Si Job—Isang Halimbawa ng Pagbabata at Katapatan
“Itinuon mo ba ang iyong puso sa aking lingkod na si Job, na walang sinumang tulad niya sa lupa, isang lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan?”—JOB 1:8.
1, 2. (a) Anong di-inaasahang mga trahedya ang naranasan ni Job? (b) Ilarawan ang buhay ni Job bago nangyari ang mga trahedyang ito.
MAY isang lalaki na waring nasa kaniya na ang lahat ng bagay—kayamanan, katanyagan, mabuting kalusugan, at maligayang buhay pampamilya. Pagkatapos, tatlong magkakasunod na trahedya ang nangyari sa kaniya. Biglang-bigla, nawala ang kaniyang kayamanan. Kasunod nito, namatay ang lahat ng kaniyang anak dahil sa isang di-pangkaraniwang bagyo. Di-nagtagal pagkatapos nito, nagkaroon siya ng nakapanghihinang sakit na naging dahilan upang mapuno ang kaniyang katawan ng makirot na mga bukol. Ang lalaking ito ay si Job, isang pangunahing tauhan sa aklat ng Bibliya na Job.—Job, kabanata 1 at 2.
2 “O kung ako sana ay nasa mga buwang lunar noong sinaunang panahon,” ang daing niya. (Job 3:3; 29:2) Kapag may sumapit na kalamidad, tiyak ngang hahanap-hanapin mo ang magagandang araw ng nakalipas! Sa kalagayan ni Job, nagkaroon siya ng matuwid na buhay, na waring malayo sa kasawian. Iginagalang siya at hinihingan ng payo ng tanyag na mga tao. (Job 29:5-11) Mayaman siya, pero balanse ang pangmalas niya sa salapi. (Job 31:24, 25, 28) Kapag may mga balo o ulilang nangangailangan, tinutulungan niya sila. (Job 29:12-16) At nanatili siyang tapat sa kaniyang kabiyak.—Job 31:1, 9, 11.
3. Ano ang pangmalas ni Jehova kay Job?
3 Si Job ay namuhay nang walang kapintasan dahil sumasamba siya sa Diyos. “Walang sinumang tulad niya sa lupa,” ang sabi ni Jehova, “isang lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan.” (Job 1:1, 8) Ngunit sa kabila ng katapatan ni Job sa moral, nawala ang kaniyang maalwang istilo ng pamumuhay dahil sa mga trahedya. Naglaho ang lahat ng pinaghirapan niya, at ang kaniyang tunay na pagkatao ay sinubok ng kirot, dalamhati, at kabiguan.
4. Bakit makatutulong sa atin na isaalang-alang ang matinding pagsubok na naranasan ni Job?
4 Sabihin pa, tiyak na hindi lamang si Job ang lingkod ng Diyos na dumanas ng personal na kasakunaan. Maraming Kristiyano sa ngayon ang may nakakatulad na karanasan. Dahil dito, dalawang tanong ang karapat-dapat isaalang-alang: Ano ang maitutulong sa atin ng pagrerepaso sa matinding pagsubok na naranasan ni Job kapag napapaharap tayo sa trahedya? At paano tayo matuturuan nito na magkaroon ng higit na empatiya sa iba na nagdurusa?
Isang Isyu Hinggil sa Pagkamatapat at Isang Pagsubok sa Katapatan
5. Ayon kay Satanas, bakit naglilingkod si Job sa Diyos?
5 Naiiba ang kaso ni Job. Walang kamalay-malay si Job na kinuwestiyon ng Diyablo ang mga motibo niya sa paglilingkod sa Diyos. Sa isang pagtitipon sa langit, nang itawag-pansin ni Jehova ang maiinam na katangian ni Job, ganito ang sinabi ni Satanas: “Hindi ka ba naglagay ng bakod sa palibot niya at sa palibot ng kaniyang sambahayan at sa palibot ng lahat ng kaniyang pag-aari sa buong paligid?” Kaya inangkin ni Satanas na makasarili si Job—at sa pamamagitan ng pagpapahiwatig, lahat ng iba pang mga lingkod ng Diyos. “Iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo ang lahat ng kaniyang pag-aari at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan,” ang sabi ni Satanas kay Jehova.—Job 1:8-11.
6. Anong mahalagang isyu ang ibinangon ni Satanas?
6 Mahalaga ang isyung ito. Hinamon ni Satanas ang paraan ng paggamit ni Jehova ng Kaniyang soberanya. Talaga bang kaya ng Diyos na pamahalaan ang uniberso sa pamamagitan ng pag-ibig? O gaya ng ipinahiwatig ni Satanas, ang pagiging makasarili ang laging mananaig sa dakong huli? Pinahintulutan ni Jehova ang Diyablo na gawing halimbawa si Job, anupat nagtitiwala sa katapatan at pagkamatapat ng Kaniyang lingkod. Kaya naman, si Satanas mismo ang nagpasapit sa mga kalamidad na sunud-sunod na naranasan ni Job. Nang mabigo si Satanas sa kaniyang mga unang pagsalakay, pinasapitan niya si Job ng makirot na sakit. “Balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa,” ang iginiit ng Diyablo.—Job 2:4.
7. Sa anu-anong paraan napapaharap ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon sa mga pagsubok na katulad ng naranasan ni Job?
7 Bagaman karamihan ng mga Kristiyano sa ngayon ay hindi naman dumaranas ng pagdurusa na kasintindi ng nangyari kay Job, iba’t ibang kapighatian ang nararanasan nila. Marami ang napapaharap sa pagsalansang o mga problema sa pamilya. Maaaring nakapanlulumo ang mahirap na kabuhayan o mahinang kalusugan. Ibinuwis ng iba ang kanilang buhay alang-alang sa kanilang pananampalataya. Sabihin pa, hindi natin dapat ipagpalagay na si Satanas ang mismong sanhi ng bawat trahedyang nararanasan natin. Sa katunayan, ang ilang problema ay maaaring dulot pa nga ng sarili nating mga pagkakamali o ng minanang pisikal na kalagayan. (Galacia 6:7) At apektado tayong lahat ng pagtanda at likas na mga kasakunaan. Nililiwanag ng Bibliya na sa kasalukuyan, hindi makahimalang ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang mga lingkod mula sa mga kapighatiang ito.—Eclesiastes 9:11.
8. Paano maaaring gamitin ni Satanas ang mga kapighatiang nararanasan natin?
8 Magkagayunman, maaaring gamitin ni Satanas ang mga kapighatiang nararanasan natin upang pahinain ang ating pananampalataya. Binanggit ni apostol Pablo na pinipighati siya ng “isang tinik sa laman, isang anghel ni Satanas,” na palaging ‘sumasampal’ sa kaniya. (2 Corinto 12:7) Ito man ay problema sa pisikal, gaya ng mahinang paningin, o iba pa, naunawaan ni Pablo na maaaring gamitin ni Satanas ang problemang ito at ang idinudulot nitong pagkasiphayo upang mawala ang kagalakan at katapatan ni Pablo. (Kawikaan 24:10) Sa ngayon, maaaring udyukan ni Satanas ang mga miyembro ng pamilya, kaeskuwela, o maging ang mga gobyernong diktadura upang pag-usigin ang mga lingkod ng Diyos sa paanuman.
9. Bakit hindi natin dapat labis na pagtakhan ang kapighatian o pag-uusig?
9 Paano natin matagumpay na mahaharap ang mga problemang ito? Ituring natin ang mga ito na pagkakataon upang ipakita na iniibig natin si Jehova at na hindi tayo urong-sulong sa pagpapasakop sa kaniyang soberanya. (Santiago 1:2-4) Anuman ang sanhi ng ating kapighatian, ang pagkaunawa sa kahalagahan ng pagkamatapat sa Diyos ay tutulong sa atin na manatiling timbang sa espirituwal. Sumulat si apostol Pedro sa mga Kristiyano: “Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa panununog sa gitna ninyo, na nangyayari sa inyo bilang isang pagsubok, na para bang isang kakaibang bagay ang nangyayari sa inyo.” (1 Pedro 4:12) At nagpaliwanag si Pablo: “Lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Timoteo 3:12) Hinahamon pa rin ni Satanas ang katapatan ng mga Saksi ni Jehova, gaya ng ginawa niya kay Job. Sa katunayan, ipinahihiwatig ng Bibliya na pinatitindi ni Satanas ang kaniyang pagsalakay sa bayan ng Diyos sa mga huling araw na ito.—Apocalipsis 12:9, 17.
Isang Maling Akala at Ilang Maling Payo
10. Anong disbentaha ang naranasan ni Job?
10 May disbentaha si Job na hindi natin kailangang maranasan. Hindi niya alam kung bakit niya naranasan ang mga kalamidad na iyon. Nagkamali si Job sa pag-aakalang sa paanuman “si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis.” (Job 1:21) Marahil, sinikap talaga ni Satanas na magkaroon si Job ng impresyon na ang Diyos ang dahilan ng kaniyang pagdurusa.
11. Ipaliwanag ang reaksiyon ni Job sa mga kalamidad na naranasan niya.
11 Lubhang nasiraan ng loob si Job, bagaman tumanggi siyang sumpain ang Diyos, di-gaya ng sinabi ng asawa ni Job na gawin niya. (Job 2:9, 10) ‘Parang nagiging mas matagumpay ang masasama kaysa sa akin,’ ang sabi niya. (Job 21:7-9) ‘Bakit kaya ako pinarurusahan ng Diyos?’ ang malamang na naitanong niya. May mga pagkakataon na gusto na lamang niyang mamatay. “O ikubli mo nawa ako sa Sheol, na ingatan mo nawa akong lihim hanggang sa mapawi ang iyong galit!” ang bulalas niya.—Job 14:13.
12, 13. Paano nakaapekto kay Job ang mga komento ng kaniyang tatlong kasamahan?
12 May tatlong kasamahan si Job na dumalaw sa kaniya, upang di-umano’y “makiramay sa kaniya at aliwin siya.” (Job 2:11) Magkagayunman, lumilitaw na sila’y “mapanligalig na mga mang-aaliw.” (Job 16:2) Puwede sanang makinabang si Job sa mga kaibigan na mapaghihingahan niya ng kaniyang mga problema, pero ang tatlong ito ay lalo lamang nakaragdag sa kalituhan ni Job at nagpatindi sa kaniyang pagkasiphayo.—Job 19:2; 26:2.
13 Kaya makatuwiran lamang isipin na maaaring naitanong ni Job sa kaniyang sarili: ‘Bakit ako pa? Ano ba ang nagawa ko para danasin ko ang lahat ng kalamidad na ito?’ Nagbigay ang kaniyang mga kasamahan ng mga sagot na talaga namang maling-mali. Inakala nila na si Job ang may kasalanan sa kaniyang mga pagdurusa dahil sa nagawa niyang malubhang pagkakasala. “Sinong walang-sala ang namatay?” ang tanong ni Elipaz. “Ayon sa aking nakita, yaong mga kumakatha ng nakasasakit at yaong mga naghahasik ng kabagabagan ang mismong aani niyaon.”—Job 4:7, 8.
14. Bakit hindi natin dapat kaagad sabihin na nagdurusa ang isa dahil sa maling paggawi?
14 Totoo, maaaring bumangon ang mga problema kung maghahasik tayo ayon sa laman sa halip na sa espiritu. (Galacia 6:7, 8) Gayunman, sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay, maaaring bumangon ang mga suliranin anuman ang ating paggawi. Bukod diyan, hindi rin totoo na ang mga walang-sala ay ligtas sa lahat ng kalamidad. Si Jesu-Kristo, na “walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan,” ay dumanas ng masakit na kamatayan sa pahirapang tulos, at si apostol Santiago naman ay namatay bilang martir. (Hebreo 7:26; Gawa 12:1, 2) Dahil sa maling pangangatuwiran ni Elipaz at ng dalawa nitong kasamahan, napilitan si Job na ipagtanggol ang kaniyang mabuting pangalan at igiit na wala siyang kasalanan. Ngunit ang kanilang mariing paratang na karapat-dapat magdusa si Job ay maaaring nakaimpluwensiya sa pangmalas niya sa katarungan ng Diyos.—Job 34:5; 35:2.
Paghahanap ng Tulong Kapag Napapaharap sa Kapighatian
15. Anong pangangatuwiran ang makatutulong sa atin na harapin ang pagdurusa?
15 May mapupulot ba tayong aral dito? Waring lubhang di-makatarungan ang mga trahedya, sakit, o pag-uusig. Tila naiiwasan ng ibang tao ang marami sa mga problemang ito. (Awit 73:3-12) Kung minsan, baka kailangan nating itanong sa ating sarili ang mahahalagang bagay na ito: ‘Nauudyukan ba ako ng aking pag-ibig sa Diyos na paglingkuran siya anuman ang mangyari? Nananabik ba akong ibigay kay Jehova “ang sagot sa tumutuya sa Kaniya?”’ (Kawikaan 27:11; Mateo 22:37) Hinding-hindi natin dapat pag-alinlanganan ang ating makalangit na Ama dahil lamang sa padalus-dalos na komento ng iba. Ganito ang sinabi ng isang tapat na Kristiyano na maraming taóng dumanas ng malubhang sakit: “Alam ko na anuman ang ipahintulot ni Jehova, makakayanan ko ito. Alam kong bibigyan niya ako ng kinakailangang lakas. Lagi niyang ginagawa ito.”
16. Paano naglalaan ng tulong ang Salita ng Diyos sa mga napapaharap sa mahihirap na kalagayan?
16 Hinggil sa mga taktika ni Satanas, mas may kabatiran tayo rito kaysa kay Job. “Hindi naman tayo walang-alam sa kaniyang mga pakana,” o masamang mga taktika. (2 Corinto 2:11) Bukod diyan, marami tayong mapagkukunan ng praktikal na karunungan. Sa Bibliya, makasusumpong tayo ng mga ulat ng tapat na mga lalaki at babae na nagbata ng lahat ng mahihirap na kalagayan. Si apostol Pablo, na nakaranas ng mga ito nang higit kaysa sa karamihan ng mga Kristiyano, ay sumulat: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Ipinagpalit ng isang Saksi na taga-Europa, na nabilanggo noong ikalawang digmaang pandaigdig dahil sa kaniyang pananampalataya, ang tatlong araw na rasyon niya ng pagkain para sa isang Bibliya. “Sulit na sulit nga ang pakikipagpalit na iyon!” ang sabi niya. “Kahit gutom ako sa pisikal, tumanggap ako ng espirituwal na pagkain na nagpalakas sa akin gayundin sa iba para maharap namin ang mga pagsubok noong maligalig na panahong iyon. Nasa akin pa rin ang Bibliyang iyon hanggang ngayon.”
17. Anong mga paglalaan mula sa Diyos ang makatutulong sa atin na magbata?
17 Bukod sa kaaliwan na nagmumula sa Kasulatan, marami tayong mga pantulong sa pag-aaral sa Bibliya na nagbibigay ng kapaki-pakinabang na patnubay para maharap ang mga problema. Kung sasangguni ka sa Watch Tower Publications Index, malamang na makakakita ka ng karanasan ng kapuwa Kristiyano na nagkaroon ng pagsubok na nakakatulad ng sa iyo. (1 Pedro 5:9) Maaaring makatulong din kung ipakikipag-usap mo ang iyong kalagayan sa maunawaing mga elder o iba pang may-gulang na mga Kristiyano. Higit sa lahat, sa pamamagitan ng panalangin, makaaasa ka ng tulong mula kay Jehova at sa kaniyang banal na espiritu. Paano nakayanan ni Pablo ang ‘mga sampal’ ni Satanas? Sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos. (2 Corinto 12:9, 10) “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin,” ang isinulat niya.—Filipos 4:13.
18. Paano makapagbibigay ng mahalagang pampatibay-loob ang mga kapuwa Kristiyano?
18 Kaya may makukuhang tulong, at hindi ka dapat mag-atubiling hanapin ito. “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti,” ang sabi ng kawikaan. (Kawikaan 24:10) Kung paanong maaaring bumagsak ang isang kahoy na bahay dahil sa mga anay, kayang pahinain ng pagkasira ng loob ang katapatan ng isang Kristiyano. Para malabanan ang panganib na ito, sinusuportahan tayo ni Jehova sa pamamagitan ng ating mga kapuwa lingkod ng Diyos. Isang anghel ang nagpakita kay Jesus at pinalakas siya noong gabing arestuhin siya. (Lucas 22:43) Habang naglalakbay patungong Roma bilang isang bilanggo, si Pablo ay “nagpasalamat sa Diyos at nagkaroon ng lakas ng loob” nang salubungin siya ng mga kapatid sa Pamilihan ng Apio at sa Tatlong Taberna. (Gawa 28:15) Naaalaala pa ng isang babaing Saksing Aleman ang tulong na tinanggap niya nang dumating siya sa kampong piitan sa Ravensbrück noong isa pa lamang siyang tin-edyer na puno ng pangamba. “Nakita kaagad ako ng isang kapuwa Kristiyano at malugod akong tinanggap,” ang sabi niya. “Isa pang tapat na sister ang nag-alaga sa akin, at siya ay naging parang magulang ko sa espirituwal.”
“Patunayan Mong Tapat Ka”
19. Ano ang nakatulong kay Job upang malabanan ang mga pagsisikap ni Satanas?
19 Inilarawan ni Jehova si Job bilang isang lalaking ‘nanghahawakang mahigpit sa kaniyang katapatan.’ (Job 2:3) Bagaman nasiraan ng loob at hindi niya naunawaan kung bakit siya nagdusa, hindi nag-urong-sulong si Job sa napakahalagang isyu hinggil sa pagkamatapat. Hindi itinatwa ni Job ang lahat ng bagay na mahalaga sa kaniyang buhay. Iginiit niya: “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!”—Job 27:5.
20. Bakit sulit ang pagbabata?
20 Ang gayunding determinasyon ay makatutulong sa atin upang mapanatili ang ating katapatan sa ilalim ng anumang kalagayan—sa harap ng mga tukso, pagsalansang, o kapighatian. “Huwag kang matakot sa mga bagay na malapit mo nang pagdusahan,” ang sabi ni Jesus sa kongregasyon ng Smirna. “Narito! Patuloy na itatapon ng Diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang lubos kayong mailagay sa pagsubok, at upang magkaroon kayo ng kapighatiang [problema, kabagabagan, o paniniil] sampung araw. Patunayan mong tapat ka maging hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.”—Apocalipsis 2:10.
21, 22. Kapag nagbabata ng kapighatian, anong kaalaman ang makaaaliw sa atin?
21 Sa sistemang ito na pinamamahalaan ni Satanas, masusubok ang ating pagbabata at katapatan. Sa kabila nito, tinitiyak sa atin ni Jesus na habang inaasam natin ang hinaharap, wala tayong dapat ikatakot. Ang mahalaga ay patunayan nating tapat tayo. “Ang kapighatian ay panandalian,” ang sabi ni Pablo, samantalang ang “kaluwalhatian,” o gantimpala na ipinangangako ni Jehova sa atin ay “may lalo pang nakahihigit na bigat at ito ay walang hanggan.” (2 Corinto 4:17, 18) Maging ang kapighatian ni Job ay pansamantala lamang kung ihahambing sa maraming maliligayang taon na tinamasa niya bago at pagkatapos ng kaniyang pagsubok.—Job 42:16.
22 Gayunpaman, maaaring may mga pagkakataon sa ating buhay na ang mga pagsubok ay waring walang katapusan at waring hindi natin halos makayanan ang ating pagdurusa. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin kung ano pang karagdagang mga aral hinggil sa pagbabata ang maituturo sa atin ng karanasan ni Job. Aalamin din natin ang mga paraan kung paano natin mapatitibay ang iba na napapaharap sa kapighatian.
Paano Mo Sasagutin?
• Anong napakahalagang isyu ang ibinangon ni Satanas hinggil sa katapatan ni Job?
• Bakit hindi natin dapat labis na ipagtaka ang nangyayaring mga kapighatian?
• Paano tayo tinutulungan ni Jehova na magbata?
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang pagsasaliksik, pakikipag-usap sa may-gulang na mga Kristiyano, at marubdob na pananalangin ay makatutulong sa atin na magbata