666—Hindi Lamang Isang Palaisipan
“Walang sinumang makabili o makapagtinda maliban sa tao na may marka, ang pangalan ng mabangis na hayop o ang bilang ng pangalan nito. Dito pumapasok ang karunungan: Tuusin niyaong may katalinuhan ang bilang ng mabangis na hayop, sapagkat ito ay bilang ng isang tao; at ang bilang nito ay anim na raan at animnapu’t anim.”—Apocalipsis 13:17, 18.
KAKAUNTING paksa lamang sa Bibliya ang nakapukaw ng labis na interes at pagkabahala na gaya ng hula tungkol sa mahiwagang marka, o pangalan, ng “mabangis na hayop”—ang bilang na 666. Naging paksa ng walang-katapusang espekulasyon sa telebisyon at sa Internet, gayundin sa mga pelikula, aklat, at mga magasin, ang marka ng hayop.
Naniniwala ang ilan na ang 666 ay marka ng antikristo sa Bibliya. Sinasabi ng iba na kumakatawan ito sa isang anyo ng sapilitang pagkakakilanlan, gaya ng tato o inilagay na microchip na may digital code na nagpapakilala sa isang tao bilang alipin ng hayop. Ang iba naman ay naniniwala na ang 666 ang marka ng papadong Katoliko. Sa paghahalili ng mga numerong Romano sa mga letra sa isang anyo ng opisyal na titulo ng papa, Vicarius Filii Dei (Bikaryo ng Anak ng Diyos), at sa bahagyang pagmamanipula sa mga numero, nakalkula nila ang bilang na 666. Sinasabi naman ng ibang tao na ang numerong ito ay maaari ring kalkulahin mula sa pangalang Latin ng Romanong emperador na si Diocletian at mula sa saling Hebreo ng pangalang Nero Cesar.a
Gayunman, ang kathang-isip at inimbentong mga interpretasyong ito ay ibang-iba sa sinasabi mismo ng Bibliya tungkol sa marka ng hayop, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo. Isinisiwalat ng Bibliya na mararanasan ng mga may marka ng hayop ang poot ng Diyos kapag winakasan na niya ang kasalukuyang sistema ng mga bagay. (Apocalipsis 14:9-11; 19:20) Kaya ang pag-unawa sa kahulugan ng 666 ay higit pa sa basta paglutas sa isang kawili-wiling palaisipan. Mabuti naman, hindi inilihim ng Diyos na Jehova, ang mismong personipikasyon ng pag-ibig at ang Bukal ng espirituwal na liwanag, sa kaniyang mga lingkod ang tungkol sa mahalagang bagay na ito.—2 Timoteo 3:16; 1 Juan 1:5; 4:8.
[Talababa]
a Para sa pagtalakay tungkol sa numerolohiya, tingnan ang Gumising!, Setyembre 8, 2002.