Kabanata 13
Bumili ng Gintong Dinalisay ng Apoy
LAODICEA
1, 2. Ano ang lokasyon ng huli sa pitong kongregasyon na tumanggap ng mensahe mula sa niluwalhating si Jesus, at ano ang ilang bagay na kapansin-pansin sa lunsod na ito?
ANG Laodicea ang huli sa pitong kongregasyon na tumanggap ng mensahe mula sa binuhay-muling si Jesus. Talagang nakatatawag-pansin at nakapagpapasigla ang impormasyong hatid nito!
2 Sa ngayon, masusumpungan mo ang kaguhuan ng Laodicea malapit sa Denizli, mga 90 kilometro sa timog-silangan ng Alasehir. Noong unang siglo, mariwasang lunsod ang Laodicea. Yamang nasa pangunahing sangandaan, naging mahalagang sentro ito ng pananalapi at komersiyo. Nakaragdag sa kayamanan nito ang pagbebenta ng kilalang pamahid sa mata, at bantog din ito sa de-kalidad na mga kasuutang gawa sa mainam na lanang itim. Nalutas ang kakulangan sa tubig, isang pangunahing suliranin sa lunsod, sa pamamagitan ng pagpapaagos ng tubig mula sa maiinit na bukal na nasa malayo. Kaya malahininga, o maligamgam na, ang tubig pagdating nito sa lunsod.
3. Paano sinisimulan ni Jesus ang kaniyang mensahe sa kongregasyon ng Laodicea?
3 Malapit sa Colosas ang Laodicea. Nang lumiliham sa mga taga-Colosas, binanggit ni apostol Pablo ang isang sulat na ipinadala niya sa mga taga-Laodicea. (Colosas 4:15, 16) Hindi natin alam kung ano ang sinabi ni Pablo sa liham na iyon, subalit ipinakikita ng mensahe na ipinadadala ngayon ni Jesus sa mga taga-Laodicea na nahulog sila sa kaaba-abang espirituwal na kalagayan. Gayunman, gaya ng dati, binabanggit muna ni Jesus ang kaniyang mga kredensiyal: “At sa anghel ng kongregasyon sa Laodicea ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi ng Amen, ang saksing tapat at totoo, ang pasimula ng paglalang ng Diyos.”—Apocalipsis 3:14.
4. Sa anong paraan si Jesus ang “Amen”?
4 Bakit tinutukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ang “Amen”? Ang titulong ito ay nagdiriin sa hudisyal na kahalagahan ng kaniyang mensahe. Ang terminong “Amen” ay transliterasyon ng salitang Hebreo na nangangahulugang “tiyak iyon,” “mangyari nawa,” at binibigkas sa katapusan ng mga panalangin bilang pagsang-ayon sa mga damdaming ipinahahayag sa mga iyon. (1 Corinto 14:16) Si Jesus ang “Amen” sapagkat tinitiyak at ginagarantiyahan ng kaniyang walang-kapintasang katapatan at sakripisyong kamatayan ang katuparan ng lahat ng mahahalagang pangako ni Jehova. (2 Corinto 1:20) Mula nang panahong iyon, angkop lamang na iparating ang lahat ng panalangin kay Jehova sa pamamagitan ni Jesus.—Juan 15:16; 16:23, 24.
5. Sa anong paraan si Jesus ang “saksing tapat at totoo”?
5 Si Jesus din ang “saksing tapat at totoo.” Sa hula, malimit siyang iniuugnay sa katapatan, katotohanan, at katuwiran, sapagkat lubos siyang mapagkakatiwalaan bilang lingkod ng Diyos na Jehova. (Awit 45:4; Isaias 11:4, 5; Apocalipsis 1:5; 19:11) Siya ang pinakadakilang Saksi ukol kay Jehova. Sa katunayan, bilang “pasimula ng paglalang ng Diyos,” naipahayag ni Jesus ang kaluwalhatian ng Diyos buhat pa sa pasimula. (Kawikaan 8:22-30) Bilang isang tao sa lupa, nagpatotoo siya sa katotohanan. (Juan 18:36, 37; 1 Timoteo 6:13) Matapos siyang buhaying-muli, ipinangako niya ang banal na espiritu sa kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” Mula noong Pentecostes 33 C.E., pinapatnubayan ni Jesus ang mga pinahirang Kristiyanong ito sa pangangaral ng mabuting balita sa “lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.” (Gawa 1:6-8; Colosas 1:23) Talagang karapat-dapat tawaging saksing tapat at totoo si Jesus. Makikinabang ang mga pinahirang Kristiyano sa Laodicea kung makikinig sila sa kaniyang mga salita.
6. (a) Paano inilalarawan ni Jesus ang espirituwal na kalagayan ng kongregasyon sa Laodicea? (b) Anong mainam na halimbawa ni Jesus ang hindi tinularan ng mga Kristiyano sa Laodicea?
6 Ano ang mensahe ni Jesus para sa mga taga-Laodicea? Wala siyang ibinigay na komendasyon. Prangkahan niyang sinabi sa kanila: “Alam ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay hindi malamig ni mainit man. Nais ko sanang ikaw ay malamig o kaya ay mainit. Kaya, dahil sa ikaw ay malahininga at hindi mainit ni malamig man, isusuka kita mula sa aking bibig.” (Apocalipsis 3:15, 16) Paano ka kaya tutugon sa ganitong mensahe mula sa Panginoong Jesu-Kristo? Hindi ka kaya magigising at magsusuri sa sarili? Tiyak na kinailangang kumilos ng mga taga-Laodicea, sapagkat naging tamad sila sa espirituwal, at lumilitaw na naging mapagwalang-bahala. (Ihambing ang 2 Corinto 6:1.) Si Jesus, na dapat sanang tinularan nila bilang mga Kristiyano, ay laging nagpapakita ng nag-aapoy na sigasig ukol kay Jehova at sa paglilingkod sa kaniya. (Juan 2:17) Bukod dito, napatunayan ng maaamo na lagi siyang banayad at mahinahon, gaya ng nakapagpapaginhawang malamig na tubig kapag maalinsangan at mainit ang panahon. (Mateo 11:28, 29) Pero ang mga Kristiyano sa Laodicea ay hindi mainit ni malamig man. Gaya ng tubig na umaagos pababa sa kanilang lunsod, naging malahininga sila, walang sigla. Makatuwiran lamang na tuluyan silang itakwil ni Jesus, ‘isuka mula sa kaniyang bibig’! Gaya ni Jesus, lagi nawa tayong magsikap nang buong sigasig sa pagbibigay ng espirituwal na kaginhawahan sa iba.—Mateo 9:35-38.
“Sinasabi Mo: ‘Ako ay Mayaman’”
7. (a) Paano tinukoy ni Jesus ang ugat ng suliranin ng mga Kristiyano sa Laodicea? (b) Bakit sinasabi ni Jesus na “bulag at hubad” ang mga Kristiyano sa Laodicea?
7 Ano ba talaga ang ugat ng suliranin ng mga taga-Laodicea? Magkakaroon tayo ng ideya sa susunod na mga salita ni Jesus: “Sapagkat sinasabi mo: ‘Ako ay mayaman at nakapagtamo ng mga kayamanan at hindi na nangangailangan ng anuman,’ ngunit hindi mo alam na ikaw ay miserable at kahabag-habag at dukha at bulag at hubad.” (Apocalipsis 3:17; ihambing ang Lucas 12:16-21.) Palibhasa’y naninirahan sa isang mariwasang lunsod, panatag na panatag sila dahil sa kanilang kayamanan. Dahil sa mga istadyum, teatro, at mga himnasyo, malamang na naapektuhan ang kanilang paraan ng pamumuhay, anupat naging “maibigin [sila] sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.”a (2 Timoteo 3:4) Subalit ang mga taga-Laodicea na mayaman sa materyal ay maralita naman sa espirituwal. Kaunti lamang, kung mayroon man, ang ‘naimbak nilang kayamanan sa langit.’ (Mateo 6:19-21) Hindi nila pinanatiling simple ang kanilang mata, na ginagawang pangunahin sa kanilang buhay ang Kaharian ng Diyos. Talaga ngang nasa kadiliman sila, bulag, anupat walang espirituwal na paningin. (Mateo 6:22, 23, 33) Bukod dito, makabili man sila ng maiinam na kasuutan dahil sa kanilang materyal na kayamanan, hubad sila sa paningin ni Jesus. Wala silang espirituwal na kasuutan na magpapakilala sa kanila bilang mga Kristiyano.—Ihambing ang Apocalipsis 16:15.
8. (a) Sa anong paraan umiiral din sa ngayon ang kalagayang tulad niyaong sa Laodicea? (b) Paano dinadaya ng ilang Kristiyano ang kanilang sarili sa sakim na sanlibutang ito?
8 Anong kahiya-hiyang kalagayan! Subalit hindi ba madalas nating nakikita ang ganitong situwasyon sa ngayon? Ano ang pangunahing dahilan? Ito’y ang pagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili dahil sa pagtitiwala sa materyal na mga ari-arian o kakayahan ng tao. Gaya ng mga nagsisimba sa Sangkakristiyanuhan, nililinlang ng ilang lingkod ni Jehova ang kanilang sarili sa pag-aakalang mapalulugdan nila ang Diyos sa pamamagitan ng pagdalo paminsan-minsan sa mga pulong. Ginagawa nila ito para masabi lamang na ‘mga tagatupad sila ng salita.’ (Santiago 1:22) Sa kabila ng paulit-ulit na babala mula sa uring Juan, inilalagak nila ang kanilang puso sa mga usong damit, kotse, at bahay, at sa buhay na nakasentro sa paglilibang at kalayawan. (1 Timoteo 6:9, 10; 1 Juan 2:15-17) Ang lahat ng ito ay nagpapapurol sa espirituwal na pang-unawa. (Hebreo 5:11, 12) Sa halip na maging matamlay at malahininga, dapat nilang pag-alabing-muli ang “apoy ng espiritu” at magpakita ng masiglang pananabik na ‘ipangaral ang salita.’—1 Tesalonica 5:19; 2 Timoteo 4:2, 5.
9. (a) Anong pananalita ni Jesus ang dapat yumanig sa malahiningang mga Kristiyano, at bakit? (b) Paano matutulungan ng kongregasyon ang naliligaw na mga “tupa”?
9 Paano itinuturing ni Jesus ang malahiningang mga Kristiyano? Dapat silang mayanig sa kaniyang prangkahang pananalita: “Hindi mo alam na ikaw ay miserable at kahabag-habag at dukha at bulag at hubad.” Manhid na ang kanilang budhi anupat hindi man lamang nila natatalos ang kanilang nakapanlulumong kalagayan. (Ihambing ang Kawikaan 16:2; 21:2.) Hindi puwedeng ipagwalang-bahala ang ganitong maselang kalagayan sa kongregasyon. Maaaring makatulong ang mahusay na halimbawa ng kasigasigan at maibiging pagpapastol ng matatanda at ng iba pang inatasan nila para magising ang naliligaw na mga ‘tupang’ ito at manumbalik ang dati nilang kagalakan sa buong-pusong paglilingkod.—Lucas 15:3-7.
Payo Hinggil sa ‘Pagiging Mayaman’
10. Anong “ginto” ang sinasabi ni Jesus na dapat bilhin sa kaniya ng mga Kristiyano sa Laodicea?
10 Malulunasan pa kaya ang malungkot na situwasyon sa Laodicea? Oo, kung susundin ng mga Kristiyanong iyon ang payo ni Jesus: “Ipinapayo ko sa iyo na bumili ka sa akin ng gintong dinalisay ng apoy upang yumaman ka.” (Apocalipsis 3:18a) Magiging “mayaman sila sa Diyos” sa pamamagitan ng tunay na “ginto” ng mga Kristiyano, na dinalisay ng apoy at lubusang inalisan ng linab. (Lucas 12:21) Saan nila mabibili ang gintong ito? Hindi sa mga nagpapatakbo ng mga bangko roon kundi kay Jesus! Ipinaliwanag ni apostol Pablo kung ano ang gintong iyon nang sabihan niya si Timoteo na magbigay ng utos sa mayayamang Kristiyano “na gumawa ng mabuti, na maging mayaman sa maiinam na gawa, na maging mapagbigay, handang mamahagi, maingat na nag-iimbak para sa kanilang sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap.” ‘Makapanghahawakan lamang silang mahigpit sa tunay na buhay’ kung magsasakripisyo sila sa ganitong paraan. (1 Timoteo 6:17-19) Dapat sana’y sinunod ng mga taga-Laodicea na mayaman sa materyal ang payo ni Pablo upang maging mayaman sila sa espirituwal.—Tingnan din ang Kawikaan 3:13-18.
11. Magbigay ng makabagong-panahong mga halimbawa ng mga nagsibili ng “gintong dinalisay ng apoy.”
11 May makabagong-panahong mga halimbawa ba ng mga nagsibili ng “gintong dinalisay ng apoy”? Oo, mayroon! Kahit na noong papalapit pa lamang ang araw ng Panginoon, naunawaan ng isang maliit na grupo ng mga estudyante sa Bibliya ang pagiging huwad ng maraming maka-Babilonyang turo ng Sangkakristiyanuhan, gaya ng Trinidad, imortalidad ng kaluluwa, pagpapahirap sa apoy ng impiyerno, pagbibinyag sa sanggol, at pagsamba sa mga imahen (kasali na ang krus at mga larawan ni Maria). Sa pagtataguyod ng katotohanan sa Bibliya, ipinahayag ng mga Kristiyanong ito na ang Kaharian ni Jehova ang tanging pag-asa ng sangkatauhan at ang haing pantubos ni Jesus ang saligan ukol sa kaligtasan. Halos 40 taon ang kaagahan, tinukoy nila ang 1914 bilang taon na itinakda ng hula sa Bibliya bilang siyang katapusan ng mga panahong Gentil, kasabay ng nakagugulat na mga pangyayari sa lupa.—Apocalipsis 1:10.
12. Sino ang isa sa mga nanguna sa nagising na mga Kristiyano, at paano siya naging namumukod-tanging halimbawa ng pag-iimbak ng mga kayamanan sa langit?
12 Ang nanguna sa mga nagising na mga Kristiyanong iyon ay si Charles Taze Russell, na bumuo ng isang grupo ng pag-aaral sa Bibliya sa Allegheny (ngayo’y bahagi ng Pittsburgh), Pennsylvania, E.U.A., noong unang mga taon ng dekada ng 1870. Nang simulan ni Russell ang pagsasaliksik sa katotohanan, kasosyo siya ng kaniyang ama sa negosyo at malapit nang maging milyunaryo. Ngunit ipinagbili niya ang kaniyang sosyo sa kanilang negosyong mga tindahan at ginamit niya ang kaniyang kayamanan upang tumulong sa pagtustos sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos sa buong lupa. Noong 1884, si Russell ang naging kauna-unahang pangulo ng korporasyon na kilala ngayon bilang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania. Namatay siya noong 1916 sakay ng tren malapit sa Pampa, Texas, patungong New York, dahil sa sobrang pagod sa kaniyang huling paglalakbay ukol sa pangangaral sa kanlurang Estados Unidos. Isa siyang namumukod-tanging halimbawa ng nag-imbak ng espirituwal na mga kayamanan sa langit, isang halimbawa na tinutularan ngayon ng daan-daang libong mapagsakripisyong mga ministrong payunir.—Hebreo 13:7; Lucas 12:33, 34; ihambing ang 1 Corinto 9:16; 11:1.
Paglalagay ng Espirituwal na Pamahid sa Mata
13. (a) Paano malulunasan ng espirituwal na pamahid sa mata ang kalagayan ng mga taga-Laodicea? (b) Anong uri ng kasuutan ang inirerekomenda ni Jesus, at bakit?
13 Mahigpit ding pinayuhan ni Jesus ang mga taga-Laodicea: “Bumili ka . . . ng mga puting panlabas na kasuutan upang maramtan ka at upang ang kahihiyan ng iyong kahubaran ay hindi mahayag, at ng pamahid sa mata na ipapahid sa iyong mga mata upang makakita ka.” (Apocalipsis 3:18b) Dapat nilang lunasan ang kanilang espirituwal na pagkabulag sa pamamagitan ng pagbili ng nakapagpapagaling na pamahid sa mata, hindi yaong inilalako ng mga manggagamot sa kanilang lugar, kundi ang uri na si Jesus lamang ang makapaglalaan. Tutulungan sila nito na magkaroon ng espirituwal na kaunawaan upang makalakad sila sa “landas ng mga matuwid” habang ang kanilang nagniningning na mga mata ay nakatuon sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (Kawikaan 4:18, 25-27) Sa gayo’y makapagbibihis sila, hindi ng mamahaling mga kasuutang yari sa lanang itim na ginagawa sa Laodicea, kundi ng maiinam na “puting panlabas na kasuutan” na nagpapahiwatig ng kanilang pinagpalang pagkakakilanlan bilang mga tagasunod ni Jesu-Kristo.—Ihambing ang 1 Timoteo 2:9, 10; 1 Pedro 3:3-5.
14. (a) Anong espirituwal na pamahid sa mata ang makukuha mula pa noong 1879? (b) Ano ang pangunahing pinagmumulan ng pinansiyal na suporta ng mga Saksi ni Jehova? (c) Sa paggamit ng mga kontribusyon, paano naiiba ang mga Saksi ni Jehova?
14 Mayroon bang espirituwal na pamahid sa mata sa makabagong panahong ito? Tiyak na mayroon! Noong 1879, sinimulan ni Pastor Russell, gaya ng magiliw na pagtawag sa kaniya, ang paglalathala ng magasing kilala ngayon sa buong daigdig bilang Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova, upang maipagtanggol ang katotohanan. Sa ikalawang isyu nito, ganito ang naging pahayag niya: “Naniniwala kami na si JEHOVA ang sumusuporta sa [magasing ito], kaya naman hindi ito kailanman mamalimos ni manghihingi ng tulong sa mga tao. Kapag Siya na nagsasabing: ‘Akin ang lahat ng ginto at pilak sa kabundukan,’ ay hindi na naglaan ng kinakailangang pondo, mauunawaan namin na panahon na upang itigil ang publikasyong ito.” May ilang ebanghelisador sa telebisyon na nagkamal ng kayamanan at namuhay sa walang kahihiyan (at kung minsan ay imoral) na karangyaan. (Apocalipsis 18:3) Sa kabaligtaran, ginagamit ng mga Estudyante ng Bibliya, na kilala ngayon bilang mga Saksi ni Jehova, ang lahat ng natatanggap nilang boluntaryong mga kontribusyon upang organisahin at pasulungin ang pandaigdig na pangangaral hinggil sa dumarating na Kaharian ni Jehova. Hanggang ngayon, pinangangasiwaan ng uring Juan ang paglalathala ng Ang Bantayan at Gumising!, mga magasing may pinagsamang sirkulasyon na mahigit 59 na milyon noong 2006. Mababasa Ang Bantayan sa mga 150 wika. Ito ang opisyal na babasahin ng kongregasyon ng mahigit anim na milyong Kristiyano na gumagamit sa ganitong espirituwal na pamahid sa mata upang maidilat ang kanilang paningin mula sa huwad na relihiyon at sa pagiging apurahan ng pangangaral ng mabuting balita sa lahat ng bansa.—Marcos 13:10.
Pakikinabang Mula sa Saway at Disiplina
15. Bakit nagbibigay si Jesus ng matinding payo sa mga Kristiyano sa Laodicea, at paano dapat tumugon dito ang kongregasyon?
15 Balikan natin ang mga taga-Laodicea. Paano sila tutugon sa matinding payo ni Jesus? Dapat bang manghina ang loob nila at isiping ayaw na ni Jesus na maging mga tagasunod niya sila? Hindi, hindi naman sa ganoon. Nagpapatuloy ang mensahe: “Ang lahat ng mga minamahal ko ay aking sinasaway at dinidisiplina. Kaya nga maging masigasig ka at magsisi.” (Apocalipsis 3:19) Tulad ng disiplina ni Jehova, ang disiplina ni Jesus ay tanda rin ng kaniyang pag-ibig. (Hebreo 12:4-7) Dapat samantalahin ng kongregasyon ng Laodicea ang kaniyang maibiging pagmamalasakit at ikapit ang kaniyang payo. Dapat silang magsisi, at kilalanin na kasalanan ang kanilang pagiging malahininga. (Hebreo 3:12, 13; Santiago 4:17) Iwaksi nawa ng kanilang matatanda ang pagiging materyalistiko at “paningasing tulad ng apoy” ang kaloob na tinanggap nila sa Diyos. At samantalang nagkakabisa ang espirituwal na pamahid sa mata, ang lahat sa kongregasyon ay makasumpong nawa ng kaginhawahan gaya ng pag-inom ng nakarerepreskong malamig na tubig mula sa bukal.—2 Timoteo 1:6; Kawikaan 3:5-8; Lucas 21:34.
16. (a) Paano naitatanghal ngayon ang pag-ibig at pagmamahal ni Jesus? (b) Kapag binigyan tayo ng matinding payo, paano tayo dapat tumugon?
16 Kumusta naman tayo ngayon? Si Jesus ay patuloy na ‘umiibig sa mga sariling kaniya na nasa sanlibutan.’ Gagawin niya ito “sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Juan 13:1; Mateo 28:20) Ang kaniyang pag-ibig at pagmamahal ay itinatanghal sa pamamagitan ng makabagong-panahong uring Juan at ng mga bituin, o matatanda, sa kongregasyong Kristiyano. (Apocalipsis 1:20) Sa napakahirap na panahong ito, lubhang interesado ang matatanda na tulungan tayong lahat, matanda’t bata, na manatili sa loob ng teokratikong kulungan ng tupa, habang nilalabanan ang mapagsariling saloobin, materyalistikong kasakiman, at imoral na karumihan ng daigdig. Kapag binibigyan tayo ng matinding payo o disiplina sa pana-panahon, tandaan na “ang mga saway ng disiplina ang siyang daan ng buhay.” (Kawikaan 6:23) Tayong lahat ay di-sakdal at dapat na handang magsisi kung kinakailangan upang maituwid tayo at makapanatili sa pag-ibig ng Diyos.—2 Corinto 13:11.
17. Paano maaaring maging espirituwal na panganib sa atin ang kayamanan?
17 Huwag nating hayaan na maging malahininga tayo dahil sa materyalismo, kayamanan, o karalitaan. Maaaring makatulong ang kayamanan para mabuksan ang bagong mga pagkakataon sa paglilingkod, subalit maaari din itong maging mapanganib. (Mateo 19:24) Baka isipin ng isang taong may-kaya na hindi na siya kailangang maging masigasig sa gawaing pangangaral na gaya ng iba, basta’t nakapagbibigay siya ng malaking kontribusyon sa pana-panahon. O baka madama niya na dapat siyang paboran dahil mayaman siya. Karagdagan pa, maraming uri ng libangan at pampalipas-oras na para lamang sa mayayaman at hindi abot-kaya ng ibang tao. Subalit ang mga libangang ito ay umuubos ng panahon at maaaring maglihis sa isa na walang ingat mula sa ministeryong Kristiyano, anupat nagiging malahininga siya. Iwasan sana natin ang lahat ng silong ito at patuloy na ‘magpagal at magpunyagi’ nang buong puso, anupat umaasang mabuhay nang walang hanggan.—1 Timoteo 4:8-10; 6:9-12.
‘Paghahapunan’
18. Anong pagkakataon ang ibinigay ni Jesus sa mga Kristiyano sa Laodicea?
18 Nagpatuloy si Jesus: “Narito! Ako ay nakatayo sa pintuan at kumakatok. Kung ang sinuman ay makarinig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako ay papasok sa kaniyang bahay at maghahapunang kasama niya at siya kasama ko.” (Apocalipsis 3:20) Kung buong-pusong tatanggapin lamang ng mga Kristiyanong taga-Laodicea si Jesus sa kanilang kongregasyon, tutulungan niya silang mapagtagumpayan ang kanilang pagiging malahininga!—Mateo 18:20.
19. Ano ang ibig ipahiwatig ni Jesus nang ipangako niya na maghahapunan siyang kasama ng kongregasyon sa Laodicea?
19 Ang pagbanggit ni Jesus sa hapunan ay tiyak na nagpaalaala sa mga taga-Laodicea hinggil sa mga pagkakataon nang kumain siyang kasama ng kaniyang mga alagad. (Juan 12:1-8) Laging nagdudulot ng espirituwal na mga pagpapala ang gayong mga pagkakataon para sa mga presente. Pagkaraang buhaying-muli si Jesus, may pantanging mga pagkakataon din na nakisalo siya sa kaniyang mga alagad sa pagkain, mga pagkakataong lubhang nagpatibay sa kanila. (Lucas 24:28-32; Juan 21:9-19) Kaya ang pangako niya na pumasok sa kongregasyon ng Laodicea at maghapunang kasama nila ay isang pangako na sagana niya silang pagpapalain sa espirituwal kung tatanggapin lamang nila siya.
20. (a) Sa pasimula ng araw ng Panginoon, ano ang ibinunga ng pagiging malahininga ng Sangkakristiyanuhan? (b) Paano nakaapekto sa Sangkakristiyanuhan ang paghatol ni Jesus?
20 Napakahalaga para sa nalalabing mga pinahirang Kristiyano sa ngayon ang maibiging payo ni Jesus sa mga taga-Laodicea. Naaalaala pa ng ilan sa kanila na, sa pasimula ng araw ng Panginoon, napakalubha ng pagiging malahininga ng mga relihiyonista ng Sangkakristiyanuhan. Sa halip na ipagbunyi ang pagbabalik ng Panginoon noong 1914, nasangkot ang kaniyang klero sa patayan noong Digmaang Pandaigdig I, kung saan 24 sa 28 nagdidigmaang mga bansa ay nag-aangking Kristiyano. Kaybigat ng kanilang pagkakasala sa dugo! Noong Digmaang Pandaigdig II, kung saan ang karamihan din sa mga bansang nasangkot ay bahagi ng Sangkakristiyanuhan, ang mga kasalanan ng huwad na relihiyon ay muli na namang “nagkapatung-patong hanggang sa langit.” (Apocalipsis 18:5) Bukod dito, tinalikuran ng mga klero ang dumarating na Kaharian ni Jehova nang itaguyod nila ang Liga ng mga Bansa, ang Nagkakaisang mga Bansa, at ang nasyonalistiko at rebolusyonaryong mga kilusan, na walang isa man ang makalulutas sa mga suliranin ng sangkatauhan. Matagal nang itinakwil ni Jesus ang mga klero, na hinahatulan sila at itinatapon, kung paanong itinatapon ng mangingisda ang di-karapat-dapat na isda na nahuhuli sa kaniyang lambat. Ang kaaba-abang kalagayan ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon ay patotoo ng ganitong paghatol sa kaniya. Magsilbi nawang babala sa atin ang kaniyang kahihinatnan!—Mateo 13:47-50.
21. Mula noong 1919, paano tumugon ang mga Kristiyano sa tunay na kongregasyon sa mga salita ni Jesus sa mga Kristiyano sa Laodicea?
21 Maging sa loob ng tunay na kongregasyon, may malahiningang mga indibiduwal na kagaya ng isang inumin na hindi mainit para makapagpasigla at hindi rin naman malamig para makapagpaginhawa. Ngunit magiliw pa ring iniibig ni Jesus ang kaniyang kongregasyon. Nagpapaunlak siya sa mga Kristiyano na tumutugon at nagpapatuloy sa kaniya, at marami ang tumanggap sa kaniya, na wari’y sa isang hapunan. Kaya naman mula noong 1919, nabuksan ang kanilang mga mata sa tunay na kahulugan ng mga hula sa Bibliya. Nakaranas sila ng panahon ng malaking kaliwanagan.—Awit 97:11; 2 Pedro 1:19.
22. Anong hapunan sa hinaharap ang malamang na nasa isip ni Jesus, at sino ang makikibahagi rito?
22 Sa kaniyang mensahe sa mga taga-Laodicea, maaaring may iba pang hapunang naiisip si Jesus. Mababasa natin sa dakong huli ng Apocalipsis: “Maligaya yaong mga inanyayahan sa hapunan ng kasal ng Kordero.” Ito ang maharlikang piging ng tagumpay ukol sa kapurihan ni Jehova matapos niyang ilapat ang hatol sa huwad na relihiyon—isang piging na pagsasaluhan ni Kristo at ng kaniyang kasintahang babae, na ang bilang na 144,000 ay kumpleto na sa panahong iyon sa langit. (Apocalipsis 19:1-9) Ang mga miyembro ng sinaunang kongregasyon sa Laodicea na handang tumugon—oo, maging ang tapat na mga kapatid ni Kristo Jesus sa ngayon, na may malinis na mga kasuutan na pagkakakilanlan nila bilang tunay na mga pinahirang Kristiyano—ay pawang makikisalo sa kanilang Kasintahang Lalaki sa hapunang iyon. (Mateo 22:2-13) Talagang mabisang pangganyak ito upang maging masigasig at magsisi!
Isang Trono Para sa mga Mananaig
23, 24. (a) Ano pang karagdagang gantimpala ang binabanggit ni Jesus? (b) Kailan umupo si Jesus sa kaniyang Mesiyanikong trono, at kailan niya pinasimulan ang paghatol sa mga nag-aangking Kristiyano? (c) Anong kamangha-manghang pangako ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad nang pasinayaan niya ang Memoryal ng kaniyang kamatayan?
23 Bumabanggit si Jesus ng karagdagan pang gantimpala sa pagsasabing: “Ang isa na nananaig ay pagkakalooban ko na umupong kasama ko sa aking trono, kung paanong ako ay nanaig at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang trono.” (Apocalipsis 3:21) Bilang katuparan ng mga salita ni David sa Awit 110:1, 2, ang tagapag-ingat ng katapatan na si Jesus, yamang dinaig niya ang sanlibutan, ay binuhay-muli noong 33 C.E. at dinakila upang umupong kasama ng kaniyang Ama sa Kaniyang makalangit na trono. (Gawa 2:32, 33) Sa isa pa ring napakahalagang taon, noong 1914, si Jesus ay dumating at umupo sa kaniyang sariling Mesiyanikong trono bilang Hari at Hukom. Maliwanag na nagsimula ang paghatol noong 1918 para sa nag-aangking mga Kristiyano. Pagkatapos nito, ang pinahirang mga mananaig na namatay bago ang panahong iyon ay binuhay-muli at nakasama ni Jesus sa kaniyang Kaharian. (1 Pedro 4:17) Ito ang ipinangako niya sa kaniyang mga alagad nang pasinayaan niya ang Memoryal ng kaniyang kamatayan, na sinasabi sa kanila: “Nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian, upang kayo ay makakain at makainom sa aking mesa sa kaharian ko, at makaupo sa mga trono upang humatol sa labindalawang tribo ng Israel.”—Lucas 22:28-30.
24 Totoong kamangha-manghang atas—ang umupong kasama ng nagpupunong Hari sa panahon ng “muling-paglalang” at makibahaging kasama niya, salig sa kaniyang sakdal na hain, sa pagsasauli sa daigdig ng masunuring sangkatauhan tungo sa Edenikong kasakdalan! (Mateo 19:28; 20:28) Gaya ng ipinaaalam sa atin ni Juan, ang mga mananaig ay gagawin ni Jesus na “isang kaharian, mga saserdote sa kaniyang Diyos at Ama,” upang magsiupo sa mga trono sa palibot ng mismong maringal na trono ni Jehova sa langit. (Apocalipsis 1:6; 4:4) Isapuso nawa nating lahat—kabilang man tayo sa pinahiran o sa lipunan ng bagong lupa na umaasang makibahagi sa pagsasauli ng Paraiso—ang mga salita ni Jesus sa mga taga-Laodicea!—2 Pedro 3:13; Gawa 3:19-21.
25. (a) Gaya ng naunang mga mensahe, paano tinatapos ni Jesus ang kaniyang mensahe sa Laodicea? (b) Paano dapat tumugon sa ngayon ang indibiduwal na mga Kristiyano sa mga salita ni Jesus sa kongregasyon ng Laodicea?
25 Gaya ng naunang mga mensahe, tinatapos ni Jesus ang isang ito sa pamamagitan ng ganitong payo: “Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.” (Apocalipsis 3:22) Nabubuhay na tayo sa huling bahagi ng panahon ng kawakasan. Kitang-kita natin ang katibayan na malamig na ang pag-ibig ng Sangkakristiyanuhan. Sa kabaligtaran, bilang mga tunay na Kristiyano, marubdob nawa tayong tumugon sa mensahe ni Jesus sa kongregasyon ng Laodicea, oo, sa lahat ng pitong mensahe ng ating Panginoon sa mga kongregasyon. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng puspusang pakikibahagi sa katuparan ng dakilang hula ni Jesus para sa ating panahon: “At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:12-14.
26. Kailan muling tuwirang magsasalita si Jesus kay Juan, subalit saan siya nakikibahagi?
26 Tapos na ang pagpapayo ni Jesus sa pitong kongregasyon. Sa huling kabanata ng Apocalipsis na lamang siya muling magsasalita kay Juan; subalit may bahagi siya sa marami sa mga pangitain, bilang halimbawa, sa paglalapat ng mga hatol ni Jehova. Samahan natin ngayon ang uring Juan sa pagsusuri sa ikalawang pambihirang pangitain na inihayag ng Panginoong Jesu-Kristo.
[Talababa]
a Nahukay ng mga arkeologo ang mga dakong ito sa kinaroroonan ng Laodicea.
[Kahon sa pahina 73]
Materyalismo Laban sa Karunungan
Noong 1956, isang kolumnista sa balita ang sumulat: “Noong nakalipas na siglo, tinataya na may 72 kagustuhan ang pangkaraniwang tao, at 16 sa mga ito ang itinuturing na talagang kailangan. Sa ngayon, tinatayang 474 ang kagustuhan ng pangkaraniwang tao, at 94 naman ang itinuturing na talagang kailangan. Noong nakalipas na siglo, 200 produkto ang sapilitang iniaalok ng mga tindero sa pangkaraniwang mga tao—subalit ngayon, may 32,000 produkto na napakahirap tanggihan. Kaunti lamang ang talagang kailangan ng tao—subalit hindi naman mabilang ang kaniyang mga kagustuhan.” Sa ngayon, patuloy na isinisiksik sa isip ng mga tao ang ideya na ang materyal na kayamanan at ari-arian ang siyang pinakamahalagang bagay sa buhay. Kaya marami ang nagwawalang-bahala sa matalinong payo ng Eclesiastes 7:12: “Ang karunungan ay pananggalang kung paanong ang salapi ay pananggalang; ngunit ang pakinabang sa kaalaman ay na iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito.”
[Larawan sa pahina 67]
Ang tubig na umaagos patungo sa Laodicea ay malahininga, o maligamgam, at hindi kasiya-siya. Ang mga Kristiyano sa Laodicea ay may di-kasiya-siya at malahiningang saloobin