Lumakad na Kasama ng Diyos sa Maligalig na Panahong Ito
“Si Enoc ay patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos. Pagkatapos ay nawala na siya, sapagkat kinuha siya ng Diyos.”—GENESIS 5:24.
1. Anu-ano ang ilang pangyayari sa ating panahon anupat masasabing kapaha-pahamak ito?
MALIGALIG na panahon! Angkop na angkop ang pagkakalarawan ng mga salitang ito sa mga taon ng kaguluhan at karahasan na dinaranas ng sangkatauhan mula pa nang isilang ang Mesiyanikong Kaharian noong 1914. Sa loob ng panahong iyan, ang mga tao ay nasa “mga huling araw” na. Sila ay sinasalot ng kapahamakan na gaya ng taggutom, sakit, lindol, at digmaan sa isang antas na wala pang katulad. (2 Timoteo 3:1; Apocalipsis 6:1-8) Hindi ligtas dito ang mga sumasamba kay Jehova. Sa paanuman, tayong lahat ay dapat humarap sa hirap at kawalang-katiyakan na dulot ng panahon sa ngayon. Ang panggigipit sa ekonomiya, kaguluhan sa pulitika, krimen, at sakit ay ilan sa mga bagay na labis na nagpapahirap sa buhay.
2. Anu-anong hamon ang kinakaharap ng mga lingkod ni Jehova?
2 Bukod diyan, marami sa mga lingkod ni Jehova ang nagbabata ng sunud-sunod na daluyong ng matinding pag-uusig habang patuloy si Satanas sa pakikidigma sa mga “tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 12:17) At bagaman hindi lahat sa atin ay dumaranas ng tuwirang pag-uusig, ang lahat ng tunay na Kristiyano ay kailangang makipagpunyagi kay Satanas na Diyablo at sa espiritung pinalalaganap niya sa sangkatauhan. (Efeso 2:2; 6:12) Kailangan ang patuloy na pag-iingat na huwag maimpluwensiyahan ng espiritung iyan, yamang nakikita natin ito sa trabaho, sa paaralan, at saanmang lugar na doon ay nakikisalamuha tayo sa mga taong walang interes sa dalisay na pagsamba.
Lumakad na Kasama ng Diyos, Hindi ng mga Bansa
3, 4. Sa anong paraan naiiba ang mga Kristiyano sa sanlibutan?
3 Noong unang siglo, puspusan ding nakipaglaban ang mga Kristiyano sa espiritung ito ng sanlibutan, at naging ibang-iba tuloy sila sa mga nasa labas ng kongregasyong Kristiyano. Inilarawan ni Pablo ang pagkakaiba nang sumulat siya: “Kaya nga, ito ang sinasabi ko at pinatototohanan sa Panginoon, na huwag na kayong lumakad pa kung paanong ang mga bansa ay lumalakad din sa kawalang-pakinabang ng kanilang mga pag-iisip, samantalang nasa kadiliman ang kanilang isip, at hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos, dahil sa kawalang-alam na sumasakanila, dahil sa pagkamanhid ng kanilang mga puso. Palibhasa’y nawalan na ng lahat ng pakiramdam sa moral, ibinigay nila ang kanilang sarili sa mahalay na paggawi upang gumawa ng bawat uri ng karumihan nang may kasakiman.”—Efeso 4:17-19.
4 Napakalinaw ng pagkakalarawan ng mga salitang iyan sa napakadilim na espirituwal at moral na kalagayan ng sanlibutang ito—kapuwa noong panahon ni Pablo at sa panahon natin! Gaya noong unang siglo, ang mga Kristiyano sa ngayon ay hindi ‘lumalakad kung paanong ang mga bansa ay lumalakad.’ Sa halip, taglay nila ang kahanga-hangang pribilehiyo ng paglakad na kasama ng Diyos. Totoo, maaaring kuwestiyunin ng ilang tao kung makatuwiran nga bang sabihin na makalalakad na kasama ni Jehova ang hamak at di-sakdal na mga tao. Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na posible ito. Bukod diyan, inaasahan ni Jehova na gagawin nila ito. Noong ikawalong siglo bago ang ating Karaniwang Panahon, isinulat ng propetang si Mikas ang sumusunod na kinasihang mga salita: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—Mikas 6:8.
Paano at Bakit Lalakad na Kasama ng Diyos?
5. Paano makalalakad na kasama ng Diyos ang isang di-sakdal na tao?
5 Paano tayo makalalakad na kasama ng makapangyarihan-sa-lahat at di-nakikitang Diyos? Maliwanag, hindi sa paraan ng paglakad natin na kasama ng mga kapuwa tao. Sa Bibliya, ang ekspresyong “lumakad” ay maaaring mangahulugang “tumahak sa isang partikular na landasin.”a Taglay ito sa isipan, nauunawaan natin na ang isang lumalakad na kasama ng Diyos ay tumatahak sa isang landasin ng buhay na binalangkas ng Diyos at nakalulugod sa kaniya. Ang pagtataguyod ng landasing ito ang nagiging dahilan upang mapaiba tayo sa karamihan sa mga taong nakapalibot sa atin. Gayunman, ito lamang ang nararapat piliin ng isang Kristiyano. Bakit? Maraming dahilan.
6, 7. Bakit ang paglakad na kasama ng Diyos ang pinakamainam na landasin?
6 Una, si Jehova ang ating Maylalang, ang Bukal ng ating buhay, at ang Tagapaglaan ng lahat ng kailangan natin upang mabuhay. (Apocalipsis 4:11) Dahil dito, siya lamang ang may karapatang magsabi sa atin kung paano dapat lumakad. Karagdagan pa, ang paglakad na kasama ng Diyos ang pinakakapaki-pakinabang na landasing maiisip natin. Para sa mga lumalakad na kasama niya, naglalaan si Jehova ng kapatawaran sa kasalanan, at nag-aalok ng tiyak na pag-asa ukol sa buhay na walang hanggan. Naglalaan din ang ating pinakamaibiging makalangit na Ama ng matalinong payo na tumutulong sa mga lumalakad na kasama niya upang magtagumpay sa buhay ngayon, sa kabila ng kanilang pagiging di-sakdal at pamumuhay sa isang sanlibutang nasa kapangyarihan ni Satanas. (Juan 3:16; 2 Timoteo 3:15, 16; 1 Juan 1:8; 2:25; 5:19) Ang isa pang dahilan ng paglakad na kasama ng Diyos ay sapagkat nakatutulong sa kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon ang ating kusang-loob na paggawa nito.—Colosas 3:15, 16.
7 Pinakahuli, at pinakamahalaga, kapag lumalakad tayo na kasama ng Diyos, ipinakikita natin kung kanino tayo nakapanig sa malaking isyu na ibinangon noon sa hardin ng Eden—ang isyu ng pagkasoberano. (Genesis 3:1-6) Ipinakikita natin sa ating landasin ng pamumuhay na talagang nakapanig tayo kay Jehova, at walang-takot nating ipinahahayag na siya lamang ang karapat-dapat na Soberano. (Awit 83:18) Kung gayon ay kumikilos tayo kasuwato ng ating panalangin na pakabanalin ang pangalan ng Diyos at gawin ang kaniyang kalooban. (Mateo 6:9, 10) Tunay ngang napakarunong niyaong mga nagpapasiyang lumakad na kasama ng Diyos! Makatitiyak sila na papunta sila sa tamang direksiyon, yamang si Jehova ang “tanging marunong.” Hindi siya kailanman nagkakamali.—Roma 16:27.
8. Paano nakakatulad ng panahon nina Enoc at Noe ang panahon natin?
8 Kung gayon, paano tayo makapamumuhay sa paraang nararapat sa mga Kristiyano gayong ang panahon ay napakaligalig at karamihan sa mga tao ay walang interes na maglingkod kay Jehova? Makikita natin ang sagot kung isasaalang-alang natin ang tapat na mga lalaki noon na nakapag-ingat ng kanilang integridad sa napakahirap na panahon. Ang dalawa sa mga ito ay sina Enoc at Noe. Pareho silang nabuhay sa panahong katulad ng sa atin. Laganap ang kabalakyutan. Noong panahon ni Noe, ang lupa ay punô ng karahasan at imoralidad. Gayunman, napaglabanan nina Enoc at Noe ang espiritu ng sanlibutan noong kapanahunan nila at lumakad sila na kasama ni Jehova. Paano kaya nila ito nagawa? Upang masagot ang tanong na iyan, tatalakayin natin sa artikulong ito ang halimbawa ni Enoc. Sa susunod na artikulo naman natin isasaalang-alang si Noe.
Lumakad si Enoc na Kasama ng Diyos sa Maligalig na Panahon
9. Anong impormasyon ang taglay natin tungkol kay Enoc?
9 Si Enoc ang kauna-unahang tao na inilarawan sa Kasulatan bilang isa na lumalakad na kasama ng Diyos. Ang sabi ng ulat ng Bibliya: “Pagkatapos niyang maging anak si Matusalem ay lumakad si Enoc na kasama ng tunay na Diyos.” (Genesis 5:22) Pagkatapos, nang maiulat ang haba ng buhay ni Enoc—na maikli kung sa panahong iyon ngunit mahaba naman kung ihahambing sa haba ng ating buhay sa ngayon—ang ulat ay nagsasabi: “Si Enoc ay patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos. Pagkatapos ay nawala na siya, sapagkat kinuha siya ng Diyos.” (Genesis 5:24) Lumilitaw na inilipat ni Jehova si Enoc mula sa lupain ng mga buháy tungo sa pagtulog sa kamatayan upang hindi siya masaktan ng mga sumasalansang. (Hebreo 11:5, 13) Bukod sa maiikling talatang iyan, may ilan pang pagtukoy sa Bibliya tungkol kay Enoc. Gayunman, mula sa impormasyong taglay natin at sa iba pang mga pahiwatig, may mabubuti tayong dahilan para masabing maligalig ang panahon ni Enoc.
10, 11. (a) Paano lumaganap ang katiwalian matapos magkasala sina Adan at Eva? (b) Anong makahulang mensahe ang ipinangaral ni Enoc, at anong pagtugon ang tiyak na tinanggap niya?
10 Halimbawa, isaalang-alang kung gaano kabilis lumaganap ang katiwalian sa lahi ng tao matapos magkasala si Adan. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang panganay na anak ni Adan na si Cain ay naging kauna-unahang taong mámamasláng nang patayin niya ang kaniyang kapatid na si Abel. (Genesis 4:8-10) Pagkatapos ng marahas na pagkamatay ni Abel, isa pang anak na lalaki ang ipinanganak mula kay Adan at Eva, at pinanganlan nila itong Set. Ganito ang mababasa natin tungkol sa kaniya: “Kay Set ay ipinanganak din ang isang lalaki at tinawag niyang Enos ang pangalan nito. Nang panahong iyon pinasimulan ang pagtawag sa pangalan ni Jehova.” (Genesis 4:25, 26) Nakalulungkot sabihin, ang gayong “pagtawag sa pangalan ni Jehova” ay sa paraan ng mga apostata.b Makalipas ang maraming taon pagkapanganak kay Enos, isang inapo ni Cain na nagngangalang Lamec ang kumatha ng isang awit para sa kaniyang dalawang asawa na doo’y sinasabing pinatay niya ang isang kabataang lalaki na sumugat sa kaniya. Nagbabala rin siya: “Kung pitong ulit na ipaghihiganti si Cain, kung gayon si Lamec ay pitumpung ulit at pito.”—Genesis 4:10, 19, 23, 24.
11 Ipinahihiwatig ng nabanggit na maiikling pangyayaring iyan na ang katiwaliang sinimulan ni Satanas sa hardin ng Eden ay mabilis na humantong sa paglaganap ng kabalakyutan sa gitna ng mga inapo ni Adan. Sa gayong sanlibutan, si Enoc ay naging propeta ni Jehova at ang kaniyang mapuwersa at kinasihang mga salita ay kapit pa rin kahit sa ngayon. Iniulat ni Judas ang ganitong hula ni Enoc: “Narito! Si Jehova ay dumating na kasama ang kaniyang laksa-laksang banal, upang maglapat ng hatol laban sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng kanilang di-makadiyos na mga gawa na kanilang ginawa sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na mga bagay na sinalita ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.” (Judas 14, 15) Ang mga salitang iyan ay magkakaroon ng ganap na katuparan sa Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Gayunman, makatitiyak tayo na kahit noong panahon ni Enoc, marami ring “di-makadiyos na mga makasalanan” ang nainis nang marinig nila ang hula ni Enoc. Napakamaibigin nga ni Jehova sa pagkuha sa propeta upang hindi ito masaktan!
Ano ang Nagpalakas kay Enoc na Lumakad na Kasama ng Diyos?
12. Bakit naiiba si Enoc sa kaniyang mga kapanahon?
12 Noong nasa hardin ng Eden sina Adan at Eva, nakinig sila kay Satanas, at nagrebelde si Adan kay Jehova. (Genesis 3:1-6) Iba namang landasin ang tinahak ng kanilang anak na si Abel, kung kaya nagpakita ng paglingap sa kaniya si Jehova. (Genesis 4:3, 4) Nakalulungkot sabihin, ang karamihan sa mga supling ni Adan ay hindi naging katulad ni Abel. Gayunman, si Enoc na ipinanganak pagkalipas ng daan-daang taon, ay naging katulad ni Abel. Ano ang pagkakaiba ni Enoc at ng napakaraming iba pang inapo ni Adan? Sinagot ni apostol Pablo ang tanong na iyan nang sumulat siya: “Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang hindi makakita ng kamatayan, at hindi siya masumpungan saanman sapagkat inilipat siya ng Diyos; sapagkat bago pa ang pagkakalipat sa kaniya ay nagkaroon siya ng patotoo na lubos niyang napalugdan ang Diyos.” (Hebreo 11:5) Si Enoc ay kabilang sa napakalaking “ulap ng mga saksi [bago ang panahong Kristiyano],” na may napakahuhusay na halimbawa ng pananampalataya. (Hebreo 12:1) Pananampalataya ang tumulong kay Enoc upang makapagbata nang may tamang paggawi sa loob ng mahigit 300 taóng haba ng buhay—mahigit na tatlong ulit ng haba ng buhay ng karamihan sa atin sa ngayon!
13. Anong uri ng pananampalataya ang taglay ni Enoc?
13 Inilarawan ni Pablo ang pananampalataya ni Enoc at ng iba pang mga saksi nang sumulat siya: “Ang pananampalataya ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Oo, ang pananampalataya ay ang may-pagtitiwalang paghihintay, batay sa mga katiyakan, na magkakatotoo nga ang mga bagay na inaasahan natin. Sangkot dito ang buong-pananabik na paghihintay anupat apektado nito ang pinakamahalaga sa ating buhay. Ang uri ng pananampalatayang iyan ang tumulong kay Enoc upang makalakad na kasama ng Diyos kahit walang gumagawa ng ganito sa sanlibutang pinamumuhayan niya.
14. Sa anong tumpak na kaalaman maaaring nakasalig ang pananampalataya ni Enoc?
14 Ang tunay na pananampalataya ay nakasalig sa tumpak na kaalaman. Anong kaalaman ang taglay ni Enoc? (Roma 10:14, 17; 1 Timoteo 2:4) Walang alinlangang alam niya ang mga pangyayari sa Eden. Malamang na nabalitaan din niya ang tungkol sa kalagayan ng buhay noon sa hardin ng Eden—na marahil ay umiiral pa rin, bagaman pinagbawalan ang mga tao na pumasok doon. (Genesis 3:23, 24) At alam din niyang layunin ng Diyos na punuin ng mga supling ni Adan ang lupa at gawing gaya ng orihinal na Paraiso ang buong planeta. (Genesis 1:28) Bukod diyan, tiyak na pinakaaasam-asam ni Enoc ang pangako ni Jehova na maisilang ang Binhi na dudurog sa ulo ni Satanas at mag-aalis ng masasamang epekto ng panlilinlang ni Satanas. (Genesis 3:15) Sa katunayan, ang mismong kinasihang hula ni Enoc, na iningatan sa aklat ng Judas, ay may kinalaman sa pagpuksa sa binhi ni Satanas. Yamang may pananampalataya si Enoc, alam natin na sinamba niya si Jehova bilang ang isa na “nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Kaya bagaman hindi taglay ni Enoc ang lahat ng kaalamang taglay natin, sapat na rin ang kaalaman niya upang maitatag ang pundasyon ng isang matibay na pananampalataya. Dahil sa pananampalatayang iyon na taglay niya, naingatan niya ang kaniyang integridad sa maligalig na panahon.
Tularan ang Pananampalataya ni Enoc
15, 16. Paano natin masusundan ang landasin ni Enoc?
15 Yamang nais din natin, gaya ni Enoc, na paluguran si Jehova sa maligalig na panahong umiiral sa ngayon, makabubuting sundin natin ang halimbawa ni Enoc. Kailangan nating matamo at mapanatili ang tumpak na kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang layunin. Ngunit hindi lamang ito. Kailangan din nating hayaang maugitan ng tumpak na kaalamang iyan ang ating landasin. (Awit 119:101; 2 Pedro 1:19) Kailangang patnubayan tayo ng kaisipan ng Diyos, anupat laging nagsisikap na paluguran siya sa bawat pag-iisip at paggawi natin.
16 Wala tayong ulat kung sino pa ang naglingkod kay Jehova noong panahon ni Enoc, subalit maliwanag na siya ay nag-iisa o kaya’y kabilang sa isang maliit na grupo. Kakaunti rin tayo sa sanlibutan, ngunit hindi ito nakapagpapahina ng ating loob. Aalalayan tayo ni Jehova sinuman ang lumaban sa atin. (Roma 8:31) May-katapangang nagbabala si Enoc sa nalalapit na pagpuksa sa mga taong di-makadiyos. May-katapangan din nating ipinangangaral ang “mabuting balitang ito ng kaharian” sa kabila ng panlilibak, pagsalansang, at pag-uusig. (Mateo 24:14) Ang buhay ni Enoc ay hindi kasinghaba ng kaniyang mga kapanahon. Gayunman, ang kaniyang pag-asa ay hindi sa sanlibutang iyon. Nakapako ang kaniyang pansin sa mas dakilang bagay. (Hebreo 11:10, 35) Nakapako rin ang ating pansin sa katuparan ng layunin ni Jehova. Kaya naman, hindi natin ginagamit nang lubusan ang sanlibutang ito. (1 Corinto 7:31) Sa halip, ginagamit natin ang ating lakas at salapi pangunahin na sa paglilingkod kay Jehova.
17. Anong kaalaman ang taglay natin na hindi tinaglay ni Enoc, kaya naman ano ang dapat nating gawin?
17 Nanampalataya si Enoc na lilitaw ang Binhing ipinangako ng Diyos sa takdang panahon ni Jehova. Halos 2,000 taon na ngayon ang nakalipas mula nang ang Binhing iyon—si Jesu-Kristo—ay lumitaw, maglaan ng pantubos, at magbukas ng daan upang tayo, gayundin ang tapat na sinaunang mga saksing iyon na gaya ni Enoc, ay magmana ng buhay na walang hanggan. Inihagis si Satanas mula sa langit tungo sa lupang ito ng Binhing iyan na nakaluklok na ngayon bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, at nakikita natin ang ibinunga nitong kapighatian sa palibot natin. (Apocalipsis 12:12) Oo, mas higit pang kaalaman ang makukuha natin kaysa sa nakuha ni Enoc. Kung gayon, magkaroon sana tayo ng matibay na pananampalatayang gaya ng tinaglay niya. Maimpluwensiyahan sana ng ating pagtitiwala sa katuparan ng mga pangako ng Diyos ang lahat ng ating ginagawa. Gaya ni Enoc, lumakad din sana tayo na kasama ng Diyos, bagaman nabubuhay tayo sa maligalig na panahon.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Tomo 1, pahina 220, parapo 6, ng Insight on the Scriptures, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Bago ang panahon ni Enos, nakikipag-usap noon si Jehova kay Adan. Naghain si Abel ng katanggap-tanggap na handog kay Jehova. Nakipag-usap pa nga ang Diyos kay Cain bago maudyukan si Cain na pumatay dahil sa mapanibughuing galit. Samakatuwid, ang pasimula ng “pagtawag [na ito] sa pangalan ni Jehova” ay malamang na sa ibang paraan, hindi ayon sa dalisay na pagsamba.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang kahulugan ng lumakad na kasama ng Diyos?
• Bakit ang paglakad na kasama ng Diyos ang pinakamainam na landasin?
• Ano ang tumulong kay Enoc upang makalakad na kasama ng Diyos sa kabila ng maligalig na panahon?
• Paano natin matutularan si Enoc?
[Larawan sa pahina 15]
Sa pananampalataya, “si Enoc ay patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos”
[Larawan sa pahina 17]
Matibay ang ating paniniwalang magkakatotoo nga ang mga pangako ni Jehova
[Picture Credit Lines sa pahina 13]
Babae, dulong kanan: FAO photo/B. Imevbore; gumuguhong gusali: San Hong R-C Picture Company