Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Mo Bang Katakutan ang Armagedon?
ANO ba ang “Armagedon”? Sa simpleng salita, ang termino ay tumutukoy sa kalagayan o situwasyon kung saan ang mga tagapamahala ng sanlibutan ay magtitipon laban sa Diyos at sa kaniyang Kaharian na pinamumunuan ni Jesu-Kristo. Sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, nakita ni apostol Juan ang isang pangitain kung saan ang mga tagapamahala ay nagtitipon at lumalaban sa Diyos sa makasagisag na dakong tinatawag na Armagedon.
Minsan lamang lumitaw sa Kasulatan ang salitang “Armagedon,” subalit malawakang ginagamit ngayon ang terminong ito bilang metapora. Ginagamit ang salitang ito upang tumukoy sa malalaki at maliliit na kasakunaan, gaya ng nuklear na pagkalipol o virus sa computer. Marami sa pinakamabiling mga aklat ang ibinatay sa tinatawag na katapusan ng mundo, o sa yugto bago mismo ang Armagedon. Sa nakalipas na sampung taon, mahigit 60 milyong kopya ng isang serye ng mga nobela na may gayong tema ang naipagbili na.
Natatakot ang ilang tao sa Armagedon. Inaakala nila na magkakaroon ng pangglobong kapahamakan dahil sa mga terorista, nakikipagdigmang mga bansa, o sa mga kasakunaang hindi kayang kontrolin ng mga tao, anupat hindi na masusustinihan ng lupa ang buhay. Iniisip naman ng iba na sa itinakdang panahon, mismong ang Diyos ang buong-pagngangalit na wawasak sa planeta at sa lahat ng naririto. Talaga ngang nakatatakot kung mangyayari ang mga ito! Subalit ano kaya ang wastong pagkaunawa sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Armagedon?—Apocalipsis 16:14, 16.
Mawawasak ba ang Lupa?
Hindi mapupuksa ang lahat ng tao sa Armagedon. Paano natin ito nalaman? Tinitiyak sa atin ng Bibliya na “alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok, at magtaan naman ng mga taong di-matuwid upang lipulin sa araw ng paghuhukom.” (2 Pedro 2:9) Kung gayon, makapagtitiwala tayo na lubusang makokontrol ng Diyos ang kaniyang walang-limitasyong kapangyarihan. Yaon lamang mga lumalaban sa soberanya ng Diyos ang makatitikim ng kaniyang galit sa Armagedon. Walang mamamatay nang di-sinasadya.—Awit 2:2, 9; Genesis 18:23, 25.
Sinasabi sa atin ng Bibliya na ‘ipapahamak ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Kung gayon, maliwanag na hindi layunin ng Diyos na Jehova na wasakin ang ating planeta. Sa halip, aalisin niya ang napakasamang lipunan ng tao na sumasalansang sa kaniyang pamamahala. Kasuwato ito ng parisang ipinakita niya sa Delubyo noong panahon ni Noe.—Genesis 6:11-14; 7:1; Mateo 24:37-39.
Isang “Kakila-kilabot na Araw”
Totoo, nakababahala ang ilang hula ng Bibliya hinggil sa dumarating na pagpuksa. Halimbawa, binanggit ni propeta Joel “ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” (Joel 2:31) Kasama sa arsenal ng Diyos ang niyebe, graniso, lindol, nakahahawang sakit, humuhugos na ulan, ulan ng apoy at asupre, nakamamatay na kalituhan, kidlat, at salot na pagkabulok ng laman.a (Job 38:22, 23; Ezekiel 38:14-23; Habakuk 3:10, 11; Zacarias 14:12, 13) At buong-linaw na inilalarawan ng Bibliya ang panahon kung kailan matatakpan ng mga bangkay ang lupa, anupat iiwan ang mga ito na parang dumi o bilang pagkain ng mga ibon at iba pang mga hayop. (Jeremias 25:33, 34; Ezekiel 39:17-20) Pananaigan ng takot ang mga kaaway ng Diyos sa digmaang ito.—Apocalipsis 6:16, 17.
Nangangahulugan ba ito na dapat katakutan ng masunuring mga mananamba ng tunay na Diyos ang kagila-gilalas na mga pangyayaring magaganap sa Armagedon? Hinding-hindi, sapagkat hindi naman makikibahagi sa labanang ito ang mga lingkod ng Diyos sa lupa. Bukod diyan, ipagsasanggalang sila ni Jehova. Subalit ang tunay na mga mananamba ay manggigilalas sa kakila-kilabot na pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos.—Awit 37:34; Kawikaan 3:25, 26.
Gayunman, kapansin-pansin na kinasihan si apostol Juan upang bigyan tayo ng katiyakan: “Maligaya ang sinumang tumutupad sa mga salita ng hula sa balumbong ito,” kasali na ang babala hinggil sa Armagedon. (Apocalipsis 1:3; 22:7) Makapagpapaligaya ba sa isa ang pagbubulay-bulay hinggil sa Armagedon? Paano?
Ang Panawagan ng Diyos Upang Kumilos
Kapag nagbabanta ang isang malakas na bagyo, o buhawi, nagbababala ang lokal na mga awtoridad upang magligtas ng buhay. Upang tiyaking maririnig ng lahat ang babala, ang mga pulis ay maaari pa ngang isugo na may dalang mga kagamitan sa pagbibigay-babala o atasang magbahay-bahay. Ang layunin ng lahat ng ito ay, hindi upang takutin ang mga tao, kundi upang tulungan silang gumawa ng nagliligtas-buhay na pagkilos. Malugod na tinatanggap ng mga taong may unawa ang babala, at yaong mga tumutugon nang positibo ay maligaya sa paggawa niyaon.
Katulad din ito ng babalang mensahe ng Diyos hinggil sa napipintong “bagyong hangin” ng Armagedon. (Kawikaan 10:25) Dinetalye ni Jehova sa kaniyang nasusulat na Salita ang hinggil sa kaniyang digmaan. Hindi niya hangaring manakot kundi nais niyang magbigay ng sapat na babala, akayin ang mga tao na magsisi at gumawa ng determinadong pagsisikap na maglingkod sa kaniya. (Zefanias 2:2, 3; 2 Pedro 3:9) Ang mga nagsasagawa ng gayong pagkilos ay makaliligtas. Kaya hindi natin dapat katakutan ang napipintong digmaan ng Diyos. Sa halip, maaari nating harapin ang kinabukasan na nagtitiwalang “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay makaliligtas.”—Joel 2:32.
[Talababa]
a Dapat pansinin na may mga bahagi ng Bibliya na isinulat sa makasagisag na pananalita, o “mga tanda.” (Apocalipsis 1:1) Kaya hindi natin tahasang masasabi kung gaano kaliteral gagamitin ang mga elementong binanggit sa mga hulang ito.
[Larawan sa pahina 12]
Kapag nagbabanta ang isang malakas na bagyo, nagbababala ang lokal na mga awtoridad upang magligtas ng buhay
[Larawan sa pahina 13]
Ang babalang mensahe ng Diyos hinggil sa Armagedon ay isang panawagan upang gumawa ng nagliligtas-buhay na pagkilos