KABANATA 11
Tulong Mula sa mga Anghel ng Diyos
SINASABI ng ilang tao na naniniwala lamang sila sa kanilang nakikita. Pero iyan ay isang kamangmangan. Napakaraming bagay na totoo na hindi nakikita kailanman ng ating mga mata. Maaari ka bang bumanggit ng isa?—
Kumusta ang hangin na ating nilalanghap? Nararamdaman ba natin ito?— Itaas mo ang iyong kamay, at hipan ito. May naramdaman ka ba?— Oo, pero hindi mo nakikita ang hangin, hindi ba?—
Napag-usapan na natin ang mga espiritung persona, na hindi natin nakikita. Nalaman natin na ang ilan ay mabuti pero ang iba ay masama. Bumanggit ka ng ilang mabubuting espiritung persona na hindi natin nakikita.— Oo, nariyan ang Diyos na Jehova, nariyan si Jesus, at nariyan ang mabubuting anghel. Mayroon din bang masasamang anghel?— Mayroon, sabi ng Bibliya. Sabihin mo nga sa akin kung ano ang natutuhan mo tungkol sa kanila.—
Ang isang bagay na alam natin ay na ang mabubuting anghel at ang masasamang anghel ay parehong mas malakas kaysa sa atin. Ang Dakilang Guro ay napakaraming alam tungkol sa mga anghel. Iyan ay sapagkat siya’y naging anghel muna bago siya isinilang bilang sanggol sa lupa. Nakasama niya ang mga anghel sa langit. Milyun-milyon silang kilala niya. May mga pangalan ba ang lahat ng mga anghel na ito?—
Buweno, nalaman natin na binigyan ng Diyos ng mga pangalan ang mga bituin. Kaya makatitiyak tayo na lahat ng mga anghel ay may mga pangalan din. At alam natin na nag-uusap-usap sila sapagkat ang Bibliya ay may binabanggit tungkol sa ‘wika ng mga anghel.’ (1 Corinto 13:1) Ano kaya sa palagay mo ang pinag-uusapan ng mga anghel? Pinag-uusapan kaya nila tayo na nasa lupa?—
Alam natin na inuudyukan tayo ng mga anghel ni Satanas, ang mga demonyo, na suwayin si Jehova. Kaya tiyak na pinag-uusapan nila kung paano nila ito magagawa. Gusto nilang gayahin natin sila para magalit din sa atin si Jehova. Pero kumusta naman ang tapat na mga anghel ng Diyos? Sa palagay mo kaya’y pinag-uusapan din nila tayo?— Oo. Gusto nila tayong tulungan. Sasabihin ko sa iyo kung paano tinulungan ng ilan sa mga anghel ng Diyos ang mga taong umiibig kay Jehova at naglilingkod sa kaniya.
Halimbawa, may isang lalaki na ang pangalan ay Daniel na nakatira sa Babilonya. Maraming tagaroon ang hindi umiibig kay Jehova. Gumawa pa nga ang mga tao ng isang kautusan na magpaparusa sa sinumang mananalangin sa Diyos na Jehova. Pero hindi tumigil si Daniel sa pananalangin kay Jehova. Alam mo ba kung ano ang ginawa nila kay Daniel?—
Oo, ipinatapon ng masasamang tao si Daniel sa yungib ng mga leon. Nag-iisa roon si Daniel kasama ang gutóm na mga leon. Alam mo ba ang nangyari noon?— ‘Isinugo ng Diyos ang kaniyang anghel at itinikom ang bibig ng mga leon,’ ang sabi ni Daniel. Hindi siya nasaktan man lamang! Ang mga anghel ay makagagawa ng kamangha-manghang mga bagay para sa mga naglilingkod kay Jehova.—Daniel 6:18-22.
May panahon naman noon na nakabilanggo si Pedro. Maaalaala mo na si Pedro ay kaibigan ng Dakilang Guro, si Jesu-Kristo. Hindi nagustuhan ng ilan nang sabihin sa kanila ni Pedro na si Jesus ay Anak ng Diyos. Kaya ipinabilanggo nila si Pedro. Binabantayan ng mga sundalo si Pedro para tiyakin na hindi siya makatatakas. May makatutulong kaya sa kaniya?—
Natutulog noon si Pedro sa pagitan ng dalawang guwardiya, at nakakadena ang kaniyang mga kamay. Pero ang Bibliya ay nagsasabi: ‘Narito! Dumating ang anghel ni Jehova, at sumikat ang liwanag sa selda ng bilangguan. Pagkatapik kay Pedro sa tagiliran, ginising siya ng anghel na sinasabi, “Bumangon kang madali!” ’
Sa gayon, nahulog ang mga tanikala ni Pedro mula sa kaniyang mga kamay! At sinabi sa kaniya ng anghel: ‘Magbihis ka, magsandalyas ka, at sumunod ka sa akin.’ Hindi sila napigilan ng mga guwardiya sapagkat tinutulungan ng anghel si Pedro. Ngayon ay nasa pintuang-daang bakal na sila, at may kakaibang nangyari. Kusang bumukas ang pintuan! Pinalaya ng anghel na iyon si Pedro upang makapagpatuloy siya sa pangangaral.—Gawa 12:3-11.
Matutulungan din kaya tayo ng mga anghel ng Diyos?— Oo. Ang ibig bang sabihin nito ay hindi na nila kailanman papayagang masaktan tayo?— Hindi, hindi pinipigilan ng mga anghel na masaktan tayo kung tayo’y gumagawa ng mangmang na mga bagay. Pero kahit na hindi tayo gumagawa ng mangmang na mga bagay, posible pa rin tayong masaktan. Hindi inutusan ang mga anghel na pigilang mangyari ito. Sa halip, binigyan sila ng Diyos ng pantanging gawain.
Binabanggit ng Bibliya ang isang anghel na nagsasabi sa mga tao sa lahat ng dako na sambahin ang Diyos. (Apocalipsis 14:6, 7) Paano kaya ito sinasabi sa kanila ng anghel? Sumisigaw ba siya mula sa langit para marinig siya ng lahat?— Hindi, sa halip, ang mga tagasunod ni Jesus sa lupa ay nakikipag-usap sa iba tungkol sa Diyos, at sila’y pinapatnubayan ng mga anghel sa kanilang gawain. Tinitiyak ng mga anghel na yaong mga gustong matuto tungkol sa Diyos ay magkaroon ng pagkakataong makarinig. Puwede tayong makibahagi sa gawaing pangangaral na iyan, at tutulungan tayo ng mga anghel.
Pero paano kaya kung guluhin tayo ng mga taong hindi umiibig sa Diyos? Paano kung ibilanggo nila tayo? Palalayain kaya tayo ng mga anghel?— Puwede naman. Pero hindi nila palaging ginagawa iyan.
Ang tagasunod ni Jesus na si Pablo ay minsan na ring nabilanggo. Naglalayag siya sakay ng isang bangka sa gitna ng malakas na bagyo. Pero hindi siya pinalaya agad ng mga anghel. Ito’y dahil sa may iba pang mga tao na kailangang makarinig ng tungkol sa Diyos. Ang sabi ng anghel: “Huwag kang matakot, Pablo. Kailangang tumayo ka sa harap ni Cesar.” Oo, si Pablo ay dadalhin sa pandaigdig na tagapamahala na si Cesar para si Pablo ay makapangaral sa kaniya. Alam lagi ng mga anghel kung nasaan si Pablo, at tinulungan nila siya. Tutulungan din nila tayo kung talagang naglilingkod tayo sa Diyos.—Gawa 27:23-25.
May isa pang mahalagang bagay na gagawin ang mga anghel, at malapit na nilang gawin ito. Napakalapit na ng panahon ng pagpuksa ng Diyos sa masasamang tao. Lahat ng hindi sumasamba sa tunay na Diyos ay mapupuksa. Matutuklasan ng mga nagsasabing hindi sila naniniwala sa mga anghel sapagkat hindi nila nakikita ang mga ito na maling-mali sila.—2 Tesalonica 1:6-8.
Ano ang ibig sabihin niyan para sa atin?— Kung tayo ay nasa panig ng mga anghel ng Diyos, tutulungan nila tayo. Pero tayo ba ay nasa panig nila?— Oo, kung naglilingkod tayo kay Jehova. At kung naglilingkod tayo kay Jehova, sasabihin natin sa ibang mga tao na maglingkod din sila sa kaniya.
Para malaman pa kung paano naapektuhan ng mga anghel ang buhay ng mga tao, basahin ang Awit 34:7; Mateo 4:11; 18:10; Lucas 22:43; at Gawa 8:26-31.