GOG
Hindi tiyak kung ano ang kahulugan ng pangalang ito.
1. Isang inapo ni Ruben.—1Cr 5:3, 4.
2. Ang pangalan ay matatagpuan sa kabanata 38 at 39 ng Ezekiel at doon ay tumutukoy sa lider ng isang tulad-bagyo at multinasyonal na pagsalakay laban sa bayan ng Diyos. Ang pagsalakay ay mangyayari pagkatapos na tipunin ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa mga bansa at isauli sila sa dating wasak na “kabundukan ng Israel.” Dahil tumatahan sila nang tiwasay, anupat di-kakikitaan ng anumang tanda ng proteksiyon, at dahil nagtatamasa sila ng malaking kasaganaan, si Gog ay mauudyukang magsagawa ng isang mabangis at puspusang pagsalakay sa kanila. Titipunin niya ang isang malaking hukbo mula sa maraming bansa ukol sa layuning ito. Ngunit ang kaniyang pagsalakay ay magpapasiklab ng pagngangalit ni Jehova at magdudulot ng matinding pagkatalo at pagkawasak kay Gog at sa kaniyang buong pulutong. Ang kanilang mga bangkay ay magiging pagkain para sa mga ibon at mga hayop, at ang kanilang mga buto ay ililibing sa libis na pagkatapos nito ay tatawaging Libis ng Pulutong ni Gog (sa literal, Libis ng Hamon-Gog).
Ang Pagmumulan at Layunin ng Pagsalakay. Ang pagsalakay ay may pagmumulan na malayung-malayo sa lupain ng Israel. Si Gog ay mula sa “lupain ng Magog,” na nasa “pinakamalalayong bahagi sa hilaga.” (Eze 38:2, 15) Siya ang “ulong pinuno [“dakilang prinsipe,” AT; “punong prinsipe,” KJ, RS] ng Mesec at Tubal.” (Eze 38:2, 3) Ang ilang salin ay kababasahan dito ng “prinsipe ng Ros, Mesec, at Tubal” (AS, JB), anupat itinuturing na ang “Ros [Heb. para sa “ulo”]” ay tumutukoy sa isang bansa o grupo ng mga tao. Ngunit walang binabanggit na gayong lupain o grupo ng mga tao saanman sa Bibliya. Ang Mesec at Tubal, tulad ng Magog, ay mga pangalang ibinigay sa mga anak ni Japet (Gen 10:2), at ang tatlong lupain na nagtataglay ng mga pangalang ito ay nasa dakong H ng Israel. (Tingnan ang MAGOG Blg. 2; MESEC Blg. 1; TUBAL.) Ang iba pang hilagaang miyembro ng mga hukbong sumasalakay, na Japetiko rin, ay sina Gomer at Togarma (ipinapalagay na si Gomer ang pinagmulan ng sinaunang mga Cimmeriano at si Togarma naman ng sinaunang mga Armeniano). Ang Japetikong Persia ay nasa dakong HS. Ngunit saklaw rin ng sabuwatan ang timugang mga Hamitikong miyembro—ang Etiopia at Put na nasa Aprika sa ibaba. (Eze 38:4-6, 15) Samakatuwid, ang papel ni Gog ay bilang kumandante ng isang pagkalaki-laking hukbong pansalakay na gagamit ng napakatinding panggigipit na dinisenyong dumurog sa bayan ni Jehova na para bang inipit ang mga ito sa isang gato.
Ang Israel ay inilalarawan bilang “nananahanan sa gitna ng lupa.” (Eze 38:12) Ang sinaunang Israel ay hindi lamang nasa isang sentrong dako may kaugnayan sa mga kontinente ng Eurasia at Aprika kundi naging sentro rin ng dalisay na pagsamba sa tunay na Diyos at itinuring niya bilang “balintataw ng kaniyang mata.”—Deu 32:9, 10; Zac 2:8.
Sinabi ni Jehova na ‘lalagyan niya ng mga pangawit ang mga panga ni Gog’ at aakayin niya ito sa pagsalakay na ito. (Eze 38:4; ihambing ang 2Ha 19:20, 21, 28.) Gayunman, malinaw na ipinakikita ng hula na talagang ito na ang ninanasa ni Gog, anupat ang pakanang ito ay magmumula sa kaniyang sariling puso. (Eze 38:10, 11) Gayunpaman, uudyukan ni Jehova si Gog sa pamamagitan ng pagsasauli at pagpapaunlad sa bayang nagtataglay ng kaniyang pangalan. Ito ang pupukaw kay Gog upang magpamalas ng pagkapoot sa bayan ng Diyos at kusa siyang hahayo sa isang landasin na magdudulot ng mabilis na pagkapuksa sa kaniya at sa lahat ng mga kasamahan niya. Sa pamamagitan ng pagkatalo at pagkalipol ni Gog at ng mga hukbo nito, dadakilain at pababanalin ni Jehova ang kaniyang sariling pangalan sa harap ng lahat ng nagmamasid.—Eze 38:12-23; 39:5-13, 21, 22; ihambing ang Joe 3:9-17.
Pagkakakilanlan ni Gog. Ang mga lupain at mga bayan na binanggit sa hula may kaugnayan kay Gog ay kilalá mula sa Bibliya at, sa paanuman, mula sa sekular na kasaysayan. Ngunit ang mga pagsisikap na iugnay si Gog sa ilang tagapamahala sa lupa na kilalá sa kasaysayan ay hindi naging matagumpay. Ang pinakamalimit imungkahi ay si Gyges, hari ng Lydia sa kanluraning Asia Minor, tinatawag na Guggu sa mga rekord ng Asiryanong monarka na si Ashurbanipal. (Ancient Records of Assyria and Babylonia, ni D. Luckenbill, 1927, Tomo II, p. 297, 351, 352) Ngunit si Gyges ay namatay maraming dekada bago pa isulat ang hula ni Ezekiel. Samakatuwid, hindi katanggap-tanggap ang gayong pag-uugnay. Karagdagan pa, inilalagay ng hula ang pagsalakay ni Gog sa “huling bahagi ng mga taon,” “sa huling bahagi ng mga araw.” (Eze 38:8, 16; ihambing ang Isa 2:2; Jer 30:24; 2Ti 3:1.) Sa mga dahilang ito, ang pangalang Gog ay maliwanag na mahiwaga o makasagisag, anupat hindi pangalan ng sinumang kilaláng taong hari o lider.
Ang katibayan ay nakaturo sa isang katuparan na sa ibang teksto ay sinasabing sa “panahon ng kawakasan.” (Dan 11:35; 12:9; ihambing ang Apo 12:12.) Karaniwang kinikilala ng mga iskolar at mga komentarista ng Bibliya na ang hula ay may kaugnayan sa panahon ng Mesiyanikong Kaharian. Halimbawa, ang The New Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge ay nagkomento: “Si Gog ay lumilitaw bilang ang lider ng huling malupit na pagsalakay ng mga kapangyarihang pandaigdig sa kaharian ng Diyos.” (Inedit ni S. Jackson, 1956, Tomo V, p. 14) Walang nalalamang katuparan nito sa likas na Israel. Makatuwiran na ang katuparan sa “huling bahagi ng mga araw” ay may kinalaman sa espirituwal na Israel, ang kongregasyong Kristiyano (Ro 2:28, 29; Gal 6:16), na inilarawan ng apostol na si Pablo bilang mga anak ng “Jerusalem sa itaas” at pinapatnubayan nito. (Gal 4:26) Ang mga puntong ito ay tumutulong upang makilala si Gog.
Ang karagdagan pang pantulong ay matatagpuan sa aklat ng Apocalipsis. Ang makahulang mga pangitain doon ay humula ng mabilis na pagdami ng pag-uusig laban sa kongregasyong Kristiyano mula sa makasagisag na dragon, si Satanas na Diyablo. Ito ay mangyayari pagkatapos na ihagis siya, kasama ang kaniyang mga demonyo, mula sa langit tungo sa kapaligiran ng lupa, isang pagkilos na isinagawa ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo noong panahong si Jesus ay magsimulang humawak ng makaharing awtoridad. (Apo 12:5-10, 13-17) Ang pagpipisan ng makalupang mga bansa laban sa Diyos, sa kaniyang Anak, at sa tapat na mga lingkod ng Diyos sa lupa ay may prominenteng bahagi sa mga pangitaing ito, gaya rin ng lubusang pagkatalo at pagkawasak ng gayong mga hukbo ng kaaway. (Apo 16:13-16; 17:12-14; 19:11-21) Ang pagpipiging ng mga ibon sa mga bangkay ng gayong mga kaaway ng pamamahala ng Kaharian ni Kristo ay may kahalintulad din dito.—Ihambing ang Eze 39:4, 17-20 sa Apo 19:21.
Ang hula sa Ezekiel may kinalaman kay Gog ay tumutukoy sa isang mabangis at pambuong-daigdig na pagsalakay sa bayan ng Diyos. Bagaman si Gog ay maliwanag na lumalarawan sa koalisyon ng mga bansa na magsasagawa ng pagsalakay, mamaniobrahin at pangungunahan ito ni Satanas na Diyablo. Ang pagsalakay na ito ang magiging sanhi ng lubusang pagkalipol ng gayong mga hukbong Sataniko sa pamamagitan ng kagila-gilalas na kapangyarihan ng Diyos.—Eze 38:18-22.
Libing ng Pulutong ni Gog. Ang libing ni “Gog at ng kaniyang buong pulutong” ay sa “libis niyaong mga dumaraan sa silangan ng dagat.” (Eze 39:11) Ang An American Translation ay kababasahan dito ng, “libis ng Abarim, sa silangan ng Dagat na Patay.” Ang pangalang Abarim ay ginagamit sa Bilang 33:47, 48 may kinalaman sa mga bundok sa S ng Dagat na Patay. (Tingnan ang ABARIM.) May dalawang malalalim na libis, o mga bangin, sa rehiyong ito, ang Arnon at ang Zered. Ang Arnon ay mga 3 km (2 mi) ang lapad sa taluktok at mga 520 m (1,700 piye) ang lalim. Ang Zered ay isang lambak na mas malalim pa, na ang matatarik na dalisdis ay mga 1,190 m (3,900 piye) ang lalim. Alinman sa mga libis na ito ay maaaring gamitin upang kumatawan sa makahulang dakong libingang ito, anupat ang Arnon ay nasa S ng dagat, samantalang ang Zered, na nasa TS, ang mas madalas mapuntahan sa dalawa. O, yamang makasagisag ang inihaharap na larawan, maaaring walang tinutukoy na espesipikong libis. Ang paglilibing na ito sa isang malalim na dako sa tabi ng Dagat na Patay ay may kahalintulad din sa paglalarawan ng Apocalipsis tungkol sa pagliligpit sa mga sumasalansang sa Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagtatapon sa mga ito sa makasagisag na lawa ng apoy, at sa pamamagitan ng pagbubulid kay Satanas sa kalaliman.—Apo 19:20; 20:1-3.
Ang Gog ba na tinutukoy sa Apocalipsis ay yaon ding Gog sa Ezekiel?
3. Ang Apocalipsis 20:8 ay may binabanggit din na “Gog at Magog.” Ang dalawang pangalang ito ay ipinakikitang tumutukoy sa “mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa” na nagpahintulot na mailigaw sila ni Satanas pagkatapos na pakawalan ito mula sa makasagisag na “kalaliman.” Yamang ipinakikita ng iba pang mga teksto na wawakasan ng Milenyong Paghahari ni Kristo ang pambansang pamamahala at mga pagkakabaha-bahagi (Dan 2:44; 7:13, 14), lumilitaw na ang gayong “mga bansa” ay produkto ng paghihimagsik laban sa kaniyang pambuong-daigdig na pamumuno. Sila ay hahayo “sa kalaparan ng lupa” upang palibutan “ang kampo ng mga banal at ang lunsod na minamahal.” Ito ay mangyayari kapag natapos na ang Milenyong Paghahari ni Kristo Jesus sa lupa.—Apo 20:2, 3, 7-9.
Ang paggamit sa mga pangalang “Gog at Magog” ay maliwanag na nagsisilbing pagdiriin sa ilang pagkakatulad sa pagitan ng situwasyong ito pagkatapos ng Milenyo at niyaong sa mauunang pagsalakay. Kapuwa sa Ezekiel at sa Apocalipsis, ang mga sumasalansang ay marami (yaong nasa Apocalipsis ay walang takdang bilang, “gaya ng buhangin sa dagat”); ang pagsalakay ay resulta ng isang malawakang sabuwatan at itutuon laban sa mga lingkod ng Diyos habang nagtatamasa sila ng malaking kasaganaan. Kaya lubhang angkop na gamitin ang “Gog at Magog” upang ilarawan yaong mga maaakay tungo sa isang paghihimagsik pagkatapos ng Milenyo. Ang kanilang magiging wakas ay lubusang pagkapuksa.—Apo 20:8-10, 14.