‘Alisin ang mga Walang-Diyos!’
ANG turing sa kaniya ng masa ay walang-Diyos, isang taong naghahangad na sirain ang pagsamba at wasakin ang kanilang mga diyos. Kanilang hinamak at inaglahi, nang siya’y iniharap nila sa kanila sa pangmadlang asamblea. Nang magtanong na ang gobernador, isang marangal ang ayos na lalaking 86-anyos ang lumakad patungo sa harap at ipinakilala ang kaniyang sarili. Ang kaniyang pangalan ay Polycarp.
Ang Romanong gobernador probinsyal na si Statius Quadratus ay patuloy na nagsabi: “Manumpa ka sa harap ng henyo na si Caesar; baguhin mo ang iyong isip at sabihin, ‘Alisin ang mga ateista!’” Nang magkagayo’y minalas ni Polycarp ang lubhang karamihan ng walang sinusunod na kautusang mga pagano na siyang pumupuno ng estadiyum. Siya’y nagmosyon sa direksiyon na patungo sa kanila, dumaing, tumingala sa langit, at nagsabi: “Alisin ang mga ateista!” Oo nga, ‘Alisin ang mga walang-Diyos!’
Pagkatapos ang proconsul ay nagsalita nang may higit na pagkaapurahan, na ang sabi: “Manumpa ka at palalayain kita; laitin mo si Kristo.” Subalit si Polycarp ay tumugon: “Walumpu’t anim na taon na ako’y naglingkod sa Kaniya, at hindi Niya ako ginawan ng anumang masama. Papaano nga ako makapamumusong sa aking Hari na nagligtas sa akin?”
Nang magkagayo’y naghanda na para bitayin ang matanda nang lalaki. Ang kaniyang laman ay ipasusunog din sa apoy. Bakit? Sino nga ba si Polycarp? At anong mga pangyayari ang humantong sa kaniyang kamatayan?
Ang Maagang Buhay ni Polycarp
Si Polycarp ay isinilang humigit-kumulang 69 C.E. sa Asia Minor, sa Smirna (ang modernong-panahong siyudad ng Izmir sa Turkiya). Ayon sa ulat, siya’y pinalaki ng mga magulang na Kristiyano. Nang siya’y gumulang na at maging isang tanyag na maginoo, si Polycarp ay nakilala sa kaniyang pagiging bukas-palad, pagkakait sa sarili, may kabaitang pakikitungo sa iba, at masigasig na pag-aaral ng Kasulatan. Nang dumating ang panahon ay naging isang tagapangasiwa siya sa kongregasyon sa Smirna.
Ayon sa iniulat sa kaniyang maagang mga taon, sinamantala ni Polycarp ang mga pagkakataon upang matutong tuwiran buhat sa ilan sa mga apostol. Si apostol Juan ang sa malas isa sa kaniyang mga guro. Ang totoo, binabanggit ni Irenaeus na si Polycarp “ay hindi lamang tinuruan ng mga apostol, at nagkaroon ng pakikipagtalastasan sa marami na nakakita kay Kristo, kundi hinirang din para sa Asia ng mga apostol, sa iglesya na nasa Smirna bilang isang tagapangasiwa.” Maguguniguni natin ang kagalakan at kasiyahan na nakuha ni Polycarp sa gayong nakapagpapayamang pakikisama. Tiyak na tumulong ito sa pagsasangkap sa kaniya para sa kaniyang pagkahirang bilang isang tagapangasiwa sa kongregasyon.—Gawa 20:28; 1 Pedro 5:1-4.
Ipinagtanggol ang Saligang mga Katotohanan
Ang pangangasiwa ni Polycarp sa kongregasyon ay nagsimula noong maseselan na mga taon ng inihulang apostasya. (2 Tesalonica 2:1-3) Makikitang handa siyang lubusang gamitin ang sarili alang-alang sa iba. Kaya naman, nang si Ignatius ng Antioquia, Syria, na patungo noon sa kaniyang kamatayan bilang isang martir sa Roma, ay humiling sa mga taga-Filipos na magpadala ng isang liham sa kaniyang sariling kongregasyon, si Polycarp ng Smirna ang nag-asikaso para iyon ay maihatid doon. Noon ay kaniyang ipinadala sa mga taga-Filipos ang kaniyang sariling liham.
Sa liham ni Polycarp sa mga taga-Filipos, makikita natin ang muling pagpapatunay sa mga ilang katotohanan ng Kasulatan. Kaniyang pinagbubukod ang Diyos at si Kristo, ang Ama at ang Anak, at sinasabi na “sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo” natatamo natin ang kaligtasan. Si Polycarp ay nagbabala laban sa pag-ibig sa salapi at ipinaalaala sa kaniyang mambabasa na ang mga mapakiapid at ang mga lalaking sumisiping sa kapuwa mga lalaki ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. (Ihambing ang 1 Timoteo 6:10; 1 Corinto 6:9, 10.) Mayroon din siyang payo sa mga babae na ibigin ang kani-kanilang asawa at sa mga matatanda na maging “mahabagin at maawain.” Lahat ay hinihimok na “maging masigasig sa pagtataguyod ng mabuti.” Sa katapus-tapusan, si Polycarp ay namamanhik: “Harinawang ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, at si Jesu-Kristo Mismo, na siyang Anak ng Diyos at ating walang-hanggang mataas na saserdote, ang magpatibay sa inyo sa pananampalataya at katotohanan, at sa buong kaamuan, kahinahunan, pagtitiyaga, pagbabata, pagtitiis, at kalinisan.”
Saganang sumipi si Polycarp sa Kasulatan. Sa kaniyang liham sa mga taga-Filipos, kaniyang binanggit ang Mateo, Mga Gawa, Roma, 1 Corinto, 2 Corinto, Galacia, Efeso, 2 Tesalonica, 1 Timoteo, 1 Pedro, at malamang ang mga iba pang bahagi ng Kasulatan. Ito’y nagpapahiwatig sa atin na sa papaano man ang ilang namamaraling mga Kristiyano ay nagsikap na kumapit nang mahigpit sa mga simulain ng Kasulatan noong maselan na panahon kasunod ng pagkamatay ng mga apostol.
Ang Kaniyang Nagawa sa Smirna
Ang Smirna, isang sinaunang lunsod sa baybayin ng Asia Minor, ay isang masigla at maunlad na sentro ng pangangalakal. Ito’y isa ring sentro para sa pagsamba sa Estado. Halimbawa, ang mga Romanong emperador ay prominenteng nakalarawan sa mga barya at sa mga inskripsiyon bilang mga diyus-diyusan. Ang paganong relihiyosong mga pilosopya ay pinagtitibay sa pamamagitan ng autoridad ng emperador.
Maliwanag, marami sa mga kaugnay sa kongregasyon sa Smirna ay maralita sa materyal na mga bagay. Subalit minsan, sila’y pinapurihan dahil sa pagiging mayaman sa espirituwal. Anong laking pampatibay-loob sa mga Kristiyano sa Smirna na marinig ang mga salita ni Jesus na isinulat ni apostol Juan! Sinabi ni Kristo sa “anghel,” o pinahirang mga tagapangasiwa, sa Smirna: “Nalalaman ko ang iyong kapighatian at ang iyong kadukhaan—datapuwat ikaw ay mayaman—at ang pamumusong ng mga nagsasabing sila’y mga Judio, gayunma’y hindi sila gayon kundi isang sinagoga ni Satanas. Huwag mong katakutan ang mga bagay na malapit mo nang tiisin. Narito! Ipaghahahagis ng Diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang lubusan kayong subukin, at upang magdanas kayo ng kapighatian ng sampung araw. Patunayan mong tapat ka hanggang kamatayan, at bibigyan kita ng korona ng buhay.”—Apocalipsis 2:8-10.
Anumang espirituwal na pagsulong na maaaring magpatuloy sa gitna ng nag-aangking mga Kristiyano sa Smirna ay walang alinlangang tuwirang may kaugnayan sa mahusay na pangangasiwa ng matatanda sa kongregasyon. Nang panahong iyon ay umiiral ang magulong alitan sa relihiyon, at ang mga miyembro ng kongregasyon ay naglilingkod sa gitna ng salu-salungatang mga paliwanag at mga kulto. Ang kanilang teritoryong ginagawan ay punô ng mga makademonyong gawain, kasali na ang pangkukulam at astrolohiya, kaya naman ang kapaligiran ay sagana sa mga gawang kalikuan.
Bukod sa pananalansang ng mga mamamayang pagano ay nariyan ang matinding pagkapoot na ipinakita ng mga Judio. Nang ang martir na si Polycarp ay sunugin noong Pebrero 23, 155 C.E., ayon sa ulat ang panatikong mga Judio ay tumulong sa pangunguha ng kahoy na panggatong. Ito’y ginawa nila kahit na ang gayong pagpatay ay ginanap sa isang dakilang araw ng Sabbath!
Sino ang mga Walang-Diyos?
Ang gusto ni Polycarp ay manatili sa Smirna at harapin ang panganib pagka siya’y pinuntahan ng kaniyang mga kaaway. Subalit sa paghimok ng iba, siya’y umatras at nagtungo sa isang karatig na bukid. Nang mahayag ang kaniyang kinaroroonan, siya’y tumangging lumipat upang maiwasan ang mga naghahanap sa kaniya kundi sinabi lamang niya: “Mangyari nawa ang kalooban ng Diyos.”
Matapos makapasok sa estadiyum, si Polycarp ay humarap sa gobernador at sa makapal, nagkakagulong karamihan ng tao. Habang patuloy na hinihimok siya ng gobernador na magpahayag ng pagsamba at pagpaparangal kay Caesar, malinaw na sinabi ni Polycarp: “Ako’y isang Kristiyano . . . Kung nais mong maalaman ang kahulugan ng pagka-Kristiyano, kailangan lamang na magtakda ka ng isang araw at bigyan mo ako ng pagkakataong magpaliwanag.” Ang gobernador ay tumugon: “Subukin mo ang iyong mga pangangatuwiran sa harap ng karamihan ng tao.” Subalit sinabi ni Polycarp: “Ikaw ang inaakala kong marahil ay karapat-dapat na makipagtalakayan sa akin, sapagkat kami ay tinuruan na magbigay ng lahat ng nararapat na paggalang sa mga maykapangyarihan at mga autoridad . . . habang iyon ay hindi isang pakikipagkompromiso para sa amin.” Hindi nagtagal pagkatapos nito si Polycarp ay sinunog dahil sa ayaw niyang itakuwil si Jesu-Kristo.
Ang kalagayan ni Polycarp bilang isang Kristiyano ay ang Diyos lamang ang makapagsasabi kung ano. Kumusta naman sa ngayon? Ang isang lubhang karamihan ng mga tunay na Kristiyano ay hindi rin magtatakwil kay Kristo. Bagkus, kanilang inihahayag na siya ang Mesiyanikong Hari ng Diyos na nakaluklok na sa langit. Ang mga Saksing ito ni Jehova ay nangangaral din na kaylapit-lapit nang makita natin ang katuparan ng hula ni Jesus tungkol sa “malaking kapighatian,” ang pinakamalaking kapahamakan na magaganap kailanman sa daigdig. Gayunman, ito’y hindi nangangahulugan ng katapusan ng sangkatuhan kundi ng kabalakyutan. Ang pagkaligtas ay posible tungo sa isang matuwid na bagong sanlibutan ng kapayapaan at kaligayahan.— Mateo 24:13, 21, 34; 2 Pedro 3:13.
Sino nga ba ang lalaban sa mga tagapagdala ng ganiyang nakagagalak na mga balita? Tangi lamang yaong mga walang-Diyos, kahit na kung sila’y may “anyo ng maka-Diyos na debosyon.” (2 Timoteo 3:5) Ang mga turo ng huwad na relihiyon ang bumulag sa isip ng iba, at marami ang “nakikinig sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Ang mga Kristiyano sa ngayon ay nagdusa sa kamay ng mga walang-Diyos, ang iba’y hanggang sa kamatayan. Subalit ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay hindi kailanman malulugi, sapagkat balang araw ay kakamtin nila ang regalo ng Diyos na buhay na walang-hanggan. Samantala, ang tapat na mga tagapagbalitang ito ng Kaharian ng Diyos ay nananatiling matatag na mga tagapagtaguyod ng katotohanan ng Kasulatan.