Kabanata 29
Umaawit ng Matagumpay na Bagong Awit
Pangitain 9—Apocalipsis 14:1-20
Paksa: Kasama ng Kordero sa Bundok Sion ang 144,000; ipinaririnig sa buong lupa ang mga kapahayagan ng mga anghel; ginagapas na ang mga ani
Panahon ng katuparan: 1914 hanggang sa malaking kapighatian
1. Ano ang natutuhan na natin tungkol sa Apocalipsis kabanata 7, 12, at Apoc 13, at ano pa ang matututuhan natin ngayon?
TUNAY na nakagiginhawang bumaling sa susunod na pangitain ni Juan! Kabaligtaran ng lubhang kakatwa at tulad-hayop na mga organisasyon ng dragon, ang nakikita naman natin ngayon ay ang matapat na mga lingkod ni Jehova at ang kanilang mga gawain sa panahon ng araw ng Panginoon. (Apocalipsis 1:10) Naihayag na sa atin ng Apocalipsis 7:1, 3 na pinipigilan ang apat na hangin ng pagkapuksa hanggang sa matatakan ang lahat ng 144,000 pinahirang mga aliping ito. Ipinaalam ng Apocalipsis 12:17 na sa loob ng panahong iyon, ang “mga nalalabi sa . . . binhi” ng babae ay naging pantanging puntirya ni Satanas, ang dragon. At buong-linaw na inilarawan ng Apocalipsis kabanata 13 ang pulitikal na mga organisasyong itinatag ni Satanas sa lupa upang matinding gipitin at malupit na pag-usigin ang tapat na mga lingkod ni Jehova. Subalit hindi kayang hadlangan ng pangunahing kaaway na ito ang layunin ng Diyos! Malalaman natin ngayon na sa kabila ng mapaminsalang gawain ni Satanas, matagumpay na matitipon ang lahat ng 144,000.
2. Anong maligayang kalalabasan ang patiunang nakita ni Juan sa Apocalipsis 14:1 na ipinaaalam niya sa atin, at sino ang Kordero?
2 Si Juan, kasama ng uring Juan sa ngayon, ay pinagkaloobang makita nang patiuna ang maligayang kalalabasang ito: “At nakita ko, at, narito! ang Kordero na nakatayo sa Bundok Sion, at ang kasama niya ay isang daan at apatnapu’t apat na libo na may pangalan niya at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo.” (Apocalipsis 14:1) Gaya ng nakita na natin, ang Korderong ito ay siya ring Miguel na naglinis sa mga langit sa pamamagitan ng pagpapalayas sa Diyablo at sa mga demonyo nito. Siya ang Miguel na inilalarawan ni Daniel na ‘nakatayo alang-alang sa mga anak ng bayan ng Diyos’ habang naghahanda siyang ‘tumayo’ upang ilapat ang matuwid na mga kahatulan ni Jehova. (Daniel 12:1; Apocalipsis 12:7, 9) Mula pa noong 1914, ang mapagsakripisyong Kordero na ito ng Diyos ay nakatayo na sa Bundok Sion bilang Mesiyanikong Hari.
3. Ano ang “Bundok Sion” kung saan “nakatayo” ang Kordero at ang 144,000?
3 Gaya ito ng mismong inihula ni Jehova: “Ako, ako nga, ang nagluklok ng aking hari sa Sion, na aking banal na bundok.” (Awit 2:6; 110:2) Hindi na ito tumutukoy sa makalupang Bundok Sion, na siyang heograpikal na lokasyon ng makalupang Jerusalem, ang lunsod kung saan nagpupuno noon ang mga taong hari mula sa angkan ni David. (1 Cronica 11:4-7; 2 Cronica 5:2) Hindi nga, sapagkat pagkamatay at pagkabuhay-muli ni Jesus noong 33 C.E., itinalaga siya bilang pundasyong batong-panulok sa makalangit na Bundok Sion, ang makalangit na dako kung saan ipinasiya ni Jehova na itatag ang “lunsod ng Diyos na buháy, ang makalangit na Jerusalem.” Kaya ang “Bundok Sion” na binabanggit dito ay kumakatawan sa mataas na posisyon ni Jesus at ng kaniyang mga kapuwa tagapagmana, na bumubuo sa makalangit na Jerusalem, na siyang Kaharian. (Hebreo 12:22, 28; Efeso 3:6) Itinaas sila ni Jehova sa maluwalhati at maharlikang kalagayang ito sa panahon ng araw ng Panginoon. Sa paglipas ng mga siglo, marubdob na inasam ng mga pinahirang Kristiyano, bilang mga “batong buháy,” na makatayo sa makalangit na Bundok Sion, kaisa ng niluwalhating Panginoong Jesu-Kristo sa kaniyang maringal na Kaharian.—1 Pedro 2:4-6; Lucas 22:28-30; Juan 14:2, 3.
4. Paano masasabing lahat ng 144,000 ay nakatayo sa Bundok Sion?
4 Nakikita ni Juan hindi lamang si Jesus kundi ang buong grupo rin ng 144,000 kapuwa tagapagmana ng makalangit na Kaharian na nakatayo sa Bundok Sion. Sa panahong natutupad ang pangitain, marami, bagaman hindi pa lahat, sa 144,000 ang nasa langit na. Sa dakong huli ng pangitain ding ito, nalaman ni Juan na ang ilan sa mga banal ay kailangan pang magbata at mamatay nang tapat. (Apocalipsis 14:12, 13) Maliwanag, kung gayon, na ang ilan sa 144,000 ay naririto pa sa lupa. Kaya paano masasabing nakita silang lahat ni Juan na nakatayong kasama ni Jesus sa Bundok Sion?a Sa diwa na, bilang mga miyembro ng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano, kanila ngayong ‘nilapitan ang isang Bundok Sion at isang lunsod ng Diyos na buháy, makalangit na Jerusalem.’ (Hebreo 12:22) Gaya ni Pablo noong narito pa siya sa lupa, sila—sa espirituwal na diwa—ay ibinangon na upang makaisa ni Kristo Jesus sa makalangit na mga dako. (Efeso 2:5, 6) Karagdagan pa, tumugon sila noong 1919 sa paanyaya na, “Umakyat kayo rito,” at sa makasagisag na paraan ay “umakyat sila sa langit na nasa ulap.” (Apocalipsis 11:12) Batay sa mga tekstong ito, mauunawaan natin na ang lahat ng 144,000—sa espirituwal na diwa—ay nasa Bundok Sion kasama ni Jesu-Kristo.
5. Kaninong mga pangalan ang nakasulat sa noo ng 144,000, at ano ang ipinahihiwatig ng bawat pangalan?
5 Ang 144,000 ay hindi nakikisangkot sa mga mananamba ng mabangis na hayop, na may marka ng makasagisag na numerong 666. (Apocalipsis 13:15-18) Sa kabaligtaran, nakasulat sa noo ng mga matapat na ito ang pangalan ng Diyos at ng Kordero. Walang-alinlangang nakita ni Juan, na isang Judio, ang pangalan ng Diyos sa titik Hebreo, יהוה.b Yamang makasagisag na nakasulat sa kanilang noo ang pangalan ng Ama ni Jesus, ipinaaalam ng mga tinatakang ito sa lahat na sila ay mga saksi ni Jehova, ang Kaniyang mga alipin. (Apocalipsis 3:12) Ang pagkakasulat sa kanilang noo ng pangalan ni Jesus ay nagpapahiwatig na kinikilala nila ang pagmamay-ari niya sa kanila. Siya ang pakakasalan nilang “asawang lalaki,” at sila ang kaniyang “kasintahang babae,” “isang bagong nilalang” na naglilingkod sa Diyos at umaasang mabuhay sa langit. (Efeso 5:22-24; Apocalipsis 21:2, 9; 2 Corinto 5:17) Ang kanilang matalik na kaugnayan kay Jehova at kay Jesu-Kristo ay nakaiimpluwensiya sa lahat ng kanilang iniisip at ginagawa.
Umaawit ng Wari’y Isang Bagong Awit
6. Anong awitan ang naririnig ni Juan, at paano niya ito inilalarawan?
6 Kasuwato nito, nag-uulat si Juan: “At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na gaya ng lagaslas ng maraming tubig at gaya ng dagundong ng malakas na kulog; at ang tinig na narinig ko ay gaya ng mga mang-aawit na sinasaliwan ang kanilang sarili ng alpa na tumutugtog sa kanilang mga alpa. At umaawit sila ng wari’y isang bagong awit sa harap ng trono at sa harap ng apat na nilalang na buháy at ng matatanda; at walang sinuman ang maaaring lubos na matuto ng awit na iyon kundi ang isang daan at apatnapu’t apat na libo, na binili mula sa lupa.” (Apocalipsis 14:2, 3) Kaya hindi kataka-takang maalaala ni Juan ang dumadagundong na mga talon at umaalingawngaw na mga kulog nang marinig ang tinig ng 144,000 na nagkakaisang umaawit ng magandang koro. Napakagandang pakinggan ang malinaw na pagsaliw ng waring tunog ng mga alpa! (Awit 81:2) May koro kaya sa lupa na makapapantay sa karingalan ng kahanga-hangang korong ito?
7. (a) Ano ang bagong awit sa Apocalipsis 14:3? (b) Bakit masasabi na ang awit sa Awit 149:1 ay bago sa ating panahon?
7 At ano naman ang “bagong awit” na ito? Gaya ng nakita na natin sa pagtalakay sa Apocalipsis 5:9, 10, ang awit ay may kinalaman sa mga layunin ng Kaharian ni Jehova at sa kaniyang kagila-gilalas na paglalaan, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, upang gawing “isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos” ang espirituwal na Israel. Isang awit iyon ng papuri kay Jehova na nagpapahayag ng mga bagong bagay na ginagawa niya sa pamamagitan ng Israel ng Diyos at sa kapakanan nito. (Galacia 6:16) Ang mga miyembro ng espirituwal na Israel ay tumutugon sa paanyaya ng salmista: “Purihin ninyo si Jah! Umawit kayo kay Jehova ng isang bagong awit, ng papuri sa kaniya sa kongregasyon ng mga matapat. Magsaya nawa ang Israel sa kaniyang Dakilang Maylikha, ang mga anak ng Sion—magalak nawa sila sa kanilang Hari.” (Awit 149:1, 2) Totoo, ang mga salitang iyon ay isinulat maraming siglo na ngayon ang nakalilipas, subalit sa ating panahon, ang mga ito ay inaawit taglay ang bagong kaunawaan. Noong 1914, isinilang ang Mesiyanikong Kaharian. (Apocalipsis 12:10) Noong 1919, pinasimulang ihayag ng bayan ni Jehova sa lupa ang “salita ng kaharian” nang may panibagong sigla. (Mateo 13:19) Palibhasa’y napasigla ng taunang teksto para sa 1919 (Isaias 54:17) at napatibay-loob nang maisauli sila sa espirituwal na paraiso, nagsimula silang ‘umawit kay Jehova na may musika sa kanilang mga puso’ nang taóng iyon.—Efeso 5:19.
8. Bakit ang 144,000 lamang ang maaaring matuto ng bagong awit sa Apocalipsis 14:3?
8 Gayunman, bakit nga ba ang 144,000 lamang ang maaaring matuto ng awit na binabanggit sa Apocalipsis 14:3? Sapagkat may kinalaman ito sa kanilang mga karanasan bilang piniling mga tagapagmana ng Kaharian ng Diyos. Sila lamang ang inampon bilang mga anak ng Diyos at pinahiran ng banal na espiritu. Sila lamang ang binili mula sa lupa upang maging bahagi ng makalangit na Kahariang iyon, at sila lamang ang ‘magiging mga saserdote at mamamahala bilang mga hari’ kasama ni Jesu-Kristo sa loob ng isang libong taon upang akayin ang sangkatauhan tungo sa kasakdalan. Sila lamang ang nakikitang ‘umaawit ng wari’y isang bagong awit’ sa mismong presensiya ni Jehova.c Ang mga pantanging karanasan at pag-asang ito ang dahilan kung bakit gayon na lamang ang pagpapahalaga nila sa Kaharian at kung bakit nagagawa nilang umawit hinggil dito sa paraang hindi magagawa ng iba.—Apocalipsis 20:6; Colosas 1:13; 1 Tesalonica 2:11, 12.
9. Paano tumugon ang malaking pulutong sa pag-awit ng mga pinahiran, at anong payo ang sa gayo’y sinusunod nila?
9 Gayunman, may iba pang nakikinig at tumutugon sa kanilang pag-awit. Mula noong 1935, dumaraming malaking pulutong ng mga ibang tupa ang nakarinig ng kanilang matagumpay na awit at napakilos na sumama sa kanila sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos. (Juan 10:16; Apocalipsis 7:9) Totoo, hindi maaaring matutuhan ng mga baguhang ito ang mismong bagong awit na inaawit ng mga tagapamahala ng Kaharian ng Diyos sa hinaharap. Subalit nagpapailanlang din sila ng isang magandang koro ng papuri kay Jehova na nagsisilbing awit ng pagdakila kay Jehova para sa mga bagong bagay na kaniyang isinasagawa. Sa gayo’y sinusunod nila ang payo ng salmista: “Umawit kayo kay Jehova ng isang bagong awit. Umawit kayo kay Jehova, lahat kayong mga tao sa lupa. Umawit kayo kay Jehova, pagpalain ninyo ang kaniyang pangalan. Sa araw-araw ay ihayag ninyo ang mabuting balita ng kaniyang pagliligtas. Ipahayag ninyo ang kaniyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa, ang kaniyang mga kamangha-manghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan. Mag-ukol kayo kay Jehova, O kayong mga pamilya ng mga bayan, mag-ukol kayo kay Jehova ng kaluwalhatian at lakas. Sabihin sa gitna ng mga bansa: ‘Si Jehova ay naging hari.’”—Awit 96:1-3, 7, 10; 98:1-9.
10. Paano makaaawit ang 144,000 “sa harap” ng makasagisag na 24 na matatanda?
10 Paano makaaawit ang 144,000 “sa harap” ng matatanda gayong ang 24 na matatanda ay ang 144,000 rin na nasa kanilang maluwalhati at makalangit na tungkulin? Sa pasimula ng araw ng Panginoon, yaong “mga patay na kaisa ni Kristo” ay binuhay-muli bilang espiritung mga nilalang. Kaya nasa langit na ang tapat na mga pinahirang Kristiyanong nakapanaig at makasagisag na gumaganap ng mga tungkuling katulad niyaong sa 24 na dibisyon ng makasaserdoteng matatanda. Kabilang sila sa pangitain hinggil sa makalangit na organisasyon ni Jehova. (1 Tesalonica 4:15, 16; 1 Cronica 24:1-18; Apocalipsis 4:4; 6:11) Kaya ang nalabi ng 144,000 narito pa sa lupa ay umaawit ng bagong awit sa harap, o sa paningin, ng kanilang binuhay-muling mga kapatid sa langit.
11. Bakit tinutukoy ang pinahirang mga mananagumpay bilang 24 na matatanda at gayundin bilang 144,000?
11 Sa puntong ito ay maitatanong din natin: Bakit kaya tinutukoy ang mga pinahirang mananagumpay na ito kapuwa bilang makasagisag na 24 na matatanda at gayundin bilang 144,000? Sapagkat inilalarawan ng Apocalipsis ang iisang grupong ito sa dalawang magkaibang punto de vista. Ang 24 na matatanda ay laging ipinakikita sa kanilang napakataas na tungkulin sa palibot ng trono ni Jehova, na nakatalaga bilang mga hari at saserdote sa langit. Isinasagisag nila ang buong grupo ng 144,000 sa kanilang makalangit na tungkulin, bagaman isang maliit na nalabi sa kanila ang naririto pa sa lupa sa kasalukuyan. (Apocalipsis 4:4, 10; 5:5-14; 7:11-13; 11:16-18) Gayunman, itinatampok ng Apocalipsis kabanata 7 ang 144,000 bilang mga pinili mula sa sangkatauhan, at idiniriin nito ang dakilang layunin ni Jehova na tatakan ang buong bilang ng indibiduwal na espirituwal na Israelita at iligtas ang malaking pulutong na walang takdang bilang. Inilalarawan ng Apocalipsis kabanata 14 ang katiyakan na ang kumpletong uring pang-Kaharian na binubuo ng 144,000 indibiduwal na mga mananagumpay ay titipunin kasama ng Kordero sa Bundok Sion. Ang mga kahilingang dapat maabot upang mapabilang sa 144,000 ay ipinaaalam din, gaya ng makikita natin ngayon.d
Mga Tagasunod ng Kordero
12. (a) Paano ipinagpatuloy ni Juan ang kaniyang paglalarawan sa 144,000? (b) Sa anong diwa tinutukoy ang 144,000 bilang mga birhen?
12 Sa patuloy na paglalarawan niya sa 144,000 “binili mula sa lupa,” sinasabi sa atin ni Juan: “Ito ang mga hindi nagparungis ng kanilang sarili sa mga babae; sa katunayan, sila ay mga birhen. Ito ang mga patuloy na sumusunod sa Kordero saanman siya pumaroon. Ang mga ito ay binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero, at walang nasumpungang kabulaanan sa kanilang mga bibig; sila ay walang dungis.” (Apocalipsis 14:4, 5) Ang pagiging “mga birhen” ng 144,000 ay hindi naman nangangahulugang talagang walang literal na asawa ang mga miyembro ng uring ito. Sinulatan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na may makalangit na pagtawag at sinabi na bagaman may mga bentaha ang pagiging walang asawa ng isang Kristiyano, ang pag-aasawa ay makabubuti sa ilang kalagayan. (1 Corinto 7:1, 2, 36, 37) Ang katangi-tangi sa uring ito ay ang kanilang pagiging birhen sa espirituwal. Iniiwasan nila ang espirituwal na pangangalunya sa makasanlibutang pulitika at huwad na relihiyon. (Santiago 4:4; Apocalipsis 17:5) Bilang pakakasalang kasintahan ni Kristo, napanatili nila ang kanilang sarili na wagas, “walang dungis sa gitna ng isang liko at pilipit na salinlahi.”—Filipos 2:15.
13. Bakit angkop ang 144,000 bilang kasintahang babae para kay Jesu-Kristo, at paano sila “patuloy na sumusunod sa Kordero saanman siya pumaroon”?
13 Karagdagan pa, “walang nasumpungang kabulaanan sa kanilang mga bibig.” Sa bagay na ito, katulad sila ng kanilang Hari, si Jesu-Kristo. Bilang sakdal na tao, “hindi siya nakagawa ng kasalanan, ni kinasumpungan man ng panlilinlang ang kaniyang bibig.” (1 Pedro 2:21, 22) Sa pagiging kapuwa walang dungis at tapat, ang 144,000 ay nakahandang gaya ng isang malinis na kasintahang babae para sa dakilang Mataas na Saserdote ni Jehova. Noong nasa lupa si Jesus, inanyayahan niya ang mga taong may matuwid na puso na sumunod sa kaniya. (Marcos 8:34; 10:21; Juan 1:43) Tinularan ng mga tumugon ang kaniyang paraan ng pamumuhay at sumunod sa kaniyang mga turo. Kaya sa panahon ng kanilang makalupang landasin, patuloy silang “sumusunod sa Kordero saanman siya pumaroon” habang pinapatnubayan niya sila sa sanlibutan ni Satanas.
14. (a) Paano masasabing “mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero” ang 144,000? (b) Sa anong diwa mga unang bunga rin ang malaking pulutong?
14 Ang 144,000 ay “binili mula sa lupa,” “binili mula sa sangkatauhan.” Inaampon sila bilang mga anak ng Diyos, at kapag binuhay-muli sila, hindi na sila basta mga taong may laman at dugo. Gaya ng sinasabi sa talata 4, nagiging “mga unang bunga [sila] sa Diyos at sa Kordero.” Totoo, noong unang siglo, si Jesus ang “unang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan.” (1 Corinto 15:20, 23) Subalit ang 144,000 ay “isang uri ng mga unang bunga” ng di-sakdal na sangkatauhan, na binili sa pamamagitan ng hain ni Jesus. (Santiago 1:18) Gayunman, hindi lamang sila ang bungang titipunin mula sa sangkatauhan. Naipakita na ng aklat ng Apocalipsis ang tungkol sa pag-aani ng di-mabilang na malaking pulutong na sumisigaw sa isang malakas na tinig: “Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.” Ang malaking pulutong na ito ay makaliligtas sa malaking kapighatian, at habang pinagiginhawa sila ng “mga bukal ng mga tubig ng buhay,” aakayin sila tungo sa kasakdalan bilang tao sa lupa. Ilang panahon pagkaraan ng malaking kapighatian, mawawalan ng laman ang Hades, at milyun-milyon pang tao ang bubuhaying-muli upang magkaroon ng pagkakataong uminom mula sa gayunding mga tubig ng buhay. Dahil dito, wasto lamang na tawaging mga unang bunga mula sa ibang tupa ang malaking pulutong—sila ang unang ‘naglaba ng kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero’ at may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa.—Apocalipsis 7:9, 10, 14, 17; 20:12, 13.
15. Ano ang pagkakatulad ng tatlong iba’t ibang unang bunga sa mga kapistahang ipinagdiwang sa ilalim ng Kautusang Mosaiko?
15 Ang tatlong unang bungang ito (si Jesu-Kristo, ang 144,000, at ang malaking pulutong) ay may kapansin-pansing pagkakatulad sa mga kapistahang ipinagdiwang ayon sa sinaunang Kautusang Mosaiko. Tuwing Nisan 16, sa Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, isang tungkos ng mga unang bunga ng inaning sebada ang inihahandog kay Jehova. (Levitico 23:6-14) Nisan 16 nang buhaying-muli si Jesus mula sa mga patay. Sa ika-50 araw mula Nisan 16, sa ikatlong buwan, ipinagdiriwang ng mga Israelita ang kapistahan ng pag-aani ng mga unang hinog na bunga ng trigo. (Exodo 23:16; Levitico 23:15, 16) Nang maglaon, ang kapistahang ito ay tinawag na Pentecostes (mula sa salitang Griego na nangangahulugang “ikalimampu”), at Pentecostes 33 C.E. nga noon nang pahiran ng banal na espiritu ang unang mga miyembro ng 144,000. Panghuli, sa ikapitong buwan kapag natipon na ang buong ani, idinaraos naman ang Kapistahan ng mga Kubol, isang panahon ng maligayang pagpapasalamat kung kailan ang mga Israelita ay isang-linggong tatahan sa mga kubol na yari sa mga sanga ng palma, bukod pa sa ibang materyales. (Levitico 23:33-43) Sa katulad na paraan, ang malaking pulutong, na bahagi ng dakilang pagtitipon, ay nag-uukol ng pasasalamat sa harap ng trono na may “mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay.”—Apocalipsis 7:9.
Paghahayag ng Walang-Hanggang Mabuting Balita
16, 17. (a) Saan nakita ni Juan na lumilipad ang isang anghel, at ano ang inihahayag ng anghel? (b) Sino ang sangkot sa gawaing pangangaral hinggil sa Kaharian, at anong mga karanasan ang nagpapatunay rito?
16 Isinusulat ngayon ni Juan: “At nakakita ako ng isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at mayroon siyang walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang oras ng paghatol niya, kaya sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.’” (Apocalipsis 14:6, 7) Lumilipad ang anghel sa “kalagitnaan ng langit,” ang dakong nililiparan ng mga ibon. (Ihambing ang Apocalipsis 19:17.) Kaya maaaring marinig sa buong globo ang kaniyang tinig. Daig pa ng pandaigdig na paghahayag ng anghel na ito ang pinakamalayong naaabot ng alinmang pagsasahimpapawid ng balita sa telebisyon!
17 Ang lahat ay hinihimok na matakot, hindi sa mabangis na hayop at sa larawan nito, kundi kay Jehova, na hindi maihahambing ang kapangyarihan sa alinmang makasagisag na hayop na kontrolado ni Satanas. Aba, si Jehova ang lumalang ng langit at lupa, at panahon na ngayon upang hatulan niya ang lupa! (Ihambing ang Genesis 1:1; Apocalipsis 11:18.) Noong nasa lupa si Jesus, humula siya tungkol sa ating panahon: “At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ginagampanan ng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano ang atas na ito. (1 Corinto 9:16; Efeso 6:15) Isinisiwalat dito ng Apocalipsis na sangkot din sa gawaing ito ng pangangaral ang di-nakikitang mga anghel. Napakalimit makita ang patnubay ng mga anghel sa pag-akay sa isang Saksi ni Jehova tungo sa tahanan ng isang namimighating kaluluwa na nananabik, at madalas ay nananalangin pa nga, ukol sa espirituwal na tulong!
18. Ayon sa anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, dumating na ang oras ukol sa ano, at sino ang gagawa ng karagdagan pang mga kapahayagan?
18 Gaya ng ipinahayag ng anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, dumating na ang oras ng paghatol. Anong hatol ang igagawad ngayon ng Diyos? Mangingilabot ang mga makaririnig sa mga kapahayagang isisiwalat ngayon ng ikalawa, ikatlo, ikaapat, at ikalimang anghel.—Jeremias 19:3.
[Mga talababa]
a Gaya ng ipinakikita ng 1 Corinto 4:8, ang mga pinahirang Kristiyano ay hindi mamamahala bilang mga hari habang narito pa sa lupa. Gayunman, ayon sa konteksto ng Apocalipsis 14:3, 6, 12, 13, nakikibahagi sila sa pag-awit ng bagong awit sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita samantalang nagbabata hanggang sa katapusan ng kanilang makalupang landasin.
b Sinusuhayan ito ng paggamit ng mga Hebreong pangalan sa iba pang mga pangitain; si Jesus ay pinagkalooban ng pangalang Hebreo na “Abadon” (na nangangahulugang “Pagkapuksa”) at maglalapat siya ng hatol sa dako na “sa Hebreo ay tinatawag na Har–Magedon.”—Apocalipsis 9:11; 16:16.
c Sinasabi ng teksto na “wari’y isang bagong awit,” sapagkat naisulat na sa makahulang salita noong sinauna ang mismong awit na ito. Ngunit wala pang karapat-dapat noon na umawit nito. Ngayong naitatag na ang Kaharian at binuhay nang muli ang mga banal, kitang-kita na ang katuparan ng mga hula, at panahon na upang awitin ang napakaringal na awit na ito.
d Ang situwasyon ay maihahambing sa kalagayan ng tapat at maingat na alipin na nagbibigay ng pagkain sa mga lingkod ng sambahayan sa tamang panahon. (Mateo 24:45) Bilang isang kalipunan, ang alipin ang may pananagutang maglaan ng pagkain, subalit ang mga lingkod ng sambahayan, ang indibiduwal na mga miyembro ng kalipunang iyon, ay tinutustusan sa pamamagitan ng pakikibahagi sa espirituwal na paglalaang ito. Iisang grupo lamang sila subalit inilalarawan sa magkaibang paraan—bilang isang kalipunan at bilang mga indibiduwal.
[Mga larawan sa pahina 202, 203]
144,000
24 na matatanda
Mga kasamang tagapagmana ng Kordero, si Kristo Jesus, na inilalarawan sa dalawang magkaibang punto de vista