ANTIKRISTO
Ang salitang ito ay nangangahulugang “laban kay (o kahalili ni) Kristo.” Lumilitaw ito sa Kasulatan nang limang beses, kapuwa sa anyong pang-isahan at pangmaramihan, at matatagpuan lamang sa dalawa sa mga liham ni Juan.
Ang paksang ito ay hindi na bago sa mga Kristiyano nang isulat ni Juan ang kaniyang mga liham (mga 98 C.E.). Ang 1 Juan 2:18 ay nagsasabi: “Mga anak, ito ang huling oras, at, gaya ng inyong narinig na ang antikristo [sa Gr., an·tiʹkhri·stos] ay darating, maging sa ngayon ay lumitaw na ang maraming antikristo; na dahil sa bagay na ito ay natatamo natin ang kaalaman na ito ang huling oras.” Ipinakikita ng pananalita ni Juan na maraming indibiduwal na antikristo, ngunit bilang isang grupo ay maaari silang tukuyin bilang isang tao na tinatawag na “ang antikristo.” (2Ju 7) Ang paggamit ng pananalitang “oras” upang tumukoy sa isang yugto ng panahon, na maaaring maikli o may di-tiyak na haba, ay makikita rin sa iba pang mga isinulat ni Juan. (Tingnan ang Ju 2:4; 4:21-23; 5:25, 28; 7:30; 8:20; 12:23, 27.) Sa gayon ay hindi niya nilimitahan ang paglitaw, pag-iral, at gawain ng gayong antikristo sa isang partikular na panahon sa hinaharap kundi ipinakita niya na ang antikristo ay umiiral na noon at patuloy pang iiral.—1Ju 4:3.
Pagkakakilanlan. Nagkaroon ng maraming pagsisikap noon na tukuyin “ang antikristo” bilang isang indibiduwal, gaya nina Pompey, Nero, o Muhammad (ang huling nabanggit ay iminungkahi ni Pope Innocent III noong 1213 C.E.), o bilang isang espesipikong organisasyon, gaya ng palagay ng mga Protestante na “ang antikristo” ay tumutukoy sa papado. Gayunman, ipinakikita ng kinasihang mga pananalita ni Juan na ang terminong ito ay malawak, anupat sumasaklaw sa lahat ng mga nagkakaila na “si Jesus ang Kristo” at nagkakaila na si Jesus ang Anak ng Diyos na dumating “sa laman.”—1Ju 2:22; 4:2, 3; 2Ju 7, NE, NIV; ihambing ang Ju 8:42, 48, 49; 9:22.
Ang pagkakaila kay Jesus bilang ang Kristo at ang Anak ng Diyos ay maaasahan lamang na sumasaklaw rin sa pagkakaila sa alinman o sa lahat ng maka-Kasulatang turo may kinalaman sa kaniya: ang pinagmulan niya, ang kaniyang dako sa kaayusan ng Diyos, ang pagtupad niya sa mga hula sa Hebreong Kasulatan bilang ang ipinangakong Mesiyas, ang kaniyang ministeryo at mga turo at hula, gayundin sa anumang pagsalansang sa kaniya o mga pagsisikap na halinhan siya sa kaniyang posisyon bilang ang Mataas na Saserdote at Hari na inatasan ng Diyos. Maliwanag na makikita ito sa iba pang mga teksto na bagaman hindi gumagamit ng terminong “antikristo” ay nagpapahayag din ng halos kaparehong ideya. Kaya naman sinabi ni Jesus: “Siya na wala sa panig ko ay laban sa akin, at siya na hindi natitipong kasama ko ay nangangalat.” (Luc 11:23) Ipinakikita ng 2 Juan 7 na ang mga ito ay maaaring kumilos bilang mga manlilinlang, kung kaya kabilang sa “antikristo” ang “mga bulaang Kristo” at “mga bulaang propeta,” gayundin ang mga nagsasagawa ng makapangyarihang mga gawa sa pangalan ni Jesus ngunit itinuturing naman niyang kasama sa “mga manggagawa ng katampalasanan.”—Mat 24:24; 7:15, 22, 23.
Dahil sa tuntuning ibinigay ni Jesus na ang ginagawa sa kaniyang tunay na mga tagasunod ay para na ring ginagawa sa kaniya (Mat 25:40, 45; Gaw 9:5), tiyak na kabilang sa antikristo ang mga nang-uusig sa kaniyang mga tagasunod, na nangangahulugang saklaw ng terminong ito ang makasagisag na “Babilonyang Dakila.”—Luc 21:12; Apo 17:5, 6.
Espesipikong binanggit ni Juan na ang mga apostata ay kabilang sa antikristo nang tukuyin niya yaong mga “lumabas mula sa atin,” anupat humiwalay sa kongregasyong Kristiyano. (1Ju 2:18, 19) Samakatuwid ay kabilang dito “ang taong tampalasan” o “anak ng pagkapuksa” na inilarawan ni Pablo, pati na ang “mga bulaang guro” na tinuligsa ni Pedro dahil sa pagtatayo nila ng mapanirang mga sekta at sa ‘pagtatatwa maging sa may-ari na bumili sa kanila.’—2Te 2:3-5; 2Pe 2:1; tingnan ang TAONG TAMPALASAN.
Ipinakikita rin sa makasagisag na paglalarawan sa Apocalipsis 17:8-15; 19:19-21 na may mga kaharian, mga bansa, at mga organisasyon na bahagi ng antikristo.—Ihambing ang Aw 2:1, 2.
Sa lahat ng nabanggit na kaso, ipinakikita na yaong mga bumubuo sa antikristo ay patungo sa pagkapuksa bilang kagantihan sa kanilang landasin ng pagsalansang.