BAGONG JERUSALEM
Isang pananalitang lumilitaw nang dalawang ulit, at tanging sa lubhang makasagisag na aklat ng Apocalipsis. (Apo 3:12; 21:2) Nang malapit nang matapos ang sunud-sunod na mga pangitaing iyon, at matapos niyang makitang pinuksa ang Babilonyang Dakila, sinabi ng apostol na si Juan: “Nakita ko rin ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, na bumababang galing sa langit mula sa Diyos at nahahandang gaya ng isang kasintahang babae na nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki.”—Apo 21:2.
Ang Kasintahang Babae ng Kordero. Sa liwanag ng ibang mga kasulatan, matitiyak ang pagkakakilanlan ng Bagong Jerusalem. Siya ay “gaya ng isang kasintahang babae.” Isinulat pa ni Juan: ‘Isa sa pitong anghel ang nakipag-usap sa akin at nagsabi: “Halika rito, ipakikita ko sa iyo ang kasintahang babae, ang asawa ng Kordero.” Kaya dinala niya ako sa kapangyarihan ng espiritu sa isang malaki at napakataas na bundok, at ipinakita niya sa akin ang banal na lunsod na Jerusalem na bumababang galing sa langit mula sa Diyos at taglay ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang kaningningan nito ay tulad ng isang napakahalagang bato, gaya ng batong jaspe na kumikinang na sinlinaw ng kristal.’—Apo 21:9-11.
Kaninong kasintahang babae ang Bagong Jerusalem? Sa Kordero ng Diyos, si Jesu-Kristo, na nagbuhos ng kaniyang dugo bilang hain para sa sangkatauhan. (Ju 1:29; Apo 5:6, 12; 7:14; 12:11; 21:14) Sino ang kasintahang babaing ito? Siya’y binubuo ng mga miyembro ng niluwalhating kongregasyong Kristiyano. Ang kongregasyong ito sa lupa ay inihalintulad sa “isang malinis na birhen” na ihaharap sa Kristo. (2Co 11:2) Muli, inihalintulad ng apostol na si Pablo ang kongregasyong Kristiyano sa isang asawang babae, na ang Asawang Lalaki at Ulo ay si Kristo.—Efe 5:23-25, 32.
Karagdagan pa, sa Apocalipsis 3:12, kinausap mismo ni Kristo ang kongregasyon, anupat nangako siya na isusulat niya sa tapat na mananaig “ang pangalan ng aking Diyos at ang pangalan ng lunsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit mula sa aking Diyos, at ang bagong pangalan kong iyon.” Ang pangalan ng asawang babae ay isinusunod sa pangalan ng kaniyang asawang lalaki. Kaya naman, maliwanag na yaong mga nakitang nakatayo sa Bundok Sion kasama ng Kordero, may bilang na 144,000, na may pangalan ng Kordero at ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo, ay ang grupo ring iyon, ang kasintahang babae.—Apo 14:1.
Bakit hindi maaaring maging isang lunsod sa Gitnang Silangan ang “Bagong Jerusalem”?
Makalangit ang Bagong Jerusalem, hindi makalupa, sapagkat ito’y bumababang “galing sa langit mula sa Diyos.” (Apo 21:10) Kaya naman ang lunsod na ito ay hindi itinayo ng mga tao at wala itong literal na mga lansangan at mga gusaling nakatayo sa Gitnang Silangan sa lokasyon ng sinaunang lunsod ng Jerusalem, na winasak noong 70 C.E. Habang nasa lupa, ang mga miyembro ng uring kasintahang babae ay sinabihan na ang kanilang “pagkamamamayan ay nasa langit” at na umaasa silang tumanggap ng “isang walang-kasiraan at walang-dungis at walang-kupas na mana.” “Ito ay nakataan sa langit para sa inyo,” sabi ng apostol na si Pedro.—Fil 3:20; 1Pe 1:4.
Noong 537 B.C.E., lumalang si Jehova ng “mga bagong langit at ng isang bagong lupa” nang ang mga Judiong nalabi ay isauli sa Jerusalem mula sa pagkatapon sa Babilonya. (Isa 65:17) Sa lunsod ng Jerusalem, ang pagkagobernador ni Zerubabel (isang inapo ni David) na tinutulungan ng mataas na saserdoteng si Josue, ang maliwanag na bumubuo sa “mga bagong langit” noon. (Hag 1:1, 14; tingnan ang LANGIT [Mga bagong langit at bagong lupa].) Ang Bagong Jerusalem, kasama si Kristo sa kaniyang trono sa makasagisag na lunsod na ito, ang bumubuo sa “mga bagong langit” na mamamahala sa “bagong lupa,” na siyang lipunan ng mga tao sa lupa.
Ang pangitaing nakita ni Juan tungkol sa Bagong Jerusalem ay nagbibigay ng karagdagang patunay na talagang ito ay isang makalangit na lunsod. Tanging isang makasagisag na lunsod ang maaaring magkaroon ng mga sukat at karilagan ng Bagong Jerusalem. Ang pundasyon nito ay parisukat, mga 555 km (345 mi) sa bawat panig, o mga 2,220 km (1,379 na mi) sa buong palibot, samakatuwid nga, 12,000 estadyo. Palibhasa’y hugis-kubiko, pare-pareho ang taas, haba, at lapad ng lunsod. Walang lunsod na gawang-tao ang makaaabot nang gayon hanggang sa malayong kalawakan. Sa palibot nito ay may isang pader na 144 na siko (64 na m; 210 piye) ang taas. Ang pader, na yari mismo sa jaspe, ay nakatayo naman sa 12 batong pundasyon, mahahalagang bato na may pambihirang kagandahan—jaspe, safiro, calcedonia, esmeralda, sardonica, sardio, crisolito, berilo, topacio, crisopasio, jacinto, at amatista. Nakaukit naman sa 12 batong pundasyon na ito ang mga pangalan ng 12 apostol ng Kordero. Hindi rin pahúhulí sa kaluwalhatian ang mismong lunsod na nasa loob ng magagandang pader na ito, sapagkat inilarawan ito bilang “dalisay na ginto na tulad ng malinaw na salamin,” anupat may malapad na daan na “dalisay na ginto, gaya ng malinaw na salamin.”—Apo 21:12-21.
Isang Dalisay at Kapaki-pakinabang na Pamamahala. Ang pasukan sa mariringal na pader ng Bagong Jerusalem ay ang 12 pintuang-daan nito, tatlo sa bawat panig, anupat ang bawat isa ay gawa sa isang napakalaking perlas. Bagaman ang mga pintuang-daan na ito ay hindi kailanman isinasara, “anumang bagay na hindi sagrado at sinumang gumagawa ng kasuklam-suklam na bagay at ng kasinungalingan ay hindi sa anumang paraan papasok sa loob nito; tangi lamang yaong mga nakasulat sa balumbon ng buhay ng Kordero.” Tunay ngang isa itong banal at sagradong lunsod, subalit walang makikitang templo ukol sa pagsamba, sapagkat “ang Diyos na Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat ang templo nito, gayundin ang Kordero.” At ang lunsod ay “hindi nangangailangan ng araw ni ng buwan man upang sumikat dito, sapagkat nililiwanagan ito ng kaluwalhatian ng Diyos, at ang lampara nito ay ang Kordero.” Magiging kapaki-pakinabang sa mga bansa ang pamamahala nito sa kanila, sapagkat “ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito.”—Apo 21:22-27.