ARALING ARTIKULO 4
“Ang Espiritu Mismo ang Nagpapatotoo”
“Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama natin na tayo ay mga anak ng Diyos.”—ROMA 8:16.
AWIT 25 Isang Espesyal na Pag-aari
NILALAMANa
1-2. Anong kamangha-manghang pangyayari ang naganap noong Pentecostes 33 C.E.?
LINGGO ng umaga noon sa Jerusalem. Ang taon ay 33 C.E., araw ng Pentecostes. Isang grupo ng mga 120 alagad ang magkakasama sa isang silid sa itaas ng isang bahay. (Gawa 1:13-15; 2:1) Mga ilang araw bago nito, sinabihan sila ni Jesus na manatili sa Jerusalem dahil may matatanggap silang espesyal na regalo. (Gawa 1:4, 5) Ano ang sumunod na nangyari?
2 “Bigla silang may narinig na hugong mula sa langit na gaya ng malakas na bugso ng hangin, at dinig na dinig ito sa buong bahay.” Pagkatapos, may lumitaw na “parang mga liyab ng apoy” sa ibabaw ng ulo nila, at silang lahat ay “napuspos ng banal na espiritu.” (Gawa 2:2-4) Sa kamangha-manghang paraan, ibinuhos ni Jehova ang espiritu niya sa grupong iyon. (Gawa 1:8) Sila ang unang pinahiran ng banal na espiritub at binigyan ng pag-asang mamahala sa langit kasama ni Jesus.
ANO ANG NANGYAYARI KAPAG PINAHIRAN ANG ISA?
3. Bakit ang mga alagad na nasa silid sa itaas noong Pentecostes ay hindi nag-alinlangang pinahiran sila ng banal na espiritu?
3 Kung isa ka sa mga alagad na nasa silid sa itaas noong araw na iyon, hinding-hindi mo iyon malilimutan. May lumitaw sa ibabaw ng ulo mo na parang liyab ng apoy, at nakapagsalita ka ng ibang wika! (Gawa 2:5-12) Hindi ka mag-aalinlangang pinahiran ka ng banal na espiritu. Pero lahat ba ng pinahiran ng banal na espiritu ay tumanggap ng ganitong pag-aatas sa kamangha-manghang paraan at sa magkakaparehong panahon sa buhay nila? Hindi. Paano natin nalaman?
4. Lahat ba ng pinahiran noong unang siglo ay nakatanggap ng pag-aatas sa magkakaparehong panahon sa buhay nila? Ipaliwanag.
4 Talakayin natin kung kailan nakakatanggap ng pag-aatas ang isa. Hindi lang ang grupong iyon ng mga 120 Kristiyano ang pinahiran ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E. Nang araw ding iyon, may mga 3,000 iba pa na nakatanggap din ng ipinangakong banal na espiritu. Nakatanggap sila ng pag-aatas nang mabautismuhan sila. (Gawa 2:37, 38, 41) Pero nang sumunod na mga taon, hindi lahat ng pinahirang Kristiyano ay nakatanggap ng pag-aatas sa panahon ng bautismo nila. Ang mga Samaritano ay nakatanggap nito ilang panahon pagkatapos ng bautismo nila. (Gawa 8:14-17) At kakaiba naman ang pag-aatas kay Cornelio at sa sambahayan niya. Nangyari iyon bago pa man sila mabautismuhan.—Gawa 10:44-48.
5. Ayon sa 2 Corinto 1:21, 22, ano ang nangyayari kapag ang isa ay pinahiran ng banal na espiritu?
5 Talakayin din natin kung ano ang nangyayari kapag ang isa ay pinahiran ng banal na espiritu. Baka hindi agad matanggap ng ilang pinahiran na pinili sila ni Jehova. Baka iniisip nila, ‘Bakit ako pinili ng Diyos?’ May iba naman na baka hindi ganiyan ang reaksiyon. Anuman ang iniisip ng isa, ipinapaliwanag ni apostol Pablo ang nangyayari sa lahat ng pinahiran: “Nang manampalataya kayo, sa pamamagitan niya ay tinatakanc kayo ng ipinangakong banal na espiritu, na garantiya ng tatanggapin nating mana.” (Efe. 1:13, 14) Ipinapakita nito na ginagamit ni Jehova ang espiritu niya para lubusang linawin sa mga Kristiyanong ito na pinili sila. Sa ganitong paraan, ang banal na espiritu ay “garantiya” na sa hinaharap, mabubuhay sila magpakailanman sa langit at hindi sa lupa.—Basahin ang 2 Corinto 1:21, 22.
6. Ano ang dapat gawin ng isang pinahirang Kristiyano para matanggap niya ang gantimpala sa langit?
6 Kung ang isang Kristiyano ay pinahiran, sigurado na bang matatanggap niya ang gantimpala sa langit? Hindi. Sigurado siya na pinili siya para mabuhay sa langit. Pero dapat niyang tandaan ang paalaalang ito: “Mga kapatid, lalo pa ninyong gawin ang inyong buong makakaya para matiyak na mananatili kayong kasama sa mga tinawag at pinili, dahil kung patuloy ninyong ginagawa ang mga bagay na ito, hinding-hindi kayo mabibigo.” (2 Ped. 1:10) Kaya kahit na ang isang pinahirang Kristiyano ay pinili para mabuhay sa langit, matatanggap lang niya ang gantimpala kung mananatili siyang tapat.—Fil. 3:12-14; Heb. 3:1; Apoc. 2:10.
PAANO NALALAMAN NG ISA NA PINAHIRAN SIYA?
7. Paano nalalaman ng mga pinahiran na makalangit sila?
7 Pero paano nalalaman ng isa na makalangit siya? Makikita ang sagot sa sinabi ni Pablo sa mga taga-Roma na “tinawag para maging mga banal.” Sinabi niya: “Hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin na magdudulot ulit ng takot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pag-aampon bilang mga anak at sa pamamagitan ng espiritung iyon ay sumisigaw tayo: ‘Abba, Ama!’ Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama natin na tayo ay mga anak ng Diyos.” (Roma 1:7; 8:15, 16) Kaya sa pamamagitan ng banal na espiritu, nililinaw ng Diyos sa mga pinahiran na makalangit sila.—1 Tes. 2:12.
8. Paano ipinapakita ng 1 Juan 2:20, 27 na hindi kailangan ng mga pinahirang Kristiyano ang kumpirmasyon ng iba na pinahiran sila?
8 Nilinaw ito ni Jehova kaya walang pagdududa sa isip at puso nila na talagang inanyayahan niya silang mabuhay sa langit. (Basahin ang 1 Juan 2:20, 27.) Siyempre, gaya nating lahat, kailangan pa ring maturuan ang mga pinahirang Kristiyano sa pamamagitan ng kongregasyon. Pero hindi nila kailangan ang kumpirmasyon ng iba na pinahiran sila. Ginamit na ni Jehova ang pinakamakapangyarihang puwersa sa uniberso, ang banal na espiritu, para lubusang linawin sa kanila na sila ay pinahiran!
SILA AY ‘IPINANGANAK-MULI’
9. Kapag pinahiran ang isa, ano ang nagbabago sa kaniya, gaya ng inilalarawan sa Efeso 1:18?
9 Baka mahirapan ang karamihan sa mga lingkod ng Diyos ngayon na maintindihan ang nangyayari sa isang pinahiran. Normal lang ito, kasi sila mismo ay hindi pinahiran. Nilalang ng Diyos ang mga tao para mabuhay magpakailanman sa lupa, hindi sa langit. (Gen. 1:28; Awit 37:29) Pero may ilang pinili si Jehova para mabuhay sa langit. At kapag pinahiran niya sila, binabago ni Jehova ang pag-asa nila at paraan ng pag-iisip. Kaya inaasam na nilang mabuhay sa langit.—Basahin ang Efeso 1:18.
10. Ano ang ibig sabihin ng ‘maipanganak-muli’? (Tingnan din ang talababa.)
10 Kapag ang mga Kristiyano ay pinahiran ng banal na espiritu, sila ay ‘ipinapanganak-muli,’ o ‘ipinapanganak mula sa itaas.’d Ipinahiwatig din ni Jesus na imposibleng lubusang ipaliwanag sa isa na hindi pinahiran kung ano ang pakiramdam na ‘maipanganak-muli,’ o ‘maipanganak sa espiritu.’—Juan 3:3-8; tlb.
11. Ipaliwanag kung ano ang nagbabago sa paraan ng pag-iisip ng isa kapag pinahiran siya.
11 Ano ang nagbabago sa paraan ng pag-iisip ng mga Kristiyano kapag pinahiran sila? Bago sila pahiran ni Jehova, inaasam nilang mabuhay magpakailanman sa lupa. Nananabik sila sa panahong aalisin ni Jehova ang lahat ng kasamaan at gagawing paraiso ang lupa. Baka naiisip pa nga nilang sasalubungin nila ang isang kapamilya o kaibigan na binuhay-muli. Pero nag-iiba ang pag-iisip nila matapos silang pahiran. Bakit? Hindi naman sa hindi na sila kontento sa pag-asang mabuhay sa lupa. Hindi rin iyon dahil sa na-depress sila o nagkaproblema. Hindi nila biglang naramdaman na nakakabagot mabuhay magpakailanman sa lupa. Sa halip, ginamit ni Jehova ang espiritu niya para baguhin ang paraan ng pag-iisip nila at ang pag-asang pinananabikan nila.
12. Gaya ng binabanggit sa 1 Pedro 1:3, 4, ano ang nararamdaman ng mga pinahirang Kristiyano tungkol sa pag-asa nila?
12 Posibleng nadarama ng isang pinahiran na hindi siya karapat-dapat sa napakagandang pribilehiyong ito. Pero wala siyang kahit kaunting pagdududa na pinili siya ni Jehova. Nag-uumapaw ang puso niya sa kagalakan at pasasalamat kapag naiisip niya ang pag-asa niya sa hinaharap.—Basahin ang 1 Pedro 1:3, 4.
13. Ano ang tingin ng mga pinahiran sa buhay nila sa lupa?
13 Ibig bang sabihin nito, gusto nang mamatay ng mga pinahiran? Sinasagot iyan ni apostol Pablo. Itinulad niya ang katawan ng tao sa isang tolda at sinabi: “Ang totoo, tayo na nasa toldang ito ay dumaraing at nabibigatan, hindi dahil sa gusto natin itong hubarin, kundi dahil gusto nating isuot ang isang iyon, para ang mortal ay mapalitan ng buhay.” (2 Cor. 5:4) Hindi sila nawalan ng ganang mabuhay sa lupa, na para bang gusto na nilang mamatay. Ang totoo, nasisiyahan sila sa buhay at gusto nilang maglingkod kay Jehova araw-araw kasama ang pamilya nila at mga kaibigan. Pero anuman ang kanilang ginagawa, laging nasa isip nila ang napakagandang pag-asa nila sa hinaharap.—1 Cor. 15:53; 2 Ped. 1:4; 1 Juan 3:2, 3; Apoc. 20:6.
PINAHIRAN KA BA NI JEHOVA?
14. Ano ang hindi patunay na ang isang tao ay pinahiran ng banal na espiritu?
14 Baka nag-iisip ka kung pinahiran ka ng banal na espiritu. Kung gayon, pag-isipan ang mga tanong na ito: Gustong-gusto mo bang gawin ang kalooban ni Jehova? Napakasigasig mo ba sa pangangaral? Masipag ka bang mag-aral ng Bibliya at gustong-gusto mong matutuhan ang “malalalim na bagay ng Diyos”? (1 Cor. 2:10) Nakikita mo bang pinagpapala ni Jehova ang pangangaral mo? Nakakaramdam ka ba ng pananagutang tulungan ang iba sa espirituwal? Nakikita mo ba na talagang tinutulungan ka ni Jehova sa iba’t ibang bahagi ng buhay mo? Kung oo ang sagot mo sa lahat ng tanong na iyan, ibig bang sabihin, makalangit ka? Hindi. Bakit? Kasi puwedeng maramdaman iyan ng lahat ng lingkod ng Diyos, pinahiran man sila o hindi. At sa pamamagitan ng banal na espiritu, matutulungan ni Jehova ang kahit sinong lingkod niya na magawa ang mga iyan, anuman ang pag-asa nila. Ang totoo, kung nag-iisip ka kung pinahiran ka ng banal na espiritu o hindi, ibig sabihin, hindi ka talaga pinahiran. Hindi na pinag-iisipan ng mga pinili ni Jehova kung pinahiran sila o hindi. Sigurado sila!
15. Paano natin nalaman na hindi lahat ng nakatanggap ng espiritu ng Diyos ay pinili para mabuhay sa langit?
15 Maraming halimbawa sa Bibliya ng mga lingkod ng Diyos na tumanggap ng banal na espiritu pero walang pag-asa na mabuhay sa langit. Halimbawa, si David ay ginabayan ng banal na espiritu. (1 Sam. 16:13) Tinulungan siya nito na maunawaan ang malalalim na bagay tungkol kay Jehova, at pinatnubayan siya nito sa pagsulat ng ilang bahagi ng Bibliya. (Mar. 12:36) Pero sinabi ni apostol Pedro na “hindi umakyat si David sa langit.” (Gawa 2:34) Si Juan Bautista rin ay ‘napuspos ng banal na espiritu.’ (Luc. 1:13-16) Sinabi ni Jesus na wala nang taong mas dakila kaysa kay Juan, pero sinabi rin niya na si Juan ay hindi magiging bahagi ng Kaharian sa langit. (Mat. 11:10, 11) Binigyan sila ni Jehova ng banal na espiritu para makagawa ng kahanga-hangang mga bagay, pero hindi niya ginamit ang espiritung iyon para piliin silang mabuhay sa langit. Ibig bang sabihin, hindi sila kasintapat ng mga napiling mamahala sa langit? Hindi. Ibig sabihin lang nito, bubuhayin silang muli ni Jehova sa Paraiso sa lupa.—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.
16. Anong gantimpala ang pinananabikan ng karamihan ng lingkod ng Diyos sa ngayon?
16 Hindi sa langit ang pag-asa ng karamihan ng lingkod ng Diyos ngayon sa lupa. Gaya nina Abraham, Sara, David, Juan Bautista, at marami pang iba na nabuhay noong panahon ng Bibliya, nananabik silang mabuhay sa lupa kapag ang Kaharian ng Diyos na ang namamahala.—Heb. 11:10.
17. Ano-anong tanong ang sasagutin natin sa susunod na artikulo?
17 Dahil may kasama pa tayo ngayon na mga pinahiran, baka may maisip tayong ilang tanong. (Apoc. 12:17) Halimbawa, ano ang dapat na maging tingin ng isang pinahiran sa kaniyang sarili? Kung nakibahagi sa mga emblema sa Memoryal ang isang kakongregasyon ninyo, paano mo siya dapat pakitunguhan? At paano kung dumarami pa ang bilang ng mga nagsasabi na pinahiran sila? Dapat ka bang mabahala? Sasagutin natin ang mga tanong na iyan sa susunod na artikulo.
a Mula pa noong Pentecostes 33 C.E., binigyan na ni Jehova ang ilang Kristiyano ng kamangha-manghang pag-asa—ang pag-asang mamahala sa langit kasama ng Anak niya. Pero paano nalaman ng mga Kristiyanong iyon na pinili sila para sa napakagandang pribilehiyong ito? Ano ba ang nangyayari kapag ang isa ay nakatanggap ng ganitong paanyaya? Ang mga tanong na iyan ay sasagutin sa artikulong ito, na batay sa isang artikulong lumabas sa Bantayan noong Enero 2016.
b KARAGDAGANG PALIWANAG: Pinahiran ng banal na espiritu: Ginagamit ni Jehova ang espiritu niya para piliin ang isang tao na mamahala sa langit kasama ni Jesus. Sa pamamagitan ng espiritung ito, binibigyan ng Diyos ang taong iyon ng pangako, o “garantiya,” para sa hinaharap. (Efe. 1:13, 14) Masasabi ng mga Kristiyanong ito na ang banal na espiritu ay “nagpapatotoo,” o nililinaw nito sa kanila, na ang gantimpala nila ay sa langit.—Roma 8:16.
c KARAGDAGANG PALIWANAG: Tatak. Magiging permanente ang tatak na ito bago mamatay nang tapat ang pinahiran o bago magsimula ang malaking kapighatian.—Efe. 4:30; Apoc. 7:2-4; tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Abril 2016 na isyu ng Bantayan.
d Para sa higit na paliwanag kung ano ang ibig sabihin ng “maipanganak-muli,” o pagiging “born again,” tingnan ang Bantayan, Abril 1, 2009, p. 3-12.
AWIT 27 Ang Pagsisiwalat sa mga Anak ng Diyos
e LARAWAN: Tayo man ay nakabilanggo dahil sa ating pananampalataya o malaya tayong nakakapangaral at nakakapagturo ng katotohanan, nananabik tayong mabuhay sa lupa kapag ang Kaharian ng Diyos na ang namamahala.