JUDAS, ANG LIHAM NI
Isang kinasihang liham ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na isinulat ni Judas, isang kapatid ni Santiago at sa gayon ay maliwanag na kapatid din ni Jesu-Kristo sa ina. (Tingnan ang JUDAS.) Yamang patungkol ito sa “mga tinawag na iniibig may kaugnayan sa Diyos na Ama at iniingatan para kay Jesu-Kristo,” ang pangkalahatang liham na ito ay maliwanag na nilayong ilibot sa lahat ng mga Kristiyano.—Jud 1.
Isang mapanganib na kalagayan ang umiiral noong panahong isulat ni Judas ang kaniyang liham. May mga taong imoral at makahayop na nakapuslit sa gitna ng mga Kristiyano at ‘ginagawa nilang dahilan ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos para sa mahalay na paggawi.’ Kaya naman hindi sumulat si Judas, gaya ng una niyang binalak, tungkol sa kaligtasan na pinanghahawakan ng lahat ng mga Kristiyano na tinawag ukol sa makalangit na Kaharian ng Diyos. Sa halip, sa patnubay ng espiritu ng Diyos, naglaan siya ng payo upang tulungan ang mga kapananampalataya na mapagtagumpayan ang nagpapasamang mga impluwensiya sa loob ng kongregasyon. Pinaalalahanan sila ni Judas na “puspusang makipaglaban ukol sa pananampalataya” sa pamamagitan ng pagsalansang sa mga taong imoral, ng pagpapanatili ng dalisay na pagsamba at mainam na paggawi, at ng “pananalangin taglay ang banal na espiritu.” (Jud 3, 4, 19-23) Sa pamamagitan ng paggamit ng mga halimbawa na gaya ng mga anghel na nagkasala, ng mga tumatahan sa Sodoma at Gomorra, nina Cain, Balaam, at Kora, mariing pinatunayan ni Judas na ang hatol ni Jehova ay ilalapat sa mga taong di-makadiyos kung paanong inilapat ito nang walang pagsala sa mga anghel na di-tapat at sa mga taong balakyot noong mga panahong nagdaan. Inilantad din niya ang kabuktutan niyaong mga nagtatangkang magparungis sa mga Kristiyano.—Jud 5-16, 19.
Natatanging Impormasyon. Bagaman maikli ang liham ni Judas, naglalaman ito ng ilang impormasyon na hindi masusumpungan sa iba pang bahagi ng Bibliya. Ito lamang ang bumabanggit sa pakikipagtalo ng arkanghel na si Miguel laban sa Diyablo tungkol sa katawan ni Moises at sa hula na binigkas ni Enoc maraming siglo ang kaagahan. (Jud 9, 14, 15) Hindi alam kung tinanggap ni Judas ang impormasyong ito sa pamamagitan ng tuwirang pagsisiwalat o sa pamamagitan ng mapananaligang pagtatawid (bibigan man o nasusulat). Kung tinanggap ito sa pamamagitan ng huling nabanggit, maaaring ito ang dahilan kung bakit may tinutukoy ring panghuhula ni Enoc sa apokripal na aklat ng Enoc (ipinapalagay na malamang na isinulat sa panahon ng ikalawa at unang siglo B.C.E.). Posible na iisang mapagkukunan ng impormasyon ang naging saligan ng ulat sa kinasihang liham at sa apokripal na aklat.
Lugar at Panahon ng Pagsulat. Malamang na isinulat ni Judas ang kaniyang liham mula sa Palestina, yamang walang rekord na umalis siya sa lupaing iyon. Posibleng tantiyahin ang petsa ng liham salig sa panloob na ebidensiya. Yamang hindi binabanggit ni Judas ang pagdating ni Cestio Gallo laban sa Jerusalem (66 C.E.) at ang pagbagsak ng lunsod na iyon sa mga Romano sa ilalim ni Tito (70 C.E.), ipinahihiwatig nito na sumulat siya bago ang taóng 66 C.E. Kung natupad na noon ang kahit isang bahagi lamang ng hula ni Jesus may kinalaman sa pagkawasak ng Jerusalem (Luc 19:43, 44), walang alinlangang ilalakip ni Judas ang paglalapat na ito ng hatol ng Diyos bilang isa pang babalang halimbawa. Yamang waring sumipi si Judas mula sa ikalawang liham ni Pedro tungkol sa paglitaw ng mga manunuya “sa huling panahon” (ihambing ang 2Pe 3:3 sa Jud 18), maipapalagay na isinulat niya ang kaniyang liham pagkaraan nito, noong mga 65 C.E.
Autentisidad. Ang aklat ng Bibliya na Judas ay tinanggap ng mga unang nagkatalogo ng Kasulatan bilang kanonikal. Kabilang sa kanila, mula noong ikalawa hanggang ikaapat na siglo C.E., ay sina Clemente ng Alejandria, Tertullian, Origen, Eusebius, Cyril ng Jerusalem, Athanasius, Epiphanius, Gregory ng Nazianzus, Philastrius, Jerome, at Augustine. Ang liham ay kasama rin sa Muratorian Fragment (mga 170 C.E.).
[Kahon sa pahina 1284]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG JUDAS
Maikli ngunit mariing babala laban sa mga balakyot na makapapasok sa kongregasyon
Malamang na isinulat noong mga 65 C.E., mahigit 30 taon pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Kristo
Isang kalagayang humihiling ng pagbabatang Kristiyano (tal 1-4)
Ang mga taong di-makadiyos ay nakapuslit sa loob ng kongregasyon at ginagamit nilang dahilan ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos para sa mahalay na paggawi
Ang mga Kristiyano ay kailangang puspusang makipaglaban ukol sa pananampalataya
Mga saloobin, paggawi, at mga tao na doo’y dapat maging mapagbantay ang isa (tal 5-16)
Hindi dapat kaligtaan na ang mga Israelitang iniligtas mula sa Ehipto ay pinuksa dahil nawalan sila ng pananampalataya nang maglaon
Pinarusahan ang mga anghel na nag-iwan ng kanilang wastong kalagayan
Dinanas ng napakaimoral na Sodoma at Gomorra ang hatol na walang-hanggang apoy
Sa kabila ng mga halimbawang ito, sinisikap ng ilan na magpasok ng katulad na mga gawain sa loob ng kongregasyon
Si Miguel ay hindi naging mapang-abuso, kahit noong makipag-usap siya sa Diyablo; ngunit ang mga taong ito ay “nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa mga maluwalhati”
Tinutularan nila ang masasamang halimbawa nina Cain, Balaam, at Kora
Sila ay mapanganib na gaya ng mga batong nakatago sa ilalim ng tubig; tulad ng mga ulap na walang tubig at ng patay na mga punungkahoy na binunot, wala silang ibinubunga na kapaki-pakinabang
Inihula ni Enoc ang hatol ng Diyos laban sa gayong di-makadiyos na mga makasalanan
Ang mga taong iyon ay mga mapagbulong, mga reklamador, mga makasarili, at mapanlinlang na mga bolero
Kung paano mapaglalabanan ng mga Kristiyano ang masamang impluwensiyang ito (tal 17-25)
Tandaan, inihula ng mga apostol ang paglitaw ng gayong mga tao sa “huling panahon”
Ang mga Kristiyano ay dapat mapaiba sa mga iyon, anupat pinatitibay ang kanilang sarili sa pundasyon ng pananampalataya, nananalangin taglay ang banal na espiritu, pinananatili ang kanilang sarili sa pag-ibig ng Diyos, hinihintay na maipahayag ang awa ni Jesus
Dapat din nilang tulungan ang iba, anupat nagpapakita ng awa sa mga nag-aalinlangan at inililigtas sila sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanila mula sa apoy