Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
“Panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos, habang hinihintay ninyo ang awa ng ating Panginoong Jesu-Kristo tungo sa buhay na walang hanggan.”—JUD. 21.
1, 2. Paano ipinakita ni Jehova na mahal niya tayo? Paano natin nalaman na hindi tayo basta na lamang makapananatili sa kaniyang pag-ibig?
IPINAKIKITA ng Diyos na Jehova sa napakaraming paraan na mahal niya tayo. Subalit ang pinakamatibay na patotoo na mahal tayo ni Jehova ay ang paglalaan niya ng haing pantubos. Napakalaki ng pag-ibig niya sa tao anupat isinugo niya sa lupa ang kaniyang minamahal na Anak upang mamatay alang-alang sa atin. (Juan 3:16) Ginawa ito ni Jehova dahil nais niyang mabuhay tayo magpakailanman at makinabang nang walang hanggan sa kaniyang pag-ibig!
2 Pero dapat ba nating isipin na mananatili tayo sa pag-ibig ni Jehova anuman ang gawin natin? Hindi, dahil sinasabi sa Judas 21: “Panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos, habang hinihintay ninyo ang awa ng ating Panginoong Jesu-Kristo tungo sa buhay na walang hanggan.” Ang pananalitang “panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos” ay nagpapahiwatig na may dapat tayong gawin. Ano ang dapat nating gawin para manatili sa pag-ibig ng Diyos?
Paano Tayo Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos?
3. Ano ang sinabi ni Jesus na dapat niyang gawin para manatili sa pag-ibig ng kaniyang Ama?
3 Makikita natin ang sagot sa tanong na iyan sa sinabi ni Jesus noong gabi bago siya mamatay. Sinabi niya: “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, kayo ay mananatili sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng Ama at nananatili sa kaniyang pag-ibig.” (Juan 15:10) Maliwanag na alam ni Jesus na dapat niyang sundin ang mga utos ni Jehova upang manatili sa pag-ibig ng kaniyang Ama. Kung kapit ito sa sakdal na Anak ng Diyos, siguradong kapit din ito sa atin.
4, 5. (a) Ano ang pangunahing paraan upang maipakitang mahal natin si Jehova? (b) Bakit wala tayong dahilan para hindi sumunod sa mga utos ni Jehova?
4 Ipinakikita nating mahal natin si Jehova pangunahin na sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniya. Ganito ang sinabi ni apostol Juan: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Totoo, hindi gusto ng karamihan sa sanlibutang ito ang ideya ng pagsunod sa iba. Pero pansinin ang pariralang ito: “Gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” Hindi tayo hinihilingan ni Jehova na gumawa ng isang bagay na mahihirapan tayong gawin.
5 Bilang halimbawa: Hihilingan mo ba ang isang kaibigan na buhatin ang isang bagay na napakabigat para sa kaniya? Siyempre hindi! Di-hamak na mas mabait sa atin si Jehova at mas alam niya ang ating mga limitasyon. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ‘inaalaala ni Jehova na tayo ay alabok.’ (Awit 103:14) Hindi siya hihiling ng isang bagay na higit sa ating makakaya. Kaya walang dahilan para hindi tayo sumunod sa mga utos ni Jehova. Sa katunayan, alam natin na kapag sinusunod natin ang ating makalangit na Ama, ipinakikita natin na talagang mahal natin siya at nais nating manatili sa kaniyang pag-ibig.
Isang Natatanging Regalo Mula kay Jehova
6, 7. (a) Ano ang budhi? (b) Ilarawan kung paano tayo matutulungan ng budhi na manatili sa pag-ibig ng Diyos.
6 Sa masalimuot na daigdig na kinabubuhayan natin, marami tayong pagpapasiya na nagsasangkot ng pagsunod sa Diyos. Paano natin matitiyak na ayon sa kalooban ng Diyos ang ating mga pasiya? Binigyan tayo ni Jehova ng isang regalo na talagang makatutulong sa atin na sumunod sa kaniya. Ito ay ang budhi. Ano ito? Ito ay isang pantanging kakayahan na suriin ang ating sarili. Para itong isang hukom na tumutulong sa atin na suriin ang ating mga pagpapasiya sa buhay o bulay-bulayin ang mga nagawa natin at alamin kung ang mga ito ba ay mabuti o masama, tama o mali.—Basahin ang Roma 2:14, 15.
7 Paano tayo matutulungan ng ating budhi? Isaalang-alang ang isang ilustrasyon. Isang manlalakbay ang naglalakad sa isang napakalawak na ilang. Walang mga kalsada at karatula. Gayunman, alam pa rin niya ang direksiyon patungo sa kaniyang pupuntahan. Paano nangyari iyon? Gamit niya ang isang kompas. Mayroon itong apat na pangunahing direksiyon at isang magnetikong karayom na laging nakaturo sa hilaga. Kung walang kompas, tiyak na maliligaw ang manlalakbay na ito. Sa katulad na paraan, kung walang budhi ang isang tao, maaari siyang maligaw, wika nga, kapag gumagawa ng mga pasiya ayon sa mga pamantayang moral at kagandahang-asal.
8, 9. (a) Ano ang dapat nating tandaan hinggil sa limitasyon ng ating budhi? (b) Ano ang maaari nating gawin upang talagang matulungan tayo ng ating budhi?
8 Gayunman, tulad ng kompas, may limitasyon ang budhi. Kung itatabi ng manlalakbay ang isang magnet sa kaniyang kompas, hindi na gagana nang wasto ang karayom nito. Sa katulad na paraan, kung hahayaan nating mangibabaw ang makasariling mga hangarin ng ating puso kapag tayo’y nagpapasiya, ano ang mangyayari? Maiimpluwensiyahan ang ating budhi. Nagbabala ang Bibliya na “ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib.” (Jer. 17:9; Kaw. 4:23) Isa pa, kung ang manlalakbay ay walang tumpak at maaasahang mapa, walang gaanong silbi ang kaniyang kompas. Sa katulad na paraan, kung hindi tayo aasa sa mapananaligan at di-nagbabagong patnubay ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, baka hindi rin tayo matulungan ng ating budhi. (Awit 119:105) Nakalulungkot, maraming tao sa daigdig na ito ang nagtutuon ng labis na pansin sa hangarin ng puso. Hindi nila halos binibigyang-pansin ang mga pamantayan sa Salita ng Diyos, o lubusan pa nga nila itong binabale-wala. (Basahin ang Efeso 4:17-19.) Iyan ang dahilan kung bakit napakaraming tao ang gumagawa ng kahila-hilakbot na mga bagay, kahit may budhi sila.—1 Tim. 4:2.
9 Ayaw nating maging ganiyan! Sa halip, hayaan nating turuan at sanayin ng Salita ng Diyos ang ating budhi upang talagang matulungan tayo nito. Pakinggan natin ang ating budhing sinanay sa Bibliya sa halip na magpadaig sa ating sakim na mga hangarin. Kasabay nito, sikapin nating igalang ang budhi ng ating mahal na mga kapatid sa espirituwal. Gawin natin ang lahat upang huwag silang matisod, anupat isinasaisip na ang budhi ng ating mga kapatid ay maaaring mas sensitibo kaysa sa atin.—1 Cor. 8:12; 2 Cor. 4:2; 1 Ped. 3:16.
10. Anong tatlong pitak ng buhay ang tatalakayin natin?
10 Isaalang-alang natin ngayon ang tatlong paraan—tatlong pitak ng buhay—kung saan maipakikita natin ang ating pag-ibig kay Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniya. Nasasangkot ang budhi sa tatlong pitak na ito. Kaya upang mabigyan tayo ng tamang patnubay, ang ating budhi ay dapat magabayan ng kinasihang mga pamantayan ng paggawi mula sa Bibliya. Maibigin nating sinusunod si Jehova sa tatlong paraan: (1) Iniibig natin ang mga iniibig niya, (2) iginagalang natin ang mga nasa awtoridad, at (3) sinisikap nating manatiling malinis sa paningin ng Diyos.
Ibigin ang mga Iniibig ni Jehova
11. Bakit natin dapat ibigin ang mga iniibig ni Jehova?
11 Una, dapat nating ibigin ang mga iniibig ni Jehova. Ang mga tao ay parang espongha. Napakadali nilang masipsip o makuha ang mga saloobin, pamantayan, at pag-uugali ng kanilang mga kasama. Alam na alam ng ating Maylalang na para sa di-sakdal na mga tao, maaaring maging mapanganib—o makabuti—ang mga kasama. Kaya nagbigay siya ng matalinong payo: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kaw. 13:20; 1 Cor. 15:33) Walang sinuman sa atin ang gustong ‘mapariwara.’ Gusto nating maging “marunong.” Sukdulan na ang karunungan ni Jehova, at hindi rin siya maiimpluwensiyahan ng sinuman. Pero nagpakita siya ng magandang halimbawa sa atin may kinalaman sa pagpili ng mga kaibigan. Isipin ito—sinong di-sakdal na mga tao ang pinipili ni Jehova na maging kaibigan niya?
12. Anong uri ng kaibigan ang pinipili ni Jehova?
12 Tinawag ni Jehova ang patriyarkang si Abraham na “aking kaibigan.” (Isa. 41:8) Ang lalaking ito ay nagpakita ng mainam na halimbawa ng pagiging tapat, matuwid, at masunurin. (Sant. 2:21-23) Iyan ang uri ng kaibigan na pinipili ni Jehova. Ganiyan ding uri ng tao ang pinipili niyang maging kaibigan ngayon. Kung ganiyang uri ng kaibigan ang pinipili ni Jehova, hindi ba napakahalaga na piliin nating mabuti ang ating mga kasama, upang makasama ang marurunong at maging marunong?
13. Ano ang makatutulong sa atin na pumili ng mabuting mga kaibigan?
13 Ano ang makatutulong sa iyo na pumili ng mabuting mga kaibigan? Makatutulong kung pag-aaralan natin ang mga halimbawa sa Bibliya, gaya ng pagkakaibigan ni Ruth at ng kaniyang biyenang si Noemi, nina David at Jonatan, at nina Timoteo at Pablo. (Ruth 1:16, 17; 1 Sam. 23:16-18; Fil. 2:19-22) Naging matalik silang magkaibigan, pangunahin na, dahil iniibig nila si Jehova. Makahahanap ka ba ng mga kaibigan na umiibig kay Jehova gaya mo? Tiyak na maraming ganiyang mga kaibigan sa kongregasyong Kristiyano. Hindi ka nila aakaying gumawa ng anumang bagay na magiging dahilan upang mapariwara ka o masira ang iyong kaugnayan kay Jehova. Sa halip, tutulungan ka nilang sumunod kay Jehova, sumulong sa espirituwal, at maghasik may kinalaman sa espiritu. (Basahin ang Galacia 6:7, 8.) Tutulungan ka nilang manatili sa pag-ibig ng Diyos.
Igalang ang Awtoridad
14. Bakit karaniwan nang mahirap magpakita ng paggalang sa mga nasa awtoridad?
14 Ang ikalawang paraan kung paano natin maipakikita ang ating pag-ibig kay Jehova ay may kinalaman sa awtoridad. Dapat nating igalang ang mga nasa awtoridad. Bakit kaya napakahirap itong gawin kung minsan? Ang isang dahilan ay hindi sakdal ang mga taong may awtoridad sa atin. Isa pa, tayo mismo ay hindi rin sakdal. Nakikipagpunyagi tayo sa likas na hilig na maghimagsik.
15, 16. (a) Bakit mahalagang igalang ang mga binigyan ni Jehova ng awtoridad na mangalaga sa kaniyang bayan? (b) Anong mahalagang aral ang matututuhan natin sa nadama ni Jehova nang magrebelde ang mga Israelita kay Moises?
15 Kaya baka itanong mo, ‘Kung napakahirap igalang ng mga nasa awtoridad, bakit natin ito kailangang gawin?’ Ang sagot ay may kaugnayan sa isyu ng soberanya. Sino ang pipiliin mong soberano o tagapamahala? Kung si Jehova ang pipiliin nating Soberano, kailangan nating igalang ang kaniyang awtoridad. Kung hindi, talaga bang masasabi nating siya ang ating Tagapamahala? Karagdagan pa, karaniwan nang binibigyan ni Jehova ng awtoridad ang di-sakdal na mga tao upang mangalaga sa kaniyang bayan. Kung magrerebelde tayo sa mga taong ito, ano kaya ang magiging tingin sa atin ni Jehova?—Basahin ang 1 Tesalonica 5:12, 13.
16 Halimbawa, nang magbulung-bulungan at magrebelde kay Moises ang mga Israelita, itinuring ni Jehova na sa kaniya mismo sila nagrebelde. (Bil. 14:26, 27) Hindi nagbago ang Diyos. Kung magrerebelde tayo sa mga binigyan niya ng awtoridad, nagrerebelde tayo sa kaniya!
17. Ano ang dapat nating maging saloobin sa mga may awtoridad sa kongregasyon?
17 Sinabi ni apostol Pablo kung ano ang dapat nating maging saloobin sa mga may pananagutan sa kongregasyong Kristiyano. Isinulat niya: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntunghininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.” (Heb. 13:17) Totoo, hindi madaling maging masunurin at mapagpasakop. Pero kung puspusan tayong magsisikap na gawin ito, mananatili tayo sa pag-ibig ng Diyos. Tiyak na sulit ang gayong pagsisikap.
Manatiling Malinis sa Paningin ni Jehova
18. Bakit nais ni Jehova na manatili tayong malinis?
18 Isaalang-alang natin ang ikatlong paraan upang maipakita ang ating pag-ibig kay Jehova. Sinisikap nating manatiling malinis sa paningin ni Jehova. Karaniwan nang nagsisikap nang husto ang mga magulang upang matiyak na malinis ang kanilang mga anak. Bakit? Dahil para ito sa kalusugan at ikabubuti ng bata. Bukod diyan, kapag malinis ang bata, nagbibigay ito ng magandang impresyon sa kaniyang pamilya. Ipinakikita nito na iniibig at inaasikaso siya ng kaniyang mga magulang. Sa gayunding mga dahilan, nais ni Jehova na maging malinis tayo. Alam niyang para ito sa ating ikabubuti. Alam din niya na kung malinis tayo, magiging mabuti ang impresyon sa kaniya bilang ating Ama sa langit. Napakahalaga niyan, sapagkat maaaring maakit ang mga tao sa Diyos na ating pinaglilingkuran dahil nakikita nilang naiiba tayo sa mga tao sa maruming sanlibutang ito.
19. Bakit mahalaga ang pisikal na kalinisan?
19 Sa anu-anong paraan tayo kailangang manatiling malinis? Sa lahat ng aspekto ng ating buhay. Sa sinaunang Israel, niliwanag ni Jehova sa kaniyang bayan na kailangan silang maging malinis sa pisikal. (Lev. 15:31) Kabilang sa Kautusang Mosaiko ang mga bagay na may kinalaman sa pagtatapon ng dumi, paglilinis ng mga sisidlan, paghuhugas ng kamay at paa, at paglalaba ng damit. (Ex. 30:17-21; Lev. 11:32; Bil. 19:17-20; Deut. 23:13, 14) Ipinaalaala sa mga Israelita na ang kanilang Diyos na si Jehova, ay banal—na nangangahulugang “malinis,” “dalisay,” at “sagrado.” Ang mga lingkod ng banal na Diyos ay kailangan ding maging banal.—Basahin ang Levitico 11:44, 45.
20. Sa anu-anong paraan dapat tayong manatiling malinis?
20 Oo, kailangan nating maging malinis sa lahat ng bagay. Sinisikap nating panatilihing malinis ang ating isipan. Sinusunod natin ang mga pamantayan ni Jehova hinggil sa kalinisan sa moral, kahit napakababa ng moral ng mga tao sa daigdig. Pinakamahalaga sa lahat, sinisikap nating manatiling malinis ang ating pagsamba, anupat iniiwasan nating marumhan ng huwad na relihiyon sa anumang paraan. Lagi nating isinasaisip ang kinasihang babala sa Isaias 52:11: “Lumayo kayo, lumayo kayo, lumabas kayo riyan, huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi; lumabas kayo mula sa gitna niya, manatili kayong malinis.” Sa ngayon, nananatili tayong malinis sa espirituwal sa pamamagitan ng hindi paghipo sa anumang bagay na itinuturing ng ating Ama sa langit na nakapagpaparumi sa ating paraan ng pagsamba. Dahil dito, hindi tayo nakikibahagi sa mga selebrasyon ng huwad na relihiyon na napakapopular sa daigdig ngayon. Totoo, isang hamon ang manatiling malinis. Pero pinagsisikapan itong gawin ng bayan ni Jehova sapagkat natutulungan sila nitong manatili sa pag-ibig ng Diyos.
21. Paano natin matitiyak na mananatili tayo sa pag-ibig ng Diyos?
21 Gusto ni Jehova na manatili tayo sa kaniyang pag-ibig magpakailanman. Pero bilang mga indibiduwal, kailangan nating gawin ang ating buong makakaya upang manatili sa pag-ibig ng Diyos. Magagawa natin ito kung tutularan natin ang halimbawa ni Jesus at patutunayang mahal natin si Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa Kaniyang mga utos. Sa paggawa nito, matitiyak natin na walang “makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.”—Roma 8:38, 39.
Natatandaan Mo Ba?
• Paano tayo matutulungan ng ating budhi na manatili sa pag-ibig ng Diyos?
• Bakit natin dapat ibigin ang mga iniibig ni Jehova?
• Bakit napakahalagang igalang ang mga nasa awtoridad?
• Gaano kahalaga ang kalinisan sa bayan ng Diyos?
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
ISANG AKLAT NA MAGPAPAKILOS SA ATIN NA GUMAWI NANG TAMA
Sa programa ng 2008/2009 pandistritong kombensiyon, inilabas ang 224-na-pahinang aklat na pinamagatang Manatili sa Pag-ibig ng Diyos. Ano ang layunin ng aklat na ito? Dinisenyo ito upang tulungan ang mga Kristiyano na matutuhan at pahalagahan ang mga pamantayan ni Jehova, lalo na may kaugnayan sa Kristiyanong paggawi. Kung masusi nating pag-aaralan ang aklat na ito, tiyak na titibay ang ating pagtitiwala na ang pamumuhay ayon sa mga pamantayan ni Jehova ang pinakamainam para sa atin ngayon. Aakayin tayo nito sa buhay na walang hanggan.
Higit pa riyan, nilayon ang aklat na ito na tulungan tayong makita na hindi pabigat ang pagsunod kay Jehova. Sa katunayan, ito ay isang paraan upang ipakita kung gaano natin siya kamahal. Kaya mapakikilos tayo ng aklat na ito na tanungin ang ating sarili, ‘Bakit ko sinusunod si Jehova?’
Nakalulungkot, ang ilan ay hindi nanatili sa pag-ibig ni Jehova. Karaniwan nang dahil ito sa paggawi, hindi sa doktrina. Kung gayon, napakahalaga ngang patibayin natin ang ating pag-ibig at pagpapahalaga sa mga utos at simulain ni Jehova na nakaaapekto sa ating buhay! Nagtitiwala kami na ang bagong aklat na ito ay makatutulong sa mga tupa ni Jehova sa buong daigdig na manindigan sa kung ano ang tama, patunayan na sinungaling si Satanas, at higit sa lahat, manatili sa pag-ibig ng Diyos!—Jud. 21.
[Larawan sa pahina 18]
“Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, kayo ay mananatili sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng Ama at nananatili sa kaniyang pag-ibig”