Kabanata 20
Pagkabuhay-Muli—Ukol Kanino, at Saan?
1, 2. Papaano natin nalalaman na ang sinaunang mga lingkod ng Diyos ay naniwala sa pagkabuhay-muli?
MULA’T-SAPOL ang mga lingkod ng Diyos ay naniwala na sa pagkabuhay-muli. Tungkol kay Abraham, na nabuhay 2,000 taon bago naging tao si Jesus, ay sinasabi ng Bibliya: “Umasa siya na kayang buhayin ng Diyos [ang anak niyang si Isaac] mula sa mga patay.” (Hebreo 11:17-19) Nang maglaon ang lingkod ng Diyos na si Job ay nagtanong: “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba uli siya?” Bilang sagot sa sarili niyang tanong, sinabi ni Job sa Diyos: “Ikaw ay tatawag, at ako’y sasagot sa iyo.” Kaya ipinakita niya na siya ay naniwala sa pagkabuhay-muli.—Job 14:14, 15.
2 Nang si Jesu-Kristo ay nasa lupa, siya ay nagpaliwanag: “Maging si Moises ay nagsiwalat na ang mga patay ay bubuhaying-muli, nang sa ulat hinggil sa mababang punongkahoy, ay tawagin niya si Jehova na ‘Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Siya ang Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagka’t sila’y pawang buháy sa kaniya.” (Lucas 20:37, 38) Sa Kristiyanong Griyegong Kasulatan ang salitang “pagkabuhay-muli” ay ginagamit nang mahigit sa 40 ulit. Tunay na ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay isang pangunahing turo sa Bibliya.—Hebreo 6:1, 2.
3. Anong pananampalataya sa pagkabuhay-muli ang ipinahayag ni Marta?
3 Nang mamatay ang kapatid niyang si Lazaro, ipinakita ni Marta na kaibigan ni Jesus ang pananampalataya niya sa pagkabuhay-muli. Nang mabalitaang darating si Jesus, sumugod si Marta para salubungin siya. “Panginoon, kung narito ka lamang hindi sana namatay ang kapatid ko,” aniya. Sa pagkakita sa pagdadalamhati niya, siya ay inaliw ni Jesus sa pagsasabing: “Ang iyong kapatid ay babangon.” Sumagot si Marta: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli sa huling araw.”—Juan 11:17-24.
4-6. Ano ang mga dahilan ni Marta upang maniwala sa pagkabuhay-muli?
4 May matitibay na dahilan si Marta upang sumampalataya sa pagkabuhay-muli. Halimbawa, alam niya na marami nang taon patiuna, sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos, ang mga propeta ng Diyos na sina Elias at Eliseo ay kapuwa bumuhay ng isang bata. (1 Hari 17:17-24; 2 Hari 4:32-37) At alam niya na isang patay na lalaki ang nabuhay nang ito ay ihagis sa isang hukay at nasagi ang mga buto ng patay na si Eliseo. (2 Hari 13:20, 21) Subali’t ang higit na nagpatibay ng kaniyang pananampalataya sa pagkabuhay-muli ay ang mismong itinuro at ginawa ni Jesus.
5 Maaaring si Marta ay naroon sa Jerusalem wala pang dalawang taon patiuna, nang magsalita si Jesus tungkol sa kaniyang bahagi sa pagkabuhay-muli ng mga patay. Sinabi niya: “Sapagka’t kung papaano ibinabangon ng Ama ang mga patay at binubuhay sila, gayon din bubuhayin ng Anak yaong kaniyang ibigin. Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagka’t dumarating ang oras na ang lahat ng nangasa alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas.”—Juan 5:21, 28, 29.
6 Magpahanggang sa panahong sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, walang ulat ang Bibliya na siya ay may binuhay-muli. Subali’t hindi nagtagal pagkaraan nito, ay binuhay niya ang isang binata, anak ng isang balo sa lunsod ng Nain. Ang balita hinggil dito ay nakarating sa timog hanggang sa Judea, kaya tiyak na yaon ay nabalitaan ni Marta. (Lucas 7:11-17) Nang maglaon, malamang na nabalitaan din ni Marta ang nangyari malapit sa Dagat ng Galilea sa tahanan ni Jairo. Ang kaniyang 12-taong-gulang na anak na babae ay nagkasakit nang malubha at namatay. Nguni’t nang dumating si Jesus sa tahanan ni Jairo, nilapitan niya ang patay na dalagita, at sinabi: “Dalaga, bumangon ka!” At bumangon nga ito!—Lucas 8:40-56.
7. Anong patotoo ang ibinigay ni Jesus kay Marta na kaya niyang buhayin ang mga patay?
7 Gayon ma’y hindi inaasahan ni Marta na bubuhayin ni Jesus ang kapatid niya nang panahong yaon. Kaya sinabi niya: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” Datapuwa’t, upang idiin kay Marta ang bahaging gagampanan niya sa pagbuhay sa mga patay, sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagaman siya’y mamatay, ay muling mabubuhay; at sinomang nabubuhay at sasampalataya sa akin ay hindi kailanman mamamatay.” Hindi nagtagal si Jesus ay dinala sa libingan na kinaroroonan ni Lazaro. “Lazaro, lumabas ka!” sumigaw siya. At si Lazaro, na apat na araw nang patay, ay lumabas!—Juan 11:24-26, 38-44.
8. Ano ang katibayan na si Jesus ay binuhay-muli?
8 Ilang linggo pagkaraan nito, si Jesus mismo ay pinatay at inilibing sa isang puntod. Subali’t nanatili lamang siya roon sa mga bahagi ng tatlong araw. Nagpaliwanag si apostol Pedro kung bakit, sa pagsasabing: “Ang Jesus na ito ay binuhay ng Diyos, at kaming lahat ay pawang mga saksi.” Hindi mahadlangan ng mga pinuno ng relihiyon ang Anak ng Diyos mula sa paglabas sa libingan. (Gawa 2:32; Mateo 27:62-66; 28:1-7) Walang alinlangan na si Kristo ay ibinangon mula sa mga patay, sapagka’t pagkaraan nito ay napakita siya sa marami sa kaniyang mga alagad, minsan pa nga’y sa 500 sa kanila. (1 Corinto 15:3-8) Ganoon na lamang kahigpit ang paniniwala ng mga alagad ni Jesus sa pagkabuhay-muli anupa’t sila ay handang humarap maging sa kamatayan upang maglingkod sa Diyos.
9. Sino ang siyam na tao na sinasabi ng Bibliya na nabuhay-muli?
9 Ang karagdagang patotoo na ang mga patay ay maaaring buhayin ay ibinigay nang maglaon sa pamamagitan nina apostol Pedro at Pablo. Una, binuhay muli ni Pedro si Tabita, na tinatawag ding Dorcas, sa lunsod ng Joppe. (Gawa 9:36-42) Pagkatapos ay binuhay muli ni Pablo ang binatang si Eutiquio, na namatay nang ito ay mahulog mula sa bintana sa ikatlong palapag samantalang si Pablo ay nagsasalita. (Gawa 20:7-12) Kaya ang siyam na pagkabuhay-muling ito na nakaulat sa Bibliya ay naglalaan ng tiyak na patotoo na ang mga patay ay maaaring buhaying muli!
SINO ANG BUBUHAYING-MULI?
10, 11. (a) Bakit isinaayos ng Diyos ang pagkabuhay-muli? (b) Ayon sa Gawa 24:15, anong dalawang uri ng tao ang bubuhayin?
10 Noong pasimula hindi layunin ng Diyos na bumuhay ng sinoman, sapagka’t kung nanatili sanang tapat sina Adan at Eba walang mamamatay. Subali’t ang kasalanan ni Adan ay nagbunga ng di-kasakdalan at kamatayan sa lahat. (Roma 5:12) Kaya’t upang sa mga anak ni Adan ay may makapagtamasa ng walang-hanggang buhay, isinaayos ni Jehova ang pagkabuhay-muli. Subali’t ano ba ang nagpapasiya kung baga ang isa ay bubuhaying-muli o hindi?
11 Nagpapaliwanag ang Bibliya: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng matuwid at ng di-matuwid.” (Gawa 24:15) Ito ay maaaring makagitla sa iba. ‘Bakit pa bubuhaying-muli ang mga “di-matuwid”?’ iisipin nila. Ang nangyari nang si Jesus ay nakabitin sa pahirapang tulos ay tutulong sa atin na masagot ang tanong na ito.
12, 13. (a) Anong pangako ang binitiwan ni Jesus sa isang kriminal? (b) Nasaan ang “Paraiso” na tinutukoy ni Jesus?
12 Ang mga katabing ito ni Jesus ay mga kriminal. Katatapos pa lamang siyang tuyain ng isa, na nagsabi: “Ikaw ang Kristo, hindi ba? Iligtas mo ang iyong sarili at gayon din kami.” Gayumpaman ang pangalawang kriminal ay sumampalataya kay Jesus. Kinausap siya nito at nagsabi: “Alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Dahil dito, nangako si Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”—Lucas 23:39-43.
13 Ano ang gustong sabihin ni Jesus sa pagsasabing: “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso?” Saan naroon ang Paraiso? Buweno, nasaan ba ang paraiso na nilikha ng Diyos sa pasimula? Nasa lupa, hindi ba? Inilagay ng Diyos ang unang mag-asawa sa magandang paraiso na kung tawagi’y hardin ng Eden. Kaya kapag nababasa natin na ang dating kriminal na yaon ay mapupunta sa Paraiso, dapat nating ilarawan sa isipan ang lupang ito na ginawang magandang dako para tirahan, sapagka’t ang salitang “paraiso” ay nangangahulugang “hardin” o “parke.”—Genesis 2:8, 9.
14. Sa papaanong paraan makakasama ni Jesus ang dating kriminal sa Paraiso?
14 Kung sa bagay, si Jesus ay hindi mabubuhay dito sa lupa na kasama ng dating kriminal. Hindi, si Jesus ay naroon sa langit at nagpupuno bilang hari ng makalupang Paraiso. Kaya makakasama niya ang lalaking yaon sa diwa na kaniyang bubuhayin ito mula sa mga patay at ilalaan ang kaniyang mga pangangailangan, kapuwa pisikal at espirituwal. Pero bakit papayagan ni Jesus ang isang dating kriminal na manirahan sa Paraiso?
15. Bakit bubuhayin uli ang mga “di-matuwid”?
15 Totoo na ang taong ito ay gumawa ng masasamang bagay. Siya ay “di-matuwid.” Isa pa, wala siyang alam tungkol sa kalooban ng Diyos. Subali’t magiging kriminal kaya siya kung nalaman niya ang layunin ng Diyos? Para malaman ito, bubuhaying-muli ni Jesus ang di-matuwid na taong ito, pati na ang bilyun-bilyong iba pa na namatay sa kawalang-alam. Halimbawa, sa nakalipas na mga dantaon marami ang namatay na hindi natutong bumasa at hindi rin nakakita ng isang Bibliya. Subali’t bubuhayin sila mula sa Sheol, o Hades. Pagkatapos, sa paraisong lupa, tuturuan sila ng kalooban ng Diyos, at magkakaroon sila ng pagkakataon na ipakitang talagang mahal nila ang Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng kaniyang kalooban.
16. (a) Sino sa mga patay ang hindi na bubuhayin? (b) Bakit hindi tayo nararapat humatol? (c) Ano ang dapat nating pangunahing ikabahala?
16 Hindi ito nangangahulugan na lahat ay tatanggap ng pagkabuhay-muli. Ipinakikita ng Bibliya na si Judas Iscariote, na nagkanulo kay Jesus, ay hindi na bubuhayin. Dahil sa kaniyang kusang pagpapakasamâ, si Judas ay tinatawag na “anak ng kapahamakan.” (Juan 17:12) Nagtungo siya sa makasagisag na Gehenna na doon wala nang pagkabuhay-muli. (Mateo 23:33) Ang mga tao na kusang gumagawa ng masama matapos matutuhan ang kalooban ng Diyos ay maaaring magkasala laban sa banal na espiritu. At hindi na bubuhayin ng Diyos ang mga nagkakasala laban sa kaniyang banal na espiritu. (Mateo 12:32; Hebreo 6:4-6; 10:26, 27) Gayumpaman, yamang ang Diyos ang siyang Hukom, wala tayong karapatan na tiyakin kung ang ibang masasamang tao noong nakaraan at maging sa makabagong panahong ito ay bubuhaying-muli o hindi. Alam ng Diyos kung sino ang nasa Hades at kung sino ang nasa Gehenna. Kung para sa atin, dapat nating gawin ang lahat upang maging uri ng mga tao na tatanggapin ng Diyos sa kaniyang bagong kaayusan.—Lucas 13:24, 29.
17. Sino ang hindi na kailangang buhayin upang makapagtamasa ng buhay na walang-hanggan?
17 Ang totoo’y hindi lahat ng tatanggap ng buhay na walang-hanggan ay kailangang buhaying-muli. Marami sa mga lingkod ng Diyos na nabubuhay sa “mga huling araw” ng sistemang ito ay tatawid na buháy sa Armahedon. At bilang bahagi ng matuwid na “bagong lupa,” hindi na sila kailangan pang mamatay. Ang sinabi ni Jesus kay Marta ay maaaring literal na magkatotoo sa kanila: “At sinomang nabubuhay at sasampalataya sa akin ay hindi kailanman mamamatay.”—Juan 11:26; 2 Timoteo 3:1.
18. Sino ang mga “matuwid” na bubuhayin?
18 Sino ang mga “matuwid” na bubuhayin? Kasali rito ang tapat na mga lingkod ng Diyos na nabuhay bago naparito si Jesu-Kristo sa lupa. Marami sa mga ito ang binabanggit sa pangalan sa Hebreo kabanata 11. Hindi sila umasang aakyat sa langit, kundi umasang mabubuhay uli sa lupa. Kabilang din sa mga “matuwid” na bubuhayin ay ang tapat na mga lingkod ng Diyos na namatay nitong nakaraang ilang taon. Titiyakin ng Diyos na ang kanilang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa lupa ay matutupad sa pamamagitan ng pagbuhay sa kanila mula sa mga patay.
KAILAN AT PAPAANO BINUBUHAY-MULI
19. (a) Sa anong diwa masasabi na si Jesus ang unang binuhay-muli? (b) Sino ang mga susunod na bubuhayin?
19 Si Jesu-Kristo ang tinutukoy na “unang binuhay mula sa mga patay.” (Gawa 26:23) Nangangahulugan ito na siya ang unang binuhay-muli sa mga uring hindi muling mamamatay. Isa pa, siya ang unang binuhay-muli bilang espiritung persona. (1 Pedro 3:18) Subali’t sinasabi sa atin ng Bibliya na mayroon pang iba, sa pagsasabing: “Bawa’t isa’y sa kaniyang sariling ranggo: si Kristo na unang bunga, pagkatapos ay yaong mga kabilang kay Kristo sa kaniyang pagkanaririto.” (1 Corinto 15:20-23) Kaya sa pagkabuhay-muli may mga mauunang buhayin bago ang iba.
20. (a) Sino yaong “mga kabilang kay Kristo”? (b) Anong pagkabuhay-muli ang tatanggapin nila?
20 “Yaong mga kabilang kay Kristo” ay ang 144,000 tapat na mga alagad na piniling maghari na kasama niya sa Kaharian. Tungkol sa kanilang makalangit na pagkabuhay-muli, ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Maligaya at banal ang sinomang may bahagi sa unang pagkabuhay-muli; sa mga ito’y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila’y . . . maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.”—Apocalipsis 20:6; 14:1, 3.
21. (a) Kailan nagsisimula ang “unang pagkabuhay-muli”? (b) Sino ang walang alinlangang nabuhay na tungo sa langit?
21 Kaya pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Kristo, ang 144,000 ay siyang susunod na bubuhayin. Makikibahagi sila sa “unang pagkabuhay-muli,” o “ang maagang pagkabuhay-muli.” (Filipos 3:11) Kailan magaganap ito? “Sa kaniyang pagkanaririto,” sabi ng Bibliya. Gaya ng natutuhan natin sa naunang mga kabanata, nagsimula ang pagkanaririto ni Kristo noong 1914. Kaya dumating na ang “araw” ukol sa “unang pagkabuhay-muli” sa langit para sa tapat na mga Kristiyano. Walang alinlangan na ang mga apostol at iba pang unang Kristiyano ay ibinangon na tungo sa makalangit na buhay.—2 Timoteo 4:8.
22. (a) Sino pa ang makikibahagi sa “unang pagkabuhay-muli”? (b) Kailan sila bubuhaying-muli?
22 Subali’t may mga Kristiyanong nabubuhay ngayon sa panahon ng di-nakikitang pagkanaririto ni Kristo na mayroon ding pag-asa na maghari sa langit kasama ni Kristo. Sila ang mga natitira, isang nalabi ng 144,000. Kailan sila bubuhayin? Hindi na sila kailangan pang matulog sa kamatayan, kundi ibinabangon sila karakarakang sila ay mamatay. Nagpapaliwanag ang Bibliya: “Tayong lahat ay hindi matutulog sa kamatayan, subali’t tayong lahat ay babaguhin, sa isang sandali, sa isang kisap-mata, pagtunog ng huling pakakak. Sapagka’t tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay bubuhayin.”—1 Corinto 15:51, 52; 1 Tesalonica 4:15-17.
23. Papaano inilalarawan ng Bibliya ang pagbabago tungo sa buhay espiritu?
23 Totoo, ang “unang pagkabuhay-muli” tungo sa makalangit na buhay ay hindi nakikita ng mata ng tao. Ito’y pagkabuhay-muli bilang espiritung mga persona. Inilalarawan ng Bibliya ang pagbabagong ito tungo sa buhay espiritu sa ganitong paraan: “Inihahasik sa kasiraan, ibinabangon ito sa kawalang-kasiraan. Inihahasik sa kasiraang-puri, ibinabangon ito sa kaluwalhatian. . . . Inihahasik na katawang laman, ibinabangon ito na katawang espiritu.”—1 Corinto 15:42-44.
24. (a) Anong pagkabuhay-muli ang sumusunod sa “unang pagkabuhay-muli”? (b) Bakit tinatawag itong “lalong mabuting pagkabuhay-muli”?
24 Gayumpaman, ipinakikita ng mismong pananalita na “unang pagkabuhay-muli” na mayroon pa itong kasunod. Ito ay ang pagkabuhay-muli sa paraisong lupa para sa kapuwa matuwid at di-matuwid. Magaganap ito pagkaraan ng Armahedon. Magiging isang “lalong mabuting pagkabuhay-muli” ito kaysa roon sa dalawang kabataan na binuhay nina Elias at Eliseo at sa iba pang binuhay-muli noon sa lupa. Bakit? Sapagka’t kung ang mga binubuhay-muling ito pagkaraan ng Armahedon ay magpapasiyang maglingkod sa Diyos, hindi na sila kailangang mamatay uli.—Hebreo 11:35.
ISANG HIMALA NG DIYOS
25. (a) Bakit hindi ang katawang namatay ang siyang binubuhay na muli? (b) Ano ang binubuhay, at ano ang ipinagkakaloob sa mga bubuhayin?
25 Pagkatapos mamatay ang isa, alin ang binubuhay? Hindi ang mismong katawan na namatay. Ipinakikita ito ng Bibliya nang inilalarawan ang pagkabuhay-muli ukol sa langit. (1 Corinto 15:35-44) Maging yaong mga bubuhaying-muli ukol sa buhay sa lupa ay hindi tatanggap ng katawan na kanilang kinamatayan. Malamang na ang katawang yaon ay nabulok na at nagbalik na sa lupa. Sa katagalan ang mga sangkap ng patay na katawan ay maaaring naging bahagi na ng ibang nabubuhay na bagay. Kaya ang binubuhay ng Diyos ay hindi ang katawan kundi ang persona mismo na namatay. Sa mga aakyat sa langit, pagkakalooban niya sila ng katawang espiritu. Sa mga bubuhaying-muli ukol sa lupa, pagkakalooban sila ng bagong katawang laman. Walang alinlangan na ang bagong katawang laman na ito ay makakamukha niyaong tinaglay ng isa bago siya namatay para madali siyang makilala niyaong mga dati niyang mga kakilala.
26. (a) Bakit ang pagkabuhay-muli ay isang kahangahangang himala? (b) Anong mga imbensiyon ng tao ang tumutulong sa atin upang maunawaan ang dakilang kakayahan ng Diyos na alalahanin ang mga taong nangamatay?
26 Ang pagkabuhay-muli ay tunay na isang kamanghamanghang himala. Ang taong namatay ay maaaring nakapag-impok ng di-mabilang na karanasan at kaalaman at maraming mga alaala sa buong buhay niya. Nagkaroon siya ng isang pagkatao na nagtangi sa kaniya mula sa ibang tao na nabuhay sa lupa. Gayunma’y natatandaan ni Jehova ang bawa’t detalye, at isasauli ang buong persona kapag ang isa ay binuhay Niya. Gaya ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga patay na bubuhayin: “Sila’y pawang buháy sa kaniya.” (Lucas 20:38) Naisasaplaka ng tao ang mga tinig at larawan ng tao, at napapatugtog muli ang mga ito kahit matagal nang namatay ang mga yaon. Subali’t kaya ni Jehova, at talagang gagawin niya, ang pagbuhay na muli sa lahat ng taong nabubuhay sa kaniyang alaala!
27. Anong mga tanong tungkol sa pagkabuhay-muli ang sasagutin sa susunod na kabanata?
27 Marami pang sinasabi ang Bibliya tungkol sa buhay sa Paraiso matapos buhayin ang mga patay. Halimbawa, bumanggit si Jesus tungkol sa mga tao na magsisilabas, ang iba’y sa “pagkabuhay-muli sa buhay” at ang iba nama’y sa “pagkabuhay-muli sa paghatol.” (Juan 5:29) Ano ang gusto niyang sabihin? At ang kalagayan ba’y naiiba para sa mga “matuwid” at mga “di-matuwid”? Sasagutin ang ganitong mga tanong sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang hinggil sa Araw ng Paghuhukom.
[Mga larawan sa pahina 167]
“Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli”
Binuhay ni Elias ang anak ng babaeng balo
Binuhay ni Eliseo ang isang bata
Isang lalaki ay nabuhay nang masagi ang buto ni Eliseo
[Mga larawan sa pahina 168]
Mga taong binuhay ni Jesus:
Anak ng babaeng balo sa Nain
Si Lazaro
Ang anak na babae ni Jairo
[Mga larawan sa pahina 169]
Iba pang mga nabuhay-muli:
Si Dorcas
Si Jesus mismo
Si Eutiquio
[Larawan sa pahina 170]
Nasaan ang Paraisong ipinangako ni Jesus sa manlalabag-batas?