Kabanata 30
“Ang Babilonyang Dakila ay Bumagsak Na!”
1. Ano ang ipinahahayag ng ikalawang anghel, at sino ang Babilonyang Dakila?
ORAS na ng paghatol ng Diyos! Kung gayon pakinggan ang banal na mensahe: “At isa pa, ang ikalawang anghel, ang sumunod, na nagsasabi: ‘Siya ay bumagsak na! Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na, siya na nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng galit ng kaniyang pakikiapid!’” (Apocalipsis 14:8) Sa kauna-unahang pagkakataon, itinutuon ng Apocalipsis ang pansin sa Babilonyang Dakila. Sa dakong huli, ilalarawan siya sa kabanata 17 bilang isang mapang-akit na patutot. Sino siya? Gaya ng makikita natin, isa siyang pangglobong imperyo, nauugnay siya sa relihiyon, at siya ang huwad na sistemang ginagamit ni Satanas sa pakikipaglaban sa binhi ng babae ng Diyos. (Apocalipsis 12:17) Ang Babilonyang Dakila ay ang buong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Sakop niya ang lahat ng relihiyon na nagtataguyod ng relihiyosong mga turo at kaugalian ng sinaunang Babilonya at nagpapamalas ng kaniyang espiritu.
2. (a) Paano nangalat sa buong lupa ang maka-Babilonyang relihiyon? (b) Ano ang pinakaprominenteng bahagi ng Babilonyang Dakila, at kailan ito lumitaw bilang isang makapangyarihang organisasyon?
2 Sa Babilonya, ginulo ni Jehova ang mga wika ng mga nagtangkang magtayo ng Tore ng Babel, mahigit 4,000 taon na ngayon ang nakararaan. Nangalat hanggang sa mga dulo ng lupa ang iba’t ibang grupo na may kani-kaniyang wika, at dala-dala nila ang mga apostatang paniniwala at kaugalian na siyang saligan ng karamihan ng relihiyon sa ngayon. (Genesis 11:1-9) Ang Babilonyang Dakila ang relihiyosong bahagi ng organisasyon ni Satanas. (Ihambing ang Juan 8:43-47.) Ang pinakaprominenteng bahagi nito sa ngayon ay ang apostatang Sangkakristiyanuhan, na lumitaw bilang isang makapangyarihan at tampalasang organisasyon noong ikaapat na siglo pagkaraan ng panahon ni Kristo, na may mga doktrina at pormalismong halaw, hindi sa Bibliya, kundi sa kalakhang bahagi ay sa relihiyong maka-Babilonya.—2 Tesalonica 2:3-12.
3. Sa anong diwa masasabing bumagsak na ang Babilonyang Dakila?
3 Baka itanong mo, ‘Yamang malakas pa rin ang impluwensiya ng relihiyon sa lupa, bakit inihahayag ng anghel na bumagsak na ang Babilonyang Dakila?’ Buweno, ano ba ang naging resulta pagkaraan ng 539 B.C.E. noong bumagsak ang sinaunang Babilonya? Aba, pinalaya ang Israel upang makabalik ito sa kaniyang sariling lupain at maisauli ang tunay na pagsamba roon! Kaya ang pagsasauli sa espirituwal na Israel noong 1919 tungo sa maningning na kasaganaan sa espirituwal, na nagpapatuloy at lumalawak hanggang sa ngayon, ay patunay na bumagsak nga ang Babilonyang Dakila nang taóng iyon. Wala na siyang kapangyarihan upang pigilin pa ang bayan ng Diyos. Bukod diyan, nagkaroon ng matinding sigalot sa pagitan ng kaniya mismong mga miyembro. Mula noong 1919, nailantad nang malawakan ang kaniyang katiwalian, pandaraya, at imoralidad. Sa kalakhang bahagi ng Europa, kakaunti na lamang ang nagsisimba, at sa ilang sosyalistang bansa, ang relihiyon ay itinuturing na “opyo ng bayan.” Naging kahiya-hiya ang Babilonyang Dakila sa paningin ng lahat ng umiibig sa Salita ng katotohanan ng Diyos at malapit na siyang bitayin, wika nga, upang mailapat ang matuwid na hatol ni Jehova sa kaniya.
Ang Kahiya-hiyang Pagbagsak ng Babilonya
4-6. Sa anong paraan ‘pinainom ng Babilonyang Dakila ang lahat ng bansa ng alak ng galit ng kaniyang pakikiapid’?
4 Suriin natin nang mas detalyado ang mga pangyayaring nasa likod ng kahiya-hiyang pagbagsak ng Babilonyang Dakila. Sinasabi sa atin dito ng anghel na ang “Babilonyang Dakila . . . [ang] nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng galit ng kaniyang pakikiapid.” Ano ang kahulugan nito? May kinalaman ito sa pananakop. Halimbawa, sinabi ni Jehova kay Jeremias: “Kunin mo ang kopang ito ng alak ng pagngangalit mula sa aking kamay, at ipainom mo ito sa lahat ng mga bansa na pagsusuguan ko sa iyo. At sila ay iinom at magpapasuray-suray at kikilos na gaya ng mga taong baliw dahil sa tabak na isusugo ko sa kanila.” (Jeremias 25:15, 16) Noong ikaanim at ikapitong siglo B.C.E., ginamit ni Jehova ang sinaunang Babilonya upang ibuhos ang makasagisag na kopa ng kapighatian na dapat inumin ng maraming bansa, kasama na ang apostatang Juda, anupat maging ang kaniyang sariling bayan ay naging tapon. Pagkatapos nito, bumagsak din ang Babilonya sapagkat dinakila ng kaniyang hari ang kaniyang sarili laban kay Jehova, ang “Panginoon ng langit.”—Daniel 5:23.
5 Nanakop din ang Babilonyang Dakila, subalit sa pangkalahatan, mas tuso ang kaniyang pamamaraan. ‘Pinainom niya ang lahat ng bansa’ sa pamamagitan ng panghalina ng isang patutot, na nakiapid sa kanila sa relihiyosong paraan. Nirahuyo niya ang pulitikal na mga tagapamahala upang makipag-alyansa at makipagkaibigan sa kaniya. Sa pamamagitan ng mga relihiyosong panggayuma, nagpakana siya ng pulitikal, komersiyal, at pang-ekonomiyang paniniil. Nanulsol siya ng relihiyosong pag-uusig at relihiyosong mga digmaan at krusada, pati na ng pambansang mga digmaan, para lamang sa pulitikal at komersiyal na mga layunin. At pinabanal niya ang mga digmaang ito sa pagsasabing kalooban ito ng Diyos.
6 Alam ng marami na sangkot ang relihiyon sa mga digmaan at pulitika ng ika-20 siglo—gaya ng Shinto sa Hapon, Hinduismo sa India, Budismo sa Vietnam, “Kristiyanismo” sa Hilagang Ireland at Latin Amerika, bukod pa sa iba—at huwag nating kaliligtaan ang pananagutan ng mga kapelyan ng mga hukbo sa magkabilang panig na humikayat sa mga kabataang lalaki na magpatayan sa isa’t isa sa dalawang digmaang pandaigdig. Isang tipikal na halimbawa ng talamak na pakikiapid ng Babilonyang Dakila ang naging papel niya sa Gera Sibil ng Espanya noong 1936-39, kung saan di-kukulangin sa 600,000 katao ang nasawi. Pinasimunuan ng mga tagasuporta ng Katolikong klero at ng kanilang mga kaalyado ang pagdanak na ito ng dugo, dahil na rin sa banta ng legal na pamahalaan ng Espanya sa kayamanan at katayuan ng simbahan.
7. Sino ang pangunahing puntirya ng Babilonyang Dakila, at anu-anong pamamaraan ang ginagamit niya laban dito?
7 Yamang ang Babilonyang Dakila ang relihiyosong bahagi ng binhi ni Satanas, noon pa man ay pangunahin na niyang puntirya ang “babae” ni Jehova, ang “Jerusalem sa itaas.” Noong unang siglo, ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano ay maliwanag na nakilala bilang binhi ng babae. (Genesis 3:15; Galacia 3:29; 4:26) Pinagsikapan ng Babilonyang Dakila na daigin ang malinis na kongregasyong iyon sa pamamagitan ng paghikayat dito na makibahagi sa relihiyosong pakikiapid. Nagbabala ang mga apostol na sina Pablo at Pedro na marami ang madaraig at malaking apostasya ang ibubunga nito. (Gawa 20:29, 30; 2 Pedro 2:1-3) Ipinahiwatig ng mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon na sa pagtatapos ng buhay ni Juan, malaki-laki na ang nagawa ng Babilonyang Dakila sa pagsisikap niyang pasamain ang mga ito. (Apocalipsis 2:6, 14, 15, 20-23) Subalit naipakita na ni Jesus na may hangganan ang magagawa nito.
Ang Trigo at ang mga Panirang-Damo
8, 9. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng talinghaga ni Jesus tungkol sa trigo at mga panirang-damo? (b) Ano ang nangyari “habang natutulog ang mga tao”?
8 Sa kaniyang talinghaga hinggil sa trigo at mga panirang-damo, bumanggit si Jesus tungkol sa isang tao na naghasik ng mainam na binhi sa bukid. Subalit “habang natutulog ang mga tao,” isang kaaway ang dumating at naghasik ng mga panirang-damo. Kaya ang trigo ay natabunan ng mga panirang-damo. Ipinaliwanag ni Jesus ang talinghaga niyang ito sa ganitong mga pananalita: “Ang manghahasik ng mainam na binhi ay ang Anak ng tao; ang bukid ay ang sanlibutan; kung tungkol sa mainam na binhi, ito ay ang mga anak ng kaharian; ngunit ang mga panirang-damo ay ang mga anak ng isa na balakyot, at ang kaaway na naghasik ng mga iyon ay ang Diyablo.” Pagkatapos, ipinakita niya na ang trigo at ang mga panirang-damo ay pahihintulutang tumubo nang sabay hanggang sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” kapag ‘tinipon’ na ng mga anghel ang makasagisag na mga panirang-damo.—Mateo 13:24-30, 36-43.
9 Nangyari nga ang ibinabala ni Jesus at nina apostol Pablo at Pedro. “Habang natutulog ang mga tao,” maaaring ito’y pagkatapos matulog sa kamatayan ang mga apostol o nang antukin sa pagbabantay sa kawan ng Diyos ang mga Kristiyanong tagapangasiwa, sumibol sa loob mismo ng kongregasyon ang maka-Babilonyang apostasya. (Gawa 20:31) Di-nagtagal at lumago nang husto ang mga panirang-damo anupat natabunan nito ang trigo. Sa loob ng maraming siglo, waring lubusan nang nadaig ng Babilonyang Dakila ang binhi ng babae.
10. Ano ang nangyari pagsapit ng dekada ng 1870, at paano tumugon dito ang Babilonyang Dakila?
10 Pagsapit ng dekada ng 1870, gumawa ng determinadong pagsisikap ang mga pinahirang Kristiyano upang humiwalay sa pagpapatutot ng Babilonyang Dakila. Tinalikdan nila ang huwad na mga doktrina na ipinasok ng Sangkakristiyanuhan mula sa paganismo at may-katapangan nilang ginamit ang Bibliya upang ipangaral na magwawakas ang panahong Gentil sa taóng 1914. Ang mga pagsisikap na ito na isauli ang tunay na pagsamba ay sinalansang ng klero ng Sangkakristiyanuhan, ang pangunahing instrumento ng Babilonyang Dakila. Noong unang digmaang pandaigdig, sinamantala nila ang kaguluhang dulot ng digmaan sa pagsisikap na patigilin ang maliit na grupong iyon ng tapat na mga Kristiyano. Noong 1918, waring nagtagumpay na ang Babilonyang Dakila nang halos masugpo ang kanilang gawain. Tila napanaigan na niya sila.
11. Ano ang ibinunga ng pagbagsak ng sinaunang Babilonya?
11 Gaya ng katatalakay natin, dumanas ng kapaha-pahamak na pagbagsak mula sa kapangyarihan ang mapagmapuring lunsod ng Babilonya noong 539 B.C.E. Pagkatapos ay narinig ang sigaw na ito: “Siya ay bumagsak na! Ang Babilonya ay bumagsak na!” Ang dakilang kabisera ng pandaigdig na imperyo ay nahulog sa mga hukbo ng Medo-Persia sa ilalim ni Cirong Dakila. Bagaman hindi nawasak ang lunsod mismo nang masakop ito, lubusan naman siyang bumagsak mula sa kapangyarihan, at nagbunga ito ng kalayaan para sa kaniyang mga bihag na Judio. Nagbalik sila sa Jerusalem upang itatag muli ang dalisay na pagsamba roon.—Isaias 21:9; 2 Cronica 36:22, 23; Jeremias 51:7, 8.
12. (a) Sa ating panahon, paano masasabing bumagsak na ang Babilonyang Dakila? (b) Ano ang nagpapatunay na lubusan nang itinakwil ni Jehova ang Sangkakristiyanuhan?
12 Narinig din sa ating panahon ang sigaw na bumagsak na ang Babilonyang Dakila! Ang pansamantalang tagumpay ng maka-Babilonyang Sangkakristiyanuhan noong 1918 ay biglang nabaligtad noong 1919 nang maisauli ang nalabi ng mga pinahiran, ang uring Juan, sa pamamagitan ng espirituwal na pagkabuhay-muli. Bumagsak na ang Babilonyang Dakila dahil hindi na niya bihag ang bayan ng Diyos. Gaya ng mga balang, ang pinahirang mga kapatid ni Kristo ay naglabasan mula sa kalaliman at handa na sa gawain. (Apocalipsis 9:1-3; 11:11, 12) Sila ang makabagong-panahong “tapat at maingat na alipin,” at inatasan sila ng Panginoon sa lahat ng kaniyang mga pag-aari sa lupa. (Mateo 24:45-47) Ang paggamit sa kanila sa paraang ito ay nagpatunay na lubusan nang itinakwil ni Jehova ang Sangkakristiyanuhan sa kabila ng pag-aangkin nitong siya ang kaniyang kinatawan sa lupa. Muling naitatag ang dalisay na pagsamba at nabuksan ang daan upang matapos ang pagtatatak sa nalabi ng 144,000—ang mga nalabi ng binhi ng babae, ang matagal nang kaaway ng Babilonyang Dakila. Lahat ng ito ay hudyat ng matinding pagkatalo ng satanikong relihiyosong organisasyong iyon.
Pagbabata ng mga Banal
13. (a) Ano ang inihahayag ng ikatlong anghel? (b) Anong paghatol ang iginagawad ni Jehova sa mga tumatanggap ng marka ng mabangis na hayop?
13 Nagsasalita na ngayon ang ikatlong anghel. Makinig! “At isa pang anghel, ang ikatlo, ang sumunod sa kanila, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Kung ang sinuman ay sasamba sa mabangis na hayop at sa larawan nito, at tatanggap ng marka sa kaniyang noo o sa kaniyang kamay, iinom din siya ng alak ng galit ng Diyos na ibinubuhos nang walang halo sa kopa ng kaniyang poot.’” (Apocalipsis 14:9, 10a) Sa Apocalipsis 13:16, 17, inihayag na sa araw ng Panginoon, ang mga hindi sumasamba sa larawan ng mabangis na hayop ay magdurusa—at maaari pa ngang patayin. Nalaman naman natin ngayon na ipinasiya ni Jehova na hatulan ang mga ‘may marka, may pangalan ng mabangis na hayop o bilang ng pangalan nito.’ Mapipilitan silang inumin ang mapait na ‘kopa ng poot’ ng galit ni Jehova. Ano ang magiging kahulugan nito para sa kanila? Noong 607 B.C.E., nang sapilitang painumin ni Jehova ang Jerusalem sa “kaniyang kopa ng pagngangalit,” dumanas ang lunsod ng “pananamsam at kagibaan, at gutom at tabak” sa kamay ng mga Babilonyo. (Isaias 51:17, 19) Sa katulad na paraan, kapag ang mga mananamba ng pulitikal na mga kapangyarihan sa lupa at ng larawan nito, ang Nagkakaisang mga Bansa, ay pinainom sa kopa ng poot ni Jehova, kapahamakan ang magiging resulta nito para sa kanila. (Jeremias 25:17, 32, 33) Lubusan silang malilipol.
14. Bago pa man puksain ang mga sumasamba sa mabangis na hayop at sa larawan nito, ano muna ang daranasin ng mga ito, at paano ito inilarawan ni Juan?
14 Pero bago pa man mangyari ito, daranasin ng mga may marka ng hayop ang nagpapahirap na epekto ng di-pagsang-ayon ni Jehova. May kinalaman sa mananamba ng mabangis na hayop at ng larawan nito, ganito ang sinabi ng anghel kay Juan: “At pahihirapan siya sa apoy at asupre sa paningin ng mga banal na anghel at sa paningin ng Kordero. At ang usok ng kanilang pahirap ay pumapailanlang magpakailan-kailanman, at wala silang pahinga araw at gabi, yaong mga sumasamba sa mabangis na hayop at sa larawan nito, at sinumang tumatanggap ng marka ng pangalan nito.”—Apocalipsis 14:10b, 11.
15, 16. Ano ang kahulugan ng mga salitang “apoy at asupre” sa Apocalipsis 14:10?
15 Ang pagbanggit dito ng apoy at asupre ay itinuturing ng ilan na katibayan ng pag-iral ng apoy ng impiyerno. Subalit ang maikling pagsusuri sa isang nakakatulad na hula ay magpapakita ng tunay na kahulugan ng mga salitang ito sa kaniyang konteksto. Noong mga panahon ni Isaias, binabalaan ni Jehova ang bansang Edom na parurusahan ito dahil sa pakikipag-alit sa Israel. Sinabi niya: “Ang kaniyang mga ilog ay magiging alkitran, at ang kaniyang alabok ay magiging asupre; at ang kaniyang lupain ay magiging gaya ng nagniningas na alkitran. Sa gabi o sa araw ay hindi ito mamamatay; hanggang sa panahong walang takda ay patuloy na paiilanlang ang usok nito. Sa sali’t salinlahi ay magiging tigang siya; walang sinumang daraan sa kaniya magpakailan-kailanman.”—Isaias 34:9, 10.
16 Inihagis ba ang Edom sa isang maalamat na apoy ng impiyerno upang masunog doon magpakailan-kailanman? Hindi nga. Sa halip, lubusang naglaho ang bansang iyon sa eksena ng daigdig na wari’y nasupok sa apoy at asupre. Ang pangwakas na resulta ng kaparusahan ay hindi ang walang hanggang pagpapahirap kundi ang “kawalang-laman . . . pagkatiwangwang . . . walang kabuluhang lahat.” (Isaias 34:11, 12) Malinaw na inilalarawan ito ng usok na ‘pumapailanlang hanggang sa panahong walang takda.’ Kapag nasunog ang isang bahay, patuloy pa ring pumapailanlang ang usok mula sa mga abo kahit naapula na ang apoy, na nagiging basehan ng mga nagmamasid na nagkaroon nga ng isang mapangwasak na sunog doon. Hanggang ngayon, naaalaala pa rin ng bayan ng Diyos ang aral na itinuturo ng pagkawasak ng Edom. Sa diwang ito, pumapailanlang pa rin sa makasagisag na paraan ang ‘usok ng kaniyang pagkasunog.’
17, 18. (a) Ano ang kahihinatnan ng mga tumatanggap ng marka ng mabangis na hayop? (b) Sa anong paraan masasabing pinahihirapan ang mga mananamba ng mabangis na hayop? (c) Sa anong diwa “ang usok ng kanilang pahirap ay pumapailanlang magpakailan-kailanman”?
17 Ang mga may marka ng mabangis na hayop ay lubusan ding mapupuksa, na waring sa pamamagitan ng apoy. Gaya ng ipinakikita ng hula sa dakong huli, ang kanilang mga bangkay ay hindi na ililibing pa kundi magiging pagkain na lamang ng mga hayop at ibon. (Apocalipsis 19:17, 18) Kaya maliwanag na hindi sila literal na pahihirapan magpakailanman! Sa anong paraan sila ‘pahihirapan sa apoy at asupre’? Sa diwa na ang paghahayag ng katotohanan ay naglalantad sa kanila at nagbababala sa kanila hinggil sa dumarating na paghatol ng Diyos. Kaya nga inaalipusta nila ang bayan ng Diyos at, kung saanman posible, may-katusuhan nilang hinihimok ang pulitikal na mabangis na hayop na usigin at patayin pa nga ang mga Saksi ni Jehova. Ang mga mananalansang na ito, bilang kasukdulan, ay lilipulin na waring sa pamamagitan ng apoy at asupre. Kung gayon ‘ang usok ng kanilang pahirap ay papailanlang magpakailan-kailanman’ sa diwa na ang paghatol sa kanila ng Diyos ay magsisilbing basehan sakaling hamuning muli ang matuwid na pagkasoberano ni Jehova. Malulutas na magpakailanman ang isyung iyon.
18 Sino ang naghahatid ng nagpapahirap na mensahe sa ngayon? Tandaan, ang makasagisag na mga balang ay may awtoridad na magpahirap sa mga taong walang tatak ng Diyos sa kanilang noo. (Apocalipsis 9:5) Maliwanag na sila ang mga tagapagpahirap na nasa ilalim ng patnubay ng mga anghel. Gayon na lamang kadeterminado ang makasagisag na mga balang anupat ‘walang pahinga araw at gabi yaong mga sumasamba sa mabangis na hayop at sa larawan nito, at sinumang tumatanggap ng marka ng pangalan nito.’ At sa wakas, matapos silang puksain, ang napakalaking ebidensiya ng pagbabangong-puri sa pagkasoberano ni Jehova, “ang usok ng kanilang pahirap,” ay paiilanlang magpakailan-kailanman. Makapagbata nawa ang uring Juan hanggang sa malubos ang pagbabangong-puring iyon! Gaya ng konklusyon ng anghel: “Dito nangangahulugan ng pagbabata para sa mga banal, yaong mga tumutupad ng mga utos ng Diyos at ng pananampalataya kay Jesus.”—Apocalipsis 14:12.
19. Bakit kailangang magbata ang mga banal, at ano ang iniulat ni Juan na nagpapalakas sa kanila?
19 Oo, ang “pagbabata para sa mga banal” ay nangangahulugan ng pagsamba nila kay Jehova na may bukod-tanging debosyon sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Hindi gusto ng karamihan sa mga tao ang kanilang mensahe. Humahantong ito sa pagsalansang, pag-uusig, at kamatayan pa nga bilang martir. Subalit pinalalakas sila ng sumusunod na ulat ni Juan: “At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsabi: ‘Isulat mo: Maligaya ang mga patay na mamamatay na kaisa ng Panginoon mula sa panahong ito. Oo, ang sabi ng espiritu, pagpahingahin sila mula sa kanilang mga pagpapagal, sapagkat ang mga bagay na ginawa nila ay yayaong kasama nila.’”—Apocalipsis 14:13.
20. (a) Paano nakakasuwato ng pangako na iniuulat ni Juan ang hula ni Pablo hinggil sa pagkanaririto ni Jesus? (b) Anong pantanging pribilehiyo ang ipinangako sa mga pinahirang mamamatay matapos palayasin si Satanas sa langit?
20 Ang pangakong ito ay kasuwato ng hula ni Pablo hinggil sa pagkanaririto ni Jesus: “Yaong mga patay na kaisa ni Kristo ang unang babangon. Pagkatapos tayong mga buháy na siyang natitira [ang mga pinahiran na buháy pa sa araw ng Panginoon], kasama nila, ay aagawin sa mga ulap upang salubungin ang Panginoon sa hangin.” (1 Tesalonica 4:15-17) Matapos palayasin si Satanas sa langit, ang mga patay na kaisa ni Kristo ang unang bumangon. (Ihambing ang Apocalipsis 6:9-11.) Pagkatapos nito, ang mga pinahiran na mamamatay sa araw ng Panginoon ay pinangangakuan ng pantanging pribilehiyo. Ang kanilang pagkabuhay-muli bilang espiritu sa langit ay kagyat, “sa isang kisap-mata.” (1 Corinto 15:52) Lubhang kagila-gilalas ito! At ipagpapatuloy nila ang kanilang mga gawa ng katuwiran sa makalangit na dako.
Ang Aanihin sa Lupa
21. Ano ang sinasabi sa atin ni Juan tungkol sa “aanihin sa lupa”?
21 May iba pang makikinabang sa araw na ito ng paghatol, gaya ng patuloy na sinasabi sa atin ni Juan: “At nakita ko, at, narito! isang puting ulap, at sa ulap ay may nakaupong tulad ng isang anak ng tao, na may ginintuang korona sa kaniyang ulo at isang matalas na karit sa kaniyang kamay. At isa pang anghel [ang ikaapat] ang lumabas mula sa santuwaryo ng templo, na sumisigaw sa malakas na tinig sa isa na nakaupo sa ulap: ‘Gamitin mo ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat dumating na ang oras upang gumapas, sapagkat ang aanihin sa lupa ay lubusang hinog na.’ At isinulong ng isa na nakaupo sa ulap ang kaniyang karit sa lupa, at ang lupa ay nagapasan.”—Apocalipsis 14:14-16.
22. (a) Sino ang isa na may suot na ginintuang korona at nakaupo sa puting ulap? (b) Kailan magaganap ang kasukdulan ng pag-aani, at paano?
22 Nakatitiyak tayo sa pagkakakilanlan ng nakaupo sa puting ulap. Yamang inilarawan siya na nakaupo sa puting ulap, na nakakawangis ng isang anak ng tao at may ginintuang korona, maliwanag na siya si Jesus, ang Mesiyanikong Hari na nakita rin ni Daniel sa pangitain. (Daniel 7:13, 14; Marcos 14:61, 62) Ngunit ano ba ang pag-aani na inihula rito? Noong nasa lupa si Jesus, inihalintulad niya ang paggawa ng mga alagad sa pag-aani sa pandaigdig na bukid ng sangkatauhan. (Mateo 9:37, 38; Juan 4:35, 36) Ang kasukdulan ng pag-aaning ito ay dumarating sa araw ng Panginoon, kapag kinoronahan na si Jesus bilang Hari at naglapat na siya ng hatol bilang kinatawan ng kaniyang Ama. Kaya ang panahon ng kaniyang pamamahala, mula noong 1914, ay maligayang panahon din upang ipasok ang ani.—Ihambing ang Deuteronomio 16:13-15.
23. (a) Kanino nagmula ang utos na simulan ang paggapas? (b) Anong pag-aani ang nagaganap mula noong 1919 hanggang sa ngayon?
23 Bagaman isa siyang Hari at Hukom, hinintay muna ni Jesus ang utos ni Jehova na kaniyang Diyos bago niya simulan ang paggapas. Ang utos na ito ay nagmumula sa “santuwaryo ng templo” sa pamamagitan ng isang anghel. Tumalima agad si Jesus. Mula noong 1919, ipinatapos muna niya sa kaniyang mga anghel ang pag-aani ng 144,000. (Mateo 13:39, 43; Juan 15:1, 5, 16) Pagkatapos nito, isinunod ang pagtitipon sa malaking pulutong ng mga ibang tupa. (Juan 10:16; Apocalipsis 7:9) Ipinakikita ng kasaysayan na sa pagitan ng 1931 at 1935, marami-raming bilang ng mga ibang tupang ito ang nagsimulang lumitaw. Noong 1935, ipinaunawa ni Jehova sa uring Juan ang tunay na pagkakakilanlan ng malaking pulutong ng Apocalipsis 7:9-17. Mula noon, pinagtuunan ng pansin ang pagtitipon sa pulutong na ito. Pagsapit ng taóng 2005, ang bilang nito ay mahigit nang anim na milyon, at patuloy pa rin itong dumarami. Walang pagsala, ang isang gaya ng anak ng tao ay nakagapas ng masagana at kasiya-siyang ani sa panahong ito ng kawakasan.—Ihambing ang Exodo 23:16; 34:22.
Pagyurak sa Punong Ubas ng Lupa
24. Ano ang nasa kamay ng ikalimang anghel, at ano ang isinisigaw ng ikaanim na anghel?
24 Kapag naganap na ang pag-aani ukol sa kaligtasan, panahon na ukol sa naiiba namang pag-aani. Nag-uulat si Juan: “At isa pa uling anghel [ang ikalima] ang lumabas mula sa santuwaryo ng templo na nasa langit, na siya rin ay may matalas na karit. At isa pa uling anghel [ang ikaanim] ang lumabas mula sa altar at siya ay may awtoridad sa apoy. At sumigaw siya sa malakas na tinig sa isa na may matalas na karit, na sinasabi: ‘Gamitin mo ang iyong matalas na karit at tipunin mo ang mga kumpol ng punong ubas ng lupa, sapagkat nahinog na ang mga ubas nito.’” (Apocalipsis 14:17, 18) Ang mga hukbo ng mga anghel ay pinagkatiwalaan ng malaking gawain ng pag-aani sa araw ng Panginoon, ang pagbubukod ng mabuti sa masama!
25. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang ikalimang anghel ay nagmula sa santuwaryo ng templo? (b) Bakit angkop na ang utos na magsimulang gumapas ay manggaling sa isang anghel na “lumabas mula sa altar”?
25 Ang ikalimang anghel ay nagmumula sa presensiya ni Jehova sa santuwaryo ng templo; kaya nagaganap din ang pangwakas na pag-aani ayon sa kalooban ni Jehova. Ang mensahe na nag-uutos sa anghel na simulan na ang kaniyang gawain ay inihatid ng isa pang anghel na “lumabas mula sa altar.” Lubhang makahulugan ang bagay na ito, yamang ang tapat na mga kaluluwa sa ilalim ng altar ay nagtanong: “Hanggang kailan, Soberanong Panginoon na banal at totoo, na magpipigil ka sa paghatol at sa paghihiganti para sa aming dugo sa mga tumatahan sa ibabaw ng lupa?” (Apocalipsis 6:9, 10) Mabibigyang-katarungan ang sigaw na ito ukol sa paghihiganti kapag inani na ang punong ubas ng lupa.
26. Ano ang “punong ubas ng lupa”?
26 Subalit ano ang “punong ubas ng lupa”? Sa Hebreong Kasulatan, ang bansang Judio ay tinutukoy bilang punong ubas ni Jehova. (Isaias 5:7; Jeremias 2:21) Sa katulad na paraan, si Jesu-Kristo at ang mga maglilingkod na kasama niya sa Kaharian ng Diyos ay tinutukoy bilang punong ubas. (Juan 15:1-8) Ayon sa konteksto, ang mahalagang katangian ng punong ubas ay ang pagluluwal nito ng bunga, at ang tunay na punong ubas na Kristiyano ay nagluluwal ng saganang bunga ukol sa kapurihan ni Jehova. (Mateo 21:43) Kaya ang “punong ubas ng lupa” ay hindi maaaring ang tunay na punong ubas na ito, kundi isang imitasyon na likha ni Satanas, ang kaniyang tiwaling nakikitang sistema ng pamamahala sa sangkatauhan, kasama na ang sari-saring “kumpol” ng makademonyong bunga na nailuwal nito sa paglipas ng mga siglo. Ang Babilonyang Dakila, kung saan napakaprominente ang apostatang Sangkakristiyanuhan, ay may malakas na impluwensiya sa nakalalasong punong ubas na ito.—Ihambing ang Deuteronomio 32:32-35.
27. (a) Ano ang magaganap kapag tinipon na ng anghel na may karit ang punong ubas ng lupa? (b) Anu-anong hula sa Hebreong Kasulatan ang nagpapahiwatig sa lawak ng pag-aani?
27 Dapat nang ilapat ang hatol! “At isinulong ng anghel ang kaniyang karit sa lupa at tinipon ang punong ubas ng lupa, at inihagis niya iyon sa malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos. At ang pisaan ng ubas ay niyurakan sa labas ng lunsod, at lumabas ang dugo mula sa pisaan ng ubas at umabot hanggang sa mga renda ng mga kabayo, sa layo na isang libo anim na raang estadyo.” (Apocalipsis 14:19, 20) Ang galit ni Jehova laban sa punong ubas na ito ay matagal nang naipahayag. (Zefanias 3:8) Tinitiyak ng hula sa aklat ni Isaias na buong mga bansa ang mapupuksa kapag niyurakan na ang pisaan ng ubas na iyon. (Isaias 63:3-6) Inihula rin ni Joel na napakalaking “mga pulutong,” buong mga bansa, ang yuyurakan sa “pisaan ng ubas” na nasa “mababang kapatagan ng pasiya,” hanggang sa malipol. (Joel 3:12-14) Talagang kagila-gilalas na pag-aani ito na hindi na muling mauulit pa! Ayon sa pangitain ni Juan, hindi lamang inaani ang mga ubas kundi pinuputol ang buong makasagisag na punong ubas at inihahagis sa pisaan ng ubas upang ito ay yurakan. Kaya papatayin ang punong ubas ng lupa at hindi na tutubo pang muli.
28. Sino ang yuyurak sa punong ubas ng lupa, at ano ang kahulugan na ang pisaan ng ubas ay “niyurakan sa labas ng lunsod”?
28 Sa pangitain, mga kabayo ang yumuyurak sapagkat ang dugo na lumabas mula sa punong ubas ay umabot hanggang “sa mga renda ng mga kabayo.” Yamang ang terminong “mga kabayo” ay karaniwan nang tumutukoy sa pakikipagdigma, tiyak na panahon ito ng digmaan. Ang mga hukbo ng kalangitan na sumusunod kay Jesus tungo sa pangwakas na digmaan laban sa sistema ng mga bagay ni Satanas ay sinasabing yumuyurak sa “pisaan ng ubas ng galit ng poot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 19:11-16) Maliwanag na sila ang yuyurak sa punong ubas ng lupa. Ang pisaan ng ubas ay “niyurakan sa labas ng lunsod,” samakatuwid nga, sa labas ng makalangit na Sion. Angkop nga na dito sa lupa yurakan ang punong ubas ng lupa. Subalit ito rin ay ‘yuyurakan sa labas ng lunsod,’ sa diwa na hindi mapapahamak ang mga nalabi ng binhi ng babae, na kumakatawan sa makalangit na Sion dito sa lupa. Ang mga ito, kasama ang malaking pulutong, ay ligtas na ikukubli sa loob ng kaayusan ng makalupang organisasyon ni Jehova.—Isaias 26:20, 21.
29. Gaano kalalim ang dugo sa pisaan ng ubas, gaano kalawak ang naaabot nito, at ano ang ipinahihiwatig ng lahat ng ito?
29 Ang buháy na buháy na pangitaing ito ay kahalintulad ng pagdurog sa mga kaharian sa lupa sa pamamagitan ng bato na kumakatawan sa Kaharian at inilalarawan sa Daniel 2:34, 44. Magkakaroon ng ganap na pagkalipol. Napakalalim ng ilog ng dugo mula sa pisaan ng ubas, hanggang sa mga renda ng mga kabayo, at ito’y sa lawak na 1,600 estadyo.a Ang napakalaking bilang na ito, na makukuha kapag ang apat ay pinarami nang apat na beses at ang resulta nito ay minultiplika sa sampu na pinarami nang sampung beses (4 x 4 x 10 x 10), ay nagdiriin sa mensahe na ang ebidensiya ng pagkapuksa ay magsasangkot sa buong lupa. (Isaias 66:15, 16) Ang pagkapuksa ay magiging ganap at di-mababago. Hinding-hindi na kailanman mag-uugat ang punong ubas ng lupa ni Satanas!—Awit 83:17, 18.
30. Anu-ano ang mga bunga ng punong ubas ni Satanas, at ano ang dapat na maging determinasyon natin?
30 Yamang nabubuhay tayo sa huling bahagi ng panahon ng kawakasan, napakahalaga ng pangitaing ito tungkol sa dalawang pag-aani. Kitang-kita sa palibot natin ang mga bunga ng punong ubas ni Satanas. Mga aborsiyon at iba pang anyo ng pagpaslang; homoseksuwalidad, pangangalunya, at iba pang anyo ng imoralidad; pandaraya at kawalan ng likas na pagmamahal—dahil sa lahat ng ito, naging karima-rimarim sa paningin ni Jehova ang sanlibutang ito. Ang punong ubas ni Satanas ay nagluluwal ng “bunga ng isang nakalalasong halaman at ng ahenho.” Ang kapaha-pahamak at idolatrosong landasin nito ay lumalapastangan sa Dakilang Maylalang ng sangkatauhan. (Deuteronomio 29:18; 32:5; Isaias 42:5, 8) Kaylaking pribilehiyo na aktibong makisama sa uring Juan sa pag-aani ng kanais-nais na bunga na iniluluwal ni Jesus sa kapurihan ni Jehova! (Lucas 10:2) Nawa’y maging determinado tayong lahat na huwag madungisan ng punong ubas ng sanlibutang ito, at sa gayo’y hindi mayurakan kasama ng punong ubas ng lupa kapag inilapat na ang kapaha-pahamak na hatol ni Jehova.
[Talababa]
a Ang 1,600 estadyo ay mga 300 kilometro, o 180 milyang Ingles.—Apocalipsis 14:20, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.
[Kahon sa pahina 208]
‘Ang Alak ng Kaniyang Pakikiapid’
Isang prominenteng bahagi ng Babilonyang Dakila ang Simbahang Romano Katoliko. Ang simbahan ay pinamumunuan ng papa sa Roma at inaangkin nito na kahalili ni apostol Pedro ang bawat papa. Ang sumusunod ay ilan lamang sa inilathalang impormasyon hinggil sa diumano’y mga kahaliling ito:
Formosus (891-96): “Siyam na buwan pagkamatay ni Formosus, hinukay ang kaniyang bangkay mula sa nitso ng mga papa at nilitis sa harap ng konsilyo para sa ‘mga bangkay,’ na pinangasiwaan ni Stephen [ang bagong papa]. Ang patay na papa ay pinaratangan ng labis na pag-aambisyon sa tungkulin bilang papa at itinuring na walang silbi ang lahat ng kaniyang mga nagawa. . . . Ang bangkay ay hinubaran ng mahabang damit na isinusuot ng papa; pinutol ang mga daliri ng kaniyang kanang kamay.”—New Catholic Encyclopedia.
Stephen VI (896-97): “Ilang buwan pagkatapos [litisin ang bangkay ni Formosus] isang marahas na ganti ang tumapos sa pagiging papa ni Pope Stephen; binawi sa kaniya ang sagisag ng pagiging papa, ibinilanggo, at binigti.”—New Catholic Encyclopedia.
Sergius III (904-11): “Ang dalawang magkasunod na papa na hinalinhan niya . . . ay binigti sa bilangguan. . . . Sa Roma, sinuportahan siya ng pamilya ni Theophylactus na, diumano, isa sa mga anak na babae nito, si Marozia, ay kaniyang naanakan (na naging si Pope John XI).”—New Catholic Encyclopedia.
Stephen VII (928-31): “Sa mga huling taon ng kaniyang pagiging papa, inani ni Pope John X . . . ang poot ni Marozia, ang Donna Senatrix ng Roma, anupat ito’y ibinilanggo at pataksil na pinatay. Pagkatapos nito, ipinagkaloob ni Marozia ang pagiging papa kay Pope Leo VI, na namatay naman pagkaraan ng 6 1⁄2 buwan ng panunungkulan. Si Stephen VII ang humalili sa kaniya, dahil marahil sa impluwensiya ni Marozia. . . . Sa loob ng 2 taon ng pagiging Papa, wala siyang kapangyarihan at naging sunud-sunuran kay Marozia.”—New Catholic Encyclopedia.
John XI (931-35): “Nang mamatay si Stephen VII . . . , kinuha ni Marozia, mula sa Sambahayan ni Theophylactus, ang pagiging papa para sa kaniyang anak na si John, isang kabataan na mahigit 20 anyos lamang. . . . Bilang papa, dominado si John ng kaniyang ina.”—New Catholic Encyclopedia.
John XII (955-64): “Disiotso pa lamang siya, at nagkakaisa ang lahat ng ulat noong panahong iyon hinggil sa kaniyang kawalan ng interes sa espirituwal na mga bagay, sa kaniyang pagkasugapa sa malalaswang kalayawan, at lisyang pamumuhay nang walang patumangga.”—The Oxford Dictionary of Popes.
Benedict IX (1032-44; 1045; 1047-48): “Masama ang kaniyang reputasyon dahil ipinagbili niya ang pagiging papa sa kaniyang ninong at kasunod nito’y makalawang ulit niyang binawi ang katungkulang iyon.”—The New Encyclopædia Britannica.
Kaya sa halip na tumulad sa halimbawa ng tapat na si Pedro, ang mga ito at ang iba pang papa ay naging napakasamang impluwensiya. Pinahintulutan nilang pasamain ng pagkakasala sa dugo at espirituwal at pisikal na pakikiapid, pati na ng impluwensiya ni Jezebel, ang simbahang kanilang pinamunuan. (Santiago 4:4) Noong 1917, marami sa mga katotohanang ito ang detalyadong inilantad ng aklat ng mga Estudyante ng Bibliya na The Finished Mystery. Isa ito sa mga paraang ginamit ng mga Estudyante ng Bibliya nang mga panahong iyon upang “hampasin ang lupa ng bawat uri ng salot.”—Apocalipsis 11:6; 14:8; 17:1, 2, 5.
[Larawan sa pahina 206]
Naglalapat ng hatol ang nakaluklok na Kristo katulong ang mga anghel
[Larawan sa pahina 207]
Pagkaraang bumagsak ang Babilonya noong 539 B.C.E., napalaya ang kaniyang mga bilanggo