BALUMBON
Ang karaniwang anyo ng aklat noong panahon ng pagsulat ng Bibliya. Noon, ang Kasulatan ay isinusulat at kadalasa’y kinokopya sa mga balumbong yari sa katad, pergamino, o papiro. (Jer 36:1, 2, 28, 32; Ju 20:30; Gal 3:10; 2Ti 4:13; Apo 22:18, 19) Ang balumbon ay gawa sa pinagdugtung-dugtong at pinagdikit-dikit na mga piraso ng gayong mga materyales anupat ginawang isang mahabang pilyego, na inirorolyo naman sa isang patpat. Para sa isang pagkahaba-habang balumbon, ginagamitan ng patpat ang magkabilang dulo at ang balumbon ay inirorolyo sa dalawang patpat patungo sa kalagitnaan nito. Kapag may babasahin mula sa gayong balumbon, inilaladlad ito ng magbabasa sa pamamagitan ng isang kamay samantalang inirorolyo naman ito ng kabilang kamay hanggang sa matagpuan ang bahaging hinahanap niya. Pagkatapos magbasa, muli niyang inirorolyo ang balumbon.—Para sa mga detalye tungkol sa materyales, laki, at iba pa, tingnan ang AKLAT.
Nagpapatotoo Hinggil kay Jesus. Pumarito si Jesu-Kristo sa lupa upang gawin ang kalooban ng Diyos, gaya ng inihula sa Hebreong Kasulatan, sa “balumbon ng aklat.” (Aw 40:7, 8; Heb 10:7-9) Sa sinagoga sa Nazaret, binuksan ni Jesus ang balumbon ng Isaias at binasa niya ang makahulang mga salita tungkol sa pagpapahid sa kaniya ng espiritu ni Jehova upang mangaral. Pagkatapos ay inilulon, o inirolyo, ni Kristo ang balumbon, isinauli niya ito sa tagapaglingkod, umupo siya, at ipinaliwanag niya sa lahat ng naroroon: “Ngayon ay natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo.” (Luc 4:16-21; Isa 61:1, 2) Sa katunayan, yamang “ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang kumakasi sa panghuhula,” ang lahat ng balumbon ng lahat ng Kasulatan at ang pangmadlang paghahayag ng mabuting balita na nasa mga balumbon ng Kristiyanong Kasulatan ay may kinalaman sa posisyon at gawain ni Jesu-Kristo sa layunin ni Jehova.—Apo 19:10.
Sa pagtatapos ng ulat ng Ebanghelyo ni Juan, sinabi niya: “Sa katunayan, marami pa ring ibang bagay ang ginawa ni Jesus, na, kung sakaling ang mga iyon ay naisulat nang lubhang detalyado, sa palagay ko, sa sanlibutan mismo ay hindi magkakasiya ang mga balumbong isinulat.” (Ju 21:25) Sa kaniyang Ebanghelyo, hindi sinikap ni Juan na isulat ang lahat ng pangyayari, kundi ang isinulat lamang niya ay yaong sapat upang mapagtibay ang kaniyang pangunahing punto, samakatuwid nga, na si Jesu-Kristo ang Anak ng Diyos at ang Kaniyang Mesiyas. Totoo naman, may sapat na impormasyon sa “balumbon” ni Juan, gayundin sa iba pang kinasihang Kasulatan, na lubusang magpapatunay na “si Jesus ang Kristo na Anak ng Diyos.”—Ju 20:30, 31.
Makasagisag na Paggamit. Sa ilang pagkakataon, ang salitang “balumbon” ay ginagamit sa Bibliya sa makasagisag na paraan. Sina Ezekiel at Zacarias ay kapuwa nakakita ng balumbon na may sulat sa magkabilang panig. Yamang karaniwan nang isang panig lamang ng balumbon ang ginagamit, ang pagsulat sa magkabilang panig ay maaaring tumutukoy sa bigat, antas, at pagkaseryoso ng mga kahatulang nakasulat sa mga balumbong iyon. (Eze 2:9–3:3; Zac 5:1-4) Sa pangitain sa Apocalipsis, sa kanang kamay niyaong isa na nasa trono ay may isang balumbon na may pitong tatak, upang hindi makita ninuman ang nakasulat hangga’t hindi nabubuksan ng Kordero ng Diyos ang mga iyon. (Apo 5:1, 12; 6:1, 12-14) Nang maglaon, sa pangitain ding iyon, si Juan mismo ay binigyan ng isang balumbon at inutusang kainin ito. Matamis ito sa bibig ni Juan ngunit pinapait nito ang kaniyang tiyan. Yamang ang balumbon ay bukás at walang tatak, isa itong bagay na dapat maunawaan. Naging “matamis” para kay Juan ang pagtanggap sa mensaheng nilalaman nito ngunit lumilitaw na mayroon itong mapapait na bagay na kailangan niyang ihula, gaya ng iniutos sa kaniya na gawin. (Apo 10:1-11) Kahawig nito ang naging karanasan ni Ezekiel sa balumbong ibinigay sa kaniya na may “mga panambitan at pagdaing at paghagulhol.”—Eze 2:10.
“Balumbon ng buhay ng Kordero.” Ang idolatrosong mga mananamba ng makasagisag na “mabangis na hayop” ay hindi pinipili ng Diyos upang maging mga kasamahan ng Kordero. Samakatuwid, “walang isa man sa mga pangalan nila ang nakasulat sa balumbon ng buhay ng Kordero na pinatay,” at ipinasiya na ito “mula sa pagkakatatag ng sanlibutan” ng sangkatauhan.—Apo 13:1-8; 21:27.
Mga balumbon ng paghatol at ng buhay. Nakita rin ni Juan na “nabuksan ang mga balumbon” at ang mga binuhay-muli ay “hinatulan batay sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa.” Lumilitaw na ang mga balumbong ito ay naglalaman ng mga kautusan at mga tagubilin ni Jehova na naglalahad ng kaniyang kalooban para sa mga tao sa panahong iyon ng paghatol, at ang kanilang mga gawa ng pagsunod taglay ang pananampalataya o mga gawa ng pagsuway sa nakasulat sa mga balumbon ang magsisiwalat kung ang kanilang mga pangalan ay karapat-dapat na isulat o panatilihin sa “balumbon ng buhay” ni Jehova.—Apo 20:11-15; tingnan ang BUHAY.
‘Ilululon na parang balumbon ng aklat.’ Sa Isaias 34:4, ang propeta ay nagsalita ng kahatulan laban sa mga bansa, na sinasabi: “At ang langit ay ilululon, na parang balumbon ng aklat.” Maliwanag na tinutukoy niya rito ang paglululon at pagliligpit ng isang balumbon matapos itong basahin. Kaya naman ang pananalitang ito ay isang sagisag ng pagliligpit o pag-aalis niyaong hindi na mapakikinabangan o hindi na mahalaga.