PAGSAMBA
Pag-uukol ng mapagpitagang pagpaparangal o paggalang. Saklaw ng tunay na pagsamba sa Maylalang ang bawat aspekto ng buhay ng isang indibiduwal. Sumulat ang apostol na si Pablo sa mga taga-Corinto: “Kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1Co 10:31.
Nang lalangin ng Diyos na Jehova si Adan, hindi Siya nagtakda ng isang partikular na seremonya o isang pamamaraan para makalapit sa Kaniya ang sakdal na tao sa pagsamba. Gayunpaman, mapaglilingkuran o masasamba ni Adan ang kaniyang Maylalang sa pamamagitan ng tapat na paggawa ng kalooban ng kaniyang makalangit na Ama. Nang maglaon, sa bansang Israel, binalangkas ni Jehova ang isang paraan ng paglapit ukol sa pagsamba, na may kalakip na paghahain, isang pagkasaserdote, at isang santuwaryo. (Tingnan ang PAGLAPIT SA DIYOS.) Gayunman, isa lamang itong “anino ng mabubuting bagay na darating, ngunit hindi ang mismong kabuuan ng mga bagay.” (Heb 10:1) Mula’t sapol, ang pangunahing idiniriin ay ang pagsasagawa ng pananampalataya—ang paggawa ng kalooban ng Diyos na Jehova—at hindi ang seremonya o ritwal.—Mat 7:21; San 2:17-26.
Gaya nga ng sinabi ng propetang si Mikas: “Ano ang ihaharap ko kay Jehova? Ano ang dadalhin ko sa aking pagyukod sa harap ng Diyos na nasa kaitaasan? Ako ba ay maghaharap sa kaniya ng mga buong handog na sinusunog, ng mga guya na isang taóng gulang? Malulugod ba si Jehova sa libu-libong barakong tupa, sa sampu-sampung libong ilog ng langis? Ibibigay ko ba ang panganay kong anak na lalaki dahil sa aking pagsalansang, ang bunga ng aking tiyan dahil sa kasalanan ng aking kaluluwa? Sinabi niya sa iyo, O makalupang tao, kung ano ang mabuti. At ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—Mik 6:6-8; ihambing ang Aw 50:8-15, 23.
Mga Terminong Hebreo at Griego. Karamihan sa mga salitang Hebreo at Griego na maaaring tumukoy sa pagsamba ay maikakapit din sa mga gawa na hindi nagsasangkot ng pagsamba. Gayunman, matitiyak mula sa konteksto kung paano dapat unawain ang mga salitang iyon.
Ang isa sa mga salitang Hebreo na nagpapahiwatig ng pagsamba (ʽa·vadhʹ) ay may saligang kahulugan na “maglingkod.” (Gen 14:4; 15:13; 29:15) Ang paglilingkod o pagsamba kay Jehova ay humihiling ng pagsunod sa lahat ng kaniyang mga utos, anupat ginagawa ang kaniyang kalooban nang may bukod-tanging debosyon sa kaniya. (Exo 19:5; Deu 30:15-20; Jos 24:14, 15) Samakatuwid, kung ang isa ay magsasagawa ng anumang ritwal o magpapakita ng debosyon sa iba pang mga diyos, tinatalikuran niya ang tunay na pagsamba.—Deu 11:13-17; Huk 3:6, 7.
Ang isa pang terminong Hebreo na nagpapahiwatig ng pagsamba ay hish·ta·chawahʹ, na pangunahin nang nangangahulugang “yumukod” (Gen 18:2), o mangayupapa. (Tingnan ang PANGANGAYUPAPA.) Bagaman kung minsan ang gayong pagyukod ay pagpapakita lamang ng paggalang o pagpapakundangan sa ibang persona (Gen 19:1, 2; 33:1-6; 37:9, 10), maaari rin itong maging isang kapahayagan ng pagsamba, anupat nagpapahiwatig ng pagpipitagan at pasasalamat sa Diyos at ng pagpapasakop sa Kaniyang kalooban. Kapag ginagamit may kinalaman sa tunay na Diyos o sa huwad na mga diyos, ang salitang hish·ta·chawahʹ kung minsan ay iniuugnay sa paghahain at pananalangin. (Gen 22:5-7; 24:26, 27; Isa 44:17) Ipinahihiwatig nito na karaniwan noon ang pagyukod kapag nananalangin o naghahandog ng hain.—Tingnan ang PANALANGIN.
Ang salitang-ugat na Hebreo na sa·ghadhʹ (Isa 44:15, 17, 19; 46:6) ay pangunahin nang nangangahulugang “magpatirapa.” Ang katumbas nito sa Aramaiko ay karaniwang iniuugnay sa pagsamba (Dan 3:5-7, 10-15, 18, 28), ngunit sa Daniel 2:46 ay ginamit ito upang tumukoy sa pagbibigay-galang ni Haring Nabucodonosor kay Daniel, noong magpatirapa siya sa harap ng propeta.
Ang pandiwang Griego na la·treuʹo (Luc 1:74; 2:37; 4:8; Gaw 7:7) at ang pangngalang la·treiʹa (Ju 16:2; Ro 9:4) ay nagtatawid ng ideya ng pag-uukol, hindi ng basta ordinaryo at pangkaraniwang paglilingkod, kundi ng sagradong paglilingkod.
Ang salitang Griego na pro·sky·neʹo ay halos katumbas ng terminong Hebreo na hish·ta·chawahʹ, na kapuwa nagpapahiwatig ng ideya ng pangangayupapa at, kung minsan, ng pagsamba. Ang terminong pro·sky·neʹo ay ginagamit may kaugnayan sa pangangayupapa ng alipin sa isang hari (Mat 18:26) at gayundin sa gawa ng pagsamba na hiniling ni Satanas nang ialok niya kay Jesus ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian. (Mat 4:8, 9) Kung nangayupapa noon si Jesus sa Diyablo, mangangahulugan iyon na nagpapasakop siya kay Satanas at na ginagawa niyang lingkod ng Diyablo ang kaniyang sarili. Ngunit tumanggi si Jesus, na sinasabi: “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo [isang anyo ng Gr. na pro·sky·neʹo o, sa ulat ng Deuteronomio na sinipi ni Jesus, ng Heb. na hish·ta·chawahʹ], at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod [isang anyo ng Gr. na la·treuʹo o ng Heb. na ʽa·vadhʹ].’” (Mat 4:10; Deu 5:9; 6:13) Sa katulad na paraan, ang pagsamba, pangangayupapa, o pagyukod sa “mabangis na hayop” at sa “larawan” nito ay nauugnay sa paglilingkod, sapagkat ang mga mananamba ng mga ito ay ipinakikilala bilang mga tagasuporta ng “mabangis na hayop” at ng “larawan” nito at may marka sa kamay (na ginagamit sa paglilingkod) o sa noo (para makita ng lahat). Yamang ang Diyablo ang nagbibigay ng awtoridad sa mabangis na hayop, ang pagsamba sa mabangis na hayop, sa katunayan, ay pagsamba o paglilingkod sa Diyablo.—Apo 13:4, 15-17; 14:9-11.
Ang iba pang mga salitang Griego na nauugnay sa pagsamba ay hinalaw sa eu·se·beʹo, thre·skeuʹo, at seʹbo·mai. Ang salitang eu·se·beʹo ay nangangahulugang “mag-ukol ng makadiyos na debosyon” o “magpakundangan, magpitagan.” (Tingnan ang MAKADIYOS NA DEBOSYON.) Sa Gawa 17:23, ang terminong ito ay ginamit may kinalaman sa makadiyos na debosyon o pagpapakundangan na iniukol ng mga lalaki ng Atenas sa isang “Di-kilalang Diyos.” Nagmula naman sa thre·skeuʹo ang pangngalang thre·skeiʹa, ipinapalagay na tumutukoy sa isang “anyo ng pagsamba,” tunay man o huwad. (Gaw 26:5; Col 2:18) Ang tunay na pagsamba na isinagawa ng mga Kristiyano ay kinakitaan ng tunay na pagmamalasakit sa mga dukha at ng pagiging lubusang hiwalay sa di-makadiyos na sanlibutan. (San 1:26, 27) Ang salitang seʹbo·mai (Mat 15:9; Mar 7:7; Gaw 18:7; 19:27) at ang kaugnay na terminong se·baʹzo·mai (Ro 1:25) ay nangangahulugang “magpitagan; magpakundangan; sumamba.” Ang mga pinag-uukulan naman ng pagsamba o ng debosyon ay tinutukoy ng pangngalang seʹba·sma. (Gaw 17:23; 2Te 2:4) May dalawa pang termino na nagmula sa gayunding pandiwang salitang-ugat, na may unlaping The·osʹ, Diyos. Ang mga ito ay the·o·se·besʹ, nangangahulugang “may pagpipitagan sa Diyos” (Ju 9:31), at the·o·seʹbei·a, tumutukoy sa “pagpipitagan sa Diyos.”—1Ti 2:10.
Pagsamba na Tinatanggap ng Diyos. Ang tanging pagsamba na tinatanggap ng Diyos na Jehova ay ang pagsamba niyaong mga gumagawi na kasuwato ng kaniyang kalooban. (Mat 15:9; Mar 7:7) Sinabi ni Kristo Jesus sa isang babaing Samaritana: “Ang oras ay dumarating na kahit sa bundok na ito [Gerizim] ni sa Jerusalem man ay hindi ninyo sasambahin ang Ama. Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala; sinasamba namin ang aming nakikilala . . . Gayunpaman, ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”—Ju 4:21-24.
Malinaw na ipinakikita ng mga salita ni Jesus na ang tunay na pagsamba ay hindi nakadepende sa mga bagay na nakikita at sa heograpikong lokasyon. Sa halip na umasa sa paningin o pandamdam, ang tunay na mananamba ay nananampalataya at, nasaan man siya, nananatili siyang may mapagpitagang saloobin sa Diyos. Sa gayon ay sumasamba siya, hindi sa tulong ng anumang bagay na kaniyang nakikita o nahahawakan, kundi sa espiritu. Yamang taglay niya ang katotohanang ayon sa isiniwalat ng Diyos, ang kaniyang pagsamba ay kasuwato ng katotohanan. Palibhasa’y nakilala na niya ang Diyos sa pamamagitan ng Bibliya at ng katibayan ng pagkilos ng espiritu ng Diyos sa kaniyang buhay, ang taong sumasamba sa espiritu at katotohanan ay tiyak na ‘nakakakilala sa kaniyang sinasamba.’