Huwag Magbigay ng Dako sa Diyablo
“Huwag bigyan ng pagkakataon ang Diyablo.”—EFESO 4:27, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
1. Bakit marami ang nag-aalinlangan sa pag-iral ng Diyablo?
SA LOOB ng maraming siglo, iniisip ng maraming tao na ang Diyablo ay isang nilalang na may sungay, may biyak sa paa, nakapulang damit at gumagamit ng malaking tinidor para ihagis ang balakyot na mga tao sa maapoy na impiyerno. Ang gayong ideya ay hindi itinuturo ng Bibliya. Gayunpaman, tiyak na ang gayong maling palagay ay naging dahilan upang ang milyun-milyon ay mag-alinlangan sa pag-iral ng Diyablo o mag-isip na ang termino ay kumakapit lamang sa ideya ng kasamaan.
2. Anu-ano ang ilang maka-Kasulatang impormasyon tungkol sa Diyablo?
2 Ang Bibliya ay naglalaan ng patotoo ng saksing nakakita sa Diyablo at malinaw na sinasabi nito na umiiral ang Diyablo. Nakita siya ni Jesu-Kristo sa makalangit na dako ng mga espiritu at nakausap niya siya sa lupa. (Job 1:6; Mateo 4:4-11) Bagaman hindi isinisiwalat ng Kasulatan ang orihinal na pangalan ng espiritung nilalang na ito, tinawag siya dito na Diyablo (nangangahulugang “Maninirang-puri”) dahil siniraang-puri niya ang Diyos. Tinawag din siyang Satanas (nangangahulugang “Mananalansang”), dahil sinasalansang niya si Jehova. Si Satanas na Diyablo ay tinutukoy bilang “ang orihinal na serpiyente,” malamang na dahil gumamit siya ng serpiyente upang linlangin si Eva. (Apocalipsis 12:9; 1 Timoteo 2:14) Kilala rin siya bilang ang “isa na balakyot.”—Mateo 6:13.a
3. Anong tanong ang isasaalang-alang natin?
3 Bilang mga lingkod ni Jehova, ayaw nating tularan sa anumang paraan si Satanas, ang pangunahing kaaway ng tanging tunay na Diyos. Kaya naman, dapat nating sundin ang payo ni apostol Pablo: “Huwag bigyan ng pagkakataon ang Diyablo.” (Efeso 4:27, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Anu-ano kung gayon ang ilan sa mga katangian ni Satanas na hindi natin dapat tularan?
Huwag Tularan ang Pusakal na Maninirang-Puri
4. Paano siniraang-puri ng “isa na balakyot” ang Diyos?
4 Ang “isa na balakyot” ay nararapat lamang na tawaging Diyablo dahil isa siyang maninirang-puri. Ang paninirang-puri ay pagsasabi ng kabulaanan at kasinungalingan tungkol sa iba taglay ang masamang hangarin. Inutusan ng Diyos si Adan: “Kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:17) Nasabihan na si Eva tungkol dito, subalit sa pamamagitan ng isang serpiyente, sinabi ng Diyablo sa kaniya: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 3:4, 5) Iyon ay mapaminsalang paninirang-puri laban sa Diyos na Jehova!
5. Bakit nararapat lamang na panagutan ni Diotrepes ang kaniyang paninirang-puri?
5 Ang mga Israelita ay inutusan: “Huwag kang maglilibot sa iyong bayan upang manirang-puri.” (Levitico 19:16) Ganito ang sinabi ni apostol Juan hinggil sa isang maninirang-puri noong kaniyang panahon: “Ako ay may isinulat sa kongregasyon, ngunit si Diotrepes, na gustong magkaroon ng unang dako sa gitna nila, ay hindi tumatanggap ng anuman mula sa amin nang may paggalang. Kaya naman, kung ako ay paririyan, uungkatin ko ang kaniyang mga gawa na patuloy niyang ginagawa, na nagdadadaldal tungkol sa amin ng mga salitang balakyot.” (3 Juan 9, 10) Siniraang-puri ni Diotrepes si Juan kaya nararapat lamang niyang panagutan ito. Sinong matapat na Kristiyano ang magnanais na maging gaya ni Diotrepes at tumulad kay Satanas, ang pusakal na maninirang-puri?
6, 7. Bakit natin nanaising iwasan na manirang-puri kaninuman?
6 Ang mga lingkod ni Jehova ay madalas paulanan ng mapanirang-puring mga pananalita at bulaang mga akusasyon. “Ang mga punong saserdote at ang mga eskriba ay patuloy na tumitindig at inaakusahan [si Jesus] nang buong tindi.” (Lucas 23:10) Si Pablo ay may-kabulaanang inakusahan ng mataas na saserdoteng si Ananias at ng iba pa. (Gawa 24:1-8) At tinutukoy ng Bibliya si Satanas bilang “ang tagapag-akusa sa ating mga kapatid . . . , na siyang umaakusa sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos.” (Apocalipsis 12:10) Ang mga kapatid na iyan na may-kabulaanang inaakusahan ay mga pinahirang Kristiyano sa lupa sa mga huling araw na ito.
7 Walang Kristiyano ang magnanais na manirang-puri kaninuman o mag-akusa nang may kabulaanan. Subalit maaaring mangyari iyan kung tayo ay magpapatotoo laban sa sinuman nang hindi natin nalalaman ang buong pangyayari. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang sinasadyang pagpapatotoo nang may kabulaanan ay maaaring humantong sa kamatayan ng tagapag-akusa. (Exodo 20:16; Deuteronomio 19:15-19) Bukod diyan, kabilang sa mga bagay na karima-rimarim kay Jehova ang “bulaang saksi na nagbubunsod ng mga kasinungalingan.” (Kawikaan 6:16-19) Kung gayon, tiyak na ayaw nating tularan ang pangunahing maninirang-puri at bulaang tagapag-akusa.
Iwaksi ang mga Lakad ng Orihinal na Mamamatay-Tao
8. Paano naging “mamamatay-tao [ang Diyablo] nang siya ay magsimula”?
8 Ang Diyablo ay isang mamamatay-tao. “Ang isang iyon ay mamamatay-tao nang siya ay magsimula,” ang sabi ni Jesus. (Juan 8:44) Mula nang kumilos siya upang italikod sa Diyos sina Adan at Eva, naging mamamatay-tao na si Satanas. Siya ang naging sanhi ng kamatayan ng unang mag-asawa at ng kanilang mga supling. (Roma 5:12) Pansinin na ang pagkilos na ito ay maiuukol lamang sa isang persona, hindi sa basta ideya lamang ng kasamaan.
9. Gaya ng ipinakikita sa 1 Juan 3:15, paano tayo maaaring maging mamamatay-tao?
9 “Huwag kang papaslang,” ang sabi ng isa sa Sampung Utos na ibinigay sa Israel. (Deuteronomio 5:17) Patungkol sa mga Kristiyano, sumulat si apostol Pedro: “Huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang isang mamamaslang.” (1 Pedro 4:15) Kaya bilang mga lingkod ni Jehova, hindi tayo papaslang. Subalit nagkakasala tayo sa Diyos kung napopoot tayo sa isang kapuwa Kristiyano at naghahangad na mamatay na sana siya. “Ang bawat isa na napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao,” ang isinulat ni apostol Juan, “at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan na nananatili sa kaniya.” (1 Juan 3:15) Inutusan ang mga Israelita: “Huwag mong kapopootan ang iyong kapatid sa iyong puso.” (Levitico 19:17) Maging mabilis sana tayo sa paglutas ng anumang problema na bumabangon sa pagitan natin at ng isang kapananampalataya, upang hindi masira ng mamamatay-tao na si Satanas ang ating pagkakaisang Kristiyano.—Lucas 17:3, 4.
Tumayong Matatag Laban sa Ama ng Kasinungalingan
10, 11. Ano ang kailangan nating gawin upang makatayong matatag laban sa ama ng kasinungalingan, si Satanas?
10 Ang Diyablo ay isang sinungaling. “Kapag sinasalita niya ang kasinungalingan,” ang sabi ni Jesus, “siya ay nagsasalita ayon sa kaniyang sariling kagustuhan, sapagkat siya ay isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Nagsinungaling si Satanas kay Eva, samantalang pumarito naman si Jesus sa sanlibutan para magpatotoo sa katotohanan. (Juan 18:37) Upang makatayo tayong matatag laban sa Diyablo bilang mga tagasunod ni Kristo, hindi tayo dapat magsinungaling at manlinlang. Dapat tayong ‘magsalita ng katotohanan.’ (Zacarias 8:16; Efeso 4:25) Ang pinagpapala lamang ni “Jehova na Diyos ng katotohanan” ay ang kaniyang tapat na mga Saksi. Ang balakyot ay walang karapatang kumatawan sa kaniya.—Awit 31:5; 50:16; Isaias 43:10.
11 Kung pinahahalagahan natin ang ating espirituwal na kalayaan mula sa satanikong mga kasinungalingan, manghahawakan tayong mahigpit sa Kristiyanismo, “ang daan ng katotohanan.” (2 Pedro 2:2; Juan 8:32) Ang buong kalipunan ng mga turong Kristiyano ay binubuo ng “katotohanan ng mabuting balita.” (Galacia 2:5, 14) Ang mismong kaligtasan natin ay nakadepende sa ating ‘paglakad sa katotohanan’—panghahawakan dito at pagtayong matatag laban sa “ama ng kasinungalingan.”—3 Juan 3, 4, 8.
Salansangin ang Pangunahing Apostata
12, 13. Paano natin dapat pakitunguhan ang mga apostata?
12 Ang espiritung nilalang na naging Diyablo ay dating nasa katotohanan. Subalit “hindi siya nanindigan sa katotohanan,” ang sabi ni Jesus, “sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya.” (Juan 8:44) Ang pangunahing apostatang ito ay patuloy na nagtaguyod ng landasin ng pagsalansang sa “Diyos ng katotohanan.” Ang ilan sa unang-siglong mga Kristiyano ay nahulog sa “silo ng Diyablo,” na lumilitaw na naging biktima niya dahil nailigaw at nailihis sila palayo sa katotohanan. Kaya hinimok ni Pablo ang kaniyang kamanggagawang si Timoteo na turuan sila nang may kahinahunan upang makapanumbalik sila sa espirituwal at makalaya mula sa silo ni Satanas. (2 Timoteo 2:23-26) Siyempre pa, mas mabuting manghawakang mahigpit sa katotohanan at hindi kailanman masilo ng apostatang mga pangmalas.
13 Dahil nakinig sila sa Diyablo at hindi nila itinakwil ang kaniyang mga kasinungalingan, nag-apostata ang unang mag-asawa. Kung gayon, dapat ba tayong makinig sa mga apostata, magbasa ng kanilang mga literatura, o magsuri sa kanilang mga Web site sa Internet? Kung iniibig natin ang Diyos at ang katotohanan, hindi natin gagawin iyon. Hindi natin dapat papasukin ang mga apostata sa ating mga tahanan o batiin man sila, dahil kapag ginawa natin ito, magiging ‘kabahagi tayo sa kanilang balakyot na mga gawa.’ (2 Juan 9-11) Huwag sana tayong padala kailanman sa mga panlilinlang ng Diyablo sa pamamagitan ng pagtalikod sa Kristiyanong “landas ng katotohanan” upang sumunod sa mga bulaang guro na naghahangad na “magpasok ng kapaha-pahamak na mga ideolohiya” at nagsisikap na ‘pagsamantalahan tayo sa pamamagitan ng kanilang kinathang-mabuting mga pananalita.’—2 Pedro 2:1-3, Byington.
14, 15. Anong babala ang ibinigay ni Pablo sa matatanda sa Efeso at sa kaniyang kamanggagawang si Timoteo?
14 Sinabi ni Pablo sa Kristiyanong matatanda sa Efeso: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu bilang mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak. Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa gitna ninyo ang mapaniil na mga lobo at hindi makikitungo nang magiliw sa kawan, at mula sa inyo mismo ay may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.” (Gawa 20:28-30) Nang maglaon, bumangon nga ang gayong mga apostata at ‘nagsalita ng mga bagay na pilipit.’
15 Noong mga 65 C.E., hinimok ng apostol si Timoteo na ‘gamitin nang wasto ang salita ng katotohanan.’ “Ngunit,” ang isinulat ni Pablo, “iwasan mo ang walang-katuturang mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal; sapagkat sila ay magpapatuloy tungo sa higit at higit pang pagka-di-makadiyos, at ang kanilang salita ay kakalat na tulad ng ganggrena. Sina Himeneo at Fileto ay kabilang sa mga iyon. Ang mga tao ngang ito ay lumihis mula sa katotohanan, na nagsasabing ang pagkabuhay-muli ay nangyari na; at kanilang iginugupo ang pananampalataya ng ilan.” Nagsimula na ang apostasya! “Gayunpaman,” idinagdag ni Pablo, “ang matatag na pundasyon ng Diyos ay nananatiling nakatayo.”—2 Timoteo 2:15-19.
16. Sa kabila ng mga panlilinlang ng pangunahing apostata, bakit tayo nananatiling matapat sa Diyos at sa kaniyang Salita?
16 Madalas gamitin ni Satanas ang mga apostata sa pagsisikap na dumhan ang tunay na pagsamba—subalit hindi siya nagtatagumpay. Noong mga taóng 1868, maingat na sinuri ni Charles Taze Russell ang malaon nang tinatanggap na mga doktrina ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan at nasumpungan niya ang maling mga pagpapakahulugan sa Kasulatan. Si Russell at ang ilan pang naghahanap ng katotohanan ay bumuo ng isang grupo ng pag-aaral sa Bibliya sa Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A. Sa halos 140 taon mula noon, ang mga lingkod ni Jehova ay sumulong sa kaalaman at sumidhi sa pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang Salita. Sa kabila ng mga panlilinlang ng pangunahing apostata, ang pagiging mapagbantay sa espirituwal ng uring tapat at maingat na alipin ay tumutulong sa tunay na mga Kristiyanong ito na manatiling matapat kay Jehova at sa kaniyang Salita.—Mateo 24:45.
Huwag Hayaan Kailanman na Kontrolin Ka ng Tagapamahala ng Sanlibutan
17-19. Ano ang sanlibutan na nasa kapangyarihan ng Diyablo, at bakit hindi natin ito dapat ibigin?
17 Ang isa pang paraan ng pagsisikap ni Satanas na siluin tayo ay ang panghihikayat sa atin na ibigin ang sanlibutang ito—ang di-matuwid na lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos. Tinawag ni Jesus ang Diyablo na “tagapamahala ng sanlibutan” at sinabi niya: “Wala siyang kapangyarihan sa akin.” (Juan 14:30) Huwag sana tayong makontrol kailanman ni Satanas! Sabihin pa, alam natin na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa[ng iyan] na balakyot.” (1 Juan 5:19) Kaya maaaring ialok ng Diyablo kay Jesus “ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan” kapalit ng isang apostatang gawang pagsamba—isang bagay na malinaw at matatag na tinanggihan ng Anak ng Diyos. (Mateo 4:8-10) Ang sanlibutang pinamamahalaan ni Satanas ay napopoot sa mga tagasunod ni Kristo. (Juan 15:18-21) Hindi nga kataka-takang babalaan tayo ni apostol Juan na huwag ibigin ang sanlibutan!
18 Sumulat si Juan: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya; sapagkat ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan. Karagdagan pa, ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:15-17) Hindi natin dapat ibigin ang sanlibutan, sapagkat ang paraan ng pamumuhay nito ay nanghihikayat sa makasalanang laman at salungat na salungat sa mga pamantayan ng Diyos na Jehova.
19 Paano kung ating masumpungan na iniibig natin ang sanlibutang ito? Kung gayon, manalangin tayo sa Diyos na tulungan tayong madaig ang pag-ibig na ito at ang mga pagnanasa ng laman na kaugnay nito. (Galacia 5:16-21) Tiyak na sisikapin nating manatiling “walang batik mula sa sanlibutan” kung isinasaisip natin na ang “balakyot na mga puwersang espiritu” ang di-nakikitang “mga tagapamahala ng sanlibutan” ng di-matuwid na lipunan ng tao.—Santiago 1:27; Efeso 6:11, 12; 2 Corinto 4:4.
20. Bakit masasabing “hindi [tayo] bahagi ng sanlibutan”?
20 May kinalaman sa kaniyang mga alagad, sinabi ni Jesus: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Sinisikap ng mga pinahirang Kristiyano at ng kanilang nakaalay na mga kasamahan na manatiling malinis sa moral at espirituwal, anupat hiwalay mula sa sanlibutang ito. (Juan 15:19; 17:14; Santiago 4:4) Napopoot sa atin ang di-matuwid na sanlibutang ito dahil nananatili tayong hiwalay rito at dahil ‘mga mangangaral tayo ng katuwiran.’ (2 Pedro 2:5) Totoo na nabubuhay tayo sa gitna ng lipunan ng tao na kinabibilangan ng mga mapakiapid, mangangalunya, mangingikil, mananamba sa idolo, magnanakaw, sinungaling, at mga lasenggo. (1 Corinto 5:9-11; 6:9-11; Apocalipsis 21:8) Subalit hindi natin nilalanghap ang “espiritu ng sanlibutan,” sapagkat hindi tayo nagpapadala sa makasalanan at mapanghikayat na impluwensiyang ito.—1 Corinto 2:12.
Huwag Bigyan ng Dako ang Diyablo
21, 22. Paano mo maikakapit ang payo ni Pablo na nakaulat sa Efeso 4:26, 27?
21 Sa halip na mahikayat ng “espiritu ng sanlibutan,” inaakay tayo ng espiritu ng Diyos, na nagluluwal sa atin ng mga katangiang gaya ng pag-ibig at pagpipigil sa sarili. (Galacia 5:22, 23) Tinutulungan tayo nitong labanan ang mga pagsalakay ng Diyablo sa ating pananampalataya. Gusto niyang tayo ay “mag-init na hahantong lamang sa paggawa ng masama” subalit tinutulungan tayo ng espiritu ng Diyos na ‘iwasan ang galit at iwanan ang pagngangalit.’ (Awit 37:8) Totoo, baka may katuwiran tayong magalit kung minsan, subalit pinapayuhan tayo ni Pablo: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit, ni magbigay man ng dako sa Diyablo.”—Efeso 4:26, 27.
22 Ang ating galit ay mauuwi sa kasalanan kung mananatili tayong pukáw sa galit. Kung mananatili tayo sa ganitong kalagayan ng isip, binibigyan natin ng pagkakataon ang Diyablo na maghasik ng di-pagkakasundo sa kongregasyon o mag-udyok sa atin na gumawa ng masama. Kaya kailangan nating ayusin kaagad sa makadiyos na paraan ang mga di-pagkakasundo. (Levitico 19:17, 18; Mateo 5:23, 24; 18:15, 16) Kung gayon, paakay tayo sa espiritu ng Diyos, anupat nagpipigil sa sarili at hindi kailanman hinahayaang mauwi sa hinanakit, pag-iisip ng masama, at pagkapoot, kahit ang makatuwirang galit.
23. Anu-anong tanong ang isasaalang-alang natin sa susunod na artikulo?
23 Tinalakay natin ang ilang katangian ng Diyablo na hindi natin dapat tularan. Subalit baka itanong ng ilang mambabasa: Dapat ba tayong matakot kay Satanas? Bakit siya nagsusulsol ng pag-uusig laban sa mga Kristiyano? At paano natin maiiwasang malamangan ng Diyablo?
[Talababa]
a Tingnan ang seryeng itinampok sa pabalat na “Totoo Bang May Diyablo?” sa Ang Bantayan ng Nobyembre 15, 2005.
Ano ang Iyong Tugon?
• Bakit hindi tayo kailanman dapat manirang-puri kaninuman?
• Alinsunod sa 1 Juan 3:15, paano natin maiiwasang maging mamamatay-tao?
• Ano ang dapat nating maging pangmalas sa mga apostata, at bakit?
• Bakit hindi natin dapat ibigin ang sanlibutan?
[Larawan sa pahina 23]
Hindi natin kailanman hahayaan na sirain ng Diyablo ang ating pagkakaisang Kristiyano
[Mga larawan sa pahina 24]
Bakit tayo hinimok ni Juan na huwag ibigin ang sanlibutan?