay hindi nagsisiibig sa liwanag at hindi tatanggap ng mabuting hatol maliban sa sila’y magbago.
“Kayo ang Ilaw ng Sanlibutan”
19. Sa anong iba’t ibang paraan mapasisikat ng isang Kristiyano ang liwanag?
19 Sa wakas, ang pag-ibig sa liwanag ay nangangahulugan ng pagpapasikat ng liwanag upang makita iyon ng iba at sila’y maakit doon. “Kayo ang ilaw ng sanlibutan,” ang sabi ni Jesus. At kaniyang isinusog: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:14, 16) Sa mabubuting gawa ng isang Kristiyano ay kasali ang pagpapakita ng bawat uri ng kabutihan at katuwiran at katotohanan, yamang ang ganiyang mabuting asal ay nagsisilbing isang mabisang patotoo sa katotohanan. (Galacia 6:10; 1 Pedro 3:1) Ang lalong higit na kasali rito ay pakikipag-usap sa iba tungkol sa katotohanan. Sa ngayon, ito’y nangangahulugan ng pakikibahagi sa pambuong-daigdig na kampanya ng pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian . . . sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.” Nangangahulugan din ito ng matiyagang pagdalaw-muli sa mga taong interesado, pakikipag-aral sa kanila ng Bibliya, at pagtulong sa kanila na magbunga ng mga gawa ng liwanag.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
20. (a) Gaano kaningning ang sikat ng liwanag sa ngayon? (b) Anong mayayamang pagpapala ang tinatamasa ng mga tumutugon sa liwanag?
20 Sa ating kaarawan, salamat na lamang sa masigasig na pangangaral ng tapat na mga Kristiyano, ang mabuting balita ay naririnig sa mahigit na 200 bansa, at ang liwanag ay buong-ningning na sumisikat higit kailanman. Sinabi ni Jesus: “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay sa anumang paraan hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.” (Juan 8:12) Anong laking kagalakan na makibahagi sa katuparan ng pangakong ito! Ang ating buhay ay higit na mayaman ngayon na anupa’t dahil sa bagay na iyan tayo ay hindi na nanlulupaypay sa kadiliman ng sanlibutan ni Satanas. At ang ating tinatanaw na pag-asa ay tunay na kahanga-hanga samantalang inaasam-asam natin ang isang mabuting hatol buhat sa inatasang Hukom ni Jehova. (2 Timoteo 4:8) Anong laking kasawian kung tayo, pagkatapos pumaroon sa liwanag, ay babalik sa kadiliman at tatanggap ng masamang hatol! Sa susunod na artikulo, ating tatalakayin kung papaano tayo makapananatiling matatag sa pananampalataya.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Ano ang batayan ng paghatol ng Diyos?
◻ Anong pangunahing papel ang ginagampanan ni Jesus kaugnay ng mga layunin ng Diyos?
◻ Papaano natin ipinakikita na tayo’y nagpapasakop kay Jesus bilang ang Haring iniluklok ni Jehova?
◻ Papaano natin mapatutunayan na tayo’y “mga anak ng liwanag”?
◻ Sa sanlibutang ito ng kadiliman, sa papaano sumisikat ngayon ang liwanag nang walang katulad na kaningningan?
[Larawan sa pahina 10]
Sa wakas, lahat ng tao ay kikilala sa kapamahalaan ni Jesus
[Larawan sa pahina 12]
Ating ipinakikitang iniibig natin ang liwanag pagka ating pinasikat iyon sa iba