Ginagawang Bago ang Lahat ng Bagay—Gaya ng Inihula
“Ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ Gayundin, sinabi niya: . . . ‘Ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ ”—APOCALIPSIS 21:5.
1, 2. Bakit maraming tao ang may-katuwirang mag-atubili na isaalang-alang ang mangyayari sa hinaharap?
NASABI o naisip mo na ba, ‘Sino ang nakaaalam ng mangyayari bukas?’ Mauunawaan mo kung bakit atubili ang mga tao na hulaan ang mangyayari sa hinaharap o pagtiwalaan ang mga pangahas na nag-aangking patiuna nilang masasabi ang mangyayari sa hinaharap. Talagang walang kakayahan ang mga tao na wastong mahulaan ang mangyayari sa darating na mga buwan o mga taon.
2 Pantanging tinalakay sa isang isyu ng magasing Forbes ASAP ang hinggil sa panahon. Dito, ang tagapagpakilala sa dokumentaryo sa TV na si Robert Cringely ay sumulat: “Tayong lahat ay hinihiya ng panahon sa dakong huli, ngunit wala nang higit pang kahiya-hiya sa kamay ng panahon kundi ang mga manghuhula. Ang pagtatangkang hulaan ang kinabukasan ay isang laro na halos palagi tayong talo. . . . Sa kabila nito, patuloy pa ring nanghuhula ang diumano’y mga eksperto rito.”
3, 4. (a) Anong positibong kaisipan ang taglay ng ilan hinggil sa bagong milenyo? (b) Ano ang makatotohanang inaasahan ng iba hinggil sa kinabukasan?
3 Marahil ay mapapansin mo na dahil sa labis na atensiyong ibinibigay sa bagong milenyo, maaaring sa wari’y mas maraming tao ang nag-iisip ngayon hinggil sa kinabukasan. Sa pasimula ng nakalipas na taon, sinabi ng magasing Maclean’s: “Ang taóng 2000 ay maaaring maging isang karaniwang taon lamang sa kalendaryo para sa karamihan ng mga taga-Canada, ngunit posible ring mapasabay rito ang isang tunay na pasimula.” Ibinigay ni Propesor Chris Dewdney ng York University ang dahilang ito sa pagiging positibo: “Ang milenyo ay nangangahulugang mahuhugasan na natin ang ating mga kamay mula sa isang talagang kakila-kilabot na siglo.”
4 Iyan ba’y waring isa lamang magandang pangarap? Sa Canada, 22 porsiyento lamang niyaong mga tumugon sa isang surbey ang “naniniwala na ang 2000 ay magpapairal ng isang bagong pasimula para sa daigdig.” Sa katunayan, halos kalahati ang “umaasang magkakaroon ng isa pang pandaigdig na labanan”—digmaang pandaigdig—sa loob ng 50 taon. Maliwanag na marami ang nakadarama na hindi kayang alisin ng bagong milenyo ang ating mga suliranin, anupat magagawa nitong bago ang lahat ng bagay. Si Sir Michael Atiyah, dating presidente ng Royal Society ng Britanya, ay sumulat: “Ang mabilis na takbo ng pagbabago . . . ay nangangahulugan na ang ikadalawampu’t isang siglo ay magdadala ng mabibigat na hamon sa ating buong kabihasnan. Ang mga suliranin ng pagdami ng populasyon, limitadong mga suplay, polusyon sa kapaligiran, at laganap na karukhaan ay nararanasan na natin at dapat na asikasuhin agad.”
5. Saan tayo makasusumpong ng mapanghahawakang impormasyon hinggil sa mangyayari sa hinaharap?
5 Maaari mong isipin, ‘Yamang hindi naman mahuhulaan ng tao ang ating kinabukasan, hindi kaya dapat na ipagkibit-balikat na lamang natin ang kinabukasan?’ Ang sagot ay hindi! Ipagpalagay na ngang hindi tumpak na mahuhulaan ng tao ang mangyayari sa hinaharap, ngunit hindi naman natin dapat isipin na wala nang sinuman na makagagawa nito. Buweno, sino nga ba ang makagagawa nito, at bakit dapat na maging positibo tayo hinggil sa kinabukasan? Masusumpungan mo ang kasiya-siyang mga sagot sa apat na espesipikong prediksiyon. Ang mga ito ay nakaulat sa aklat na pag-aari at binabasa ng karamihan, na di-nauunawaan at ipinagwawalang-bahala rin naman ng karamihan—ang Bibliya. Anuman ang palagay mo sa Bibliya, at gaano man karami ang iyong nalalaman dito, magiging kapaki-pakinabang para sa iyo na isaalang-alang mo ang apat na saligang tekstong ito. Ang mga ito’y aktuwal na humuhula ng isang napakagandang kinabukasan. Karagdagan pa, ang apat na susing hulang ito ay bumabalangkas ng magiging posibleng kinabukasan mo at ng iyong mga mahal sa buhay.
6, 7. Kailan humula si Isaias, at paano nagkaroon ng nakagugulat na katuparan ang kaniyang mga hula?
6 Ang una ay masusumpungan sa Isaias kabanata 65. Bago mo ito basahin, ilarawan mo muna sa iyong isipan ang tagpo—kung kailan ito isinulat at sa anong kalagayan ito tumutukoy. Ang propeta ng Diyos na si Isaias, na siyang sumulat ng pananalitang ito, ay nabuhay mahigit sa isang siglo bago magwakas ang kaharian ng Juda. Sumapit ang wakas nang alisin ni Jehova ang kaniyang proteksiyon mula sa di-tapat na mga Judio, anupat hinayaan niyang wasakin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem at ipatapon ang mga mamamayan nito. Naganap iyan mahigit sa isang daang taon matapos itong ihula ni Isaias.—2 Cronica 36:15-21.
7 Hinggil sa makasaysayang pangyayari ng katuparan, tandaan na dahil sa patnubay ng Diyos ay naihula ni Isaias ang pangalan ng di-pa-naisisilang na Persiano, si Ciro, na sa wakas ay nagpabagsak sa Babilonya. (Isaias 45:1) Si Ciro ang naghanda ng daan para sa pagbabalik ng mga Judio sa kanilang lupang tinubuan noong 537 B.C.E. Nakagugulat, inihula ni Isaias ang pagsasauling iyon, gaya ng mababasa natin sa kabanata 65. Itinuon niya ang pansin sa kalagayang maaaring tamasahin ng mga Israelita pagbalik nila sa kanilang lupang tinubuan.
8. Inihula ni Isaias ang anong masayang kinabukasan, at anong pananalita ang may pantanging kahalagahan?
8 Mababasa natin sa Isaias 65:17-19: “Narito, lumalalang ako ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon. Ngunit kayo ay magbunyi at magalak magpakailanman sa aking nilalalang. Sapagkat narito, nilalalang ko ang Jerusalem bilang sanhi ng kagalakan at ang kaniyang bayan bilang sanhi ng pagbubunyi. At ako ay magagalak sa Jerusalem at magbubunyi sa aking bayan; at hindi na maririnig pa sa kaniya ang tinig ng pagtangis o ang tinig ng malungkot na hiyaw.” Walang-alinlangan, inilarawan ni Isaias ang mga kalagayan na makapupong mas maganda pa kaysa roon sa naranasan ng mga Judio sa Babilonya. Inihula niya ang kagalakan at kasayahan. Pansinin naman ngayon ang pananalitang “mga bagong langit at isang bagong lupa.” Ito ang una sa apat na pagbanggit ng pariralang iyan sa Bibliya, at ang apat na tekstong ito ay maaaring magkaroon ng tuwirang kaugnayan sa ating kinabukasan, anupat inihuhula pa nga ito.
9. Paano nagkaroon ng kaugnayan ang sinaunang mga Judio sa isang katuparan ng Isaias 65:17-19?
9 Ang unang katuparan ng Isaias 65:17-19 ay may kaugnayan sa sinaunang mga Judio na, tulad ng wastong inihula ni Isaias, ay nagbalik nga sa kanilang lupang tinubuan, kung saan itinatag nilang muli ang dalisay na pagsamba. (Ezra 1:1-4; 3:1-4) Mangyari pa, batid mong sila’y bumalik sa isang lupang tinubuan sa planeta ring ito, hindi sa kung saang dako sa sansinukob. Ang kabatirang iyan ay makatutulong sa atin na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ni Isaias sa pananalitang “mga bagong langit at isang bagong lupa. Hindi na natin kailangan pang magbakasakali, tulad ng ginagawa ng iba, sa malalabong hula ni Nostradamus o ng iba pang mga taong manghuhula. Nililinaw mismo ng Bibliya ang ibig sabihin ni Isaias.
10. Paano natin uunawain ang bagong “lupa” na inihula ni Isaias?
10 Sa Bibliya, ang “lupa” ay hindi palaging tumutukoy sa ating globo. Halimbawa, literal na sinasabi sa Awit 96:1: ‘Umawit kay Jehova, buong lupa.’ Alam natin na ang ating planeta—ang tuyong lupa at ang malalawak na karagatan—ay hindi makaaawit. Ang mga tao ang umaawit. Oo, ang Awit 96:1 ay tumutukoy sa mga tao sa lupa.a Subalit binabanggit din sa Isaias 65:17 ang “mga bagong langit.” Kung ang “lupa” ay kumakatawan sa isang bagong lipunan ng mga tao sa lupang tinubuan ng mga Judio, ano naman kaya ang “mga bagong langit”?
11. Sa ano tumutukoy ang pariralang “mga bagong langit”?
11 Ang Cyclopædia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, nina M’Clintock at Strong, ay nagsasabi: “Saanman binabanggit ang eksena ng isang makahulang pangitain, ang langit ay tumutukoy . . . sa buong kalipunan ng mga namamahalang kapangyarihan . . . na nangingibabaw at namamahala sa mga sakop nito, kung paanong ang likas na langit ay nasa ibabaw at namamahala sa lupa.” Hinggil sa pinagsamang pariralang “langit at lupa,” ipinaliliwanag ng Cyclopædia na ‘sa makahulang pananalita, ang parirala ay tumutukoy sa makapulitikang katayuan ng mga taong may magkaibang ranggo. Ang langit ang soberanya; ang lupa naman ang mga nasasakupan, mga taong pinamamahalaan ng mga nakatataas.’
12. Paano naranasan ng sinaunang mga Judio ang “mga bagong langit at isang bagong lupa”?
12 Nang magbalik ang mga Judio sa kanilang lupang tinubuan, natamo nila ang matatawag na isang bagong sistema ng mga bagay. May isang bagong lupon na namamahala. Si Zerubabel, isang inapo ni Haring David, ang gobernador, at si Josue naman ang mataas na saserdote. (Hagai 1:1, 12; 2:21; Zacarias 6:11) Ang mga ito ang bumubuo ng “mga bagong langit.” Nangingibabaw sa ano? Ang “mga bagong langit” ay nangingibabaw sa “isang bagong lupa,” ang nilinis na lipunan ng mga taong nagbalik sa kanilang lupain upang muling itayo ang Jerusalem at ang templo nito ukol sa pagsamba kay Jehova. Kaya nga, sa tunay na diwang ito, umiral ang mga bagong langit at isang bagong lupa sa katuparan na nagsasangkot sa mga Judio noong panahong iyon.
13, 14. (a) Anong isa pang pagbanggit sa pariralang “mga bagong langit at isang bagong lupa” ang dapat nating isaalang-alang? (b) Bakit may pantanging kahalagahan ang hula ni Pedro sa panahong ito?
13 Ingatang huwag makaligtaan ang punto. Ito’y hindi isang pagsasanay sa pagbibigay-kahulugan sa Bibliya ni ito’y isang pagsulyap lamang sa sinaunang kasaysayan. Mauunawaan mo ito kung lilipat ka sa isa pang pagbanggit sa pariralang “mga bagong langit at isang bagong lupa.” Sa 2 Pedro kabanata 3, masusumpungan mo ang pagbanggit dito at makikita mong sangkot dito ang ating kinabukasan.
14 Isinulat ni apostol Pedro ang kaniyang liham mahigit sa 500 taon pagkabalik ng mga Judio sa kanilang lupang tinubuan. Bilang isa sa mga apostol ni Jesus, si Pedro ay sumusulat sa mga tagasunod ni Kristo, ‘ang Panginoon’ na binanggit sa 2 Pedro 3:2. Sa talatang 4, binanggit ni Pedro ang “ipinangakong pagkanaririto” ni Jesus, na nagiging dahilan upang ang hula ay maging kapit na kapit sa ngayon. Maraming katibayan ang nagpapakita na mula noong Digmaang Pandaigdig I, si Jesus ay naririto na sa diwa na taglay niya ang awtoridad bilang Tagapamahala sa makalangit na Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 6:1-8; 11:15, 18) Ito’y may pantanging kahalagahan dahil sa isa pang bagay na inihula ni Pedro sa kabanatang ito.
15. Paano natutupad ang hula ni Pedro hinggil sa “mga bagong langit”?
15 Mababasa natin sa 2 Pedro 3:13: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” Marahil ay alam mo nang si Jesus na nasa langit ang siyang pangunahing Tagapamahala sa “mga bagong langit.” (Lucas 1:32, 33) Ngunit, ipinahihiwatig ng iba pang mga teksto sa Bibliya na siya’y hindi namamahalang mag-isa. Nangako si Jesus na ang mga apostol at iba pang tulad nila ay magkakaroon ng dako sa langit. Sa aklat ng Mga Hebreo, inilarawan ni apostol Pablo ang mga ito bilang “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag.” At sinabi ni Jesus na yaong mga kabilang sa grupong ito ay uupo sa mga trono sa langit na kasama niya. (Hebreo 3:1; Mateo 19:28; Lucas 22:28-30; Juan 14:2, 3) Ang punto ay na may iba pang mga mamamahalang kasama ni Jesus bilang bahagi ng mga bagong langit. Kung gayon, ano ang ibig sabihin ni Pedro sa terminong “bagong lupa”?
16. Anong “bagong lupa” ang umiiral na?
16 Gaya ng sinaunang katuparan—ang pagbabalik ng mga Judio sa kanilang lupang tinubuan—ang kasalukuyang katuparan ng 2 Pedro 3:13 ay nagsasangkot sa mga taong nagpapasakop sa pamamahala ng mga bagong langit. Milyun-milyon sa ngayon ang masusumpungan mong buong-kagalakang nagpapasakop sa pamamahalang iyan. Sila’y nakikinabang sa programa nito sa edukasyon at nagsisikap na sumunod sa mga kautusan nito na nasa Bibliya. (Isaias 54:13) Ang mga ito ang bumubuo ng pinakapundasyon ng “isang bagong lupa” sa diwa na sila’y bumubuo ng isang pangglobong lipunan mula sa lahat ng bansa, wika, at lahi, at sila’y sama-samang gumagawa bilang pagpapasakop sa nagpupunong Hari, si Jesu-Kristo. Ang isang mahalagang bagay ay na maaari kang maging bahagi nito!—Mikas 4:1-4.
17, 18. Bakit ang mga salita sa 2 Pedro 3:13 ay nagbibigay sa atin ng dahilan upang umasa sa hinaharap?
17 Huwag mong isipin na hanggang dito na lamang ito, na wala na tayong anumang detalyadong kaunawaan hinggil sa kinabukasan. Sa katunayan, habang sinusuri mo ang konteksto ng 2 Pedro kabanata 3, makasusumpong ka ng mga pahiwatig na may magaganap na isang malaking pagbabago. Sa mga talatang 5 at 6, isinulat ni Pedro ang tungkol sa Baha noong kapanahunan ni Noe, ang Delubyo na tumapos sa balakyot na sanlibutan noon. Sa talatang 7, binanggit ni Pedro na “ang mga langit at ang lupa sa ngayon,” kapuwa ang mga namamahala at ang pulutong ng mga tao, ay itinataan sa “araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” Pinatutunayan nito na ang pariralang “ang mga langit at ang lupa sa ngayon” ay tumutukoy, hindi sa literal na sansinukob, kundi sa mga tao at sa mga namamahala sa kanila.
18 Pagkaraan ay ipinaliwanag ni Pedro na ang dumarating na araw ni Jehova ay magsasagawa ng isang malawakang paglilinis, na magbibigay-daan para sa mga bagong langit at bagong lupa na binabanggit sa talatang 13. Pansinin ang pagwawakas ng talatang iyan—“sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” Hindi ba ito nagpapahiwatig na magkakaroon nga ng ilang malalaking pagbabago ukol sa ikabubuti? Hindi ba ito nagbibigay ng pag-asa na magkakaroon nga ng mga bagay na talagang bago, ng isang panahon na ang mga tao’y higit na masisiyahan sa buhay kaysa sa ngayon? Kung nakikita mo ito, nakapagtamo ka na kung gayon ng kaunawaan sa inihuhula ng Bibliya, kaunawaang taglay lamang ng iilan.
19. May kaugnayan sa anong tagpo sa aklat ng Apocalipsis tinutukoy ang “mga bagong langit at isang bagong lupa” na darating?
19 Ngunit magpatuloy pa tayo. Nakita na natin ang pagbanggit sa pariralang “mga bagong langit at isang bagong lupa” sa Isaias kabanata 65 at minsan pa sa 2 Pedro kabanata 3. Buksan mo naman ngayon ang Apocalipsis kabanata 21, na kinaroroonan ng isa pang pagbanggit sa pananalitang ito sa Bibliya. Muli, makatutulong ang pagkaunawa sa tagpo. Dalawang kabanata bago nito, sa Apocalipsis kabanata 19, inilarawan sa atin sa pamamagitan ng matingkad na simbolismo ang isang digmaan—ngunit hindi digmaan sa pagitan ng dalawang magkalabang bansa. Sa isang panig ay “Ang Salita ng Diyos.” Malamang na alam mong iyan ang titulo ni Jesu-Kristo. (Juan 1:1, 14) Siya’y nasa langit, at ang pangitaing ito ay naglalarawan sa kaniya kasama ang kaniyang makalangit na hukbo. Kanino sila nakikipagbaka? Binabanggit ng kabanatang ito ang “mga hari,” “mga kumandante ng militar,” at mga taong may iba’t ibang katayuan, kapuwa ‘maliliit at malalaki.’ Ang pagbabakang ito ay may kaugnayan sa dumarating na araw ni Jehova, ang pagpuksa sa mga balakyot. (2 Tesalonica 1:6-10) Sa pagpapatuloy, sinisimulan ang Apocalipsis kabanata 20 sa pamamagitan ng paglalarawan kung paano aalisin “ang orihinal na serpiyente, na siyang Diyablo at Satanas.” Ito’y naghahanda ng daan upang isaalang-alang naman ang Apocalipsis kabanata 21.
20. Ipinahihiwatig ng Apocalipsis 21:1 ang anong malaking pagbabago na darating?
20 Nagsisimula si apostol Juan sa ganitong nakapananabik na pananalita: “Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na, at ang dagat ay wala na.” Batay sa nakita na natin sa Isaias kabanata 65 at 2 Pedro kabanata 3, nakatitiyak tayo na hindi ito nangangahulugang papalitan ang literal na mga langit at ang ating planeta, pati na ang matutubig na kalaliman nito. Gaya ng ipinakita ng naunang mga kabanata, ang mga balakyot na tao at ang namamahala sa kanila, kalakip na ang di-nakikitang pinunong si Satanas, ay aalisin. Oo, ang ipinangangako rito ay tungkol sa isang bagong sistema ng mga bagay na nagsasangkot sa mga tao sa lupa.
21, 22. Anong mga pagpapala ang tinitiyak sa atin ni Juan, at ano ang kahulugan ng pagpahid sa mga luha?
21 Matitiyak natin ito habang nagpapatuloy tayo sa kamangha-manghang hulang ito. Ang pagwawakas ng talatang 3 ay bumabanggit ng tungkol sa panahon na ang Diyos ay makakasama ng sangkatauhan, anupat ibabaling niya ang kaniyang mapagpalang atensiyon sa mga taong gumagawa ng kaniyang kalooban. (Ezekiel 43:7) Nagpapatuloy si Juan sa talatang 4, 5: “Papahirin niya [ni Jehova] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na. At ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ Gayundin, sinabi niya: ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ ” Tunay ngang isang nakapagpapatibay na hula!
22 Huminto sandali at namnamin ang inihuhula rito ng Bibliya. ‘Papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.’ Hindi ito maaaring tumukoy sa literal na mga luha na humuhugas sa ating sensitibong mga mata, ni maaaring tumukoy man ito sa mga luha ng kagalakan. Hindi, ang mga luhang papahirin ng Diyos ay mga luhang sanhi ng pagdurusa, pamimighati, pagkasiphayo, kirot, at matinding paghihirap. Paano tayo makatitiyak? Buweno, ang pambihirang pangakong ito ng Diyos ay iniuugnay sa pagpahid sa mga luha dahil ‘hindi na magkakaroon ng kamatayan, pagdadalamhati, paghiyaw, at kirot.’—Juan 11:35.
23. Kawakasan ng anong mga kalagayan ang ginagarantiyahan ng hula ni Juan?
23 Hindi ba patotoo ito na ang kanser, istrok, atake sa puso, at maging ang kamatayan ay mawawala na? Sino sa atin ang hindi namatayan ng mahal sa buhay dulot ng ilang karamdaman, aksidente, o sakuna? Ipinangangako rito ng Diyos na hindi na magkakaroon ng kamatayan, na nagpapahiwatig na ang mga batang maaaring ipanganak doon ay hindi na magkakaroon ng pagkakataong lumaki at pagkatapos ay tumanda—na magwawakas sa kamatayan. Ang hulang ito ay nangangahulugan din na mawawala na ang sakit na Alzheimer, osteoporosis, fibroid tumor, glaucoma, o maging ang katarata—na lubhang karaniwan na sa matatanda.
24. Paano mapatutunayang isang pagpapala ang ‘bagong langit at bagong lupa,’ at ano pa ang ating isasaalang-alang?
24 Walang-pagsalang sasang-ayon ka na mababawasan ang pagdadalamhati at paghiyaw kapag inalis na ang kamatayan, pagtanda, at sakit. Subalit, kumusta naman ang walang-lubay na karukhaan, pang-aabuso sa mga bata, at mapang-aping pagtatangi dahil sa pinagmulan o kulay ng balat? Kung ang mga bagay na ito—na palasak sa ngayon—ay magpapatuloy, hindi mapapawi ang ating pagdadalamhati at paghiyaw. Kaya naman, ang buhay sa ilalim ng “isang bagong langit at isang bagong lupa” ay hindi mababahiran ng kasalukuyang mga pinagmumulang ito ng kalungkutan. Kay laki ngang pagbabago! Gayunman, hanggang sa kasalukuyan ay tatlo pa lamang ang naisaalang-alang natin sa apat na pagbanggit ng Bibliya sa pariralang “mga bagong langit at isang bagong lupa.” May isa pa na kasang-ayon ng mga nasuri na natin at iyan ang nagbibigay-diin kung bakit may dahilan tayo upang panabikan kung kailan at paano tutuparin ng Diyos ang kaniyang pangako na ‘gagawing bago ang lahat ng bagay.’ Ang susunod na artikulo ang tatalakay sa hulang iyan at kung ano ang maaaring maging kahulugan nito para sa ating kaligayahan.
[Talababa]
a Ganito ang salin ng The New English Bible sa Awit 96:1: “Umawit sa PANGINOON, lahat ng mga tao sa lupa.” Ang The Contemporary English Version ay kababasahan: “Lahat ng nasa lupang ito, umawit ng mga papuri sa PANGINOON.” Kasuwato ito ng pagkaunawa na sa pagbanggit sa “bagong lupa” si Isaias ay tumutukoy sa bayan ng Diyos sa kanilang lupain.
Ano ang Natatandaan Mo?
• Ano ang tatlong pagkakataon na doo’y inihuhula ng Bibliya ang “mga bagong langit at isang bagong lupa”?
• Paanong may kaugnayan ang sinaunang mga Judio sa isang katuparan ng “mga bagong langit at isang bagong lupa”?
• Anu-ano ang nauunawaang katuparan ng “mga bagong langit at isang bagong lupa” gaya ng binanggit ni Pedro?
• Paano tayo itinuturo ng Apocalipsis 21 sa isang magandang kinabukasan?
[Larawan sa pahina 10]
Gaya ng inihula na ni Jehova, inihanda ni Ciro ang daan sa pagbabalik ng mga Judio sa kanilang lupang tinubuan noong 537 B.C.E.