TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA
‘Iningatan Siyang Ligtas Kasama ng Pitong Iba Pa’
SI Noe at ang kaniyang pamilya ay magkakatabi habang bumubuhos ang napakalakas na ulan. Isip-isipin ang hitsura nila—makikita sa liwanag ng aandap-andap na lampara ang kanilang mukha, nanlalakí ang kanilang mga mata habang naririnig nila ang buhos ng ulan sa bubong at ang hampas ng tubig sa mga gilid ng arka. Tiyak na nakabibingi ang ingay.
Habang pinagmamasdan ni Noe ang mga mukha ng kaniyang mahal na pamilya—ang kaniyang tapat na asawa at tatlong anak na lalaki kasama ang kani-kanilang asawa—tiyak na nag-uumapaw sa pasasalamat ang kaniyang puso. Sa mahirap na panahong iyon, malamang na panatag siya dahil kasama niya ang kaniyang mga pinakamamahal sa buhay. Lahat sila ay ligtas at buháy. Tiyak na pinangunahan niya ang kaniyang pamilya sa panalangin ng pasasalamat, na inilalakas ang kaniyang tinig para marinig nila siya sa kabila ng ingay.
Matibay ang pananampalataya ni Noe. Dahil dito, siya at ang kaniyang pamilya ay iningatan ng kaniyang Diyos, si Jehova. (Hebreo 11:7) Hindi na ba nila kailangan ang pananampalataya ngayong nagsimula nang bumuhos ang ulan? Sa kabaligtaran, lalo nilang kakailanganin iyon sa mahihirap na panahong darating. Totoo rin iyan sa atin sa maligalig na panahong ito. Kaya tingnan natin kung ano ang matututuhan natin sa pananampalataya ni Noe.
“APATNAPUNG ARAW AT APATNAPUNG GABI”
Sa labas ng arka, patuloy na bumubuhos ang ulan “nang apatnapung araw at apatnapung gabi.” (Genesis 7:4, 11, 12) Habang patuloy na tumataas ang tubig, nakikita ni Noe na iniingatan ng kaniyang Diyos na si Jehova ang mga matuwid at kasabay nito ay pinarurusahan ang mga masama.
Pinahinto ng Baha ang paghihimagsik na sumiklab sa gitna ng mga anghel. Palibhasa’y naimpluwensiyahan ng sakim na saloobin ni Satanas, iniwan ng maraming anghel ang kanilang “wastong tahanang dako” sa langit upang sumiping sa mga babae, at nagkaanak ng mga mestiso na tinatawag na Nefilim. (Judas 6; Genesis 6:4) Tiyak na tuwang-tuwa si Satanas habang nagaganap ang rebelyong iyon, dahil lalo pa nitong pinasamâ ang tao, ang pinakamahalagang nilalang ni Jehova sa lupa.
Pero habang tumataas ang tubig-baha, napilitang iwan ng mga rebeldeng anghel ang kanilang katawang-tao at bumalik sa espiritung kalagayan, at hindi na sila maaaring muling magkatawang-tao. Iniwan nila ang kanilang mga asawa’t anak at hinayaang mamatay ang mga ito sa tubig-baha, kasama ng lipunang iyon ng mga tao.
Mula noong panahon ni Enoc, halos pitong siglo bago nito, nagbabala na si Jehova na lilipulin Niya ang mga taong masama at di-makadiyos. (Genesis 5:24; Judas 14, 15) Mula noon, lalo pang sumamâ ang mga tao, anupat ipinapahamak ang lupa at pinupunô ito ng karahasan. Ngayon, malilipol na sila. Nagsaya ba si Noe at ang kaniyang pamilya dahil sa paglipol na iyon?
Hindi! Ni nagsaya man ang kanilang maawaing Diyos. (Ezekiel 33:11) Ginawa ni Jehova ang lahat para iligtas ang marami hangga’t maaari. Inutusan niya si Enoc na magbigay ng babala, at inutusan naman niya si Noe na gumawa ng arka. Kitang-kita ng mga tao habang puspusang nagtatrabaho si Noe at ang kaniyang pamilya sa napakalaking proyektong iyon sa loob ng mga dekada. Isa pa, inatasan ni Jehova si Noe na maging “mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Gaya ni Enoc na nauna sa kaniya, nagbabala siya sa mga tao tungkol sa darating na paghatol. At paano sila tumugon? Ganito ang sinabi ni Jesus, na nakasaksi sa mga pangyayari mula sa langit, hinggil sa mga tao noong panahon ni Noe: “Hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.”—Mateo 24:39.
Gunigunihin kung ano ang ginagawa ni Noe at ng kaniyang pamilya noong unang 40 araw na iyon pagkatapos isara ni Jehova ang pinto ng arka. Habang araw-araw na bumubuhos ang malakas na ulan sa arka, malamang na silang walo ay nagkaroon ng rutin—inaalagaan nila ang isa’t isa, inaayos ang kanilang tahanan, at inaasikaso ang pangangailangan ng mga hayop. Pero biglang yumanig ang pagkalaki-laking arka. Gumagalaw na ito! Habang dinuduyan ng tumataas na tubig, patuloy na umaangat ang arka, hanggang sa “iyon ay lumutang nang mataas sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 7:17) Isa ngang kamangha-manghang pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova!
Tiyak na gayon na lamang ang pasasalamat ni Noe—hindi lamang dahil ligtas siya at ang kaniyang pamilya, kundi dahil din sa awa ni Jehova anupat ginamit sila para babalaan ang mga taong nalipol sa labas ng arka. Bago nito, baka parang walang-kabuluhan ang pagpapagal na ginagawa nila sa loob ng maraming taon. Ayaw tumugon ng mga tao! Isip-isipin ito—malamang na bago ang Baha, may mga kapatid at mga pamangkin si Noe; pero walang isa man maliban sa kaniyang pamilya ang nakinig sa kaniya. (Genesis 5:30) Ngayon, habang magkakasamang ligtas sa loob ng arka ang walong kaluluwang iyon, tiyak na napatibay sila sa paggunita sa lahat ng panahong ginugol nila upang bigyan ng pagkakataon ang mga tao na maligtas.
Si Jehova ay hindi nagbabago mula pa noong panahon ni Noe. (Malakias 3:6) Ipinaliwanag ni Jesu-Kristo na ang ating panahon ngayon ay katulad ng “mga araw ni Noe.” (Mateo 24:37) Nabubuhay tayo sa isang inihulang panahon, isang panahon ng malaking kabagabagan na matatapos kapag pinuksa na ang masamang sistema ng mga bagay ng daigdig. Ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon ay nagdadala ng babalang mensahe sa lahat ng makikinig. Tutugon ka ba sa mensaheng iyan? Kung tinanggap mo na ang katotohanan ng nagliligtas-buhay na mensaheng iyan, sasabihin mo rin ba ito sa iba? Si Noe at ang kaniyang pamilya ay nag-iwan ng halimbawa para sa ating lahat.
“DINALANG LIGTAS SA TUBIG”
Habang tinatangay ng dumadaluyong na karagatan ang arka, tiyak na naririnig ng mga nasa loob nito ang paglangitngit ng napakalalaking kahoy. Nag-alala ba si Noe sa malalaking alon o sa katatagan ng arka? Hindi. Maaaring pag-alinlanganan iyan ng ilan sa ngayon, pero hindi si Noe. Sinasabi ng Bibliya: ‘Sa pananampalataya si Noe ay nagtayo ng arka.’ (Hebreo 11:7) Sa ano nanampalataya si Noe? Si Jehova ay nakipagtipan kay Noe, isang pormal na kasunduan, na ililigtas niya ito sa Delubyo at ang lahat ng kasama nito. (Genesis 6:18, 19) Hindi ba kayang ingatan ng Isa na lumalang ng uniberso, ng lupa, at ng lahat ng nabubuhay na bagay rito ang arkang iyon? Siyempre kaya niya! Tama lamang na magtiwala si Noe na tutuparin ni Jehova ang Kaniyang pangako. At nangyari nga ito—siya at ang kaniyang pamilya ay “dinalang ligtas sa tubig.”—1 Pedro 3:20.
Sa wakas, huminto ang ulan pagkaraan ng 40 araw at 40 gabi. Sa ating kalendaryo, ito ay noong mga Disyembre 2370 B.C.E. Pero hindi pa tapos ang paglalakbay ng pamilya. Ang sasakyang iyon na punô ng nabubuhay na nilalang ay ipinadpad sa dagat, sa ibabaw pa nga ng matataas na bundok. (Genesis 7:19, 20) Maguguniguni natin si Noe na isinasaayos ang mabibigat na trabaho. Kasama ng kaniyang mga anak—sina Sem, Ham, at Japet—pinakakain nila at pinananatiling malinis at malusog ang lahat ng hayop. Siyempre pa, ang Diyos na nagpaamo sa lahat ng maiilap na hayop na iyon para maipasok sa arka ay kaya ring magpanatili sa mga ito sa gayong kalagayan noong panahon ng Baha.a
Maliwanag na nag-ingat si Noe ng rekord ng mga pangyayari. Sinasabi nito kung kailan nagsimula at huminto ang ulan. Sinasabi rin nito na inapawan ng tubig ang lupa sa loob ng 150 araw. Sa wakas, nagsimula nang humupa ang tubig. Isang araw, ang arka ay sumadsad sa “mga bundok ng Ararat,” na nasa makabagong-panahong Turkey. Iyan ay noong mga Abril 2369 B.C.E. Pagkaraan ng 73 araw, noong Hunyo, lumitaw ang taluktok ng mga bundok. Pagkalipas ng tatlong buwan, noong Setyembre, nagpasiya si Noe na alisin ang ilang bahagi ng pantakip ng arka, o bubong. Tiyak na napawi ang pagod nila nang pumasok ang liwanag at sariwang hangin sa loob ng arka. Bago nito, sinubukan at tiningnan ni Noe kung ligtas at puwede nang tirhan ang lupa. Nagpalipad siya ng uwak, na nagpabalik-balik at marahil ay dumapo sa arka sa bawat paglipad. Pagkatapos, nagpalipad si Noe ng isang kalapati, na paulit-ulit na bumalik sa kaniya hanggang sa wakas ay nakasumpong ito ng madadapuan.—Genesis 7:24–8:13.
Tiyak na pangunahin pa rin kay Noe ang espirituwal na mga bagay. Marahil maiisip natin ang pamilyang iyon na regular na nagtitipun-tipon para manalangin at mag-usap tungkol sa kanilang Ama sa langit na nagligtas sa kanila. Nagtiwala si Noe kay Jehova sa bawat mahalagang desisyon. Kahit noong makita ni Noe na ‘lubusan nang natuyo’ ang lupa—pagkalipas ng mahigit isang taon sa loob ng arka—hindi pa rin niya binuksan ang pinto at pinangunahan ang paglabas sa arka. (Genesis 8:14) Hindi, naghintay siya kay Jehova!
Maraming matututuhan ang mga ulo ng pamilya sa ngayon sa tapat na lalaking iyon. Siya ay organisado, masipag, matiyaga, at maalaga sa kaniyang pamilya. Pero ang pinakamahalaga, inuuna niya ang kalooban ng Diyos na Jehova sa lahat ng bagay. Kung tutularan natin ang pananampalataya ni Noe, magdudulot tayo ng mga pagpapala sa mga mahal natin sa buhay.
“LUMABAS KA SA ARKA”
Sa wakas, inutusan ni Jehova si Noe: “Lumabas ka sa arka, ikaw at ang iyong asawa at ang iyong mga anak at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.” Masunuring lumabas si Noe at ang pamilya niya pati ang lahat ng hayop. Paano? Nagtakbuhan ba ang mga ito at nag-unahan? Hindi. Sinasabi ng ulat na “ayon sa kani-kanilang pamilya ay lumabas sila sa arka.” (Genesis 8:15-19) Nang nasa labas na sila, na nilalanghap ang sariwang hangin at pinagmamasdan ang bulubundukin ng Ararat, nakita ni Noe at ng kaniyang pamilya ang isang nilinis na lupa. Wala na ang Nefilim, karahasan, rebeldeng mga anghel, at ang buong lipunang iyon ng napakasamang mga tao!b May pagkakataon nang magsimula ng isang bagong buhay ang sangkatauhan.
Alam ni Noe kung ano ang gagawin. Inuna niya ang pagsamba. Gumawa siya ng isang altar at ginamit ang ilang hayop na itinuturing ng Diyos na malinis—na dinala nila sa loob ng arka nang “tigpipito”—at inihandog ang mga haing sinusunog kay Jehova. (Genesis 7:2; 8:20) Nalugod ba si Jehova sa pagsambang iyon?
Ganito ang sagot ng Bibliya: “Sinamyo ni Jehova ang nakagiginhawang amoy.” Ang kirot na nadama ng Diyos nang punuin ng mga tao ng karahasan ang daigdig ay napalitan ng ginhawa at kasiyahan. Nakita niya ang isang pamilya ng tapat na mga mananamba sa lupa na determinadong gumawa ng kaniyang kalooban. Hindi inaasahan ni Jehova na sila ay magiging sakdal. Sinabi pa ng talatang iyon: “Ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata.” (Genesis 8:21) Isaalang-alang kung paano pa ipinakita ni Jehova ang kaniyang pagtitiis at pagkahabag para sa sangkatauhan.
Inalis ng Diyos ang sumpa sa lupa. Nang maghimagsik sina Adan at Eva, binigkas ng Diyos ang sumpang iyon, anupat naging mahirap sakahin ang lupa. Pinanganlan ni Lamec ang kaniyang anak na Noe—na malamang na nangangahulugang “Kapahingahan,” o “Kaaliwan.” Inihula niya na ang kaniyang anak ay magdadala sa tao sa panahon ng kapahingahan mula sa sumpang iyon. Tiyak na nangiti si Noe nang matanto niya na makikita na niya ang katuparan ng hulang iyon at na ang lupa ay magiging mas madali nang sakahin. Hindi kataka-takang nagsimulang magsaka si Noe!—Genesis 3:17, 18; 5:28, 29; 9:20.
Nang panahon ding iyon, si Jehova ay nagbigay sa lahat ng inapo ni Noe ng malinaw at simpleng mga utos upang maging gabay nila sa buhay—kabilang na ang pagbabawal sa pagpaslang at maling paggamit ng dugo. Nakipagtipan din ang Diyos sa sangkatauhan, na nangangakong hindi na siya kailanman magpapasapit ng baha para lipulin ang lahat ng buhay sa lupa. Upang patunayan na maaasahan ang kaniyang salita, ipinakita ni Jehova sa mga tao sa unang pagkakataon ang maluwalhati at napakagandang bahaghari. Hanggang sa ngayon, sa tuwing nakakakita tayo ng bahaghari, naaalaala natin ang maibiging pangako ni Jehova.—Genesis 9:1-17.
Kung ang kuwento ni Noe ay kathang-isip lamang, maaaring magtapos na ito sa paglitaw ng bahaghari. Pero talagang umiral si Noe, at ang kaniyang buhay ay hindi naging madali. Mas mahaba ang buhay ng tao noon, kaya ang tapat na taong iyon ay nabuhay pa nang 350 taon, at ang mga dantaong iyon ay nagdulot sa kaniya ng labis na pasakit. Nakagawa siya ng malubhang pagkakasala nang minsan siyang malango sa alak. Pero pinalalâ pa ng kaniyang apo na si Canaan ang pagkakamaling iyon sa paggawa ng mas malubhang kasalanan na nagdulot ng masaklap na resulta sa pamilya ni Canaan. Nakita pa ni Noe nang ang kaniyang mga inapo ay gumawa ng mga kasalanang gaya ng idolatriya at karahasan noong panahon ni Nimrod. Pero nakita naman ni Noe ang kaniyang anak na si Sem na nagpakita sa kaniyang pamilya ng magandang halimbawa ng pananampalataya.—Genesis 9:21-28; 10:8-11; 11:1-11.
Tulad ni Noe, kailangan nating manatiling tapat sa kabila ng mga problema. Kung hindi kinikilala ng iba ang tunay na Diyos o huminto pa nga sa paglilingkod sa kaniya, kailangan nating manatiling tapat gaya ni Noe. Lubhang pinahahalagahan ni Jehova ang tapat na nagbabata. Gaya ng sinabi ni Jesu-Kristo, “siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”—Mateo 24:13.
a Sinasabi ng ilan na posibleng pinanatili ng Diyos ang mga hayop sa kalagayang hindi aktibo, gaya ng pagtulog, nang sa gayo’y mabawasan ang pangangailangan nilang kumain. Ginawa man niya iyon o hindi, talagang tinupad niya ang kaniyang pangako, anupat tinitiyak na ligtas at buháy ang lahat ng sakay ng arka.
b Nawala rin sa lupa ang anumang bakás ng orihinal na Hardin ng Eden, na malamang ay pinawi ng tubig-baha. Kung gayon, makababalik na sa langit ang mga kerubing nagbabantay sa pasukan, yamang tapós na ang kanilang 1600-taóng atas.—Genesis 3:22-24.