Naglalakbay na mga Tagapangasiwa—Kaloob na mga Tao
“Nang umakyat siya sa itaas ay nagdala siya ng mga bihag;nagbigay siya ng mga kaloob na mga tao.”—EFESO 4:8.
1. Anong bagong gawain ang ipinatalastas sa magasing ito noong 1894?
MAHIGIT na isang siglo ang nakalipas, may bagong ipinatalastas ang Watch Tower. Iyon ay inilarawan bilang “Isa Pang Sangay ng Gawain.” Ano ang nasasangkot sa gawaing ito? Iyon ang modernong-panahong pagpapasinaya sa gawain ng naglalakbay na mga tagapangasiwa. Ipinaliwanag ng Setyembre 1, 1894, isyu ng magasing ito na mula noon ay dadalawin ng kuwalipikadong mga kapatid na lalaki ang mga grupo ng mga Estudyante ng Bibliya ‘sa layuning patibayin sila sa katotohanan.’
2. Ano ang mga tungkulin ng mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito?
2 Noong unang siglo C.E., ang mga kongregasyong Kristiyano ay dinalaw ng gayong mga tagapangasiwa tulad nina Pablo at Bernabe. Layunin ng tapat na mga lalaking ito na ‘patibayin’ ang mga kongregasyon. (2 Corinto 10:8) Sa ngayon, pinagpala tayo sa pamamagitan ng libu-libong lalaki na gumagawa nito sa isang sistematikong paraan. Hinirang sila ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova bilang mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito. Ang isang tagapangasiwa ng sirkito ay naglilingkod sa loob ng isang linggo sa bawat isa sa mga 20 kongregasyon nang dalawang beses sa isang taon, anupat sinusuri ang mga rekord, nagpapahayag, at nakikibahagi sa ministeryo sa larangan kasama ng lokal na mga mamamahayag ng Kaharian. Ang tagapangasiwa ng distrito ang siyang tsirman sa bawat taunang pansirkitong mga asamblea para sa ilang sirkito, nakikibahagi sa ministeryo sa larangan kasama ng mga kongregasyong tinutuluyan nila, at naglalaan ng pampatibay-loob sa pamamagitan ng salig-sa-Bibliyang mga pahayag.
Ang Kanilang Espiritu ng Pagsasakripisyo-sa-Sarili
3. Bakit kailangan ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili?
3 Palaging nagbibiyahe ang naglalakbay na mga tagapangasiwa. Ito sa ganang sarili ay nangangailangan ng espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili. Ang paglalakbay mula sa isang kongregasyon patungo sa iba ay madalas na mahirap, ngunit nagagalak ang mga lalaking ito at ang kani-kanilang kabiyak na gawin iyon. Ganito ang sabi ng isang tagapangasiwa ng sirkito: “Totoong matulungin at di-mareklamo ang aking kabiyak . . . Karapat-dapat siya sa malaking papuri dahil sa kaniyang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili.” Ang ilang tagapangasiwa ng sirkito ay naglalakbay ng mahigit sa 1,000 kilometro mula sa isang kongregasyon tungo sa isa pa. Marami ang nagmamaneho ng sasakyan, ngunit ang iba ay naglalakbay sa pamamagitan ng pampublikong sasakyan, bisikleta, kabayo, o ng paglalakad. Isang Aprikanong tagapangasiwa ng sirkito ang kinailangan pang tumawid sa ilog habang pasan-pasan ang kaniyang asawa upang marating ang isang kongregasyon. Sa kaniyang mga paglalakbay bilang misyonero, kinailangang tiisin ni apostol Pablo ang init at lamig, gutom at uhaw, mga gabing walang-tulog, iba’t ibang panganib, at marahas na pag-uusig. Siya rin naman ay may “kabalisahan para sa lahat ng kongregasyon”—isang karanasan na pangkaraniwan sa naglalakbay na mga tagapangasiwa sa ngayon.—2 Corinto 11:23-29.
4. Ano ang epekto ng mga suliraning pangkalusugan sa buhay ng naglalakbay na mga tagapangasiwa at ng kanilang kabiyak?
4 Tulad ng kasama ni Pablo na si Timoteo, kung minsan ay may mga suliranin sa kalusugan ang naglalakbay na mga tagapangasiwa at ang kanilang kabiyak. (1 Timoteo 5:23) Nagdaragdag ito ng kaigtingan sa kanila. Ganito ang paliwanag ng asawa ng isang tagapangasiwa ng sirkito: “Napakahirap ang palaging makasama ng mga kapatid kapag hindi mabuti ang aking pakiramdam. Lalo akong nahirapan nang magsimula ang aking menopos. Ang pag-iimpake lamang ng lahat ng aming kagamitan bawat linggo at paglipat sa ibang lugar ay totoong isang hamon. Madalas, kailangan kong huminto at manalangin kay Jehova na bigyan ako ng lakas upang makapagpatuloy.”
5. Sa kabila ng iba’t ibang pagsubok, anong saloobin ang ipinamalas ng naglalakbay na mga tagapangasiwa at ng kanilang kabiyak?
5 Sa kabila ng mga suliranin sa kalusugan at iba pang mga pagsubok, ang naglalakbay na mga tagapangasiwa at ang kanilang kabiyak ay nagagalak sa kanilang paglilingkuran at nagpapamalas ng pag-ibig na mapagsakripisyo-sa-sarili. Isinapanganib ng ilan ang kanilang buhay upang makapaglaan ng espirituwal na tulong sa mga panahon ng pag-uusig o digmaan. Kapag dumadalaw sa mga kongregasyon, nagpapamalas sila ng saloobing katulad niyaong kay Pablo, na nagsabi sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Kami ay naging banayad sa gitna ninyo, gaya ng kapag ang isang nagpapasusong ina ay nag-aaruga sa kaniyang sariling mga anak. Kaya, taglay ang magiliw na pagmamahal sa inyo, nalugod kaming mainam na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat kayo ay naging mga iniibig namin.”—1 Tesalonica 2:7, 8.
6, 7. Anong positibong impluwensiya ang mailalaan ng masisipag na naglalakbay na mga tagapangasiwa?
6 Tulad ng ibang matatanda sa kongregasyong Kristiyano, ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay “gumagawa nang masikap sa pagsasalita at pagtuturo.” Ang lahat ng gayong matatanda ay dapat na “kilalaning karapat-dapat sa dobleng karangalan.” (1 Timoteo 5:17) Mapatutunayang kapaki-pakinabang ang kanilang halimbawa kung, matapos na ‘magdili-dili ng kinalalabasan ng kanilang paggawi, tutularan naman natin ang kanilang pananampalataya.’—Hebreo 13:7.
7 Ano ang naging epekto sa iba ng ilang naglalakbay na matatanda? “Napakagandang impluwensiya si Brother P—— sa aking buhay!” ang isinulat ng isang Saksi ni Jehova. “Siya ay isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Mexico mula pa noong taong 1960 patuloy. Bilang isang bata, naghihintay ako nang may pananabik at kagalakan sa kaniyang mga pagdalaw. Nang ako’y sampung taóng gulang, sinabi niya sa akin, ‘Ikaw rin ay magiging isang tagapangasiwa ng sirkito.’ Sa mahihirap na taon ng aking pagkatin-edyer, madalas ko siyang hanapin dahil sa palagi siyang may matatalinong payo. Ang buhay niya ay nakatalaga sa pagpapastol sa kawan! Ngayon na ako ay isa nang tagapangasiwa ng sirkito, lagi kong sinisikap na mag-ukol ng panahon sa mga kabataan at ikintal sa kanila ang mga teokratikong tunguhin tulad ng ginawa niya para sa akin. Kahit na noong mga huling taon ng kaniyang buhay, sa kabila ng mahinang puso, laging sinisikap ni Brother P—— na magsalita ng pampatibay-loob. Isang araw lamang bago siya mamatay noong Pebrero 1995, sinamahan niya ako sa isang araw ng pantanging asamblea at hinimok ang isang kapatid na arkitekto upang magkaroon ng maiinam na tunguhin. Ang kapatid ay agad na nagpadala ng aplikasyon upang maglingkod sa Bethel.”
Sila’y Pinahahalagahan
8. Sino ang “mga kaloob na mga tao” na inilalarawan sa Efeso kabanata 4, at paano sila nakatutulong sa kongregasyon?
8 Ang naglalakbay na mga tagapangasiwa at iba pang matatanda na pinagkalooban ng mga atas sa paglilingkuran sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay tinatawag na “mga kaloob na mga tao.” Bilang kinatawan ni Jehova at Ulo ng kongregasyon, inilalaan ni Jesus ang espirituwal na mga lalaking ito upang mapatibay ang bawat isa sa atin at maabot ang pagkamay-gulang. (Efeso 4:8-15) Anumang kaloob ay nararapat na pahalagahan. Lalo itong totoo tungkol sa isang kaloob na nagpapatibay sa atin upang patuloy na maglingkod kay Jehova. Kaya, paano natin, kung gayon, maipamamalas ang ating pagpapahalaga sa gawain ng naglalakbay na mga tagapangasiwa? Sa anu-anong paraan maipakikita natin na ‘patuloy nating itinuturing na mahalaga ang gayong uri ng mga tao’?—Filipos 2:29.
9. Sa anu-anong paraan maipakikita natin ang pagpapahalaga sa naglalakbay na mga tagapangasiwa?
9 Kapag ipinatalastas ang pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, magsimula na tayong magplano upang lubusang makibahagi sa mga gawain ng kongregasyon sa loob ng sanlinggong iyon. Marahil ay makapaglalaan tayo ng karagdagang panahon upang suportahan ang mga kaayusan sa paglilingkod sa larangan sa panahon ng dalaw. Baka makapaglingkod tayo bilang auxiliary pioneer sa buwang iyon. Tiyak na nanaisin nating ikapit ang mga mungkahi ng tagapangasiwa ng sirkito upang mapasulong ang ating ministeryo. Ang gayong bukás na saloobin ay sa ikabubuti natin at titiyak sa kaniya na naging kapaki-pakinabang ang kaniyang pagdalaw. Oo, dumadalaw sa kongregasyon ang naglalakbay na mga tagapangasiwa upang patibayin tayo, ngunit sila rin naman ay kailangang patibayin sa espirituwal na paraan. May mga panahon na si Pablo ay nangailangan ng pampatibay-loob, at malimit niyang hilingin sa mga kapuwa Kristiyano na ipanalangin siya. (Gawa 28:15; Roma 15:30-32; 2 Corinto 1:11; Colosas 4:2, 3; 1 Tesalonica 5:25) Kailangan din naman ng naglalakbay na mga tagapangasiwa sa ngayon ang ating mga panalangin at pampatibay-loob.
10. Paano tayo makatutulong upang maging isang kagalakan ang gawain ng naglalakbay na tagapangasiwa?
10 Nasabi na ba natin sa tagapangasiwa ng sirkito at sa kaniyang kabiyak kung gaano natin pinahahalagahan ang kanilang pagdalaw? Pinasasalamatan ba natin siya sa nakatutulong na payo niya sa atin? Ipinababatid ba natin sa kaniya kapag ang kaniyang mga mungkahi sa paglilingkod sa larangan ay nakapagpapalaki ng ating kagalakan sa ministeryo? Kung ginagawa natin, makatutulong ito upang maging isang kagalakan ang kaniyang gawain. (Hebreo 13:17) Partikular na nagkomento ang isang tagapangasiwa ng sirkito sa Espanya tungkol sa kung gaano nila pinahahalagahang mag-asawa ang mga sulat ng pasasalamat na natatanggap nila pagkatapos na dalawin ang mga kongregasyon. “Iniingatan namin ang mga kard na ito at binabasa ang mga ito kapag nasisiraan kami ng loob,” sabi niya. “Ang mga ito ay totoong nakapagpapatibay.”
11. Bakit dapat nating ipamalas sa mga kabiyak ng mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito na sila’y minamahal at pinahahalagahan?
11 Tiyak na nakikinabang mula sa mga komendasyon ang asawa ng tagapangasiwa ng sirkito. Malaking sakripisyo ang ginagawa niya upang tulungan ang kaniyang asawa sa larangang ito ng paglilingkuran. Iwinawaksi ng tapat na mga kapatid na ito ang likas na hangaring magkaroon ng sariling tahanan at, sa maraming kalagayan, gayundin yaong pagkakaroon ng mga anak. Ang anak na babae ni Jefte ay isa sa mga lingkod ni Jehova na kusang pinalampas ang kaniyang pagkakataon na mag-asawa at magkapamilya dahil sa panata ng kaniyang ama. (Hukom 11:30-39) Paano minalas ang kaniyang sakripisyo? Ganito ang sabi ng Hukom 11:40: “Taun-taon ang mga anak na babae ni Israel ay pumaparoon upang magbigay ng komendasyon sa anak na babae ni Jefte na taga-Gilead, apat na araw sa isang taon.” Ano ngang inam kapag sinisikap nating sabihin sa mga kabiyak ng tagapangasiwa ng sirkito at ng distrito na sila’y minamahal at pinahahalagahan!
“Huwag Ninyong Kalimutan ang Pagkamapagpatuloy”
12, 13. (a) Ano ang maka-Kasulatang saligan sa pagiging mapagpatuloy sa naglalakbay na mga tagapangasiwa at sa kanilang kabiyak? (b) Ilarawan kung paano kapaki-pakinabang sa isa’t isa ang gayong pagkamapagpatuloy.
12 Ang pagiging mapagpatuloy ay isa pang paraan upang ipamalas ang pag-ibig at pagpapahalaga sa mga nasa gawaing Kristiyanong paglalakbay. (Hebreo 13:2) Pinapurihan ni apostol Juan si Gayo dahil sa pagiging mapagpatuloy sa mga dumadalaw sa kongregasyon bilang naglalakbay na mga misyonero. Sumulat si Juan: “Iniibig, ginagawa mo ang isang tapat na gawa sa anumang iyong ginagawa para sa mga kapatid, at sa mga estranghero pa man din, na nagpatotoo sa iyong pag-ibig sa harap ng kongregasyon. Ang mga ito ay malugod mong pinayayaon sa isang paraan na karapat-dapat sa Diyos. Sapagkat alang-alang sa kaniyang pangalan kung kaya sila ay humayo, na hindi kumukuha ng anuman sa mga tao ng mga bansa. Tayo, kung gayon, ay nasa ilalim ng obligasyon na mapagpatuloy na tanggapin ang gayong mga tao, upang tayo ay maging mga kamanggagawa sa katotohanan.” (3 Juan 5-8) Sa ngayon, mapasusulong natin ang gawaing pangangaral tungkol sa Kaharian sa pamamagitan ng pagpapamalas ng gayunding pagkamapagpatuloy sa naglalakbay na mga tagapangasiwa at sa kanilang kabiyak. Mangyari pa, dapat na tiyakin ng lokal na matatanda na maayos ang tuluyan, ngunit sinabi ng isang tagapangasiwa ng distrito: “Ang aming kaugnayan sa mga kapatid ay hindi nakasalalay sa kung sino ang may magagawa para sa amin. Ni hindi namin ibig na magbigay ng ganiyang impresyon. Dapat na handa naming tanggapin ang pagkamapagpatuloy ng sinuman sa ating mga kapatid, mayaman man o mahirap.”
13 Ang pagkamapagpatuloy ay kapaki-pakinabang sa isa’t isa. “Sa aking pamilya, kaugalian naming anyayahang tumuloy sa amin ang naglalakbay na mga tagapangasiwa,” ang nagunita ni Jorge, isang dating tagapangasiwa ng sirkito na ngayo’y naglilingkuran sa Bethel. “Nadama ko na ang mga pagdalaw na ito ay nakatulong sa akin nang higit sa nababatid ko noon. Nang ako’y nagbibinata, nagkaroon ako ng mga suliranin sa espirituwal. Ikinabahala ito ng aking ina ngunit hindi niya alam kung paano talaga ako tutulungan at dahil dito’y hiniling sa tagapangasiwa ng sirkito na kausapin ako. Sa una ay iniwasan ko siya, yamang nangangamba akong mapagsabihan. Ngunit sa dakong huli ay nahikayat ako ng kaniyang palakaibigang paraan. Isang Lunes ay inanyayahan niya akong kumaing kasama niya, at ibinulalas ko ang nasa aking kalooban dahil natiyak kong nauunawaan ako. Nakinig siyang mabuti. Talagang mabisa ang kaniyang praktikal na mga mungkahi, at ako’y nagsimulang sumulong sa espirituwal.”
14. Bakit tayo dapat na maging mapagpahalaga sa halip na palapintasin sa naglalakbay na matatanda?
14 Sinisikap ng naglalakbay na tagapangasiwa na tulungan sa espirituwal na paraan kapuwa yaong mga kabataan at matatanda. Tiyak, kung gayon, na dapat nating ipakita ang ating pagpapahalaga sa kaniyang mga pagsisikap. Subalit, ano kung pupunahin natin siya dahil sa kaniyang mga kahinaan o negatibong ihahambing siya sa iba na nakadalaw na sa kongregasyon? Malamang, ito’y totoong makapagpapahina ng loob. Hindi nakapagpatibay kay Pablo na marinig ang mga puna sa kaniyang gawain. Maliwanag, pinipintasan ng ilang Kristiyanong taga-Corinto ang kaniyang anyo at kakayahan sa pagsasalita. Inulit niya mismo ang mga sinabi ng gayong mga pumupuna: “Ang kaniyang mga liham ay matimbang at mapuwersa, ngunit ang kaniyang pagkanaririto sa pisikal ay mahina at ang kaniyang pananalita ay napakahamak.” (2 Corinto 10:10) Subalit nakatutuwa naman, maibiging pagpapahalaga ang karaniwang naririnig ng naglalakbay na mga tagapangasiwa.
15, 16. Paano naaapektuhan ang naglalakbay na mga tagapangasiwa at ang kanilang kabiyak sa pag-ibig at sigasig ng kanilang mga kapananampalataya?
15 Maghapong tinatahak ng isang tagapangasiwa ng sirkito sa Latin Amerika ang maputik na daan upang dalawin ang kaniyang espirituwal na mga kapatid sa isang lugar na hawak ng mga gerilya. “Nakaaantig ng damdaming makita ang paraan ng pagpapahalaga ng mga kapatid sa pagdalaw,” ang sulat niya. “Kahit na kailangan kong magsumikap nang husto upang makarating doon, anupat humaharap sa maraming panganib at kahirapan, lahat ng ito ay ginagantimpalaan sa pamamagitan ng pag-ibig at sigasig ng mga kapatid.”
16 Ganito ang isinulat ng isang tagapangasiwa ng sirkito sa Aprika: “Dahil sa pag-ibig ng mga kapatid na ipinamalas sa amin, gayon na lamang ang pagmamahal namin sa teritoryo ng Tanzania! Ang mga kapatid ay handang matuto sa amin, at sila’y naliligayahang patuluyin kami sa kanilang mga tahanan.” May maibigin at maligayang kaugnayan sa pagitan ni apostol Pablo at ng unang-siglong Kristiyanong mag-asawa na sina Aquila at Prisca. Sa katunayan, sinabi ni Pablo tungkol sa kanila: “Ipaabot ninyo ang aking mga pagbati kina Prisca at Aquila na aking mga kamanggagawa kay Kristo Jesus, na nagsapanganib ng kanilang sariling mga leeg para sa aking kaluluwa, na sa kanila ay hindi lamang ako ang nag-uukol ng pasasalamat kundi pati rin ang lahat ng kongregasyon ng mga bansa.” (Roma 16:3, 4) Nagpapasalamat ang naglalakbay na mga tagapangasiwa at ang kanilang kabiyak na magkaroon ng modernong-panahong mga Aquila at Prisca bilang mga kaibigan na pantanging nagsisikap upang maging mapagpatuloy at maglaan ng makakasama.
Pinatitibay ang mga Kongregasyon
17. Bakit masasabi na may karunungan sa likod ng kaayusan para sa naglalakbay na mga tagapangasiwa, at saan sila kumukuha ng instruksiyon?
17 Sinabi ni Jesus: “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mateo 11:19) Ang karunungang nasa likod ng kaayusan sa naglalakbay na tagapangasiwa ay kitang-kita sa bagay na tumutulong ito sa pagpapatibay ng mga kongregasyon ng bayan ng Diyos. Sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, siya at si Silas ay matagumpay na ‘humayo sa Siria at Cilicia, na pinalalakas ang mga kongregasyon.’ Ganito ang sabi sa atin ng aklat ng Mga Gawa: “Habang sila ay naglalakbay sa mga lunsod ay dinadala nila sa mga naroon ang mga dekreto na napagpasiyahan ng mga apostol at ng mga nakatatandang lalaki na nasa Jerusalem upang tuparin. Dahil nga rito, ang mga kongregasyon ay nagpatuloy na maging matatag sa pananampalataya at dumami ang bilang sa araw-araw.” (Gawa 15:40, 41; 16:4, 5) Katulad sa lahat ng iba pang Kristiyano, ang kasalukuyang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay tumatanggap ng espirituwal na instruksiyon sa pamamagitan ng Kasulatan at ng mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 24:45.
18. Paano pinalalakas ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ang kongregasyon?
18 Oo, ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay kailangang patuloy na kumain sa espirituwal na mesa ni Jehova. Dapat na lubusang nababatid nila ang mga pamamaraan at alituntunin na sinusunod ng organisasyon ng Diyos. Kung magkagayo’y magiging isang tunay na pagpapala sa iba ang gayong mga lalaki. Sa pamamagitan ng kanilang mainam na halimbawa ng kasigasigan sa paglilingkod sa larangan, makatutulong sila sa mga kapananampalataya na sumulong sa ministeryong Kristiyano. Ang salig-sa-Bibliyang mga pahayag ng dumadalaw na matatandang ito ay nagpapatibay sa mga tagapakinig sa espirituwal na paraan. Sa pagtulong sa iba na ikapit ang payo ng Salita ng Diyos, maglingkod na kasuwato ng bayan ni Jehova sa buong lupa, at gamitin ang espirituwal na mga paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ng ‘tapat na alipin,’ pinalalakas ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ang mga kongregasyon na pribilehiyo nilang dalawin.
19. Ano pang mga katanungan ang isasaalang-alang?
19 Nang pasimulan ng organisasyon ni Jehova ang gawain ng naglalakbay na matatanda na kabilang sa mga Estudyante ng Bibliya mga isang daang taon na ang nakalipas, sinabi ng magasing ito: “Aabangan namin ang mga resulta at ang higit pang pag-akay ng Panginoon.” Maliwanag na nahahayag ang pag-akay ni Jehova. Dahil sa kaniyang pagpapala at sa ilalim ng pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala, ang gawaing ito ay napalawak at nadalisay sa paglakad ng mga taon. Bunga nito, ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa ay napatatatag sa pananampalataya at dumarami ang bilang sa araw-araw. Maliwanag, pinagpapala ni Jehova ang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili ng kaloob na mga taong ito. Ngunit paano matagumpay na maisasakatuparan ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ang kanilang gawain? Ano ang kanilang mga tunguhin? Paano sila makapagdudulot ng malaking kapakinabangan?
Paano Ninyo Sasagutin?
◻ Ano ang ilang tungkulin ng mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito?
◻ Bakit dapat magtaglay ng espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili ang naglalakbay na mga tagapangasiwa?
◻ Paano maipamamalas ang pagpapahalaga sa gawain ng naglalakbay na matatanda at ng kanilang kabiyak?
◻ Ano ang magagawa ng naglalakbay na mga tagapangasiwa upang patatagin sa pananampalataya ang mga kongregasyon?
[Larawan sa pahina 10]
Kailangan ang pagsasakripisyo-sa-sarili sa palagiang paglalakbay
[Larawan sa pahina 13]
Mapagpatuloy ba kayo sa naglalakbay na mga tagapangasiwa at sa kanilang kabiyak?