Panatilihin ang Iyong Sarili sa Pag-ibig ng Diyos!
“Mga minamahal, . . . panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos, . . . tungo sa buhay na walang hanggan.”—JUDAS 20, 21.
1, 2. Paano ka makapananatili sa pag-ibig ng Diyos?
GAYON na lamang ang pag-ibig ni Jehova sa sanlibutan ng sangkatauhan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak upang ang mga nananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16) Kaylaking pribilehiyo na maranasan ang gayong pag-ibig! Kung isa kang lingkod ni Jehova, tiyak na gusto mong matamasa nang walang hanggan ang pag-ibig na iyan.
2 Ipinaalam ng alagad na si Judas kung paano ka makapananatili sa pag-ibig ng Diyos. “Sa pamamagitan ng pagpapatibay ng inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya, at pananalangin taglay ang banal na espiritu,” ang isinulat ni Judas, “panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos, habang hinihintay ninyo ang awa ng ating Panginoong Jesu-Kristo tungo sa buhay na walang hanggan.” (Judas 20, 21) Ang pag-aaral ng Salita ng Diyos at pangangaral ng mabuting balita ay magpapatibay sa iyo sa “kabanal-banalang pananampalataya”—ang mga turong Kristiyano. Upang manatili sa pag-ibig ng Diyos, kailangan mong manalangin “taglay ang banal na espiritu,” o sa impluwensiya nito. Upang pagkalooban ng buhay na walang hanggan, kailangan mo ring manampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo.—1 Juan 4:10.
3. Bakit ang ilan ay hindi na mga Saksi ni Jehova?
3 Ang ilan na dating mananampalataya ay hindi nanatili sa pag-ibig ng Diyos. Dahil pinili nila ang makasalanang landasin, hindi na sila mga Saksi ni Jehova. Paano mo maiiwasan ang gayong kalagayan? Ang pagbubulay-bulay sa sumusunod na mga punto ay maaaring tumulong sa iyo na iwasang magkasala at manatili sa pag-ibig ng Diyos.
Ipakita ang Iyong Pag-ibig sa Diyos
4. Gaano kahalaga ang pagsunod sa Diyos?
4 Ipakita ang iyong pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniya. (Mateo 22:37) “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos,” ang isinulat ni apostol Juan, “na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Ang kinagawiang pagsunod sa Diyos ay magpapatibay sa iyo na labanan ang tukso at magpapasaya rin sa iyo. Sinabi ng salmista: “Maligaya ang taong hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot, . . . kundi ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova.”—Awit 1:1, 2.
5. Ang pag-ibig kay Jehova ay mag-uudyok sa iyo na gawin ang ano?
5 Ang pag-ibig mo kay Jehova ang mag-uudyok sa iyo na iwasang gumawa ng malubhang pagkakasala na magdudulot ng upasala sa kaniyang pangalan. “Huwag mo akong bigyan ng karalitaan ni ng kayamanan man,” ang panalangin ni Agur. “Ipaubos mo sa akin ang pagkaing itinakda para sa akin, upang hindi ako mabusog at ikaila nga kita at sabihin ko: ‘Sino si Jehova?’ at upang hindi ako sumapit sa karalitaan at magnakaw nga at lapastanganin ko ang pangalan ng aking Diyos.” (Kawikaan 30:1, 8, 9) Maging determinadong huwag ‘lapastanganin ang pangalan ng Diyos’ sa pamamagitan ng pagdudulot ng upasala sa kaniya. Sa halip, palaging sikaping gumawa ng mga bagay na magdudulot ng kaluwalhatian sa kaniya.—Awit 86:12.
6. Ano ang maaaring mangyari kung sasadyain mong gumawa ng kasalanan?
6 Humingi ng tulong sa iyong maibiging makalangit na Ama sa pamamagitan ng regular na pananalangin upang malabanan ang tuksong gumawa ng kasalanan. (Mateo 6:13; Roma 12:12) Patuloy na sundin ang payo ng Diyos upang hindi mahadlangan ang iyong mga panalangin. (1 Pedro 3:7) Kung sasadyain mong gumawa ng kasalanan, kalunus-lunos ang magiging resulta, sapagkat sa makasagisag na diwa, hinaharangan ni Jehova ng kaulapan ang mga mapaghimagsik na lumalapit sa kaniya upang ang kanilang mga panalangin ay hindi makarating sa kaniya. (Panaghoy 3:42-44) Kaya magpakita ng kapakumbabaan, at manalangin na sana’y hindi ka makagawa ng anuman na magkakait sa iyo ng pribilehiyong makalapit sa Diyos sa panalangin.—2 Corinto 13:7.
Ibigin ang Anak ng Diyos
7, 8. Paano makatutulong ang pagbibigay-pansin sa payo ni Jesus upang matanggihan ng isa ang makasalanang landasin?
7 Ipakita mo ang iyong pag-ibig kay Jesu-Kristo sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga utos, sapagkat ito ang tutulong sa iyo na tanggihan ang makasalanang landasin. “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos,” ang sabi ni Jesus, “kayo ay mananatili sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng Ama at nananatili sa kaniyang pag-ibig.” (Juan 15:10) Paano makatutulong ang pagkakapit mo sa mga salita ni Jesus upang manatili ka sa pag-ibig ng Diyos?
8 Ang pagbibigay-pansin sa mga salita ni Jesus ay tutulong sa iyo na makapanghawakan sa mga simulain hinggil sa moralidad. Sinasabi ng Kautusan ng Diyos sa Israel: “Huwag kang mangangalunya.” (Exodo 20:14) Subalit inihayag ni Jesus ang simulaing nasa likod ng utos na iyon sa pagsasabi: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:27, 28) Sinabi ni apostol Pedro na ang ilan sa unang-siglong kongregasyon ay may “mga matang punô ng pangangalunya” at “inaakit nila ang mga kaluluwang di-matatag.” (2 Pedro 2:14) Gayunman, di-tulad nila, maaari kang makaiwas sa seksuwal na imoralidad kung iniibig at sinusunod mo ang Diyos at si Kristo at kung determinado kang panatilihin ang kaugnayan mo sa kanila.
Magpaakay sa Espiritu ni Jehova
9. Hinggil sa banal na espiritu, ano ang maaaring mangyari kung mamimihasa ang isa sa paggawa ng kasalanan?
9 Manalangin ukol sa banal na espiritu ng Diyos, at hayaang akayin ka nito. (Lucas 11:13; Galacia 5:19-25) Kung mamimihasa ka sa paggawa ng kasalanan, maaaring alisin sa iyo ng Diyos ang kaniyang espiritu. Matapos magkasala si David may kaugnayan kay Bat-sheba, nagsumamo siya sa Diyos: “Huwag mo akong itaboy mula sa iyong harapan; at ang iyong banal na espiritu ay huwag mo sanang alisin sa akin.” (Awit 51:11) Dahil hindi nagsisi si Haring Saul, naiwala niya ang espiritu ng Diyos. Nagkasala si Saul dahil naghandog siya ng haing sinusunog at hindi niya nilipol ang lahat ng kawan, bakahan, at pati ang hari ng mga Amalekita. Mula noon, inalis ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu kay Saul.—1 Samuel 13:1-14; 15:1-35; 16:14-23.
10. Bakit dapat mong itakwil ang mismong pag-iisip na mamihasa sa kasalanan?
10 Itakwil ang mismong pag-iisip na mamihasa sa kasalanan. “Kung sinasadya nating mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan,” ang isinulat ni apostol Pablo, “wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan.” (Hebreo 10:26-31) Napakasaklap ng iyong kahihinatnan kung sasadyain mong mamihasa sa kasalanan!
Magpakita ng Tunay na Pag-ibig sa Kapuwa
11, 12. Sa anu-anong paraan tutulong ang pag-ibig at paggalang upang mapigilan ang isa sa paggawa ng seksuwal na kahalayan?
11 Pag-ibig sa kapuwa ang pipigil sa iyo sa paggawa ng seksuwal na kahalayan. (Mateo 22:39) Ang gayong pag-ibig ang mag-uudyok sa iyo na ingatan ang iyong puso upang hindi ka akitin nito na agawin ang pag-ibig ng asawa ng iba. Ang paggawa nito ay aakay sa iyo na magkasala ng pangangalunya. (Kawikaan 4:23; Jeremias 4:14; 17:9, 10) Tularan ang tapat na si Job. Hindi niya hinayaan ang kaniyang sarili na magbigay-pansin sa ibang babae maliban sa kaniyang asawa.—Job 31:1.
12 Makatutulong sa iyo ang paggalang sa kabanalan ng pag-aasawa upang maiwasan mong gumawa ng malubhang kasalanan. Nilayon ng Diyos ang marangal na pag-aasawa at pagtatalik para magparami ng tao. (Genesis 1:26-28) Tandaan na ang mga sangkap sa sekso ay ginagamit sa pag-aanak o pagpaparami ng buhay, na isang sagradong bagay. Ang mga mapakiapid at mangangalunya ay sumusuway sa Diyos, nagpaparungis sa pagtatalik, hindi gumagalang sa kabanalan ng pag-aasawa, at nagkakasala laban sa kanilang sariling katawan. (1 Corinto 6:18) Subalit ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa na nilakipan ng makadiyos na pagkamasunurin ay tutulong sa isang tao na iwasan ang paggawing maaaring humantong sa pagkatiwalag niya mula sa kongregasyong Kristiyano.
13. Paanong ang isang taong imoral ay “sumisira ng mahahalagang pag-aari”?
13 Kailangan nating supilin ang masasamang kaisipan upang hindi natin masaktan ang ating mga mahal sa buhay. “Siyang nakikisama sa mga patutot ay sumisira ng mahahalagang pag-aari,” ang sabi ng Kawikaan 29:3. Sinisira ng isang di-nagsisising mangangalunya ang kaniyang kaugnayan sa Diyos at winawasak niya ang buklod ng pamilya. May saligan ang kaniyang asawang babae para sa diborsiyo. (Mateo 19:9) Ang lalaki man o ang babae ang nagkasala, ang paghihiwalay ng mag-asawa ay nagdudulot sa inosenteng kabiyak, sa mga anak, at sa iba ng napakatinding sakit. Tiyak na sasang-ayon ka na ang matinding pinsalang idinudulot ng imoral na paggawi ay dapat mag-udyok sa atin na labanan ang tukso ng imoralidad.
14. Anong aral ang matututuhan natin sa Kawikaan 6:30-35 hinggil sa paggawa ng masama?
14 Ang katotohanan na walang puwedeng gawin para ibsan ang epekto ng pangangalunya ay dapat mag-udyok sa isa na iwasang gawin ang malubhang kasakimang ito. Ipinakikita ng Kawikaan 6:30-35 na bagaman nakikiramay ang mga tao sa isang magnanakaw na nagnanakaw dahil sa gutom, hinahamak naman nila ang isang mangangalunya dahil masama ang kaniyang motibo. ‘Ipinapahamak niya ang kaniyang sariling kaluluwa [o, buhay].’ Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, dapat siyang patayin. (Levitico 20:10) Ang isang taong nangalunya ay nagdudulot sa iba ng pasakit para lamang masapatan ang kaniyang masamang pita, at ang di-nagsisising mangangalunya ay hindi nananatili sa pag-ibig ng Diyos kundi itinitiwalag sa malinis na kongregasyong Kristiyano.
Panatilihin ang Malinis na Budhi
15. Ano ang kalagayan ng isang budhing natatakan “na waring sa pamamagitan ng pangherong bakal”?
15 Upang manatili sa pag-ibig ng Diyos, hindi natin hahayaang maging manhid ang ating budhi pagdating sa kasalanan. Maliwanag, hindi natin dapat sang-ayunan ang napakababang mga pamantayang moral ng sanlibutan, at kailangan nating maging maingat sa mga bagay na gaya ng pagpili ng mga kasama, babasahin, at paglilibang. Nagbabala si Pablo: “Sa mga huling yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo, sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsasalita ng mga kasinungalingan, na natatakan sa kanilang budhi na waring sa pamamagitan ng pangherong bakal.” (1 Timoteo 4:1, 2) Ang budhing natatakan “na waring sa pamamagitan ng pangherong bakal” ay tulad ng laman na may pilat dahil sa pagkapaso at wala itong pakiramdam. Hindi na tayo bababalaan ng gayong budhi para lumayo sa mga apostata at sa mga situwasyong maaaring umakay sa atin na humiwalay mula sa pananampalataya.
16. Bakit napakahalagang magkaroon ng malinis na budhi?
16 Ang ating kaligtasan ay nakadepende sa pagkakaroon natin ng malinis na budhi. (1 Pedro 3:21) Sa pamamagitan ng pananampalataya natin sa itinigis na dugo ni Jesus, nalinis ang ating budhi mula sa patay na mga gawa, “upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy.” (Hebreo 9:13, 14) Kung sasadyain nating gumawa ng kasalanan, madudungisan ang ating budhi at hindi na tayo maituturing na mga taong malinis na karapat-dapat sa paglilingkod sa Diyos. (Tito 1:15) Ngunit sa tulong ni Jehova, maaari tayong magkaroon ng malinis na budhi.
Iba Pang mga Paraan Upang Maiwasan ang Maling Paggawi
17. Ano ang kapakinabangan kung ‘susundin si Jehova nang lubusan’?
17 ‘Sundin si Jehova nang lubusan,’ gaya ng ginawa ni Caleb ng sinaunang Israel. (Deuteronomio 1:34-36) Gawin ang hinihiling sa iyo ng Diyos, at huwag kailanman pag-isipang makibahagi sa “mesa ng mga demonyo.” (1 Corinto 10:21) Tanggihan ang apostasya. Kumain nang may pagpapahalaga sa espirituwal na pagkaing nasa mesa lamang ni Jehova upang hindi ka mailigaw ng mga bulaang guro o ng balakyot na mga puwersang espiritu. (Efeso 6:12; Judas 3, 4) Ituon ang pansin sa espirituwal na mga bagay, gaya ng pag-aaral sa Bibliya, pagdalo sa mga pagpupulong, at pakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Tiyak na magiging maligaya ka kung susundin mo nang lubusan si Jehova at kung marami kang ginagawa sa gawain ng Panginoon.—1 Corinto 15:58.
18. Paano makaaapekto sa iyong paggawi ang pagkatakot kay Jehova?
18 Maging determinadong ‘mag-ukol sa Diyos ng sagradong paglilingkod nang may makadiyos na takot at sindak.’ (Hebreo 12:28) Ang mapitagang pagkatakot kay Jehova ay mag-uudyok sa iyo na tanggihan ang anumang likong landasin. Tutulungan ka nito na gumawi kaayon ng payo ni Pedro sa kaniyang kapuwa mga pinahiran: “Kung tumatawag kayo sa Ama na humahatol nang walang pagtatangi ayon sa gawa ng bawat isa, gumawi kayo nang may takot sa panahon ng inyong paninirahan bilang dayuhan.”—1 Pedro 1:17.
19. Bakit kailangan mong palaging ikapit ang mga bagay na natututuhan mo sa Salita ng Diyos?
19 Palaging ikapit ang mga natututuhan mo sa Salita ng Diyos. Tutulungan ka nitong umiwas sa paggawa ng malubhang kasalanan sapagkat patutunayan mong kabilang ka sa “kanila na dahil sa paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Sa halip na magpadalus-dalos sa pagsasalita at paggawi, maging maingat upang ang iyong paglakad ay tulad ng taong marunong, “na binibili ang naaangkop na panahon” sa mga araw na ito na balakyot. “Patuloy [mong] unawain kung ano ang kalooban ni Jehova,” at gawin ito nang patuluyan.—Efeso 5:15-17; 2 Pedro 3:17.
20. Bakit dapat nating iwasan ang kaimbutan?
20 Huwag bigyan ng dako ang kaimbutan—ang sakim na pagnanasa sa pag-aari ng iba. Isa sa Sampung Utos ay nagsasabi: “Huwag mong nanasain [“iimbutin,” Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino] ang bahay ng iyong kapuwa. Huwag mong nanasain ang asawa ng iyong kapuwa, ni ang kaniyang aliping lalaki ni ang kaniyang aliping babae ni ang kaniyang toro ni ang kaniyang asno ni ang anumang bagay na pag-aari ng iyong kapuwa.” (Exodo 20:17) Ang batas na ito ay nagsasanggalang sa bahay ng isang tao, sa kaniyang asawa, lingkod, mga hayop, at iba pa. Subalit ang pinakamahalaga ay ang sinabi ni Jesus na ang kaimbutan ay nagpaparungis sa isang tao.—Marcos 7:20-23.
21, 22. Anu-anong pag-iingat ang maaaring gawin ng isang Kristiyano upang maiwasang magkasala?
21 Gumawa ng pag-iingat upang hindi humantong sa kasalanan ang pagnanasa. Sumulat ang alagad na si Santiago: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na ito, ay nagluluwal ng kamatayan.” (Santiago 1:14, 15) Halimbawa, kung dating may problema sa pag-inom ang isang tao, maaari niyang ipasiya na huwag nang magkaroon ng anumang inuming de-alkohol sa kaniyang tahanan. Upang maiwasang matukso sa di-kasekso, maaaring kailanganin ng isang Kristiyano na lumipat ng lugar ng trabaho o humanap ng ibang trabaho.—Kawikaan 6:23-28.
22 Huwag gawin kahit ang unang hakbang na aakay sa pagkakasala. Ang pakikipagligaw-biro at ang pag-iisip ng imoral na mga bagay ay maaaring humantong sa pakikiapid o pangangalunya. Kapag nagsisinungaling ang isang tao sa maliliit na bagay, maaaring lumakas ang loob niya na magsinungaling tungkol sa malalaking bagay at maaari itong humantong sa pamimihasa sa kasalanan ng pagsisinungaling. Ang pang-uumit ay maaaring magpamanhid sa budhi ng indibiduwal hanggang sa punto na magnakaw na siya ng mas malaking halaga. Maging ang saglit na pagbibigay-daan sa apostatang kaisipan ay maaaring humantong sa kalaunan sa lubusang pagtataguyod ng apostasya.—Kawikaan 11:9; Apocalipsis 21:8.
Paano Kung Nagkasala Ka?
23, 24. Anong kaaliwan ang makukuha mula sa 2 Cronica 6:29, 30 at Kawikaan 28:13?
23 Ang lahat ng tao ay di-sakdal. (Eclesiastes 7:20) Subalit kung nakagawa ka ng malubhang kasalanan, makakakuha ka ng kaaliwan mula sa panalangin ni Haring Solomon nang pasinayaan ang templo ni Jehova. Nanalangin si Solomon sa Diyos: “Anumang panalangin, anumang paghiling ng lingap ang gawin ng sinumang tao o ng iyong buong bayang Israel, sapagkat alam ng bawat isa sa kanila ang kaniyang sariling salot at ang kaniyang sariling kirot; kapag talagang iniunat niya ang kaniyang mga palad patungo sa bahay na ito, kung gayon ay makinig ka nawa mula sa langit, ang iyong dakong tinatahanan, at magpatawad ka at magbigay sa bawat isa ng ayon sa lahat ng kaniyang mga lakad, sapagkat nalalaman mo ang kaniyang puso (sapagkat ikaw lamang ang lubos na nakaaalam sa puso ng mga anak ng sangkatauhan).”—2 Cronica 6:29, 30.
24 Oo, ang Diyos ay nakaaalam sa puso at mapagpatawad. Sinasabi ng Kawikaan 28:13: “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit siyang nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.” Sa pamamagitan ng may-pagsisising pagtatapat ng kasalanan at pag-iwan dito, maaaring matamo ng isa ang awa ng Diyos. Subalit kung sa ngayon ay mahina ang iyong espirituwalidad, ano pa ang makatutulong sa iyo upang manatili sa pag-ibig ng Diyos?
Paano Mo Sasagutin?
• Paano tayo makapananatili sa pag-ibig ng Diyos?
• Paanong ang pag-ibig sa Diyos at kay Kristo ay tumutulong sa atin na tanggihan ang makasalanang landasin?
• Bakit nakatutulong ang tunay na pag-ibig sa kapuwa upang mapigilan tayong gumawa ng seksuwal na kahalayan?
• Anu-ano ang ilang paraan upang maiwasan ang maling paggawi?
[Larawan sa pahina 21]
Ipinakikita sa atin ni Judas kung paano tayo makapananatili sa pag-ibig ng Diyos
[Larawan sa pahina 23]
Ang paghihiwalay ng mag-asawa ay nagdudulot sa inosenteng kabiyak at sa mga anak ng napakatinding sakit
[Larawan sa pahina 24]
Tulad ni Caleb, determinado ka bang ‘sundin si Jehova nang lubusan’?
[Larawan sa pahina 25]
Humingi ng tulong sa pamamagitan ng regular na pananalangin upang malabanan ang tukso