Tinulungan ni Gayo ang mga Kapatid
NOONG papatapos na ang unang siglo, napaharap si Gayo at ang ibang Kristiyano sa mga hamon. May mga indibiduwal na nagpapalaganap ng huwad na mga turo na nagpapahina sa mga kongregasyon at nagiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi. (1 Juan 2:18, 19; 2 Juan 7) Isang lalaking nagngangalang Diotrepes ang nagpapalaganap ng “mga salitang balakyot” tungkol kay apostol Juan at sa iba. Ayaw niyang tanggapin ang mga Kristiyanong naglalakbay at hinahadlangan din niya ang iba na tanggapin ang mga ito. (3 Juan 9, 10) Ganito ang sitwasyon nang lumiham si Juan kay Gayo. Ang liham ng apostol, na isinulat noong mga 98 C.E., ay makikita sa Kristiyanong Griegong Kasulatan bilang “Ang Ikatlo ni Juan.”
Sa kabila ng mga hamon, si Gayo ay patuloy na naglingkod nang tapat kay Jehova. Paano niya ipinakita ang kaniyang katapatan? Bakit magandang tularan ang halimbawa ni Gayo? At paano tayo matutulungan ng liham ni Juan na magawa iyan?
LIHAM SA ISANG MINAMAHAL NA KAIBIGAN
Tinawag ng manunulat ng Ikatlong Juan ang kaniyang sarili bilang “ang matandang lalaki.” Sapat na iyon para makilala siya ng kaniyang minamahal na anak sa espirituwal na si Gayo. Tinukoy ni apostol Juan si Gayo bilang “ang minamahal, na totoong iniibig ko.” Pagkatapos, sinabi ni Juan na nais niya na ang pisikal na kalusugan ni Gayo ay maging kasimbuti ng espirituwal na kalusugan nito. Isa ngang nakapagpapatibay na komendasyon!—3 Juan 1, 2, 4.
Si Gayo ay malamang na isang tagapangasiwa sa kongregasyon, pero hindi ito sinasabi sa liham. Pinuri ni Juan ang pagpapatuloy niya sa mga kapatid kahit hindi niya kilala ang mga ito. Para kay Juan, katibayan ito ng katapatan ni Gayo dahil ang pagiging mapagpatuloy ay isang natatanging katangian ng mga lingkod ng Diyos.—Gen. 18:1-8; 1 Tim. 3:2; 3 Juan 5.
Ipinakikita ng komendasyon ni Juan kay Gayo na ang mga Kristiyano noon ay regular na naglalakbay mula sa kinaroroonan ni Juan patungo sa mga kongregasyon, at maliwanag na iniuulat nila sa kaniya ang mga nangyayari. Malamang na sa ganitong paraan natatanggap ni Juan ang mga balita tungkol sa mga kongregasyon.
Tiyak na gusto ng mga naglalakbay na Kristiyano na sa mga kapatid sila makituloy. Ang mga nirerentahang tuluyan noon ay may di-magandang reputasyon at serbisyo, at lungga ng imoralidad. Kaya kung posible, ang maiingat na manlalakbay ay nakikituloy sa kanilang mga kaibigan; ang mga Kristiyano naman ay sa kanilang mga kapuwa Kristiyano.
“ALANG-ALANG SA KANIYANG PANGALAN KUNG KAYA SILA HUMAYO”
Pinasigla ni Juan si Gayo na magpakita muli ng pagkamapagpatuloy. Nakisuyo ang apostol na “payaunin [ang mga manlalakbay] sa paraang karapat-dapat sa Diyos,” ibig sabihin, paglaanan sila ng lahat ng kailangan nila hanggang sa makarating sila sa susunod na bahagi ng kanilang paglalakbay o sa kanilang destinasyon. Maliwanag na ginagawa na ito ni Gayo sa kaniyang mga naging bisita dahil iniulat ng mga ito kay Juan ang tungkol sa pag-ibig at pananampalataya ni Gayo.—3 Juan 3, 6.
Ang mga naging bisita ni Gayo ay malamang na mga misyonero, mga mensahero ni Juan, o mga naglalakbay na tagapangasiwa. Naglalakbay sila para sa mabuting balita. Sinabi ni Juan: “Alang-alang sa kaniyang pangalan kung kaya sila humayo.” (3 Juan 7) Katatapos lang banggitin ni Juan ang Diyos (tingnan ang talata 6), kaya lumilitaw na ang pananalitang “alang-alang sa kaniyang pangalan” ay tumutukoy sa pangalan ni Jehova. Ang mga kapatid ay bahagi ng kongregasyong Kristiyano, at nararapat sila sa magiliw na pagtanggap. Kaya isinulat ni Juan: “Tayo, kung gayon, ay may pananagutan na magiliw na tanggapin ang gayong mga tao, upang tayo ay maging mga kamanggagawa sa katotohanan.”—3 Juan 8.
TULONG SA ISANG MAHIRAP NA SITWASYON
Si Juan ay lumiham kay Gayo, hindi lang para pasalamatan siya, kundi para tulungan siyang harapin ang isang seryosong problema. Isang miyembro ng kongregasyong Kristiyano, si Diotrepes, ang ayaw tumanggap sa mga naglalakbay na kapatid. Pinipigilan pa nga niya ang iba sa pagpapatuloy sa mga ito.—3 Juan 9, 10.
Siguradong hindi komportable ang tapat na mga Kristiyano na makituloy kay Diotrepes kahit posible pa iyon. Gusto niyang magkaroon ng unang dako sa kongregasyon, hindi siya tumatanggap ng anuman mula kay Juan nang may paggalang, at nagdadadaldal siya ng mga salitang balakyot tungkol sa apostol at sa iba. Hindi tinawag ni Juan si Diotrepes na isang huwad na guro, pero sinasalansang niya ang awtoridad ng apostol. Dahil sa paghahangad ni Diotrepes na maging prominente at sa kaniyang di-makakristiyanong saloobin, naging kuwestiyunable ang kaniyang katapatan. Ipinakikita nito na puwedeng maging sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon ang impluwensiya ng mga ambisyoso at aroganteng indibiduwal gaya ni Diotrepes. Kaya dapat din nating sundin ang ipinayo ni Juan kay Gayo: “Maging tagatulad ka, hindi sa masama, kundi sa mabuti.”—3 Juan 11.
ISANG MAGANDANG DAHILAN PARA GUMAWA NG MABUTI
Binanggit ni Juan sa kaniyang liham ang isang Kristiyano na nagngangalang Demetrio bilang mabuting halimbawa, di-gaya ni Diotrepes. Isinulat ni Juan: “Si Demetrio ay pinatotohanan nilang lahat . . . Sa katunayan, kami rin ay nagpapatotoo, at alam mo na ang patotoong ibinibigay namin ay totoo.” (3 Juan 12) Lumilitaw na kailangan ni Demetrio ang tulong ni Gayo, at ang Ikatlong Juan ay malamang na nagsilbing liham ng pagpapakilala at rekomendasyon ng apostol para kay Demetrio. Malamang na siya rin mismo ang naghatid nito kay Gayo. Bilang mensahero ni Juan, o posibleng bilang naglalakbay na tagapangasiwa, malamang na lalo pang pinagtibay ni Demetrio ang mga sinabi ni Juan sa liham.
Bakit pinasigla pa ni Juan si Gayo na patuloy na tanggapin ang mga kapatid kung ginagawa na niya ito? Gusto ba ni Juan na palakasin ang loob ni Gayo? Inisip ba niya na baka mag-alangan si Gayo dahil gustong palayasin ni Diotrepes sa kongregasyon ang mga mapagpatuloy na Kristiyano? Anuman ang dahilan, tiniyak ng apostol kay Gayo: “Siya na gumagawa ng mabuti ay nagmumula sa Diyos.” (3 Juan 11) Isa ngang magandang dahilan para gumawa ng mabuti at patuloy na gawin ito!
Napasigla ba si Gayo ng liham ni Juan na patuloy na tanggapin ang mga kapatid? Malamang na oo, dahil naingatan ang Ikatlong Juan sa kanon ng Bibliya at ibinahagi rin ito sa iba para pasiglahin silang ‘maging tagatulad sa mabuti.’
MGA ARAL MULA SA IKATLONG JUAN
Wala nang iba pang impormasyon tungkol sa mahal nating kapatid na si Gayo. Pero sa maikling ulat na ito tungkol sa kaniya, may mga aral tayong matututuhan.
Una, nalaman ng karamihan sa atin ang katotohanan sa tulong ng mga tapat na kapatid na handang maglakbay para turuan tayo. Siyempre pa, hindi naman lahat ng Kristiyano sa ngayon ay naglalakbay nang malayo para sa mabuting balita. Pero tulad ni Gayo, masusuportahan at mapatitibay natin ang mga naglalakbay na kapatid, gaya ng tagapangasiwa ng sirkito at ng kaniyang asawa. Puwede rin tayong makapagbigay ng praktikal na tulong sa mga brother at sister na lumipat sa ibang lugar, o sa ibang bansa pa nga, para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Kaya “sundan [natin] ang landasin ng pagkamapagpatuloy.”—Roma 12:13; 1 Tim. 5:9, 10.
Ikalawa, hindi na tayo dapat magtaka kung may mga humahamon sa awtoridad sa loob ng kongregasyon sa ngayon. Hinamon noon ang awtoridad ni Juan, at gayundin ang kay apostol Pablo. (2 Cor. 10:7-12; 12:11-13) Kaya paano tayo dapat tumugon sa ganitong mga sitwasyon? Ipinayo ni Pablo kay Timoteo: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat, kuwalipikadong magturo, nagpipigil sa ilalim ng kasamaan, nagtuturo nang may kahinahunan doon sa mga hindi nakahilig sa mabuti.” Kung mahinahon tayo kapag ginagalit, baka maudyukan ang ilang mapagreklamong indibiduwal na unti-unting baguhin ang kanilang disposisyon. At “baka sakaling bigyan sila ng Diyos ng pagsisisi na umaakay sa isang tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—2 Tim. 2:24, 25.
Ikatlo, ang mga kapatid na tapat na naglingkod kay Jehova sa kabila ng mga pagsalansang ay nararapat bigyang-dangal at komendahan. Siguradong napasigla ni apostol Juan si Gayo at tiniyak sa kaniya na ginagawa niya ang tama. Kaya dapat tularan ng mga elder ang halimbawa ni Juan. Kailangan nilang patibayin ang mga kapatid para ‘hindi sila manlupaypay.’—Isa. 40:31; 1 Tes. 5:11.
Ang liham ni apostol Juan kay Gayo ay may 219 na salita lang sa orihinal na tekstong Griego. At ito ang pinakamaikling aklat sa Bibliya. Pero napakahalaga nito sa mga Kristiyano ngayon.