“Makipaglaban Nang Puspusan Ukol sa Pananampalataya”!
“Makipaglaban nang puspusan ukol sa pananampalataya na ibinigay nang minsanan sa mga banal.”—JUDAS 3.
1. Sa anong diwa ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay nakikipagdigma?
LAGI nang nakapapagod ang buhay ng mga kawal na nakikipagdigma. Isip-isipin ang pagsusuot ng kumpletong kagayakang pandigma at pagmamartsa ng napakaraming kilometro sa lahat ng uri ng panahon, pagsasailalim sa napakahirap na pagsasanay sa paggamit ng sandata, o pagtatanggol ng iyong sarili laban sa lahat ng uri ng mapanganib na situwasyon. Gayunman, hindi nakikibahagi ang tunay na mga Kristiyano sa pagdidigmaan ng mga bansa. (Isaias 2:2-4; Juan 17:14) Magkagayunman, hindi natin dapat kalimutan na tayo sa isang diwa ay nakikipagdigma. Punung-puno ng poot si Satanas laban kay Jesu-Kristo at sa kaniyang mga tagasunod sa lupa. (Apocalipsis 12:17) Ang lahat ng nagpapasiyang maglingkod sa Diyos na Jehova, sa isang diwa, ay nagpapatala bilang mga sundalo upang makipaglaban sa isang espirituwal na pagbabaka.—2 Corinto 10:4.
2. Paano inilarawan ni Judas ang Kristiyanong pakikidigma, at paano makatutulong sa atin ang kaniyang liham upang mabata iyon?
2 Angkop naman, sumulat si Judas na kapatid ni Jesus sa ina: “Mga iniibig, bagaman ginawa ko ang bawat pagsisikap na isulat sa inyo ang tungkol sa kaligtasan na pinanghahawakan nating lahat, nasumpungan kong kinakailangang sulatan kayo upang masidhing magpayo sa inyo na makipaglaban nang puspusan ukol sa pananampalataya na ibinigay nang minsanan sa mga banal.” (Judas 3) Nang himukin ni Judas ang mga Kristiyano na “makipaglaban nang puspusan,” gumamit siya ng isang termino na may kaugnayan sa salita para sa “matinding paghihirap.” Oo, ang labanang ito ay maaaring maging mabigat, anupat maaaring maging napakatinding paghihirap pa nga! Nahihirapan ba kayo kung minsan na batahin ang pakikipagdigmang ito? Makatutulong sa atin ang maikli ngunit mabisang liham ni Judas. Hinihimok tayo nito na paglabanan ang imoralidad, igalang ang awtoridad na itinalaga ng Diyos, at panatilihin ang ating sarili sa pag-ibig ng Diyos. Tingnan natin kung paano ikakapit ang payong ito.
Paglabanan ang Imoralidad
3. Anong gipit na kalagayan ang napaharap sa kongregasyong Kristiyano noong panahon ni Judas?
3 Nakita ni Judas na hindi lahat ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano ay nananalo sa digmaan laban kay Satanas. Napaharap ang kawan sa isang gipit na kalagayan. May masasamang tao na “nakapuslit sa loob,” isinulat ni Judas. Buong-katusuhang itinataguyod ng mga taong ito ang imoralidad. At napakahusay nila sa pangangatuwiran tungkol sa kanilang mga gawa, anupat “ginagawang dahilan ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos para sa mahalay na paggawi.” (Judas 4) Marahil, tulad ng ilang sinaunang Gnostiko, ikinatuwiran nila na mientras nagkakasala ang isa, lalong makatatanggap ang isa ng biyaya ng Diyos—kaya, sa diwa, mas mabuti ang magkasala nang madalas! O marahil ay naisip nila na hindi sila kailanman parurusahan ng isang mabait na Diyos. Alinman dito ay mali.—1 Corinto 3:19.
4. Anong tatlong maka-Kasulatang halimbawa ng nakaraang mga paghatol ni Jehova ang binanggit ni Judas?
4 Pinabulaanan ni Judas ang kanilang balakyot na pangangatuwiran sa pamamagitan ng pagbanggit ng tatlong halimbawa ng paghatol ni Jehova noong nakalipas: laban sa mga Israelita na “hindi nagpakita ng pananampalataya”; laban sa “mga anghel na . . . nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako” upang magkasala kasama ng mga babae; at laban sa mga naninirahan sa Sodoma at Gomorra, na ‘nakiapid nang labis-labis at sumunod sa laman sa di-likas na paggamit.’ (Judas 5-7; Genesis 6:2-4; 19:4-25; Bilang 14:35) Sa bawat kaso ay nagdala si Jehova ng mariing hatol laban sa mga makasalanan.
5. Mula kaninong sinaunang propeta sumipi si Judas, at paano ipinahayag ng hulang iyon ang ganap na katiyakan ng katuparan nito?
5 Nang maglaon, tinukoy ni Judas ang isang lalong malawak na paghatol. Sinipi niya ang hula ni Enoc—isang talata na hindi masusumpungan sa iba pang bahagi ng kinasihang Kasulatan.a (Judas 14, 15) Inihula ni Enoc ang isang panahon na hahatulan ni Jehova ang lahat ng di-makadiyos at ang kanilang di-makadiyos na mga gawa. Kapansin-pansin, nagsalita si Enoc sa panahunang pangnagdaan, sapagkat ang mga kahatulan ng Diyos ay tiyak na para bang naganap na ang mga ito. Maaaring nilibak ng mga tao si Enoc at nang maglaon ay si Noe, ngunit lahat ng gayong manunuya ay nalunod sa pangglobong Delubyo.
6. (a) Tungkol sa ano kinailangang paalalahanan ang mga Kristiyano noong panahon ni Judas? (b) Bakit dapat nating isapuso ang mga paalaala ni Judas?
6 Bakit isinulat ni Judas ang banal na mga kahatulang ito? Sapagkat batid niya na ang ilang nakikisama sa mga kongregasyong Kristiyano noong kaniyang panahon ay gumagawa ng mga kasalanan na kasinsama at kasimbigat ng pagkakasala niyaong mga hinatulan noong nakaraan. Kaya naman, sumulat si Judas na kailangang ipaalaala sa mga kongregasyon ang ilang saligang espirituwal na katotohanan. (Judas 5) Maliwanag na nakalimutan nilang nakikita ng Diyos na Jehova ang kanilang ginagawa. Oo, kapag kusang nilalabag ng kaniyang mga lingkod ang kaniyang mga batas, anupat dinudumhan ang kanilang sarili at ang iba, nakikita niya ito. (Kawikaan 15:3) Labis siyang nasasaktan sa gayong mga gawa. (Genesis 6:6; Awit 78:40) Nakaaantig na isiping tayong hamak na mga tao ay makaaapekto sa damdamin ng Soberanong Panginoon ng sansinukob. Pinagmamasdan niya tayo sa araw-araw, at kapag ginagawa natin ang ating buong makakaya upang sundin ang yapak ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, kung gayo’y nagagalak siya sa ating paggawi. Kaya nga huwag nating ikasama ng loob ang mga paalaalang gaya ng ibinibigay ni Judas kundi isapuso natin ang mga ito.—Kawikaan 27:11; 1 Pedro 2:21.
7. (a) Bakit napakahalaga na humingi agad ng tulong yaong mga nasasangkot sa malulubhang pagkakasala? (b) Paano maiiwasan nating lahat ang imoralidad?
7 Hindi lamang tumitingin si Jehova kundi kumikilos din siya. Palibhasa’y isang Diyos ng katarungan, pinarurusahan niya ang mga manggagawa ng masama—sa malao’t madali. (1 Timoteo 5:24) Dinadaya lamang nila ang kanilang sarili kung ikakatuwiran nila na ang kaniyang mga kahatulan ay lipas nang kasaysayan at na hindi siya nababahala sa ginagawa ng masasama. Napakahalaga nga para sa sinumang gumagawa ng imoralidad ngayon na humingi agad ng tulong sa Kristiyanong matatanda! (Santiago 5:14, 15) Lahat tayo ay maaaring maudyukang pag-isipan nang husto ang panganib na idudulot ng imoralidad sa ating espirituwal na pakikipagbaka. Maraming nabibiktima taun-taon—mga indibiduwal na itinitiwalag sa gitna natin, na ang karamihan sa kanila ay dahil sa paggawa ng imoralidad nang walang pagsisisi. Dapat na matatag nating ipasiya na paglabanan ang anumang tukso kahit na nagsisimula pa lamang itong akayin tayo sa gayong landasin.—Ihambing ang Mateo 26:41.
Igalang ang Awtoridad na Hinirang ng Diyos
8. Sino ang “mga maluwalhati” na binanggit sa Judas 8?
8 Ang isa pang suliranin na tinalakay ni Judas ay ang kawalan ng paggalang sa awtoridad na hinirang ng Diyos. Halimbawa, sa Jud talatang 8 ay pinaratangan niya ang balakyot na mga tao ring iyon ng ‘pagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa mga maluwalhati.’ Sino ang “mga maluwalhati” na ito? Sila’y di-sakdal na mga tao, ngunit mayroon silang mga pananagutan na iniatang sa kanila ng banal na espiritu ni Jehova. Halimbawa, ang mga kongregasyon ay may matatanda, na inatasang magpastol sa kawan ng Diyos. (1 Pedro 5:2) Mayroon din namang mga naglalakbay na tagapangasiwa, gaya ni apostol Pablo. At ang lupon ng matatanda sa Jerusalem ay kumilos bilang isang lupong tagapamahala, na gumagawa ng mga pasiya na nakaaapekto sa kongregasyong Kristiyano sa kabuuan. (Gawa 15:6) Lubhang nabahala si Judas na may ilan sa kongregasyon na nagsasalita nang may pang-aabuso, o lumalapastangan, sa mga lalaking iyon.
9. Anong mga halimbawa hinggil sa kawalang-galang sa awtoridad ang binanggit ni Judas?
9 Upang tuligsain ang gayong walang-galang na pananalita, sa Jud talatang 11, bumanggit si Judas ng tatlo pang halimbawa bilang mga paalaala: sina Cain, Balaam, at Kora. Ipinagwalang-bahala ni Cain ang maibiging payo ni Jehova at kusang itinaguyod ang kaniyang landasin ng nakamamatay na pagkapoot. (Genesis 4:4-8) Si Balaam ay paulit-ulit na tumanggap ng mga babalang walang-alinlangang may makahimalang pinagmulan—maging ang kaniyang sariling asnong-babae ay nagsalita sa kaniya! Ngunit buong-kaimbutang nagpatuloy si Balaam na magpakana laban sa bayan ng Diyos. (Bilang 22:28, 32-34; Deuteronomio 23:5) Si Kora ay may sariling responsableng posisyon, ngunit hindi naging sapat iyon. Nagsulsol siya ng paghihimagsik laban sa pinakamaamong tao sa lupa, si Moises.—Bilang 12:3; 16:1-3, 32.
10. Paano maaaring mahulog ang ilan ngayon sa silo ng ‘pagsasalita nang may pang-aabuso sa mga maluwalhati,’ at bakit dapat iwasan ang gayong pananalita?
10 Napakalinaw na itinuturo sa atin ng mga halimbawang ito na makinig sa payo at igalang yaong mga ginagamit ni Jehova sa responsableng mga posisyon! (Hebreo 13:17) Napakadaling makakita ng pagkakamali sa hinirang na matatanda, sapagkat sila’y di-sakdal, kung paanong tayong lahat ay di-sakdal. Ngunit kung magtutuon tayo ng pansin sa kanilang mga pagkakamali at hindi sila igagalang, maaari kayang tayo ay ‘nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa mga maluwalhati’? Sa Jud talatang 10, binanggit ni Judas yaong “nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa lahat ng mga bagay na talagang hindi nila alam.” Pupunahin ng ilan kung minsan ang pasiya ng lupon ng matatanda o ng isang hudisyal na komite. Gayunman, hindi nila alam ang lahat ng detalye na kinailangang isaalang-alang ng matatanda upang makagawa ng gayong pasiya. Kaya bakit magsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa mga bagay na hindi naman nila talagang alam? (Kawikaan 18:13) Yaong nagpapatuloy sa gayong negatibong pagsasalita ay maaaring lumikha ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon at marahil ay maihahalintulad pa nga sa mapanganib na “mga batong natatago sa ilalim ng tubig” sa mga pagtitipon ng mga magkakapananampalataya. (Judas 12, 16, 19) Hindi natin dapat naisin kailanman na lumikha ng espirituwal na panganib sa iba. Sa halip, ipasiya ng bawat isa sa atin na pahalagahan ang responsableng mga lalaki dahil sa kanilang pagpapagal at debosyon sa kawan ng Diyos.—1 Timoteo 5:17.
11. Bakit nagpigil si Miguel sa pagpataw ng hatol laban kay Satanas sa mapang-abusong mga salita?
11 Bumanggit si Judas ng halimbawa ng isa na gumalang sa wastong itinalagang awtoridad. Sumulat siya: “Nang si Miguel na arkanghel ay magkaroon ng pakikipaghidwaan sa Diyablo at makipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, hindi siya nangahas na magpataw ng hatol laban sa kaniya sa mapang-abusong mga salita, kundi nagsabi: ‘Sawayin ka nawa ni Jehova.’ ” (Judas 9) Ang kawili-wiling ulat na ito, na si Judas lamang ang sumulat sa kinasihang Kasulatan, ay nagtuturo ng dalawang magkaibang aral. Sa isang panig, tinuturuan tayo nito na ipaubaya kay Jehova ang paghatol. Maliwanag na ibig ni Satanas na gamitin sa maling paraan ang katawan ng tapat na si Moises upang itaguyod ang huwad na pagsamba. Napakabalakyot! Gayunman, mapagpakumbabang nagpigil si Miguel sa paghatol, sapagkat si Jehova lamang ang nagtataglay ng awtoridad na iyan. Lalo na, kung gayon, dapat nating iwasan ang paghatol sa tapat na mga lalaking nagsisikap maglingkod kay Jehova.
12. Ano ang maaaring matutuhan ng mga may responsableng posisyon sa kongregasyong Kristiyano mula sa halimbawa ni Miguel?
12 Sa kabilang panig naman, maaari ring matuto ng aral mula kay Miguel yaong mga may hawak ng awtoridad sa kongregasyon. Sa katunayan, bagaman si Miguel ay isang “arkanghel,” ang puno ng lahat ng anghel, hindi siya nagmalabis sa kaniyang kapangyarihan, kahit na siya’y pinupukaw sa galit. Maingat na sinusunod ng tapat na matatanda ang halimbawang iyan, anupat kinikilala na ang pagmamalabis sa kanilang awtoridad ay di-paggalang sa soberanya ni Jehova. Maraming sinasabi ang liham ni Judas tungkol sa mga lalaking nasa katayuan na dapat igalang sa kongregasyon ngunit nagmalabis sa kanilang kapangyarihan. Halimbawa, sa mga Jud talatang 12 hanggang 14, isinulat ni Judas ang isang matinding pagtuligsa sa “mga pastol na walang takot na pinakakain ang kanilang mga sarili.” (Ihambing ang Ezekiel 34:7-10.) Sa ibang salita, ang una nilang interes ay ang sariling pakinabang, hindi ang kawan ni Jehova. Malaki ang matututuhan ng matatanda sa ngayon mula sa gayong negatibong mga halimbawa. Ang totoo, napakalinaw ng paglalarawan dito ni Judas tungkol sa hindi natin dapat naising mangyari sa atin. Kapag nagpapadaig tayo sa kaimbutan, hindi tayo maaaring maging mga kawal ni Kristo; masyado tayong abala sa pakikipaglaban para sa sarili. Sa halip, tayong lahat ay mamuhay nawa ayon sa mga salita ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
“Panatilihin ang Inyong mga Sarili sa Pag-ibig ng Diyos”
13. Bakit dapat na marubdob na sikapin nating lahat na manatili sa pag-ibig ng Diyos?
13 Sa pagtatapos ng kaniyang liham, ibinigay ni Judas ang nakaaantig-pusong payong ito: “Panatilihin ang inyong mga sarili sa pag-ibig ng Diyos.” (Judas 21) Wala nang tutulong sa atin na makapagbata sa Kristiyanong pakikidigmang ito nang higit kaysa sa isang bagay na ito, ang pananatiling pinagtutuunan ng pag-ibig ng Diyos na Jehova. Tutal, pag-ibig ang nangingibabaw na katangian ni Jehova. (1 Juan 4:8) Sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: “Kumbinsido ako na kahit ang kamatayan kahit ang buhay kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating kahit ang mga kapangyarihan kahit ang taas kahit ang lalim kahit ang anumang iba pang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 8:38, 39) Subalit paano tayo mananatili sa pag-ibig na ito? Pansinin ang tatlong hakbang na maaari nating gawin, ayon kay Judas.
14, 15. (a) Ano ang ibig sabihin ng patibayin ang ating sarili sa ating “kabanal-banalang pananampalataya”? (b) Paano natin maaaring suriin ang kalagayan ng ating espirituwal na baluti?
14 Una, sinasabi sa atin ni Judas na patuloy nating patibayin ang ating sarili sa ating “kabanal-banalang pananampalataya.” (Judas 20) Gaya ng naunawaan natin sa naunang artikulo, ito ay isang patuloy na proseso. Tayo ay katulad ng mga gusali na kailangang higit at higit na patibayin laban sa tumitinding paghampas ng masamang lagay ng panahon. (Ihambing ang Mateo 7:24, 25.) Kaya huwag tayong labis na magtiwala sa sarili. Sa halip, tingnan natin kung saan natin maaaring patatagin ang ating sarili sa pundasyon ng ating pananampalataya, anupat nagiging mas malakas at mas tapat na mga kawal ni Kristo. Halimbawa, maaari nating isaalang-alang ang mga bahagi ng espirituwal na kagayakang pandigma na inilalarawan sa Efeso 6:11-18.
15 Ano ba ang kalagayan ng ating sariling espirituwal na baluti? Ang atin bang “malaking kalasag ng pananampalataya” ay matibay ayon sa kailangan para rito? Habang ginugunita natin ang nakalipas na mga taon, nakikita ba natin ang ilang palatandaan ng pagpapabaya, gaya ng dumadalas na pagliban sa mga pulong, kawalan ng sigasig sa ministeryo, o naglalahong kasiglahan para sa personal na pag-aaral? Maselan ang gayong mga palatandaan! Kailangan nating kumilos ngayon upang patatagin at palakasin ang ating sarili sa katotohanan.—1 Timoteo 4:15; 2 Timoteo 4:2; Hebreo 10:24, 25.
16. Ano ang ibig sabihin ng pananalangin taglay ang banal na espiritu, at ano ang isang bagay na dapat nating palagiang hingin kay Jehova?
16 Ang pangalawang paraan upang manatili sa pag-ibig ng Diyos ay ang patuloy na “pananalangin taglay ang banal na espiritu.” (Judas 20) Nangangahulugan ito ng pananalangin sa ilalim ng impluwensiya ng espiritu ni Jehova at kasuwato ng kaniyang Salita na kinasihan ng espiritu. Ang panalangin ay isang mahalagang paraan ng paglapit kay Jehova nang personal at pagpapahayag ng ating debosyon sa kaniya. Hindi natin dapat kaligtaan kailanman ang napakainam na pribilehiyong ito! At kapag nananalangin tayo, maaari tayong humingi—sa katunayan, patuloy na humingi—ng banal na espiritu. (Lucas 11:13) Ito ang pinakamalakas na puwersang magagamit natin. Sa tulong nito, palagi tayong makapananatili sa pag-ibig ng Diyos at makapagbabata bilang mga kawal ni Kristo.
17. (a) Bakit lubhang kahanga-hanga ang halimbawa ni Judas tungkol sa awa? (b) Paano maaaring patuloy na magpakita ng awa ang bawat isa sa atin?
17 Ikatlo, hinihimok tayo ni Judas na magpatuloy sa pagpapakita ng awa. (Judas 22) Kahanga-hanga ang kaniyang sariling halimbawa sa bagay na ito. Sa katunayan, tama lamang na mabahala siya sa katiwalian, imoralidad, at apostasya na pumapasok sa kongregasyong Kristiyano. Gayunpaman, hindi siya nagpadaig sa takot, anupat sinunod ang pangmalas na ang panahong iyon ay medyo napakamapanganib upang magpakita ng gayong “malambot” na katangian gaya ng awa. Hindi, hinimok niya ang kaniyang mga kapatid na magpatuloy sa pagpapakita ng awa kailanma’t posible, na may kabaitang nangangatuwiran sa mga nag-aalinlangan at ‘inaagaw pa nga sa apoy’ yaong napupunta sa bingit ng malubhang pagkakasala. (Judas 23; Galacia 6:1) Anong inam na payo para sa matatanda sa maligalig na panahong ito! Sila man ay nagsisikap na magpakita ng awa saanma’t may saligan para rito, samantalang nananatiling matatag kapag kinakailangan. Nais din naman nating lahat na magpakita ng awa sa isa’t isa. Halimbawa, sa halip na magtanim ng sama ng loob hinggil sa maliliit na bagay, maaari tayong magpatawad nang sagana.—Colosas 3:13.
18. Paano tayo makatitiyak ng tagumpay sa ating espirituwal na pakikipagdigma?
18 Hindi madali ang ating pakikidigma. Gaya ng sabi ni Judas, ito ay isang ‘puspusang pakikipaglaban.’ (Judas 3) Makapangyarihan ang ating mga kaaway. Hindi lamang si Satanas kundi pati ang kaniyang balakyot na sanlibutan at ang ating sariling di-kasakdalan ay pawang nakaumang laban sa atin. Gayunman, lubusan tayong makapagtitiwala na tayo’y magtatagumpay! Bakit? Sapagkat tayo ay nasa panig ni Jehova. Tinapos ni Judas ang kaniyang liham sa pamamagitan ng isang paalaala na si Jehova ay makatuwirang nagtataglay ng “kaluwalhatian, karingalan, kalakasan at awtoridad sa buong walang-hanggang nagdaan at ngayon at sa buong walang-hanggan.” (Judas 25) Hindi ba ito isang kahanga-hangang kaisipan? May alinlangan pa ba, kung gayon, na ang Diyos ding ito ay “may kakayahang magbantay sa inyo mula sa pagkakatisod”? (Judas 24) Talagang wala! Maging pasiya nawa ng bawat isa sa atin na patuloy na paglabanan ang imoralidad, igalang ang awtoridad na itinalaga ng Diyos, at panatilihin ang ating sarili sa pag-ibig ng Diyos. Sa ganitong paraan, magkakasama nating tatamasahin ang isang maluwalhating tagumpay.
[Talababa]
a Iginigiit ng ilang mananaliksik na si Judas ay sumipi mula sa apokripang Book of Enoch. Gayunman, sinabi ni R. C. H. Lenski: “Nagtatanong tayo: ‘Ano ang pinagmulan ng nakalilitong akdang ito, ang Book of Enoch?’ Ang aklat na ito ay isang pagdaragdag, at walang nakatitiyak sa mga petsa ng iba’t ibang bahagi nito . . . ; walang makatitiyak na ang ilan sa mga pahayag nito ay hindi, marahil, galing kay Judas mismo.”
Mga Tanong sa Repaso
◻ Paano tayo tinuturuan ng liham ni Judas upang paglabanan ang imoralidad?
◻ Bakit napakahalagang gumalang sa awtoridad na hinirang ng Diyos?
◻ Ano ang napakaselan tungkol sa maling paggamit ng awtoridad sa kongregasyon?
◻ Paano natin mapagsisikapang manatili sa pag-ibig ng Diyos?
[Larawan sa pahina 15]
Di-tulad ng mga Romanong kawal, ang mga Kristiyano ay may espirituwal na pakikipagdigma
[Larawan sa pahina 18]
Naglilingkod ang Kristiyanong mga pastol, hindi udyok ng kaimbutan, kundi udyok ng pag-ibig