Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Nasaan ang mga demonyo sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo?
Hindi tuwirang sinasagot ng Bibliya ang tanong na ito. Gayunman, maaari tayong sumapit sa isang makatuwirang konklusyon kung nasaan ang mga demonyo sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo.
Nang inilalahad ang pangitain ng mangyayari sa pasimula at sa katapusan ng Milenyong ito, sinabi ni apostol Juan: “Nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit na taglay ang susi ng kalaliman at ang isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. At sinunggaban niya ang dragon, ang orihinal na serpiyente, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos siya sa loob ng isang libong taon. At inihagis niya siya sa kalaliman at isinara iyon at tinatakan iyon sa ibabaw niya, upang hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos ng mga bagay na ito ay kailangan siyang pakawalan nang kaunting panahon.” (Apocalipsis 20:1-3) Binabanggit lamang sa mga talatang ito ang pagbubulid kay Satanas sa kalaliman at ang pagpapakawala sa kaniya nang kaunting panahon sa dakong huli. Bagaman hindi binabanggit dito ang mga demonyo, waring makatuwiran na kapag ang Diyablo ay sinunggaban at ibinulid ng anghel na may taglay ng susi sa kalaliman—ang niluwalhating si Jesu-Kristo—gayundin ang gagawin sa mga demonyo.—Apocalipsis 9:11.
Nang maging Hari sa langit noong 1914, si Jesu-Kristo ay kumilos sa paraan na nagkaroon ng matinding epekto kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo. Ganito ang sinasabi sa Apocalipsis 12:7-9: “Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon, at ang dragon at ang mga anghel nito [ang mga demonyo] ay nakipagbaka ngunit hindi ito nanaig, ni may nasumpungan pa mang dako para sa kanila sa langit. Kaya inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.” Mula noon, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay naririto na lamang sa kapaligiran ng lupa. Makatuwiran lamang nating masasabi na kapag higit pang nilimitahan ni Jesu-Kristo ang gawain ni Satanas upang mapalaya ang lupa mula sa balakyot na impluwensiya nito, gayundin ang gagawin Niya sa mga demonyo.
Isaalang-alang din ang kauna-unahang hula sa Bibliya. Ito ang mababasa: “Maglalagay ako [ang Diyos] ng alitan sa pagitan mo [si Satanas] at ng babae [ang makalangit na organisasyon ni Jehova] at sa pagitan ng iyong binhi [ni Satanas] at ng kaniyang binhi [si Jesu-Kristo]. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15) Ang pagsugat sa ulo ng serpiyente ay nangangahulugan ng pagbubulid kay Satanas sa kalaliman sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Sinasabi pa sa hula na may alitan sa pagitan ng Isa na susugat at ng binhi ni Satanas. Kasali sa binhing ito, o organisasyon, ang di-nakikitang bahagi na binubuo ng balakyot na mga anghel, o mga demonyo. Kaya makatuwirang sabihin na kapag ibinulid ni Jesus si Satanas sa kalaliman, gagapusin at ibubulid din niya sa kalaliman ang mga demonyo. Ang matinding pagkatakot sa kalaliman ng balakyot na mga espiritu ay nagpapahiwatig lamang na batid nila ang napipintong pagbubulid na ito.—Lucas 8:31.
Subalit posible ba na kaya hindi binabanggit ng Apocalipsis 20:1-3 ang mga demonyo ay sapagkat pupuksain sila sa Armagedon kasama ng nakikitang bahagi ng binhi ni Satanas? Ipinakikita ng Bibliya na malayong magkaganito. Tungkol sa pangwakas na kahihinatnan ni Satanas, ganito ang sabi: “Ang Diyablo na nagliligaw sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan na kapuwa ng mabangis na hayop at ng bulaang propeta; at pahihirapan sila araw at gabi magpakailan-kailanman.” (Apocalipsis 20:10) Ang mabangis na hayop at ang bulaang propeta ay pulitikal na mga instrumento at bahagi ng nakikitang organisasyon ni Satanas. (Apocalipsis 13:1, 2, 11-14; 16:13, 14) Malilipol sila sa Armagedon, kapag dinurog at winakasan na ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng kaharian sa daigdig. (Daniel 2:44) Bumabanggit ang Bibliya ng “walang-hanggang apoy na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel.” (Mateo 25:41) Ihahagis si Satanas at ang kaniyang mga demonyo sa “lawa ng apoy at asupre” na paghahagisan din sa mabangis na hayop at bulaang propeta sa diwa na sila rin naman ay lilipulin magpakailanman. Kung ang mas makapangyarihan at di-nakikitang espiritung bahagi ng binhi ni Satanas ay pinuksa na sa Armagedon, ang mga demonyo ay tiyak na sasabihing naroon na sa makasagisag na lawa kasama ng mabangis na hayop at ng bulaang propeta. Ang hindi pagbanggit sa kanila sa Apocalipsis 20:10 ay nagpapakita na hindi pa pupuksain sa Armagedon ang mga demonyo.
Yamang hindi tuwirang binabanggit na ihahagis sa kalaliman ang mga demonyo, hindi rin naman espesipikong binabanggit na sila ay palalayain mula roon. Gayunman, ang kahihinatnan nila ay pareho niyaong sa Diyablo. Pagkatapos palayain kasama ng Diyablo at makipagtulungan sa kaniya sa panghuling pagsubok sa sangkatauhan sa dulo ng sanlibong taon, ang mga demonyo ay ihahagis din sa lawa ng apoy at sa gayo’y pupuksain na magpakailanman.—Apocalipsis 20:7-9.
Samakatuwid, kahit na si Satanas lamang ang binabanggit sa Apocalipsis 20:1-3 na sinunggaban at inihagis sa kalaliman ng kawalang-ginagawa, makatuwiran nating masasabi na igagapos at ibubulid din sa kalaliman ang kaniyang mga anghel. Kahit si Satanas ni ang kaniyang pulutong ng mga demonyo ay hindi papayagang makasagabal sa katuparan ng layunin ng Diyos na gawing paraiso ang lupa at ibalik sa kasakdalan ang sangkatauhan sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo.