Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ang ilang Saksi ni Jehova ay inalok ng trabaho na nagsasangkot ng relihiyosong mga gusali o pag-aari. Ano ang maka-Kasulatang pangmalas sa gayong trabaho?
Maaaring mapaharap ang isyung ito sa mga Kristiyanong taimtim na nagnanais magkapit ng 1 Timoteo 5:8, na nagdiriin sa kahalagahan ng paglalaan ng materyal sa sambahayan. Bagaman talagang kailangang ikapit ng mga Kristiyano ang payong ito, hindi naman binibigyan-matuwid nito ang pagtanggap nila ng anuman at lahat ng uri ng sekular na trabaho, anumang uri ng trabaho ang nasasangkot. Nauunawaan ng mga Kristiyano ang pangangailangan na maging sensitibo sa iba pang bagay na nagpapahiwatig ng kalooban ng Diyos. Halimbawa, hindi binibigyang-matuwid ang pagnanais ng isang tao na suportahan ang kaniyang pamilya kung nilabag niya ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa imoralidad o pagpaslang. (Ihambing ang Genesis 39:4-9; Isaias 2:4; Juan 17:14, 16.) Mahalaga rin na sundin ng mga Kristiyano ang utos na lumabas sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.—Apocalipsis 18:4, 5.
Sa buong lupa, nakakaharap ng mga lingkod ng Diyos ang maraming kalagayan sa pagtatrabaho. Magiging walang saysay at wala kaming awtoridad na sikaping ilista ang lahat ng mga posibilidad at gumawa ng mga tuntunin. (2 Corinto 1:24) Gayunman, banggitin natin ang ilang salik na dapat isaalang-alang ng mga Kristiyano kapag personal na nagpasiya may kinalaman sa trabaho. Ang mga salik na ito ay inilahad nang maikli sa Ang Bantayan ng Enero 15, 1983, sa isang artikulo hinggil sa pakikinabang sa ating bigay-Diyos na budhi. Isang kahon ang nagbangon ng dalawang susing katanungan at saka itinala ang iba pang nakatutulong na mga salik.
Ang unang susing tanong ay ito: Masama ba ang turing ng Bibliya sa sekular na trabahong iyon? Bilang komento tungkol dito, binanggit ng Ang Bantayan na hinahatulan ng Bibliya ang pagnanakaw, maling paggamit sa dugo, at idolatriya. Dapat iwasan ng isang Kristiyano ang sekular na trabahong tuwirang nagtataguyod sa mga gawain na hindi sinasang-ayunan ng Diyos, gaya ng mga nabanggit.
Ang ikalawang tanong ay: Ang trabaho bang ito ay magpapangyari sa isa na maging isang kasabuwat sa isang hinatulang gawain? Maliwanag, ang isang taong nagtatrabaho sa isang pasugalan, sa isang klinika na nagsasagawa ng aborsiyon, o isang bahay ng prostitusyon ay magiging isang kasabuwat sa isang hindi makakasulatang gawain. Kahit na kung ang kaniyang pang-araw-araw na trabaho roon ay basta pagwawalis ng sahig o pagsagot sa telepono, siya ay tumutulong sa isang gawain na hinahatulan ng Salita ng Diyos.
Nasumpungan ng maraming Kristiyano na napapaharap sa mga pasiya sa pagtatrabaho na ang basta pag-iisip tungkol sa mga tanong na ito ay nakatulong na sa kanila na makagawa ng isang personal na pasiya.
Halimbawa, mula sa dalawang tanong na ito, nauunawaan ng isa kung bakit ang isang tunay na mananamba ay hindi maaaring maging isang tuwirang empleado ng isang organisasyon ng huwad na relihiyon, anupat nagtatrabaho para sa isang simbahan at sa loob nito. Ang Apocalipsis 18:4 ay nag-uutos: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya.” Nakikibahagi ang isang tao sa mga gawain at mga kasalanan ng Babilonyang Dakila kung siya ay isang regular na empleado ng isang relihiyon na nagtuturo ng huwad na pagsamba. Ang empleado man ay isang hardinero, isang diyanitor, isang tagakumpuni, o isang akawntant, ang trabaho niya ay magsisilbi upang itaguyod ang pagsamba na salungat sa tunay na relihiyon. Higit pa riyan, posibleng iugnay siya sa relihiyong iyon ng mga taong makakakita sa empleadong ito na nagtatrabaho upang pagandahin ang simbahan, kumpunihin ito, o isagawa ang relihiyosong gawain nito.
Gayunman, kumusta naman ang tungkol sa isa na hindi isang regular na empleado ng isang simbahan o relihiyosong organisasyon? Marahil siya ay ipinatatawag lamang upang gawin ang biglaang pagkumpuni sa isang nasirang tubo ng tubig sa silong ng simbahan. Hindi ba’t pareho iyan sa pagsubasta niya sa isang kontrata, gaya sa paglalagay ng tisa o insulasyon sa bubong ng simbahan?
Minsan pa, maraming iba’t ibang kalagayan ang maiisip. Kaya repasuhin natin ang limang karagdagang salik na ibinigay ng Ang Bantayan:
1. Ang trabaho ba’y paglilingkod sa kapuwa na sa ganang sarili’y hindi naman tinututulan ng Kasulatan? Kuning halimbawa ang isang kartero. Ang paghahatid niya ng sulat ay hindi naman nangangahulugan na itinataguyod niya ang isang masamang gawain kung ang isang gusaling pinaglilingkuran niya sa lugar na iyon ay isang simbahan o isang klinikang nagsasagawa ng aborsiyon. Ang Diyos ay nagbibigay ng liwanag ng araw na sumisikat sa mga bintana ng lahat ng mga gusali, pati sa simbahan o sa gayong klinika. (Gawa 14:16, 17) Maaaring mahinuha ng isang karterong Kristiyano na siya ay nagsasagawa ng isang paglilingkod sa kapuwa para sa lahat, araw-araw. Maaaring katulad ito ng isang Kristiyano na tumutugon sa isang biglang pangangailangan—isang tubero na ipinatawag upang ihinto ang pagbaha sa isang simbahan o isang attendant sa ambulansiya na ipinatawag upang gamutin ang isa na nawalan ng malay noong panahon ng serbisyo sa simbahan. Maaari niyang ituring na ito’y isa lamang di-sinasadyang pagtulong sa kapuwa.
2. Hanggang saan ang awtoridad ng isa sa mga bagay na ginagawa? Hindi sasang-ayon ang isang Kristiyanong may-ari ng tindahan na pumidido at magtinda ng mga idolo, espiritistikong anting-anting, sigarilyo, o mga longganisang dugo. Bilang may-ari, siya ang nangangasiwa. Maaaring himukin siya ng mga tao na magtinda ng mga sigarilyo o mga idolo at kumita, subalit kikilos siya na kasuwato ng kaniyang mga paniniwala ayon sa Kasulatan. Sa kabilang dako naman, maaaring atasan ang isang Kristiyanong empleado sa isang malaking tindahan ng pagkain na maging kahera, maglinis ng sahig, o gawin ang aklat ng kuwenta. Wala siyang kontrol sa mga produktong pinipidido at ipinagbibili, kahit na ang ilan dito ay masama, gaya ng sigarilyo o mga bagay para sa relihiyosong mga kapistahan.a (Ihambing ang Lucas 7:8; 17:7, 8.) Nauugnay ito sa susunod na punto.
3. Hanggang saan ba ang pagkakasangkot ng taong iyon? Balikan natin ang halimbawa sa isang tindahan. Marahil ang isang empleadong inatasang kahera o naglalagay ng mga paninda sa istante ay manakanaka lamang humahawak ng sigarilyo o mga relihiyosong bagay; maliit na bahagi iyan ng kaniyang trabaho. Iba naman ito sa isang empleado sa tindahan ding iyon na nagtatrabaho sa puwestong nagbibili ng tabako! Ang buong trabaho niya, araw-araw, ay nakatuon sa isang bagay na labag sa paniniwalang Kristiyano. (2 Corinto 7:1) Ipinakikita nito na dapat suriin kung hanggang saan ang pagkakasangkot o kaugnayan kapag nagpapasiya hinggil sa pagtatrabaho.
4. Ano ang pinagmumulan ng suweldo o saan ang trabaho? Isaalang-alang ang dalawang kalagayan. Upang mapaganda ang larawan nito sa publiko, nagpasiya ang isang klinikang nagsasagawa ng aborsiyon na magbayad ng isang tao upang maglinis sa mga lansangan sa komunidad. Ang kaniyang suweldo ay manggagaling sa klinikang nagsasagawa ng aborsiyon, subalit hindi siya nagtatrabaho roon, at walang nakakakita sa kaniya buong araw sa klinika. Sa halip, nakikita nilang siya’y gumagawa ng isang gawaing pambayan na sa ganang sarili ay hindi salungat sa Kasulatan, sinuman ang nagsusuweldo sa kaniya. Narito naman ang pagkakaiba. Sa isang bansa kung saan legal ang prostitusyon, ang kalusugang pambayan ay nagbabayad sa isang nars upang magtrabaho sa mga bahay aliwan, na nagsusuri sa kalusugan upang mabawasan ang pagkalat ng sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik. Bagaman siya’y binabayaran ng paglilingkod sa kalusugang pambayan, ang kaniyang trabaho ay sa mga bahay ng prostitusyon lamang, anupat ginagawang mas ligtas at mas katanggap-tanggap ang imoralidad. Ipinakikita ng mga halimbawang ito kung bakit ang pinagmumulan ng suweldo at ang dako ng trabaho ay mga aspektong dapat isaalang-alang.
5. Ano ba ang epekto ng pagsasagawa ng gayong trabaho; makasasakit ba ito sa sariling budhi ng isa o makatitisod ba ito sa iba? Dapat isaalang-alang ang budhi, kapuwa ang ating sariling budhi at yaong sa iba. Kahit na kung ang isang trabaho (pati na ang dako at pinagmumulan ng suweldo) ay waring katanggap-tanggap sa karamihan ng mga Kristiyano, maaaring madama ng isa na babagabagin nito ang kaniyang budhi. Si apostol Pablo, na nagpakita ng mainam na halimbawa, ay nagsabi: “Nagtitiwala kami na kami ay may matapat na budhi, yamang nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Dapat nating iwasan ang mga trabahong babagabag sa atin; gayunman, huwag tayong maging palapintas sa iba na ang mga budhi ay naiiba sa atin. Sa kabilang panig naman, maaaring ang isang Kristiyano ay walang nakikitang salungat sa Bibliya sa paggawa niya ng isang trabaho, subalit talos niya na makababalisa ito sa marami sa kongregasyon at sa komunidad. Ipinababanaag ni Pablo ang tamang saloobin sa kaniyang pananalita: “Sa paanuman ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang ang aming ministeryo ay huwag makitaan ng pagkakamali; kundi sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang aming mga sarili bilang mga ministro ng Diyos.”—2 Corinto 6:3, 4.
Ngayon ay balikan natin ang pangunahing tanong tungkol sa pagtatrabaho sa isang gusali ng simbahan, gaya ng pagkakabit ng bagong mga bintana, paglilinis ng alpombra, o pagkumpuni ng pugon. Paano nasasangkot ang nabanggit na mga salik?
Alalahanin ang aspekto may kinalaman sa awtoridad. Ang Kristiyano ba ang may-ari o manedyer na makapagpapasiya kung tatanggapin ang trabahong ito sa isang simbahan? Gusto ba ng Kristiyanong may awtoridad na makibahagi sa Babilonyang Dakila sa pamamagitan ng pagsubasta sa isang trabaho o kontrata upang tulungan ang ilang relihiyon na itaguyod ang huwad na pagsamba? Hindi ba katulad iyan ng pagpapasiyang magbenta ng sigarilyo o mga idolo sa sariling tindahan ng isa?—2 Corinto 6:14-16.
Kung ang isang Kristiyano ay isang empleado na walang awtoridad na magpasiya sa mga trabahong tinatanggap, dapat isaalang-alang ang ibang salik, gaya ng dako at lawak ng pagkakasangkot. Ang empleado ba’y inuutusan lamang maghatid o maglagay ng bagong mga silya sa isang okasyon o magsagawa ng paglilingkod pantao, gaya ng isang bomberong pumapatay sa sunog sa isang simbahan bago ito kumalat? Maaaring maunawaan ito ng marami bilang naiiba mula sa isang empleado sa isang negosyo na gumugugol ng mahabang panahon sa pagpipintura sa simbahan o regular na naghahalaman upang gawin itong kaakit-akit. Ang gayong regular o matagal na kaugnayan ay malamang na magpangyari sa marami na iugnay ang Kristiyano sa isang relihiyon na sinasabi niyang hindi niya itinataguyod, marahil ay makatisod sa kanila.—Mateo 13:41; 18:6, 7.
Maraming mahahalagang bagay na isasaalang-alang tungkol sa trabaho ang ating tinalakay. Ito’y iniharap na may kaugnayan sa isang espesipikong tanong tungkol sa huwad na relihiyon. Gayunman, maaari itong isaalang-alang may kaugnayan sa ibang uri ng trabaho. Sa bawat kaso, dapat gawin ang may panalanging pagsusuri, anupat isinasaalang-alang ang espesipiko—at marahil ang natatangi—na mga kalagayan sa kasalukuyan. Ang mga salik na iniharap sa itaas ay nakatulong na sa maraming taimtim na mga Kristiyano upang maingat na makapagpasiya na nagpapakita ng kanilang pagnanais na lumakad nang matuwid at matapat sa harap ni Jehova.—Kawikaan 3:5, 6; Isaias 2:3; Hebreo 12:12-14.
[Talababa]
a Kailangang isaalang-alang ng ilang Kristiyanong nagtatrabaho sa mga ospital ang salik na ito ng awtoridad. Ang isang manggagamot ay may awtoridad na mag-utos ng mga gamot o mga pamamaraan sa paggamot sa isang pasyente. Kahit na hindi tutol ang pasyente, paano makapag-uutos ang isang Kristiyanong doktor ng pagsasalin ng dugo o magsagawa ng aborsiyon, yamang nalalaman niya ang sinasabi ng Bibliya sa mga bagay na ito? Sa kabaligtaran, maaaring walang gayong awtoridad ang isang nars na nagtatrabaho sa isang ospital. Habang ginagawa niya ang rutin na mga paglilingkod, maaaring utusan siya ng isang doktor na magsuri ng dugo sa ilang kadahilanan o asikasuhin ang isang pasyenteng dumating upang magpalaglag. Kasuwato ng halimbawang nakatala sa 2 Hari 5:17-19, baka maghinuha siya na yamang hindi naman siya ang nasa awtoridad na nag-uutos ng isang pagsasalin o ng aborsiyon, maisasagawa niya ang paglilingkod sa kapuwa para sa pasyente. Mangyari pa, dapat din niyang isaalang-alang ang kaniyang budhi, upang ‘gumawi sa harap ng Diyos nang may budhing ganap.’—Gawa 23:1.