-
Nawasak ang Dakilang LunsodApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
Alak ng Galit
13. (a) Paano itinatawag-pansin ng makapangyarihang anghel ang lawak ng pagpapatutot ng Babilonyang Dakila? (b) Anong imoralidad na laganap noon sa sinaunang Babilonya ang masusumpungan din sa Babilonyang Dakila?
13 Itinatawag-pansin naman ngayon ng makapangyarihang anghel ang lawak ng pagpapatutot ng Babilonyang Dakila, sa pagsasabing: “Sapagkat dahil sa alak ng galit ng kaniyang pakikiapida ang lahat ng mga bansa ay bumagsak, at ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kaniya, at ang mga naglalakbay na mangangalakal sa lupa ay yumaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang walang-kahihiyang karangyaan.” (Apocalipsis 18:3) Tinuruan niya ang lahat ng bansa ng kaniyang maruruming relihiyosong gawain. Sa sinaunang Babilonya, ayon sa Griegong istoryador na si Herodotus, bawat babae ay obligadong magpatutot sa pagsamba sa templo minsan sa kaniyang buhay. Ang nakasusuklam na seksuwal na imoralidad ay makikita hanggang sa mga panahong ito sa mga rebultong napinsala ng digmaan sa Angkor Wat sa Kampuchea at sa mga templo sa Khajuraho, India, kung saan ang diyos ng Hindu na si Vishnu ay makikitang napaliligiran ng nakaririmarim at mahahalay na tagpo. Sa Estados Unidos, ang pagbubunyag sa imoralidad na yumanig sa mga ebanghelisador sa TV noong 1987, at muli noong 1988, pati na ang paglalantad sa laganap na homoseksuwalidad ng mga ministro ng relihiyon, ay nagpapakita na kinukunsinti maging ng Sangkakristiyanuhan ang nakagigimbal at labis-labis na literal na pakikiapid. Subalit nabiktima ng isa pang mas malubhang uri ng pakikiapid ang lahat ng bansa.
14-16. (a) Anong bawal na ugnayan ng relihiyon at pulitika ang nabuo sa Pasistang Italya? (b) Nang salakayin ng Italya ang Abyssinia, ano ang sinabi ng mga obispo ng Simbahang Romano Katoliko?
14 Narepaso na natin ang bawal na ugnayan ng relihiyon at pulitika na mabilis na nagluklok kay Hitler sa kapangyarihan sa Alemanya sa ilalim ng Nazi. Nagdusa rin ang iba pang bansa dahil sa pakikialam ng relihiyon sa sekular na mga gawain. Halimbawa: Sa Pasistang Italya, nilagdaan nina Mussolini at Kardinal Gasparri noong Pebrero 11, 1929 ang Lateran Treaty upang maging soberanong estado ang Vatican City. Inangkin ni Pope Pius XI na kaniya nang “isinauli ang Italya sa Diyos, at ang Diyos naman sa Italya.” Gayon nga ba? Isaalang-alang ang nangyari pagkaraan ng anim na taon. Noong Oktubre 3, 1935, sinalakay ng Italya ang Abyssinia, anupat sinasabing “lupain [iyon] ng mga barbaro na nagpapahintulot pa rin sa pang-aalipin.” Sino ba talaga ang gumawing tulad ng barbaro? Kinondena ba ng Simbahang Katoliko ang pagiging barbaro ni Mussolini? Hindi malinaw ang mga komento ng papa, subalit tahasan naman ang kaniyang mga obispo sa pagbasbas sa hukbong sandatahan ng kanilang Italyanong “bayang-tinubuan.” Sa aklat na The Vatican in the Age of the Dictators, ganito ang iniulat ni Anthony Rhodes:
15 “Sa kaniyang Liham-Pastoral noong ika-19 ng Oktubre [1935], sumulat ang Obispo ng Udine [Italya], ‘Hindi napapanahon at hindi naaangkop para sa atin na sabihin kung ano ang tama at mali sa kasong ito. Ang tungkulin natin bilang mga Italyano, at lalo’t higit bilang mga Kristiyano ay tumulong sa ikatatagumpay ng ating hukbo.’ Ganito ang isinulat ng Obispo ng Padua noong ika-21 ng Oktubre, ‘Sa mga oras na ito ng kagipitan na pinagdaraanan natin, nananawagan kami sa inyo na manampalataya sa ating mga estadista at hukbong sandatahan.’ Noong ika-24 ng Oktubre, binasbasan ng Obispo ng Cremona ang mga watawat ng rehimyento at nagsabi: ‘Pagpalain nawa ng Diyos ang mga kawal na ito na, sa lupain ng Aprika, ay sasakop sa bago at mabungang lupain para sa mga henyo ng Italya, upang dalhin sa mga ito ang kulturang Romano at Kristiyano. Muli nawang manaig ang Italya bilang gurong Kristiyano para sa buong daigdig.’”
16 Sa basbas ng Romano Katolikong klero, winasak ang Abyssinia. Masasabi ba ng mga ito sa paanuman na gaya sila ni apostol Pablo na “malinis sa dugo ng lahat ng tao”?—Gawa 20:26.
17. Paano nagdusa ang Espanya dahil sa pagkabigo ng kaniyang klero na ‘pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’?
17 Bukod sa Alemanya, Italya, at Abyssinia, isa pang bansa ang naging biktima ng pakikiapid ng Babilonyang Dakila—ang Espanya. Isa sa mga dahilan ng pagsiklab ng Gera Sibil noong 1936-39 sa lupaing ito ay ang mga hakbang na ginawa ng demokratikong pamahalaan upang bawasan ang napakalaking kapangyarihan ng Simbahang Romano Katoliko. Habang nagpapatuloy ang digmaan, tinawag ni Franco, lider ng rebolusyonaryong hukbo ng Katolikong Pasista, ang kaniyang sarili bilang “Kristiyanong Punong Kumandante ng Banal na Krusada,” isang titulo na binitiwan niya nang maglaon. Daan-daang libong Kastila ang namatay sa labanan. Bukod dito, ayon sa isang katamtamang pagtaya, ang mga Nasyonalista ni Franco ay pumatay ng 40,000 miyembro ng Popular Front, samantalang ang huling nabanggit ay pumatay naman ng 8,000 klerigo—mga monghe, pari, madre, at mga nobisya. Gayon na lamang ang naging lagim at trahedya ng gera sibil, anupat naidiin na isang katalinuhang makinig sa mga salita ni Jesus: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:52) Nakasusuklam nga na nasangkot ang Sangkakristiyanuhan sa gayong lansakang pagbububo ng dugo! Talagang bigo ang kaniyang klero na ‘pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’!—Isaias 2:4.
-
-
Nawasak ang Dakilang LunsodApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
[Kahon sa pahina 263]
“Ang mga Hari . . . ay Nakiapid sa Kaniya”
Noong unang mga taon ng ika-19 na siglo, bultu-bultong opyo ang ipinupuslit ng mga negosyanteng Europeo tungo sa Tsina. Noong Marso 1839, sinikap sugpuin ng mga opisyal na Tsino ang ilegal na kalakalan at sinamsam ang 20,000 kahon ng drogang ito mula sa mga negosyanteng taga-Britanya. Naging dahilan ito ng igtingan sa pagitan ng Britanya at ng Tsina. Nang sumasamâ na ang ugnayan ng dalawang bansa, hinimok ng ilang misyonerong Protestante ang Britanya na makipagdigma, sa pamamagitan ng ganitong mga pangungusap:
“Ikinagagalak ng aking puso ang mga suliraning ito, sapagkat sa palagay ko’y gagalitin nito ang pamahalaan ng Inglatera, at maaaring alisin na ng Diyos, sa pamamagitan ng Kaniyang kapangyarihan, ang mga hadlang sa pagpasok ng ebanghelyo ni Kristo sa Tsina.”—Henrietta Shuck, misyonerong Southern Baptist.
Nang dakong huli, sumiklab ang digmaan—ang digmaan na kilala ngayon bilang Digmaan ng Opyo. Buong-pusong pinasigla ng mga misyonero ang Britanya sa ganitong mga komento:
“Napipilitan akong muni-munihin ang kasalukuyang takbo ng mga pangyayari hindi lamang bilang isang suliranin na nagsasangkot ng opyo o ng mga taga-Britanya, kundi bilang isang magaling na pamamaraan ng Maykapal na gamitin ang kabalakyutan ng tao upang matupad ang Kaniyang mga layuning magpakita ng awa sa Tsina sa pamamagitan ng pagbutas sa pader na nagbubukod sa kaniya.”—Peter Parker, misyonerong Congregationalist.
Isa pang misyonerong Congregationalist, si Samuel W. Williams, ang nagsabi: “Malinaw na minaniobra ng Diyos ang lahat ng nangyari sa kapansin- pansing paraan, at hindi tayo nag-aalinlangan na Siyang nagsabi na Siya’y dumating upang magdala ng tabak sa lupa ay naririto na nga upang mabilis na lipulin ang Kaniyang mga kaaway at itatag ang Kaniyang sariling kaharian. Magtitiwarik at magtitiwarik Siya hanggang sa mailuklok Niya ang Prinsipe ng Kapayapaan.”
Tungkol sa kakila-kilabot na pagpatay sa mga mamamayang Tsino, isinulat ng misyonerong si J. Lewis Shuck: “Ang ganitong mga eksena ay itinuturing kong . . . tuwirang pamamaraan ng Panginoon upang palisin ang sukal na humahadlang sa pagsulong ng Banal na Katotohanan.”
Idinagdag pa ng misyonerong Congregationalist na si Elijah C. Bridgman: “Malimit gamitin ng Diyos ang kamay na bakal ng kapangyarihang sibil upang ihanda ang daan ukol sa Kaniyang kaharian . . . Ang ahensiyang ginamit sa napakahalagang mga sandaling ito ay ang tao; at ang kapangyarihang umuugit ay mula sa Diyos. Ginamit ng mataas na gobernador ng lahat ng bansa ang Inglatera upang parusahan at payukuin ang Tsina.”—Pagsipi mula sa “Ends and Means,” 1974, sanaysay ni Stuart Creighton Miller na inilathala sa The Missionary Enterprise in China and America (Pananaliksik ng Harvard na inedit ni John K. Fairbank).
-