Kung Papaano Madadaig ang Nakapipinsalang Tsismis
“Maglagay ka ng bantay, Oh Jehova, sa harap ng aking bibig; ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi.”—AWIT 141:3.
1. Ano ba ang mga bagay na nagagawa ng ating bigay-Diyos na utak?
TAYO’Y binigyan ni Jehova ng isang utak, at lubhang kamangha-mangha iyon! Ganito ang sabi ng aklat na The Incredible Machine: “Kahit na ang pinakamodernong mga computer na ating nakikini-kinita ay hindi maihahambing sa utak ng tao na halos hindi maubos-maisip ang pagkamasalimuot at kakayahan na bumagay . . . Ang angaw-angaw na mga signal na mistulang kidlat kung dumaan sa iyong utak anumang sandali ay may dalang pambihirang dami ng impormasyon. Ang mga ito’y may impormasyon tungkol sa mga bagay na nangyayari sa loob at sa labas ng iyong katawan . . . Habang ang impormasyon ay inihahanda at sinusuri ng mga ibang signal, ang mga ito’y lumilikha ng mga ilang emosyon, alaala, kaisipan, o mga plano na umaakay tungo sa isang disisyon. Halos karakaraka, ang mga signal na galing sa iyong utak ay nagbibigay-alam sa mga iba pang parte ng iyong katawan kung ano ang iyong dapat na gawin . . . Samantala ang iyong utak ay sumusubaybay rin sa iyong paghinga, kimika ng dugo, temperatura, at iba pang mahalagang mga proseso na hindi mo namamalayan.”—Pahina 326.
2. Anong tanong ang ngayo’y dapat isaalang-alang?
2 Tunay nga, ang ganiyang kamangha-manghang kaloob ng Diyos ay di-dapat gamitin na mistulang bariles ng sukal o lata ng basura. Gayunman, ang utak ay baka ginagamit natin sa maling paraan sa pamamagitan ng pakikinig at pagkakalat ng nakapipinsalang tsismis. Papaano natin maiiwasan ang gayong pangungusap at matulungan pa ang iba na huwag gumawa niyaon?
Pahalagahan ang Iyong Bigay-Diyos na Isip
3. Bakit walang tunay na Kristiyano na gagawa ng nakapipinsalang usapan?
3 Ang pagpapahalaga sa ating bigay-Diyos na isip ang pipigil sa atin sa pakikinig sa nakapipinsalang tsismis at pagkakalat niyaon. Ang espiritu ni Jehova ay hindi mag-uudyok kaninuman na punuin ang kaniyang isip ng gayong mga ideya at gamitin ang kaniyang dila upang puminsala sa kaninuman. Bagkus, ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Lisanin ng taong balakyot ang kaniyang lakad, at ng taong liko ang kaniyang mga pag-iisip.” (Isaias 55:7) Ang isip ng isang taong balakyot ay punô ng masasamang kaisipan, at siya’y mabilis ng paninirang-puri sa matuwid. Subalit hindi natin kailanman aasahan na magsasalita ng paninirang-puri yaong mga nagpapahalaga sa kanilang bigay-Diyos na isip.
4. Kung pinahahalagahan natin ang ating utak at ang ating kakayahan na magsalita, papaano natin gagamitin ang ating isip at ang ating dila?
4 Ang wastong pagpapahalaga ay tutulong sa atin na huwag gamitin ang ating isip at ang ating dila upang gawin ang ninanasa ng ating makasalanang laman. Sa halip, ang ating kaisipan at pagsasalita ay ating pamamalagiing nasa mataas na katayuan. Ating maiiwasan ang nakapipinsalang tsismis sa pamamagitan ng pananalangin at pagtitiwala sa Isa na ang mga kaisipan ay mas mataas kaysa atin. Ipinayo ni apostol Pablo: “Anumang bagay ang totoo [hindi kasinungalingan o mapanirang-puri], anumang bagay ang karapat-dapat pag-isipan [hindi yaong walang kabuluhan], anumang bagay ang matuwid [hindi masama at nakapipinsala], anumang bagay ang malinis [hindi ang karumal-dumal na paninirang-puri o masasamang paghihinala], anumang bagay ang kaibig-ibig [hindi nakapopoot at nanghahamak], anumang bagay ang may mabuting ulat [hindi nakasisira], kung may anumang kagalingan [hindi kasamaan] at kung may anumang kapurihan [hindi nakasisirang-puri] patuloy na pag-isipan ninyo ang mga bagay na ito.”—Filipos 4:8.
5. Ano ang nakita at narinig kay Pablo ng mga kapananampalataya?
5 Isinusog ni Pablo: “Ang mga bagay na inyong natutuhan at tinanggap at narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.” (Filipos 4:9) Ano ba ang nakita at narinig ng mga iba kay Pablo? Mga bagay na malinis at nakapagpapatibay sa espirituwalidad. Hindi niya pinunô ang kanilang mga pandinig ng pinakahuling tsismis tungkol kay Lydia o kay Timoteo. Matitiyak mo na si Pablo ay hindi nakinig at nagkalat ng mga walang katotohanang bali-balita tungkol sa nakatatandang mga lalaki sa Jerusalem.a Malamang, ang paggalang sa kaniyang bigay-Diyos na isip ang tumulong kay Pablo upang umiwas para huwag mapasangkot sa nakapipinsalang tsismis. Ating tutularan ang kaniyang halimbawa kung talagang pinahahalagahan natin ang isip at ang dila na ibinigay sa atin ni Jehova.
Igalang ang Diyos at ang Kaniyang Salita
6, 7. (a) Papaano ipinakita ni Santiago ang mga epekto ng masamang dila? (b) Ano ang hindi mangyayari kung ating iginagalang ang Diyos at ang kaniyang Salita?
6 Ang taus-pusong paggalang sa Diyos at sa kaniyang Sagradong Salita ay tutulong din naman sa atin na daigin ang nakapipinsalang tsismis. Oo, ang gayong paggalang ay mag-uudyok sa atin na pakinggan ang payo ng alagad na si Santiago, na gumawa ng pagkastigo sa dila. (Santiago 3:2-12) Kung mapipigil ng isang tao ang kaniyang dila, kaniyang mapipigil din ang kaniyang buong katawan, gaya kung papaanong ang preno sa bibig ng kabayo ay makaaakay sa hayop na iyon saan man gustong papuntahin. Kung papaanong ang isang pagkaliit-liit na apoy ay makasusunog sa buong gubat, sa ganiyan din ang munting dila ay isang apoy na nagpapaningas sa gulong ng buhay. Nagagawang mapaamo ng tao ang maiilap na hayop, mga ibon, mga nagsisiusad, at mga kinapal sa dagat, “subalit ang dila, hindi ito napaaamo ng sinumang tao,” ang sabi ni Santiago. Gayunman, walang dahilan na huwag kang magsikap na daigin ang nakapipinsalang tsismis.
7 Sinabi rin ni Santiago na ang dila ang pinagmumulan ng mga pagpuri at paglait na nanggagaling sa iisang bibig. Hindi dapat na magkagayon, sapagkat ang bukal ay hindi nilalabasan ng kapuwa matamis at mapait na tubig. Ang punong igos ay hindi nagbubunga ng olibo, at ang maalat na tubig ay hindi binabalungan ng matamis na tubig. Kung sa bagay, habang di-sakdal ang mga Kristiyano, ang dila ay hindi lubusang mapaaamo. Ito ang dapat mag-udyok sa atin na maging mahabagin sa nagsisising mga nagkasala, gayunman ay hindi dahilan ito upang magpatuloy sa nakapipinsalang pagtsitsismis. Sa ganang akin, ang ganiyang makamandag na maling paggamit sa dila ay hindi magpapatuloy na mangyari kung talagang iginagalang natin ang Diyos at ang kaniyang Salita.
Kung Papaanong Makatutulong ang Panalangin
8. Papaano tayo matutulungan ng panalangin upang daigin ang nakapipinsalang tsismis?
8 Ang tukso na makinig sa nakapipinsalang tsismis at ikalat iyon pagkatapos ay maaaring napakatindi. Kaya kung ikaw ay napadala sa gayong tukso noong nakaraan, hindi baga dapat kang humingi sa Diyos ng kapatawaran at tulong? Si Jesus ang nagturo sa atin na manalanging: “Huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa balakyot na isa.” (Mateo 6:13) Ang mga Kristiyanong taimtim na nananalanging sila’y iligtas ng Diyos sa gayong nakatutukso ngunit masamang dila ay hindi padadala sa mga pakana ni Satanas; sila’y ililigtas buhat sa mahigpit na maninirang-puri.
9. Kung natutukso na manirang-puri kaninuman, papaano tayo mananalangin?
9 Kung tayo’y natutuksong manirang-puri kaninuman, tayo’y manalangin: “Maglagay ka ng bantay, Oh Jehova, sa harap ng aking bibig; ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi.” (Awit 141:3) Masisira ang ating pinapangarap na buhay na walang-hanggan kung tayo’y padadala sa tukso at tutulad sa Diyablo bilang isang nakapopoot, sinungaling, mamamatay-taong maninirang-puri. (Juan 8:44) Si apostol Juan ay sumulat: “Sinumang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao, at nalalaman ninyo na sinumang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang-hanggan.”—1 Juan 3:15.
Pag-ibig ang Nagpapaalis sa Tsismis
10. Imbis na magkalat ng tsismis tungkol sa iba, ano ang pagkakautang natin sa kanila?
10 Lahat tayo ay may utang sa iba, ngunit tayo’y hindi nagkakautang ng pagkapoot na nag-uudyok ng nakapipinsalang pagtsitsismis. “Huwag kayong magkautang ng ano pa man sa kaninuman, maliban na sa mag-ibigan kayo,” ang isinulat ni Pablo. (Roma 13:8) Ang utang na iyan ay dapat na bayaran natin sa araw-araw sa halip na magsalita laban sa iba at sirain ang kanilang mabuting pangalan. Kung tayo’y nagsasabing iniibig natin si Jehova, tayo’y hindi makapaninirang-puri sa isang kapuwa natin mananamba, “sapagkat siyang hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na kaniyang nakikita, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.”—1 Juan 4:20.
11. Papaanong ang ilustrasyon ni Jesus ng mga tupa at mga kambing ay makapagbibigay sa atin ng mapag-iisipan tungkol sa nakasasakit na tsismis?
11 Pag-isipan ang talinghaga ni Jesus ng mga tupa at mga kambing. Sa mga tulad-tupa ay sinabi na ang ginawa nila sa mga kapatid ni Kristo ay ibinibilang na ginawa sa kaniya. Ikaw ba ay magkakalat ng tsismis tungkol kay Kristo? Kung hindi mo magagawang magsalita laban sa iyong Panginoon at Guro, ang kaniyang pinahirang mga kapatid ay huwag mo ring tratuhin nang ganiyan. Huwag kang magkasala na gaya ng mga kambing, na “magtutungo sa walang-hanggang kamatayan.” Kung iniibig mo ang mga kapatid ni Jesus, ipakita mo iyon sa pamamagitan ng iyong sinasabi tungkol sa kanila.—Mateo 25:31-46.
12. Ano ang pinakadiwa ng Kawikaan 16:2, at papaano dapat maapektuhan nito ang ating mga kaisipan, kilos, at pagsasalita?
12 Yamang lahat tayo ay mga makasalanan at nangangailangan ng haing pantubos na inihandog ni Jesus, kung may sinumang ibig magsalita ng di-nararapat tungkol sa atin, siya’y maraming masasabi. (1 Juan 2:1, 2) Sabihin pa, baka isipin natin na mabuti naman ang ating ginagawa. “Ang lahat ng lakad ng isang tao ay malinis sa harap ng kaniyang sariling mga mata, ngunit tinitimbang ni Jehova ang mga diwa.” Ang timbangan ng Diyos ay hindi apektado ng paboritismo o pagtatangi. (Kawikaan 16:2; Gawa 10:34, 35) Kaniyang tinitimbang ang ating diwa, upang alamin ang ating niloloob at ang mga impulso na nag-uudyok sa atin na mag-isip, kumilos, at magsalita. Kung gayon, tiyak na hindi natin ibig na masumpungan ng Diyos na ang maling turing natin sa ating sarili ay malinis at ang iba’y marumi at karapat-dapat sa nakasasakit na tsismis. Katulad ni Jehova, tayo’y kailangang walang kinikilingan, maawain, at mapagmahal.
13. (a) Papaanong ang bagay na ‘matiisin at magandang-loob ang pag-ibig’ ay makatutulong sa atin na daigin ang nakapipinsalang tsismis? (b) Ano ang patuloy na pipigil sa atin sa pagsasalita laban sa sinuman na tumatanggap ng pribilehiyo ng paglilingkuran na wala tayo?
13 Ang pagkakapit ng sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 13:4-8 ay makatutulong sa atin na daigin ang nakapipinsalang tsismis. Siya’y sumulat: “Ang pag-ibig ay matiisin at magandang-loob.” Ang isang sister na dumaranas ng pag-uusig sa isang nababahaging sambahayan ay baka hindi masaya ang pagbati sa atin. O ang iba ay baka medyo mabagal kumilos, dahil marahil sa di-mabuting kalusugan. Hindi baga dapat na pag-ibig ang magpakilos sa atin upang maging matiisin at magandang-loob sa gayong mga tao sa halip na sila’y gawing biktima ng namimintas na tsismis? ‘Ang pag-ibig ay hindi nananaghili, hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.’ Samakatuwid, kung ang isang Kristiyano’y binibigyan ng isang pribilehiyo ng paglilingkuran na hindi natin taglay, ang pag-ibig ang hahadlang sa atin upang huwag magsalita ng laban sa kaniya at ipahiwatig na siya’y di-karapat-dapat sa gawaing iyon. Ang pag-ibig ang pipigil sa atin upang huwag ipangalandakan ang ating mga nagagawa, ng pagsasalita ng makasisira ng loob niyaong mga di-gaanong nabibigyan ng mga pribilehiyo.
14. Ano pa ang masasabi tungkol sa pag-ibig na may epekto sa ating sinasabi tungkol sa iba?
14 Sinabi rin ni Pablo na ‘ang pag-ibig ay hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang sariling kapakanan, hindi nayayamot, ni inaalumana man ang masama.’ Sa halip na magwala at magsabi ng mga bagay na labag sa pagka-Kristiyano, pabayaan natin na pag-ibig ang mag-udyok sa atin na magsalita nang mabuti tungkol sa iba at isaalang-alang ang kanilang mga kapakanan. Ito’y pumipigil sa atin upang huwag mayamot at magsalita laban sa mga tao sa tunay man o guniguning mga kapinsalaang naidulot. Yamang ‘ang pag-ibig ay hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan,’ ito’y patuloy na naglalayo sa atin sa nakapipinsalang tsismis kahit na tungkol sa mga mananalansang na dumaranas ng pakikitungong di-makatarungan.
15. (a) Papaano tayo dapat maapektuhan ng bagay na ‘ang pag-ibig ay naniniwala at umaasa sa lahat ng bagay’? (b) Anong mga katangian ng pag-ibig ang makatutulong sa atin na manatiling tapat sa organisasyon ni Jehova kahit na kung ang iba’y nagsasalita laban dito?
15 Ang pag-ibig ay ‘naniniwala at umaasa sa lahat ng bagay’ na matatagpuan sa Salita ng Diyos at inuudyukan tayo nito na pahalagahan ang espirituwal na pagkaing inilalaan ng uring ‘tapat na alipin,’ sa halip na makinig sa mapanirang-puring mga salita ng bulaang mga apostata. (Mateo 24:45-47; 1 Juan 2:18-21) Yamang ‘tinitiis ng pag-ibig ang lahat ng bagay at hindi nagkukulang kailanman,’ ito’y tumutulong din sa atin na manatiling tapat sa organisasyon ng Diyos kahit na kung ang “mga nagkukunwaring kapatid” o ang mga iba pa ay magsalita laban dito o sa mga miyembro nito.—Galacia 2:4.
Ang Paggalang ang Sumusugpo sa Tsismis
16. Papaano tinrato si Pablo ng mga nagkukunwaring kapatid sa Corinto?
16 Ang paggalang sa mga kapananampalataya ay tumutulong din upang madaig ang nakapipinsalang tsismis. Yamang sila’y tinatanggap ng Diyos, tunay na sila’y hindi natin dapat siraan. Huwag nating tularan kailanman ang “nagkukunwaring kapatid” na nákatagpô ni Pablo. Walang alinlangan, sila’y nagsalita nang masasama tungkol sa kaniya. (2 Corinto 11:26) Ang mga apostata ay tiyak na nanira rin sa kaniya. (Ihambing ang Judas 3, 4.) Sa Corinto ay may mga taong nagsabi: “Ang kaniyang mga sulat ay malamán at mabisa, datapuwat ang kaniya mismong pagkatao ay mahina at ang kaniyang pagsasalita ay kadusta-dusta.” (2 Corinto 10:10) Ang mga tao’y hindi nagsasalita nang ganiyan tungkol sa kanilang mga iniibig.
17. Anong uri ng mga salita ang ikinalat ni Diotrefes tungkol kay apostol Juan?
17 Isaalang-alang si apostol Juan na pinagsalitaan nang masakit ni Diotrefes. “Ako’y sumulat ng ilang bagay sa kongregasyon,” ang sabi ni Juan, “ngunit si Diotrefes, na ibig maging una sa gitna nila, ay hindi tumatanggap ng anuman sa amin nang may paggalang. Kaya nga, pagpariyan ko, ipaaalaala ko ang kaniyang mga gawa na patuloy na ginagawa niya, nagkakalat ng masasamang salita tungkol sa amin.” (3 Juan 9, 10) Ang gayong kadaldalan ay isang napakalubhang bagay, at kung tayo’y nakikinig o nagkakalat ng nakakatulad na mga pananalitang iyon, tayo’y dapat na huminto karakaraka sa paggawa ng gayon.
18. Papaano naiiba si Demetrio kay Diotrefes, at papaano maaapektuhan ng pagkakaibang ito ang ating asal?
18 Sa panghihimok na igalang ang matuwid, sinabi ni Juan kay Gayo: “Huwag mong tularan ang masama, kundi ang mabuti. Siyang gumagawa nang mabuti ay sa Diyos. Siyang gumagawa nang masama ay hindi nakakakita sa Diyos. Si Demetrio ay pinatotohanan nilang lahat at ng katotohanan mismo. Oo, kami rin naman, ay nagpapatotoo, at nalalaman mo na ang aming patotoong ibinibigay ay tunay.” (3 Juan 1, 11, 12) Bawat isa sa atin ay makapagtatanong sa kaniyang sarili: Ako ba ay isang madaldal na Diotrefes, o ako ba ay isang tapat na Demetrio? Kung tayo’y gumagalang sa ating mga kapananampalataya, tayo’y hindi magsasalita ng negatibong mga bagay tungkol sa kanila, anupa’t bibigyan ang iba ng dahilang tawagin tayo na mga madadaldal.
19. Papaano sinubok ng mga nagkukunwaring kapatid na siraan si C. T. Russell?
19 Ang nagkukunwaring mga kapatid ay makikita hindi lamang noong unang siglo. Noong mga taon ng 1890, mga taong walang prinsipyo na nakikihalubilo sa organisasyon ng Diyos ang sumubok na sila ang magpalakad ng Watch Tower Society. Sila’y nagkaisa-isa laban kay Charles Taze Russell, sa pagsisikap na tapusin ang kaniyang panunungkulan bilang unang pangulo ng Samahan. Pagkatapos na balakin ng may humigit-kumulang dalawang taon, ang sabuwatan ay sumiklab noong 1894. Ang mga maling paratang ay nakasentro unang-una sa umano’y ginawa ni Russell na pandaraya sa negosyo. Sa ilan sa mga maliliit na bintang ay nabunyag ang layunin ng mga nagsampa ng sumbong—ang siraan si C. T. Russell. Walang kinikilingang mga Kristiyano ang nagsiyasat sa mga bagay-bagay at kanilang nasumpungan na siya ay nasa matuwid naman. Sa gayon, ang planong ito na “pasabugin si Mr. Russell at ang kaniyang gawa hanggang sa kaitaasan ng langit” ay nabigo. Samakatuwid, tulad ni Pablo, si Brother Russell ay inatake ng nagkukunwaring mga kapatid, subalit ang paglilitis na ito ay kinilala na isang pakana ni Satanas. Ang mga nagpakana ay pagkatapos itinuring na di-karapat-dapat payagang makisalamuha sa maligayang pagsasamahang Kristiyano.
Ang Mabubuting Gawa ang Sumusugpo sa Nakapipinsalang Tsismis
20. Anong kahinaan ang nasumpungan ni Pablo sa mga nakababatang biyuda?
20 Batid ni Pablo na ang nakapipinsalang tsismis ay kadalasan kaugnay ng katamaran, kakulangan ng mabubuting gawa. Hindi niya ikinalugod na ang ilang mga nakababatang biyuda ay natutong “maging mga tamad na palipat-lipat sa mga bahay, at hindi lamang mga tamad kundi mga matatabil din naman at mga mapakialam, na nagsisipagsalita ng mga bagay na hindi nila nararapat salitain.” Ano ang lunas? Kapaki-pakinabang na gawain. Sa gayon, si Pablo ay sumulat: “Kaya sa nakababatang mga biyuda ang ibig ko’y sila’y magsipag-asawa, mangag-anak, mag-asikaso ng bahay, at huwag bigyan ang kaaway ng anumang butas upang magsalita laban sa kanila.”—1 Timoteo 5:11-14, Byington.
21. Ano ang kaugnayan ng 1 Corinto 15:58 sa pag-iwas sa mga silo ng nakapipinsalang tsismis?
21 Kung ang mga babae ay nag-aasikaso ng isang sambahayan, nagsasanay sa mga anak ayon sa mga pamantayan ng Diyos, at gumagawa ng mga gawaing kapaki-pakinabang, sila’y walang gaanong panahon sa walang-kabuluhang usapan na maaaring humantong sa nakasasakit na tsismis. Ang mga lalaki rin naman ay walang gaanong panahon para sa gayong bagay kung sila’y okupado ng mabubuting gawa. “Ang laging pagkakaroon ng maraming gawain sa Panginoon” ay tutulong sa lahat sa atin na maiwasan ang mga silo ng nakapipinsalang tsismis. (1 Corinto 15:58) Lalung-lalo na ang buong-pusong pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano, sa mga pulong ng kongregasyon, at sa iba pang maka-Diyos na gawain ay palaging magtututok ng ating isip sa espirituwal na mga bagay kung kaya’t tayo’y hindi magiging tamad na mga mapagtsismis at mapanghimasok sa pamumuhay ng mga ibang tao.
22. Ano ang sinasabi ng Kawikaan 6:16-19 tungkol sa pagkakilala ng Diyos sa mga maninirang-puri?
22 Kung tayo’y mananatiling abala sa mga gawaing maka-Diyos at sisikapin natin na pagpalain sa espirituwal ang iba, tayo’y magiging tapat na mga kaibigan, hindi taksil na mga mapaghatid-dumapit. (Kawikaan 17:17) At kung tayo’y umiiwas sa pumipinsalang tsismis, tayo’y magkakaroon ng pinakamabuting Kaibigan sa lahat—ang Diyos na Jehova. Tandaan natin na ang pitong bagay na kinamumuhian niya ay “mga palalong mata, sinungaling na dila, at mga kamay na nagbububo ng dugong walang sala, pusong kumakatha ng masasamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan, sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, at ang naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng mga magkakapatid.” (Kawikaan 6:16-19) Ang mga bagay ay pinalalabisan at pinipilipit ng mga tsismoso, at ang maninirang-puri ay may sinungaling na dila. Sa kanilang mga pananalita ay napakikilos nila ang paa ng mga taong sabik na maghatid-dumapit. Halos sa tuwina, pagtatalu-talo ang resulta. Subalit kung ating kinapopootan ang kinapopootan ng Diyos, ating iiwasan ang nakasasakit na tsismis na makasisira sa taong matuwid at magdudulot ng katuwaan sa mahigpit na maninirang-puri, si Satanas na Diyablo.
23. Kung tungkol sa ating pagsasalita, papaano natin mapagagalak ang puso ni Jehova?
23 Kung gayon, pagalakin natin ang puso ni Jehova. (Kawikaan 27:11) Iwasan natin ang pagsasalita ng mga bagay na kaniyang kinapopootan, huwag tayong makinig sa paninirang-puri, at gawin ang pinakamagaling na magagawa natin upang daigin ang nakapipinsalang tsismis. Tiyak naman, magagawa natin iyan sa tulong ng ating banal na Diyos, si Jehova.
[Talababa]
a Kahit na ngayon ay hindi naman nararapat na makinig at magkalat ng nakagugulat na mga bali-balita (kadalasa’y hindi nakasalig sa anumang katotohanan) tungkol sa ipinalalagay na sinabi o ginawa ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala o ng kanilang mga kinatawan.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano tayo matutulungan ng panalangin upang maiwasan ang paninirang-puri sa iba?
◻ Papaanong ang pagkakapit ng 1 Corinto 13:4-8 ay tutulong sa atin na madaig ang nakapipinsalang tsismis?
◻ Papaanong ang paggalang-sa-sarili ay tutulong sa atin na masugpo ang anumang tukso na magtsismis tungkol sa mga kapananampalataya?
◻ Ano ang kaugnayan ng 1 Corinto 15:58 sa pag-iwas sa mga silo ng nakapipinsalang tsismis?
[Picture Credit Line sa pahina 17]
U.S. Forest Service photo