Bakit Wala Silang mga Anak?
SINA Dele at Fola,a isang mag-asawa, ay nakatira at nagtatrabaho sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Nigeria. Sandaling panahon pa lamang silang naglilingkod doon, dumalaw ang nanay ni Fola. Naglakbay siya nang malayo upang ipakipag-usap ang isang bagay na lubhang nakababalisa sa kaniya, isa na nagdulot sa kaniya ng maraming di-pagkakatulog sa gabi.
“Ginagawa ninyo ang mabubuting bagay para sa akin,” ang sabi niya sa kanila. “Nagpapadala kayo ng mga regalo, at dinadalaw ninyo ako. Ang mga kapahayagang ito ng pag-ibig ay mahalaga sa akin. Subalit nakababahala rin sa akin ang mga ito sapagkat lagi akong nag-iisip kung sino ang gagawa ng mga bagay na ito para sa inyo kapag nagkaedad na kayo na gaya ko? Dalawang taon na kayong kasal, at wala pa rin kayong mga anak. Hindi kaya panahon na para umalis kayo sa Bethel at magpamilya?”
Ganito ang katuwiran ng nanay: Sina Dele at Fola ay gumugol na ng sapat na panahon sa Bethel. Panahon na ngayon upang pag-isipan nila ang kanilang kinabukasan. Tiyak na magagawa naman ng ibang tao ang kanilang trabaho. Hindi naman kailangang ihinto nina Dele at Fola ang kanilang buong-panahong ministeryo, subalit maaari naman silang pumasok sa ibang larangan ng paglilingkod, isa na magpapahintulot sa kanila na magkaanak at maranasan ang mga kagalakan ng pagiging magulang.
Pagkabahala ng Ina
Mauunawaan naman ang pagkabahala ng ina. Ang hangaring magkaanak ay likas at karaniwan sa lahat ng kultura at panahon. Ang pagkakaroon ng anak ay pumupukaw ng matinding damdamin ng kagalakan at pag-asa. “Ang bunga ng tiyan ay isang gantimpala,” sabi ng Bibliya. Oo, ang kakayahang mag-anak ay isang mahalagang kaloob mula sa ating maibiging Maylalang.—Awit 127:3.
Sa maraming lipunan, napapaharap sa mga mag-asawa ang matinding panggigipit ng lipunan na magkaanak. Halimbawa, sa Nigeria, kung saan ang karaniwang babae ay nagluluwal ng anim na anak, karaniwan nang marinig sa mga kasalan ang mga bumabati na nagsasabi sa mga bagong kasal: “Siyam na buwan mula ngayon, inaasahan naming makarinig ng isang sanggol na umiiyak sa inyong bahay.” Bilang isang regalo sa kasal, ang nobyo at ang nobya ay maaaring tumanggap ng isang kuna. Maingat na binabantayan ng mga biyenang babae ang kalendaryo. Kung ang babae ay hindi pa nagdadalang-tao sa loob ng isang taon o mahigit pa, inaalam nila kung may anumang problema na maaari silang tumulong upang malutas.
Sa maraming ina ang dahilan kung bakit nag-aasawa ang lalaki’t babae ay upang magkaanak at magpatuloy ang angkan ng pamilya. Ganito ang sinabi ng ina ni Fola sa kaniya: “Bakit ka pa nag-asawa kung hindi ka naman mag-aanak? May nagsilang sa iyo; dapat ka ring magsilang ng iyong sariling mga anak.”
Bukod pa riyan, may mga praktikal na bagay na dapat isaalang-alang. Sa maraming bansa sa Aprika, kaunti ang mga paglalaan ng pamahalaan upang pangalagaan ang mga may edad na. Kaugalian na, ang mga anak ang siyang nag-aaruga sa kanilang may edad nang mga magulang, kung paanong sila’y inaruga ng mga magulang na iyon noong sila’y bata pa. Kaya nangatuwiran ang ina ni Fola na malibang ang kaniyang mga anak ay magkaroon ng kanilang sariling mga anak, sa kanilang pagtanda, sila ay nanganganib na mag-isa, ayawan, at maghirap, anupat walang maglilibing sa kanila kapag sila’y namatay.
Sa kalakhang bahagi ng Aprika, itinuturing na isang sumpa ang hindi pagkakaroon ng mga anak. Sa ilang lugar, ang mga babae ay inaasahan pa ngang patunayan ang kanilang kakayahang mag-anak bago mag-asawa. Maraming babae na hindi magawang maglihi ay balisang maghahanap ng mga gamot at lunas upang baguhin ang kanilang baog na kalagayan.
Dahil sa mga saloobing ito, ang mga mag-asawang sadyang ayaw mag-anak ay ipinalalagay na pinagkakaitan ang kanilang mga sarili ng isang bagay na mabuti. Sila’y kadalasang minamalas na kakatwa, maikli ang pananaw, at kaawa-awa.
Kagalakan at Pananagutan
Kinikilala ng bayan ni Jehova na bagaman may kagalakan sa pagpapalaki ng mga anak, mayroon ding pananagutan. Ang Bibliya, sa 1 Timoteo 5:8, ay nagsasabi: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.”
Ang mga magulang ay dapat na maglaan para sa kanilang mga pamilya kapuwa sa materyal at espirituwal, at ito’y nangangailangan ng maraming panahon at pagsisikap. Hindi nila taglay ang saloobin na yamang ang Diyos ang nagbibigay ng mga anak, ipauubaya na rin sa Diyos ang pangangalaga sa kanila. Batid nila na ang pagpapalaki sa mga anak ayon sa mga simulain ng Bibliya ay isang buong-panahong pananagutan na iniatas ng Diyos sa mga magulang; hindi ito dapat na ipagkatiwala sa iba.—Deuteronomio 6:6, 7.
Ang atas ng pagpapalaki sa mga anak ay lalo nang mahirap sa “mga huling araw” na ito ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Bukod pa sa lumalalang mga kalagayan sa ekonomiya, ang lumalagong kawalang kinikilalang Diyos ng lipunan ay nakadaragdag pa sa mga hamon ng pagpapalaki ng anak sa ngayon. Magkagayunman, sa buong daigdig, hinaharap ng di-mabilang na mag-asawang Kristiyano ang hamong ito at sila’y matagumpay na nagpapalaki ng makadiyos na mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Iniibig at pinagpapala ni Jehova ang mga magulang na ito dahil sa kanilang pagpapagal.
Kung Bakit ang Ilan ay Nanatiling Walang Anak
Sa kabilang panig, maraming mag-asawang Kristiyano ang walang mga anak. Ang ilan ay baog at gayunma’y hindi nag-ampon ng mga anak. Ang ibang mag-asawa naman na may kakayahang mag-anak ay nagpapasiyang huwag mag-anak. Pinipili ng mga mag-asawang iyon na manatiling walang anak hindi dahil sa umiiwas sila sa pananagutan o natatakot sila na harapin ang mga hamon ng pagiging magulang. Bagkus, determinado sila na ibigay ang kanilang buong pansin sa iba’t ibang larangan ng buong-panahong ministeryo na hindi ipahihintulot kung sila’y magpapalaki ng mga anak. Ang ilan ay naglilingkod bilang mga misyonero. Ang iba naman ay naglilingkod kay Jehova sa naglalakbay na gawain o sa Bethel.
Tulad ng lahat ng mga Kristiyano, batid nila na may isang apurahang gawain na dapat gawin. Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Ang gawaing ito ay isinasagawa sa ngayon. Ito’y isang mahalagang gawain, yamang “ang wakas” ay mangangahulugan ng pagkapuksa sa mga hindi magbibigay-pansin sa mabuting balita.—Mateo 24:14; 2 Tesalonica 1:7, 8.
Ang panahon natin ay katulad niyaong panahon nang si Noe at ang kaniyang pamilya ay nagtayo ng napakalaking daong na nagligtas sa kanila mula sa malaking Baha. (Genesis 6:13-16; Mateo 24:37) Bagaman ang tatlong anak na lalaki ni Noe ay pawang may-asawa, walang isa man ang nagkaroon ng mga anak kundi pagkatapos ng Delubyo. Ang isang dahilan ay maaaring gusto ng mga mag-asawang ito na italaga ang kanilang buong pansin at lakas sa gawaing nalalapit na noon. Ang isa pang dahilan ay maaaring ang pag-atubili nilang magkaanak sa isang masama at marahas na daigdig kung saan “ang kasamaan ng tao ay laganap . . . at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon.”—Genesis 6:5.
Bagaman hindi naman ipinahihiwatig nito na masamang magkaanak sa ngayon, maraming mag-asawang Kristiyano ang ayaw magkaanak upang lubos na makabahagi sa apurahang gawain na ipinagagawa ni Jehova sa kaniyang bayan. Ang ilang mag-asawa ay naghintay ng ilang panahon bago magkaanak; ang iba naman ay nagpasiyang manatiling walang anak at iniisip ang posibilidad ng pagkakaroon ng mga anak sa matuwid na bagong sanlibutan ni Jehova. Maikli ba ang pananaw na ito? Sila ba’y napagkakaitan ng mabuting pagkakataon sa buhay? Sila ba’y dapat na kaawaan?
Tiwasay at Masayang Buhay
Sina Dele at Fola, na nabanggit kanina, ay mahigit na ngayong sampung taon na kasal, at sila’y nananatiling determinadong magpatuloy na walang anak. “Ginigipit pa rin kami ng aming mga kamag-anak na magkaroon ng mga anak,” ang sabi ni Dele. “Ang pangunahing ikinababahala nila ay ang aming katiwasayan sa hinaharap. Lagi naming ipinahahayag ang aming pagpapahalaga sa kanilang pagmamalasakit, subalit mataktika naming ipinaliliwanag na maligaya kami sa aming ginagawa. Kung tungkol naman sa katiwasayan, binabanggit namin na ang aming pagtitiwala ay nasa kay Jehova, na nagmamalasakit sa kapakanan ng lahat na nananatiling tapat at matapat sa kaniya. Ipinaliwanag din namin na ang pagkakaroon ng mga anak ay hindi garantiya na kanilang aarugain ang mga magulang kapag ang mga ito’y tumanda na. Ang ilang tao ay hindi gaanong nagmamalasakit sa kanilang mga magulang, ang iba ay hindi nakatutulong, at ang iba naman ay una pang namamatay sa kanilang mga magulang. Sa kabilang panig, ang ating hinaharap ay tiyak kay Jehova.”
Si Dele at ang iba pa na katulad niya ay may pagtitiwalang umaasa sa pangako ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Hebreo 13:5) Naniniwala rin sila na “ang kamay ni Jehova ay hindi naging napakaikli anupat hindi ito makapagligtas, ni naging napakabigat man ng kaniyang pandinig anupat hindi ito makarinig.”—Isaias 59:1.
Ang isa pang dahilan para sa pagtitiwala ay nagmumula sa pagmamasid kung paano sinusustinihan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod. Si Haring David ay sumulat: “Isang kabataan ako noon, ako ay matanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan.” Isip-isipin iyan. May nakikilala ka bang sinumang tapat na lingkod ni Jehova na “lubusang pinabayaan”?—Awit 37:25.
Sa halip na gunitain ang nakalipas taglay ang panghihinayang, ginugunita ito niyaong mga gumugol ng kanilang buhay sa paglilingkod kay Jehova at sa kanilang kapuwa mga Kristiyano taglay ang kasiyahan. Si Brother Iro Umah ay 45 taon na sa buong-panahong paglilingkod at ngayo’y naglilingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Nigeria. Ang sabi niya: “Bagaman kaming mag-asawa ay walang anak, iniingatan namin sa isipan na si Jehova ay laging nangangalaga sa amin kapuwa sa espirituwal at materyal na paraan. Hindi kami nagkulang ng anumang bagay. Hindi niya kami pababayaan habang kami’y tumatanda. Ang mga taon na ito sa buong-panahong paglilingkod ang siyang pinakamaligaya sa aming buhay. Nagpapasalamat kami na makapaglingkod sa aming mga kapatid, at pinahahalagahan ng aming mga kapatid ang aming paglilingkod, at tinutulungan nila kami.”
Bagaman maraming mag-asawa ang hindi nagkaroon ng kanilang sariling mga anak, sila’y nagkaroon ng ibang uri ng mga anak: mga Kristiyanong alagad na sumasamba kay Jehova. Si apostol Juan ay mga 100 taóng gulang na nang siya’y sumulat: “Wala na akong mas dakila pang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Ang katapatan ng “mga anak” ni Juan—yaong mga ipinakilala niya sa “katotohanan”—ay nagdulot sa kaniya ng malaking kagalakan.
Sagana ang gayunding kagalakan sa ngayon. Si Bernice, isang taga-Nigeria, ay 19 na taon nang kasal at pinili ang manatiling walang anak. Sa nakalipas na 14 na taon, siya ay naglingkod bilang isang payunir. Habang papalapit siya sa panahon ng buhay kung kailan hindi na siya maaaring magkaanak, hindi niya pinagsisisihan ang pagtatalaga ng kaniyang buhay sa paggawa ng alagad. Aniya: “Maligaya ako na makitang lumalaki ang aking espirituwal na mga anak. Kahit na kung nagkaroon ako ng sarili kong mga anak, ewan ko kung magiging mas malapit sila sa akin kaysa roon sa mga natulungan kong matuto ng katotohanan. Pinakikitunguhan nila ako na parang ako ang kanilang tunay na ina, na ipinakikipag-usap sa akin ang kanilang mga kagalakan at mga problema at hinihingi ang aking payo. Sila’y sumusulat sa akin, at kami’y dumadalaw sa isa’t isa.
“Itinuturing ng ilan na isang sumpa kung wala silang sariling mga anak. Sinasabi nilang magdurusa ka sa iyong pagtanda. Subalit hindi gayon ang pangmalas ko. Batid ko na habang ako’y naglilingkod kay Jehova nang buong kaluluwa, gagantimpalaan niya ako at pangangalagaan niya ako. Hindi niya ako pababayaan kapag ako’y tumanda na.”
Minamahal at Pinahahalagahan ng Diyos
Yaong mga nanganak at nagpalaki ng mga anak na “patuloy na lumalakad sa katotohanan” ay maraming dapat na ipagpasalamat. Hindi kataka-taka na sinasabi ng Bibliya: “Ang ama ng matuwid ay walang-pagsalang magagalak; ang ama na nagkaanak ng marunong ay magsasaya rin sa kaniya. Ang iyong ama at ang iyong ina ay magsasaya, at siyang nagsilang sa iyo ay magagalak”!—Kawikaan 23:24, 25.
Yaong mga Kristiyano na hindi nagkaroon ng kagalakan na magsilang ng mga anak sa daigdig na ito ay pinagpala sa ibang paraan. Marami sa mga mag-asawang ito ang gumanap ng isang mahalagang papel sa pagpapasulong ng mga kapakanan ng Kaharian sa malaking paraan. Sa nakalipas na mga taon, sila’y nagtamo ng karanasan, karunungan, at mga kasanayan na nagpangyari sa kanila na gumawa ng mahalagang tulong sa gawaing pang-Kaharian. Marami ang nasa unahan ng gawain.
Bagaman sila’y nanatiling walang anak alang-alang sa kapakanan ng Kaharian, pinagpala sila ni Jehova sa pagkakaroon ng isang maibiging espirituwal na pamilya na lubhang nagpapahalaga sa mga sakripisyo na kanilang ginawa. Ito ay gaya ng sinabi ni Jesus: “Walang sinuman na nag-iwan [sa literal, “hinayaang mawala”] ng bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ina o ama o mga anak o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita ang hindi tatanggap ng sandaang ulit ngayon sa yugtong ito ng panahon, ng mga bahay at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga anak at mga bukid . . . at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang-hanggan.”—Marcos 10:29, 30.
Pagkahala-halaga nga kay Jehova ang lahat niyaong mga tapat! Tinitiyak ni apostol Pablo sa lahat ng mga matapat, kapuwa yaong mga may anak at yaong walang anak: “Ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, sa bagay na kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.”—Hebreo 6:10.
[Talababa]
a Binago ang mga pangalan.
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang mga mag-asawang walang anak ay pinagpala sa pagkakaroon ng isang maibiging espirituwal na pamilya