Babilonya—Sentro ng Huwad na Pagsamba
“SIYA’Y bumagsak na! Ang Babilonya ay bumagsak na, at lahat ng mga larawang inanyuan ng kaniyang mga diyos ay kaniyang pinagdurug-durog hanggang sa bumagsak sa lupa!” Anong klase ng lunsod ang Babilonya na tungkol sa kaniya’y humula si Isaias? Iyan ay isang mahalagang himatong sa ating pagkaunawa ng kung ano baga ang ibig sabihin ng modernong Babilonyang Dakila.—Isaias 21:9.
Ang sinaunang Babilonya ay napabantog sa pagsamba nito sa mga paganong diyos at diyosa. Sa kaniyang aklat na Babylonian and Assyrian Religion, si Propesor S. H. Hooke ay nagsasabi: “Ang Babilonya ang lunsod na kung saan si Marduk ang may pangunahing dako sa gitna ng mga ibang diyos na sinasamba roon. . . . Sa Babilonya noong panahon ni Nabucodonosor II ay mayroong di kukulangin sa limampu’t-walong templo na nakaukol sa naturang mga diyos, huwag nang sabihin pa ang iba pang mga templo na hindi nakatalaga sa naturang mga diyos. Samakatuwid ay makikita kung gaanong kalaking bahagi ang ginagampanan ng mga nasa uring pari sa buhay ng isang malaking lunsod.” Sinasabi na ang dako ni Marduk sa Babilonya ay may 55 mga kapilya sa tabi. Naaalaala tuloy natin ang maraming mga templo, simbahan, at mga katedral sa ngayon na may mga kapilya sa tabi para sa nakabababang mga diyos, santo, at Madona!
Ang Babilonya ay isang sentro ng idolatriya sa kulto ng mga diyos. Isang pagsasalaysay ang nagsasabi na ang mga saserdote at ang mga mananampalataya ay “nahirati nang magbuhos ng pansin sa kaninumang banal na mga imahen, anupa’t ang mga rebulto ay itinuturing na mga tagapamagitan sa mga diyos. Ang mga rebulto ay binibihisan ng mamahaling kasuotan, ginagayakan ng mga kuwintas, pulseras, at mga singsing; sila’y nahihiga sa mararangyang higaan at ipinagpuprusisyon sa katihan at sa tubig nang inilalakad, isinasakay sa mga karo at pribadong mga bangka.”a Hawig na hawig nga sa pagsambang iniuukol sa mga diyos, mga santo, at Madona sa modernong Hinduismo, Buddhismo, at Katolisismo, na kung saan kanila ring ipinagpuprusisyon ang kanilang mga imahen sa kalsada at sa mga ilog at sa dagat!
Bilang isa pang halimbawa ng pagiging magkatulad ng sinaunang Babilonya at modernong relihiyon, isaalang-alang ang sumusunod na paglalarawan na kinuha sa ensayklopedia ring iyan: “Ang kaniyang tapat na mga mananampalataya ay ang pinakamatatamis na ngalan ang itinatawag sa kaniya: Siya ay hindi lamang diyosa at birhen kundi isa ring mahabaging ina, siya na dumidinig sa mga panalangin, siya na namamagitan . . . siya na nagbigay-buhay sa sansinukob at sa sangkatauhan.” Ihambing iyan sa sumusunod na panalangin buhat sa El Santo Rosario (Ang Banal na Rosaryo): “Pinasasalamatan ka namin, Soberanong Prinsesa, dahilan sa pabor na tinatanggap namin sa araw-araw buhat sa iyong mapagpalang kamay; anong bait mo, mahal na Birhen, na kami ngayon at magpakailanman ay isinasailalim mo ng iyong pagkukupkop at pagkalinga.”
Sino ba ang pinag-uukulan ng paglalarawang ito at ng panalanging ito? Marami ang agad magsasabi, “Ang Birheng Maria.” Ang sagot na iyan ay kalahati lamang ang tama. Ang panalangin ay inihahandog kay Maria. Gayumpaman, gaya ng ipinababatid sa atin ng Las Grandes Religiones Ilustradas ang unang sinipi ay isang paglalarawan kay Ishtar, ang “Birhen ng Pag-ibig,” ang diyosang Babiloniko ng pag-aanak, pag-ibig, at digmaan. Kung minsan siya’y inilalarawan sa mga imahen “bilang isang ina na nagpapasuso ng kaniyang sanggol na lalaki.”b Gayunman ay isa pang halimbawa iyan ng kung paano ang modernong relihiyon ay hindi malayo sa sinaunang Babilonya!
Atin ding makikita ang pagkakahawig nito sa sinaunang Babilonya sa mga paniwala nito tungkol sa kaluluwa ng tao at sa mga trinidad ng mga diyos at, sa ngayon, ang nahahawig na paniwala tungkol sa kaluluwang walang kamatayan at sa mga trinidad ng modernong relihiyon. Ang katibayan ay lalong nagpapatibay ng ating pagkaunawa na ang “Babilonyang Dakila” ay isang angkop na simbolo ng pandaigdig na imperyo ni Satanas ng huwad na relihiyon.
Babilonya—Ang Aroganteng Kaaway ng Tunay na Pagsamba
Ang Babilonya ang siya ring aroganteng kaaway ng sinaunang bayan ni Jehova, ang Israel, at isang humahamak sa kanilang tunay na pagsamba. Winasak ng Babilonya ang templo sa Jerusalem noong 607 B.C.E., lahat ng mahalagang mga kagamitan sa pagsamba kay Jehova ay kanilang tinangay, at nilapastangan ang mga sisidlang ito nang magpiging si Belsasar.—Daniel 5:3, 4.
Sa katulad na paraan, sa modernong panahon ang Babilonyang Dakila ay naging isang walang lubay na mananalansang sa tunay na pagsamba. Sa karamihan ng mga pangyayari na ang mga Saksi ni Jehova’y pinag-uusig, ang pasimuno nito ay ang klero, kadalasan kasabuwat nila ang mga pinunong pulitiko.
Ang isang malinaw na halimbawa ng pananalansang na ang klero ang pasimuno ay noong 1917, at ang ganitong pag-uusig ay ulit at ulit na nangyayari. Nang taóng iyan ang International Bible Students, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi, ay naglathala ng aklat na The Finished Mystery. Ang mga ilang pahina ng aklat na ito ay ipinangahulugan na subersibo ng klero sa Canada at E.U., na ang mga bansa ay napasangkot sa Digmaang Pandaigdig I. Agad-agad nilang ipinabatid ang tungkol sa lathalaing ito sa kanilang mga kalaguyong pulitiko. Ang resulta? Sang-ayon kay Propesor Martin Marty, sa kaniyang aklat na Modern American Religion—The Irony of It All: “Ang klero ay nagbangon laban sa mga Russellites [mga Saksi] at nagsaya nang madinig nila na dalawampung-taóng sintensiya [dahil sa umano’y sedisyon] ang ipinataw sa nasasakdal na mga lider ng mga Saksi ni Jehova.”
Subalit ano ba ang naging reaksiyon ng klero makalipas ang mga ilang buwan nang ang mga lider na iyon ay ipawalang-sala sa mga bintang sa kanila? “Hindi nagsaya ang mga miyembro ng tatag na relihiyon.” Ang mga Saksi ay nanindigang mag-isa ukol sa mga prinsipyo ng Bibliya “hanggang sa sukdulan na kanilang hinilang magalit sa kanila ang pamahalaang federal dahil sa kanilang relihiyon.” Ang mga Saksi ay hindi at kailanman ay hindi sila pumayag na maging mga mapaglangis na kalaguyo ng mga pinunong pulitiko, kahit na sa ilalim ng pamamahalang Nazi sa Alemanya o sa ilalim ng pamamahalang Fascista sa Italya, Espanya, at Portugal.
Tinuligsa at Napahiya ang Babilonya
Kung gayon, angkop na angkop nga nang sa Apocalipsis ay sabihing ang Babilonyang Dakila ay “lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus” at “sa kaniya’y nasumpungan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at lahat niyaong mga pinatay sa ibabaw ng lupa.” Ang kasalanan laban sa dugo ng relihiyon ng daigdig dahil sa aktibong pakikibahagi o basta pagkikibit-balikat sa mga digmaan at pag-uusig sa mga tunay na Kristiyano ay matutunton sa nakalipas na daan-daang taon.—Apocalipsis 17:6; 18:24.
Ang Babilonyang Dakila, na pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay nagpasasa sa luho at sa kapangyarihan sa buong kasaysayan. Subalit isang anghel ang nagbigay-babala kay Juan na ang kaarawan ng dakilang patutot ay darating din. Ang ulat ay nagsasabi sa atin: “At siya’y sumigaw nang malakas na tinig, na nagsasabi: ‘Siya’y bumagsak! Bumagsak ang Babilonyang Dakila, at siya’y naging tahanan ng mga demonyo at kulungan ng bawat espiritung karumal-dumal at kasuklam-suklam na ibon!’”—Apocalipsis 18:2.
Kailan babagsak ang Babilonya? O siya ba’y bumagsak na? Sa paanong siya’y dumaranas ng pagbagsak? At paano iyan may epekto sa iyo? Ito at ang iba pang kaugnay na mga katanungan ay sasagutin sa aming susunod na labas ng Ang Bantayan.
[Mga talababa]
a Las Grandes Religiones Ilustradas (Ang Dakilang mga Relihiyon na May Kalakip na mga Larawan): Asirio-Babilónica, Tomo 20, Mateu-Rizzoli, Barcelona, Espanya, 1963, pahina 53.
b Tomo 19, pahina 19, 20.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Ang Babilonyang Dakila ay nag-uugat sa sinaunang relihiyong maka-Babilonya