Kaninong mga Pangalan ang Nakasulat sa “Aklat ng Buhay”?
Ang sagot ng Bibliya
Nasa “aklat ng buhay,” na tinatawag ding “balumbon ng buhay” o “aklat ng alaala,” ang pangalan ng mga taong may pag-asang tumanggap ng kaloob na buhay na walang hanggan. (Apocalipsis 3:5; 20:12; Malakias 3:16) Ang Diyos ang nagpapasiya kung kaninong mga pangalan ang mapapasulat doon batay sa matapat na pagsunod ng isang tao sa kaniya.—Juan 3:16; 1 Juan 5:3.
Iniingatan ng Diyos sa kaniyang alaala ang bawat tapat na lingkod niya, na para bang isinusulat ang kanilang pangalan sa isang aklat, mula pa nang “pagkakatatag ng sanlibutan” ng sangkatauhan. (Apocalipsis 17:8) Lumilitaw na ang pangalan ng tapat na si Abel ang kauna-unahang nakasulat sa aklat ng buhay. (Hebreo 11:4) Pero hindi lang ito basta listahan ng mga pangalan. Ipinakikita ng aklat ng buhay na si Jehova ay isang maibiging Diyos na ‘nakakakilala sa mga nauukol sa kaniya.’—2 Timoteo 2:19; 1 Juan 4:8.
Puwede bang mabura ang mga pangalan sa “aklat ng buhay”?
Oo. Sinabi ng Diyos tungkol sa mga taong masuwayin sa sinaunang Israel: “Ang sinumang nagkasala laban sa akin, papawiin ko siya mula sa aking aklat.” (Exodo 32:33) Pero kung mananatili tayong tapat, mananatili ang pangalan natin sa “balumbon ng buhay.”—Apocalipsis 20:12.