Kabanata 22—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
Ang Diyos ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ay Nagiging “Lahat sa Lahat”
1. Anong halimbawa ang ibinigay ni Jesu-Kristo para sa lahat ng iba pang mga nilalang sa langit at sa lupa?
SANDALING panahon pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, ang “Prinsipe ng Kapayapaan” ay nagsabi sa isa sa kaniyang mga alagad: “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.” (Juan 20:17) Sa mga pananalitang iyon kinilala niya na ang kaniyang makalangit na Ama ay kaniya ring Diyos, ang tanging Isa na kaniyang sinamba. Sa gayong pagsamba siya ay nag-iwan ng isang halimbawa para sa lahat ng iba pang mga nilikha sa langit at sa lupa.
2, 3. (a) Paano inilalarawan ng 1 Corinto 15:24-26, 28 ang pantanging pagkilos ni Jesus na pagpapasakop sa kaniyang Ama? (b) Ano ang magiging dakilang resulta?
2 Anong dakilang halimbawa ang “Prinsipe ng Kapayapaan” para sa lahat ng pinaging-sakdal na sangkatauhan kapag matapat na ipasasakop niya ang kaniyang sarili sa isang pantanging paraan sa Isa na siyang ulirang Soberano sa buong sansinukob! Ito ay walang katulad na ihahayag sa pagtatapos ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari sa sangkatauhan, kapag naisauli na niya ang kapayapaan, katiwasayan, at pagkakasuwato sa buong lupa. Sa isang hindi nagkakamaling hula, tayo ay tinitiyak tungkol dito:
3 “Pagkatapos, darating ang wakas, pagka ibinigay na niya ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama, pagka nilipol na niya ang lahat ng pamahalaan at lahat ng awtoridad at kapangyarihan. Sapagkat siya’y kailangang maghari hanggang mailagay ng Diyos ang lahat ng kaniyang kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay lilipulin. Ngunit kung lahat ng bagay ay napasakop sa kaniya, saka naman ang Anak mismo ay magpapasakop din sa Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.” (1 Corinto 15:24-26, 28) O gaya ng pagkakasalin ng The Amplified Bible sa huling bahagi ng talatang 28: “Upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat—yaon ay, maging lahat sa lahat, kataas-taasan, ang nagpapakilos at sumusupil na salik ng buhay.”
4. (a) Paano tutugon ang mga maninirahan ng lupa sa halimbawa ng kanilang mapagkupkop na Ama? (b) Anong bagong aspekto ng pagpapasakop ang iiral sa panahong iyon?
4 Kapag ibinigay na ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ang Kaharian sa kaniyang Diyos sa pagtatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari, ipaaalam sa mga maninirahan ng lupa ang pagkilos na ito ng kanilang mapagkupkop na Ama. Bilang ang kanilang Maharlikang Halimbawa, ipasasakop din nila ang kanilang mga sarili sa isang bagong aspekto sa Kataas-taasang Diyos. Ngayon sa kauna-unahang pagkakataon sila ay mag-uukol ng maibiging pagpapasakop nang tuwiran kay Jehova, oo, sasamba, taglay ang buong kataimtiman at katotohanan, na hindi na nangangailangan ng makasaserdoteng paglilingkod ni Jesus, kahit na kapag nananalangin.
5. Ano ang magiging saloobin ng 144,000 kasamang mga hari ni Jesu-Kristo?
5 Sa ganitong paraan ang Kataas-taasang Diyos ay muling nagiging Hari sa lahat ng sansinukob nang walang maharlikang mga kinatawan para sa kaniya alinman sa langit o sa lupa. Kaya ang 144,000 kasamang mga hari na tinubos ni Jesu-Kristo mula sa lupa ay luluhod din sa harap ng Kataas-taasang Maharlikang Pinuno at sa karagdagang diwang ito ay kikilalanin siya bilang ang Pansansinukob na Soberano.
Pangwakas na Pagsubok sa Lahat ng Sangkatauhan
6. (a) Ano ang mangyayari sa hindi masunurin o masuwaying mga tao sa panahon ng Milenyong Paghahari? (b) Ano ang magiging kalagayan niyaong ibinibigay ni Jesus sa kaniyang makalangit na Ama?
6 Kinikilala si Jehova bilang ang Kataas-taasang Hukom, ninanais ni Jesu-Kristo na ang lahat-ng-kinakailangang pagsang-ayon ng Diyos ay ipahayag sa naisagawa ni Jesus sa loob ng kaniyang Milenyong Paghahari. Sa loob ng paghaharing iyan, ang mga taong ayaw sumunod sa mga kahilingan ng katuwiran at nagpapakita ng pagsuway sa Hari ay pupuksain. Kaya, yaong mga ibinibigay ni Jesu-Kristo sa Diyos na Jehova, ang pangwakas na Hukom, ay yaong mga masunurin na nagkamit ng kasakdalan ng tao.
7. (a) Ano ang ilalagay sa pagsubok pagkatapos na isauli ni Jesus ang Kaharian? (b) Paano malalagay sa pagsubok na iyan ang pinaging-sakdal na sangkatauhan?
7 Sa puntong iyon panahon na upang ilagay sa pagsubok ang walang maliw na debosyon ng tao sa Pansansinukob na Soberano, ang Diyos na Jehova. Gaya sa kalagayan ni Job, ang tanong ay: Iniibig at sinasamba lamang ba nila ang Diyos dahilan sa lahat ng mabubuting bagay na ginawa niya para sa kanila, o iniibig ba nila siya dahilan sa kung ano siya mismo—ang Matuwid na Soberano ng sansinukob? (Job 1:8-11) Subalit paano ba ilalagay sa pagsubok ang katapatan ng puso ng pinaging-sakdal na sangkatauhan? Ang Bibliya ay sumasagot: Si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay pakakawalan ng “kaunting panahon” mula sa kalaliman kung saan sila ikinulong sa loob ng sanlibong taon. (Apocalipsis 20:3) Sa pagpapahintulot sa Diyablo na ilagay sa pagsubok ang isinauling sangkatauhan, maaaring patunayan ng mga membro ng pinaging-sakdal na sangkatauhan ang kanilang indibiduwal na integridad sa Diyos sa isang sakdal na diwa.—Ihambing ang Job 1:12.
8. (a) Pagkatapos mapakawalan mula sa kalaliman, ano ang sisikaping gawin ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo? (b) Yaong mga paliligaw sa Diyablo at sa kaniyang mga demonyo ay kumukuha ng anong landasin ng pagkilos?
8 Noong nakaraang pitong libong taon, nahikayat ni Satanas na Diyablo ang sakdal na sina Adan at Eva sa kasalanan sa pamamagitan ng pagkuha ng isang mapaghangad-sa-sarili na landasin ng pagkilos. Hindi sinasabi ng Kasulatan kung anong mga pamamaraan ng pagtukso ang ipahihintulot ni Jehova na gamitin ni Satanas at ng mga demonyo pagkaraan ng kanilang paglabas mula sa kalaliman. Subalit tiyak na magkakaroon ito ng pang-akit sa kasakiman at sa pagnanais na magsarili na hiwalay sa Diyos. Isa pa ring rebelde o mapaghimagsik laban sa pagkasoberano ni Jehova, sisikapin ng Diyablo na gawing mga mapaghimagsik din ang sangkatauhan. Kung hanggang sa anong antas magiging matagumpay ang pinakawalang mga puwersa ng demonyo ay hindi rin binabanggit, subalit magkakaroon ng sapat na mapaghimagsik na mga tao na bubuo ng maraming tao. Sa panahong iyon ang kasalanan sa bahagi ng sinumang nilikhang tao, na ngayo’y pinaging-sakdal, ay gagawin nang may katalinuhan at, kung gayon, ay sinasadya, kinukusa. Ito’y mangangahulugan ng paghiwalay sa pagsamba sa tanging tunay at buháy na Diyos at pagpanig kay Satanas na Diyablo. (Apocalipsis 20:7, 8) Sa gayon, sa kaso ng mga mapaghimagsik na ito, si Jehova ay hindi nagiging “lahat sa lahat.”
9. (a) Ano ang mangyayari roon sa mga nag-iingat ng integridad sa Diyos na Jehova? (b) Paano mawawala ang lahat ng mga mapaghimagsik sa di-nakikitang dako? (c) Anong pagkaganda-gandang kalagayan ang iiral sa panahong iyon sa langit at sa lupa?
9 Gayunman, ang mga tapat ay ayaw sumuko sa mga argumento at mga panggigipit ng mga nailigaw, mga nasyonalistiko. Walang pag-aatubili, pinipili ng mga tapat na si Jehova ang maging “lahat sa lahat” sa kanila mismong kalagayan. Alang-alang mismo sa katarungan, ang pagkasoberano ni Jehova ay dapat na mahigpit na ipatupad. Dahil diyan, lahat ng mga mapaghimagsik sa lupa na naimpluwensiyahan ni Satanas ay lilipulin magpakailanman. Salamat naman at mawawala na sila! Dapat ding mawala ang lahat ng mga mapaghimagsik sa di-nakikitang dako ng paglalang. Kaya, upang dalhin ang pansansinukob na kadalisayan sa kaganapan, si Satanas na Diyablo at ang lahat ng kaniyang kampong mga demonyo ay lilipulin, hindi na iiral. Sa gayon ang mga langit at ang lupa ay malilinis sa lahat ng bahid ng kasalanan. (Apocalipsis 20:9, 10) Ang kabanalan ni Jehova ay iiral sa lahat ng dako. (Ihambing ang Zacarias 14:20.) Ang banal na pangalan ng Kataas-taasang Diyos ay pakababanalin sa langit at sa lupa. May kagalakang gagawin ng lahat ng mabubuhay sa langit at sa lupa ang kaniyang pinakadakilang kalooban.
10. Sa anong mga paraan tataglayin ng lupa hanggang sa walang-hanggan ang isang pangalan na hindi tatamasahin ng ibang mga planeta?
10 Hanggang sa walang-hanggan tataglayin ng ating lupa ang isang pangalan na hindi tatamasahin ng ibang planeta sa buong kalawakan, bagaman ang lupa ay maaaring hindi lamang ang tanging planeta na paninirahanan. Bukod-tangi, dito hindi matututulang ipinagbangong-puri ni Jehova ang kaniyang pansansinukob na pagkasoberano, itinatatag ang isang walang-hanggan at pansansinukob na pamarisang legal. Ito lamang ang tanging planeta kung saan ipinakipagbaka ni Jehova ng mga hukbo “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Ito lamang ang tanging planeta kung saan sinugo ng Diyos ang kaniyang pinakamamahal na Anak, upang maging tao at mamatay upang mahango ang mga maninirahan ng planeta mula sa kasalanan at kamatayan. Ito ang tanging planeta kung saan si Jehova ay kumuha ng 144,000 sa mga maninirahan nito upang maging “mga tagapagmana nga ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Kristo.”—Roma 8:17.
Mga Serapin, Kerubin, Anghel
11, 12. (a) Anong uri ng espiritung mga nilalang ang nakita ni Isaias sa isang pangitain? (b) Anong interes mayroon ang mga ito sa atin na mga tao?
11 Ang Diyos, ang maluwalhating Pinagmumulan ng lahat ng nilalang, makalangit at makalupa, ay magiging “lahat” hindi lamang sa 144,000 mga tagapagmanang kasama ni Kristo kundi gayundin sa iba pa sa makalangit na dako. Sa kabanata 6 ng aklat ni Isaias, tayo ay binigyan ng pagsulyap sa makalangit na mga korte. Doon mababasa natin: “At, nakita ko si Jehova, na nakaupo sa isang tronong matayog at mataas, at pinunô ng laylayan ng kaniyang damit ang templo. Sa itaas niya ay nakatayo ang mga serapin. Bawat isa’y may anim na pakpak. Dalawa ang nakatakip sa kaniyang mukha, at may dalawa na nagsisitakip sa kaniyang mga paa, at may dalawa na ginagamit niya sa paglipad. At ang isang ito’y tumawag sa isang iyon at nagsabi: ‘Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo. Ang buong lupa ay napunô ng kaniyang kaluwalhatian.’”—Isaias 6:1-3.
12 Lubha ngang pinagpala si Isaias na makita ang Kabanal-banalang Isa sa buong sansinukob na nakaupo sa kaniyang makalangit na trono na pinaglilingkuran ng maluwalhating mga serapin! Anong kasindak-sindak na tanawin nga iyon, isinisiwalat ang lubhang sinang-ayunang tungkulin na ginagampanan ng mga serapin na iyon, sapagkat siya ang Kabanal-banalang Isa na ang kabanalan ay kanilang ipinagbubunyi habang pinatutunayan nila ang kaniyang kabanalan sa pamamagitan ng pagdiriin dito ng tatlong ulit! Ang mga serapin ay interesado sa pagtulong sa mga mananamba ni Jehova na maging banal kung paanong ang Diyos ay banal.—Isaias 6:5-7.
13. (a) Anong iba pang uri ng espiritung mga nilalang ang isinisiwalat sa atin ng Bibliya? (b) Paano inilalarawan si Jehova may kaugnayan sa kanila?
13 Kung paanong mayroong sarisaring nilikhang buhay rito sa lupa, na nangangahulugan ng kapangyarihan ng Diyos na Jehova, mayroon ding mga nilikha ng ibang uri sa espiritung dako. Isinisiwalat ng Bibliya na ang mga ito ay ang maluwalhating mga kerubin, na napakabilis sa paglipad. (Awit 18:10; ihambing ang Hebreo 9:4, 5.) Ipinakikita ng Genesis 3:24 na pagkatapos magkasala sina Adan at Eva laban sa banal na Diyos ng langit sa pamamagitan ng pagkain sa ipinagbabawal na bungangkahoy, inilagay ng Maylikha sa silanganan ng Paraiso ng kasiyahan ang mga kerubin na may “nagniningas na tabak na umiikot.” Si Jehova ay binabanggit na “nauupo sa mga kerubin.” (Awit 99:1; Isaias 37:16) Sa gayon siya ay ipinakikita na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin.
14. (a) Anong iba pang uri ng espiritung nilalang ang hindi dapat kaligtaan? (b) Gaano sila karami?
14 Hindi dapat kaligtaan sa gitna ng napakaraming espiritung mga nilikha ay ang mga anghel. Napakaraming angaw-angaw nila. (Daniel 7:9, 10) Sa gitna nila ay ang mga anghel na inatasang maglingkod sa mga mananamba ni Jehova sa lupa. Si Jesus ay nagbabala na walang dapat tumisod sa sinuman sa mga mananamba ni Jehova sa dahilan na “ang kanilang mga anghel sa langit ay nangakakikita ng mukha ng aking Ama na nasa langit.” (Mateo 18:10; Hebreo 1:14) Sa pagtatapos ng 40 mga araw ng pag-aayuno ni Jesus sa ilang at pagkatapos ng kaniyang matagumpay na paglaban o pagtutol sa tatlong mapanganib na mga tukso na iniharap ng Diyablo, anong laking pribilehiyo para sa mga anghel na maglingkod sa pisikal na mga pangangailangan ng payat, gutom na si Jesus!—Mateo 4:11.
15, 16. (a) Ilarawan ang tulad-pamilyang pagkakaisa na iiral sa langit at sa lupa. (b) Anong gantimpala mula kay Jehova ang ibibigay roon sa pinaging-sakdal na mga tao na matagumpay na makapapasa sa pagsubok? (c) Paano mamalasin ni Jehova ang katuparan ng kaniyang orihinal na layunin?
15 Doon sa makalangit na dako, ang maluwalhating espiritung mga maninirahan ay magiging mga magkakapatid sa isa’t isa, kung paanong dito sa lupa ang pinaging-sakdal na sambahayan ng tao ay magiging mga magkakapatid sa isa’t isa. Sila ay magiging kalarawan at kawangis ng Diyos kung paanong sina Adan at Eva, pagkatapos lalangin ng mapanlikhang mga kamay ng Diyos na Jehova, ay ‘kalarawan at kawangis’ ng kanilang Maylikha. (Genesis 1:26, 27) Pagkatapos makapasa sa pangwakas na pagsubok, ang pinaging-sakdal na mga tao ay pagkakalooban ng karapatan sa buhay na walang-hanggan at maibiging aampunin bilang “mga anak ng Diyos,” na magagalak sa maluwalhating kalayaan, at magiging bahagi ng nagkakaisang sambahayan ni Jehova sa langit at sa lupa.—Roma 8:21.
16 Taglay ang malaking kasiyahan at pagsasaya na mamasdan ng Diyos na Jehova ang katuparan ng kaniyang orihinal na layunin—ang walang kaparis na kamangha-manghang gawa na ang lahat ng mga bagay ay maging kaayon ng kaniyang orihinal na layunin—na ang lahat ng mga nilikha ay nasa di-nasisira at maibiging pakikipagkaisa sa kaniya!
17. Dahilan sa lahat ng ito, sino ang hindi makaiiwas sa paggawa ng ano, kasuwato ng mga salita ng salmista?
17 Sa liwanag ng lahat ng ito, sino ang hindi magpapala sa kamangha-manghang banal na Manlalayon na ito? Wastong binibigkas ang kaniyang mga salita na ipinatutungkol sa nakahihigit-taong mga nilalang, ang salmista ay nagsasabi: “Purihin ninyo si Jehova, Oh ninyong mga anghel niya, ninyong makapangyarihan sa kalakasan, na gumaganap ng kaniyang salita, at nakikinig sa tinig ng kaniyang salita. Purihin ninyo si Jehova, ninyong lahat na mga hukbo niya, ninyong mga ministro niya, na nagsisigawa ng kaniyang kalooban.”—Awit 103:20, 21.
18. Paano winawakasan ng salmista ang aklat ng Mga Awit?
18 Winawakasan ng galak na galak, kinasihang salmista ang aklat ng Mga Awit sa mga pananalitang ito ng masidhing paghikayat: “Purihin ninyo si Jah, ninyong mga tao! Purihin ninyo ang Diyos sa kaniyang dakong banal. Purihin ninyo siya sa kalawakan ng kaniyang kalakasan. Purihin ninyo siya dahil sa kaniyang makapangyarihang mga gawa. Purihin ninyo siya ayon sa kasaganaan ng kaniyang kadakilaan. Purihin ninyo siya ng tunog ng trumpeta. Purihin ninyo siya ng salterio at ng alpa. Purihin ninyo siya ng pandereta at ng sayaw. Purihin ninyo siya ng panugtog na de-kuwerdas at ng plauta. Purihin ninyo siya ng matutunog na simbalo. Purihin ninyo siya ng pinakamatutunog na simbalo. Bawat bagay na may hininga—magpuri kay Jah. Purihin ninyo si Jah, ninyo na mga tao!”—Awit 150:1-6.
19. (a) Sa anong buklod pagkakaisahin sa panahong iyon ang sansinukob? (b) Sa diwa, ano ang sasabihin ng lahat ng matalinong mga nilalang?
19 Sa wakas ang buong sansinukob ay magkakaisa sa isang sakdal na buklod na magtatagal hanggang sa walang-hanggan, ang buklod ng isang pagsamba sa makalangit na Ama sapagkat iniibig at sinasamba siya ng kaniyang mga anak ng higit sa lahat. Oo, sa panahong iyon ang lahat ng matalinong mga nilikha ay magsasabi, sa diwa, gaya ng sinabi ng mga serapin: “Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo. Ang buong lupa ay napunô ng kaniyang kaluwalhatian.” Oo, sa panahong iyon ang Diyos ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ay magiging “lahat sa lahat”—magpakailan-kailanman.