USOK
Ang nakikitang kombinasyon ng mga partikula ng karbon at mga gas mula sa nasusunog na organikong materyal na lumilikha ng pinung-pino at maitim na alikabok; gayundin, singaw o ulap na kahawig ng usok. Bukod sa pagbanggit sa literal na usok (sa Heb., ʽa·shanʹ; sa Gr., ka·pnosʹ) sa iba’t ibang pagkakataon, maraming makasagisag na gamit ang salitang ito, at maging ang paglitaw mismo ng usok ay may makasagisag na kahulugan.
Ang Presensiya ni Jehova, at ang Kaniyang Galit. May mga pagkakataong isiniwalat ni Jehova ang kaniyang presensiya sa pamamagitan ng isang ulap ng “usok,” anupat kung minsa’y may kasamang apoy. (Exo 19:18; 20:18; Isa 4:5) Sa ganitong paraan niya sinagisagan ang kaniyang presensiya sa mga templong nakita sa mga pangitain ni Isaias na propeta at ni Juan na apostol.—Isa 6:1-6; Apo 15:8; tingnan ang ULAP.
Nauugnay rin ang usok sa nag-aapoy na galit ni Jehova. (Deu 29:20) Sa kabilang dako naman, yaong mga nasa Israel na humiwalay tungo sa pagsamba sa huwad na mga diyos ay tinawag na “usok” sa mga butas ng ilong ng Diyos, anupat nagpapahiwatig na pinukaw nila ang kaniyang matinding galit.—Isa 65:5.
Isang Babala o Palatandaan. Noon, ginagamit ang mga hudyat na usok sa pakikipagdigma upang maghatid ng mga mensahe sa pagitan ng mga lunsod o ng mga pangkat ng isang hukbo. (Huk 20:38-40) Katibayan din ito na may isang bagay na winawasak sa pamamagitan ng apoy, gaya halimbawa ng usok na pumapailanlang mula sa isang malayong lunsod. (Gen 19:28; Jos 8:20, 21) O bilang metapora ay maaari itong tumukoy sa isang hukbo na humahayo upang magsagawa ng pagpuksa, anupat kadalasa’y kasama rito ang pagsunog sa mga lunsod na kanilang nalupig.—Isa 14:31.
Dahil dito, nang maglaon, ang pumapailanlang na haligi o ulap ng usok ay ginamit bilang isang pahiwatig ng babala, isang palatandaan ng darating na kaabahan o ng pagkapuksa. (Apo 9:2-4; ihambing ang Joe 2:30, 31; Gaw 2:19, 20; Apo 9:17, 18.) Hinggil sa mga balakyot, ganito ang sabi ng salmista: “Sa usok ay sasapit sila sa kanilang kawakasan.” (Aw 37:20) Ang usok ay sumasagisag din sa katibayan ng pagkapuksa. (Apo 18:9, 18) Kaya naman, maliwanag na ang usok na patuloy na pumapailanlang “hanggang sa panahong walang takda” ay pananalitang tumutukoy sa ganap na pagkalipol, gaya sa hula ni Isaias laban sa Edom: “hanggang sa panahong walang takda ay patuloy na paiilanlang ang usok nito.” (Isa 34:5, 10) Napawi ang Edom bilang isang bansa at nananatili itong tiwangwang hanggang sa araw na ito, at ang katibayan ng pangyayaring ito ay nakatala sa ulat ng Bibliya at sa mga rekord ng sekular na kasaysayan. Sa katulad na paraan, ang walang-hanggang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila ay inihula sa Apocalipsis 18:8, at isang katulad na kahatulan naman ang itinala laban sa mga sumasamba sa “mabangis na hayop” at sa larawan nito, sa Apocalipsis 14:9-11.
Iba Pang Makatalinghagang Paggamit. Ang usok ay karaniwan nang mabilis kumalat at maglaho, kaya naman kung minsan ay makasagisag itong tumutukoy sa mga bagay na pansamantala. Ginagamit ito may kinalaman sa: mga kaaway ng Diyos (Aw 68:2), mga mananamba sa idolo (Os 13:3), at sa pinaikling buhay ng isang napipighati (Aw 102:3).
“Kung paano ang sukà sa mga ngipin at kung paano ang usok sa mga mata, gayon ang taong tamad sa mga nagsusugo sa kaniya,” ang sabi ng kawikaan. Kung paanong ang usok ay masakit at mahapdi sa mga mata, gayundin naman ang isa na umuupa ng isang taong tamad ay gumagawa niyaon sa ikapipinsala ng kaniyang sariling mga layunin.—Kaw 10:26.
Ang salmista, na naghihintay ng kaaliwan mula kay Jehova, ay nagsabi: “Ako ay naging tulad ng sisidlang balat sa usok.” (Aw 119:83) Ang mga sisidlang balat, gaya niyaong mga ginagamit sa Gitnang Silangan, na isinasabit sa dingding kapag hindi ginagamit, ay natutuyot at nangunguluntoy dahil sa usok sa loob ng bahay. Ganoon ang naging kalagayan ng salmista sa kamay niyaong mga umuusig sa kaniya.
Noong inilalarawan ni Jehova kay Job ang kaniyang mga nilalang, itinawag-pansin niya ang Leviatan sa pagsasabing: “Mula sa mga butas ng kaniyang ilong ay may lumalabas na usok, tulad ng hurno na pinagniningas sa pamamagitan ng mga halamang hungko.” (Job 41:20) Naniniwala ang maraming iskolar ng Bibliya na ang tinutukoy rito ng Diyos ay ang buwaya na naghihinga ng isang makapal at mainit na singaw na may dumadagundong na ingay kapag umaahon ito sa tubig.
Haing Usok. Isa pang salitang Hebreo, qa·tarʹ, ang tumutukoy naman sa paggawa ng haing usok, maaaring usok ng insenso o ng iba pang hain sa ibabaw ng altar. (1Cr 6:49; Jer 44:15) Ang gayong haing usok ay itinuturing na isang kalugud-lugod na amoy na pumapailanlang sa Isa na pinaghahandugan nito.—Gen 8:20, 21; Lev 26:31; Efe 5:2.