Itaguyod ang Soberanya ni Jehova!
“Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay.”—APOC. 4:11.
1, 2. Sa ano tayo dapat maging kumbinsido? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
GAYA ng tinalakay sa naunang artikulo, iginigiit ng Diyablo na mali ang paggamit ni Jehova sa kaniyang soberanya at na mas mapapabuti ang sangkatauhan kung sila ang mamamahala sa kanilang sarili. Tama ba si Satanas? Ipagpalagay na puwedeng mabuhay magpakailanman ang mga taong nagpasiyang pamahalaan ang kanilang sarili at humiwalay sa pamamahala ng Diyos. Mas mapapabuti ba sila? Mas magiging maligaya ka ba kung mayroon kang ganap na kalayaan at buhay na walang hanggan?
2 Hindi iyan puwedeng sagutin ng iba para sa iyo. Dapat itong pag-isipang mabuti ng bawat isa. Kapag ginawa natin iyan, magiging malinaw na tama ang soberanya ng Diyos. Ito ang pinakamahusay na pamamahala. At nararapat ito sa ating buong-pusong pagsuporta. Talakayin natin ang paliwanag ng Bibliya kung bakit nararapat ang soberanya ni Jehova.
SI JEHOVA ANG MAY KARAPATANG MAMAHALA
3. Bakit si Jehova lang ang karapat-dapat na Soberano?
3 Si Jehova ang karapat-dapat na Soberano ng uniberso dahil siya ang Maylikha at Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. (1 Cro. 29:11; Gawa 4:24) Sa Apocalipsis 4:11, inilarawan sa pangitain ang 144,000 kasamang tagapamahala ni Kristo sa langit, na nagsasabi: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” Oo, dahil nilikha ni Jehova ang lahat ng bagay, siya lang ang may karapatang mamahala sa lahat ng tao at espiritung nilalang.
4. Bakit ang paglaban sa soberanya ng Diyos ay isang maling paggamit ng malayang kalooban?
4 Walang anumang nilikha si Satanas. Kaya wala siyang karapatang mamahala sa uniberso. Nang magrebelde ang Diyablo at ang unang mag-asawa laban sa soberanya ni Jehova, kumilos sila nang may pagkaarogante. (Jer. 10:23) Totoo, mayroon silang malayang kalooban kaya puwede silang magpasiyang humiwalay sa Diyos. Pero dapat ba nilang gawin iyon? Hindi. May malayang kalooban ang mga tao, kaya makagagawa sila ng magagandang desisyon araw-araw. Pero hindi ito nagbibigay sa kanila ng karapatang magrebelde sa kanilang Maylikha at Tagapagbigay-Buhay. Maliwanag, ang paglaban kay Jehova ay isang maling paggamit ng malayang kalooban. Bilang mga tao, ang papel natin ay magpasakop sa matuwid na pamamahala ni Jehova.
5. Bakit tayo makatitiyak na makatarungan ang mga pasiya ng Diyos?
5 May isa pang dahilan kung bakit si Jehova ang karapat-dapat na Soberano. Ginagamit niya ang kaniyang awtoridad nang may sakdal na katarungan. Sinabi niya: “Ako ay si Jehova, ang Isa na nagpapakita ng maibiging-kabaitan, katarungan at katuwiran sa lupa; sapagkat ang mga bagay na ito ay kinalulugdan ko.” (Jer. 9:24) Hindi siya nakadepende sa mga batas na gawa ng di-sakdal na mga tao para magpasiya kung ano ang makatarungan at patas. Bahagi na ng personalidad niya ang katarungan, at dahil dito, nagbigay siya ng nasusulat na mga batas para sa mga tao. “Ang katuwiran at ang kahatulan [o, katarungan] ang siyang tatag na dako ng [kaniyang] trono,” kaya makatitiyak tayo na lahat ng kaniyang batas, simulain, at pasiya ay matuwid. (Awit 89:14; 119:128) Sa kabila naman ng mga alegasyon ni Satanas na di-tama ang pamamahala ni Jehova, hindi niya nagawang maging makatarungan ang mundong ito.
6. Ano ang isang dahilan kung bakit si Jehova ang may karapatang mamahala sa daigdig?
6 Isa pa, si Jehova ang karapat-dapat na Soberano dahil taglay niya ang kaalaman at karunungan na kailangan para pangalagaan ang uniberso. Halimbawa, binigyan ng Diyos si Jesus ng kapangyarihang magpagaling ng mga sakit na di-kayang pagalingin ng mga manggagamot. (Mat. 4:23, 24; Mar. 5:25-29) Para kay Jehova, hindi iyon himala dahil alam niya ang mga prosesong kailangan para pagalingin ang anumang napinsalang bahagi ng katawan. May kakayahan din siyang buhaying muli ang namatay at pigilan ang likas na mga sakuna.
7. Bakit di-hamak na nakahihigit ang karunungan ni Jehova kumpara sa sanlibutang pinamamahalaan ni Satanas?
7 Wala pa ring mahanap na solusyon ang sanlibutang nasa ilalim ni Satanas para ayusin ang mga alitang pambansa at pang-internasyonal. Si Jehova lang ang nagtataglay ng karunungan para magkaroon ng kapayapaan sa mundo. (Isa. 2:3, 4; 54:13) Habang natututo tayo tungkol sa kaalaman at karunungan ni Jehova, nadarama natin ang gaya ng isinulat ni apostol Pablo: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!”—Roma 11:33.
ANG PAMAMAHALA NI JEHOVA ANG PINAKAMAHUSAY
8. Ano ang pinahahalagahan mo sa paraan ng pamamahala ni Jehova?
8 Gaya ng nakita natin, pinatutunayan ng Bibliya kung bakit nararapat mamahala si Jehova. Sinasabi rin nito kung bakit nakahihigit ang kaniyang pamamahala—dahil siya ay namamahala nang may pag-ibig. Talagang pinahahalagahan natin ang maibiging paggamit niya ng kaniyang soberanya! Siya ay “maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.” (Ex. 34:6) Pinakikitunguhan tayo ng Diyos nang may dignidad at paggalang. Pinangangalagaan pa nga niya tayo nang higit kaysa sa nagagawa natin para sa ating sarili. Salungat sa paratang ng Diyablo, hindi nagkakait si Jehova ng anumang mabuti sa kaniyang tapat na mga mananamba. Ibinigay pa nga niya ang kaniyang mahal na Anak para magkaroon tayo ng pag-asang buhay na walang hanggan!—Basahin ang Awit 84:11; Roma 8:32.
9. Bakit tayo makatitiyak na mahalaga tayo sa Diyos bilang indibiduwal?
9 Pinangangalagaan tayo ni Jehova bilang kaniyang bayan, pero interesadong-interesado rin siya sa atin bilang indibiduwal. Halimbawa, sa loob ng tatlong daang taon, nagbangon si Jehova ng mga hukom at binigyang-kapangyarihan ang mga ito para iligtas ang bansang Israel sa mga maniniil. Sa maligalig na panahong iyon, napansin pa rin ni Jehova ang isang babaeng di-Israelita, si Ruth. Marami siyang isinakripisyo para maging mananamba ni Jehova. Kaya pinagpala ng Diyos si Ruth at binigyan siya ng asawa at anak. Pero hindi lang iyan. Kapag binuhay siyang muli, malalaman ni Ruth na ang anak niya ay kasama sa angkang pinagmulan ng Mesiyas. Isip-isipin din ang mararamdaman ni Ruth kapag nalaman niyang naingatan ang kaniyang talambuhay sa isang aklat ng Bibliya—na ipinangalan sa kaniya!—Ruth 4:13; Mat. 1:5, 16.
10. Bakit natin masasabi na hindi malupit ang soberanya ni Jehova?
10 Ang paraan ng pamamahala ni Jehova ay hindi malupit at hindi sobrang higpit. Ito ay nagbibigay ng kalayaan at nagtataguyod ng kagalakan. (2 Cor. 3:17) Ganito ang sabi ni David: “Ang dangal at ang karilagan ay nasa harap [ng Diyos], ang lakas at ang kagalakan ay nasa kaniyang dako.” (1 Cro. 16:7, 27) Isinulat din ng salmistang si Etan: “Maligaya ang bayan na nakaaalam ng mga sigaw ng kagalakan. O Jehova, sa liwanag ng iyong mukha ay patuloy silang lumalakad. Sa iyong pangalan ay nagagalak sila buong araw at sa iyong katuwiran ay napadadakila sila.”—Awit 89:15, 16.
11. Paano titibay ang ating pagtitiwala na pinakamahusay ang soberanya ni Jehova?
11 Kung lagi nating bubulay-bulayin ang kabutihan ni Jehova, titibay ang ating pagtitiwala na ang kaniyang pamamahala ang pinakamahusay. Gaya ng salmista, masasabi rin natin: “Ang isang araw sa iyong mga looban ay mas mabuti kaysa sa isang libo sa ibang dako.” (Awit 84:10) Bilang ating maibiging Disenyador at Maylikha, alam ni Jehova ang kailangan natin para maging tunay na maligaya, at sagana niya itong inilalaan. Anumang hilingin niya ay para sa ating ikabubuti at magdudulot ng tunay na kagalakan sa bandang huli, kahit may kaakibat pa itong sakripisyo.—Basahin ang Isaias 48:17.
12. Ano ang ating pangunahing dahilan sa pagtataguyod ng soberanya ni Jehova?
12 Ipinahihiwatig ng Bibliya na pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, may mga magpapasiyang magrebelde sa soberanya ni Jehova. (Apoc. 20:7, 8) Bakit kaya nila gagawin iyon? Sa panahong iyon, pinalaya na ang Diyablo mula sa pagkakabilanggo. Dahil determinado siyang iligaw ang sangkatauhan, siguradong uudyukan niya silang maging makasarili, gaya ng ginagawa niya noon pa man. Baka kumbinsihin niya ang mga tao na puwede silang mabuhay magpakailanman kahit hindi nila sundin si Jehova. Siyempre pa, kasinungalingan iyon. Pero ang mas mahalaga: Maaakit ba tayo sa taktikang iyon? Kung mahal natin si Jehova at naglilingkod tayo sa kaniya dahil sa kaniyang kabutihan at dahil siya ang karapat-dapat na Soberano ng uniberso, magiging kasuklam-suklam sa atin ang ideyang iyon. Wala na tayong nanaisin pa kundi ang buhay sa ilalim ng matuwid at maibiging soberanya ni Jehova.
MATAPAT NA ITAGUYOD ANG SOBERANYA NG DIYOS
13. Paano natin nasusuportahan ang soberanya ng Diyos kapag tinutularan natin siya?
13 Karapat-dapat nga ang soberanya ni Jehova sa ating buong-pusong pagsuporta! Gaya ng nakita natin, siya ang may karapatang mamahala, at ang kaniyang paraan ng pamamahala ang pinakamahusay. Maitataguyod natin ang soberanya ni Jehova kung maglilingkod tayo sa kaniya at mananatiling tapat. Paano pa natin maipakikita ang ating suporta? Sa pamamagitan ng pagtulad kay Jehova. Kung gagawin natin ang mga bagay-bagay sa paraan niya, maipakikita natin ang ating pag-ibig at suporta sa kaniyang pamamahala.—Basahin ang Efeso 5:1, 2.
14. Paano matutularan ng mga elder at ulo ng pamilya si Jehova?
14 Natutuhan natin sa Bibliya na ginagamit ni Jehova ang kaniyang awtoridad sa maibiging paraan. Kaya naman, ang mga elder at ulo ng pamilya na umiibig sa soberanya ni Jehova ay hindi naghahari-harian, na para bang may sarili silang soberanya. Sa halip, tinutularan nila si Jehova. Tinularan ni Pablo si Jehova at si Jesus. (1 Cor. 11:1) Hindi ipinahiya ni Pablo ang iba o pinilit man niya sila na gawin ang tama, kundi pinasigla niya sila. (Roma 12:1; Efe. 4:1; Flm. 8-10) Ganiyan si Jehova, at ganiyan din ang dapat gawin ng lahat ng umiibig at nagtataguyod sa kaniyang pamamahala.
15. Paano natin naipakikita ang ating pag-ibig sa pamamahala ni Jehova kapag iginagalang natin ang mga binigyan niya ng awtoridad?
15 Ano ang saloobin natin sa mga binigyan ng Diyos ng awtoridad? Kung iginagalang natin sila at nakikipagtulungan tayo sa kanila, naipakikita natin ang ating suporta sa soberanya ni Jehova. Kahit hindi natin lubusang nauunawaan o sinasang-ayunan ang isang desisyon, susuportahan pa rin natin ang teokratikong kaayusan. Hindi ganiyan ang ginagawa ng mga tao sa sanlibutan, pero ito ang dapat gawin ng mga nasa ilalim ng pamamahala ni Jehova. (Efe. 5:22, 23; 6:1-3; Heb. 13:17) At dahil kapakanan natin ang iniisip ng Diyos, nakikinabang tayo kapag sumusunod tayo.
16. Paano makikita sa ating personal na mga desisyon na sinusuportahan natin ang soberanya ng Diyos?
16 Maipakikita rin natin ang ating suporta sa soberanya ng Diyos sa ating personal na mga desisyon. Hindi nagbibigay ng espesipikong utos si Jehova para sa bawat sitwasyon. Sa halip, isinisiwalat niya ang kaniyang kaisipan para maging gabay natin. Halimbawa, hindi siya nagbigay ng detalyadong alituntunin ng pananamit para sa mga Kristiyano. Pero sinabi niya na gusto niyang pumili tayo ng mga istilo ng pananamit at pag-aayos na mahinhin at angkop sa mga ministrong Kristiyano. (1 Tim. 2:9, 10) Ayaw rin niyang makatisod tayo sa iba o mabagabag sila dahil sa ating mga desisyon. (1 Cor. 10:31-33) Kapag nagpapagabay tayo sa kaisipan at kagustuhan ni Jehova at hindi lang sa sarili nating kagustuhan, naipakikita nating iniibig at sinusuportahan natin ang kaniyang pamamahala.
17, 18. Paano maipakikita ng mga mag-asawa na itinataguyod nila ang soberanya ni Jehova?
17 Maipakikita rin ng mga mag-asawa na sinusunod nila ang mga daan ni Jehova at sa gayon ay itinataguyod ang kaniyang soberanya. Paano kung naging mas mahirap ang inyong pagsasama kaysa sa inaasahan mo? Paano kung dismayado ka pa nga sa pagsasama ninyo? Pag-isipan ang pakikitungo ni Jehova sa bansang Israel. Tinukoy niya ang kaniyang sarili bilang asawa ng sinaunang bansang iyon. (Isa. 54:5; 62:4) Napakaproblemado ng “pagsasama” nila! Pero hindi agad sumuko si Jehova. Paulit-ulit siyang nagpakita ng awa sa bansang iyon at matapat na tinupad ang kaniyang tipan sa kanila. (Basahin ang Awit 106:43-45.) Hindi ba tayo naaantig ng matapat na pag-ibig ni Jehova?
18 Kaya kung iniibig ng mga mag-asawa ang mga daan ni Jehova, tutularan nila siya. Hindi sila maghahanap ng di-makakasulatang paraan para makalaya mula sa kanilang problemadong pagsasama. Alam nilang pinagtuwang sila ni Jehova at na gusto niyang ‘pumisan’ sila sa isa’t isa, o manatiling magkasama. Ayon sa Kasulatan, ang tanging saligan para sa diborsiyo at muling pag-aasawa ay seksuwal na imoralidad. (Mat. 19:5, 6, 9) Kung gagawin nila ang kanilang buong makakaya at hahanap sila ng paraan para mapaganda ang kanilang pagsasama, maitataguyod nila ang matuwid na pamamahala ni Jehova.
19. Kung makagawa tayo ng pagkakamali, ano ang dapat nating gawin?
19 Dahil hindi tayo sakdal, nakagagawa tayo ng mga bagay na nakapagpapalungkot kay Jehova. Alam niya iyon, kaya maibigin niyang inilaan ang pantubos ni Kristo para sa atin. Kung makagawa tayo ng pagkakamali, dapat nating hingin ang kapatawaran ni Jehova. (1 Juan 2:1, 2) Sa halip na laging sisihin ang sarili, sikapin nating matuto sa ating pagkakamali. Kung mananatili tayong malapít kay Jehova, patatawarin niya tayo at tutulungan tayong makabangon at mapagtagumpayan ang katulad na mga sitwasyon sa hinaharap.—Awit 103:3.
20. Bakit dapat nating suportahan ang soberanya ni Jehova ngayon?
20 Sa bagong sanlibutan, lahat ay magiging sakop ng soberanya ni Jehova at matututo sa kaniyang matuwid na mga daan. (Isa. 11:9) Pero ngayon pa lang ay tinuturuan na tayo. Malapit nang malutas ang isyu tungkol sa soberanya. Ngayon na ang panahon para itaguyod ang soberanya ng Diyos sa pamamagitan ng ating katapatan, paglilingkod, at pagsisikap na tularan siya sa lahat ng ginagawa natin.